Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 7/15 p. 20-24
  • Kristiyanong Pangmalas sa mga Kaugalian sa Paglilibing

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kristiyanong Pangmalas sa mga Kaugalian sa Paglilibing
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Iniuugnay sa Isang Paniniwala
  • Paano Naman ang Tungkol sa “Seksuwal na Paglilinis”?
  • Magdamag na mga Seremonya sa Paglalamay
  • Marangal na mga Serbisyo sa Paglilibing
  • Nararapat ba ang mga Kasuutan sa Pagluluksa?
  • Iwasang Tularan ang Di-Makakasulatang mga Kaugalian
  • Makakristiyanong Burol at Libing—Marangal, Simple, at Nakalulugod sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Ano ang Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova Tungkol sa Burol at Libing?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
  • Dapat Bang Parangalan ang mga Patay?
    Gumising!—1999
  • Pinagagaang ang mga Dalamhati ng Kamatayan
    Gumising!—1992
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 7/15 p. 20-24

Kristiyanong Pangmalas sa mga Kaugalian sa Paglilibing

TOTOONG masaklap ang bigla at di-inaasahang pagkamatay ng isang minamahal. Ang isa ay natitigilan, pagkatapos ay nakadarama ng matinding kirot ng damdamin. Iba naman na masaksihan ang pagyao ng isang minamahal na matagal nang may makirot na karamdaman, ngunit nananatili ang dalamhati at matinding pangungulila.

Anuman ang mga kalagayan sa pagkamatay ng isang minamahal, ang mga naulila ay nangangailangan ng alalay at kaaliwan. Baka ang isang naulilang Kristiyano ay mapaharap din sa pag-uusig mula sa mga nagpipilit na sundin ang di-makakasulatang mga kaugalian sa paglilibing. Pangkaraniwan na ito sa maraming bansa sa Aprika at gayundin sa ilang bahagi ng lupa.

Ano ang tutulong sa isang naulilang Kristiyano para maiwasan ang di-makakasulatang mga kaugalian sa paglilibing? Paano makapagbibigay ng alalay ang mga kapananampalataya sa gayong panahon ng pagsubok? Interesado sa sagot sa mga tanong na ito ang lahat ng naghahangad na mapalugdan si Jehova, sapagkat “ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan.”​—Santiago 1:27.

Iniuugnay sa Isang Paniniwala

Ang isang karaniwang salik may kaugnayan sa maraming kaugalian sa paglilibing ay ang paniniwala na ang mga patay ay patuloy na nabubuhay sa isang di-nakikitang dako ng mga ninuno. Upang payapain sila, nadarama ng maraming nagluluksa na kailangan nilang magsagawa ng ilang ritwal. O nangangamba silang hindi nila mapalulugdan ang mga kapitbahay na naniniwalang may pinsalang darating sa pamayanan kung hindi isasagawa ang mga ritwal.

Ang isang tunay na Kristiyano ay hindi dapat magpadaig sa pagkatakot sa tao at makibahagi sa mga kaugalian na di-nakalulugod sa Diyos. (Kawikaan 29:25; Mateo 10:28) Ipinakikita ng Bibliya na ang mga patay ay walang malay, sapagkat sinasabi nito: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong pinaparoonan.” (Eclesiastes 9:5, 10) Samakatuwid, binalaan ng Diyos na Jehova ang kaniyang bayan noong unang panahon na huwag sikaping payapain ang mga namatay o makipagtalastasan sa kanila. (Deuteronomio 14:1; 18:10-​12; Isaias 8:19, 20) Ang mga katotohanang ito sa Bibliya ay salungat sa maraming popular na kaugalian sa paglilibing.

Paano Naman ang Tungkol sa “Seksuwal na Paglilinis”?

Sa ilang bansa sa gitnang Aprika, ang naulilang kabiyak ay inaasahang magkakaroon ng seksuwal na relasyon sa isang malapit na kamag-anak ng namatay. Kung hindi gagawin ito, pinaniniwalaan na pipinsalain ng namatay ang naiwang pamilya. “Seksuwal na paglilinis” ang tawag sa ritwal na ito. Ngunit binibigyang-kahulugan ng Bibliya ang anumang seksuwal na relasyon sa labas ng pag-aasawa bilang “pakikiapid.” Yamang ang mga Kristiyano ay dapat ‘tumakas mula sa pakikiapid,’ buong-tapang na tinatanggihan nila ang di-makakasulatan na kaugaliang ito.​—1 Corinto 6:18.

