Isang Aklat Mula sa Diyos
“Ang hula ay hindi kailanman dinala sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila ay inaakay ng banal na espiritu.”—2 PEDRO 1:21.
1, 2. (a) Bakit pinag-aalinlanganan ng ilan kung ang Bibliya nga’y may kabuluhan pa sa modernong pamumuhay? (b) Anong tatlong hanay ng patotoo ang magagamit natin upang ipakita na ang Bibliya ay mula sa Diyos?
MAY kabuluhan pa ba ang Bibliya para sa mga tao na nabubuhay sa nalalapit na ika-21 siglo? Iniisip ng ilan na wala na. “Walang sinuman ang magmumungkahi na gamitin ang isang 1924 edisyon ng isang aklat-aralin sa chemistry sa isang modernong klase sa chemistry—napakarami nang natutuhan tungkol sa chemistry mula noon,” ang isinulat ni Dr. Eli S. Chesen, nang nagpapaliwanag kung bakit sa palagay niya ay lipas na nga ang Bibliya. Sa biglang tingin, waring makatuwiran naman ang argumentong ito. Tutal, marami nang natutuhan ang tao tungkol sa siyensiya, kalusugan ng isip, at paggawi ng tao mula noong panahon ng Bibliya. Kaya naman, nagtatanong ang ilan: ‘Paanong ang gayong sinaunang aklat ay malaya mula sa mga kamalian ayon sa siyensiya? Paano ito makapaglalaman ng payo na praktikal para sa modernong pamumuhay?’
2 Ang Bibliya mismo ang nagbibigay ng sagot. Sa 2 Pedro 1:21, sinabihan tayo na ang mga propeta sa Bibliya ay “nagsalita mula sa Diyos habang sila ay inaakay ng banal na espiritu.” Kaya ipinakikita ng Bibliya na ito ay isang aklat na mula sa Diyos. Subalit paano natin makukumbinsi ang iba na gayon nga? Isaalang-alang natin ang tatlong patotoo na ang Bibliya ay Salita ng Diyos: (1) Ito’y may katumpakan ayon sa siyensiya, (2) naglalaman ito ng walang-kupas na mga simulain na nananatiling praktikal para sa modernong pamumuhay, at (3) naglalaman ito ng espesipikong mga hula na natupad, gaya ng pinatutunayan ng mga pangyayari sa kasaysayan.
Isang Aklat na Kasuwato ng Siyensiya
3. Bakit hindi nanganib ang Bibliya dahil sa mga tuklas ng siyensiya?
3 Ang Bibliya ay hindi isang aklat-aralin sa siyensiya. Gayunman, ito ay isang aklat ng katotohanan, at nakakayanan ng katotohanan ang pagsubok ng panahon. (Juan 17:17) Ang Bibliya ay hindi nanganib dahil sa mga tuklas ng siyensiya. Kapag binabanggit nito ang mga bagay na may kaugnayan sa siyensiya, ito’y lubusang malaya mula sa sinaunang “siyentipikong” mga teoriya na napatunayang mga alamat lamang. Sa katunayan, ito’y naglalaman ng mga pangungusap na hindi lamang may katumpakan ayon sa siyensiya kundi tuwiran din namang salungat sa pinaniniwalaang mga kuru-kuro noon. Halimbawa, isaalang-alang ang pagkakasuwato sa pagitan ng Bibliya at ng siyensiya ng medisina.
4, 5. (a) Ano ang hindi naunawaan ng mga sinaunang manggagamot tungkol sa sakit? (b) Bakit tiyak na pamilyar si Moises sa pamamaraan ng mga manggagamot na Ehipsiyo?
4 Hindi lubusang naunawaan ng mga sinaunang manggagamot kung paano kumakalat ang sakit, ni natanto man nila ang kahalagahan ng kalinisan sa paghadlang sa sakit. Maraming sinaunang pamamaraan sa panggagamot ang waring primitibo kung ihahambing sa modernong mga pamantayan. Ang isa sa pinakamatatandang medikal na akda na umiiral pa ay ang Ebers Papyrus, isang koleksiyon ng kaalaman sa medisina ng mga Ehipsiyo, na may petsang mga 1550 B.C.E. Naglalaman ito ng 700 panlunas sa sari-saring karamdaman, “mula sa kagat ng buwaya hanggang sa kirot sa kuko ng paa.” Karamihan sa mga panlunas ay wala namang bisa, ngunit ang ilan sa mga ito ay totoong mapanganib. Para sa paggamot sa isang sugat, ang isa sa mga inirekomenda ay pagpapahid ng dumi ng tao na hinaluan ng iba pang sangkap.
