Kung Bakit ang Ilan ay Nagpapalit ng Kanilang Relihiyon
Para sa marami, ang relihiyon ay isa lamang tatak. Maaaring ipahiwatig nito kung saan pumupunta ang isang tao paminsan-minsan kung Linggo, kung saan siya nagpapakasal, at kung saan siya ililibing. Ngunit hindi nito sinasabi kung anong uri siya ng tao o kung ano ang nalalaman o pinaniniwalaan niya. Halimbawa, isiniwalat ng isang surbey na 50 porsiyento ng mga nag-aangking Kristiyano ang hindi nakaaalam kung sino ang nagpahayag ng Sermon sa Bundok. Aba, maging ang bantog na lider na Indian na si Mohandas Gandhi, isang Hindu, ay alam iyan!
NAKAPAGTATAKA ba kung ang mga tao ay unti-unting lumalayo sa relihiyon dahil marami sa kanila ay babahagya lamang ang nalalaman hinggil sa kanilang paniniwala? Hindi nga. Gayunman, ito’y maaari namang maiwasan. Yaong mga tumanggap ng tulong na matutuhan ang Bibliya ay karaniwan nang namamangha sa kanilang nakikitang malaking pakinabang nila rito. Ang Bibliya mismo ay nagsasabi: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.”—Isaias 48:17.
Ano ang dapat gawin niyaong mga di-nabubusog sa espirituwal? Hindi sila dapat tumigil sa paglilingkod sa Diyos! Sa halip, dapat nilang buklatin ang Bibliya at tingnan kung ano ang inilalaan sa kanila ng Diyos mismo.
Mga Sagot sa Mahihirap na Tanong
Sa edad na pitong taon, nasaksihan ni Bernd ang pagkamatay ng kaniyang ina.a Sa natitirang panahon ng kaniyang kabataan, siya’y nagtanong, ‘Nasaan na kaya si Inay? Bakit kailangang lumaki ako nang wala siya?’ Bilang isang tin-edyer, si Bernd ay isang aktibong miyembro ng simbahan. Palibhasa’y nababahala sa pagdurusa ng sangkatauhan, naging pangarap niya ang maging isang tauhan sa pagkakawanggawa sa ibang bansa. Gayunman, ginugulo pa rin siya ng mga tanong na hindi naman masagot na mabuti ng kaniyang relihiyon.
Nang magkagayon ay nakipag-usap si Bernd sa isang kaeskuwela na nagkataong isa sa mga Saksi ni Jehova. Ipinakita ng kabataang ito kay Bernd mula sa Bibliya na ang kaniyang ina ay walang malay at natutulog sa kamatayan. Natutuhan ni Bernd ang maraming talata sa Bibliya na nagpapaliwanag dito, gaya ng Eclesiastes 9:5: “Hindi nalalaman ng mga patay ang anuman.” Kaya walang dahilan para kay Bernd na mag-alala na baka ang kaniyang ina ay pinahihirapan sa isang uri ng purgatoryo—o mas masahol pa. Bagaman karamihan ng mga relihiyon ay nagtuturo ng pagiging imortal ng kaluluwa, nakita ni Bernd sa Bibliya na ang kaluluwang tao ay isa lamang tao. Kapag namatay ang tao, namamatay rin ang kaluluwa. “Ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.”—Ezekiel 18:4.
Natutuhan din ni Bernd ang tungkol sa magandang pag-asa ng mga patay. Binasa niya mismo sa aklat ng Bibliya sa Gawa: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Tuwang-tuwa siyang malaman na ang pagkabuhay-muling ito ay magaganap dito sa lupa, na gagawin naman ng Diyos na isang paraiso!—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.
