Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 2/15 p. 17-22
  • Malapit Na ang Maluwalhating Kalayaan Para sa mga Anak ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malapit Na ang Maluwalhating Kalayaan Para sa mga Anak ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sila’y Nagsasabi ng “Halika!”
  • Mga Pagbabago sa Paglipas ng Panahon
  • Maraming Dahilan Upang Magpasalamat
  • Naroroon Ka Kaya?
  • Sino Talaga ang Tinawag sa Makalangit na Tunguhin?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Nagdadala si Jehova ng Maraming Anak sa Kaluwalhatian
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Ano ang Kahulugan sa Iyo ng Hapunan ng Panginoon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Magsaya Tayo sa Ating Pag-asa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 2/15 p. 17-22

Malapit Na ang Maluwalhating Kalayaan Para sa mga Anak ng Diyos

“Ang paglalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay . . . salig sa pag-asa na ang paglalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—ROMA 8:20, 21.

1. Paano inilarawan ang hain ni Jesus sa Araw ng Pagbabayad-sala?

IBINIGAY ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak bilang isang haing pantubos na nagbukas ng daan tungo sa makalangit na buhay para sa 144,000 tao at walang-hanggang pag-asa sa lupa para sa natitirang bahagi ng sangkatauhan. (1 Juan 2:1, 2) Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, ang hain ni Jesus para sa mga Kristiyanong inianak-sa-espiritu ay inilarawan nang maghain ang mataas na saserdote sa Israel ng isang toro bilang handog ukol sa kasalanan ng kaniyang sarili, ng kaniyang sambahayan, at ng tribo ni Levi sa taunang Araw ng Pagbabayad-sala. Noong araw ring iyon, naghain siya ng isang kambing bilang isang handog ukol sa kasalanan ng lahat ng iba pang Israelita, kung paanong makikinabang ang mga tao sa pangkalahatan mula sa hain ni Kristo. Makasagisag na tinatangay ng isang buháy na kambing ang kabuuang kasalanan ng bayan sa nagdaang taon, anupat naglalaho sa ilang.a​—Levitico 16:7-​15, 20-​22, 26.

2, 3. Ano ang kahulugan ng pangungusap ni Pablo na nakaulat sa Roma 8:20, 21?

2 Pagkatapos balangkasin ang pag-asa ng mga tao na magiging makalangit na “mga anak ng Diyos,” sinabi ni apostol Pablo: “Ang may-pananabik na pag-asam ng paglalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos. Sapagkat ang paglalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop dito, salig sa pag-asa na ang paglalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:14, 17, 19-21) Ano ang kahulugan ng pangungusap na ito?

3 Nang likhain ang ating ninunong si Adan bilang isang sakdal na tao, siya ay isang “anak ng Diyos.” (Lucas 3:38) Dahil sa pagkakasala, siya ay nasadlak sa “pagkaalipin sa kasiraan” at nagpamana ng kalagayang ito sa lahi ng tao. (Roma 5:12) Pinahintulutan ng Diyos na ang mga tao’y ipanganak sa “kawalang-saysay” na naghihintay sa kanila dahil sa kanilang minanang di-kasakdalan, ngunit nagbigay siya ng pag-asa sa pamamagitan ng “binhi,” si Jesu-Kristo. (Genesis 3:15; 22:18; Galacia 3:16) Binabanggit ng Apocalipsis 21:1-4 ang panahon na ‘hindi na magkakaroon ng kamatayan, pagdadalamhati, paghiyaw, at ng kirot.’ Yamang ito ay isang pangako sa “sangkatauhan,” tinitiyak nito sa atin na isang bagong lipunan ng tao sa lupa na nabubuhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ang makararanas ng pagsasauli ng isip at katawan sa ganap na kalusugan at walang-hanggang buhay bilang makalupang “mga anak ng Diyos.” Sa loob ng Sanlibong Taong Paghahari ni Kristo, ang masunuring mga tao ay “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan.” Pagkatapos mapatunayang matapat kay Jehova sa panghuling pagsubok, sila’y magiging malaya magpakailanman mula sa minanang kasalanan at kamatayan. (Apocalipsis 20:7-​10) Yaong mga nasa lupa sa panahong iyon ay “magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”

Sila’y Nagsasabi ng “Halika!”

