“Ang Iyong Maibiging-Kabaitan ay Lalong Mabuti Kaysa sa Buhay”
Ayon sa pagkalahad ni Calvin H. Holmes
Noon ay Disyembre ng 1930, at katatapos ko pa lamang gatasan ang mga baka nang umuwi si Itay mula sa pagdalaw sa isang kapitbahay. “Ito ay isang aklat na ipinahiram sa akin ni Wyman,” sabi niya habang dinudukot sa kaniyang bulsa ang isang kulay-asul na publikasyon. Iyon ay pinamagatang Deliverance, inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society. Si Itay, na bihirang magbasa ng anuman, ay nagbasa ng aklat na iyon hanggang sa kalaliman ng gabi.
PAGKARAAN, humiram si Itay ng iba pang aklat, na may mga pamagat na Light at Reconciliation, na galing sa nabanggit na mga tagapaglathala. Natagpuan niya ang lumang Bibliya ni Inay at gabing-gabi na ay gising pa siya upang magbasa sa liwanag ng isang lamparang de gas. Malaki ang naging pagbabago ni Itay. Nang taglamig na iyon ay matagal niya kaming kinausap—ang aking inay, tatlong kapatid na babae, at ako—habang nag-uumpukan kami sa palibot ng aming lumang kalan.
Sinabi ni Itay na ang mga taong naglalathala ng mga aklat na ito ay tinatawag na mga Estudyante ng Bibliya at na, ayon sa kanila, nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Ipinaliwanag niya na ang lupa ay hindi mapupuksa sa katapusan ng sanlibutan kundi sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ay gagawin itong isang paraiso. (2 Pedro 3:5-7, 13; Apocalipsis 21:3, 4) Talagang masarap pakinggan iyan para sa akin.
Sinimulan akong kausapin ni Itay habang gumagawa kaming magkasama. Natatandaan ko na nagtatalop kami ng mga mais nang ipaliwanag niya sa akin na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. (Awit 83:18) Kaya naman, noong tagsibol ng 1931, nang ako’y 14 pa lamang, nanindigan na ako para kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Nanalangin ako kay Jehova sa isang matandang taniman ng mansanas sa likod ng bahay at taimtim na nangako na paglilingkuran ko siya magpakailanman. Naantig na ang aking puso dahil sa maibiging-kabaitan ng ating kahanga-hangang Diyos.—Awit 63:3.
Nakatira kami sa isang bukid na mga 30 kilometro ang layo mula sa St. Joseph, Missouri, E.U.A., at wala pang 65 kilometro mula sa Kansas City. Isinilang si Itay sa isang kabin na yari sa troso na itinayo sa bukid ng aking lolo sa tuhod noong maagang bahagi ng ika-19 na siglo.
Pagsasanay Para sa Ministeryo
Noong tag-araw ng 1931, narinig ng aming pamilya sa radyo ang pahayag pangmadlang “Ang Kaharian, ang Pag-asa ng Sanlibutan,” na binigkas ni Joseph Rutherford, noon ay presidente ng Samahang Watch Tower, sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio. Napukaw nito ang aking puso, at nagalak akong makibahagi kay Itay sa pamamahagi sa aming mga kakilala ng buklet na naglalaman ng mahalagang pangmadlang pahayag na ito.
Noong tagsibol ng 1932, dumalo ako sa aking unang pulong kasama ng mga Saksi ni Jehova. Kami ni Itay ay inanyayahan ng aming kapitbahay na makinig sa isang pahayag sa St. Joseph na bibigkasin ni George Draper, isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Nang dumating kami, nangangalahati na ang pulong, at nakakita ako ng mauupuan sa tabi ng matipuno at malapad na likod ni J. D. Dreyer, na nakatakdang gumanap ng isang mahalagang papel sa aking buhay.
Noong Setyembre 1933, dumalo ako sa isang asamblea kasama ni Itay sa Kansas City, kung saan una akong nakibahagi sa pangmadlang pangangaral. Binigyan ako ni Itay ng tatlong buklet at tinagubilinan akong sabihin: “Isa ako sa mga Saksi ni Jehova na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Walang-alinlangang narinig na ninyo si Judge Rutherford sa radyo. Ang kaniyang mga pahayag ay isinasahimpapawid sa mahigit na 300 istasyon bawat linggo.” Pagkatapos ay inialok ko ang buklet. Kinagabihan, habang ginagatasan ko ang mga baka sa bukid, inisip ko na ito ang pinakadi-malilimot na araw sa aking buhay.
