Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Isang Halimbawa ng Pagsasakripisyo-sa-Sarili at Pagkamatapat
PARA sa isang kabataang magsasaka na nagngangalang Eliseo, ang nasimulang araw na iyon na kinaugaliang pag-aararo ay naging pinakamahalagang araw sa kaniyang buhay. Samantalang nagtatrabaho siya sa bukid, hindi inaasahan ni Eliseo na dadalawin siya ni Elias, ang pangunahing propeta sa Israel. ‘Ano kaya ang kailangan niya sa akin?’ maaaring naisip ni Eliseo. Hindi na siya naghintay nang matagal para sa sagot. Inihagis ni Elias ang kaniyang opisyal na kasuutan kay Eliseo, anupat ipinakita na isang araw ay hahalili si Eliseo sa kaniya. Hindi ipinagkibit-balikat ni Eliseo ang panawagang ito. Agad-agad, iniwan niya ang kaniyang bukid at naging katulong ni Elias.—1 Hari 19:19-21.
Paglipas ng mga anim na taon, kinailangan nang umalis si Elias. Ang ulat tungkol sa kaniyang paglisan ay tinawag na ang “isa sa pinakakahanga-hangang salaysay” sa Hebreong Kasulatan.
Naghanda sa Paglisan si Elias
Sa huling pagkakataon ay nais ni Elias na dumalaw sa Bethel, Jerico, at Jordan. Nangangahulugan ito ng paglalakad nang maraming milya, ang ilan dito ay sa mga bulubunduking lugar. Sa bawat yugto ng paglalakbay, hinimok ni Elias na magpaiwan na si Eliseo. Subalit nagpilit si Eliseo na sumama sa kaniyang panginoon hanggang sa wakas.—2 Hari 2:1, 2, 4, 6.
Samantalang nasa Bethel at sa Jerico, lumapit kay Eliseo “ang mga anak ng mga propeta.”a “Talaga bang nalalaman mo na ngayon ay kukunin ni Jehova ang iyong panginoon mula sa pagkaulo sa iyo?” ang tanong nila sa kaniya. “Alam na alam ko rin iyon,” ang tugon niya. “Tumahimik kayo.”—2 Hari 2:3, 5.
Pagkatapos ay naglakbay naman patungong Ilog Jordan sina Elias at Eliseo. Nang marating nila ang Jordan, gumawa ng himala si Elias samantalang nakatingin sa di-kalayuan ang mga 50 anak ng mga propeta. “Kinuha ni Elias ang kaniyang opisyal na kasuutan at tiniklop iyon at hinampas ang tubig, at unti-unting nahati ang mga iyon patungo rito at patungo roon, kaya tumawid silang dalawa sa tuyong lupa.”—2 Hari 2:8.
Nang makatawid na sila, sinabi ni Elias kay Eliseo: “Hilingin mo kung ano ang gagawin ko para sa iyo bago ako kunin mula sa iyo.” Hiniling ni Eliseo ang “dalawang bahagi” ng espiritu ni Elias—samakatuwid nga, ang dobleng bahagi na karaniwang ibinibigay sa panganay na anak na lalaki. Totoo naman, pinarangalan ni Eliseo si Elias kung paanong pinararangalan ng isang panganay na anak na lalaki ang kaniyang ama. Isa pa, siya ay pinahiran upang maging kapalit ni Elias bilang propeta ni Jehova sa Israel. Kaya hindi naman mapag-imbot ni di-angkop ang kaniyang kahilingan. Gayunpaman, sa pagkaalam na si Jehova lamang ang makapagkakaloob sa kahilingang ito, may kababaang-loob na sumagot si Elias: “Mahirap na bagay ang iyong hiniling.” Pagkatapos ay isinusog niya: “Kung makikita mo akong kinukuha mula sa iyo, gayon ang mangyayari sa iyo; ngunit kung hindi, hindi iyon mangyayari.”—2 Hari 2:9, 10; Deuteronomio 21:17.