4. Ano ang kahulugan ng “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad”?

4 Tunay ngang isang kamangha-manghang pag-asa ang nakaharap sa sangkatauhan! Hindi nakapagtataka na ang inianak-sa-espiritung mga Kristiyano na naririto pa sa lupa ay masigasig na nangunguna sa pagsasabi sa iba tungkol dito! Bilang magiging bahagi ng “kasintahang babae” ng niluwalhating Kordero, si Jesu-Kristo, ang mga pinahirang nalabi ay nasasangkot sa katuparan ng makahulang mga salitang ito: “Ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 21:2, 9; 22:1, 2, 17) Hindi, ang mga pakinabang sa haing pantubos ni Jesus ay hindi limitado sa 144,000 pinahiran. Patuloy na kumikilos ang espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng mga nalabi sa uring kasintahang babae sa lupa sa pagsasabi ng “Halika.” Sinumang nakaririnig na nauuhaw sa katuwiran ay inaanyayahang magsabi ng “Halika,” anupat tinatamasa ang saganang paglalaan ni Jehova para sa kaligtasan.

5. Sino ang ikinaliligaya ng mga Saksi ni Jehova na makasama nila?

5 Sumasampalataya ang mga Saksi ni Jehova sa paglalaan ng Diyos para sa buhay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Gawa 4:12) Maligaya silang makasama ang tapat-pusong mga tao na nagnanais matuto tungkol sa layunin ng Diyos at gawin ang kaniyang kalooban. Bukás ang kanilang mga Kingdom Hall sa lahat ng ibig ‘pumarito at kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad’ sa ‘panahong ito ng kawakasan.’​—Daniel 12:4.

Mga Pagbabago sa Paglipas ng Panahon

6. Paano kumilos ang espiritu ng Diyos sa mga lingkod ni Jehova sa iba’t ibang yugto ng panahon?

6 May panahon ang Diyos sa pagsasakatuparan ng kaniyang mga layunin, at may epekto ito sa kaniyang pakikitungo sa mga tao. (Eclesiastes 3:1; Gawa 1:7) Bagaman ipinagkaloob ang espiritu ng Diyos sa kaniyang mga lingkod bago ang panahong Kristiyano, sila’y hindi inianak bilang kaniyang espirituwal na mga anak. Subalit pasimula kay Jesus, sumapit ang panahon ni Jehova upang gamitin ang banal na espiritu para ianak ang nakaalay na mga lalaki at babae sa isang makalangit na mana. At kumusta naman sa ating panahon? Ang espiritu ring iyon ay kumikilos sa “ibang mga tupa” ni Jesus, ngunit hindi nito pinupukaw sa kanila ang pag-asa at hangarin ukol sa makalangit na buhay. (Juan 10:16) Taglay ang kanilang bigay-Diyos na pag-asa na walang-hanggang buhay sa paraisong lupa, masaya silang sumusuporta sa mga pinahirang nalabi sa pagpapatotoo sa panahong ito ng pagbabago mula sa matandang sanlibutan tungo sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos.​—2 Pedro 3:5-13.

