Dapat ba Akong Mangutang sa Aking Kapatid?
MAY sakit ang bunsong anak ni Simon at kailangang-kailangan nito ng gamot. Pero kapos na kapos si Simon at hindi niya mabili iyon. Ano ang magagawa niya? Buweno, isang kapuwa Kristiyano na nagngangalang Michael ang nakaluluwag sa pananalapi kaysa sa kaniya. Marahil ay pauutangin siya ni Michael. Pero sa kalooban niya, batid ni Simon na malamang na hindi niya mabayaran ang utang.a
Nang lumapit sa kaniya si Simon, si Michael ay napaharap sa isang mabigat na suliranin. Batid niya na talagang may pangangailangan ngunit iniisip niya na hindi maibabalik ni Simon ang pera dahil sa halos gumapang na nga ito para lamang mapakain ang kaniyang pamilya. Ano kaya ang dapat gawin ni Michael?
Sa maraming bansa, ang mga tao ay maaaring bigla na lamang mawalan ng kabuhayan at masumpungan ang kanilang sarili na walang pera o seguro para mabayaran ang gastos sa pagpapagamot. Baka hindi puwedeng umutang sa bangko o kaya’y masyadong mataas ang interes nito. Kapag bumangon ang gipit na kalagayan, waring ang tanging lunas ay ang mangutang. Subalit bago mangutang, may ilang mahahalagang bagay na dapat isaalang-alang.
Tuusin ang Halaga
Naglalaan ang Kasulatan ng mga alituntunin kapuwa sa nagpapautang at sa umuutang. Sa pagsunod sa payong ito, maiiwasan natin ang maraming di-pagkakaunawaan at samaan ng loob.
Halimbawa, ipinaaalaala sa atin ng Bibliya na hindi natin dapat na maliitin ang tungkol sa paghiram ng salapi. Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Roma: “Huwag kayong magkautang kaninuman ng anumang bagay, maliban sa ibigin ang isa’t isa; sapagkat siya na umiibig sa kaniyang kapuwa ay nakatupad na sa batas.” (Roma 13:8) Dapat sana, pag-ibig lamang ang maging utang ng isang Kristiyano sa iba. Kaya naman, maaaring itanong muna natin sa ating sarili, ‘Talaga bang kailangang mangutang?’
Kung ang sagot ay oo, isang katalinuhan kung gayon na pag-isipan ang kahihinatnan ng pag-utang. Ipinakita ni Jesu-Kristo na ang mahahalagang pasiya ay nangangailangan ng maingat na pagsasaalang-alang at pagpaplano. Tinanong niya ang kaniyang mga alagad: “Sino sa inyo na nagnanais na magtayo ng tore ang hindi muna uupo at kakalkulahin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang makumpleto iyon?” (Lucas 14:28) Kumakapit ang simulaing ito kapag nagbabalak na mangutang sa isang kapatid. Ang pagkalkula sa gastusin ng pag-utang ay nangangahulugan ng pagkalkula kung paano at kung kailan natin babayaran iyon.
May karapatan ang nagpapautang na malaman kung paano at kung kailan babayaran ang utang. Sa pamamagitan ng maingat na pagsasaalang-alang ng mga bagay-bagay, mabibigyan natin siya ng tiyak na mga kasagutan. Nakalkula na ba natin ang halaga ng pagbabayad sa utang sa loob ng makatuwirang yugto ng panahon? Mangyari pa, mas madaling sabihin sa ating kapatid: “Babayaran kita sa lalong madaling panahon. Alam mo namang mapagkakatiwalaan mo ako.” Ngunit hindi ba dapat nating isaayos ang gayong mga bagay sa mas responsableng paraan? Dapat na sa simula pa lamang ay determinado na tayong magbayad ng utang, yamang iyan ang hinihiling ni Jehova sa atin. “Ang balakyot ay nanghihiram at hindi nagbabayad,” sabi ng Awit 37:21.
