“Si Jehova, Isang Diyos na Maawain at Magandang-loob”
“Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.”—EXODO 34:6.
1. (a) Anong kaaliwan ang inilalaan ng Bibliya sa mga may mahal sa buhay na lumihis mula sa dalisay na pagsamba? (b) Paano minamalas ni Jehova ang mga nagkasala?
“SINABI sa akin ng anak kong babae na ayaw na niyang maging bahagi ng kongregasyong Kristiyano,” sabi ng isang Kristiyanong ama. “Sa loob ng ilang araw, mga linggo, mga buwan pa nga pagkatapos nito, para akong nauupos na kandila. Masahol pa iyon sa kamatayan.” Talaga namang nakapipighating makita na lumilihis mula sa daan ng dalisay na pagsamba ang isang mahal sa buhay. Naranasan na ba ninyo ito? Kung gayon, maaaliw kayong malaman na nauunawaan kayo ni Jehova. (Exodo 3:7; Isaias 63:9) Ngunit paano ba niya minamalas ang gayong mga nagkasala? Ipinakikita ng Bibliya na sila’y maawaing inaanyayahan ni Jehova na manumbalik sa kaniyang pagsang-ayon. Nakiusap siya sa mga rebelyosong Judio noong kaarawan ni Malakias: “Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo.”—Malakias 3:7.
2. Paano ipinakikita ng Bibliya na ang awa ay isang likas na katangian ng personalidad ni Jehova?
2 Ang awa ng Diyos ay itinampok kay Moises sa Bundok Sinai. Doon, isiniwalat ni Jehova ang kaniyang sarili bilang “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.” (Exodo 34:6) Idiniriin ng kapahayagang ito na ang awa ay isang likas na katangian ng personalidad ni Jehova. Siya ay “nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi,” isinulat ng Kristiyanong apostol na si Pedro. (2 Pedro 3:9) Sabihin pa, may hangganan ang awa ng Diyos. “Sa ano mang paraan ay hindi siya magtatangi mula sa kaparusahan,” ang sabi kay Moises. (Exodo 34:7; 2 Pedro 2:9) Gayunpaman, “ang Diyos ay pag-ibig,” at ang awa ay isang malaking salik ng katangiang iyan. (1 Juan 4:8; Santiago 3:17) Si Jehova ay “hindi magkikimkim ng kaniyang galit magpakailanman,” at siya ay “nalulugod sa maibiging-kabaitan.”—Mikas 7:18, 19.
3. Paanong ang pangmalas ni Jesus sa awa ay naiiba sa pangmalas ng mga eskriba at mga Fariseo?
3 Ganap na masasalamin kay Jesus ang kaniyang makalangit na Ama. (Juan 5:19) Ang kaniyang maawaing pakikitungo sa mga nagkasala ay hindi pagkukunsinti sa kanilang mga kasalanan kundi isang kapahayagan ng katulad na magiliw na damdamin na ipinakikita niya sa mga may karamdaman. (Ihambing ang Marcos 1:40, 41.) Oo, ibinilang ni Jesus ang awa sa “mas matimbang na mga bagay” ng Batas ng Diyos. (Mateo 23:23) Sa kabaligtaran, tingnan ang mga eskriba at mga Fariseo, na may legalistikong mga ideya tungkol sa katarungan na karaniwan nang salat sa awa. Nang makita nilang nakikitungo si Jesus sa mga makasalanan, nagreklamo sila: “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakain na kasama nila.” (Lucas 15:1, 2) Sinagot ni Jesus ang mga nagbibintang sa kaniya sa pamamagitan ng tatlong ilustrasyon, na bawat isa ay nagtatampok sa awa ng Diyos.
4. Anong dalawang ilustrasyon ang inilahad ni Jesus, at ano ang punto ng bawat isa?
4 Una, binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang tao na nag-iwan ng 99 na tupa upang hanapin ang isa na nawawala. Ang kaniyang punto? “Magkakaroon ng gayong higit na kagalakan sa langit dahilan sa isang makasalanan na nagsisi kaysa sa siyamnapu’t siyam na matuwid na walang pangangailangang magsisi.” Sumunod, binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang babae na naghanap sa isang nawawalang drakma at nagsaya nang masumpungan niya ito. Ang kaniyang pagkakapit? “Nagkakaroon ng kagalakan sa gitna ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.” Inilahad ni Jesus ang kaniyang ikatlong ilustrasyon sa pamamagitan ng isang talinghaga.a Itinuring ito ng marami bilang ang pinakamainam na kuwentong nailahad kailanman. Ang pagtalakay ng talinghagang ito ay tutulong sa atin na mapahalagahan at matularan ang awa ng Diyos.—Lucas 15:3-10.
