Namamahala si Jehova Taglay ang Pagkamadamayin
MARAMING tagapamahalang tao sa buong kasaysayan ang gumamit ng kapangyarihan nang walang-pakundangan na ipinagdusa ng kanilang mga nasasakupan. Gayunman, nagpakita ng malaking kaibahan si Jehova sa pamamagitan ng pagpili sa isang bansa—ang Israel—at pamamahala rito nang may pagkamadamayin.
Samantalang alipin pa ang mga Israelita sa sinaunang Ehipto, narinig ni Jehova ang kanilang mga daing sa paghingi ng tulong. “Sa lahat nilang kadalamhatian ay nagdadalamhati siya. . . . Sa kaniyang pag-ibig at sa kaniyang pagkamadamayin ay kaniyang tinubos sila.” (Isaias 63:9) Iniligtas ni Jehova ang Israel, pinaglaanan sila ng makahimalang pagkain, at dinala sila sa isang lupain na aariin nila.
Ang pagiging madamayin ni Jehova ay higit pang naipamalas sa mga batas na ibinigay niya sa bansang ito. Inutusan niya ang mga Israelita na maging madamayin sa mga ulila, babaing balo, at mga naninirahang dayuhan. Hindi nila dapat pagsamantalahan ang mga may kapansanan.
Kahilingan ng Batas na ipakita ang pagkamadamayin sa mga nangangailangan. Ang mga dukha ay maaaring mamulot ng mga naiwan pagkatapos ng pag-aani. Kinakansela ang mga utang sa (ikapitong) taon ng Sabbath. Lahat ng minanang lupain na naipagbili ay dapat ibalik sa (ika-50) taon ng Jubileo. Ganito ang ulat ng Ancient Israel—Its Life and Institutions: “Sa Israel, talagang walang umiral na mga grupo sa lipunan sa makabagong diwa.” “Noong mga unang araw ng paninirahan, lahat ng Israelita ay nagtamasa humigit-kumulang ng iisang pamantayan sa pamumuhay.”—Levitico 25:10; Deuteronomio 15:12-14; 24:17-22; 27:18.
Tinutularan ang Pagkamadamayin ni Jehova
Ang mga lingkod ng Diyos ay napukaw ng kaniyang pagkamadamayin. Halimbawa, sa buong kasaysayan, pinapatay ng ilang bagong hari ang nalalabing miyembro ng nakaraang maharlikang dinastiya. Ngunit hindi ito ginawa ng lingkod ni Jehova na si David. Pagkamatay ni Haring Saul, pinangalagaan ni David si Mefiboshet, ang natitirang apo at tagapagmana ni Saul. “Ang hari ay nakadama ng pagkamadamayin kay Mefiboshet na anak ni Jonatan na anak ni Saul.”—2 Samuel 21:7.
Wala nang iba pang tao na nakatulad sa pagkamadamayin ni Jehova na gaya ng ginawa ni Jesus. Ang marami sa kaniyang mga himala ay udyok ng makadiyos na pagkamadamayin. Minsan ay namanhik sa kaniya ang isang ketongin: “Kung ibig mo lamang, ay mapalilinis mo ako.” Si Jesus ay naantig sa pagkahabag at hinipo siya, anupat sinabi: “Ibig ko. Luminis ka.” (Marcos 1:40-42) Sa isa namang pagkakataon ay sumunod kay Jesus ang napakaraming tao. Sa gitna ng pagkakaingay, nagbigay-pansin si Jesus sa dalawang taong bulag na sumigaw: “ ‘Panginoon, maawa ka sa amin, Anak ni David!’ . . . Naantig sa pagkahabag, hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata, at kaagad-agad sila ay tumanggap ng paningin.”—Mateo 20:29-34.
Ang malalaking pulutong ay hindi nagpamanhid ng damdamin ni Jesus para sa iba. Dahil matagal-tagal na silang hindi kumakain, minsa’y sinabi niya: “Nahahabag ako sa pulutong.” Kaya pinakain niya sila sa makahimalang paraan. (Marcos 8:1-8) Nang maglibot si Jesus, hindi lamang niya tinuruan ang karamihan kundi isinaalang-alang din ang kanilang mga pangangailangan. (Mateo 9:35, 36) Pagkatapos ng gayong paglilibot, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay hindi na nagkaroon ng malayang panahon upang kumain man lamang. Sinasabi sa atin ng salaysay sa Bibliya: “Kaya umalis sila nang sila-sila lamang na nasa bangka patungo sa isang dakong liblib. Subalit nakita sila ng mga tao na pumaparoon at marami ang nakaalam nito, at mula sa lahat ng mga lunsod ay nagsitakbo sila roong magkakasama at nauna pa sa kanila. Buweno, pagkababa, nakita niya ang isang malaking pulutong, ngunit naantig siya sa pagkahabag sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol. At nagpasimula siyang magturo sa kanila ng maraming mga bagay.”—Marcos 6:31-34.
