Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 10/1 p. 24-27
  • Higit Pa sa Ginto ang Nasumpungan Ko

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Higit Pa sa Ginto ang Nasumpungan Ko
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nalito sa Amerika
  • Nakasama ng Aking mga Kapatid
  • Isang Pamilya at Isang Libing
  • Pagkaalam ng Katotohanan
  • Paghanap sa Aking Dakong Sinilangan
  • Inuuna ang Katotohanan
  • Pag-alaala sa Ating Maylalang Mula sa Kabataan Patuloy
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Nasumpungan Ko ang Tunay na Kayamanan sa Australia
    Gumising!—1994
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • Ang Matagumpay na Paghahanap Ko ng Layunin sa Buhay
    Gumising!—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 10/1 p. 24-27

Higit Pa sa Ginto ang Nasumpungan Ko

GAYA NG INILAHAD NI CHARLES MYLTON

Sinabi ni Tatay isang araw: “Bakit hindi natin ipadala si Charlie sa Amerika kung saan napipitas lang ang pera? Magkakapera siya at ipadadala sa atin!”

SA KATUNAYAN, inaakala ng mga tao na ang mga lansangan sa Amerika ay nalalatagan ng ginto. Noong mga araw na iyon ay napakahirap ng buhay para sa kanila sa gawing silangan ng Europa. Ang aking mga magulang ay may maliit na sakahan at nag-aalaga ng ilang baka at manok. Wala kaming kuryente o gripo sa loob ng bahay. Subalit noon, wala ring gayon ang sinuman sa malapit.

Isinilang ako sa Hoszowczyk noong Enero 1, 1893, halos 106 na taon na ang nakalipas. Ang aming nayon ay nasa Galicia, isang lalawigan na noo’y bahagi ng imperyong Austro-Hungaryano. Ang Hoszowczyk ngayon ay nasa gawing silangan ng Poland na hindi kalayuan sa Slovakia at Ukraine. Napakatindi ng taglamig doon at makapal ang niyebe. Nang ako’y mga pitong taon, naglalakad ako ng mga kalahating kilometro patungo sa sapa at dala ko ang isang palakol para ipambutas sa yelo upang umigib ng tubig. Dadalhin ko ito sa bahay at gagamitin naman ito ni Nanay para sa pagluluto at paglilinis. Nilalabhan niya ang mga damit sa sapa, na ginagamit ang malalaking piraso ng yelo na pinaka-tablang pinagkukuskusan ng damit.

Walang mga paaralan sa Hoszowczyk, ngunit natuto akong magsalita ng Polako, Ruso, Slovak, at Ukrainiano. Kami’y pinalaking Griego Ortodokso, at ako’y naglingkod bilang isang sakristan. Subalit kahit sa murang gulang, nainis ako sa mga paring nagsasabing hindi kami dapat kumain ng karne kung Biyernes subalit ginagawa naman nila ang gayon.

Nagbalik ang ilan sa aming kaibigan mula sa mga trabaho sa Estados Unidos taglay ang salapi upang ayusin ang kanilang mga bahay at bumili ng mga makinang pansaka. Ito ang nag-udyok kay Itay na ipahayag ang tungkol sa pagpapadala sa akin sa Amerika kasama ng ilang kapitbahay na nagpaplanong bumalik na naman doon. Iyan ay noong 1907 nang ako’y 14.

Nalito sa Amerika

Hindi nagtagal ay nakasakay ako sa isang barko, at sa loob ng dalawang linggo ay tinawid namin ang Atlantiko. Noong panahong iyon, kailangan mo ng 20 dolyar, kung hindi ay pababalikin ka sa iyong lupang tinubuan. Mayroon akong isang 20-dolyar na pirasong pilak, at sa gayo’y naging isa ako sa milyun-milyon na dumaan sa Ellis Island, New York, ang pintuan patungo sa Amerika. Mangyari pa, hindi napipitas ang pera, at ang mga lansangan ay hindi nalalatagan ng ginto. Sa katunayan, marami sa mga ito ang hindi pa nga sementado!

