Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 8/15 p. 8-9
  • Gawin ang Pinakamabuti sa Iyong Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gawin ang Pinakamabuti sa Iyong Buhay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Masiyahan sa Buhay
  • ‘Alalahanin ang Iyong Maylalang’
  • Magsaya sa Katandaan
  • “Ang Buong Katungkulan ng Tao”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Ang Iyong Buhay—Ano ang Layunin Nito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Aklat ng Bibliya Bilang 21—Eclesiastes
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Alalahanin Mo ang Iyong Dakilang Maylalang!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 8/15 p. 8-9

Gawin ang Pinakamabuti sa Iyong Buhay

NASA bahay noon ang ama, nasa kama, naghihingalo dahil sa kanser. Nasa gawaan naman ang kaniyang anak na lalaki, inililigpit ang mga kasangkapan ng kaniyang ama sa gawaing-kahoy. Habang hinahawakan niya ang mga kasangkapan, naisip niya ang magagandang bagay na ginawa ng kaniyang ama sa pamamagitan nito. Bagaman malapit sa bahay ang gawaan, batid niyang hindi na kailanman papasok doon ang kaniyang ama, hindi na kailanman hahawakan ang mga kasangkapang may kasanayang ginamit niya. Lipas na ang panahong iyon.

Naisip ng anak na lalaki ang kasulatan sa Eclesiastes 9:10: “Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo nang buong lakas, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [libingan], ang dako na iyong pinaroroonan.” Alam na alam niya ang kasulatang ito. Maraming ulit na niya itong nagamit kapag itinuturo sa iba ang katotohanan ng Bibliya na ang kamatayan ay isang kalagayan ng pagkawalang-ginagawa. Naantig ngayon ang kaniyang puso ng puwersa sa pangangatuwiran ni Solomon​—dapat tayong mamuhay nang lubusan at masiyahan sa ating mga araw samantalang magagawa natin sapagkat darating ang panahon na hindi na natin magagawa ito.

Masiyahan sa Buhay

Sa buong aklat ng Eclesiastes, pinayuhan ng matalinong si Haring Solomon ang kaniyang mga mambabasa na masiyahan sa buhay. Halimbawa, binabanggit ng kabanatang 3: “Nalaman ko na walang mas mabuti sa [mga tao] kundi ang magsaya at gumawa ng mabuti habang ang isa ay nabubuhay; at gayundin na ang bawat tao ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.”​—Eclesiastes 3:12, 13.

Kinasihan ng Diyos si Solomon na ulitin ang kaniyang kaisipan: “Narito! Ang pinakamainam na bagay na aking nakita, na siyang maganda, ay na ang isa ay kumain at uminom at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal na ipinagpapagal niya sa ilalim ng araw sa bilang ng mga araw ng kaniyang buhay na ibinigay sa kaniya ng tunay na Diyos, sapagkat iyon ang kaniyang takdang bahagi.”​—Eclesiastes 5:18.

Sa katulad na paraan, pinayuhan niya ang mga kabataan: “Magsaya ka, binata, sa iyong kabataan, at dulutan ka nawa ng kabutihan ng iyong puso sa mga araw ng iyong kabinataan [o, kadalagahan], at lumakad ka sa mga lakad ng iyong puso at sa mga bagay na nakikita ng iyong mga mata.” (Eclesiastes 11:9a) Anong inam nga na lubusang tamasahin ang lakas at sigla ng kabataan!​—Kawikaan 20:29.

‘Alalahanin ang Iyong Maylalang’

Mangyari pa, hindi ibig sabihin ni Solomon na matalinong itaguyod ang lahat na nakaaakit sa ating puso o mata. (Ihambing ang 1 Juan 2:16.) Maliwanag ito sa sumunod niyang isinulat: “Ngunit alamin mo na dahil sa lahat ng mga ito [mga gawain na makasisiya sa iyong mga hangarin] ay dadalhin ka ng tunay na Diyos sa kahatulan.” (Eclesiastes 11:9b) Anuman ang ating edad, dapat nating tandaan na nakikita ng Diyos kung ano ang ginagawa natin sa ating buhay at hahatulan tayo ayon dito.

