Sa Wakas—Katarungan Para sa Lahat
“Aming sisikaping makinig sa bagong mga paraan . . . sa tinig ng mga napinsala, sa tinig ng mga nababahala, sa tinig ng mga nawalan na ng pag-asang mapakinggan. . . . Ang natitirang dapat gawin ay ang bigyang-buhay ang anumang nasa batas: ang tiyakin na sa wakas yamang ang lahat ay ipinanganak na may pare-parehong dangal sa harap ng Diyos, ang lahat ay ipanganganak na may pare-parehong dangal sa harap ng tao.”—Ang Presidente Richard Milhous Nixon ng Estados Unidos, pahayag sa kaniyang inagurasyon, Enero 20, 1969.
KAPAG nanunungkulan ang mga hari, presidente, at mga punong ministro, nakahilig silang magsalita tungkol sa katarungan. Hindi naiiba si Richard Nixon, dating presidente ng Estados Unidos. Ngunit ang kanyang mahuhusay na pananalita’y nawawalan ng kinang kung isasaalang-alang ang walang-kinikilingang kasaysayan. Bagaman ipinanata niyang ‘bigyang-buhay ang batas,’ si Nixon nang bandang huli ay natuklasang lumabag sa batas at napilitang magbitiw sa kaniyang tungkulin. Tatlong dekada pagkaraan, ‘ang tinig ng mga napinsala, nababahala, at nawalan ng pag-asa’ ay patuloy na humihiyaw na sila’y dinggin.
Ang pagdinig sa mga tinig na yaon at ang pagbibigay-pansin sa kanilang mga daing ay hindi madali, gaya ng natuklasan ng di-mabilang na mga pinunong may mabuting intensiyon. Ang ‘katarungan para sa lahat’ ay isang tunguhing napakahirap abutin. Gayunman, maraming siglo na ang nakalipas, isang pangako ang binigkas na karapat-dapat sa ating pansin—isang natatanging pangako tungkol sa katarungan.
Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, tiniyak ng Diyos sa Kaniyang bayan na magpapadala siya sa kanila ng isang “lingkod” na kaniya mismong pipiliin. “Inilagay ko ang aking espiritu sa kaniya,” sinabi ni Jehova sa kanila. “Katarungan sa mga bansa ang ilalapat niya.” (Isaias 42:1-3) Walang pinunong tao ang mangangahas na gumawa ng gayong malawakang pahayag, isa na maaaring mangahulugan ng nananatiling katarungan sa bawat bansa. Maaari bang pagtiwalaan ang pangakong ito? Maaari kayang mangyari ang gayong pambihirang tagumpay?
Isang Pangakong Ating Mapagtitiwalaan
Ang isang pangako ay maaasahan tangi lamang kung ang gumawa nito’y gayon din. Sa pagkakataong ito, walang iba kundi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ang nagpapahayag na ang kaniyang “lingkod” ang magtatatag ng katarungan sa buong daigdig. Di-tulad ng mga pulitiko, tapat si Jehova sa kaniyang mga pangako. ‘Imposibleng magsinungaling siya,’ ang tinitiyak sa atin ng Bibliya. (Hebreo 6:18) “Anumang aking pinagpasiyahang gawin ay matutupad,” ang may-pagdiriing pahayag ng Diyos.—Isaias 14:24, Today’s English Version.
Ang ating pagtitiwala sa pangakong iyon ay napatitibay rin ng rekord ng piniling “lingkod” ng Diyos, si Jesu-Kristo. Siya na magtatatag ng katarungan ay dapat na umiibig sa katarungan at namumuhay sa katarungan. Nag-iwan si Jesus ng walang-bahid na rekord bilang isang taong ‘inibig ang katuwiran at kinapootan ang katampalasanan.’ (Hebreo 1:9) Ang kaniyang sinabi, ang kaniyang pamumuhay, at maging ang kaniyang pagkamatay, ay pawang nagpatotoong siya’y tunay na isang makatarungang tao. Sa kamatayan ni Jesus, isang Romanong opisyal ng hukbo, na maliwanag na nakasaksi kapuwa sa paglilitis at pagpatay kay Jesus, ang napakilos na magsabi: “Tunay ngang ang taong ito ay matuwid.”—Lucas 23:47.
