Pinalalakas ang Ating Pananampalataya sa Salita ng Diyos
HIGIT na maraming tao ang nakabasa ng Bibliya kaysa sa anumang ibang aklat. Ngunit gaano karami ang nagpamalas ng pananampalataya sa mensahe nito? Ipinaliliwanag ng Bibliya mismo na “ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.” (2 Tesalonica 3:2) Maliwanag, hindi tayo isinilang na taglay ang pananampalataya. Ito’y kailangang linangin. Maging yaong may isang antas ng pananampalataya ay hindi dapat ipagwalang-bahala ito. Ang pananampalataya ay maaaring humina at mawala. Kaya naman, kailangan ang pagsisikap upang manatiling “malusog sa pananampalataya.”—Tito 2:2.
May mabuting dahilan, kung gayon, na pinili ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang temang “Pananampalataya sa Salita ng Diyos” para sa kanilang 1997/98 serye ng pandistritong mga kombensiyon. Milyun-milyong Saksi at iba pa ang sa gayo’y nagkapribilehiyong magtipong sama-sama upang palakasin ang kanilang pananampalataya sa Salita ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos Ay Katotohanan—Ang Saligan ng Ating Pananampalataya
Ito ang tema sa unang araw ng kombensiyon. Nagsimula ito sa pagbibigay ng komendasyon sa lahat ng dumalo. Ang pagkanaroroon sa kombensiyon ay katunayan ng paggalang sa Bibliya. Gayunman, seryosong mga tanong ang iniharap hinggil sa kalidad ng ating pananampalataya: ‘Kaya ba nating ipagtanggol ang ating paniniwala, anupat ginagamit ang Salita ng Diyos bilang awtoridad? Nagpapahalaga ba tayo sa espirituwal na pagkain, anupat hindi ipinagwawalang-bahala ang Bibliya, mga pulong sa kongregasyon, at salig-Bibliyang mga publikasyon? Tayo ba’y lumalago sa pag-ibig, tumpak na kaalaman, at kaunawaan?’ Pinasigla ng tagapagsalita ang lahat na matamang makinig, anupat binanggit na “ang ‘Pananampalataya sa Salita ng Diyos’ na Pandistritong Kombensiyong ito ay inihanda upang tulungan tayo na siyasatin ang ating sarili at suriin ang antas at kalidad ng pananampalataya na taglay natin bilang mga indibiduwal.”
Ang pinakatemang pahayag ay pinamagatang “Lumalakad sa Pamamagitan ng Pananampalataya, Hindi sa Pamamagitan ng Paningin.” (2 Corinto 5:7) “Ang pananampalataya niyaong nagiging mga Saksi ni Jehova ay hindi basta-basta paniniwala lamang,” sabi ng tagapagsalita. Totoong-totoo nga ito! Hindi bulag ang tunay na pananampalataya. Ito ay batay sa mga katunayan. Ganito ang sabi ng Hebreo 11:1: “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang pag-asam sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” Sinabi ng tagapagsalita: “Upang makalakad talaga ayon sa pananampalataya, kailangang matibay ang saligan ng ating pananampalataya.” Dahil lumalakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin, hindi natin kailangan ng mga detalye kung paano at kailan tutuparin ni Jehova ang bawat bahagi ng kaniyang layunin. Ang nalalaman na natin tungkol sa kaniya ay nagbibigay sa atin ng ganap na pagtitiwala sa kaniyang kakayahan na tuparin ang kaniyang mga pangako sa maibigin at matuwid na paraan.
Ang pahayag na “Mga Kristiyanong Kabataan—Isang Mahalagang Bahagi ng Kongregasyon” ay nagpaalaala sa mga kabataan kung gaano sila kahalaga kay Jehova. Sila’y pinasigla na lumago sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga tunguhin gaya ng pagbabasa ng buong Bibliya at pag-abot sa mga kahilingan para sa pag-aalay at bautismo. Ang pagkuha ng karagdagang edukasyon ay isang personal na bagay na pagpapasiyahan kasama ng mga magulang ng isa, ngunit kung isasagawa iyon, dapat na laging ang layunin ay upang masangkapan na maglingkod sa Diyos sa mas mabisang paraan. Ang sekular na edukasyon ay maaaring magkaroon ng kapaki-pakinabang na layunin kapag ating ‘tinitiyak ang mga bagay na higit na mahalaga’ na may kaugnayan sa ating pananampalataya.—Filipos 1:9, 10.