Sumakay kami ng tren patungo sa Johnstown, Pennsylvania. Ang mga lalaking kasama ko ay nanggaling na roon at may alam silang bahay-pangaserahan na matutuluyan ko. Ang dahilan ay upang hanapin ko ang aking ate na nakatira sa Jerome, Pennsylvania, na nang maglao’y nalaman ko na mga 25 kilometro lamang ang layo. Subalit ang sinasabi ko’y Yarome, sa halip na Jerome, sapagkat sa aking katutubong wika ang “J” ay binibigkas na “Y.” Walang sinuman ang nakakaalam ng Yarome, kaya naroon ako sa isang banyagang bansa, hindi makapagsalita ng Ingles at walang gaanong salapi.

Tuwing umaga ay naghahanap ako ng trabaho. Sa tanggapan para sa empleo, dalawa o tatlo ang matatanggap sa napakaraming nakapila sa labas. Kaya araw-araw ay bumabalik ako sa bahay-pangaserahan upang mag-aral ng Ingles sa tulong ng ilang aklat na sariling-sikap. Kung minsan ay nakasusumpong ako ng panaka-nakang mga trabaho, subalit lumilipas ang mga buwan, at halos ubos na ang aking pera.

Nakasama ng Aking mga Kapatid

Isang araw ay napadaan ako sa isang otel na mayroong bar na malapit sa istasyon ng tren. Ang sarap ng amoy ng pagkain! Ang mga sandwich, hot dog, at iba pang pagkain sa bar ay libre kung bibili ka ng serbesa, na nagkakahalaga ng limang sentimos ang isang malaking baso. Bagaman ako’y minor de edad, naawa sa akin ang nagsisilbi ng alak sa bar at pinagbilhan ako ng beer.

Habang kumakain, dumating ang ilang kalalakihan at nagsabi: “Bilisan mo at ubusin mo ang iyong iniinom! Dumarating na ang tren na patungo sa Jerome.”

“Ang ibig ba ninyong sabihi’y Yarome?” ang tanong ko.

“Hindi, Jerome,” ang sabi ng mga lalaki. Noon ko nalaman kung saan nakatira ang aking kapatid na babae. Sa katunayan, sa bar, nakilala ko ang isang lalaki na nakatira tatlong bahay lamang ang layo sa kaniya! Kaya bumili ako ng tiket ng tren at sa wakas ay nakita ko ang aking kapatid na babae.

Ang aking kapatid at ang kaniyang asawa ay namamahala ng isang bahay-pangaserahan para sa mga minero ng karbon, at ako’y nakitira sa kanila. Nahanapan nila ako ng trabaho na pagbabantay sa isang bomba na nag-aalis ng tubig sa minahan. Kailanma’t huminto ito sa pag-andar, tatawagin ko ang isang mekaniko. Ang bayad sa trabaho ay 15 sentimos isang araw. Pagkatapos ay nagtrabaho ako sa perokaril, sa pagawaan ng ladrilyo, at bilang ahente pa nga ng seguro. Nang maglao’y lumipat ako sa Pittsburg kung saan nakatira ang kuya kong si Steve. Doon, nagtrabaho kami sa pagawaan ng bakal. Hindi ako kailanman kumita ng sapat na salapi para ipadala sa amin.

Isang Pamilya at Isang Libing

Habang naglalakad patungo sa trabaho isang araw, napansin ko ang isang kabataang katulong sa bahay na nakatayo sa harap ng bahay na kaniyang pinagtatrabahuhan. Nasabi ko sa aking sarili, ‘Ang ganda niya.’ Pagkaraan ng tatlong linggo, noong 1917, kami ni Helen ay nagpakasal. Noong sumunod na sampung taon, nagkaroon kami ng anim na anak, ang isa sa kanila ay namatay samantalang sanggol pa.