Isaalang-alang ang isang biyuda na nagngangalang Mercy.a Nang mamatay ang kaniyang asawa noong 1989, ibig ng mga kamag-anak na isagawa niya ang seksuwal na paglilinis kasama ng isang kamag-anak na lalaki. Tumanggi siya, anupat ipinaliwanag na salungat sa batas ng Diyos ang ritwal na ito. Palibhasa’y nasiphayo, umalis ang mga kamag-anak matapos siyang pagwikaan ng masasakit na salita. Pagkaraan ng isang buwan ay hinalughog nila ang kaniyang tahanan, anupat tinanggal ang mga yero sa kaniyang bubong. “Aalagaan ka naman ng iyong relihiyon,” sabi nila.

Si Mercy ay inaliw ng kongregasyon at ipinagtayo pa man din siya ng isang bagong bahay. Gayon na lamang ang paghanga ng mga kapitbahay anupat ang ilan ay nagpasiyang makibahagi sa proyekto, na ang Katolikong kabiyak ng hepe ang siyang una sa mga nagdala ng kogon para sa bubong. Napatibay-loob ang mga anak ni Mercy dahil sa kaniyang tapat na paggawi. Apat sa kanila ang mula noon ay nag-alay sa Diyos na Jehova, at ang isa ay dumalo kamakailan sa Ministerial Training School.

Dahil sa kaugaliang seksuwal na paglilinis, hinayaan ng ilang Kristiyano ang kanilang sarili na mapilit na magpakasal sa isang di-kapananampalataya. Halimbawa, isang biyudo na mahigit nang 70 anyos ang agad nagpakasal sa isang kabataang babae na kamag-anak ng kaniyang namatay na asawa. Sa paggawa nito, maaari niyang angkinin na naisagawa niya ang seksuwal na paglilinis. Gayunman, ang gayong landasin ay salungat sa payo ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.”​—1 Corinto 7:39.

Magdamag na mga Seremonya sa Paglalamay

Sa maraming bansa, ang mga nagluluksa ay nagtitipon sa tahanan ng namatay at nagpupuyat sa magdamag. Sa mga paglalamay na ito ay madalas na may kasayahan at malakas na musika. Ito ay pinaniniwalaang makapagpapayapa sa namatay at magsasanggalang sa naiwang pamilya laban sa pangkukulam. Ang mabubulaklak na talumpati ay baka bigkasin upang makamit ang pabor ng namatay. Pagkatapos ng isang talumpati, ang mga nagluluksa ay baka kumanta ng isang relihiyosong awitin bago tumayo ang isa pang tao para magsalita. Ito ay maaaring magpatuloy hanggang sa madaling-araw.b

Hindi nakikibahagi ang isang tunay na Kristiyano sa gayong magdamag na mga seremonya sa paglalamay dahil ipinakikita ng Bibliya na ang mga patay ay wala nang kakayahang makatulong o makapinsala sa mga nabubuhay. (Genesis 3:19; Awit 146:3, 4; Juan 11:11-​14) Hinahatulan ng Kasulatan ang pagsasagawa ng espiritismo. (Apocalipsis 9:21; 22:15) Gayunman, baka mahirapan ang isang Kristiyanong biyuda na pigilin ang iba sa pagsasagawa ng espiritismo. Baka igiit nila ang pagsasagawa ng magdamag na paglalamay sa kaniyang tahanan. Ano ang magagawa ng mga kapananampalataya upang matulungan ang mga naulilang Kristiyano na napapaharp sa ganitong karagdagang kapighatian?

Ang matatanda sa kongregasyon ay kadalasang nakatutulong sa isang naulilang pamilyang Kristiyano sa pamamagitan ng pakikipagkatuwiranan sa mga kamag-anak at mga kapitbahay. Pagkatapos ng gayong pakikipagkatuwiranan, maaaring pumayag ang mga taong ito na mapayapang lisanin ang tahanan at magtipon muli para sa paglilibing sa ibang araw. Ngunit paano kung magmatigas ang ilan? Baka humantong lamang sa karahasan ang patuloy na pakikipagkatuwiranan. ‘Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang magpigil sa ilalim ng kasamaan.’ (2 Timoteo 2:24) Kaya kung puwersahang makialam ang mga kamag-anak na ayaw makipagtulungan, maaaring hindi ito mahadlangan ng isang biyudang Kristiyano at ng kaniyang mga anak. Subalit hindi sila nakikibahagi sa anumang seremonya ng huwad na relihiyon na ginaganap sa kanilang tahanan, sapagkat sinusunod nila ang utos ng Bibliya: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-mananampalataya.”​—2 Corinto 6:14.

