Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 2/15 p. 8-11
  • Mga Magulang—Ingatan ang Inyong mga Anak!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Magulang—Ingatan ang Inyong mga Anak!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Saloobin ng mga Aprikano sa Edukasyon sa Sekso
  • Bakit Magtuturo?
  • Mabuting Pag-uusap
  • Protektado at Maligaya
  • Ipakipag-usap sa Iyong mga Anak ang Tungkol sa Sex
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Paano Ko Tatanggihan ang Pressure na Makipag-sex?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Ipagsanggalang ang Iyong Pamilya sa mga Mapaminsalang Impluwensiya
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Paano Magiging Masaya ang Pamilya Mo?​—Bahagi 2
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 2/15 p. 8-11

Mga Magulang​—Ingatan ang Inyong mga Anak!

SA ISANG paaralang sekundarya sa Nigeria, isang dalagita na kilalang-kilala dahil sa seksuwal na imoralidad ang natutuwang magpayo sa mga kapuwa babaing estudyante ng mga bagay tungkol sa sekso. Isa sa kaniyang ipinapayong pang-aborsiyon ay ang maitim at matapang na serbesa na hinaluan ng sangkap ng tabako. Ang kaniyang mga kuwento, na kinuha sa mga pornograpikong babasahin, ay nakaakit sa marami sa kaniyang mga kapuwa estudyante. Ang ilan ay nag-eksperimento sa sekso, at nagdalang-tao ang isa sa kanila. Upang mailaglag ito, uminom siya ng tinimplang serbesa at tabako. Sa loob lamang ng ilang oras, nagsimula siyang sumuka ng dugo. Pagkalipas ng ilang araw, namatay siya sa ospital.

Maraming kabataan sa daigdig ngayon ang palagi na lamang nagsasalita tungkol sa sekso, anupat nagpapahamak sa mga mapaniwalaing tagapakinig. Kanino dapat bumaling ang mga kabataan upang makasumpong ng tumpak na kaalaman na mag-iingat sa kanila? Anong inam nga kung makababaling sila sa kanilang makadiyos na mga magulang, na siyang may pananagutang magpalaki sa kanila sa “disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.”​—Efeso 6:4.

Ang Saloobin ng mga Aprikano sa Edukasyon sa Sekso

Sa buong daigdig, maraming magulang ang nahihirapang makipag-usap sa kanilang mga anak sa mga bagay na may kinalaman sa sekso. Ito ay lalo nang totoo sa Aprika. Ganito ang sinabi ni Donald, isang ama sa Sierra Leone: “Halos hindi ito ginagawa. Hindi bahagi ng kultura ng mga Aprikano na gawin ang gayon.” Sumang-ayon ang isang babaing taga-Nigeria na nagngangalang Confident: “Ang sekso ay minamalas ng aking mga magulang bilang isang bagay na hindi dapat pag-usapan nang hayagan; ito’y bawal sa kultura.”

Sa ilang kulturang Aprikano, ang pagbanggit sa mga salitang may kinalaman sa sekso tulad ng ari ng lalaki, semilya, o pagreregla ay itinuturing na mahalay. Ibinawal pa nga ng isang Kristiyanong ina sa kaniyang anak na babae ang paggamit ng salitang “sekso,” bagaman sinabi niya na maaaring gamitin ng anak ang salitang “pakikiapid.” Sa kabaligtaran, tuwirang binabanggit sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang tungkol sa sekso at ang mga sangkap sa sekso. (Genesis 17:11; 18:11; 30:16, 17; Levitico 15:2) Ang layunin nito ay hindi upang makagimbal o pumukaw ng pananabik kundi upang magsanggalang at magturo sa bayan ng Diyos.​—2 Timoteo 3:16.

Bukod sa ipinagbabawal ng kultura, ang isa pang dahilan kung bakit umiiwas ang ilang magulang ay ipinahayag ng isang ama na taga-Nigeria: “Kung ipakikipag-usap ko sa aking mga anak ang tungkol sa sekso, ito’y maaaring pumukaw sa kanila na gumawa ng seksuwal na imoralidad.” Subalit ang marangal at salig-sa-Bibliyang impormasyon tungkol sa sekso ay magpapasigla kaya sa mga bata na magmadali at mag-eksperimento? Hindi, hindi ito magpapasigla sa kanila. Sa katunayan, maaari pa ngang mientras ang mga kabataan ay kulang sa kaalaman, malamang na higit silang mapasama. “Ang karunungan [na salig sa tumpak na kaalaman] ay pananggalang,” ang sabi ng Bibliya.​—Eclesiastes 7:12.