Sa pamamagitan ng pagkalkula kung paano at kung kailan natin babayaran ang utang, ipinaaalaala natin sa ating sarili ang ating seryosong pananagutan. Binabawasan nito ang posibilidad na mangutang tayo nang hindi kinakailangan. Kung maiiwasan nating mangutang, may mga kabutihan. Nagbabala ang Kawikaan 22:7: “Ang nanghihiram ay alipin ng nagpapahiram.” Kahit na kapuwa ang nagpapautang at ang nangungutang ay espirituwal na magkapatid, sa paano man ay maaaring maapektuhan ng utang ang kanilang kaugnayan. Ang mga di-pagkakaunawaan tungkol sa mga utang ay sumira pa nga sa kapayapaan ng ilang kongregasyon.
Ipaliwanag Kung Bakit Kailangan ang Salapi
May karapatan ang nagpapautang na malaman kung paano talaga natin gagamitin ang hiniram na salapi. Bukod sa utang na ito, humihiram din ba tayo mula sa iba? Kung gayon, dapat nating liwanagin ito, sapagkat may kaugnayan ito sa ating kakayahang magbayad ng utang.
Lalo nang mahalaga na makita ang pagkakaiba ng isang utang sa negosyo at ng isa na para sa gipit na kalagayan. Ang isang kapatid ay walang maka-Kasulatang obligasyon na magpautang para sa isang negosyo, ngunit malamang na magnais siyang tumulong kung ang isa pang kapatid, dahil sa hindi niya kasalanan, ay hindi makabayad para sa pangunahing mga pangangailangan gaya ng pagkain, pananamit, o kinakailangang pagpapagamot. Ang pagiging prangko at matapat hinggil sa mga bagay na ito ay tutulong upang maiwasan ang mga di-pagkakaunawaan.—Efeso 4:25.
Gumawa ng Kasulatan
Isang mahalagang hakbang ang paggawa ng kasulatan sa isang kasunduan upang maiwasan natin ang di-pagkakaunawaan sa hinaharap. Madaling kalimutan ang espesipikong mga detalye sa isang kasunduan maliban nang isulat ang mga ito. Kailangan nating isulat ang halaga ng utang at kung kailan ito dapat bayaran. Makabubuti rin na ang umuutang at nagpapautang ay kapuwa lumagda sa kasunduan at magkaroon ang bawat isa sa kanila ng sariling kopya. Ipinakikita ng Bibliya na dapat may kasulatan ang mga transaksiyong pinansiyal. Nang malapit nang wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem, sinabihan ni Jehova si Jeremias na bumili ng isang pitak ng lupa mula sa isa sa kaniyang mga kamag-anak. Makikinabang tayo sa pagrerepaso ng paraang ito.
“Bumili ako mula kay Hanamel na anak ng aking tiyo sa panig ng ama ng isang bukid na nasa Anatot,” sabi ni Jeremias. “At tinimbang ko sa kaniya ang salapi, pitong siklo at sampung piraso ng pilak. Pagkatapos ako’y lumagda sa kasulatan at aking tinatakan at tumawag ako ng mga saksi habang tinitimbang ko ang salapi sa timbangan. Pagkatapos ay kinuha ko ang kasulatan ng pagbili, ang isa na tinatakan alinsunod sa mga utos at tuntunin, at ang isa na naiwang bukas; at pagkatapos ay ibinigay ko ang kasulatan ng pagbili kay Baruc na anak ni Nerias na anak ni Maseias sa harap ni Hanamel ang anak ng aking tiyo sa panig ng ama at sa harap ng mga saksi, yaong sumusulat sa kasulatan ng pagbili, sa harap ng lahat ng Judio na nakaupo sa Looban ng mga Guwardiya.” (Jeremias 32:9-12) Bagaman ang nabanggit na halimbawa ay may kinalaman sa bilihan sa halip na sa utang, ipinakikita nito ang kahalagahan ng pangangasiwa ng mga transaksiyon sa salapi sa maliwanag at espesipikong paraan.—Tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1973, pahina 31-2.