Kumakapit din ang simulaing ito sa paglilibing. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikibahagi sa pag-awit, pananalangin, o mga ritwal na pinangangasiwaan ng isang ministro ng huwad na relihiyon. Kung inaakala ng mga Kristiyanong malapit na miyembro ng pamilya na kailangang dumalo sa gayong serbisyo, hindi naman sila nakikibahagi.​—2 Corinto 6:17; Apocalipsis 18:4.

Marangal na mga Serbisyo sa Paglilibing

Ang mga serbisyo sa paglilibing na pinangangasiwaan ng mga Saksi ni Jehova ay walang mga ritwal na nilayong payapain ang mga namatay. Isang pahayag sa Bibliya ang ibinibigay alinman sa Kingdom Hall, sa punerarya, sa tahanan ng namatay, o sa dakong paglilibingan. Ang layunin ng pahayag ay aliwin ang mga naulila sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan at pag-asa na pagkabuhay-muli. (Juan 11:25; Roma 5:12; 2 Pedro 3:13) Isang awit salig sa Kasulatan ang maaaring awitin, at ang serbisyo ay tinatapos sa pamamagitan ng isang nakaaaliw na panalangin.

Kamakailan, isang serbisyo sa paglilibing na gaya nito ang idinaos para sa isa sa mga Saksi ni Jehova na nagkataong siyang pinakabatang kapatid na babae ni Nelson Mandela, ang presidente ng Timog Aprika. Pagkatapos ng serbisyo, taimtim na pinasalamatan ng presidente ang tagapagsalita. Maraming dignitaryo at matataas na opisyal ang dumalo. “Ito ang pinakamarangal na libing na nadaluhan ko kailanman,” sabi ng isang ministro ng gabinete.

Nararapat ba ang mga Kasuutan sa Pagluluksa?

Nagdadalamhati ang mga Saksi ni Jehova sa pagkamatay ng mga mahal sa buhay. Tulad ni Jesus, maaaring umiyak sila. (Juan 11:35, 36) Ngunit hindi nila itinuturing na kailangang ipakita sa publiko ang kanilang pagdadalamhati sa pamamagitan ng panlabas na sagisag. (Ihambing ang Mateo 6:16-​18.) Sa maraming lupain, ang mga biyuda ay inaasahang magsusuot ng pantanging kasuutan sa pagluluksa upang payapain ang namatay. Ang mga kasuutang ito ay dapat na gamitin sa loob ng ilang buwan o maging sa loob pa nga ng isang taon pagkatapos ng libing, at ang pag-aalis nito ay siyang pagkakataon para sa isa pang piging.

Ang hindi pagpapakita ng mga tanda ng pagluluksa ay itinuturing na pagkakasala sa taong namatay. Dahil dito, sa ilang lugar sa Swaziland ay itinataboy ng mga puno ng tribo ang mga Saksi ni Jehova mula sa kanilang sariling mga tahanan at lupain. Gayunman, ang gayong tapat na mga Kristiyano ay lagi nang inaalagaan ng kanilang espirituwal na mga kapatid na nakatira sa ibang lugar.

Pabor sa mga Saksi ni Jehova ang naging pasiya ng Mataas na Hukuman ng Swaziland, na nagsabing dapat silang hayaang makabalik sa kanilang mga tahanan at lupain. Sa isa pang kaso, isang biyudang Kristiyano ang pinahintulutang manatili sa kaniyang ari-arian pagkatapos magpakita ng isang liham at isang tape recording na doo’y maliwanag na ipinagbilin ng kaniyang yumaong asawa na ang kaniyang kabiyak ay hindi dapat magsuot ng mga kasuutan sa pagluluksa. Kaya naman, napatunayan niyang talagang iginagalang niya ang kaniyang asawa.

Napakahalaga ang pagkakaroon ng maliwanag na mga tagubilin sa paglilibing bago mamatay ang isa, lalo na sa mga dako kung saan pangkaraniwan ang mga di-makakasulatang kaugalian. Tingnan ang halimbawa ni Victor, isang residente sa Cameroon. Sumulat siya ng programa na dapat sundin sa kaniyang libing. Sa kaniyang pamilya ay maraming maimpluwensiyang tao na kabilang sa isang kultura na may matatag na mga tradisyon tungkol sa mga patay, kasali na ang pagsamba sa bungo ng tao. Yamang si Victor ay isang iginagalang na miyembro ng pamilya, batid niya na malamang na ganito ang gawin sa kaniyang bungo. Kaya naman nagbigay siya ng maliwanag na mga tagubilin kung paano dapat isaayos ng mga Saksi ni Jehova ang kaniyang libing. Ito ang nagpadali ng situwasyon para sa kaniyang nabiyuda at mga anak, at nakapagbigay ng isang mabuting patotoo sa komunidad.

