Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 8/15 p. 4-7
  • Kaligtasan—Kung Ano Talaga ang Kahulugan Nito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaligtasan—Kung Ano Talaga ang Kahulugan Nito
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kaligtasan​—Masusumpungan Kaya sa Lahat ng Relihiyon?
  • Mahalaga sa Kaligtasan ang Tumpak na Kaalaman Tungkol kay Jesus
  • Mahalaga Rin ang Tumpak na Kaalaman sa Diyos
  • Sa Espiritu at Katotohanan
  • Nagpapakilos ang Pananampalataya
  • Kung Ano ang Maaaring Maging Kahulugan sa Iyo ng Kaligtasan
  • Panatilihing Maningning ang Iyong “Pag-asa ng Kaligtasan”!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Ano ang Kaligtasan?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • “Manampalataya Ka kay Jesus”—Sapat Na Ba ang Pananampalataya kay Jesus Para Maligtas?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Kung Ano ang Kailangang Gawin Natin Upang Maligtas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 8/15 p. 4-7

Kaligtasan​—Kung Ano Talaga ang Kahulugan Nito

‘LIGTAS ka na ba?’ Malimit, yaong nagtatanong ng ganito ay nakadaramang sila’y ligtas na sapagkat kanila nang ‘tinanggap si Jesus bilang kanilang personal na Tagapagligtas.’ Subalit nadarama naman ng iba na may iba’t ibang daan tungo sa kaligtasan at na hangga’t ‘si Jesus ay nasa iyong puso,’ hindi mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan mo o kung anong simbahan ang kinabibilangan mo.

Sinasabi ng Bibliya na kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas.” (1 Timoteo 2:3, 4) Kaya naman ang kaligtasan ay matatamo ng lahat na tatanggap nito. Ngunit ano nga ba talaga ang kahulugan ng pagiging ligtas? Ito nga ba ay isang bagay na nangyayari lamang sa iyo nang wala kang kahirap-hirap?

Ang salitang “kaligtasan” ay nangangahulugan ng “pagkasagip mula sa panganib o pagkapuksa.” Kaya ang tunay na kaligtasan ay nangangahulugan ng higit pa sa panatag na kalagayan ng isip. Nangangahulugan ito ng pagiging ligtas mula sa pagpuksa sa kasalukuyang balakyot na sistemang ito ng mga bagay at sa wakas mula sa kamatayan mismo! Ngunit sino nga ba ang ililigtas ng Diyos? Bilang sagot, suriin natin ang itinuro ni Jesu-Kristo tungkol sa paksang ito. Maaaring ikagulat mo ang magiging resulta ng ating pagsisiyasat.

Kaligtasan​—Masusumpungan Kaya sa Lahat ng Relihiyon?

Minsan, nakipag-usap si Jesus sa isang babaing Samaritana. Bagaman hindi siya isang Judio, tama naman ang paniniwala niya na darating ang Mesiyas “na tinatawag na Kristo.” (Juan 4:25) Sapat na ba ang gayong paniniwala upang siya ay maligtas? Hindi, sapagkat buong-tapang na sinabi ni Jesus sa babae: “Inyong sinasamba kung ano ang hindi ninyo nalalaman.” Batid ni Jesus na upang magtamo ng kaligtasan ang babaing ito, kailangan niyang baguhin ang kaniyang paraan ng pagsamba. Kaya naman nagpaliwanag si Jesus: “Gayunpaman, ang oras ay dumarating, at ito ay ngayon na, na ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.”​—Juan 4:22, 23.

Sa isa pang okasyon na doo’y isiniwalat ni Jesus ang kaniyang pangmalas tungkol sa kaligtasan ay nasangkot ang mga Fariseo, isang prominenteng relihiyosong sekta ng Judaismo. Nagtatag ang mga Fariseo ng isang sistema ng pagsamba at naniwala na ito ay sinasang-ayunan ng Diyos. Ngunit pakinggan ang mga salita ni Jesus sa mga Fariseo: “Kayong mga mapagpaimbabaw! Tama si Isaias nang humula siya tungkol sa inyo: ‘Ang bayang ito ay nagpaparangal sa akin sa kanilang mga labi, gayunman ang kanilang puso ay malayung-malayo sa akin. Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin; ang kanilang mga turo ay mga alituntunin lamang na itinuro ng mga tao.’ ”​—Mateo 15:7-9, New International Version.

Kumusta naman ang maraming grupong relihiyoso sa ngayon na nag-aangking naniniwala kay Kristo? Irerekomenda kaya ni Jesus ang lahat ng mga ito bilang lehitimong mga paraan upang makamit ang kaligtasan? Hindi tayo kailangang manghula tungkol dito, sapagkat malinaw ang sinabi ni Jesus: “Hindi ang bawat isa na nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng mga langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa mga langit. Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nanghula kami sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”​—Mateo 7:21-23.