Di-nagtagal at dumating ang taglamig, at hindi kami gaanong makapaglakbay. Ngunit noon ay dumalaw si Brother Dreyer at ang kaniyang asawa at nagtanong kung ibig kong pumunta sa kanilang tahanan sa Sabado ng gabi at matulog doon. Ang 10-kilometrong paglalakad patungo sa tahanan ng mga Dreyer ay sulit sapagkat nakasama ako sa kanila sa ministeryo kinabukasan at nakadalo sa Pag-aaral ng Bantayan sa St. Joseph. Mula noon, bihira kong palampasin ang pakikibahagi sa ministeryo kapag Linggo. Totoong napakahalaga ng pagsasanay at payo ni Brother Dreyer.
Noong Setyembre 2, 1935, sa wakas ay sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig sa isang asamblea sa Kansas City.
Pasimula ng Isang Habang-Buhay na Karera
Maaga noong 1936, ako’y nagprisintang maglingkod bilang isang payunir, o buong-panahong ministro, at inilagay ako sa talaan niyaong mga naghahanap ng kaparehang payunir. Di-nagtagal pagkaraan ay nakatanggap ako ng liham mula kay Edward Stead ng Arvada, Wyoming. Ipinaliwanag niya sa akin na siya ay nasa isang silyang de gulong at nangangailangan ng tulong upang makapagpayunir. Agad kong tinanggap ang kaniyang alok at nahirang na isang payunir noong Abril 18, 1936.
Bago ako lumisan upang makasama si Brother Stead, kinausap ako ng aking ina nang sarilinan. “Anak, sigurado ka bang ito ang gusto mong gawin?” tanong niya.
“Kung hindi gayon ay magiging walang-kabuluhan ang buhay,” ang tugon ko. Naunawaan ko na ang maibiging-kabaitan ni Jehova ay higit na mahalaga kaysa sa anumang bagay.
Ang pagpapayunir kasama ni Ted, gaya ng tawag namin kay Brother Stead, ay isang napakainam na pagsasanay. Siya’y punung-puno ng sigasig at may kawili-wiling paraan ng paghaharap sa mensahe ng Kaharian. Ngunit ang magagawa lamang ni Ted ay ang magsulat at magsalita; lahat ng kaniyang kasu-kasuan ay hindi makakilos dahil sa rheumatoid arthritis. Gumigising ako nang maaga at pinaliliguan at inaahitan siya, naghahanda ng almusal at pinakakain siya. Pagkatapos ay binibihisan ko siya at inihahanda para sa paglilingkuran. Nang tag-araw na iyon ay nagpayunir kami sa Wyoming at Montana, anupat natutulog sa labas kung gabi. Natutulog si Ted sa isang pantanging trapal na ikinabit sa kaniyang pickup truck, at natutulog ako sa lapag. Nang maglaon sa taon ding iyon ay lumipat ako sa timog upang magpayunir sa Tennessee, Arkansas, at Mississippi.
Noong Setyembre 1937, dumalo ako sa aking unang malaking kombensiyon sa Columbus, Ohio. Gumawa roon ng mga kaayusan upang pangunahan ang pangangaral sa pamamagitan ng paggamit ng ponograpo. Ang bawat pagkakataon na ginagamit namin ang ponograpo ay tinawag naming setup. May isang buwan na ako ay nagkaroon ng mahigit na 500 setup, at mahigit na 800 katao ang nakinig. Pagkatapos magpatotoo sa maraming bayan sa silanganing Tennessee, Virginia, at West Virginia, naanyayahan akong maglingkod bilang isang special pioneer sa isang bagong kapasidad, na gumagawa kaugnay ng lingkod ng sona, gaya nang tawag noon sa mga naglalakbay na tagapangasiwa.