Ako’y kinuha ng Pittsburg Railways bilang isang tsuper ng trambiya noong 1918. May kainan malapit sa istasyon ng trambiya kung saan ang isa ay makabibili ng isang tasang kape. Sa loob, waring hindi iniintindi ng dalawang lalaking Griego na nagmamay-ari ng lugar kung ikaw ay may bibilhin, basta makapangaral lamang sila sa iyo mula sa Bibliya. Sabi ko: “Ang ibig ba ninyong sabihi’y mali ang lahat at kayong dalawa lamang ang tama?”

“Buweno, suriin mo ito sa Bibliya!” ang sasabihin nila. Subalit nang panahong iyon, hindi nila ako nakumbinsi.

Nakalulungkot, noong 1928, nagkasakit ang mahal kong si Helen. Upang ang mga bata ay mapangalagaan nang mas mabuti, pinatira ko sila sa aking kapatid na babae at sa kaniyang asawa sa Jerome. Nang panahong ito ay nakabili sila ng isang sakahan. Dinadalaw ko ang mga bata nang madalas at pinaglalaanan sila ng pera buwan-buwan upang ibayad sa kanilang pagkain. Pinadadalhan ko rin sila ng mga damit. Nakalulungkot, lumala ang kalagayan ni Helen, at siya’y namatay noong Agosto 27, 1930.

Nakadama ako ng pangungulila at pagdadalamhati. Nang magtungo ako sa pari upang ayusin ang libing, sinabi niya: “Hindi ka na kabilang sa simbahang ito. Hindi ka nagbayad ng butaw sa loob ng mahigit na isang taon.”

Nagpaliwanag ako na ang asawa ko’y nagkasakit sa loob ng mahabang panahon at na ang sobrang pera ay ibinigay ko sa aking mga anak upang sila’y makapag-abuloy sa simbahan sa Jerome. Sa kabila nito, kinailangan kong manghiram ng 50 dolyar upang bayaran ang aking mga pagkakautang bago pumayag ang pari na asikasuhin ang libing. Gusto rin ng pari ng karagdagang 15 dolyar upang magmisa sa lugar ng aking hipag kung saan ang mga kaibigan at pamilya ay nagplanong magtipon upang magbigay-galang kay Helen. Wala akong makuhang 15 dolyar, subalit sumang-ayon ang pari na magmimisa kung ibibigay ko sa kaniya ang pera sa araw ng suweldo.

Nang dumating ang araw ng suweldo ay ginamit ko ang pera upang ibili ang mga bata ng sapatos at damit para sa eskuwela. Buweno, pagkalipas ng mga dalawang linggo, sumakay ang pari sa aking trambiya. “May utang ka pa rin sa akin na 15 dolyar,” aniya. Pagkatapos, nang bumaba siya sa kaniyang bababaan, siya’y nagbanta, “Pupuntahan ko ang superbisor mo at ipakakaltas ko ang pera sa sahod mo.”

Pagkatapos ng araw ng trabaho, nagtungo ako sa aking superbisor at sinabi ko sa kaniya ang nangyari. Bagaman siya ay isang Katoliko, sinabi niya, “Kapag dumating dito ang paring iyon, pagsasabihan ko siya!” Pinag-isip ako ng komentong iyon, ‘Gusto lang ng mga pari ang aming pera, subalit kailanman ay hindi nila kami tinuruan ng anuman tungkol sa Bibliya.’

Pagkaalam ng Katotohanan

Nang sumunod na pagkakataong ako’y nasa kainan na pinamamahalaan ng dalawang lalaking Griego, pinag-usapan namin ang karanasan ko sa pari. Bunga nito, nagsimula akong makipag-aral sa mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Nagpupuyat ako sa magdamag sa pagbabasa ng Bibliya at literatura sa Bibliya. Nalaman ko na si Helen ay hindi naghihirap sa purgatoryo, gaya ng sinabi ng pari, kundi siya’y natutulog sa kamatayan. (Job 14:13, 14; Juan 11:11-14) Oo, higit pa sa ginto ang nasumpungan ko​—ito ang katotohanan!

