Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 9/15 p. 8-9
  • Naiwala ng Isang Palalong Rehente ang Isang Imperyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Naiwala ng Isang Palalong Rehente ang Isang Imperyo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kasamang Rehente o Hari?
  • Isang Rehenteng Labis ang Pagtitiwala sa Sarili at Palalo
  • Belsasar
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Si Belsasar—Prinsipeng Eredero o Hari?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Apat na Salitang Bumago sa Daigdig
    Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 9/15 p. 8-9

Naiwala ng Isang Palalong Rehente ang Isang Imperyo

“KUNG tungkol kay Belsasar na hari,” ang sulat ni propeta Daniel, “siya ay naghanda ng malaking piging para sa isang libo sa kaniyang mga lakan, at sa harap ng isang libo ay umiinom siya ng alak.” Subalit, habang nagpapatuloy ang bangkete, “ang mismong kutis [ng hari] ay nabago, at siya ay nagsimulang matakot sa kaniyang sariling mga kaisipan, at ang mga hugpungan ng kaniyang balakang ay nakalag at ang kaniya mismong mga tuhod ay nag-umpugan sa isa’t isa.” Bago natapos ang gabi, “pinatay si Belsasar na haring Caldeo at ang kaharian ay tinanggap ni Dario na Medo.”​—Daniel 5:1, 6, 30, 31.

Sino ba si Belsasar? Bakit siya tinawag na “ang haring Caldeo”? Ano bang talaga ang katayuan niya sa Imperyong Neo-Babiloniko? Paano niya naiwala ang imperyo?

Kasamang Rehente o Hari?

Binabanggit ni Daniel si Nabucodonosor bilang ang ama ni Belsasar. (Daniel 5:2, 11, 18, 22) Gayunman, hindi literal ang kaugnayang ito. Sinasabi ng aklat na Nabonidus and Belshazzar, ni Raymond P. Dougherty, na marahil ay lolo niya si Nabucodonosor sa kaniyang ina, si Nitocris. Bilang isang maharlika na hinalinhan, maaari rin namang si Nabucodonosor ang “ama” ni Belsasar kung tungkol sa pagkahari. (Ihambing ang Genesis 28:10, 13.) Sa anumang kalagayan, ang mga inskripsiyong cuneiform sa ilang bumbong na luwad na natuklasan sa gawing timog ng Iraq noong ika-19 na siglo ay kumikilala kay Belsasar bilang ang panganay na anak ni Nabonido, hari ng Babilonya.

Yamang ang ulat sa Daniel kabanata 5 ay may kinalaman sa mga pangyayari noong gabing bumagsak ang Babilonya noong 539 B.C.E., hindi nito isinasaysay kung paano nagkaroon si Belsasar ng makaharing awtoridad. Subalit ang mga nahukay ng arkeologo ay nagbibigay ng ilang ideya tungkol sa kaugnayan nina Nabonido at Belsasar. “Isinisiwalat ng mga tekstong Babiloniko na si Nabonido ay isang kakatwang tagapamahala,” sabi ni Alan Millard, arkeologo at awtoridad tungkol sa sinaunang mga wikang Semitiko. Susog pa ni Millard: “Bagaman hindi niya winalang-bahala ang mga diyos ng Babilonya, nag-ukol siya . . . ng malaking pansin sa diyos ng buwan sa dalawa pang lunsod, ang Ur at Haran. Sa loob ng ilang taon ng kaniyang paghahari, hindi man lamang tumira si Nabonido sa Babilonya; sa halip ay tumira siya sa malayong oasis ng Teima [o, Tema] sa gawing hilaga ng Arabia.” Ayon sa mga katibayan, ginugol ni Nabonido ang kalakhang bahagi ng kaniyang paghahari na malayo sa kabisera, ang Babilonya. Kapag wala siya, si Belsasar ang itinatalagang awtoridad na namamahala.

Ganito ang sabi ng isang dokumentong cuneiform na inilarawan bilang ang “Patulang Ulat ni Nabonido” na nagbibigay ng higit pang liwanag tungkol sa tunay na katayuan ni Belsasar: “Ipinagkatiwala niya [ni Nabonido] ang ‘Kampo’ sa kaniyang pinakamatandang (anak na lalaki), ang panganay, ang lahat ng hukbo sa bansa, kaniyang ipinailalim sa (kapangyarihan) nito. Binitiwan niya (ang lahat), ipinagkatiwala [niya] ang paghahari rito.” Sa gayon, si Belsasar ay isang kasamang rehente.

