Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 11/1 p. 29
  • Nakilala ng Isang Dating Salansang ang Katotohanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakilala ng Isang Dating Salansang ang Katotohanan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Kaparehong Materyal
  • Supot sa Pagpapastol
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Supot
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Sako
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Matuto sa Nakababatang Kapatid ni Jesus
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 11/1 p. 29

Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian

Nakilala ng Isang Dating Salansang ang Katotohanan

MARAMI nang napabalita hinggil sa gera sibil sa Liberia. Sampu-sampung libo ang namatay, at lalo pang marami ang kinailangang umalis sa sariling bayan. Sa kabila ng kahirapang ito, patuloy na niyayakap ng tapat-pusong mga tao ang katotohanan, gaya ng ipinakikita ng karanasang ito.

Mula sa edad na sampu, si James ay tinuruan sa Lutheran Church. Nang maging patnugot ng isang pahayagan ng simbahan, ginamit niya ang kaniyang posisyon upang sumulat laban sa mga Saksi ni Jehova. Ito’y sa kabila ng katotohanang hindi pa siya nakatatagpo kailanman ng isa sa kanila.

Nang maglaon, iniwan ni James ang pahayagan ng simbahan at naging isang matagumpay na may-ari ng motel. Isang araw habang nakaupo siya sa tanggapan ng kaniyang motel, dalawang maayos-manamit na sister ang lumapit sa kaniya. Nang makita ang kanilang maayos na pananamit, pinapasok niya sila. Ngunit nang ipaliwanag nila sa kaniya kung bakit sila dumalaw, sabi niya, “Wala akong panahong makipag-usap.” Inalok siya ng mga Saksi na magsuskribe sa mga magasing Ang Bantayan at Gumising!, at tinanggap naman niya ito para lamang mapaalis sila. Sa loob ng 12 buwan ay dumating sa kaniyang tahanan ang mga magasin, ngunit inilalagay niya ang mga ito sa isang bag na plastik nang hindi man lamang inaalis ang balot.

Nananalanta noon ang gera sibil, kaya inilagay ni James sa isang bag ang pera at mahahalagang bagay upang makatakas na agad sa unang tanda pa lamang ng pagsalakay. Isang umaga ay may sumabog na granada sa labas ng kaniyang pinto sa likod-bahay, at sa kalituhan ay bigla niyang dinampot ang kaniyang bag at kumaripas ng takbo upang iligtas ang kaniyang buhay. Kasama ng libu-libong lumilikas na mga sibilyan, kinailangan siyang dumaan sa ilang checkpoint. Doon, ang mga inosenteng sibilyan ay karaniwan nang ninanakawan at pinapatay nang walang anumang dahilan.

Sa unang checkpoint, tinanong si James ng ilang katanungan at pinabuksan ang kaniyang bag. Nang buksan niya ito, tiningnan niya ang kaniyang bag at hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita. Laking panlulumo niya nang makitang ang bag na dala niya ay hindi yaong naglalaman ng kaniyang mahahalagang bagay. Sa kaniyang kalituhan, ang nabitbit niya ay ang bag na naglalaman ng lahat ng hindi pa nabubuksang magasing Bantayan at Gumising! Gayunman, nang makita ng sundalo ang mga magasin at mabasa ang kaniyang pangalan sa etiketa, sinabi niya: “A, Saksi ni Jehova ka pala. Hindi kayo ang aming hinahanap, alam naming hindi kayo nagsisinungaling.” Pagkakuha ng ilang magasin sa bag, pinaalis na ng sundalo si James.

Gayundin ang nangyari sa siyam na checkpoint, na inakala ng lahat ng komander na si James ay isang Saksi ni Jehova at hinayaan siyang dumaan nang hindi sinasaktan. Nagpasalamat si James at hindi yaong mahahalagang bagay ang nadala niya sapagkat sa nakita niya, malamang na napatay siya kung iyon ang kaniyang dala.

Nang sumapit siya sa pinakahuli at pinakakinatatakutang checkpoint, nagimbal siya nang makita niya ang maraming bangkay na nakahandusay sa paligid. Sa matinding takot, nanalangin siya kay Jehova. Sinabi niyang kung tutulungan siya ng Diyos na maligtasan ang lugar na ito ng patayan, paglilingkuran niya siya habambuhay.

Iniabot ni James ang kaniyang bag sa mga sundalo, at muli ay sinabi nila: “Hindi ang mga taong ito ang ating hinahanap.” Binalingan siya at sinabi pa nila: “May kapatid kayong nakatira sa ibaba ng burol na ito. Sige na at sumama ka sa kaniya.” Sa pagkakataong ito ay lubusan nang nabago ang palagay ni James sa mga Saksi ni Jehova. Agad niyang pinuntahan ang kapatid, at isinaayos ang isang pag-aaral sa Bibliya sa aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.a

Pagkaraan ng ilang araw, napilitan siyang lisanin ang lugar na iyon dahil sa isang pagsalakay. Sa pagkakataong ito ay tumakbo si James sa kasukalan na ang bitbit lamang ay ang kaniyang aklat na Mabuhay Magpakailanman! Sa loob ng 11 buwang pagkahiwalay sa mga Saksi, limang ulit na pinag-aralan niya ang kaniyang aklat. Nang sa wakas ay makabalik na siya sa lunsod, ipinagpatuloy niya ang kaniyang pakikipag-aral sa Bibliya sa mga Saksi at mabilis na sumulong. Di-nagtagal, nabautismuhan siya, at siya ngayon ay tapat na naglilingkod kasama ng kaniyang espirituwal na mga kapatid.

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share