Ang Lupa—Bakit Ito Naririto?
May isang tanong na dapat mong isaalang-alang: Ang atin bang magandang planeta ay ginawa ng isang matalinong Maylalang na may layunin para sa lupa at para sa mga taong naririto? Ang paglutas sa isyung iyan sa paraang masisiyahan ka ay tutulong sa iyo na makita kung anong kinabukasan ang naghihintay sa ating planeta.
SA MASUSING pag-aaral tungkol sa sansinukob at sa ating lupa, maraming siyentipiko ang nakakita ng mga ebidensiya na nagpapatunay sa pag-iral ng isang Maylalang, na ang Diyos ang nasa likod nito. Tingnan natin ang mga komento mula sa isa lamang:
Isinulat ni Propesor Paul Davies sa The Mind of God: “Ang pag-iral ng isang maayos, nagkakaisang sansinukob na may matatag, organisado at masalimuot na pagkakayari ay nangangailangan ng lubhang natatanging mga batas at mga kalagayan.”
Matapos talakayin ang ilang “pagkakataon” na napansin ng mga astropisiko at iba pa, idinagdag ni Propesor Davies: “Lahat-lahat, ang mga ito’y naglalaan ng kahanga-hangang katibayan na ang buhay gaya ng alam natin dito ay lubhang naaapektuhan ng likas na batas ng pisika, at ng ilang waring di-sinasadyang aksidente sa aktuwal na sukat na pinili ng kalikasan para sa iba’t ibang bigat, lakas ng puwersa, at iba pa. . . . Sapat nang sabihin na, kung tayo ang Diyos, at pipili ng sukat ng mga bagay na ito na gusto natin sa pamamagitan ng pagpihit sa isang grupo ng pihitán, masusumpungan nating halos lahat ng pihitán ay magpapangyari sa sansinukob na ito’y hindi na matahanan pa. Sa ilang kaso ay waring kailangang itama ang iba’t ibang pihitán nang eksaktung-eksakto upang sumulong ang buhay sa sansinukob. . . . Tiyak na isang bagay na lubhang mahalaga ang katotohanan na maging ang bahagyang pagbabago sa kalikasan ay maaaring maging dahilan upang hindi na matahanan pa ang sansinukob.”
Ang kahulugan nito sa marami ay na ang ating lupa, lakip na ang ibang bahagi ng sansinukob, ay ginawa ng isang Maylalang na may layunin. Kung gayon, kailangan nating malaman una sa lahat kung bakit niya inanyuan ang lupa. Kailangan din nating tiyakin, hangga’t maaari, kung ano ang layunin niya sa lupa. Kaugnay nito ay lumilitaw ang isang nakapagtatakang katiwalian. Sa kabila ng malaganap na popularidad ng ateismo, isang nakagugulat na dami ng tao ang naniniwala pa rin sa isang matalinong Maylalang. Sa turing ay binabanggit naman ng karamihan sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang tungkol sa isang makapangyarihan sa lahat na Diyos at Maylalang ng ating sansinukob. Gayunman, bihirang-bihira sa alinman sa mga relihiyong ito ang may pagtitiwala at pananalig na bumabanggit ng hinggil sa kinabukasan ng lupa ayon sa layunin ng Diyos.
Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Makatuwiran lamang na bumaling sa isang aklat ng impormasyon na malaganap na tinatanggap bilang galing sa Maylalang. Ang aklat na ito ay ang Bibliya. Ang isa sa pinakasimple at pinakamaliwanag na mga pangungusap dito hinggil sa kinabukasan ng ating lupa ay masusumpungan sa Eclesiastes 1:4. Mababasa natin: “Isang salinlahi ang yumayaon, at isang salinlahi ang dumarating: ngunit ang lupa ay nananatili magpakailanman.” (King James Version) Tuwiran ang Bibliya sa pagpapaliwanag kung bakit nilalang ng Diyos na Jehova ang lupa. Ipinakikita rin nito na inilagay niya ito sa tamang-tamang posisyon sa sansinukob at naaayon sa ating araw upang matustusan ang buhay roon. Kinasihan ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat ang sinaunang propeta na si Isaias na isulat: “Ito ang sinabi ni Jehova, na Maylalang ng langit, Siya na tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, Siya na nagtatag nito nang matibay, na hindi niya nilalang sa walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan: ‘Ako si Jehova, at wala nang iba pa.’ ”—Isaias 45:18.
Ngunit kumusta naman ang mga ginagawang pamamaraan ng tao upang wasakin ang buhay sa lupa? Sa kaniyang walang katulad na karunungan, ipinahayag ng Diyos na siya’y makikialam bago tuluyang wasakin ng tao ang lahat ng buhay sa ating planeta. Pansinin ang nakapagpapalakas-loob na pangakong ito sa huling aklat ng Bibliya na Apocalipsis: “Ang mga bansa ay napoot, at ang iyong sariling poot ay dumating, at ang itinakdang panahon upang ang mga patay ay hatulan, at upang ibigay ang kanilang gantimpala sa iyong mga alipin na mga propeta at sa mga banal at doon sa mga natatakot sa iyong pangalan, ang maliliit at ang malalaki, at upang dalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.