Mahalaga sa Kaligtasan ang Tumpak na Kaalaman Tungkol kay Jesus

May seryosong ipinahihiwatig ang mga salitang ito ni Jesus. Ipinakikita ng mga ito na maraming debotong tao ang hindi ‘gumagawa ng kalooban ng Ama.’ Paano, kung gayon, makapagtatamo ang isa ng tunay na kaligtasan? Sumasagot ang 1 Timoteo 2:3, 4: “Kalooban [ng Diyos] na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”​—Ihambing ang Colosas 1:9, 10.

Napakahalaga ng gayong kaalaman sa pagtatamo ng kaligtasan. Nang magtanong kay apostol Pablo at sa kaniyang kasamang si Silas ang isang Romanong tagapagbilanggo, “Ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” sumagot sila: “Maniwala ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” (Gawa 16:30, 31) Nangangahulugan ba ito na ang kailangan lamang gawin ng tagapagbilanggo at ng kaniyang sambahayan ay ang makadama ng isang bagay sa kanilang puso? Hindi, sapagkat unang-una na, hindi sila tunay na ‘makapaniniwala sa Panginoong Jesus’ maliban nang sila’y may kaunting pagkaunawa kung sino si Jesus, kung ano ang ginawa niya, at kung ano ang itinuro niya.

Halimbawa, itinuro ni Jesus ang pagtatatag ng isang makalangit na pamahalaan​—ang “kaharian ng Diyos.” (Lucas 4:43) Itinakda rin niya ang mga simulain sa Kristiyanong moralidad at asal. (Mateo, kabanata 5-7) Binalangkas niya ang magiging paninindigan ng kaniyang mga alagad kung tungkol sa pulitikal na mga bagay. (Juan 15:19) Pinasimulan niya ang isang pangglobong programa sa pagtuturo at inatasan ang kaniyang mga tagasunod na makibahagi rito. (Mateo 24:14; Gawa 1:8) Oo, ang ‘paniniwala kay Jesus’ ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa maraming bagay! Hindi nakapagtataka, kung gayon, na “sinalita nina Pablo at Silas ang salita ni Jehova sa [tagapagbilanggo] kasama ang lahat niyaong nasa kaniyang bahay” bago nabautismuhan ang mga bagong mananampalatayang ito.​—Gawa 16:32, 33.

Mahalaga Rin ang Tumpak na Kaalaman sa Diyos

Isang mahalagang bahagi ng tunay na paniniwala kay Jesus ay ang pagsamba sa Diyos na sinasamba ni Jesus mismo. Nanalangin si Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

Sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, laging itinutuon ng Anak ng Diyos ang pansin sa kaniyang Ama at hindi sa kaniyang sarili. Hindi siya kailanman nag-angking siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (Juan 12:49, 50) Madalas na nililiwanag ni Jesus ang kaniyang katayuan sa kaayusan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasabi na siya’y nagpapasakop sa kaniyang Ama. (Lucas 22:41, 42; Juan 5:19) Aba, ipinahayag ni Jesus: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.” (Juan 14:28) Itinuro ba sa iyo ng iyong simbahan ang tunay na kaugnayan ng Diyos at ni Kristo? O kayo ay inakay na maniwalang si Jesus mismo ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Ang iyong kaligtasan ay nakasalalay sa pagkakaroon ng wastong unawa.

Sa Panalangin ng Panginoon, hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Pinalabo ng karamihan sa mga salin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos, anupat isinalin itong “Panginoon.” Ngunit sa sinaunang mga kopya ng “Lumang Tipan,” mahigit na anim na libong ulit lumilitaw ang pangalan ng Diyos! Kaya naman mababasa sa Awit 83:18: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Itinuro ba sa iyo na gamitin ang pangalan ng Diyos, ang Jehova? Kung hindi, nanganganib ang iyong kaligtasan, sapagkat “ang bawat isa na tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas”!​—Gawa 2:21; ihambing ang Joel 2:32.

Sa Espiritu at Katotohanan

Inakay rin ni Jesu-Kristo ang pansin sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kapag ipinaliliwanag ang pangmalas ng Diyos sa ilang bagay, malimit niyang sabihin: “Nasusulat.” (Mateo 4:4, 7, 10; 11:10; 21:13) Nang gabi bago siya mamatay, nanalangin si Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad: “Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.”​—Juan 17:17.