5 Ang tekstong ito ng medikal na panlunas ng mga Ehipsiyo ay isinulat noon ding panahon na isulat ang unang mga aklat ng Bibliya, na doo’y kalakip ang Batas Mosaiko. Si Moises, na isinilang noong 1593 B.C.E., ay lumaki sa Ehipto. (Exodo 2:1-10) Palibhasa’y pinalaki na kabilang sa sambahayan ni Paraon, si Moises ay “tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.” (Gawa 7:22) Pamilyar siya sa “mga manggagamot” ng Ehipto. (Genesis 50:1-3) Ang kanila bang walang-bisa o mapanganib na pamamaraan sa medisina ay nakaimpluwensiya sa kaniyang mga isinulat?
6. Anong tuntunin sa kalinisan sa Batas Mosaiko ang maituturing na makatuwiran ayon sa modernong siyensiya sa medisina?
6 Sa kabaligtaran, nakapaloob sa Batas Mosaiko ang mga tuntunin sa kalinisan na maituturing na makatuwiran ayon sa modernong siyensiya ng medisina. Halimbawa, nakasaad sa isang batas hinggil sa kampamento ng militar na ang dumi ay dapat ibaon sa labas ng kampamento. (Deuteronomio 23:13) Makapupong nakahihigit ang pag-iingat na ito. Nakatulong ito upang panatilihing malinis ang suplay ng tubig at naglaan ng proteksiyon mula sa shigellosis na dala ng mga langaw at iba pang sakit na diarrhea na kumikitil pa rin ng milyun-milyong buhay bawat taon, lalo na sa mga lupaing nagpapaunlad.
7. Anong tuntunin sa kalinisan sa Batas Mosaiko ang nakatulong upang mahadlangan ang pagkalat ng nakahahawang mga sakit?
7 Ang Batas Mosaiko ay naglalaman ng iba pang tuntunin sa kalinisan na nakatulong upang mahadlangan ang pagkalat ng nakahahawang mga sakit. Inihihiwalay ang isang taong mayroon o pinaghihinalaang may nakahahawang sakit. (Levitico 13:1-5) Ang mga kasuutan o sisidlan na napadikit sa isang hayop na namatay nang kusa (marahil dahil sa sakit) ay dapat hugasan bago gamiting muli o kaya’y sirain. (Levitico 11:27, 28, 32, 33) Sinumang nakahipo ng isang bangkay ay itinuturing na di-malinis at kailangang sumailalim sa isang pamamaraan ng paglilinis na doo’y kasali ang paglalaba ng kaniyang mga kasuutan at paliligo. Sa loob ng pitong araw na siya’y di-malinis, dapat siyang umiwas na mapadaiti ang katawan sa iba.—Bilang 19:1-13.
8, 9. Bakit masasabi na ang kodigo sa kalinisan sa Batas Mosaiko ay lubhang nauna pa kaysa sa panahon nito?
8 Ang kodigong ito sa kalinisan ay nagsisiwalat ng karunungan na lubhang nauna pa kaysa sa panahon nito. Marami nang natuklasan ang modernong siyensiya sa medisina tungkol sa pagkalat at paghadlang sa sakit. Halimbawa, ang medikal na mga pagsulong sa ika-19 na siglo ay umakay sa paggamit ng antisepsis—ang kalinisan upang mabawasan ang mga impeksiyon. Ang resulta ay ang malaking pagbaba ng dami ng impeksiyon at maagang kamatayan. Noong taong 1900, ang inaasahang haba ng buhay mula sa pagkasilang sa maraming bansa sa Europa at sa Estados Unidos ay mababa pa sa 50. Mula noon, ito ay lubhang tumaas, hindi lamang dahil sa pagsulong ng medisina sa pagkontrol ng sakit kundi dahil din sa pinag-ibayong kalinisan at kalagayan sa pamumuhay.
9 Gayunman, libu-libong taon bago natuklasan ng siyensiya ng medisina kung paano kumakalat ang sakit, nagpayo na ang Bibliya ng makatuwirang mga hakbang sa pag-iingat laban sa sakit. Hindi nakapagtataka, nasabi ni Moises na ang mga Israelita sa pangkalahatan noong kaniyang kapanahunan ay nabubuhay nang hanggang 70 o 80 taon. (Awit 90:10) Paano nalaman ni Moises ang tungkol sa gayong mga tuntunin sa kalinisan? Ang Bibliya mismo ang nagpapaliwanag: Ang kodigo ng Batas “ay inihatid ng mga anghel.” (Galacia 3:19) Oo, ang Bibliya ay hindi isang aklat ng karunungan ng tao; ito ay isang aklat mula sa Diyos.