Anong laking kamangmangan nga na mangatuwirang maaari tayong mamuhay ng isang buhay na nakasentro sa sarili at ipagpaliban ang makadiyos na debosyon hanggang sa ating pagtanda! Maaaring magwakas ang ating buhay sa anumang oras. Kung hindi naman, hindi madaling maglingkod sa Diyos sa katandaan. Kinikilala ang katotohanang ito, sumulat si Solomon: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan, bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw, o sumapit ang mga taon kapag sasabihin mo: ‘Wala akong kaluguran sa mga iyon.’ ”​—Eclesiastes 12:1.

Ang pagtanda ay may sariling kabayaran. Sa pamamagitan ng makasagisag na termino sumunod ay inilarawan ni Solomon ang mga epekto ng pagtanda. Nanginginig ang mga kamay at braso, nanghihina ang mga binti, at umuunti ang mga ngipin. Pumuputi at nalalagas ang buhok. Napakababaw ng pagtulog anupat ang isa ay nagigising sa huni ng ibon. Ang mga pandamdam​—paningin, pakinig, pandama, pang-amoy, at panlasa​—ay pawang humihina. Ang nanghinang katawan ay nagkakaroon ng takot na mahulog at iba pang “pagkasindak” sa daang bayan. Sa dakong huli ay namamatay ang tao.​—Eclesiastes 12:2-7.

Ang katandaan ay lalo nang kapaha-pahamak para sa mga hindi ‘umaalaala sa kanilang Dakilang Maylalang’ sa panahon ng kanilang kabataan. Dahil sa pag-aaksaya sa kaniyang buhay, ang taong ito ay ‘walang kaluguran’ sa dakong huli. Maaaring makaragdag din sa mga problema at kirot ng pagtanda ang istilo ng buhay na walang kinikilalang Diyos. (Kawikaan 5:3-11) Nakalulungkot nga, kapag tumatanaw sa unahan, walang nakikitang kinabukasan ang mga ito maliban sa libingan.

Magsaya sa Katandaan

Hindi ito nangangahulugan na hindi maaaring masiyahan sa buhay ang mga may edad na. Sa Bibliya, ang “haba ng mga araw at mga taon ng buhay” ay iniuugnay rin sa pagpapala ng Diyos. (Kawikaan 3:1, 2) Sinabi ni Jehova sa kaniyang kaibigang si Abraham: “Kung tungkol sa iyo, . . . ikaw ay ililibing sa lubos na katandaan.” (Genesis 15:15) Sa kabila ng mga hirap na dulot ng katandaan, nakasumpong si Abraham ng kapayapaan at katiwasayan sa kaniyang katandaan, na nililingon nang may kasiyahan ang isang buhay na itinalaga kay Jehova. Tumatanaw rin siya sa unahan taglay ang pananampalataya sa isang “lunsod na may tunay na mga pundasyon,” ang Kaharian ng Diyos. (Hebreo 11:10) Sa gayon, namatay siya na “matanda na at nasisiyahan.”​—Genesis 25:8.

Kaya naman nagpayo si Solomon: “Kung ang isang tao ay mabuhay man ng maraming taon, sa lahat ng mga iyon ay magsaya siya.” (Eclesiastes 11:8) Tayo man ay bata o matanda, ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa ating kaugnayan sa Diyos.

Habang itinatabi ng kabataang lalaki na nasa gawaan ang huling kasangkapan ng kaniyang ama, naisip niya ang mga bagay na ito. Naisip niya ang lahat ng tao na nakikilala niya na nagsikap na gawin ang pinakamabuti sa kanilang buhay subalit hindi nakasumpong ng kaligayahan sapagkat wala silang kaugnayan sa kanilang Maylalang. Anong pagkaangkup-angkop nga na pagkatapos magbigay ng pampatibay-loob na magsaya sa panahong nabubuhay ang isa, binuod ni Solomon ang bagay-bagay sa pananalitang ito: “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao”!​—Eclesiastes 12:13.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share