Lumayas ang Isang Rebelyosong Anak
5, 6. Paano nagpamalas ng nakapangingilabot na kawalang utang-na-loob ang nakababatang anak sa ikatlong ilustrasyon ni Jesus?
5 “Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. At ang nakababata sa kanila ay nagsabi sa kaniyang ama, ‘Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng ari-arian na mapupunta sa akin.’ Nang magkagayon ay hinati niya ang kaniyang kabuhayan sa kanila. Nang maglaon, pagkatapos ng hindi karamihang araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng mga bagay at naglakbay sa ibang lupain sa isang malayong bayan, at doon ay nilustay ang kaniyang ari-arian sa buktot na pamumuhay.”—Lucas 15:11-13.b
6 Nakapangingilabot ang kawalang utang-na-loob na ipinakita rito ng nakababatang anak. Una, iginiit niya na makuha ang kaniyang mana, at pagkatapos ay nilustay niya ito sa “buktot na pamumuhay.” Ang pananalitang “buktot na pamumuhay” ay isinalin mula sa isang Griegong salita na nangangahulugang “maligalig na pamumuhay.” Sinabi ng isang iskolar na ang salitang ito ay “nagpapahayag ng sukdulang pagtalikod sa kabutihang-asal.” May mabuting dahilan na ang kabataang lalaki sa talinghaga ni Jesus ay malimit na tawaging isang alibugha, isang salita na naglalarawan sa isang taong walang-patumangga sa paggasta at pag-aaksaya.
7. Sino sa ngayon ang kagaya ng alibugha, at bakit maraming gayong indibiduwal ang naghahangad ng kalayaan sa “isang malayong bayan”?
7 May mga tao ba sa ngayon na kagaya ng alibugha? Oo. Nakalulungkot, may ilan nang lumisan sa tiwasay na “tahanan” ng ating makalangit na Ama, si Jehova. (1 Timoteo 3:15) Inaakala ng ilan sa kanila na masyadong mahigpit ang kapaligiran sa sambahayan ng Diyos, na ang mapagbantay na mata ni Jehova ay isang hadlang kaysa isang proteksiyon. (Ihambing ang Awit 32:8.) Tingnan ang isang Kristiyanong babae na pinalaki ayon sa mga simulain sa Bibliya ngunit nang bandang huli ay nagumon sa alak at droga. Sa paggunita sa madilim na yugtong iyon ng kaniyang buhay, ganito ang sabi niya: “Gusto kong patunayan na kaya kong pagbutihin ang aking sarili nang ako lamang. Gusto kong gawin ang gusto kong gawin, at ayaw kong may magbabawal sa akin.” Tulad ng alibugha, naghangad ng kalayaan ang kabataang babaing ito. Nakalulungkot, kinailangang itiwalag siya sa kongregasyong Kristiyano dahil sa kaniyang di-makakasulatang mga gawain.—1 Corinto 5:11-13.
8. (a) Anong tulong ang maibibigay sa mga nagnanais na mamuhay nang salungat sa mga pamantayan ng Diyos? (b) Bakit dapat seryosong pag-isipan ng isa ang sariling pagpapasiya may kinalaman sa pagsamba?
8 Tunay na nakapanlulumo kapag ang isang kapananampalataya ay nagpahayag ng pagnanais na mamuhay nang salungat sa mga pamantayan ng Diyos. (Filipos 3:18) Kapag nangyari ito, sinisikap ng matatanda at ng iba pang may espirituwal na kuwalipikasyon na ibalik sa ayos ang gayong nagkasala. (Galacia 6:1) Gayunpaman, walang sinuman ang pinipilit na tanggapin ang pamatok ng pagiging alagad na Kristiyano. (Mateo 11:28-30; 16:24) Kapag sila’y sumapit na sa hustong gulang, maging ang mga kabataan ay kailangang personal na magpasiya may kinalaman sa pagsamba. Sa dakong huli, ang bawat isa sa atin ay may malayang kalooban na magsusulit sa Diyos. (Roma 14:12) Sabihin pa, tayo rin naman ay ‘mag-aani ng ating inihasik’—isang aral na nakatakdang matutuhan ng alibugha sa talinghaga ni Jesus.—Galacia 6:7, 8.