Sa ilustrasyon ni Jesus, ang isang maingat na tao, palibhasa’y patiunang natanto ang posibleng pagdating ng mga bagyo, ay nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng isang malaking bato samantalang ang isang mangmang na tao ay nagtayo sa buhanginan at dumanas ng kasakunaan. (Mateo 7:24-27) Sa katulad na paraan, ang maiingat na Kristiyanong magulang, sa pagkaalam na ang kanilang mga anak ay mapapaharap sa tulad-bagyong mga panggigipit na sumunod sa maluwag na mga pamantayan ng sanlibutan hinggil sa sekso, ay nagpapatibay sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman at kaunawaan na siyang tutulong sa kanila upang manatiling matatag.

Sinabi ng isang Aprikana ang isa pang dahilan kung bakit maraming magulang ang hindi nakikipag-usap sa kanilang mga anak tungkol sa sekso: “Nang ako ay bata pa, hindi ipinakikipag-usap sa akin ng aking mga magulang na Saksi ang mga bagay tungkol sa sekso, kaya hindi sumagi sa aking isip na ipakipag-usap ang mga bagay na ito sa aking mga anak.” Subalit ang panggigipit sa mga kabataan ngayon ay mas matindi kaysa sa panggigipit sa mga kabataan noong nakaraang 10 o 20 taon. Hindi ito nakapagtataka. Inihula ng Salita ng Diyos na “sa mga huling araw . . . , ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama, nanliligáw at naililigaw.”​—2 Timoteo 3:1, 13.

Dagdag pa sa problema ang bagay na maraming bata ang atubili o hindi kayang magtapat sa kanilang mga magulang. Kadalasan ay hindi maganda ang komunikasyon ng magkabilang panig maging sa maliliit na bagay. Ganito ang hinagpis ng isang 19-anyos na kabataan: “Hindi ko ipinakikipag-usap ang mga bagay-bagay sa aking mga magulang. Hindi maganda ang komunikasyon namin ng aking ama. Hindi siya nakikinig.”

Maaari ring nangangamba ang mga kabataan na ang pagtatanong tungkol sa mga bagay sa sekso ay magdudulot ng masamang resulta. Ganito ang sabi ng isang 16-anyos na babae: “Hindi ko ipinakikipag-usap sa aking mga magulang ang mga suliranin sa sekso dahilan sa paraan ng kanilang pagtugon sa gayong mga bagay. Minsan ay nagtanong ang aking ate kay Inay may kinalaman sa sekso. Sa halip na tumulong si Inay sa kaniyang problema, naghinala ito sa kaniyang intensiyon. Madalas akong tawagin at tanungin ni Inay tungkol kay ate, kung minsan ay nagpaparinig pa tungkol sa kaniyang moral. Ayaw kong isapanganib na mawala ang pagmamahal ni Inay sa akin, kaya hindi ko sinasabi sa kaniya ang aking mga problema.”

Bakit Magtuturo?

Ang sapat na pagtuturo sa ating mga anak tungkol sa seksuwal na mga bagay ay hindi lamang nararapat gawin kundi ito ang mabuting gawin. Kung ang mga magulang ay hindi magtuturo sa kanilang mga anak ng tungkol sa sekso, iba ang magtuturo​—kadalasa’y mas maaga pa kaysa sa inaasahan ng mga magulang at bihirang-bihirang makasuwato ng makadiyos na mga simulain. Isang 13-anyos na babae ang nakiapid dahil sinabihan siya ng isang kamag-aral na kung hindi niya iwawala ang kaniyang pagkabirhen, daranas siya ng matinding kirot sa hinaharap. “Gugupitin nila ang iyong hymen,” ang sabi sa kaniya. Nang tanungin pagkatapos kung bakit hindi niya sinabi sa kaniyang Kristiyanong ina ang kaniyang narinig, ang dalagita ay tumugon na ang gayong bagay ay hindi kailanman ipinakikipag-usap sa mga nasa hustong gulang.

Ganito ang sabi ng isang batang babaing taga-Nigeria: “Ang mga kaibigan ko sa paaralan ay nagsikap na kumbinsihin ako na ang pakikipagtalik ay isang bagay na dapat gawin ng lahat ng normal na tao. Sinabi nila sa akin na kung hindi ako makikipagtalik ngayon, kapag umabot na ako sa edad na 21, magsisimula akong makaranas ng isang sakit na pipinsala sa aking pagkababae. Kaya, upang maiwasan ang gayong teribleng panganib, sinabi nila na mabuting maranasan na ang pakikipagtalik bago ang pagpapakasal.”