Isang Praktikal na Aklat Para sa Modernong Pamumuhay
10. Bagaman nakumpleto ang Bibliya halos 2,000 taon na ang nakalilipas, ano ang totoo hinggil sa payo nito?
10 Ang mga aklat na nagbibigay ng payo ay karaniwan nang naluluma at di-nagtatagal ay binabago o kaya’y pinapalitan. Ngunit totoong pambihira ang Bibliya. “Ang iyong sariling mga paalaala ay napatunayang totoong mapagtitiwalaan,” sabi ng Awit 93:5. Bagaman nakumpleto ang Bibliya halos 2,000 taon na ang nakalipas, ang mga salita nito ay mabisa pa rin. Magkapareho ang bisa ng pagkakapit nito anuman ang kulay ng ating balat o saanmang bansa tayo nakatira. Tingnan ang ilang halimbawa ng di-kumukupas at “totoong mapagtitiwalaang” payo ng Bibliya.
11. Ilang dekada na ang nakalipas, ano ang pinaniwalaan ng maraming magulang tungkol sa pagdidisiplina sa mga anak?
11 Ilang dekada na ang nakalilipas, inakala ng maraming magulang—palibhasa’y inudyukan ng “pabagu-bagong mga ideya” sa pagpapalaki ng anak—na “bawal ang magbawal.” Nangamba sila na ang paghihigpit sa mga anak ay magiging sanhi ng trauma at pagkasira ng loob. Iginiit ng mga tagapayong may mabuti namang intensiyon na iwasan ng mga magulang ang mahigpit na pagtutuwid sa kanilang mga anak. Marami sa gayong mga eksperto ang ngayo’y “humihimok sa mga magulang na maging mahigpit nang kaunti, anupat muling mangibabaw,” ulat ng The New York Times.
12. Ano ang ibig sabihin ng Griegong pangngalan na isinaling “disiplina,” at bakit kailangan ng mga anak ang gayong disiplina?
12 Subalit noon pa man, ang Bibliya ay nagbibigay na ng espesipiko at timbang na payo tungkol sa pagsasanay sa anak. Nagpayo ito: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ang Griegong pangngalang isinalin na “disiplina” ay nangangahulugan ng “pagpapalaki, pagsasanay, pagtuturo.” Sinasabi ng Bibliya na ang disiplina, o pagtuturo, ay katunayan ng pag-ibig ng mga magulang. (Kawikaan 13:24) Sumusulong ang mga anak sa ilalim ng malinaw na mga alituntuning moral na tumutulong sa kanila na mabatid kung ano ang tama at mali. Ang disiplinang inilalapat nang wasto ay tumutulong sa kanila na mapanatag ang loob; sinasabi nito sa kanila na ang kanilang mga magulang ay nagmamalasakit sa kanila at sa uri ng pagkatao na nililinang nila.—Ihambing ang Kawikaan 4:10-13.
13. (a) Kung tungkol sa disiplina, anong babala ang ibinibigay ng Bibliya sa mga magulang? (b) Anong uri ng disiplina ang inirerekomenda ng Bibliya?
13 Ngunit pinapag-iingat ng Bibliya ang mga magulang kung tungkol sa disiplina. Hindi kailanman dapat magmalabis ang magulang sa paggamit ng awtoridad. (Kawikaan 22:15) Sinumang bata ay hindi dapat lapatan ng malupit na parusa. Ang pisikal na karahasan ay walang dako sa pamilya na namumuhay ayon sa Bibliya. (Awit 11:5) Hindi rin nararapat ang emosyonal na karahasan—matalas na pananalita, palaging pagpuna, nakasasakit na pagtuya, na pawang maaaring sumira sa loob ng bata. (Ihambing ang Kawikaan 12:18.) May katalinuhang nagbababala ang Bibliya sa mga magulang: “Huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob [o, “papanlulupaypayin ninyo ang kanilang puso,” Phillips].” (Colosas 3:21) Inirerekomenda ng Bibliya ang mga hakbang upang makapag-ingat. Sa Deuteronomio 11:19, hinihimok ang mga magulang na samantalahin ang malayang panahon upang ikintal sa kanilang mga anak ang moral at espirituwal na mga simulain. Ang gayong malinaw at makatuwirang payo sa pagpapalaki ng anak ay kumakapit sa ngayon gaya rin noong panahon ng Bibliya.
