Ang Buhay Ko Bilang Isang Ketongin—Maligaya at Espirituwal na Pinagpala
GAYA NG INILAHAD NI ISAIAH ADAGBONA
Lumaki ako sa Akure, Nigeria. Ang aking pamilya ay nagtatanim ng mga tugî, saging, kamoteng-kahoy, at kakaw. Ayaw akong papag-aralin ng aking ama. Ang sabi niya sa akin: “Ikaw ay isang magsasaka. Hindi mo na kailangang bumasa upang magtanim ng mga tugî.”
GAYUNMAN, gusto kong matutong bumasa. Sa gabi, nakatayo ako at nakikinig sa may bintana ng isang bahay kung saan ang mga bata ay tinuturuan ng isang pribadong guro. Iyan ay noong 1940 nang ako’y mga 12 taóng gulang. Kapag nakikita ako ng ama ng mga bata, sinisigawan at itinataboy niya ako. Subalit patuloy akong bumabalik. Kung minsan ay hindi dumarating ang guro, at ako’y patagong papasok at titingin sa mga aklat ng mga bata. Kung minsan ay ipinahihiram nila sa akin ang kanilang mga aklat. Ganiyan ako natutong bumasa.
Sumama Ako sa Bayan ng Diyos
Nang maglaon ay nagkaroon ako ng isang Bibliya at palagi ko itong binabasa bago ako matulog. Isang gabi ay nabasa ko ang Mateo kabanata 10, na nagpapakitang ang mga alagad ni Jesus ay kapopootan at pag-uusigin ng mga tao.
Natatandaan ko na ang mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa aming bahay at hindi pinakitunguhan nang mabuti. Naisip ko na maaaring ito ang mga tao na binanggit ni Jesus. Nang sumunod na pagkakataong dumalaw ang mga Saksi, kumuha ako ng mga magasin sa kanila. Nang makisama ako sa kanila, naging tudlaan ako ng pagtuya. Gayunman, habang sinisikap ng mga taong pahinain ang loob ko, lalo naman akong nakumbinsi at nagalak na nasumpungan ko ang tunay na relihiyon.
Ang talagang nakatawag-pansin sa akin tungkol sa mga Saksi ay na, di-tulad ng ibang grupo ng relihiyon sa aming lugar, hindi nila isinasama sa kanilang pagsamba ang mga kaugalian at mga tradisyon ng lokal na paganong relihiyon. Halimbawa, bagaman ang aming pamilya ay nagtutungo sa simbahang Anglicano, pinananatili ng tatay ko ang isang dambana sa diyos ng Yoruba na si Ogun.
Nang mamatay ang tatay ko, dapat sana’y mamanahin ko ang dambana. Hindi ko ito gusto, yamang batid ko na hinahatulan ng Bibliya ang idolatriya. Sumulong ako sa espirituwal sa tulong ni Jehova, at noong Disyembre 1954, ako’y nabautismuhan.
Umatake ang Ketong
Maaga nang taóng iyon, napansin kong namamaga at nawawalan ng pakiramdam ang aking mga paa. Kung tatapak ako sa mainit na baga, walang kirot. Pagkalipas ng ilang panahon, lumitaw ang mamula-mulang mga ulser o sugat sa aking noo at mga labi. Hindi ko alam ni ng aking pamilya kung ano ang problema; akala namin ito ay eksema. Nagtungo ako sa 12 espesyalista sa mga halamang gamot para gumaling. Sa wakas sinabi sa amin ng isa sa kanila na ito ay ketong.
Nakasisindak ito! Nabalisa ako at hindi ako nakatulog nang husto. Nagkaroon ako ng masasamang panaginip. Subalit ang kaalaman ko sa katotohanan ng Bibliya at ang pagtitiwala ko kay Jehova ay nakatulong sa akin upang umasa sa hinaharap taglay ang matibay na pananalig.