Gayunman, maaari bang ituring na isang hari ang isang kasamang rehente? Ipinakikita ng nasumpungang istatuwa ng isang sinaunang tagapamahala sa gawing hilaga ng Siria noong mga taon ng 1970 na ang isang tagapamahala ay nakaugalian nang tawagin na hari bagaman, ang totoo, mas mababa ang titulo niya. Yao’y istatuwa ng isang tagapamahala ng Gozan at may ukit sa wikang Asiryano at Aramaiko. Ang taong iyon ay tinukoy ng Asiryanong inskripsiyon na gobernador ng Gozan, subalit siya ay tinukoy ng kaagapay na inskripsiyong Aramaiko na isang hari. Kaya hindi ito ang unang pagkakataon na, sa opisyal na mga inskripsiyong Babiloniko, si Belsasar ay tawaging prinsipeng tagapagmana ng korona samantalang sa Aramaikong sulat ni Daniel siya naman ay tinatawag na hari.

Ang kaayusan ng magkasamang pamamahala nina Nabonido at Belsasar ay nagpatuloy hanggang noong mga huling araw ng Imperyong Neo-Babiloniko. Sa gayon, noong mismong gabing bumagsak ang Babilonya, inalok ni Belsasar si Daniel na maging pangatlong tagapamahala sa kaharian, hindi ang pangalawa.​—Daniel 5:16.

Isang Rehenteng Labis ang Pagtitiwala sa Sarili at Palalo

Ang huling mga pangyayari sa paghahari ni Belsasar ay nagpapahiwatig na ang prinsipe ay may labis na pagtitiwala sa sarili at palalo. Nang magwakas ang kaniyang pamamahala noong Oktubre 5, 539 B.C.E., nanganlong si Nabonido sa Borsippa, palibhasa’y natalo sa mga hukbo ng Medo-Persia. Ang Babilonya mismo ay kinubkob. Gayunman, tiwalang-tiwala si Belsasar sa lunsod na napalilibutan ng matitibay na pader anupa’t noong gabing iyon mismo, siya’y nagdaos ng “isang piging para sa libu-libo ng kaniyang mga lakan.” Si Herodotus, Griegong mananalaysay noong ikalimang siglo B.C.E., ay nagsasabi na sa loob ng lunsod, ang mga tao’y “nagsasayaw, at nagsasaya.”

Subalit, sa labas ng mga pader ng Babilonya ay nagbabantay ang mga hukbo ng Medo-Persia. Sa ilalim ng pangunguna ni Ciro, inilihis nila ang tubig ng Ilog Eufrates, na dumadaloy sa gitna ng lunsod. Ang kaniyang mga mandirigma ay handang lumusong sa ilog kapag bumaba na nang husto ang tubig. Aakyatin nila ang dalisdis at papasukin ang lunsod sa pamamagitan ng bukas na mga pintuang tanso sa pader na nasa baybay ng ilog.

Kung binigyan-pansin ni Belsasar ang gawain sa labas ng lunsod, naisara niya sana ang mga pintuang tanso, naipuwesto ang kaniyang malalakas na lalaki sa mga pader sa kahabaan ng pampang ng ilog, at nabitag ang kaaway. Sa halip, sa ilalim ng impluwensiya ng alak, hiniling ng palalong si Belsasar na ipasok ang mga sisidlan mula sa templo ni Jehova. Pagkatapos siya, ang kaniyang mga panauhin, ang kaniyang mga asawa, at ang kaniyang mga babae ay mapanghamong uminom mula rito samantalang pinupuri ang mga diyos ng Babilonya. Walang anu-ano, makahimalang lumitaw ang isang kamay at nagsimulang sumulat sa pader ng palasyo. Palibhasa’y natakot, ipinatawag ni Belsasar ang kaniyang marurunong na tao upang bigyan ng kahulugan ang mensaheng ito. Subalit sila’y “walang kakayahang basahin ang sulat o ipaalam sa hari ang pakahulugan.” Sa wakas, si Daniel ay “ipinasok sa harapan ng hari.” Sa ilalim ng banal na pagkasi, isiniwalat ng malakas-ang-loob na propeta ni Jehova ang kahulugan ng makahimalang mensahe, na inihula ang pagbagsak ng Babilonya sa mga Medo at mga Persiano.​—Daniel 5:2-28.

Madaling nakuha ng mga Medo at Persiano ang lunsod, at si Belsasar ay namatay nang gabing iyon. Sa kaniyang kamatayan, at sa maliwanag na pagsuko ni Nabonido kay Ciro, nagwakas ang Imperyong Neo-Babiloniko.

[Larawan sa pahina 8]

Binigyan ng kahulugan ni Daniel ang mensahe ng kahatulan para sa Imperyong Babiloniko

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share