14, 15. (a) Sa anong paraan na ang Bibliya ay hindi lamang naglalaan ng matalinong payo? (b) Anong mga turo sa Bibliya ang makatutulong sa mga lalaki at babae mula sa iba’t ibang lahi at bansa na malasin ang isa’t isa bilang magkakapantay?
14 Hindi lamang matalinong payo ang inilalaan ng Bibliya. Ang mensahe nito ay nakaaantig sa puso. Sinasabi ng Hebreo 4:12: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak at tumatagos maging hanggang sa paghahati ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” Tingnan natin ang isang halimbawa ng nagpapakilos na kapangyarihan ng Bibliya.
15 Ang mga tao sa ngayon ay nababahagi dahil sa mga hadlang sa lahi, bansa, at lipi. Ang mga artipisyal na pader na ito ang naging sanhi ng lansakang pamamaslang sa mga inosenteng tao sa mga digmaan sa buong daigdig. Sa kabilang dako, ang Bibliya ay naglalaman ng mga turo na tutulong sa mga lalaki’t babae mula sa iba’t ibang lahi at bansa na malasin ang isa’t isa bilang magkakapantay. Halimbawa, sinasabi ng Gawa 17:26 na “ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao.” Ipinakikita nito na talagang iisa lamang ang lahi—ang lahi ng tao! Hinihimok pa tayo ng Bibliya na “maging tagatulad sa Diyos,” na tungkol sa kaniya’y sinasabi nito: “[Siya] ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Efeso 5:1; Gawa 10:34, 35) Para sa mga tunay na nagnanais mabuhay ayon sa mga turo ng Bibliya, ang kaalamang ito ay may bisa sa pagkakaisa. Tumatagos ito hanggang sa kaloob-looban—sa puso—anupat pinaglalaho ang gawang-tao na mga hadlang na nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi ng mga tao. Talaga bang mabisa ito sa daigdig sa ngayon?
16. Ilahad ang isang karanasan na nagpapakitang isang tunay na pambuong-daigdig na kapatiran ang mga Saksi ni Jehova.
16 Tiyak na tiyak na oo! Ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala sa kanilang pambuong-daigdig na pagkakapatiran, na nagbubuklod sa mga tao na may iba’t ibang pinagmulan na karaniwang hindi makikipagpayapaan sa isa’t isa. Halimbawa, sa panahon ng mga etnikong paglalabanan sa Rwanda, pinangalagaan ng mga Saksi ni Jehova sa bawat tribo ang kanilang Kristiyanong mga kapatid na kabilang sa ibang tribo, anupat naisasapanganib pa nga ang kanilang sariling buhay sa paggawa nito. Sa isang kaso, itinago ng isang Saksing Hutu sa kaniyang bahay ang isang pamilyang Tutsi na may anim na miyembro na kabilang sa kanilang kongregasyon. Nakalulungkot, ang pamilyang Tutsi ay natuklasan nang dakong huli at pinatay. Ang kapatid na Hutu at ang kaniyang pamilya ay napaharap ngayon sa poot ng mga pumatay at kinailangang tumakas patungo sa Tanzania. Maraming kahawig na halimbawa ang iniulat. Maluwag sa loob na tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova na ang gayong pagkakaisa ay posible dahil sila’y lubhang naantig ng nagpapakilos na puwersa ng mensahe ng Bibliya. Ang bagay na napagbubuklod ng Bibliya ang mga tao sa daigdig na ito na lipos ng pagkakapootan ay isang matibay na patotoo na ito ay mula sa Diyos.
Isang Aklat ng Tunay na Hula
17. Paanong ang mga hula sa Bibliya ay di-tulad ng gawang-tao na mga prediksiyon?
17 “Walang hula ng Kasulatan ang lumitaw mula sa anumang sariling pagpapakahulugan,” sabi ng 2 Pedro 1:20. Hindi sinuri ng mga propeta sa Bibliya ang umiiral na kalagayan sa daigdig at saka gumawa ng may basehang sapantaha batay sa kanilang sariling pagpapakahulugan sa mga pangyayaring ito. Hindi rin sila bumigkas ng malalabong hula na maaaring ibagay sa anumang pangyayari sa hinaharap. Halimbawa, isaalang-alang natin ang isang hula sa Bibliya na lubhang espesipiko at humula ng eksaktong kabaligtaran ng maaaring asahan ng mga tao na nabubuhay noon.