Di-naglaon at nasapatan ang espirituwal na pangangailangan ni Bernd dahil sa tunay na kaalaman sa Bibliya. Hindi tinalikuran ni Bernd ang relihiyon. Sa halip, umalis siya sa relihiyong hindi makapawi ng kaniyang gutom at tinanggap niya ang isang anyo ng pagsamba na matatag na nakasalig sa Bibliya. Sabi niya: “Labing-apat na taon na ang nakalilipas, at hindi ko kailanman pinagsisisihan ang ginawa kong iyon. Alam ko na ngayon na ang pagdurusa’y hindi galing sa Maylalang. Si Satanas ang diyos ng sistemang ito, at siya ang dapat sisihin sa mga kalagayang nakapalibot sa atin. Subalit hindi na magtatagal at itutuwid ng Diyos ang lahat ng pinsalang ginawa ng sanlibutan ni Satanas. Si Inay ay bubuhayin ding muli. Napakalaking kagalakan iyan!”
Siyanga pala, natupad ni Bernd ang kaniyang pangarap na magtrabaho sa ibang bansa upang tumulong sa iba. Siya’y naglilingkod sa ibang bansa na tumutulong sa iba na matutuhan ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang tunay na kalutasan ng kanilang kalungkutan. Gaya ni Bernd, milyun-milyon na ang nakaaalam na malapit nang wakasan ng Diyos ang paghihirap ng tao. Tuwang-tuwa silang malaman na may isang relihiyon na magbibigay-kasiyahan sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan.—Mateo 5:3.
Ano ba ang Layunin ng Buhay?
Habang patuloy na lumalayo sa relihiyon ang Kanluraning daigdig, marami ang nagtatanong, ‘Ano ba ang layunin ng buhay?’ Ang sagot ay masusumpungan sa Bibliya, gaya ng natuklasan ni Michael. Noong kalagitnaan ng mga taóng 1970, hinangad ni Michael na sumama sa isang grupo ng mga terorista. Isa lamang ang tunguhin niya sa buhay—tugisin ang mga tao na inaakala niyang responsable sa kawalan ng katarungan ng kapitalistang sistema. “Lagi akong may dalang baril,” sabi niya. “Ang plano ko ay pumatay ng pinakamaraming kilalang pulitiko at mga kapitalista hangga’t maaari. Handa kong ibigay ang aking buhay sa layuning ito.”
Si Michael ay palasimba, ngunit wala man lamang sinuman sa kaniyang relihiyon ang makapagpaliwanag sa tunay na layunin ng buhay. Kaya nang dalawin siya ng mga Saksi ni Jehova sa kaniyang tahanan at ipakita sa kaniya ang mga sagot ng Bibliya sa kaniyang mga tanong, matamang nakinig si Michael. Nagsimula na siyang dumalo sa mga pulong ukol sa pagsamba sa lokal na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.
Interesado ang mga kaibigan ni Michael sa kaniyang panibagong interes sa Bibliya. “Sumama kayo sa pulong sa Linggo,” anyaya ni Michael sa kanila. “Sandali lang kayo roon. Kung hindi ninyo magugustuhan ang inyong maririnig, puwede naman kayong umuwi.” Tulad ng inaasahan, pagkatapos ng 45-minutong pahayag salig sa Bibliya, karamihan sa kaniyang mga kaibigan ay umalis na. Ngunit may isa—si Susan—na nanatili. Namangha ang dalagang ito sa kaniyang narinig. Nang maglaon ay ikinasal sina Michael at Susan at nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova. “Alam ko na ngayon kung bakit tayo naririto sa lupa,” sabi ni Michael. “Tayo’y nilalang ni Jehova. Ang ating tunay na layunin sa buhay ay ang makilala siya at gawin ang kaniyang kalooban. Iyan ang nagdudulot ng tunay na kasiyahan!”
Milyun-milyon ang may gayunding paninindigan na gaya ng kay Michael. Isinasapuso nila ang mga salita sa Bibliya: “Ang wakas ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Eclesiastes 12:13.
Pagharap sa mga Suliranin sa Buhay
Lahat tayo’y nakararanas ng katuparan ng hula na masusumpungan sa 2 Timoteo 3:1: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Walang sinuman ang makatatakas sa mga suliranin ng “mga panahong mapanganib” na ito. Subalit tinutulungan tayo ng Bibliya na harapin ang mga ito.