Walang-alinlangan na si Eliseo ay lalong naging determinado na manatiling malapit sa kaniyang panginoon. Nang magkagayon, lumitaw ang “isang maapoy na karong pandigma at mga maaapoy na kabayo.” Sa harap mismo ng nandilat na mga mata ni Eliseo, si Elias ay tinangay pataas ng isang buhawi—anupat makahimalang inilipat sa ibang dako.b Dinampot ni Eliseo ang opisyal na kasuutan ni Elias at lumakad pabalik sa baybayin ng Ilog Jordan. Hinampas niya ang tubig, anupat sinabi: “Nasaan si Jehova na Diyos ni Elias, Siya mismo?” Nahati ang tubig, anupat malinaw na nagpatunay na taglay ni Eliseo ang pagtangkilik ng Diyos bilang kapalit ni Elias.—2 Hari 2:11-14.
Mga Aral Para sa Atin
Nang anyayahan para sa pantanging paglilingkod kasama ni Elias, iniwan agad ni Eliseo ang kaniyang bukid upang maglingkod sa pangunahing propeta ng Israel. Lumilitaw na ang ilan sa kaniyang mga tungkulin ay hamak, sapagkat nakilala siya bilang ang isa na “nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias.”c (2 Hari 3:11) Gayunpaman, minalas ni Eliseo ang kaniyang gawain bilang isang pribilehiyo, at matapat siyang nanatiling kasama ni Elias.
Marami sa mga lingkod ng Diyos ngayon ang nagpapamalas ng gayunding espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili. Iniwan ng ilan ang kanilang “bukid,” ang kanilang kabuhayan, upang mangaral ng mabuting balita sa malalayong teritoryo o upang maglingkod bilang mga miyembro ng isang pamilyang Bethel. Ang iba ay naglakbay sa banyagang mga lupain upang magtrabaho sa mga proyekto ng Samahan sa pagtatayo. Marami ang tumanggap sa maituturing na hamak na mga gawain. Subalit, walang sinuman na nagpapaalipin kay Jehova ang gumagawa ng isang walang-kabuluhang paglilingkod. Pinahahalagahan ni Jehova ang lahat ng kusang-loob na naglilingkod sa kaniya, at pagpapalain niya ang kanilang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili.—Marcos 10:29, 30.
Si Eliseo ay nanatili kay Elias hanggang sa wakas. Tumanggi siyang iwan ang matanda nang propeta kahit nang bigyan siya ng pagkakataon. Walang alinlangan, ang matalik na kaugnayan na kaniyang nilinang kay Elias ay nagpaging kalugud-lugod sa gayong matapat na pag-ibig. Sa ngayon, nagsisikap ang mga lingkod ng Diyos na mapatibay ang kanilang kaugnayan sa Diyos at lalong mapalapit sa kanilang mga kapananampalataya. Ang matalik na buklod ng pagkakaisa ay pagpapalain, sapagkat sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova: “Sa isa na matapat ay kikilos ka sa pagkamatapat.”—2 Samuel 22:26.
[Mga talababa]
a Ang pananalitang “mga anak ng mga propeta” ay maaaring tumukoy sa pagsasanay para sa mga tinawag sa ganitong gawain o basta isang nagkakaisang samahan ng mga propeta.
b Ang mensahe ni Elias kay Haring Jehoram ng Juda ay isinulat pagkalipas ng mga ilang taon.—2 Cronica 21:12-15.
c Kaugalian na para sa isang lingkod na buhusan ng tubig ang mga kamay ng kaniyang panginoon para maghugas, lalo na pagkatapos kumain. Ang kaugaliang ito ay katulad ng paghuhugas ng mga paa, na isang gawa ng pagkamapagpatuloy, pagkamagalang, at sa ilang ugnayan, ng pagkamapagpakumbaba.—Genesis 24:31, 32; Juan 13:5.