Dahil sa nakakausap niyang mabuti ang kaniyang mga magulang, agad niyang natanto na salungat ito sa kaniyang natutuhan sa tahanan. “Gaya ng dati, umuwi ako at sinabi ko sa aking ina ang kanilang sinabi sa akin sa paaralan.” Nagawang pabulaanan ng kaniyang ina ang maling impormasyon.​—Ihambing ang Kawikaan 14:15.

Sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang kaalaman na tutulong sa mga bata na matamo ang makadiyos na karunungan sa mga bagay hinggil sa sekso, sila ay inihahanda ng mga magulang upang makita ang mapanganib na mga situwasyon at makilala ang mga taong nagnanais na magsamantala sa kanila. Tumutulong ito upang maipagsanggalang sila laban sa pasakit na dulot ng mga sakit na naililipat sa pakikipagtalik at ng di-ninanais na pagdadalang-tao. Nakadaragdag ito sa kanilang paggalang-sa-sarili at sa paggalang ng iba sa kanila. Pinalalaya sila nito mula sa maling kaisipan at kabalisahan. Itinataguyod nito ang isang malinis at positibong saloobin hinggil sa tamang paggamit sa sekso, na nagdudulot ng kaligayahan kapag sila’y nag-asawa na. Makatutulong ito sa kanila na makapag-ingat ng isang sinang-ayunang katayuan sa Diyos. At yamang nakikita ng mga bata ang maibiging pagmamalasakit sa kanila, maaari silang pakilusin nito upang lalong igalang at ibigin ang kanilang mga magulang.

Mabuting Pag-uusap

Upang maiangkop ng mga magulang ang kanilang payo sa pangangailangan ng kanilang mga anak, dapat ay mag-usap ang dalawang panig. Maliban na alam ng mga magulang kung ano ang nasa isip at puso ng kanilang mga anak, maging ang mabuting payo ay baka hindi gaanong pakinabangan, na para bang sinubok ng isang doktor na magreseta ng gamot nang hindi nalalaman ang talagang sakit ng pasyente. Upang maging mahusay na mga tagapayo, kailangang alam ng mga magulang ang talagang iniisip at nadarama ng kanilang mga anak. Kailangang maunawaan nila ang mga panggigipit at problemang kinakaharap ng kanilang mga anak at ang mga suliraning bumabagabag sa kanila. Mahalagang makinig na mabuti sa mga anak, upang maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”​—Santiago 1:19; Kawikaan 12:18; Eclesiastes 7:8.

Kailangan ang panahon, pagtitiis, at pagsisikap ng mga magulang upang malinang at mapanatili ang isang matalik na kaugnayan sa kanilang mga anak, isang kaugnayan na doo’y nadarama ng mga anak na sila’y malayang magsiwalat ng kanilang niloloob. Subalit anong ganda kapag ito ay natamo! Ganito ang sabi ng isang amang taga-Kanlurang Aprika na may limang anak: “Ako ay kapuwa ama at kapalagayang-loob. Malayang ipinakikipag-usap sa akin ng mga bata ang lahat ng paksa, pati na ang sekso. Kahit ang aking mga anak na babae ay nagtatapat sa akin. Gumugugol kami ng panahon upang pag-usapan ang kanilang mga problema. Ikinukuwento rin nila sa akin ang mga bagay na nagpagalak sa kanila.”

Ganito ang sabi ni Bola, isa sa kaniyang mga anak na babae: “Wala akong inililihim sa aking ama. Si Itay ay makonsiderasyon at madamayin. Hindi niya kami tinatakot o tinatrato nang magaspang, kahit nakagawa kami ng mali. Sa halip na magalit, pinag-iisipan niya ang bagay na iyon at ipinakikita sa amin kung ano ang nararapat naming gawin o kung ano ang hindi namin dapat ginawa. Malimit siyang sumasangguni sa aklat na Kabataan at sa aklat na Kaligayahan sa Pamilya.”a

Kung posible, mabuti sa mga magulang na magsimulang makipag-usap sa kanilang mga anak tungkol sa sekso habang batang-bata pa ang mga ito. Ito ay naglalatag ng saligan para sa patuloy na pag-uusap hanggang sa kadalasa’y mahihirap na taon ng pagkatin-edyer. Kapag hindi maagang napasimulan ang pakikipag-usap, kung minsan ay nakaaasiwang pasimulan ito sa kanila sa dakong huli, subalit maaari pa namang magawa ito. Ganito ang sabi ng isang ina na may limang anak: “Pinilit ko ang aking sarili na pag-usapan ang tungkol dito hanggang sa wakas ay hindi na ako naaasiwa, gayundin ang bata.” Sa laki ng nakataya, ang gayong pagsisikap ay tunay na sulit.