18. Bakit tiyak na panatag na panatag ang loob ng mga naninirahan sa sinaunang Babilonya, subalit ano ang inihula ni Isaias tungkol sa Babilonya?
18 Pagsapit ng ikapitong siglo B.C.E., ang Babilonya ang waring naging di-malulupig na kabisera ng Imperyo ng Babilonya. Ang lunsod ay nakasaklang sa Ilog Eufrates, at ang katubigan ng ilog ay ginamit upang makahukay ng isang malapad at malalim na trinsera at magkakarugtong na mga kanal. Ang lunsod ay protektado rin ng isang napakalaki at matibay na sistema ng doblehang pader, na ang patibayan ay mga tanggulang tore. Tiyak na panatag na panatag ang loob ng mga naninirahan sa Babilonya. Gayunman, noong ikawalong siglo B.C.E., bago pa man umahon ang Babilonya sa karurukan ng kaluwalhatian nito, inihula ni propeta Isaias: “Ang Babilonya . . . ay magiging gaya nang gibain ng Diyos ang Sodoma at Gomorra. Hindi siya kailanman matatahanan, ni siya man ay tatahanan sa sali’t saling lahi. At doon ay hindi magtatayo ng kaniyang tolda ang Arabe, at hindi pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang mga kawan.” (Isaias 13:19, 20) Pansinin na hindi lamang sinabi ng hula na wawasakin ang Babilonya kundi na ito’y lubusang mawawalan ng mga maninirahan magpakailanman. Isang totoong mapangahas na prediksiyon iyan! Maaari kayang isinulat ni Isaias ang kaniyang hula pagkatapos na makita niya ang tiwangwang na Babilonya? Ang sagot ng kasaysayan ay hindi!
19. Bakit hindi lubusang natupad ang hula ni Isaias noong Oktubre 5, 539 B.C.E.?
19 Kinagabihan ng Oktubre 5, 539 B.C.E., ang Babilonya ay bumagsak sa kamay ng mga hukbo ng Medo-Persia sa ilalim ni Ciro na Dakila. Gayunman, ang hula ni Isaias ay hindi lubusang natupad nang panahong iyon. Matapos ang pagsakop ni Ciro, ang isang tinatahanang Babilonya—bagaman mas mababang-uri—ay nagpatuloy pa rin sa loob ng ilang siglo. Noong ikalawang siglo B.C.E., halos nang panahon na kinopya ang Dead Sea Scroll ng Isaias, sinakop ng mga taga-Parthia ang Babilonya, na noon ay minalas bilang isang gantimpala na pinaglalabanan ng mga nakapalibot na bansa. Iniulat ng Judiong mananalaysay na si Josephus na may “isang malaking bilang” ng mga Judiong naninirahan doon noong unang siglo B.C.E. Ayon sa The Cambridge Ancient History, nasumpungan ng mga mangangalakal na taga-Palmyr ang isang maunlad na kolonya para sa komersiyo sa Babilonya noong 24 C.E. Kaya, kahit noong unang siglo C.E., ang Babilonya ay hindi pa lubusang tiwangwang; gayunman, ang aklat ni Isaias ay matagal nang nakumpleto bago pa noon.—1 Pedro 5:13.
20. Ano ang ebidensiya na ang Babilonya ay naging “mga tambak ng bato” na lamang nang dakong huli?
20 Hindi na nakita ni Isaias ang pagtitiwangwang sa Babilonya. Ngunit bilang katuparan ng hula, ang Babilonya ay naging “mga tambak na bato” na lamang nang dakong huli. (Jeremias 51:37) Ayon sa iskolar sa Hebreo na si Jerome (isinilang noong ikaapat na siglo C.E.), noong kaniyang panahon ay isa nang lugar na ginagamit sa pangangaso ang Babilonya na doo’y pagala-gala ang “lahat ng uri ng hayop,” at ito’y nananatiling tiwangwang hanggang sa ngayon. Ang anumang pagsasauli ng Babilonya bilang isang pang-akit sa mga turista ay maaaring humatak ng mga panauhin, ngunit ang “supling at kaapu-apuhan” ng Babilonya ay naglaho na magpakailanman, gaya ng inihula ni Isaias.—Isaias 14:22.