Dinalaw ko ang mga kongregasyon at nabubukod na mga grupo sa West Virginia—gumugugol ng dalawa hanggang apat na linggo sa bawat isa—at nanguna sa ministeryo sa larangan. Pagkatapos, noong Enero 1941, ako’y hinirang bilang isang lingkod ng sona. Nang panahong iyon ay nanindigan na para sa Kaharian si Inay at ang aking tatlong kapatid na babae—sina Clara, Lois, at Ruth. Kaya ang aming buong pamilya ay dumalong magkakasama sa malaking kombensiyon sa St. Louis nang tag-araw na iyon.
Di-nagtagal pagkatapos ng kombensiyon, ipinagbigay-alam sa mga lingkod ng sona na ang gawain sa sona ay hihinto na sa katapusan ng Nobyembre 1941. Pumasok sa Digmaang Pandaigdig II ang Estados Unidos nang sumunod na buwan. Ako’y naatasan sa paglilingkuran bilang special pioneer, na ang kahilingang oras sa ministeryo bawat buwan ay 175.
Mga Pantanging Pribilehiyo ng Paglilingkuran
Noong Hulyo 1942, nakatanggap ako ng isang liham na nagtatanong kung handa akong maglingkod sa ibang bansa. Pagkatapos tumugon ng oo, inanyayahan ako sa Bethel, ang pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, sa Brooklyn, New York. Mga 20 binatang kapatid ang tinawag para sa pantanging pagsasanay nang sabay-sabay.
Ipinaliwanag ni Nathan H. Knorr, presidente noon ng Samahang Watch Tower, na ang gawaing pangangaral ay bumagal at na kami’y sasanayin upang palakasin sa espirituwal ang mga kongregasyon. “Hindi lamang namin ibig malaman kung ano ang problema sa mga kongregasyon,” sabi niya, “kundi kung ano ang ginawa ninyo tungkol dito.”
Samantalang kami’y nasa Bethel, si Fred Franz, na humalili kay Brother Knorr bilang presidente noong 1977, ay nagbigay ng isang pahayag na doo’y sinabi niya: “Matatapos ang Digmaang Pandaigdig II, at mabubuksan ang isang malaking gawaing pangangaral. Tiyak na milyun-milyon pa ang titipunin tungo sa organisasyon ni Jehova!” Lubusang binago ng pahayag na iyan ang aking pangmalas. Nang ibigay ang mga atas, nalaman ko na ako’y dadalaw sa lahat ng kongregasyon sa mga estado ng Tennessee at Kentucky. Kami’y tinawag na mga lingkod sa mga kapatid, isang termino na binago tungo sa tagapangasiwa ng sirkito.
Nagsimula akong maglingkod sa mga kongregasyon noong Oktubre 1, 1942, nang ako’y 25 anyos lamang. Ang tanging paraan noon para marating ang ilang kongregrasyon ay sa pamamagitan lamang ng paglalakad o pagsakay sa kabayo. Natutulog ako kung minsan sa isang silid kasama ng pamilyang nagpatuloy sa akin.
Nang ako’y naglilingkod sa Greeneville Congregation sa Tennessee noong Hulyo 1943, nakatanggap ako ng paanyaya na dumalo sa ikalawang klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Sa Gilead, nalaman ko kung ano talaga ang ibig sabihin ng “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin” at ng laging “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (Hebreo 2:1; 1 Corinto 15:58) Mabilis na lumipas ang limang-buwang kurso sa paaralan, at dumating ang araw ng pagtatapos noong Enero 31, 1944.
Sa Canada at Pagkatapos ay sa Belgium
Ang ilan sa amin ay inatasan sa Canada, kung saan kaaalis lamang ng pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Inatasan ako sa gawaing paglalakbay, na sumasaklaw sa malalayong distansiya sa pagitan ng ilang kongregasyon. Habang naglalakbay ako, isang kagalakang marinig ang mga karanasan kung paanong isinagawa ang ating pangangaral sa Canada sa panahon ng pagbabawal. (Gawa 5:29) Marami ang nagkuwento tungkol sa tinaguriang blitz kung saan sa isang gabi ay ipinamahagi ang isang buklet sa halos lahat ng bahay sa buong Canada. Anong gandang balita na malamang natapos na ang digmaan sa Europa noong Mayo 1945!