Kawalan ng Pag-asa sa Isang Malayong Bayan
9, 10. (a) Anong pagbabago ng kalagayan ang naranasan ng alibugha, at ano ang naging reaksiyon niya rito? (b) Ilarawan kung paanong nararanasan ng ilan sa ngayon na tumalikod sa tunay na pagsamba ang kalagayan na katulad niyaong sa alibugha.
9 “Nang maubos na niya ang lahat, isang matinding taggutom ang naganap sa lahat ng dako ng bayang iyon, at nagpasimula siyang mangailangan. Humayo pa man din siya at nakisama sa isa sa mga mamamayan ng bayang iyon, at ipinadala niya siya sa kaniyang parang upang mag-alaga ng mga baboy. At hinangad niyang mabusog ng mga bunga ng algarroba na kinakain ng mga baboy, at walang sinumang magbigay sa kaniya ng anuman.”—Lucas 15:14-16.
10 Bagaman siya’y naghihikahos, hindi pa napag-isip-isip ng alibugha ang tungkol sa pag-uwi sa kanilang tahanan. Sa halip, nakilala niya ang isang mamamayan na nagbigay sa kaniya ng trabaho na mag-alaga ng mga baboy. Yamang nakasaad sa Batas Mosaiko na ang mga baboy ay di-malilinis na hayop, malamang na hindi kanais-nais sa isang Judio ang gayong trabaho. (Levitico 11:7, 8) Ngunit kung ang alibugha ay binagabag man ng kaniyang budhi, kinailangan niyang supilin iyon. Tutal, hindi niya maaasahang ang kaniyang amo, na isang mamamayan sa lugar na iyon, ay magmamalasakit sa damdamin ng isang nagdarahop na banyaga. Ang kalagayan ng alibugha ay katulad ng nararanasan ng marami sa ngayon na tumalikod sa matuwid na daan ng dalisay na pagsamba. Malimit na ang gayong mga tao ay nasasangkot sa mga gawaing dati’y itinuturing nilang kahiya-hiya. Halimbawa, sa edad na 17, isang kabataang lalaki ang naghimagsik sa pagpapalaki sa kaniya bilang isang Kristiyano. “Nawalan ng saysay ang mga taon ng pagtuturo salig sa Bibliya dahil sa imoralidad at pag-aabuso sa droga,” ang pag-amin niya. Hindi nagtagal, nabilanggo ang kabataang ito dahil sa armadong pagnanakaw at pagpatay. Bagaman nang dakong huli ay nakapanumbalik siya sa espirituwal, tunay na isang malaking halaga ang kinailangan niyang pagbayaran dahil sa “pansamantalang kasiyahan sa kasalanan”!—Ihambing ang Hebreo 11:24-26.
11. Paano lumubha ang mahirap na kalagayan ng alibugha, at paano natuklasan ng ilan sa ngayon na ang mga pang-akit ng sanlibutan ay isang “walang-lamang panlilinlang”?
11 Ang mahirap na kalagayan ng alibugha ay pinalubha pa ng bagay na “walang sinumang magbigay sa kaniya ng anuman.” Nasaan na ang kaniyang mga bagong kaibigan? Ngayong siya’y walang-wala, para bang siya’y “kinapopootan” nila. (Kawikaan 14:20) Gayundin naman, marami sa ngayon na nalihis mula sa pananampalataya ang nakatuklas na ang mga pang-akit at pangmalas ng sanlibutang ito ay katumbas ng “walang-lamang panlilinlang.” (Colosas 2:8) “Labis-labis ang aking pagdurusa at pasakit nang mawala ang patnubay ni Jehova,” sabi ng isang kabataang babae na minsa’y lumayo sa organisasyon ng Diyos. “Sinikap kong mapabilang sa sanlibutan, ngunit dahil sa ako’y talagang hindi katulad ng iba, tinanggihan nila ako. Para akong isang nawawalang bata na nangangailangan ng ama na aakay sa akin. Noon ko natanto na kailangan ko si Jehova. Hindi ko na kailanman ninais na muling mapawalay sa kaniya.” Natanto rin ito ng alibugha sa talinghaga ni Jesus.