Sumunod ay isang simposyum ng tatlong pahayag sa temang “Kaninong Pamantayan ang Inyong Sinusunod?” Ang pananampalataya sa Salita ng Diyos ay nag-uudyok sa atin na sumunod sa mga pamantayan sa Bibliya. Sinusunod ng mga Kristiyano ang mga batas at simulain ni Jehova. Halimbawa, pinapayuhan tayo ng Kasulatan na huwag gumamit ng malaswa at mapang-abusong pananalita. (Efeso 4:31, 32) Nagtanong ang tagapagsalita: “Kapag nayayamot o nagagalit, binubulyawan mo ba ang iyong asawa o ang iyong mga anak?” Siyempre, iyan ay hindi dapat sa isang Kristiyano. May mga pamantayan din ang Diyos may kinalaman sa ating personal na hitsura. Dapat damtan ng mga Kristiyano ang kanilang sarili “ng damit na mabuti ang pagkakaayos, na may kahinhinan.” (1 Timoteo 2:9, 10) Ang salitang “kahinhinan” ay nagpapahayag ng ideya ng paggalang-sa-sarili, ng diwa ng karangalan, kataimtiman, at pagiging katamtaman. Inuudyukan tayo ng pag-ibig para sa iba at inuugitan ng mga simulain sa Bibliya at ng pagkadama ng kung ano ang angkop.
Sa sumunod na dalawang pahayag ay kalakip ang talata-por-talatang pagtalakay sa Hebreo 3:7-15 at 4:1-16. Ang mga talatang ito sa Bibliya ay nagbibigay-babala sa atin tungkol sa panganib na maging “mapagmatigas dahil sa mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan.” (Hebreo 3:13) Paano tayo magtatagumpay sa ating pakikipagpunyagi laban sa kasalanan? Tinutulungan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Sa katunayan, “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at . . . may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.”—Hebreo 4:12.
Ang huling pahayag sa unang araw ng kombensiyon ay “Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao.” Itinampok nito ang pagiging totoo, ang ganap na kawastuan, at praktikal na kahalagahan ng Bibliya. Tunay na nakatutuwang marinig nang ipahayag ng tagapagsalita ang paglalabas ng isang bagong 32-pahinang brosyur na pinamagatang Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao! Ang bagong publikasyong ito ay inihanda partikular na para sa mga tao na bagaman may pinag-aralan ay kaunti lamang ang alam sa Bibliya. Ang pahayag ay nagtapos sa pamamagitan ng mga salitang: “Kailangang suriin ng mga tao ang Salita ng Diyos mismo sa kanilang sarili. Natitiyak natin na kung personal nilang susuriin ito, matatalos nila na ang bukod-tanging aklat na ito, ang Bibliya, ay tunay ngang isang aklat para sa lahat ng tao!”
Tularan ang “Tagapagpasakdal ng Ating Pananampalataya”
Ang temang ito sa ikalawang araw ng kombensiyon ay umakay ng pansin kay Jesu-Kristo, ang “Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya.” Kailangan nating ‘sundan nang maingat ang kaniyang mga yapak.’ (Hebreo 12:2; 1 Pedro 2:21) Marami sa Sangkakristiyanuhan ang sinasabihan: ‘Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at ikaw ay maliligtas!’ Ngunit ganiyan na lamang ba ang pananampalataya? Ipinahahayag ng Bibliya na “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:26) Samakatuwid, bukod sa paniniwala kay Jesus, dapat nating gawin ang mga ginawa niya, lalo na sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Ang programa sa umaga ay nagtuon ng pansin sa gawaing pag-eebanghelyo. Tulad ni Pablo, dapat tayong maging sabik na ipahayag ang mabuting balita ng kaligtasan. (Roma 1:14-16) Nangaral si Jesus sa mga tao sa lahat ng lugar. Bagaman nagkakaroon ng mabubuting bunga ang ating regular na ministeryo sa bahay-bahay, parami nang paraming tao ang wala sa tahanan kapag dumadalaw tayo. (Gawa 20:20) Marami ang nasa paaralan, nagtatrabaho, namimili, o naglalakbay. Kaya naman, kailangan din nating mangaral sa mga pampublikong lugar at saanman masusumpungan ang mga tao.
Ang pahayag na “Mag-ugat at Magpakatatag sa Katotohanan” ay nagpaalaala sa atin ng maraming bagong mga alagad na nababautismuhan—may katamtamang bilang na 1,000 bawat araw! Mahalaga na ang mga baguhang ito ay lubusang mag-ugat at magpakatatag sa pananampalataya. (Colosas 2:6, 7) Ipinaliwanag ng tagapagsalita na ang literal na mga ugat ay sumisipsip ng tubig at pagkain samantalang nagsisilbi ring isang angkla o suhay ng halaman. Gayundin naman, sa pamamagitan ng maiinam na kaugalian sa pag-aaral at mabubuting kasama, ang mga bagong alagad ay maaaring maging matatag sa katotohanan.
