Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 11/15 p. 4-7
  • Kung Paano Ka Matutulungan ng mga Anghel

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Ka Matutulungan ng mga Anghel
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Engkuwentro sa mga Anghel
  • Dapat ba Tayong Humingi ng Tulong sa mga Anghel?
  • Pagtawag sa Diyos
  • Mga Anghel at mga Moral
  • Mga Anghel de la Guwardiya
  • Ang Mensaheng Dala ng mga Anghel
  • Mga Anghel—Kung Paano Nila Tayo Naaapektuhan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Mga Anghel—Apektado ba Nila ang Buhay Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Mga Anghel—“Mga Espiritung Ukol sa Pangmadlang Paglilingkod”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Sino o Ano ang mga Anghel?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 11/15 p. 4-7

Kung Paano Ka Matutulungan ng mga Anghel

PINATUTUNAYAN ng Salita ng Diyos ang pag-iral ng mga anghel. Sinasabi nito sa atin na may milyun-milyong espiritung nilalang na ito. Nagkaroon ng pangitain ang lingkod ng Diyos na Jehova na si Daniel tungkol sa makalangit na mga bagay na tungkol dito ay sumulat siya: “May sanlibong libu-libo na patuluyang nagmiministro sa [Diyos], at makasampung libo na sampung libo ang patuluyang nakatayo sa mismong harap niya.”​—Daniel 7:10.

Pansinin na ang pananalita ni Daniel ay hindi lamang nagsasabi sa atin na maraming anghel. Ipinahihiwatig din nito na ang mga anghel ay nagmiministro sa Diyos. Mga lingkod niya sila. Kasuwato nito, ang salmista ay umawit: “Pagpalain ninyo si Jehova, O ninyong mga anghel niya, makapangyarihan sa kalakasan, na tumutupad sa kaniyang salita, sa pamamagitan ng pakikinig sa tinig ng kaniyang salita. Pagpalain ninyo si Jehova, ninyong lahat na hukbo niya, ninyong mga lingkod niya, na gumagawa ng kaniyang kalooban.”​—Awit 103:20, 21.

Ipinaliliwanag din ng Bibliya na ang buhay ng mga anghel ay hindi nagsimula sa lupa bilang mga tao. Nilalang ni Jehova ang mga anghel sa langit bago pa man niya nilalang ang lupa. Nang ‘itatag [ng Diyos] ang lupa, sumigaw na nagbibigay-dangal ang lahat ng mga anghel na anak ng Diyos.’​—Job 38:4-7.

Ang mga anghel ay mga espiritung nilalang​—di-nakikita, makapangyarihan at matalino. Sa Bibliya, ang salitang Hebreo na mal·ʼakhʹ at ang terminong Griego na agʹge·los ay isinaling “anghel” kapag tinutukoy ang isang espiritung nilalang. Ang mga salitang ito’y lumilitaw nang halos 400 ulit sa Bibliya. Iisa ang kahulugan ng dalawa, yaon ay, “mensahero.”

Mga Engkuwentro sa mga Anghel

Tunay na mga mensahero ang mga anghel. Maaaring pamilyar ka sa ulat ng Bibliya may kinalaman sa panahon nang magpakita si anghel Gabriel kay Maria. Sinabi niya kay Maria na bagaman siya’y isang birhen, siya’y magsisilang ng isang anak na lalaki na tatawaging Jesus. (Lucas 1:26-33) Nagpakita rin ang isang anghel sa ilang pastol na nasa parang. Ipinahayag niya: “Isinilang sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon.” (Lucas 2:8-11) Sa katulad na paraan, naghatid ng mga mensahe ang mga anghel kina Hagar, Abraham, Lot, Jacob, Moises, Gideon, Jesus, at sa iba pa sa ulat ng Bibliya.​—Genesis 16:7-12; 18:1-5, 10; 19:1-3; 32:24-30; Exodo 3:1, 2; Hukom 6:11-22; Lucas 22:39-43; Hebreo 13:2.

Kapansin-pansin na ang lahat ng mga mensaheng ito na inihatid ng mga anghel ay kasuwato ng katuparan ng mga layunin ng Diyos at hindi niyaong sa mga taong nasasangkot. Ang mga anghel ay nagpakita bilang mga kinatawan ng Diyos, ayon sa kaniyang kalooban at talaorasan. Hindi sila ipinatawag ng mga tao.

Dapat ba Tayong Humingi ng Tulong sa mga Anghel?