Ang Alibugha ay Sumapit sa Kaniyang Katinuan
12, 13. Anong mga salik ang nakatulong sa ilan upang sumapit sa kanilang katinuan? (Tingnan ang kahon.)
12 “Nang sumapit siya sa kaniyang katinuan, sinabi niya, ‘Kayraming upahang tao ng aking ama ang nananagana sa tinapay, samantalang ako ay namamatay dito dahilan sa taggutom! Titindig ako at maglalakbay sa aking ama at sasabihin sa kaniya: “Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo. Gawin mo akong gaya ng isa sa iyong mga taong upahan.” ’ Kaya tumindig siya at pumaroon sa kaniyang ama.”—Lucas 15:17-20.
13 Ang alibugha ay ‘sumapit sa kaniyang katinuan.’ Siya ay nagpakasasa sa paghahanap ng kasiyahan, na para bang nabubuhay sa isang daigdig ng mga pangarap. Ngunit ngayon ay natatalos na niya nang husto ang kaniyang tunay na kalagayan sa espirituwal. Oo, bagaman nagkasala siya, may pag-asa pa rin ang kabataang ito. Mayroon pang mabuting bagay na masusumpungan sa kaniya. (Kawikaan 24:16; ihambing ang 2 Cronica 19:2, 3.) Kumusta naman yaong mga umaalis sa kawan ng Diyos sa ngayon? Makatuwiran kayang sabihin na sila’y pawang wala nang pag-asa, na sa bawat kalagayan ay pinatutunayan ng kanilang rebelyosong landasin na sila’y nagkasala sa banal na espiritu ng Diyos? (Mateo 12:31, 32) Hindi naman. May ilan sa kanila na nagdusa sa kanilang suwail na landasin, at dumating ang panahon na marami sa kanila ang natauhan. “Kailanman, ni sa loob man ng isang araw, hindi ko nalimutan si Jehova,” sabi ng isang kapatid na babae, na ginunita ang panahon na ginugol niya nang malayo sa organisasyon ng Diyos. “Lagi akong nananalangin na sa paanuman, balang araw, ay tatanggapin niya akong muli sa katotohanan.”—Awit 119:176.
14. Ano ang ipinasiya ng alibugha, at paano siya nagpakita ng kapakumbabaan sa paggawa nito?
14 Subalit ano ba ang maaaring gawin niyaong mga nalihis ng landas tungkol sa kanilang situwasyon? Sa talinghaga ni Jesus ay ipinasiya ng alibugha na maglakbay pauwi at magmakaawa para patawarin siya ng kaniyang ama. “Gawin mo akong gaya ng isa sa iyong mga taong upahan,” ang naipasiya ng alibugha na kaniyang sasabihin. Ang isang upahang lingkod ay manggagawang arawan na maaaring paalisin anumang oras. Ito ay mas mababa pa sa isang alipin na, sa isang diwa, tulad ng isang miyembro ng pamilya. Kaya hindi man lamang inisip ng alibugha na makabalik siya sa dati niyang kalagayan bilang anak. Handa niyang tanggapin ang pinakamababang puwesto upang patunayan ang kaniyang panibagong katapatan sa kaniyang ama habang lumilipas ang bawat araw. Gayunman, magugulat ang alibugha.
Isang Makabagbag-Damdaming Pagtanggap
15-17. (a) Ano ang naging reaksiyon ng ama nang makita ang kaniyang anak? (b) Ano ang inilalarawan ng mahabang damit, singsing, at sandalyas na inilaan ng ama sa kaniyang anak? (c) Ano ang ipinakikita ng paghahanda ng ama ng isang piging?
15 “Habang siya ay malayo pa, nakita siya ng kaniyang ama at naantig sa pagkahabag, at tumakbo siya at sumubsob sa kaniyang leeg at magiliw na hinalikan siya. Sa gayon ay sinabi ng anak sa kaniya, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo. Gawin mo akong gaya ng isa sa iyong mga upahang tao.’ Ngunit sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin, ‘Madali! maglabas kayo ng isang mahabang damit, ang pinakamainam, at damtan ninyo siya niyaon, at lagyan ninyo ng singsing ang kaniyang kamay at ng mga sandalyas ang kaniyang mga paa. At dalhin ninyo ang pinatabang batang toro, patayin ninyo iyon at kumain tayo at magpakasaya, sapagkat ang anak kong ito ay patay na at muling nabuhay; siya ay nawala at nasumpungan.’ At nagpasimula silang magpakasaya.”—Lucas 15:20-24.