Sinabi ng mga tao sa aking ina na kung magtutungo ako sa isang orakulo upang maghandog ng mga hain, gagaling ako. Tumanggi ako, yamang batid ko na ang gayong pagkilos ay hindi nakalulugod kay Jehova. Sa pagkaalam na nakapagpasiya na ako tungkol sa bagay na ito, iminungkahi ng mga kaibigan ni inay na siya’y kumuha ng isang buto ng kola at ipahid ito sa aking noo. Pagkatapos ay maihaharap niya ang buto ng kola sa orakulo upang gamitin sa mga hain alang-alang sa akin. Ayaw kong makibahagi roon at sinabi ko ito sa kaniya. Sa wakas ay inihinto na niya ang kaniyang mga pagsisikap na isangkot ako sa paganong relihiyon.
Nang magpunta ako sa ospital, malala na ang ketong. May mga sugat ako sa buong katawan. Sa ospital, binigyan nila ako ng mga gamot, at unti-unti ay nagbalik sa normal ang aking balat.
Akala Nila Ako’y Patay Na
Subalit hindi pa tapos ang aking mga problema. Ang aking kanang paa ay nagkaroon ng malubhang impeksiyon, at noong 1962 ito ay kinailangang putulin. Pagkatapos ng operasyon, nagkaroon ng medikal na mga komplikasyon. Hindi inaasahan ng mga doktor na ako’y mabubuhay pa. Isang puting misyonerong pari ang dumating upang magsagawa ng huling mga ritwal. Napakahina ko upang magsalita, subalit sinabi sa kaniya ng isang nars na ako ay isa sa mga Saksi ni Jehova.
Sinabi sa akin ng pari: “Gusto mo bang magbago at maging isang Katoliko upang ikaw ay mapunta sa langit?” Natawa ako sa loob ko. Nanalangin ako kay Jehova para sa lakas upang sumagot. Taglay ang malaking pagsisikap nasabi ko, “Hindi po!” Ang pari ay tumalikod at umalis.
Lumala ang aking kalagayan hanggang sa akalain ng mga kawani sa ospital na ako’y patay na. Tinakpan nila ng kumot ang aking mukha. Subalit, hindi nila ako dinala sa morge, yamang kailangan munang magbigay ng sertipiko ang isang doktor o isang nars na ako ay patay na. Walang doktor noon, at lahat ng nars ay nasa isang salu-salo. Kaya iniwan nila ako sa ward nang magdamag. Nang bumisita ang doktor kinaumagahan, walang pumunta sa aking kama dahil ako’y may talukbong pa at ipinalalagay na patay na. Sa katapusan, may nakapansin na ang “bangkay” na natatakpan ng kumot ay gumagalaw!
Buweno, gumaling ako, at noong Disyembre 1963 ay inilipat nila ako sa Abeokuta Leprosy Hospital Settlement sa timog-kanluran ng Nigeria. Doon na ako tumira mula noon.
Pagsalansang sa Aking Pangangaral
May mga 400 ketongin sa pamayanan nang dumating ako, at ako lamang ang Saksi. Sumulat ako sa Samahan, at agad silang tumugon sa pamamagitan ng pag-uutos sa Kongregasyon ng Akomoje na makipag-usap sa akin. Kaya kailanma’y hindi ako napahiwalay sa mga kapatid.
Pagdating na pagdating ko sa pamayanan, nagsimula akong mangaral. Hindi natuwa ang lokal na pastor tungkol diyan, at isinumbong niya ako sa welfare officer na siyang nangangasiwa sa kampo. Ang welfare officer ay isang matanda nang lalaki na mula sa Alemanya. Sinabi niya sa akin na wala akong karapatang magturo ng Bibliya dahil sa hindi ako nakapag-aral o wala akong katibayan upang gawin iyon; yamang ako’y hindi kuwalipikado, tuturuan ko ang mga tao nang mali. Kung magpapatuloy ako, ako’y paaalisin sa pamayanan at pagkakaitan ng medikal na paggagamot. Hindi niya ako binigyan ng pagkakataong sumagot.