Wasto bang humingi ng tulong sa mga anghel sa mga panahon ng kabagabagan? Kung gayon, gusto nating malaman ang pangalan ng isang anghel na pinakamabuting makatutulong sa atin. Dahil dito, itinatala ng ilang komersiyal na aklat ang sinasabing mga pangalan ng maraming anghel, kasama ang kanilang mga ranggo, titulo, at mga tungkulin. Itinala ng isang aklat ang tinatawag nitong ang “sampung pangunahing anghel,” ang “kilalang mga anghel sa Kanluraning daigdig.” Kasama sa listahan ang payo na ipikit mo ang iyong mga mata, dahan-dahang ulitin ang pangalan ng anghel nang ilang beses, huminga nang malalim, at “ihanda ang iyong sarili sa posibleng pakikipagkita sa mga ito.”

Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng pangalan ng dalawa lamang sa tapat na mga anghel ng Diyos sina Miguel at Gabriel. (Daniel 12:1; Lucas 1:26) Marahil, ang dahilan kung bakit ibinigay ang mga pangalang ito ay upang ipakita na ang bawat anghel ay natatanging espiritung persona na may pangalan, hindi basta isa lamang enerhiya o lakas.

Kapansin-pansin na ang ilang anghel ay tumangging isiwalat ang kanilang pangalan sa mga tao. Nang hilingin ni Jacob sa isang anghel na isiwalat ang kaniyang pangalan, ayaw nitong sabihin. (Genesis 32:29) Nang hilinging ipakilala ang kaniyang sarili, isang anghel na lumapit kay Josue ang nagsabi lamang na siya ang “prinsipe ng hukbo ni Jehova.” (Josue 5:14) Nang tanungin ng mga magulang ni Samson ang pangalan ng isang anghel, sinabi nito: “Bakit nga itinatanong mo ang pangalan ko, gayong kamangha-mangha ito?” (Hukom 13:17, 18) Sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng isang talaan ng mga pangalan ng mga anghel, iniingatan tayo ng Bibliya mula sa pagbibigay sa mga anghel ng hindi nararapat na karangalan at pagsamba. Gaya ng makikita natin, hindi rin tayo nito tinuturuan na humingi ng tulong sa kanila.

Pagtawag sa Diyos

Sinasabi sa atin ng Bibliya ang lahat ng kailangan nating malaman tungkol sa mga bagay-bagay sa dako ng espiritu. Sumulat si apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo . . . upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Kung gusto ng Diyos na malaman natin ang mga pangalan ng maraming anghel, sana’y isiniwalat niya ito sa kaniyang Salita, ang Bibliya. At kung nais ng Diyos na turuan tayo kung paano makikipagkita sa mga anghel at makikipag-usap sa kanila sa panalangin, sana’y nagbigay ng gayong impormasyon sa Kasulatan.

Sa halip, itinuro ni Jesu-Kristo: “Kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong pribadong silid at, pagkatapos na maisara ang iyong pintuan, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim . . . Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.’ ” (Mateo 6:6, 9) Ganito ang maka-Kasulatang pangmalas: Hindi tayo dapat tumawag sa mga anghel o manalangin sa kanila, kundi dapat tayong may pananalanging lumapit sa Maylalang ng mga anghel, sa Diyos mismo. Hindi isang hiwaga ang kaniyang pangalan, at hindi na kailangan pa ang isang tumitingin ng pangitain upang isiwalat ito. Bagaman may mga pagtatangkang ikubli ang banal na pangalan, ito’y lumilitaw sa ulat ng Bibliya nang mahigit na 7,000 ulit. Halimbawa, patungkol sa makalangit na Ama ay umawit ang salmista: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”​—Awit 83:18.

Si Jehova ay hindi kailanman napakaabala upang makinig sa atin kung tayo ay wastong lumalapit sa kaniya sa panalangin. Ganito ang katiyakang ibinibigay sa atin ng Bibliya: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.”​—2 Cronica 16:9.

Mga Anghel at mga Moral

Salungat sa kung ano ang kadalasang inilalarawan sa media, hindi hinahatulan ng mga anghel ang mga tao. Angkop iyan, sapagkat ang mga anghel ay hindi binigyan ng karapatan na humatol sa mga tao. Si Jehova “ang Hukom ng lahat,” bagaman “kaniyang ipinagkatiwala ang lahat ng paghatol sa Anak,” si Jesu-Kristo. (Hebreo 12:23; Juan 5:22) Gayunpaman, isang pagkakamaling ipalagay na ang mga anghel ay hindi nababahala sa kung paano tayo namumuhay. Sinabi ni Jesus: “Nagkakaroon ng kagalakan sa gitna ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.”​—Lucas 15:10.