16 Sinumang maibiging magulang ay mananabik na makabalik sa espirituwal ang isang anak. Kaya naman, maguguniguni natin na sa araw-araw, ang ama ng alibugha ay nakatanaw sa daan sa harap ng kaniyang bahay, anupat buong-pananabik na umaasa sa pagbabalik ng kaniyang anak. Ngayo’y nasulyapan niya ang anak na tumatahak sa daang iyon! Tiyak na malaki ang ipinagbago ng hitsura ng binata. Gayunman, nakilala siya ng ama habang siya ay “malayo pa.” Lampas ang tingin niya sa gula-gulanit na damit at nanlulumong kalooban; ang nakita niya’y ang kaniyang anak, at siya’y tumakbo upang salubungin siya!
17 Nang maabot ng ama ang kaniyang anak, siya’y sumubsob sa leeg ng kaniyang anak at magiliw na hinalikan siya. Pagkatapos ay inutusan niya ang kaniyang mga alipin na bigyan ang kaniyang anak ng isang mahabang damit, isang singsing, at sandalyas. Ang mahabang damit na ito ay hindi lamang isang karaniwang kasuutan, kundi “ang pinakamainam”—marahil isang burdadong kasuutan na gaya ng ipinagkakaloob sa isang panauhing pandangal. Yamang hindi kadalasang nagsusuot ng singsing at sandalyas ang mga alipin, nililinaw noon ng ama na tinatanggap niyang muli ang kaniyang anak bilang isang ganap na miyembro ng pamilya. Subalit hindi lamang ito ang ginawa ng ama. Nagpahanda siya ng isang piging upang ipagdiwang ang pagbabalik ng kaniyang anak. Maliwanag, hindi mabigat sa loob na pinatatawad ng taong ito ang kaniyang anak o napilitan siyang gawin ito dahil sa pagbabalik ng kaniyang anak; ibig niyang magpatawad. Ikinagalak niya ito.
18, 19. (a) Ano ang itinuturo sa inyo ng talinghaga ng alibughang anak may kinalaman kay Jehova? (b) Gaya ng ipinakikita ng kaniyang pakikitungo sa Juda at Jerusalem, paano ‘patuloy na naghihintay’ si Jehova sa pagbabalik ng isang makasalanan?
18 Kaya ngayon, ano ba ang itinuturo sa atin ng talinghaga tungkol sa alibughang anak may kinalaman sa Diyos na pribilehiyo nating sambahin? Una, na si Jehova ay “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.” (Exodo 34:6) Sa katunayan, ang awa ay isang nangingibabaw na katangian ng Diyos. Ito ang kaniyang normal na paraan ng pagtugon sa mga nangangailangan. Kung gayon, ang talinghaga ni Jesus ay nagtuturo sa atin na si Jehova ay “handang magpatawad.” (Awit 86:5) Siya’y mapagbantay, wika nga, upang mapansin ang anumang pagbabago sa damdamin ng mga taong nagkasala na siyang maglalaan ng saligan para siya’y maawa.—2 Cronica 12:12; 16:9.
19 Halimbawa, isipin ang tungkol sa pakikitungo ng Diyos sa Israel. Si propeta Isaias ay kinasihan ni Jehova na ilarawan ang Juda at Jerusalem na ‘may sakit mula ulo hanggang talampakan.’ Gayunma’y sinabi rin niya: “Patuloy na maghihintay si Jehova upang magpakita sa inyo ng lingap, at sa gayon ay titindig siya upang pagpakitaan kayo ng awa.” (Isaias 1:5, 6; 30:18; 55:7; Ezekiel 33:11) Tulad ng ama sa talinghaga ni Jesus, si Jehova ay ‘nagbabantay sa daan,’ wika nga. Siya’y matinding nananabik sa pagbabalik ng sinuman na lumisan sa kaniyang tahanan. Hindi ba ito ang aasahan natin sa isang maibiging ama?—Awit 103:13.