Pagkatapos ay naglabas siya ng isang direktiba na walang sinuman ang dapat na makipag-aral ng Bibliya sa akin. Bunga nito, yaong mga nagpakita ng interes ay hindi na pumunta sa akin.
Idinulog ko ang bagay na ito kay Jehova sa panalangin, na humihingi ng karunungan at patnubay. Nang sumunod na Linggo, nagpunta ako sa simbahan ng Baptist sa pamayanan, bagaman hindi ako nakibahagi sa relihiyosong serbisyo. May pagkakataon sa panahon ng serbisyo na yaong mga naroroon ay maaaring magtanong. Nagtaas ako ng kamay at nagtanong: “Kung lahat ng mabubuting tao ay pupunta sa langit at ang lahat ng masasamang tao ay pupunta sa ibang dako, bakit sinasabi sa Isaias 45:18 na ginawa ng Diyos ang lupa upang panirahan?”
Nagkaroon ng bulung-bulungan sa kongregasyon. Sa wakas, sinabi ng misyonerong pastor na hindi natin maaaring maunawaan ang mga paraan ng Diyos. Pagkatapos niyan, sinagot ko ang aking sariling tanong sa pamamagitan ng pagbasa sa mga kasulatan na nagpapakita na 144,000 ang pupunta sa langit, na mawawala na ang mga balakyot, at na ang mga taong matuwid ay maninirahan sa lupa magpakailanman.—Awit 37:10, 11; Apocalipsis 14:1, 4.
Ang lahat ay pumalakpak bilang pagpapahalaga sa sagot. Saka sinabi ng pastor: “Pumalakpak kayo sa ikalawang pagkakataon sapagkat talagang nalalaman ng taong ito ang Bibliya.” Pagkatapos ng serbisyo, ang ilan ay lumapit sa akin at nagsabi: “Mas marami kang nalalaman kaysa sa pastor!”
Nagpatuloy ang Panggigipit Upang Paalisin Ako
Pinahinto niyan ang malaking bahagi ng pag-uusig, at muling nakisama sa akin ang mga tao upang mag-aral ng Bibliya. Gayunman, may mga mananalansang na patuloy na gumigipit sa welfare officer na paalisin ako. Mga isang buwan pagkatapos ng serbisyo sa simbahan, tinawag niya ako at sinabi: “Bakit ka patuloy na nangangaral? Sa aming bansa, ayaw ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova, at gayundin dito. Bakit mo ba ako nililigalig? Alam mo bang puwede kitang paalisin?”
Ako’y sumagot: “Papa, iginagalang ko po kayo sa tatlong kadahilanan. Una po, sapagkat kayo’y mas matanda sa akin, at sinasabi ng Bibliya na dapat tayong gumalang sa mga taong may uban. Ang ikalawang dahilan kung bakit iginagalang ko kayo ay sapagkat iniwan ninyo ang inyong bansa upang tulungan kami rito. Ang ikatlong dahilan ay na kayo ay mabait, mapagbigay, at tumutulong sa mga nasa kabagabagan. Subalit ano po sa akala ninyo ang inyong karapatan upang paalisin ako? Hindi po pinaaalis ng presidente ng bansa ang mga Saksi ni Jehova. Hindi po kami pinaaalis ng tradisyunal na tagapamahala ng rehiyong ito. Kahit na po itaboy ninyo ako sa kampong ito, pangangalagaan pa rin po ako ni Jehova.”
Kailanma’y hindi pa ako nakapagsalita ng gayong katahasan sa kaniya, at nakita kong tumalab ito. Siya’y umalis nang walang salita. Nang maglaon, nang may magreklamo tungkol sa akin, siya’y walang ganang tumugon: “Ayaw ko nang masangkot sa problemang ito. Kung may problema ka sa kaniyang pangangaral, kausapin mo siya!”