21. Bakit nagawa ng tapat na mga propeta ang tumpak na paghula sa kinabukasan nang walang mintis?
21 Si propeta Isaias ay hindi gumawa ng isang may basehang sapantaha. Hindi rin naman niya dinoktor ang kasaysayan upang ito’y magmukhang isang hula. Si Isaias ay isang tunay na propeta. Gayundin ang lahat ng iba pang propeta sa Bibliya. Bakit kaya nagawa ng mga lalaking ito ang hindi naman kayang gawin ng ibang tao—ang tumpak na paghula sa kinabukasan nang walang mintis? Maliwanag ang sagot. Ang mga hula ay nagmula sa Diyos ng mga hula, si Jehova, “ang Isa na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula.”—Isaias 46:10.
22. Bakit dapat nating gawin ang ating buong makakaya na himukin ang tapat-pusong mga tao na suriin nila mismo ang Bibliya?
22 Samakatuwid, ang Bibliya ba’y karapat-dapat na suriin? Alam na natin na gayon nga! Ngunit marami ang hindi kumbinsido. May sarili na silang mga opinyon tungkol sa Bibliya kahit hindi pa naman nila ito nababasa. Alalahanin ang propesor na nabanggit sa pasimula ng naunang artikulo. Sumang-ayon siya na magkaroon ng pag-aaral sa Bibliya, at matapos niyang maingat na suriin ang Bibliya, naging kumbinsido siya na ito’y isang aklat mula sa Diyos. Nang maglaon ay nabautismuhan siya bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, at sa ngayon ay naglilingkod siya bilang isang matanda! Gawin natin ang ating buong makakaya na himukin ang tapat-pusong mga tao na suriin nila mismo ang Bibliya at saka gumawa ng sariling opinyon tungkol dito. Natitiyak natin na kung buong-katapatan at tuwiran nilang susuriin ito, matatalos nila na ang bukod-tanging aklat na ito, ang Bibliya, ay tunay ngang isang aklat para sa lahat ng tao!
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Paano mo magagamit ang Batas Mosaiko upang ipakita na ang Bibliya ay hindi nagmula sa tao?
◻ Anong di-kumukupas na mga simulain sa Bibliya ang praktikal para sa modernong pamumuhay?
◻ Bakit ang hula sa Isaias 13:19, 20 ay hindi maaaring isinulat pagkatapos maganap ang pangyayari?
◻ Ano ang dapat nating irekomendang gawin ng tapat-pusong mga tao, at bakit?
[Kahon sa pahina 19]
Paano Kung Di-mapatunayan?
Ang Bibliya ay naglalaman ng iba’t ibang pangungusap na doo’y walang sapat na pisikal na ebidensiya. Halimbawa, ang sinasabi nito tungkol sa di-nakikitang dako ng mga espiritung nilalang ay di-mapatunayan—o mapabulaanan—sa siyentipikong paraan. Talaga bang ginagawa ng gayong di-mapatunayang pagbanggit na ang Bibliya ay salungat sa siyensiya?
Ito ang tanong na napaharap sa isang planetary geologist na nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova mga ilang taon na ang nakalilipas. “Kailangan kong aminin na ang pagtanggap sa Bibliya ay mahirap para sa akin noong una dahil hindi ko mapatunayan sa siyentipikong paraan ang ilang pangungusap sa Bibliya,” nagunita niya. Ang taimtim na lalaking ito ay nagpatuloy sa pag-aaral ng Bibliya at naging kumbinsido sa dakong huli na ang magagamit na ebidensiya ay nagpapakitang ito ay Salita ng Diyos. “Binawasan nito ang hangarin na patunayan nang husto ang bawat bagay sa Bibliya,” paliwanag niya. “Ang isang taong mahilig sa siyensiya ay dapat na handang magsuri ng Bibliya mula sa espirituwal na pangmalas, kung hindi ganito ay hindi niya kailanman matatanggap ang katotohanan. Hindi maasahang mapatutunayan ng siyensiya ang bawat pangungusap sa Bibliya. Ngunit hindi nangangahulugan na ang ilang pangungusap ay di-totoo dahil lamang sa hindi mapatunayan ang mga ito. Ang mahalaga, hangga’t maaari, tinitiyak ang ganap na kawastuan ng Bibliya.”
[Larawan sa pahina 17]
Sumulat si Moises ng mga tuntunin sa kalinisan na lubhang nauna pa kaysa sa kanilang panahon