Pagkaraan ng dalawang linggo, sa aking unang pulong na kasama ng mga Estudyante ng Bibliya sa Garden Theatre sa Pittsburg, nagtaas ako ng kamay at nagsabi, “Mas marami akong natutuhan tungkol sa Bibliya ngayong gabi kaysa sa natutuhan ko sa buong buhay ko sa simbahan.” Nang maglaon, nang magtanong sila kung sino ang gustong makibahagi sa gawaing pangangaral kinabukasan, nagtaas akong muli ng aking kamay.

Pagkatapos, noong Oktubre 4, 1931, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Samantala, nakaupa ako ng bahay at dinala ko ang mga bata para pumisan sa akin, at umupa ako ng isang katulong sa bahay upang tumulong sa pangangalaga sa kanila. Sa kabila ng mga pananagutan ko sa pamilya, mula noong Enero 1932 hanggang Hunyo 1933, nakibahagi ako sa isang anyo ng pantanging paglilingkod na tinatawag na auxiliary, kung saan ako’y gumugugol ng 50 hanggang 60 oras bawat buwan sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa Bibliya.

Nang panahong ito ay napansin ko ang isang magandang dalaga na waring laging sumasakay sa aking trambiya sa kaniyang pagpunta at pag-uwi mula sa trabaho. Nagtatama ang aming paningin sa salamin sa trambiya. Ganito kami nagkakilala ni Mary. Nagligawan kami at nagpakasal noong Agosto 1936.

Noong 1949, dahil sa tagal ko na sa trabaho ay nakapili ako ng iskedyul sa trabaho na nagpapahintulot sa akin na magpayunir, gaya ng tawag sa buong-panahong ministeryo. Ang aking bunsong anak na babae, si Jean, ay nagsimulang magpayunir noong 1945, at kami’y magkasamang nagpayunir. Nang maglaon, nakilala ni Jean si Sam Friend, na naglilingkod sa Bethel, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.a Sila’y nagpakasal noong 1952. Nagpatuloy ako sa pagpapayunir sa Pittsburg at nagdaos ng maraming pag-aaral sa Bibliya, noong minsa’y sa 14 na iba’t ibang pamilya sa bawat linggo. Noong 1958, ako’y nagretiro sa aking trabaho sa trambiya. Pagkatapos niyan, madali na lamang ang pagpapayunir, yamang hindi ko na kailangang magtrabaho ng sekular nang walong oras isang araw.

Noong 1983, nagkasakit si Mary. Inalagaan ko siya kung paanong inasikaso niya ako nang husto sa loob halos ng 50 taon. Sa wakas, noong Setyembre 14, 1986, siya’y namatay.

Paghanap sa Aking Dakong Sinilangan

Noong 1989, isinama ako nina Jean at Sam sa mga kombensiyon sa Poland. Dinalaw rin namin ang dakong kinalakhan ko. Nang sakupin ng mga Ruso ang bahaging iyon ng daigdig, binago nila ang mga pangalan ng mga bayan at ipinatapon ang mga tao sa ibang bansa. Isa sa aking mga kapatid ay ipinatapon sa Istanbul at ang isa kong kapatid na babae ay sa Russia. At ang pangalan ng aking nayon ay hindi pamilyar doon sa mga tinanong namin.

Pagkatapos ay nadama kong parang pamilyar sa akin ang ilang bundok sa kalayuan. Habang papalapit kami, nakilala ko ang ilang palatandaan​—isang burol, nagsangang daan, isang simbahan, at isang tulay sa ibabaw ng isang ilog. Walang anu-ano, sa aming pagtataka, nakita namin ang isang posteng pananda na nagsasabing “Hoszowczyk”! Kamakailan lamang, nawalan ng impluwensiya ang mga Komunista, at ang orihinal na mga pangalan ng mga nayon ay isinauli.

