Nagpapakita ng Pagkamaygulang ang Pagkilala sa Simulain
ANG masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian. Aanihin mo ang iyong inihasik. (1 Corinto 15:33; Galacia 6:7) Sa pisikal man o sa espirituwal na paraan, ang bawat pangungusap ay halimbawa ng isang saligang katotohanan—isang simulain—at bawat isa ay naglalaan ng batayan para sa mga batas. Subalit maaaring pansamantala lamang ang mga batas, at ang mga ito ay nagiging espesipiko. Sa kabilang banda, ang mga simulain ay malawak, at ang mga ito ay maaaring mamalagi magpakailanman. Kaya naman, pinasisigla tayo ng Salita ng Diyos na mag-isip salig sa mga simulaing nasasangkot hangga’t maaari.
Binibigyang-katuturan ng Webster’s Third New International Dictionary ang salitang simulain bilang “isang pangkalahatan o saligang katotohanan: isang malawak at saligang batas, doktrina, o palagay na pinagbabatayan ng iba o pinagmumulan ng iba.” Halimbawa, sa isang bata ay maaaring ibigay ng isa ang batas, “Hindi mo dapat hipuin ang kalan.” Ngunit sa isang nasa hustong gulang ay sapat na ang pangungusap na, “Mainit ang kalan.” Pansinin na ang huli ay mas malawak na pangungusap. Dahil sa inuugitan nito ang maaaring gawin ng isa—marahil ang magluto, mag-bake, o patayin ang apoy ng kalan—ito sa isang diwa ay nagiging isang simulain.
Mangyari pa, ang mga pangunahing simulain sa buhay ay espirituwal; inuugitan ng mga ito ang ating pagsamba sa Diyos at ang ating kaligayahan. Subalit ang ilan ay hindi nagsisikap na mangatuwiran batay sa mga simulain. Mas gusto nila ang kaalwanan ng isang alituntunin kapag napaharap sa isang pasiya. Ito ay di-karunungan at malayung-malayo sa halimbawa ng tapat na mga tao noong panahon ng Bibliya.—Roma 15:4.
Mga Taong may Makadiyos na Simulain
Sa gitna ng di-sakdal na mga tao, matatawag si Abel bilang ang pinakaunang tao na may makadiyos na simulain. Malamang na pinag-isipan niyang mabuti ang pangako tungkol sa “binhi” at naunawaang ang pagkatubos sa kasalanan ay nangangailangan ng dugo bilang hain. (Genesis 3:15) Kaya naman naghandog siya sa Diyos ng “ilang panganay ng kaniyang kawan.” Ang pariralang “maging ang kanilang matatabang piraso” ay nagpapakitang ibinigay ni Abel kay Jehova ang pinakamainam na taglay niya. Gayunman, mahigit na dalawang libong taon pa pagkamatay ni Abel nang ibigay ng Diyos ang detalyadong mga kahilingan hinggil sa mga paghahain. Ibang-iba naman sa taong may takot sa Diyos at may simulain na si Abel, ang kaniyang kapatid na si Cain ay paimbabaw lamang na naghain sa Diyos. Subalit hindi kanais-nais ang kaniyang saloobin, anupat may isang bagay sa kaniyang handog na nagpapahiwatig ng isang pusong walang simulain.—Genesis 4:3-5.
Si Noe ay isa ring taong may makadiyos na simulain. Bagaman ipinakikita ng ulat sa Bibliya na ang Diyos ay espesipikong nag-utos sa kaniya na magtayo ng isang daong, wala tayong mababasang utos na siya’y mangaral sa iba. Gayunman, si Noe ay tinawag na “isang mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Bagaman malamang na inutusan ng Diyos si Noe na mangaral, tiyak na ang pagkaunawa niya sa simulain at ang kaniyang pag-ibig sa kapuwa ay nagpakilos din sa kaniya na gawin iyon. Yamang nabubuhay tayo sa panahong katulad ng kay Noe, tularan natin ang kaniyang mainam na saloobin at halimbawa.