Nang tag-araw na iyon, samantalang naglilingkod sa isang kongregasyon sa munting bayan ng Osage, Saskatchewan, nakatanggap ako ng liham mula kay Brother Knorr, na kababasahan: “Ipinaaabot ko sa iyo ang pribilehiyo na magpunta sa Belgium. . . . Maraming dapat gawin sa lupaing iyan. Iyon ay isang bansang giniyagis ng digmaan, at kailangan ng ating mga kapatid ang tulong, at waring angkop na ipadala ang isa na mula sa Amerika upang mabigyan sila ng wastong tulong at kaaliwan na kailangan nila.” Agad akong tumugon, anupat tinanggap ang atas.
Noong Nobyembre 1945, naroon ako sa Brooklyn Bethel upang mag-aral ng Pranses kasama si Charles Eicher, isang nakatatandang kapatid na taga-Alsace. Nakatanggap din ako ng dagliang pagsasanay sa pamamaraan ng sangay. Bago lumisan patungong Europa, dinalaw ko sandali ang aking pamilya at mga kaibigan sa St. Joseph, Missouri.
Noong Disyembre 11, nilisan ko ang New York sakay ng Queen Elizabeth, at pagkaraan ng apat na araw ay dumating ako sa Southhampton, England. Isang buwan akong namalagi sa sangay sa Britanya, kung saan nakatanggap ako ng karagdagang pagsasanay. Pagkaraan, noong Enero 15, 1946, tinawid ko ang English Channel at bumaba sa Ostend, Belgium. Mula roon ay sumakay ako ng tren patungong Brussels, kung saan sinalubong ako ng buong pamilyang Bethel sa istasyon ng tren.
Pinag-ibayong Gawain Pagkatapos ng Digmaan
Ang aking atas ay ang mangasiwa sa gawaing pang-Kaharian sa Belgium, gayunma’y ni hindi ako makapagsalita ng wika roon. Sa loob ng mga anim na buwan, medyo marunong na ako ng Pranses upang makipagtalastasan sa araw-araw. Isang pribilehiyo na gumawang kasama niyaong nagsapanganib ng kanilang buhay upang maisagawa ang pangangaral sa loob ng limang taon ng pananakop ng Nazi. Ang ilan sa kanila ay kalalaya lamang mula sa mga kampong piitan.
Sabik ang mga kapatid na maorganisa ang gawain at mapakain yaong mga nagugutom sa katotohanan ng Bibliya. Kaya isinaayos na magdaos ng mga asamblea at dalawin ng mga naglalakbay na tagapangasiwa ang mga kongregasyon. Napatibay rin kami sa mga pagdalaw nina Nathan Knorr, Milton Henschel, Fred Franz, Grant Suiter, at John Booth—pawang mga kinatawan mula sa punung-tanggapan sa Brooklyn. Nang maagang mga panahong iyon, ako’y naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito, tagapangasiwa ng distrito, at tagapangasiwa ng sangay. Noong Disyembre 6, 1952, pagkatapos ng halos pitong taon ng paglilingkod sa Belgium, pinakasalan ko si Emilia Vanopslaugh, na nagtatrabaho rin sa sangay sa Belgium.
Pagkaraan ng ilang buwan, noong Abril 11, 1953, ako’y ipinatawag sa himpilan ng lokal na pulisya at pinagsabihan na ang aking pagkanaroroon ay mapanganib sa seguridad ng Belgium. Nagpunta ako sa Luxembourg upang maghintay habang idinudulog sa Konseho ng Estado ang apela sa aking kaso.
Noong Pebrero 1954 ay pinagtibay ng Konseho ng Estado ng Belgium ang dekreto na ang pagkanaroroon ko ay isang panganib sa bansa. Ang inilaang ebidensiya ay na mula nang dumating ako sa Belgium, mabilis na dumami ang bilang ng mga Saksi sa Belgium—mula sa 804 noong 1946 hanggang 3,304 noong 1953—at na, bunga nito, nanganganib ang seguridad ng Belgium dahil maraming kabataang Saksi ang naninindigang matatag sa Kristiyanong neutralidad. Kaya kami ni Emilia ay inatasan sa Switzerland, kung saan nagsimula kaming maglingkod sa gawaing pansirkito sa isang bahagi na nagsasalita ng Pranses.