Tingnan natin ang mag-asawang Steven at Olive. Nang magsimula silang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, sila, gaya ng marami pang iba, ay may mga suliranin sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa. “Unti-unti kaming napapalayo sa isa’t isa,” paliwanag ni Steven. “Magkaiba ang aming tunguhin at mga gusto.” Ano ang nakatulong sa kanila upang manatiling magkasama? “Ipinakita sa amin ng mga Saksi ni Jehova kung paano namin maikakapit sa aming buhay ang mga simulain ng Bibliya,” pagpapatuloy ni Steven. “Sa kauna-unahang pagkakataon, natutuhan namin ang kahulugan ng pagiging mapagbigay at maalalahanin. Pinagkaisa kami ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. Tinatamasa namin ngayon ang isang maligaya at matatag na pagsasama.”
Isang Malapit na Kaugnayan sa Diyos
Ayon sa kamakailang surbey ng Gallup, 96 na porsiyento ng mga Amerikano ang naniniwala sa Diyos, at karamihan sa mga ito’y nananalangin sa kaniya. Gayunman, isang hiwalay na surbey ang nagpapakita na sa ngayon ay nasa pinakamababang bilang nito ang mga nagtutungo sa simbahan at sinagoga sa kalahatian ng siglo. Mga 58 porsiyento ng mga Amerikano ang nagsasabing sila’y nagsisimba minsan sa isang buwan o wala pa. Maliwanag, hindi sila nailapit ng relihiyon sa Diyos. At hindi lamang ang Estados Unidos ang may ganitong problema.
Si Linda ay lumaki sa Bavaria. Siya’y masugid na Katoliko at palaging nananalangin. Kasabay nito, siya’y takot sa kinabukasan. Wala siyang nalalaman tungkol sa layunin ng Diyos sa tao. Noong siya’y 14 na taóng gulang pa lamang, nakakilala si Linda ng mga Saksi ni Jehova, at ganito ang sabi niya: “Natuwa ako sa kanilang sinabi, kaya kumuha ako ng dalawang pantulong sa pag-aaral sa Bibliya at agad kong binasa ang mga ito.” Makalipas ang dalawang taon, si Linda ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. “Lahat ng natututuhan ko sa Bibliya tungkol sa Diyos ay makatuwiran,” sabi niya. Nagbitiw si Linda sa kaniyang relihiyon at nagpabautismo bilang isang Saksi ni Jehova sa edad na 18.
Ano ang nag-udyok kay Linda na palitan ang kaniyang relihiyon? Ganito ang paliwanag niya: “Tinulungan ako ng aking relihiyon na maunawaang may isang Diyos, at natutuhan kong maniwala sa kaniya. Pero hindi siya persona at hindi nagmamalasakit. Ang aking pag-aaral ng Bibliya ay hindi lamang nagpatibay sa aking paniniwala sa Diyos kundi tumulong din sa akin na makilala at ibigin siya. Taglay ko na ngayon ang isang napakahalagang personal na pakikipag-ugnayan sa Diyos, isang bagay na pinakamahalaga sa lahat.”
Napakahalaga ng Tunay na Relihiyon!
Naibibigay ba ng iyong relihiyon ang espirituwal na patnubay at naipakikita sa iyo kung paano ka matutulungan ng Bibliya na maharap ang mga suliranin sa buhay? Itinuturo ba nito ang pag-asa ng Bibliya para sa kinabukasan? Inaakay ka ba nito sa isang malapit at personal na pakikipag-ugnayan sa Maylalang, batay sa tumpak na kaalaman sa Bibliya? Kung hindi, huwag kang susuko. Sa halip na talikuran ang relihiyon, hanapin ang isang anyo ng pagsamba na matibay na nakasalig sa Bibliya. Sa gayon ay magiging gaya ka niyaong mga inihula sa aklat ng Bibliya na Isaias: “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: ‘Narito! Ang aking mga lingkod ay kakain . . . Ang aking mga lingkod ay iinom . . . Ang aking mga lingkod ay magsasaya . . . Ang aking mga lingkod ay hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.’ ”—Isaias 65:13, 14.
[Talababa]
a Ang ilang pangalan sa artikulong ito ay pinalitan.
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Tinutulungan tayo ng Bibliya na makilala at ibigin ang Diyos