Protektado at Maligaya

Pinahahalagahan ng mga bata ang mga magulang na maibiging maglalaan sa kanila ng kaalaman na magsasanggalang sa kanila. Pansinin ang mga komento ng ilang Aprikanong Saksi ni Jehova:

Ganito ang sabi ni Mojisola sa edad na 24: “Malaki ang utang na loob ko sa aking ina. Ibinigay niya sa akin ang kinakailangang edukasyon sa sekso sa tamang panahon. Bagaman nahihiya ako noon nang ipinakikipag-usap niya ang mga bagay na iyon, ngayon ay nakikita ko ang kabutihan ng ginawa ng aking ina para sa akin.”

Ganito naman ang idinagdag ni Iniobong: “Lagi akong masaya kapag binabalikan ko at pinag-iisipan ang ginawa ni Inay na pagbibigay sa akin ng sapat na pagsasanay tungkol sa sekso. Ito’y totoong napakahalagang tulong sa paggabay sa akin tungo sa pagiging ganap na dalaga. Ipinangangako kong gagawin ko rin iyon sa aking magiging mga anak.”

Ganito ang sabi ng 19-anyos na si Kunle: “Tinulungan ako ng aking mga magulang na mapaglabanan ang mga pang-aakit ng mga babaing taga-sanlibutan na gumawa ng kahalayan. Kung hindi dahil sa pagsasanay na ibinigay nila sa akin, marahil ay nagkasala na ako. Lagi kong pahahalagahan ang kanilang ginawa.”

Ganito ang sabi ni Christiana: “Nakinabang ako nang malaki sa pakikipag-usap sa aking ina may kinalaman sa sekso. Nakaiwas ako sa nakamamatay na mga sakit at di-ninanais na pagdadalang-tao, at nakapagbigay ako ng mabuting halimbawa para sa aking mga nakababatang kapatid. Natamo ko rin ang paggalang ng mga tao, at igagalang din ako ng aking magiging asawa. Higit sa lahat, may mabuting kaugnayan ako sa Diyos na Jehova dahil sa pagsunod sa kaniyang utos.”

Si Bola, na binanggit kanina, ay nagsabi: “May kaklase ako na nagsabing puwedeng makipagtalik kahit walang intensiyong magpakasal. Para sa kaniya, ito’y katuwaan. Subalit natutuhan niya na hindi ito katuwaan nang magdalang-tao siya at hindi nakakuha ng pagsusulit para sa aming pagtatapos sa paaralan. Kung wala akong mabuting ama na gumabay sa akin, marahil ay natulad na ako sa kaniya, na natuto sa masaklap na paraan.”

Tunay na isang pagpapala kapag ang mga Kristiyanong magulang ay tumutulong sa kanilang mga anak na maging ‘marunong ukol sa kaligtasan’ sa haling-sa-seksong sanlibutang ito! (2 Timoteo 3:15) Ang kanilang salig-sa-Bibliyang instruksiyon ay tulad ng isang mamahaling kuwintas na nagpapalamuti at nagpapaganda sa mga anak sa paningin ng Diyos. (Kawikaan 1:8, 9) Ang mga bata ay nakadarama ng kapanatagan, at ang mga magulang ay nakadarama ng masidhing kasiyahan. Ganito ang sabi ng isang Aprikanong ama na laging nagsisikap na mapanatiling bukas ang mga linya ng komunikasyon sa kaniyang mga anak na nasa kabataan: “Kami’y may kapayapaan ng isip. Nagtitiwala kami na alam ng aming mga anak kung ano ang nakalulugod kay Jehova; hindi sila maililigaw ng mga tagalabas. Nagtitiwala kami na hindi sila gagawa ng mga bagay na magdudulot ng hapis sa pamilya. Nagpapasalamat ako kay Jehova na pinatunayan nilang tama ang aming pagtitiwala.”

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 10]

Ang mga kabataang Kristiyano na nakatatanggap ng salig-sa-Bibliyang impormasyon mula sa mga magulang ay makatatanggi sa mga maling kuwento ng ibang kabataan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share