Di-tulad ng klero noong kaniyang panahon, tinuruan ni Jesus ang mga tao na mag-isip batay sa mga simulain. Isang halimbawa ang kaniyang Sermon sa Bundok. Ang pangkalahatang katangian nito ay isang paghimok salig sa simulain. (Mateo, kabanata 5-7) Nagturo si Jesus sa ganitong paraan dahil talagang kilala niya ang Diyos tulad nina Abel at Noe na nauna sa kaniya. Kahit na noong isang bata pa lamang, iginagalang na niya ang saligang katotohanan: “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalitang nanggagaling sa bibig ni Jehova.” (Deuteronomio 8:3; Lucas 2:41-47) Oo, ang susi upang maging isang taong may makadiyos na simulain ay ang makilala si Jehova, ang kaniyang mga ninanais, hindi ninanais, at ang kaniyang mga layunin. Kapag ang mga simulaing ito tungkol sa Diyos ang siyang umuugit sa ating buhay, ang mga ito, sa katunayan, ay nagiging buháy na mga simulain.—Jeremias 22:16; Hebreo 4:12.
Ang mga Simulain at ang Puso
Posibleng sundin ang isang batas nang may pag-aatubili, marahil dahil sa takot na maparusahan bunga ng pagsuway. Subalit hinahadlangan ng pagsunod sa isang simulain ang gayong saloobin, sapagkat ang pinakadiwa ng mga simulain ay ang bagay na ang pagtugon sa mga ito ay dapat na udyok ng puso. Isaalang-alang si Jose na, tulad nina Abel at Noe, nabuhay bago itatag ang tipan ng Batas Mosaiko. Nang tangkain ng asawa ni Potipar na akitin siya, tumugon si Jose: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at aktuwal na magkasala sa Diyos?” Oo, batid ni Jose ang simulain na ang mag-asawa ay “isang laman.”—Genesis 2:24; 39:9.
Ang sanlibutan sa ngayon ay salat na salat sa matuwid na mga simulain. Gustung-gusto nito ang karahasan at imoralidad. Ang panganib ay na baka matukso ang isang Kristiyano na magkukot, marahil nang palihim, sa katulad na sitsiriya—mga pelikula, video, o mga aklat. Tunay ngang kapuri-puri, kung gayon, kapag tulad ni Jose ay tinatanggihan natin ang masama dahil sa simulain, anupat tinatandaan na ang mga matapat lamang ang iingatan ng Diyos sa dumarating na “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21) Oo, pangunahin nang kung ano tayo sa pribado, hindi sa publiko, ang nagsisiwalat kung ano talaga tayo sa loob.—Awit 11:4; Kawikaan 15:3.
Nangyayari na kung inaakay tayo ng mga simulain sa Bibliya, hindi tayo hahanap ng inaakalang mga butas sa mga batas ng Diyos; ni sisikapin man nating subukin kung hanggang saan ang magagawa natin nang hindi aktuwal na nakalalabag sa isang batas. Nakapipinsala sa sarili ang gayong kaisipan; tayo ang masasaktan sa bandang huli.
Suriin ang Nasa Likod ng Batas
Sabihin pa, mahalagang papel ang ginagampanan ng mga batas sa buhay ng isang Kristiyano. Ang mga ito ay tulad ng mga bantay na tumutulong upang ipagsanggalang tayo, at sa pundasyon ng mga ito ay naroon ang maraming mahalagang simulain. Ang hindi pagkilala sa mga simulaing ito ay maaaring magpalamig ng ating pag-ibig sa kaugnay na mga batas. Ipinakita ito ng sinaunang bansang Israel.
Ibinigay ng Diyos sa Israel ang Sampung Utos, na ang una rito ay nagbabawal ng pagsamba sa anumang ibang diyos maliban kay Jehova. Na nilalang ni Jehova ang lahat ng bagay ay isang saligang katotohanan sa likod ng batas na ito. (Exodo 20:3-5) Ngunit namuhay ba ang bansa ayon sa simulaing ito? Si Jehova mismo ang sumagot: “ ‘Ikaw ang aming ama’ [sabi ng mga Israelita] sa isang piraso ng kahoy at [sila’y tumatawag ng] ‘Ina’ sa isang bato. Ngunit sa akin [kay Jehova] ay tumalikod sila at inilayo sa akin ang kanilang mga mukha.” (Jeremias 2:27, The New English Bible) Tunay ngang isang manhid at walang-prinsipyong kamangmangan! At talaga namang nasaktan si Jehova!—Awit 78:40, 41; Isaias 63:9, 10.