Ang payong ito ay lalo nang angkop para sa mga kandidato sa bautismo. Oo, sa ikalawang araw ng kombensiyon, pulu-pulutong na mga bagong alagad ang nabautismuhan, anupat sumunod sa halimbawa ni Jesus. Ang pahayag na “Umaakay sa Bautismo ang Pananampalataya sa Salita ng Diyos” ay nagpaalaala sa mga kandidato na ang lubusang pagpapalubog sa tubig ay isang angkop na sagisag ng kanilang pagkamatay sa dating makasariling landasin sa buhay. Ang pag-ahon nila mula sa tubig ay lumalarawan sa pagbuhay sa kanila upang gawin ang kalooban ng Diyos.
Ang pahayag na “Makipaglaban Nang Puspusan Ukol sa Pananampalataya” ay salig sa aklat ng Bibliya na Judas. Pinatibay-loob tayo na ipagsanggalang ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng paglaban sa nakapipinsalang mga impluwensiya, tulad ng imoralidad, paghihimagsik, at apostasya. Sumunod, ang mga magulang—lalo na ang mga ama—ay tumanggap ng pantanging atensiyon sa pahayag na “Paglaanan ang Inyong Sambahayan.” Isang maka-Kasulatang obligasyon ang paglalaan para sa espirituwal, pisikal, at emosyonal na pangangailangan ng pamilya. (1 Timoteo 5:8) Nangangailangan ito ng panahon, komunikasyon, at pagiging malapit sa isa’t isa. Tiyak na nalulugod ang Diyos na Jehova sa lahat ng pagpapagal na ginagawa ng Kristiyanong mga magulang upang palakihin ang kanilang mga anak sa katotohanan.
Ang sumunod na simposyum, “Pumaroon Tayo sa Bahay ni Jehova,” ay pumukaw ng pagpapahalaga sa Kristiyanong mga pagpupulong. Ang mga ito ay naglalaan ng kapahingahan mula sa mga kabalisahan sa sanlibutang ito. Sa mga pulong ay nagkakaroon tayo ng pagkakataong makipagpalitan ng pampatibay-loob, at naipamamalas natin ang ating pag-ibig sa mga kapananampalataya. (Hebreo 10:24, 25) Tumutulong din sa atin ang mga pulong upang mapatalas ang ating mga kakayahan bilang mga guro, at pinalalalim ng mga ito ang ating pagkaunawa sa layunin ng Diyos. (Kawikaan 27:17) Huwag nawa nating ibukod ang ating sarili mula sa kongregasyon, at tandaan natin ang mga salita ni Jesus: “Kung saan may dalawa o tatlong nagtitipon sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang gitna.”—Mateo 18:20.
Ang huling pahayag sa araw na iyon ay “Ang Katangian ng Inyong Pananampalataya—Sinusubok Ngayon.” Ang pananampalataya na hindi pa nasusubok ay hindi pa napatutunayang matatag, at hindi pa nababatid ang kaurian nito. Iyon ay gaya ng isang tseke na hindi pa napapalitan. Talaga nga kayang makukuha mo ang halagang nakasulat doon? Sa katulad na paraan, ang ating pananampalataya ay dapat masubok upang mapatunayan na ito’y matibay at may mahusay na uri. (1 Pedro 1:6, 7) Sinabi ng tagapagsalita: “Kung minsan, ang media at gayundin ang mga awtoridad ay dinadaya ng mga klerigo at mga apostata upang pagbintangan tayo, anupat pinasasamâ ang ating Kristiyanong paniniwala at paraan ng pamumuhay. . . . Pahihintulutan ba natin ang mga nabulag ni Satanas na takutin at pahinain tayo anupat ikahihiya natin ang mabuting balita? Pahihintulutan ba nating makaapekto sa ating regular na pagdalo sa mga pulong at gawaing pangangaral ang mga kasinungalingan hinggil sa katotohanan? O tayo ba’y maninindigang matatag at maglalakas-loob at magiging determinado higit kailanman na patuloy na ihayag ang katotohanan hinggil kay Jehova at sa kaniyang Kaharian?”
Mabuhay Dahil sa Pananampalataya
Ang tema sa ikatlong araw ng kombensiyon ay batay sa mga salita ni Pablo: “Na sa pamamagitan ng batas ay walang sinumang ipinahahayag na matuwid sa Diyos, sapagkat ‘ang matuwid ay mabubuhay dahil sa pananampalataya.’ ” (Galacia 3:11) Ang simposyum na “Ang mga Makahulang Salita ni Joel Para sa Ating Kaarawan,” ay isa sa mga tampok na bahagi sa umaga. Tinutukoy sa aklat ng Joel ang ating panahon at sinasabi taglay ang diwa ng pagkaapurahan: “Sa aba ng araw na iyon; sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na, at darating na parang kagibaan mula sa Isang Makapangyarihan-sa-lahat!” (Joel 1:15) Sa paraan na katulad niyaong sa di-mapigilang mga balang, hindi hinahayaan ng pinahirang mga Kristiyano ang anumang bagay na makahadlang sa paghahayag ng Kaharian sa panahong ito ng kawakasan.