Ang Klase sa Pagbasa at Pagsulat
Ang pagsalansang sa aking pangangaral ay nagpatuloy mula sa mga dumadalo sa simbahan ng Baptist sa kampo. Pagkatapos ay nakaisip ako ng isang ideya. Nagtungo ako sa welfare officer at nagtanong ako kung maaari ba akong magtayo ng isang klase sa pagbasa at pagsulat. Nang magtanong siya kung magkano ang gusto kong sahod, sinabi ko na ako’y magtuturo nang walang bayad.
Naglaan sila ng isang silid-aralan, pisara, at tisa, kaya sinimulan kong turuan ang ilan na nasa loob ng kampo na bumasa. Nagkaklase kami araw-araw. Sa unang 30 minuto, tuturuan ko silang bumasa, pagkatapos ay maglalahad ako at magpapaliwanag ng isang kuwento mula sa Bibliya. Pagkatapos, babasahin namin ang ulat mula sa Bibliya.
Ang isang estudyante ay isang babaing nagngangalang Nimota. Mayroon siyang malalim na interes sa espirituwal na mga bagay at nagtatanong tungkol sa relihiyon kapuwa sa simbahan at sa moske. Hindi niya nakuha ang sagot sa kaniyang mga tanong doon, kaya nagpupunta siya sa akin. Sa dakong huli, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at siya’y nabautismuhan. Kami’y nagpakasal noong 1966.
Karamihan sa aming kongregasyon ngayon ay natutong bumasa’t sumulat sa klase na iyon na nagtuturo ng pagbasa at pagsulat. Wala akong karunungan upang imungkahi ang klaseng iyon. Tiyak na ang pagpapala ni Jehova ay kitang-kita. Wala nang nagsikap na pahintuin ako sa pangangaral pagkatapos nito.
Isang Kingdom Hall sa Loob ng Kampo
Nang kami ni Nimota ay mag-asawa na, apat kaming regular na nagtitipon upang pag-aralan nang sama-sama Ang Bantayan. Sa loob halos ng isang taon, kami’y nagtipon sa silid kung saan ang mga sugat ng mga may ketong ay hinuhugasan. Pagkatapos ay sinabi sa akin ng welfare officer, na ngayo’y naging kaibigan ko na: “Hindi mabuting sambahin ninyo ang inyong Diyos sa isang silid gamutan.”
Sinabi niyang maaari kaming magtipon sa isang bakanteng bodega ng karpintero. Nang maglaon, ang bodegang iyon ay ginawang isang Kingdom Hall. Noong 1992, sa tulong ng mga kapatid sa bayan, natapos namin ito. Gaya ng makikita mo sa larawan sa pahina 24, ang aming bulwagan ay isang matibay na gusali—may palitada at pintura, na may kongkretong sahig at matibay na bubong.
Pangangaral sa mga May Ketong
Sa loob ng 33 taon ang aking teritoryo ay ang pamayanan ng mga may ketong. Ano ba ang katulad ng pangangaral sa mga ketongin? Dito sa Aprika ang karamihan ng mga tao ay naniniwala na ang lahat ng bagay ay galing sa Diyos. Kaya kung sila’y pinahihirapan ng ketong, naniniwala silang ang Diyos ang may pananagutan nito. Ang ilan ay lubhang nanlulumo tungkol sa kanilang kalagayan. Ang iba naman ay nagagalit at nagsasabi: “Huwag ninyong ipakipag-usap sa amin ang tungkol sa isang Diyos na maibigin at maawain. Kung totoo iyan, wala sana ang sakit na ito!” Pagkatapos ay babasahin namin at ikakatuwiran ang nasa Santiago 1:13, na nagsasabing: ‘Sa masasamang bagay ang Diyos ay hindi nanunubok ng sinuman.’ Saka namin ipaliliwanag kung bakit ipinahihintulot ni Jehova na magkasakit ang mga tao, at itinuturo namin ang kaniyang pangakong isang paraisong lupa kung saan wala nang magkakasakit.—Isaias 33:24.