7. Anong gawaing pag-aani ang pinagkaabalahan ng mga Estudyante ng Bibliya, ngunit ano ang alam nila tungkol sa paraiso?

7 Sinimulan ng Diyos na ‘dalhin ang maraming anak sa kaluwalhatian’ nang ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E., at maliwanag na nagtakda siya ng panahon upang kumpletohin ang espirituwal na “Israel ng Diyos” na may kabuuang bilang na 144,000. (Hebreo 2:10; Galacia 6:16; Apocalipsis 7:1-8) Pasimula noong 1879, malimit na banggitin sa magasing ito ang isang pag-aani na isinasagawa ng mga pinahirang Kristiyano. Ngunit alam din ng mga Estudyante ng Bibliya (ngayo’y tinatawag na mga Saksi ni Jehova) na ang Kasulatan ay naghaharap ng pag-asang buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. Halimbawa, ganito ang sabi ng Watch Tower ng Hulyo 1883: “Kapag naitatag na ni Jesus ang kaniyang kaharian, naigapos na ang balakyot, atb., ang lupang ito ay magiging isang paraiso, . . . at paririto ang lahat ng nasa kanilang libingan. At sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas nito ay maaari silang mabuhay rito magpakailanman.” Sa paglipas ng panahon, kumakaunti ang pag-aani sa mga pinahiran, at unti-unting inaani tungo sa organisasyon ni Jehova ang mga tao na hindi nagtataglay ng makalangit na pag-asa. Samantala, pinagkalooban ng Diyos ng kapuri-puring malalim na unawa ang kaniyang pinahirang mga lingkod, ang mga Kristiyanong ipinanganak-muli.​—Daniel 12:3; Filipos 2:15; Apocalipsis 14:15, 16.

8. Paano sumulong ang pagkaunawa tungkol sa makalupang pag-asa noong maagang mga taon ng 1930?

8 Ang mga may makalupang pag-asa ay nakikisama sa Kristiyanong kongregasyon lalo na sapol noong 1931. Sa taóng iyon, tinuruan ni Jehova ang nalabi ng mga Kristiyanong inianak-sa-espiritu upang makita na ang Ezekiel kabanata 9 ay tumutukoy sa makalupang grupong ito, na tinatandaan upang makaligtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos. Naunawaan noong 1932 na ang gayong tulad-tupang mga tao sa kasalukuyang panahon ay inilalarawan ng kasamahan ni Jehu na si Jonadab (Jehonadab). (2 Hari 10:15-17) Niliwanag noong 1934 na ang “mga Jonadab” ay dapat “magtalaga,” o mag-alay, ng kanilang sarili sa Diyos. Noong 1935 ang “lubhang karamihan,” o “malaking pulutong”​—dating inaakalang pangalawahing grupong espirituwal na magiging “mga kasama” ng kasintahang babae ni Kristo sa langit​—ay nakilala bilang ang mga ibang tupa na may makalupang pag-asa. (Apocalipsis 7:4-​15; 21:2, 9; Awit 45:14, 15) At pinangungunahan ng mga pinahiran, lalo na mula noong 1935, ang paghahanap sa matuwid na mga taong nagnanais mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa.

9. Pagkatapos ng 1935, bakit ang ilang Kristiyano ay huminto ng pakikibahagi sa mga emblema sa Hapunan ng Panginoon?

9 Pagkatapos ng 1935 ay huminto na sa pakikibahagi ang ilang Kristiyano na dating nakikibahagi sa tinapay at alak sa Hapunan ng Panginoon. Bakit? Sapagkat natanto nilang sa lupa, hindi sa langit, ang kanilang pag-asa. Ganito ang sabi ng isang babae na nabautismuhan noong 1930: “Bagaman ang [pakikibahagi] ay itinuturing na siyang nararapat gawin, lalo na ng masisigasig na buong-panahong ministro, hindi ako kailanman nakumbinsi na ako ay may makalangit na pag-asa. Pagkatapos, noong 1935, niliwanag sa amin na may tinitipong isang malaking pulutong na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Marami sa amin ang nagalak na maunawaang kami’y bahagi ng malaking pulutong na iyon, at huminto na kami ng pakikibahagi sa mga emblema.” Maging ang paksa ng mga Kristiyanong publikasyon ay nagbago rin. Samantalang yaong sa mga nagdaang taon ay pangunahing dinisenyo para sa inianak-sa-espiritung mga tagasunod ni Jesus, mula 1935 patuloy ay naglalaan Ang Bantayan at ang iba pang literatura ng ‘tapat na alipin’ ng espirituwal na pagkain na angkop sa pangangailangan kapuwa ng mga pinahiran at ng kanilang mga kasamahan na may makalupang pag-asa.​—Mateo 24:45-​47.