20, 21. (a) Sa anong paraan naaakit ang marami ngayon dahil sa awa ng Diyos? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
20 Taun-taon, ang awa ni Jehova ay nakaakit sa marami upang sumapit sa kanilang katinuan at bumalik sa tunay na pagsamba. Anong laking kagalakan ang dulot nito sa kanilang mga mahal sa buhay! Kuning halimbawa ang Kristiyanong ama na nabanggit sa pasimula. Mabuti naman, ang kaniyang anak na babae ay nakabalik sa espirituwal at ngayo’y naglilingkod bilang isang buong-panahong ministro. “Masayang-masaya ako kahit na nasa matandang sistemang ito ng mga bagay,” sabi niya. “Ang aking mga luha ng kalungkutan ay nahalinhan ng mga luha ng kagalakan.” Tiyak, nagsasaya rin naman si Jehova!—Kawikaan 27:11.
21 Ngunit marami pang matututuhan sa talinghaga tungkol sa alibugha. Ipinagpatuloy ni Jesus ang kaniyang kuwento upang maipakita niya ang pagkakaiba ng awa ni Jehova sa mahigpit at mapanghatol na saloobin na palasak sa mga eskriba at mga Fariseo. Kung paano niya ginawa ito—at kung ano ang kahulugan nito sa atin—ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Ang mga talinghaga at iba pang ilustrasyon na inilahad sa Bibliya ay hindi laging aktuwal na nangyari. Isa pa, yamang ang layunin ng mga kuwentong ito ay upang magturo ng isang moral na aral, hindi kailangang humanap ng makasagisag na kahulugan sa bawat detalye.
b Ang makahulang kahulugan ng talinghagang ito ay tinalakay sa isyu ng Bantayan na Pebrero 15, 1989, pahina 16, 17.
Sa Pagrerepaso
◻ Paano naiiba sa mga Fariseo ang saloobin ni Jesus hinggil sa awa?
◻ Sino sa ngayon ang kagaya ng alibugha, at paano?
◻ Anong mga kalagayan ang nagpangyari sa alibugha na sumapit sa kaniyang katinuan?
◻ Paano nagpakita ng awa ang ama sa kaniyang nagsising anak?
[Kahon sa pahina 11]
SILA’Y SUMAPIT SA KANILANG KATINUAN
Ano ang nakatulong sa ilang dating natiwalag sa kongregasyong Kristiyano para sumapit sa kanilang katinuan? Ang sumusunod na mga komento ay nagbibigay-liwanag sa bagay na ito.
“Sa puso ko ay batid ko pa rin kung nasaan ang katotohanan. Nagkaroon ng malaking epekto sa akin ang mga taon ng pag-aaral sa Bibliya at pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Paano ko magagawang talikuran pa si Jehova? Hindi niya ako iniwan; ako ang lumayo sa kaniya. Sa wakas, inamin kong maling-mali ako at labis akong nagmatigas at na laging tama ang Salita ni Jehova—‘aanihin mo ang iyong inihasik.’ ”—C.W.
“Nagsimula nang magsalita ang aking sanggol na babae, at naantig ako dahil ibig kong turuan siya ng mga bagay na gaya ng kung sino si Jehova at kung paano mananalangin sa kaniya. Hindi ako makatulog, at minsan, nang malalim na ang gabi, nagmaneho ako patungo sa isang parke at basta umiyak na lamang ako roon. Umiyak ako, at nanalangin ako kay Jehova sa unang pagkakataon sa loob ng matagal na panahon. Ang tanging nalalaman ko ay na kailangan ko si Jehova sa aking buhay, at umasa akong mapatatawad niya ako.”—G.H.
“Kapag napag-uusapan ang tungkol sa relihiyon, sinasabi ko sa mga tao na kung papipiliin ako ng relihiyon na nagtuturo ng katotohanan, kailangang ako’y maging isang Saksi ni Jehova. Pagkatapos ay sinasabi ko na dati akong isang Saksi, pero hindi ko magampanan iyon, kaya huminto ako. Sa pagkatanto nito, madalas akong makadama ng pagkakasala at pagkalungkot. Sa wakas ay inamin ko, ‘Miserable ako. Kailangan kong gumawa ng malaking pagbabago.’ ”—C.N.
“Natiwalag kaming mag-asawa 35 taon na ang nakalilipas. Pagkatapos, noong 1991, nagulat kami nang kami’y dalawin ng dalawang matanda na nagpabatid sa amin ng posibilidad na manumbalik kay Jehova. Pagkaraan ng anim na buwan, labis ang aming kagalakan nang kami’y makabalik. Ang aking asawa ay 79 anyos at ako nama’y 63.”—C.A.