Ang Paaralan sa Ministeryo sa Kaharian—isang paaralan upang maglaan ng pasulong na pagsasanay para sa Kristiyanong matatanda—ay itinatag noong 1959 sa South Lansing, New York. Naanyayahan ako roon upang tumanggap ng pagsasanay sa pagtuturo ng mga klase ng paaralang ito sa Europa. Samantalang ako ay nasa Estados Unidos, dinalaw ko ang aking pamilya sa St. Joseph, Missouri. Doon ay nakita ko ang aking minamahal na ina sa huling pagkakataon. Namatay siya noong Enero 1962; si Itay naman ay pumanaw na noong Hunyo 1955.
Nagsimula ang Paaralan sa Ministeryo sa Kaharian sa Paris, Pransiya, noong Marso 1961, at sinamahan ako ni Emilia. Ang mga tagapangasiwa ng distrito, tagapangasiwa ng sirkito, tagapangasiwa sa kongregasyon, at mga special pioneer mula sa Pransiya, Belgium, at Switzerland ay dumating upang mag-aral sa paaralan. Sa loob ng sumunod na 14 na buwan, nangasiwa ako sa 12 klase ng apat-na-linggong kursong ito. Pagkatapos, noong Abril 1962, nalaman namin na si Emilia ay nagdadalang-tao.
Pakikibagay sa mga Kalagayan
Bumalik kami sa Geneva, Switzerland, kung saan mayroon kaming permiso bilang permanenteng residente. Ngunit hindi madaling humanap ng matitirhan, sapagkat may matinding kakulangan sa pabahay. Hindi rin madaling humanap ng trabaho. Sa wakas ay nakakita ako ng trabaho sa isang malaking department store sa sentro ng Geneva.
Gumugol ako ng 26 na taon sa buong-panahong ministeryo, kaya kinailangan naming makibagay nang husto sa aming nagbagong kalagayan. Sa loob ng 22 taon na ako’y nagtrabaho sa department store at tumulong sa pagpapalaki sa aming dalawang anak na babae, sina Lois at Eunice, laging inuuna ng aming pamilya ang kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Pagkatapos kong magretiro sa sekular na trabaho noong 1985, nagsimula akong maglingkod bilang isang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito.
Totoong mahina ang kalusugan ni Emilia, ngunit ginagawa niya ang kaniyang makakaya sa ministeryo. Si Lois ay naglingkod bilang isang payunir sa loob ng mga sampung taon. Tunay na isang napakahalagang pagkakataon sa espirituwal ang masayang makasama siya sa totoong kahanga-hangang internasyonal na kombensiyon na iyon sa Moscow noong tag-araw ng 1993! Di-nagtagal pagkaraan, sa isang pagbabakasyon sa Senegal, Aprika, namatay si Lois habang lumalangoy sa karagatan. Ang pag-ibig at kabaitan ng ating Aprikanong mga kapatid at mga misyonero ay isang malaking kaaliwan sa akin nang maglakbay ako patungong Senegal upang asikasuhin ang libing. Gayon na lamang ang aking pananabik na makita si Lois sa pagkabuhay-muli!—Juan 5:28, 29.
Nagpapasalamat ako na aking tinatamasa sa loob ng mahigit na apat na dekada ang matapat na pag-alalay ng isang maibiging kasama. Tunay, sa kabila ng aking mga dalamhati at suliranin, ang maibiging-kabaitan ni Jehova ay naging kanais-nais at nagbigay ng kabuluhan sa aking buhay. Nagaganyak akong ipahayag hinggil sa ating Diyos, si Jehova, ang mga salita ng salmista: “Dahil sa ang iyong maibiging-kabaitan ay lalong mabuti kaysa sa buhay, pupurihin ka ng aking mga labi.”—Awit 63:3.
[Larawan sa pahina 26]
Pinangunahan namin ang gawaing pangangaral sa pamamagitan ng ponograpo
[Larawan sa pahina 26]
Ang aking mga magulang noong 1936
[Larawan sa pahina 26]
Pagpapatotoo sa lansangan sa Belgium noong 1948