Marami ang tumugon nang may pagsang-ayon sa mabuting balita. Mula nang dumating ako sa kampong ito, ginamit ako ni Jehova upang tulungan ang mahigit sa 30 katao sa pag-aalay at bautismo, pawang mga ketongin. Marami ang bumalik na sa kani-kanilang tahanan pagkatapos gumaling, at ang ilan ay namatay na. Ngayon ay mayroon kaming 18 mamamahayag ng Kaharian, at mga 25 katao ang regular na dumadalo sa mga pulong. Dalawa sa amin ang naglilingkod bilang matatanda, at mayroon kaming isang ministeryal na lingkod at isang regular payunir. Anong ligaya ko na makita ang napakarami ngayon na matapat na naglilingkod kay Jehova sa kampong ito! Nang dumating ako rito, ikinatakot kong ako’y mag-iisa, subalit pinagpala ako ni Jehova sa kamangha-manghang paraan.
Ang Kagalakan ng Paglilingkod sa Aking mga Kapatid
Ako’y gumamit ng mga gamot para sa ketong mula noong 1960 hanggang sa mga limang taon na ang nakalipas. Ngayon ay ganap na akong magaling, gaya ng iba pa sa kongregasyon. Ang ketong ay nag-iwan ng tanda nito—nawala ang aking binti, at hindi ko maituwid ang aking mga kamay—subalit wala na ang karamdaman.
Yamang magaling na ako, ang ilan ay nagtatanong kung bakit hindi ako umaalis sa kampo at umuwi. May ilang kadahilanan kung bakit ako nanatili, subalit ang pangunahing dahilan ay na gusto kong patuloy na matulungan ang aking mga kapatid dito. Ang kagalakan ng pangangalaga sa tupa ni Jehova ay nakahihigit sa anumang maaaring ibigay sa akin ng aking pamilya kung ako’y babalik sa kanila.
Ako’y labis na nagpapasalamat na nakilala ko si Jehova bago ko nalaman na ako’y may ketong. Kung hindi, malamang na nagpakamatay na ako. Maraming hirap at problema sa nagdaang mga taon, subalit pinalakas ako hindi ng medisina—kundi ni Jehova. Kapag ginugunita ko ang nakaraan, ako’y maligaya; at kapag iniisip ko ang hinaharap sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, lalo na akong maligaya.
[Kahon sa pahina 25]
Mahalagang Impormasyon Tungkol sa Ketong
Ano ba Ito?
Ang makabagong-panahong ketong ay isang karamdaman na dala ng isang baktirya na nakilala noong 1873 ni Armauer Hansen. Bilang pagkilala sa kaniyang nagawa, tinatawag din ng mga doktor ang ketong bilang Hansen’s disease.
Sinisira ng baktirya ang mga nerbiyo, buto, mata, at ang ilang sangkap ng katawan. Nawawala ang pandamdam, kadalasan sa mga kamay at paa. Kung hindi gagamutin, ang karamdaman ay maaaring pagmulan ng matinding pagkasira ng mukha at ng mga kamay at paa. Bihira itong makamatay.
May Lunas Ba?
Ang mga taong may hindi mabagsik na uri ng ketong ay gumagaling kahit na hindi gamutin. Ang mas grabeng mga kaso ay mapagagaling sa pamamagitan ng mga gamot.