Ang mga Kristiyano rin naman ay may mga batas mula sa Diyos. Halimbawa, dapat nilang iwasan ang idolatriya, seksuwal na imoralidad, at ang maling paggamit sa dugo. (Gawa 15:28, 29) Kapag inisip ninyo ito, mauunawaan natin ang saligang mga simulain, tulad ng: karapat-dapat sa Diyos ang ating bukod-tanging debosyon; dapat tayong maging tapat sa ating kabiyak; at si Jehova ang ating Tagapagbigay-Buhay. (Genesis 2:24; Exodo 20:5; Awit 36:9) Kung ating kapuwa kinikilala at lubhang pinahahalagahan ang mga simulain sa likod ng mga utos na ito, makikita natin na ang mga ito ay para sa ating ikabubuti. (Isaias 48:17) Sa atin, ang “mga kautusan [ng Diyos] ay hindi nakapagpapabigat.”—1 Juan 5:3.
Samantalang may panahon na ipinagwalang-bahala ng mga Israelita ang mga kautusan ng Diyos, pagsapit ng panahon ni Jesus ay masahol naman ang ginawa ng kanilang “mga doktor sa batas,” ang mga eskriba. Bumuo sila ng gabundok na mga alituntunin at mga tradisyon na humadlang sa dalisay na pagsamba at nagkubli sa makadiyos na mga simulain. (Mateo 23:2, NEB) Tinanggap na lamang ng mga tao ang kabiguan, kawalang-pag-asa, o pagpapaimbabaw. (Mateo 15:3-9) At hindi makatao ang marami sa mga gawang-taong alituntunin. Nang pagagalingin na lamang ang isang taong may tuyot na kamay, tinanong ni Jesus ang mga Fariseong naroroon: “Kaayon ba ng batas na kapag sabbath ay gumawa ng isang mabuting gawa?” Ang kanilang katahimikan ay nagpapahiwatig na hindi, anupat si Jesus ay ‘lubusang napighati dahil sa pagkamanhid ng kanilang mga puso.’ (Marcos 3:1-6) Maaaring tulungan ng mga Fariseo ang isang alagang hayop (isa na pagkakakitaan ng salapi) na nalagay sa kagipitan o nasaktan sa araw ng Sabbath ngunit hindi ang isang lalaki o isang babae—maliban nang iyon ay nanganganib na mamatay. Sa katunayan, gayon na lamang ang kanilang pangungunyapit sa mga gawang-taong alituntunin at detalye anupat gaya ng mga langgam na nagkukumamot sa isang kuwadro, hindi nila nakita ang buong larawan—ang mga banal na simulain.—Mateo 23:23, 24.
Subalit kahit na ang mga bata, kapag sila’y taimtim, ay makapagpaparangal kay Jehova sa pamamagitan ng kanilang pagpapahalaga sa mga simulain sa Bibliya. Ang guro ng 13-taong-gulang na si Rebecca ay nagtanong sa klase kung sino ang magsusugal. Karamihan ay nagsabing hindi nila gagawin iyon. Subalit nang bumanggit ng iba’t ibang situwasyon, lahat maliban kay Rebecca ay umamin na sa paano man ay magsusugal sila. Tinanong ng guro si Rebecca kung bibili siya ng isang 20-sentimos na tiket sa ripa para sa isang kapaki-pakinabang na layunin. Si Rebecca ay sumagot ng hindi at nagbigay ng maka-Kasulatang mga dahilan kung bakit ang paggawa ng gayon ay isang anyo ng pagsusugal. Pagkatapos ay sinabi ng kaniyang guro sa buong klase: ‘Sa palagay ko, si Rebecca lamang ang naririto na nagtataglay ng tinatawag kong “mga simulain” sa tunay na diwa ng salitang ito.’ Oo, maaari namang sabihin na lamang ni Rebecca, “Iyon ay labag sa aking relihiyon,” ngunit mas malalim pa rito ang kaniyang pag-iisip; nakasagot siya kung bakit mali ang pagsusugal at kung bakit ayaw niyang makibahagi rito.
Ang mga halimbawa tulad nina Abel, Noe, Jose, at Jesus ay nagpapakita sa atin kung paano tayo nakikinabang sa paggamit ng ating “kakayahang umisip” at ng ating “kakayahan sa pangangatuwiran” sa pagsamba sa Diyos. (Kawikaan 2:11; Roma 12:1) Makabubuti sa Kristiyanong matatanda na tularan si Jesus habang sila’y ‘nagpapastol sa kawan ng Diyos na nasa [kanilang] pangangalaga.’ (1 Pedro 5:2) Gaya ng mainam na inilarawan ni Jesus, ang mga umiibig sa makadiyos na mga simulain ay yaong mamumuhay sa ilalim ng soberanya ni Jehova.—Isaias 65:14.