10. Paano maaaring mapalitan ang isang di-tapat na pinahiran?

10 Ipagpalagay nang ang isang pinahiran ay naging di-tapat. Magkakaroon kaya ng kapalit? Sa kaniyang pagtalakay sa makasagisag na puno ng olibo, ipinakita ni Pablo na gayon nga. (Roma 11:11-32) Kung kailangang palitan ang isang inianak-sa-espiritu, malamang na ibibigay ng Diyos ang makalangit na pagtawag sa isa na ang pananampalataya ay huwaran sa pag-uukol ng sagradong paglilingkod sa kaniya sa loob ng maraming taon.​—Ihambing ang Lucas 22:28, 29; 1 Pedro 1:6, 7.

Maraming Dahilan Upang Magpasalamat

11. Anuman ang ating pag-asa, ano ang tinitiyak sa atin ng Santiago 1:17?

11 Saanman tayo naglilingkod kay Jehova nang buong-katapatan, sasapatan niya ang ating mga pangangailangan at matuwid na hangarin. (Awit 145:16; Lucas 1:67-​74) Mayroon man tayong tunay na makalangit na pag-asa o ang pag-asa natin ay sa lupa, marami tayong matitibay na dahilan upang magpasalamat sa Diyos. Lagi niyang ginagawa ang pinakamabuti para sa mga umiibig sa kaniya. Sinabi ng alagad na si Santiago na “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat ito ay bumababa mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag,” ang Diyos na Jehova. (Santiago 1:17) Banggitin natin ang ilan sa mga kaloob at pagpapalang ito.

12. Bakit natin masasabi na binigyan ni Jehova ng isang kamangha-manghang pag-asa ang bawat isa sa kaniyang tapat na mga lingkod?

12 Binigyan ni Jehova ng isang kamangha-manghang pag-asa ang bawat isa sa kaniyang tapat na mga lingkod. Tinawag niya ang ilan tungo sa makalangit na buhay. Sa kaniyang mga saksi bago ang panahong Kristiyano, ibinigay ni Jehova ang kahanga-hangang pag-asang mabuhay-muli tungo sa walang-hanggang buhay sa lupa. Halimbawa, sumampalataya si Abraham sa pagkabuhay-muli at naghintay ng “lunsod na may tunay na mga pundasyon”​—ang makalangit na Kaharian na sa ilalim nito’y bubuhayin siyang muli sa lupa. (Hebreo 11:10, 17-​19) Minsan pa, sa panahong ito ng kawakasan, nagkakaloob ang Diyos sa milyun-milyon ng pag-asang buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. (Lucas 23:43; Juan 17:3) Tiyak, sinumang binigyan ni Jehova ng gayong dakilang pag-asa ay dapat magpasalamat nang husto dahil dito.

13. Paano kumikilos ang banal na espiritu ng Diyos sa kaniyang bayan?

13 Ibinibigay ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu bilang isang kaloob sa kaniyang bayan. Ang mga Kristiyanong may makalangit na pag-asa ay pinapahiran ng banal na espiritu. (1 Juan 2:20; 5:1-4, 18) Gayunman, tinutulungan at inaakay ng espiritu ang mga lingkod ng Diyos na may makalupang pag-asa. Kabilang sa mga ito si Moises, na nagtaglay ng espiritu ni Jehova, gaya ng 70 lalaking hinirang upang tumulong sa kaniya. (Bilang 11:24, 25) Sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu, naglingkod si Bezalel bilang isang ekspertong manggagawa may kinalaman sa tabernakulo ng Israel. (Exodo 31:1-11) Ibinuhos ang espiritu ng Diyos kina Gideon, Jefte, Samson, David, Elias, Eliseo, at iba pa. Bagaman ang mga taong ito noong unang panahon ay hindi kailanman dadalhin sa makalangit na kaluwalhatian, sila’y inakay at tinulungan ng banal na espiritu, gaya ng mga ibang tupa ni Jesus ngayon. Kaya ang pagtataglay ng espiritu ng Diyos, kung gayon, ay hindi nangangahulugan na kailangang tayo’y may makalangit na pagkatawag. Gayunman, ang espiritu ni Jehova ay pumapatnubay, tumutulong sa atin na mangaral at tumupad sa iba pang bigay-Diyos na mga atas, nagbibigay sa atin ng lakas na higit sa karaniwan, at nagluluwal sa atin ng mga bunga nito na pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. (Juan 16:13; Gawa 1:8; 2 Corinto 4:7-10; Galacia 5:22, 23) Hindi ba tayo dapat magpasalamat sa kaayaayang kaloob na ito mula sa Diyos?