Gayunman, ang mga anghel ay hindi mga miron lamang. Noon, naglingkod sila bilang mga tagapuksa, na isinasagawa ang mga kahatulan ng Diyos. Halimbawa, ginamit ng Diyos ang mga anghel laban sa sinaunang mga Ehipsiyo. Ayon sa Awit 78:49, “sinugo niya sa kanila ang kaniyang nag-aapoy na galit, poot at pagtuligsa at kabagabagan, mga inatasang anghel na nagdadala ng kapahamakan.” Sa katulad na paraan, iniuulat ng Bibliya na sa isang gabi, nilipol ng isang anghel ang 185,000 sundalong Asiryano.​—2 Hari 19:35.

Gayundin naman, sa hinaharap, lilipulin ng mga anghel ang mga nagsasapanganib sa kapakanan ng iba dahil sa pagtangging umayon sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Darating si Jesus “kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagdadala siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita.”​—2 Tesalonica 1:7, 8.

Kaya ipinakikita ng Kasulatan na laging ginagawa ng tapat na mga anghel ng Diyos ang kaniyang kalooban sa pamamagitan ng pagtupad ng kaniyang mga tagubilin at panghahawakan sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Maliwanag, kung nais nating tulungan tayo ng mga anghel ng Diyos, kailangang malaman natin ang kalooban ng Diyos at pagsikapang gawin ito.

Mga Anghel de la Guwardiya

Nagmamalasakit ba sa mga tao ang mga anghel at nangangalaga sa kanila? Si apostol Pablo ay nagtanong: “Hindi ba silang lahat [na mga anghel] ay mga espiritung ukol sa pangmadlang paglilingkod, na isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan?” (Hebreo 1:14) Maliwanag, ang sagot sa tanong ni Pablo ay oo.

Dahil sa kanilang pagtangging yumuko sa harap ng ginintuang imahen na ipinatayo ni Haring Nabukodonosor ng Babilonya, ang tatlong Hebreo na sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay inihagis sa isang napakainit na hurno. Gayunman, ang tapat na mga lingkod na iyon ng Diyos ay hindi napinsala ng apoy. Nang tumingin ang hari sa hurno, nakakita siya ng “apat na matitipunong lalaki,” at nagsabi na “ang kaanyuan ng ikaapat [ay] nakakahalintulad ng isang anak ng mga diyos.” (Daniel 3:25) Pagkalipas ng ilang taon, nasumpungan ni Daniel ang kaniyang sarili sa yungib ng mga leon dahil sa kaniyang katapatan. Siya man ay nakaligtas nang walang anumang pinsala at nagsabi: “Sinugo ng aking Diyos ang kaniyang anghel at itinikom ang bibig ng mga leon.”​—Daniel 6:22.

Sa pagkatatag ng kongregasyon ng mga tagasunod ni Kristo noong unang siglo C.E., muling lumitaw ang mga anghel, anupat pinalaya ang mga apostol sa bilangguan. (Gawa 5:17-24; 12:6-12) At nang manganib sa dagat ang buhay ni Pablo, tiniyak sa kaniya ng isang anghel na siya’y makararating nang ligtas sa Roma.​—Gawa 27:13-24.

Ang mga lingkod ng Diyos na Jehova sa kasalukuyang panahon ay lubusang kumbinsido na ang di-nakikitang mga hukbo ng anghel ng Diyos ay tunay at makapagbibigay ng proteksiyon, gaya ng ginawa nila kay Eliseo at sa kaniyang tagapaglingkod. (2 Hari 6:15-17) Tunay, “ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya, at inililigtas niya sila.”​—Awit 34:7; 91:11.

Ang Mensaheng Dala ng mga Anghel

Bagaman nababahala ang mga anghel sa kapakanan niyaong mga naglilingkod sa Diyos na Jehova, tinitiyak din nila na natututo ang mga tao tungkol sa kaniya at sa kaniyang layunin. Si apostol Juan ay sumulat: “Nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at siya ay may walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.’ ”​—Apocalipsis 14:6, 7.

Gusto mo bang malaman ang nilalaman ng “walang-hanggang mabuting balita” na ito? Kung gayon, tanungin ang mga Saksi ni Jehova. Matutuwa silang ibahagi ito sa iyo.

[Mga larawan sa pahina 7]

Isang anghel sa kalagitnaan ng langit ang naghahayag ng walang-hanggang mabuting balita. Gusto mo bang malaman ito?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share