Isiniwalat sa atin ni Jehova ang kaniyang orihinal na layunin sa paglalang sa lupa, ang hiyas na ito sa kalawakan, gaya ng paglalarawan dito ng isang astronaut na umiikot sa lupa. Nilayon ng Diyos na ito’y maging isang pangglobong paraiso, na komportableng tinatahanan ng mga tao—mga lalaki at babae—na pawang nabubuhay sa kapayapaan at pagkakasundo. Isinaayos niya na unti-unting magkatao sa planeta sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa unang mag-asawa na magkaroon ng mga supling. Para sa kaluguran at kasiyahan ng unang mag-asawa, ginawa ni Jehova na isang paraiso ang isang maliit na bahagi ng lupa. Habang dumarami ang mga pamilya ng tao sa paglipas ng mga taon at mga siglo, ang halamanan ng Eden ay unti-unting lalawak hanggang sa matupad ang Genesis 1:28: “Sinabi ng Diyos sa kanila: ‘Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ang lupa at supilin iyon.’ ”
Ngayong nakikita natin ang malungkot na dinaranas ng lupa at ng mga naninirahan dito, nangangahulugan ba ito na nabigo na ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa? O binago na ba niya ang kaniyang layunin at ipinasiyang dahil sa katigasan ng ulo ng sangkatauhan, pababayaan na niyang mawasak nang lubusan ang planeta at magsimulang muli, wika nga? Hindi, makatitiyak tayo na wala isa man sa mga situwasyong ito ang totoo. Sinasabi sa atin ng Bibliya na anuman ang nilayon ni Jehova ay tiyak na magaganap sa wakas, na anuman ang kaniyang ipinasiya ay hindi maaaring baguhin ng sinumang indibiduwal o maging ng di-inaasahang pangyayari. Tinitiyak niya sa atin: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi iyon babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at iyon ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na aking pinagsuguan.”—Isaias 55:11.
Pansamantalang Naudlot ang Layunin ng Diyos, Hindi Nabago
Sa pagtalikod nina Adan at Eva at sa pagpapalayas sa kanila sa halamanan ng Eden, maliwanag na ang layunin ng Diyos para sa isang paraisong lupa ay matutupad na wala sila. Gayunman, agad na ipinahiwatig ni Jehova na ilan sa kanilang mga supling ang magsasagawa ng kaniyang orihinal na ipinag-utos. Totoo, mangangailangan ito ng panahon, mga siglo pa nga, ngunit walang pahiwatig kung gaano kahabang panahon ang kakailanganin sana sa pagsasakatuparan ng orihinal na utos kung nagpatuloy man na nabuhay kapuwa sina Adan at Eva sa kasakdalan. Ang katotohanan ay na sa katapusan ng Milenyong Paghahari ni Kristo Jesus—mahigit nang kaunti sa isang libong taon mula ngayon—ang Paraisong kalagayan ng Eden ay lalaganap sa buong lupa at ang planetang Lupa ay tatahanan ng mapapayapa at maliligayang inapo ng unang mag-asawang tao. Tunay nga, ang kakayahan ni Jehova bilang isang di-nagkakamaling Tagapaglayon ay maipagbabangong-puri magpakailanman!
Saka matutupad ang kapana-panabik na mga hula na kinasihan ng Diyos napakahabang panahon na ang nakalipas. Ang mga kasulatang gaya ng Isaias 11:6-9 ay maluwalhating matutupad: “Ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat; at isang bata lamang ang mangunguna sa kanila. At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay hihigang magkakasama. At kahit ang leon ay kakain ng dayami gaya ng toro. At ang batang sumususo ay maglalaro nga sa lungga ng kobra; at sa siwang ng liwanag ng makamandag na ahas ay ilalagay pa nga ng batang inawat sa suso ang kaniyang kamay. Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”
Ang mahinang pangangatawan at mga karamdamang tinaningan na ay magiging bahagi na lamang ng lumipas, na gaya mismo ng kamatayan. Mayroon pa kayang mas sisimple pa kaysa sa mga simpleng salitang ito na masusumpungan sa huling aklat ng Bibliya? “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Oo, makapagtitiwala tayo—ang ating magandang planetang Lupa ay mananatili rito. Sana’y maging pribilehiyo mo na makaligtas sa wakas ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, pati na ang lahat ng gawain nito na sumisira sa lupa. Ang malinis na bagong sanlibutang gagawin ng Diyos ay malapit na. At magigising mula sa kamatayan ang marami nating mahal sa buhay sa pamamagitan ng himala ng pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Tunay, ang ating lupa ay mananatili rito, at makapananatili tayo roon at tatamasahin iyon.