14. Paano tayo nakikinabang sa mga kaloob ng Diyos na kaalaman at karunungan?

14 Ang kaalaman at karunungan ay mga kaloob mula sa Diyos na dapat nating ipagpasalamat, sa langit man o sa lupa ang ating pag-asa. Ang tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova ay tumutulong sa atin na ‘tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga’ at “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang paluguran siya nang lubos.” (Filipos 1:9-11; Colosas 1:9, 10) Nagsisilbi namang proteksiyon at giya sa buhay ang makadiyos na karunungan. (Kawikaan 4:5-7; Eclesiastes 7:12) Ang tunay na kaalaman at karunungan ay salig sa Salita ng Diyos, at ang iilang pinahirang nalabi ay lalo nang naaakit sa sinasabi nito tungkol sa kanilang makalangit na pag-asa. Gayunman, ang pag-ibig sa Salita ng Diyos at ang mahusay na pagkaunawa rito ay hindi kumakatawan sa paraan ng Diyos ng pagpapahiwatig na tayo’y tinawag sa makalangit na buhay. Sumulat pa nga ng mga bahagi ng Bibliya ang mga lalaking tulad nina Moises at Daniel, ngunit sila’y bubuhaying-muli sa lupa. Sa langit man o sa lupa ang ating pag-asa, tayong lahat ay tumatanggap ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin” na sinang-ayunan ni Jehova. (Mateo 24:45-47) Laking pasasalamat nating lahat sa kaalamang natamo sa gayong paraan!

15. Ano ang isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos, at paano mo minamalas ito?

15 Ang isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos ay ang maibiging paglalaan ng haing pantubos ni Jesus, na pinakikinabangan natin maging sa langit man o sa lupa ang ating pag-asa. Inibig ng Diyos ang sanlibutan ng tao “nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) At pag-ibig ni Jesus ang nagpakilos sa kaniya upang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Gaya ng ipinaliwanag ni apostol Juan, si Jesu-Kristo “ay pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan [niyaong sa mga pinahiran], gayunma’y hindi para sa atin lamang kundi para sa buong sanlibutan din naman.” (1 Juan 2:1, 2) Kaya naman, tayong lahat ay dapat magpasalamat nang husto sa maibiging paglalaang ito para sa kaligtasan tungo sa buhay na walang hanggan.b

Naroroon Ka Kaya?