Iwasang Tularan ang Di-Makakasulatang mga Kaugalian

Ang ilan na may kaalaman sa Bibliya ay natakot na mapaiba. Upang maiwasan ang pag-uusig, sinikap nilang palugdan ang kanilang mga kapitbahay sa pamamagitan ng pagpapakitang nagdaraos sila ng kinaugaliang paglalamay sa patay. Bagaman kapuri-puri na dalawin ang mga naulila upang maglaan ng personal na kaaliwan, hindi ito nangangailangan ng gabi-gabing pagdaraos ng maliit na serbisyo sa paglilibing sa tahanan ng namatay bago ang aktuwal na paglilibing. Ang paggawa nito ay maaaring makatisod sa mga nagmamasid, yamang baka isipin nila na ang mga nakikibahagi ay hindi talaga naniniwala sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay.​—1 Corinto 10:32.

Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na unahin sa kanilang buhay ang pagsamba sa Diyos at gamitin ang kanilang panahon sa matalinong paraan. (Mateo 6:33; Efeso 5:15, 16) Subalit sa ilang lugar, nahinto ang mga gawain ng kongregasyon sa loob ng isang linggo o mahigit pa dahil sa isang libing. Hindi lamang sa Aprika pangkaraniwan ang suliraning ito. Hinggil sa isang paglilibing, sabi ng isang ulat mula sa Timog Amerika: “Tatlong pagpupulong Kristiyano ang may lubhang kakaunting dumalo. Hindi tinangkilik ang paglilingkod sa larangan sa loob ng mga sampung araw. Maging ang mga tao sa labas ng kongregasyon at ang mga inaaralan sa Bibliya ay nagulat at nalungkot na makitang nakikibahagi ang ilan sa ating mga kapatid.”

Sa ilang pamayanan, maaaring anyayahan ng isang naulilang pamilya ang ilang malalapit na kaibigan sa kanilang tahanan para sa kaunting meryenda pagkatapos ng libing. Ngunit sa maraming lugar sa Aprika, daan-daan sa mga nakipaglibing ang nagdaragsaan sa tahanan ng namatay at umaasa ng isang piging, kung saan malimit na naghahain ng mga hayop. Ang ilang nakikisama sa kongregasyong Kristiyano ay gumaya sa kaugaliang ito, anupat ipinakikitang nagdaraos sila ng kinaugaliang piging upang payapain ang namatay.

Ang mga serbisyo sa paglilibing na pinangangasiwaan ng mga Saksi ni Jehova ay hindi nag-aatang ng mabigat na gastusin sa mga naulila. Kaya hindi dapat kailanganin ang isang pantanging kaayusan para magbigay ng salapi yaong mga dumadalo upang matakpan ang malaking gastos sa paglilibing. Kung hindi matugunan ng mahihirap na biyuda ang kinakailangang gastusin, tiyak na malugod na tutulong ang iba sa kongregasyon. Kung hindi sapat ang gayong tulong, maaaring magsaayos ang matatanda ng materyal na tulong sa mga karapat-dapat.​—1 Timoteo 5:3, 4.

Hindi naman laging salungat sa mga simulain ng Bibliya ang mga kaugalian sa paglilibing. Kapag ang mga ito ay salungat, determinado ang mga Kristiyano na kumilos na kasuwato ng Kasulatan.c (Gawa 5:29) Bagaman maaaring magdulot ito ng karagdagang kapighatian, napatutunayan ng maraming lingkod ng Diyos na kanilang napagtagumpayan ang gayong mga pagsubok. Nagawa nila iyon dahil sa lakas mula kay Jehova, “ang Diyos ng buong kaaliwan,” at sa pamamagitan ng maibiging tulong ng mga kapananampalataya na umaliw sa kanila sa kanilang kapighatian.​—2 Corinto 1:3, 4.