Nagbibigay rin ng pag-asa ang aklat ng Joel, anupat sinabi: “Ang sinumang tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Joel 2:32) Higit pa ang nasasangkot dito kaysa sa paggamit lamang ng pangalan ni Jehova. Kailangan ang taos-pusong pagsisisi, at kasali rito ang pagtalikod natin sa paggawa ng masama. (Joel 2:12, 13) Wala nang panahon para magpaliban sapagkat malapit nang ilapat ni Jehova ang kahatulan sa mga bansa, gaya ng ginawa niya sa Moab, Ammon, at sa bulubunduking rehiyon ng Seir noong mga araw ni Haring Jehoshafat ng Juda.—2 Cronica 20:1-30; Joel 3:2, 12.
Ang lahat ay napatibay sa pahayag na “Magpakita ng Pananampalataya sa Pamamagitan ng Paghihintay kay Jehova.” Ngayon sa huling bahagi ng panahon ng kawakasan, maaari tayong magbalik-tanaw sa katuparan ng maraming pangako ni Jehova, at masidhi nating inaasam ang iba pang bagay na matutupad pa lamang. Ang bayan ni Jehova ay kailangang patuloy na magtiis, anupat tinatandaan na mangyayari ang lahat ng ipinangako ng Diyos.—Tito 2:13; 2 Pedro 3:9, 10.
Ang programa sa umaga ay natapos sa dramang “Panatilihing Simple ang Inyong Mata.” Ang makatotohanang pagsasadulang ito ay nagpatibay-loob sa atin na suriin ang ating saloobin hinggil sa materyal na mga tunguhin. Saanman tayo naninirahan, kung ibig nating maging malaya sa kabalisahan ang ating buhay, dapat nating sundin ang payo ni Jesus na panatilihing simple ang ating mata, anupat malinaw na nakapokus sa Kaharian ng Diyos.—Mateo 6:22.
Ang pahayag pangmadla ay may nakapupukaw na titulong “Ang Pananampalataya at ang Iyong Kinabukasan.” Nagbigay ito ng patotoo tungkol sa kawalang-kakayahan ng mga pinunong tao na lutasin ang mga suliranin ng daigdig. (Jeremias 10:23) Patuloy na nauulit lamang ang kasaysayan ng tao—sa mas malawak at mas nakapipinsalang antas. Ano ang nadarama ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa kinabukasan? Naniniwala tayo na ang tapat na sangkatauhan ay may maaliwalas na kinabukasan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 5:5) Tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako sa kapakinabangan ng lahat ng sumasampalataya sa kaniyang Salita, na humihimok: “Hanapin ninyo si Jehova samantalang siya’y masusumpungan. Magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit.”—Isaias 55:6.
Nagbangon si Jesus ng isang mahalagang tanong may kinalaman sa ating panahon. Itinanong niya: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang matatagpuan niya ang pananampalataya sa lupa?” (Lucas 18:8) Nirepaso sa huling pahayag ang programa sa kombensiyon at ipinakita kung paano ito naglaan ng matibay na ebidensiya na umiiral ang pananampalataya sa Salita ng Diyos, bagaman nabubuhay tayo sa isang sanlibutang walang-pananampalataya at makasekular.
Gayunpaman, maitatanong ng bawat isa sa atin, ‘Kabilang ba ako sa mga nagtataglay ng di-natitinag na pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang Salita?’ Ang “Pananampalataya sa Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon ay dapat tumulong sa atin na masagot ng oo ang tanong na ito. At laking pasasalamat natin kay Jehova dahil sa pagpapalakas sa ating pananampalataya sa kaniya at sa kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya!
[Mga larawan sa pahina 24]
Masayang gumawa ang maraming boluntaryo upang mapaglingkuran ang libu-libong delegado
[Mga larawan sa pahina 25]
Ang malalaking istadyum na tulad nito ay ginamit sa buong daigdig
[Larawan sa pahina 25]
Inilabas ni L. A. Swingle ng Lupong Tagapamahala ang bagong brosyur
[Larawan sa pahina 26]
Marami ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova
[Mga larawan sa pahina 27]
Ang mga kombensiyonista ay maligayang kumanta ng mga awiting pang-Kaharian. Nakasingit na larawan: ang dramang “Panatilihing Simple ang Inyong Mata”