Bukod sa siya’y namuhay nang matuwid, nilabanan ni Jesus ang kawalang-katarungan na palasak noong kaniyang panahon. Ginawa niya ito, hindi sa pamamagitan ng paghihimagsik o pag-aalsa, kundi sa pamamagitan ng pagtuturo ng tunay na katarungan sa sinumang makikinig. Ang kaniyang Sermon sa Bundok ay isang mahusay na paliwanag ng kung paano dapat isagawa ang tunay na katarungan at katuwiran.—Mateo, mga kabanata 5-7.
Isinagawa ni Jesus ang kaniyang ipinangaral. Hindi niya kinapootan ang mga kapos-palad na ketongin, ang mga “pinakaaba” sa lipunang Judio. Bagkus, siya’y nakipag-usap sa kanila, hinawakan sila, at pinagaling pa man din sila. (Marcos 1:40-42) Lahat ng mga taong kaniyang nakatagpo, kasama na ang mahihirap at inaapi, ay mahalaga sa kaniya. (Mateo 9:36) “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo,” ang sabi niya sa kanila.—Mateo 11:28.
Higit sa lahat, hindi hinayaan ni Jesus na pasamain o sirain ang kaniyang loob ng kawalang-katarungan sa kaniyang paligid. Kailanma’y hindi siya gumanti ng masama sa masama. (1 Pedro 2:22, 23) Kahit nang siya’y namimilipit sa sakit, nanalangin siya sa kaniyang makalangit na Ama alang-alang sa mga sundalo na mismong bumayubay sa kaniya. “Ama, patawarin mo sila,” ipinamanhik niya, “sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” (Lucas 23:34) Tiyak, ‘ginawang malinaw ni Jesus sa mga bansa kung ano ang katarungan.’ (Mateo 12:18) Ano pang mas dakilang patotoo mayroon tayo na nais ng Diyos na magtatag ng isang makatarungang sanlibutan kaysa sa buháy na halimbawa ng kaniyang sariling Anak?
Mapagtatagumpayan ang Kawalang-Katarungan
Mayroon ding nabubuhay na patotoo na mapagtatagumpayan ang kawalang-katarungan sa kasalukuyang sanlibutan. Bilang mga indibiduwal, maging bilang isang organisasyon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na supilin ang pagtatangi, pagkiling, pagkakapootan ng lahi, at karahasan. Isaalang-alang ang sumusunod na halimbawa.
Si Pedroa ay naniniwalang ang paghihimagsik ang tanging paraan para magkaroon ng katarungan sa Basque Country, ang rehiyon ng Espanya na kaniyang tinitirhan. Dahil dito siya’y naging miyembro ng isang teroristang organisasyon na nagbigay sa kaniya ng tulad-militar na pagsasanay sa Pransiya. Nang matapos ang kaniyang pagsasanay, siya’y inutusang bumuó ng isang teroristang yunit at magpasabog ng isang baraks ng mga pulis. Inihahanda na ng kaniyang grupo ang mga bomba nang arestuhin siya ng mga pulis. Gumugol siya ng 18 buwan sa bilangguan, ngunit kahit na nakakulong ay nagpatuloy pa rin siya sa kaniyang pulitikal na mga gawain, nakikipag-welga nang di-kumakain at naglaslas ng kaniyang pulso sa isang pagkakataon.
Inisip ni Pedro na siya’y nakikipaglaban para sa katarungan. Pagkatapos ay nakilala niya si Jehova at ang kaniyang mga layunin. Samantalang nasa bilangguan si Pedro, ang kaniyang asawa ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at nang siya’y makalaya, inanyayahan siya ng kaniyang asawa na dumalo sa isa sa kanilang mga pulong. Gayon na lamang siya nasiyahan sa okasyong iyon anupat humiling siya ng pag-aaral sa Bibliya, pag-aaral na umakay sa kaniyang gumawa ng malalaking pagbabago sa kaniyang pangmalas at sa kaniyang pamumuhay. Sa wakas, noong 1989, kapuwa si Pedro at ang kaniyang asawa ay nabautismuhan.