Kaya naman ang pagkakaroon ng unawa sa mga turo ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay isa pang kahilingan para sa kaligtasan. (2 Timoteo 3:16) Ang Bibliya lamang ang sumasagot sa mga tanong gaya ng: Ano ang kahulugan ng buhay? Bakit pinahintulutan ng Diyos ang kabalakyutan na magpatuloy nang napakatagal? Ano ang nangyayari sa isang tao pagkamatay niya? Talaga nga bang pinahihirapan ng Diyos ang mga tao sa isang maapoy na impiyerno? Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa?a Hindi makasasamba nang wasto ang isa sa Diyos kung walang wastong pagkaunawa sa mga bagay na ito, sapagkat sinabi ni Jesus: “Ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.”​—Juan 4:23.

Nagpapakilos ang Pananampalataya

Higit pa ang nasasangkot sa kaligtasan kaysa basta pagkuha lamang ng impormasyon. Sa isang bukas na puso, nagbubunga ng pananampalataya ang tumpak ng kaalaman sa Diyos. (Roma 10:10, 17; Hebreo 11:6) Ang gayong pananampalataya ay nag-uudyok sa isa na kumilos. Halimbawa, ipinapayo ng Bibliya: “Magsisi kayo, samakatuwid, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga kapanahunan ng pagpapanariwa ay dumating mula sa persona ni Jehova.”​—Gawa 3:19.

Oo, kasali rin sa kaligtasan ang pag-ayon ng sarili sa mga pamantayan ng Diyos sa paggawi at moralidad. Sa ilalim ng nagpapabagong impluwensiya ng Salita ng Diyos, ang matagal nang mga kinaugalian na pagsisinungaling at pandaraya ay pinapalitan ng pagkamatapat at pagiging totoo. (Tito 2:10) Ang imoral na mga gawain, tulad ng homoseksuwalidad, pangangalunya, at pakikiapid, ay iwinawaksi at hinahalinhan ng malinis na paggawi. (1 Corinto 6:9-11) Hindi ito pansamantalang paghinto salig sa emosyon kundi isang permanenteng pagbabago bunga ng masusing pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos.​—Efeso 4:22-24.

Sa kalaunan, ang pag-ibig at pagpapahalaga sa Diyos ang nagpapakilos sa isang tapat-pusong tao na lubusang mag-alay sa Diyos at sagisagan ito ng bautismo sa tubig. (Mateo 28:19, 20; Roma 12:1) Ang mga bautisadong Kristiyano ay ligtas sa paningin ng Diyos. (1 Pedro 3:21) Sa panahon ng dumarating na pagpuksa sa balakyot na sistemang ito, lubusan silang ililigtas ng Diyos sa pamamagitan ng pag-iingat sa kanila sa kapighatiang iyan.​—Apocalipsis 7:9, 14.

Kung Ano ang Maaaring Maging Kahulugan sa Iyo ng Kaligtasan

Maliwanag mula sa maikling pagtalakay na ito na sa pagtatamo ng kaligtasan ay higit pa ang nasasangkot bukod pa sa ‘pagiging naroroon ng Panginoong Jesus sa iyong puso.’ Nangangahulugan ito ng pagkuha ng tumpak na kaalaman sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo at paggawa ng kinakailangang pagbabago sa buhay ng isa. Maaaring waring mahirap ang paggawa nito, ngunit nalulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka sa pagsisikap na ito. Sa pamamagitan ng isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya, matutulungan ka nila na magsimulang lumakad sa landas tungo sa tunay na kaligtasan.b

Dahil sa napakalapit na ng pagdating ng araw ng paghuhukom ng Diyos, ang paggawa nito ay apurahan nang higit kailanman! Ngayon ang panahon upang dinggin ang mga salita ng propeta: “Bago sumapit sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat ng maaamo sa lupa, na nagsagawa ng Kaniyang sariling hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”​—Zefanias 2:2, 3.

[Mga talababa]

a Para sa pagtalakay sa mga paksang ito, pakisuyong tingnan Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Kung ibig mo ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, pakisuyong makipag-alam sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar. O maaari kang sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.

[Kahon sa pahina 6]

Ang Kaligtasan ay Bunga ng. . .

◻ Pagtatamo ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesus.​—Juan 17:3.

◻ Pagsasagawa ng pananampalataya.​—Roma 10:17; Hebreo 11:6.

◻ Pagsisisi at panunumbalik.​—Gawa 3:19; Efeso 4:22-24.

◻ Pag-aalay at bautismo.​—Mateo 16:24; 28:19, 20.

◻ Patuloy na paggawa ng pangmadlang pagpapahayag.​—Mateo 24:14; Roma 10:10.

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang pag-aaral ng Bibliya, pagkakapit ng natutuhan, pag-aalay, at bautismo ay mga hakbang na umaakay sa kaligtasan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share