Ang nakaantig kay Jesus ay hindi lamang ang sakit at karukhaan ng mga tao kundi ang kanilang espirituwal na kalagayan. Pinagsasamantalahan sila ng kanilang mga lider, kaya si Jesus ay ‘naantig sa pagkahabag sa kanila.’ Ang Griegong salita para sa ‘naantig sa pagkahabag’ ay nangangahulugang “makadama ng pagmimithi ang bituka.” Si Jesus ay talaga namang isang taong madamayin!
Pagkamadamayin sa Isang Malupit na Sanlibutan
Si Jesu-Kristo ngayon ang Hari ng makalangit na Kaharian ni Jehova. Gaya ng ginawa niya sa sinaunang Israel, ang Diyos ay namamahala ngayon sa kaniyang bayan taglay ang pagkamadamayin. “ ‘Sila nga’y magiging akin,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘sa araw na gagawa ako ng pantanging pag-aari. At ako’y magpapakita ng pagdamay sa kanila.’ ”—Malakias 3:17.
Yaong mga nagnanais na maranasan ang pagiging madamayin ni Jehova ay kailangang tumulad sa kaniyang mga daan. Totoo, namumuhay tayo sa isang sanlibutan na ang mga tao ay mas interesado sa pagpapanatili ng kanilang istilo ng pamumuhay kaysa sa pagtulong sa mga nangangailangan. Madalas na nagsisikap makakuha ng pakinabang ang mga taong nasa kapangyarihan kapalit ng kaligtasan ng mga manggagawa at mamimili. Sa 2 Timoteo 3:1-4, buong-kawastuang inilarawan ng Bibliya ang moral na kalagayan sa ating panahon na siyang dahilan kung bakit napakarami ang hindi na nakadarama ng pagkamadamayin.
Gayunpaman, malamang na makasumpong tayo ng mga pagkakataon upang magpakita ng pagkamadamayin. Maaari kaya tayong mag-alok ng kinakailangang tulong sa ating mga kapitbahay? Mayroon kayang may sakit na maaari nating dalawin? Maaari kaya nating aliwin yaong nanlulumo, kasuwato ng payo: “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina”?—1 Tesalonica 5:14.
Matutulungan din tayo ng pagkamadamayin upang maiwasan ang padalus-dalos na pagkilos kapag ang iba ay nagkakamali. Sinabihan tayo: “Ang lahat ng mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo kasama ng lahat ng kasamaan. Kundi maging mabait kayo sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay malayang nagpatawad din sa inyo.”—Efeso 4:31, 32.
Tutulong din sa atin ang pagkamadamayin upang maiwasan ang hilig na mag-abuso sa kapangyarihan. Sinasabi ng Bibliya: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.” (Colosas 3:12) Pangyayarihin ng kababaan ng isip na mailagay natin ang ating sarili sa kalagayan niyaong ating pinangangasiwaan. Sa pagiging madamayin ay nasasangkot ang pagiging mapagpakumbaba at makatuwiran sa halip ng pagiging mahirap palugdan. Ang kahusayan ay hindi dapat gawing dahilan upang tratuhin ang iba na parang mga bahagi lamang ng isang makina. Gayundin, inaalala ng madamaying mga asawang lalaki sa pamilya na ang kanilang mga kabiyak ay mas mahinang sisidlan. (1 Pedro 3:7) Makatutulong sa atin sa lahat ng ito ang pagsasaalang-alang sa halimbawa ni Jesus sa pagiging madamayin.
Yamang gayon na lamang katindi ang nadama ni Jesus para sa mga tao noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, makatitiyak tayo na siya ngayon ay isang madamaying Tagapamahala, at magpapatuloy siya sa pagiging gayon. Ganito ang makahulang sinabi tungkol sa kaniya ng Awit 72: “Hayaang hatulan niya ang mga napipighati sa bayan, hayaang iligtas niya ang mga anak ng isa na dukha, at hayaang durugin niya ang mandaraya. At siya’y magkakaroon ng mga sakop sa mga dagat at sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa. Makadarama siya ng pagkaawa sa isa na mababa at sa isa na dukha, at ililigtas niya ang kaluluwa ng mga dukha.”—Awit 72:4, 8, 13.
Inihula ng Salita ng Diyos: “Hahatol siya na may katuwiran sa mga dukha, at sasaway na may katuwiran sa kapakanan ng maaamo sa lupa. . . . Papatayin niya ang balakyot.” Pagkatapos ilarawan kung paanong kahit ang ilang malupit at makahayop na mga tao ay magbabago ng kanilang landas, nagpatuloy ang hula: “Hindi sila gagawa ng anumang pinsala o magpapangyari ng anumang pagkasira sa aking buong bundok na banal; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova kung paanong ang mga katubigan ay tumatakip sa mismong dagat.” (Isaias 11:4-9) Aktuwal na ipinangangako ng hulang ito ang isang pambuong-lupang lipunan ng mga tao na nakakakilala kay Jehova at tumutulad sa kaniyang madamaying mga daan!