“Nagpapasalamat ako kay Jehova na hindi ako aktuwal na nakapatay ng sinuman nang mga taon na ako’y isang terorista,” ang sabi ni Pedro. “Ngayon ginagamit ko ang tabak ng espiritu ng Diyos, ang Bibliya, upang ipaabot sa mga tao ang isang mensahe ng tunay na kapayapaan at katarungan—ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.” Kamakailan lamang ay dinalaw ni Pedro, na ngayo’y naglilingkod na bilang isang matanda sa mga Saksi ni Jehova, ang mismong baraks na binalak niyang pasabugin. Sa pagkakataong ito ay dumalaw siya upang ipangaral ang isang mensahe ng kapayapaan sa mga pamilyang nakatira roon.
Ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ang mga pagbabagong ito dahil kanilang inaasam ang isang matuwid na sanlibutan. (2 Pedro 3:13) Bagaman lubusan silang nagtitiwala sa pangako ng Diyos na magpapangyari nito, natatanto nila na obligasyon din nilang mamuhay na kaayon sa katarungan. Maliwanag na ipinakikita sa atin ng Bibliya na inaasahan ng Diyos na gagampanan natin ang ating bahagi.
Inihahasik ang mga Binhi ng Katuwiran
Totoo, kapag nakararanas ng kawalang-katarungan, maaaring tayo’y bumulalas: “Nasaan ang Diyos ng katarungan?” Iyan ang hiyaw ng mga Judio noong kaarawan ni Malakias. (Malakias 2:17) Inisip ba ng Diyos na makatuwiran ang kanilang reklamo? Sa kabaligtaran, “pinanghimagod” siya nito sapagkat, bukod sa iba pang mga bagay, sila mismo ay nagtataksil sa kanilang matatanda nang asawang babae, na dinidiborsiyo sila sa napakaliit na mga kadahilanan. Nagpahayag si Jehova ng kaniyang pagkabahala sa ‘mga asawa ng kanilang kabataan, na pinakitunguhan nila nang may kataksilan, bagaman sila ang kanilang kapareha.’—Malakias 2:14.
Makatuwiran kayang magreklamo tayo tungkol sa kawalang-katarungan kung tayo mismo ay kumikilos nang di-makatarungan? Sa kabilang dako, kung sisikapin nating tularan si Jesus sa pamamagitan ng pag-aalis ng pagtatangi at pagkapoot sa ibang lahi mula sa ating puso, sa pamamagitan ng pagiging walang-kinikilingan at mapagmahal sa lahat, at sa pamamagitan ng hindi pagganti ng masama sa masama, ating ipinakikitang tunay nating iniibig ang katarungan.
Upang ating anihin ang katarungan, hinihimok tayo ng Bibliya na ‘maghasik ng binhi sa katuwiran.’ (Oseas 10:12) Gaano man kaliit ito sa ating akala, bawat pansariling tagumpay laban sa kawalang-katarungan ay mahalaga. Gaya ng isinulat ni Martin Luther King, Jr., sa kaniyang Letter From Birmingham Jail, “ang kawalang-katarungan saanmang dako ay isang banta sa katarungan sa lahat ng dako.” Yaong mga ‘naghahanap ng katuwiran’ ang siyang mga taong pinipili ng Diyos para manahin ang kaniyang bagong sanlibutang malapit nang dumating.—Zefanias 2:3.
Hindi tayo puwedeng magtatag ng ating pag-asa para sa katarungan sa mabuway na pundasyon ng mga pangako ng tao, subalit tayo’y makapagtitiwala sa salita ng ating maibiging Maylalang. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na patuloy nilang ipanalangin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:9, 10) Si Jesus, ang hinirang na Hari ng Kahariang iyon, “ang magliligtas sa dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang nagdadalamhati at sinumang walang katulong. Kahahabagan niya ang mababa at dukha, at ililigtas niya ang mga kaluluwa ng mga dukha.”—Awit 72:12, 13.
Maliwanag, hindi permanente ang kawalang-katarungan. Ang pamamahala ni Kristo sa buong lupa ang daraig magpakailanman sa kawalang-katarungan, tulad ng tinitiyak sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias: “Ang mga araw ay dumarating na aking isasagawa ang pangakong aking sinalita . . . Sa panahong iyon ay pipiliin ko bilang hari ang isang matuwid na inapo ni David. Ang haring yao’y magsasagawa ng katuwiran at katarungan sa buong lupain.”—Jeremias 33:14, 15, TEV.
[Talababa]
a Ipinalit na pangalan.