Ang unang gamot laban sa ketong, na ipinakilala noong mga taon ng 1950, ay mabagal kumilos at mabilis na nawawalan ng bisa sapagkat nalalabanan ito ng baktirya ng ketong. Nakagawa ng bagong mga gamot, at mula noong unang mga taon ng 1980, ang Multi-Drug Therapy (MDT) ang naging pamantayang panggagamot sa buong daigdig. Pinagsasama ng panggagamot na ito ang tatlong gamot—Dapsone, Rifampicin, at Clofazimine. Bagaman pinapatay ng MDT ang baktirya, hindi nito kinukumpuni ang pinsalang nagawa.
Ang MDT ay napakabisa sa paggamot sa karamdaman. Dahil dito, mabilis na bumaba ang bilang ng maraming taong may ketong mula sa 12 milyon noong 1985 tungo sa mga 1.3 milyon noong kalagitnaan ng 1996.
Gaano Kabilis Makahawa Ito?
Ang ketong ay hindi lubhang nakahahawa; karamihan ng mga tao ay may malakas na mga sistema ng imyunidad upang labanan ito. Kung ito’y makahawa, karaniwan nang nahahawaan nito ang mga taong namumuhay nang malapit sa taong mayroon nito. Hindi matiyak ng mga doktor kung paano pumapasok sa katawan ng tao ang baktirya, subalit may hinala sila na ito’y pumapasok sa pamamagitan ng balat o ng ilong.
Pag-asa sa Hinaharap
Ang ketong ay inaasintang “lipulin bilang isang problema ng kalusugan ng bayan” sa taóng 2000. Nangangahulugan ito na ang bilang ng mga kaso ng ketong sa anumang pamayanan ay hindi hihigit sa 1 sa 10,000 katao. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ito ay lubusang mawawala na.—Isaias 33:24.
Pinagmulan: World Health Organization; International Federation of Anti-Leprosy Associations; at Manson’s Tropical Diseases, Edisyon ng 1996.
[Kahon sa pahina 27]
Ang Ketong Ba sa Ngayon ay Katulad Noong Panahon ng Bibliya?
Binibigyan-kahulugan ng mga aklat-aralin sa medisina ngayon ang ketong sa wastong mga termino; ang siyentipikong pangalan para sa mikrobyong kasangkot ay Mycobacterium leprae. Mangyari pa, ang Bibliya ay hindi isang aklat-aralin sa medisina. Ang mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “ketong” sa maraming salin ng Bibliya ay mas malawak ang kahulugan. Halimbawa, ang ketong sa Bibliya ay may kapansin-pansing mga sintomas hindi lamang sa mga tao kundi rin naman sa damit at bahay, isang bagay na hindi ginagawa ng isang baktirya.—Levitico 13:2, 47; 14:34.
Isa pa, ang mga sintomas sa tao na pagkakakilanlan ng ketong ngayon ay hindi katulad ng paglalarawan sa ketong noong mga panahon ng Bibliya. Sinasabi ng ilan na ang paliwanag ay maaaring dahil sa ang kalikasan ng karamdaman ay nagbabago sa paglipas ng panahon. Ang iba naman ay naniniwalang ang ketong na binabanggit sa Bibliya ay naglalarawan sa maraming karamdaman, na maaaring kasama o hindi kasama ang karamdaman na dala ng M. leprae.
Binabanggit ng Theological Dictionary of the New Testament na kapuwa ang mga salitang Griego at Hebreo na karaniwang isinasaling ketong “ay tumutukoy sa iisang karamdaman, o grupo ng mga karamdaman . . . Maaaring pag-alinlanganan kung ang sakit bang ito ang tinatawag ngayon na ketong. Subalit ang tamang pagkakakilanlan ng sakit ayon sa medisina ay hindi nakaaapekto sa ating pagtingin sa mga ulat ng pagpapagaling [ni Jesus at ng kaniyang mga alagad sa mga ketongin].”
[Larawan sa pahina 24]
Ang kongregasyon sa labas ng Kingdom Hall sa loob ng kampo ng mga ketongin
[Larawan sa pahina 26]
Si Isaiah Adagbona at ang kaniyang maybahay, si Nimota