16. Anong mahalagang pangyayari ang aalalahanin pagkalubog ng araw sa Abril 11, 1998, at sino ang dapat na naroroon?

16 Ang pagtanaw ng utang-na-loob para sa pantubos na inilaan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak ay dapat magpakilos sa atin na maging presente sa mga Kingdom Hall o sa iba pang dako kung saan magtitipon ang mga Saksi ni Jehova pagkalubog ng araw sa Abril 11, 1998, upang alalahanin ang kamatayan ni Kristo. Nang pasinayaan niya ang pagdiriwang na ito kasama ng kaniyang tapat na mga apostol noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, sinabi ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito sa pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19, 20; Mateo 26:26-30) Ang ilang nalalabing pinahiran ay makikibahagi sa tinapay na walang-lebadura, na lumalarawan sa walang-kasalanang katawan ni Jesus bilang tao, at sa walang-halong pulang alak, na lumalarawan sa kaniyang dugong ibinuhos bilang hain. Tanging ang inianak-sa-espiritung mga Kristiyano ang dapat makibahagi sapagkat sila lamang ang kabilang sa bagong tipan at sa tipan ng Kaharian at may matibay na patotoo ng banal na espiritu ng Diyos na sila’y may makalangit na pag-asa. Milyun-milyong iba pa ang dadalo bilang mapitagang mga tagapagmasid na nagpapasalamat sa pag-ibig na ipinakita ng Diyos at ni Kristo may kaugnayan sa hain ni Jesus na nagpaging posible sa buhay na walang hanggan.​—Roma 6:23.

17. Ano ang dapat nating tandaan may kinalaman sa pagpapahid ng espiritu?

17 Ang dating relihiyosong mga paniniwala, matinding emosyon na bunga ng kamatayan ng isang minamahal, mga kahirapang nararanasan ngayon sa pamumuhay sa lupa, o ang pagkadamang sila’y nakatanggap ng isang pantanging pagpapala mula kay Jehova ay maaaring umakay sa ilan upang akalaing para sa kanila ang makalangit na buhay. Ngunit dapat na tandaan nating lahat na hindi tayo inuutusan ng Kasulatan na makibahagi sa mga emblema sa Memoryal upang ipakita ang ating pasasalamat sa haing pantubos ni Kristo. Isa pa, ang pagpapahid ng espiritu ay ‘nakasalalay, hindi sa isa na nagnanais ni sa isa na tumatakbo, kundi sa Diyos,’ ang Isa na nagsilang kay Jesus bilang isang espirituwal na Anak at nagdadala ng 144,000 lamang na ibang anak sa kaluwalhatian.​—Roma 9:16; Isaias 64:8.

18. Para sa karamihan niyaong naglilingkod kay Jehova ngayon, anong mga pagpapala ang malapit nang matamo?

18 Ang walang-hanggang buhay sa paraisong lupa ang siyang bigay-Diyos na pag-asa ng lubhang karamihan sa mga taong naglilingkod kay Jehova sa mga huling araw na ito. (2 Timoteo 3:1-5) Malapit na nilang tamasahin ang napakagandang paraisong ito. Sa panahong iyon ay mga prinsipe ang mangangasiwa sa lupa sa ilalim ng makalangit na pamahalaan. (Awit 45:16) Iiral ang mapayapang kalagayan habang tumatalima ang mga naninirahan sa lupa sa mga batas ng Diyos at natututo pa ng higit tungkol sa mga daan ni Jehova. (Isaias 9:6, 7; Apocalipsis 20:12) Maraming gagawin, anupat magtatayo ng mga tahanan at susupilin ang lupa. (Isaias 65:17-25) At isip-isipin ang maligayang pagsasamang-muli ng mga pamilya habang binubuhay-muli ang mga patay! (Juan 5:28, 29) Pagkatapos ng isang panghuling pagsubok, maglalaho na ang lahat ng kabalakyutan. (Apocalipsis 20:7-10) Pagkatapos nito, ang lupa ay mapupuno magpakailanman ng sakdal na mga taong ‘malaya mula sa pagkaalipin sa kasiraan at nagtamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.’

[Mga talababa]

a Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 225-6.

b Tingnan Ang Bantayan, Marso 15, 1991, pahina 19-22.

Paano Mo Sasagutin?

◻ Ano ang kahulugan ng “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad”?

◻ Sa langit man o sa lupa ang ating pag-asa, anu-ano ang ating dahilan upang magpasalamat sa Diyos?

◻ Anong taunang pagdiriwang ang dapat na daluhan nating lahat?

◻ Para sa karamihan sa bayan ni Jehova, ano ang maaasahan sa kinabukasan?

[Larawan sa pahina 18]

Milyun-milyon ang nagsimulang ‘kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.’ Kabilang ka ba sa kanila?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share