Wala na ang aming bahay, subalit naroon ang hurno na ginamit para sa pagluluto sa labas, na bahagyang nakabaon sa lupa. Pagkatapos ay itinuro ko ang isang malaking punungkahoy at ang sabi ko: “Tingnan ninyo ang punungkahoy na iyon. Itinanim ko ito bago ako umalis patungong Amerika. Tingnan ninyo kung gaano na ito kalaki!” Pagkatapos, dinalaw namin ang mga libingang puntod upang hanapin ang mga pangalan ng mga miyembro ng pamilya, subalit wala kaming nasumpungan.

Inuuna ang Katotohanan

Nang mamatay ang asawa ni Jean noong 1993, tinanong niya ako kung nais ko bang umalis siya ng Bethel upang pangalagaan ako. Sinabi ko sa kaniya na iyan ang pinakamasamang bagay na magagawa niya, at gayon pa rin ang nadarama ko. Namumuhay akong mag-isa hanggang sa ako’y sumapit sa edad na 102, subalit mula noon ay kinailangan nang ilipat ako sa isang nursing home (institusyong nangangalaga sa mga may edad na). Isa pa rin akong matanda sa Bellevue Congregation sa Pittsburg, at ako’y sinusundo ng mga kapatid patungo sa mga pulong sa Kingdom Hall kung Linggo. Bagaman lubhang limitado na ang aking nagagawa sa gawaing pangangaral, ako’y nasa talaan pa rin ng mga payunir na masasaktin.

Sa nakalipas na mga taon, nasiyahan ako sa pag-aaral sa pantanging mga paaralan para sa pagsasanay sa mga tagapangasiwa na isinaayos ng Samahang Watch Tower. Noong nakaraang Disyembre, dumalo ako sa ilang sesyon ng Kingdom Ministry School para sa matatanda sa kongregasyon. At nitong nakaraang Abril 11, dinala ako ni Jean sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, isang pagdiriwang na labis kong pinahahalagahan na makibahagi sa bawat taon mula noong 1931.

Ang ilan sa mga pinagdausan ko ng pag-aaral sa Bibliya ay naglilingkod ngayon bilang matatanda, ang iba naman ay mga misyonero sa Timog Amerika, at ang ilan ay mga lolo’t lola, na naglilingkod sa Diyos na kasama ng kanilang mga anak. Tatlo sa aking mga anak​—sina Mary Jane, John, at Jean​—gayundin ang marami sa kanilang mga anak at mga apo ay tapat na naglilingkod sa Diyos na Jehova. Dalangin ko na balang araw ay gayundin ang gagawin ng isa ko pang anak na babae at ang iba pa sa aking mga apo at apo-sa-tuhod.

Ngayon sa gulang na 105 taon, hinihimok ko pa rin ang lahat na mag-aral ng Bibliya at makipag-usap sa iba tungkol sa natutuhan nila. Oo, kumbinsido ako na kung ikaw ay mananatiling malapit kay Jehova, hindi ka kailanman mabibigo. Kung gayon ay matatamasa mo rin ang isang bagay na higit pa sa ginto na naglalaho​—ang katotohanan na nagpapangyari sa atin na magkaroon ng isang mahalagang kaugnayan sa ating Tagapagbigay-Buhay, ang Diyos na Jehova.

[Talababa]

a Ang kuwento ng buhay ni Sam Friend ay lumitaw sa Agosto 1, 1986, na labas ng Ang Bantayan, pahina 22-6.

[Larawan sa pahina 25]

Nang ako’y nagmaneho ng trambiya

[Larawan sa pahina 26]

Sa nursing home na tinitirhan ko ngayon

[Larawan sa pahina 27]

Ang posteng pananda sa daan na nasumpungan namin noong 1989

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share