[Mga talababa]

a Gumamit ng ibang pangalan sa artikulong ito.

b Sa ilang grupo ng mga wika at kultura, ang salitang “paglalamay” ay ikinakapit sa isang maikling pagdalaw upang aliwin ang mga naulila. Maaaring walang nasasangkot na di-makakasulatan. Tingnan ang Gumising! ng Setyembre 22, 1979, pahina 26-8.

c Kung saan ang mga kaugalian sa paglilibing ay malamang na magharap ng matinding pagsubok sa isang Kristiyano, maaaring ihanda ng matatanda ang mga kandidato sa bautismo sa maaaring mangyari sa hinaharap. Kapag nakikipagpulong sa mga baguhang ito upang talakayin ang mga tanong mula sa aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, dapat na bigyan ng maingat na pansin ang mga bahaging “Ang Kaluluwa, Kasalanan at Kamatayan” at “Pakikiisa sa Iba’t Ibang Pananampalataya.” Ang dalawang ito ay may mga tanong na mapag-uusapan kung may pagkakataon. Dito makapaglalaan ng impormasyon ang matatanda hinggil sa di-makakasulatang mga kaugalian sa paglilibing upang malaman ng kandidato sa bautismo kung ano ang hinihiling sa kaniya ng Salita ng Diyos kapag napaharap siya sa gayong mga situwasyon.

[Kahon sa pahina 23]

Pinagpala Dahil sa Kanilang Matatag na Paninindigan

Si Sibongili ay isang may lakas ng loob na biyudang Kristiyano na nakatira sa Swaziland. Kamakailan lamang nang mamatay ang kaniyang asawa, tumanggi siyang sundin ang mga kaugalian na inaakala ng marami na makapapayapa sa namatay. Halimbawa, hindi niya inahitan ang kaniyang ulo. (Deuteronomio 14:1) Ikinagalit ito ng walong miyembro ng pamilya at sapilitang inahitan nila ang kaniyang ulo. Hinadlangan din nila ang mga Saksi ni Jehova na dumalaw upang aliwin si Sibongili. Gayunman, ang ilang indibiduwal na interesado sa mensahe ng Kaharian ay malugod na dumalaw sa kaniya taglay ang mga liham ng pampatibay-loob mula sa matatanda. Nang araw na si Sibongili ay inaasahang magsusuot ng pantanging damit sa pagluluksa, may isang di-inaasahang pangyayari. Isang maimpluwensiyang miyembro ng pamilya ang nagpatawag ng pulong upang pag-usapan ang kaniyang pagtanggi na sumunod sa mga kaugalian sa paglilibing.

Nag-ulat si Sibongili: “Tinanong nila ako kung ang aking relihiyosong mga paniniwala ay nagpapahintulot sa akin na magpahayag ng pagdadalamhati sa pamamagitan ng pagsusuot ng itim na kasuutan sa pagluluksa. Matapos na ipaliwanag ko ang aking paninindigan, sinabi nila sa akin na hindi nila ako pipilitin. Laking gulat ko, lahat sila ay humingi ng tawad dahil sa masamang pagtrato sa akin at sa pag-ahit sa aking ulo nang labag sa aking kalooban. Lahat sila ay humiling na patawarin ko sila.” Nang maglaon, ipinahayag ng kapatid na babae ni Sibongili ang kaniyang paniniwala na taglay ng mga Saksi ni Jehova ang tunay na relihiyon, at humiling siya ng pag-aaral sa Bibliya.

Tingnan ang isa pang halimbawa: Isang lalaking taga-Timog Aprika na nagngangalang Benjamin ay 29 na taong gulang nang mabalitaan niya ang biglaang pagkamatay ng kaniyang ama. Noon, si Benjamin lamang ang Saksi sa kaniyang pamilya. Sa serbisyo sa paglilibing, ang lahat ay inaasahang daraan sa libingan at maghahagis ng isang dakot ng lupa sa kabaong.d Pagkatapos ng libing, nag-ahit ng ulo ang lahat ng malapit na miyembro ng pamilya. Yamang hindi nakibahagi si Benjamin sa kanilang mga ritwal, inihula ng mga kapitbahay at mga kapamilya na siya’y parurusahan ng espiritu ng kaniyang namatay na ama.

“Dahil nagtiwala ako kay Jehova, walang nangyari sa akin,” sabi ni Benjamin. Napansin ng mga miyembro ng pamilya na hindi naman siya pinarusahan. Nang maglaon, ang ilan sa kanila ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos. At si Benjamin? Pumasok siya sa buong-panahong pag-eebanghelyo. Sa nakaraang ilang taon, nagkaroon siya ng mainam na pribilehiyo na maglingkod sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa.

[Talababa]

d Maaaring ang ilan ay walang nakikitang masama sa paghahagis ng bulaklak o ng isang dakot ng lupa sa isang libingan. Gayunman, iniiwasan ng isang Kristiyano ang kaugaliang ito kung ito’y minamalas ng pamayanan bilang isang paraan para payapain ang namatay o kung ito ay bahagi ng isang seremonya na pinangangasiwaan ng isang ministro ng huwad na relihiyon.​—Tingnan ang Gumising! ng Agosto 22, 1977, pahina 15.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share