Kung bumangon ang mga suliranin, dapat sikapin ng mga Kristiyano na lutasin ang mga ito kasuwato ng payo ni Jesus na nakaulat sa Mateo 18:15-17. Ngunit nagkomento ang isang matanda na nagsikap tumulong sa gayong mga bagay: “Halos sa bawat kaso, walang nasusulat na kasunduan. Bunga nito, walang maliwanag na kasunduan sa pagitan ng dalawang panig tungkol sa kung paano babayaran ang utang. Kumbinsido ako na ang paggawa ng kasulatan sa mga bagay na ito ay isang tanda ng pag-ibig, hindi ng kawalang-tiwala.”
Kapag nakagawa na tayo ng kasunduan, dapat nating sikaping tuparin ang ating salita. Nagpayo si Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi; sapagkat ang labis sa mga ito ay mula sa isa na balakyot.” (Mateo 5:37) Kung ang isang di-inaasahang suliranin ay humahadlang sa atin sa pagbabayad ng utang nang ayon sa pinagkasunduan, dapat na ipaliwanag kaagad natin ang situwasyon sa nagpautang. Marahil ay papayagan niya tayong hulugan ang utang sa mas mahabang yugto ng panahon.
Gayunman, ang mahihirap na kalagayan ay hindi naglilibre sa atin mula sa ating mga pananagutan. Ang isang tao na may takot kay Jehova ay gumagawa ng kaniyang buong makakaya upang tuparin ang kaniyang salita. (Awit 15:4) Bagaman maaaring mangyari ang mga bagay na hindi natin inaasahan, dapat na handa tayong magsakripisyo upang mabayaran ang ating mga utang, yamang pananagutan natin ito bilang Kristiyano.
Maging Maingat sa Pagpapautang
Sabihin pa, ang mga bagay-bagay ay kailangang pagtimbang-timbangin hindi lamang ng umuutang. Ang gastusin ay kailangan ding kalkulahin ng kapatid na inuutangan. Bago magpautang, isang katalinuhan kung gugugol tayo ng panahon para isaalang-alang nang mabuti at makatuwiran ang mga bagay-bagay. Ang Bibliya ay nagpapayo ng pag-iingat, anupat nagsabi: “Huwag kayong mapabilang sa mga nakikipagkamay, sa mga naglalagay ng garantiya sa mga pagkakautang.”—Kawikaan 22:26.
Bago sumang-ayon sa kasunduan, pag-isipan kung ano ang maaaring mangyari kung hindi ka mabayaran ng kapatid. Ikaw ba mismo ay magigipit sa salapi? Bagaman may mabuting intensiyon ang kapatid, maaaring magbago ang mga kalagayan o magkamali ang kaniyang mga pagtantiya. Nagpapaalaala sa ating lahat ang Santiago 4:14: “Hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas. Sapagkat kayo ay isang singaw na lumilitaw nang kaunting panahon at pagkatapos ay nawawala.”—Ihambing ang Eclesiastes 9:11.
Lalo na sa kaso ng utang para sa negosyo, isang katalinuhang alamin ang reputasyon ng umuutang. Kilala ba siya na mapagkakatiwalaan at maaasahan, o wala siyang kakayahang humawak ng pinansiyal na mga bagay? May hilig ba siyang mangutang sa kung kani-kanino sa kongregasyon? Isang katalinuhan na tandaan ang mga salitang ito: “Sinumang walang-karanasan ay naglalagak ng pananampalataya sa bawat salita, subalit isinasaalang-alang ng isang matalino ang kaniyang mga hakbang.”—Kawikaan 14:15.
Kung minsan, ang utang ay maaaring hindi rin makabubuti sa nangungutang. Baka iyon ay maging isang pasanin sa kaniya, anupat mawalan siya ng kagalakan. Ibig ba nating maging “alipin” natin ang kapatid na iyon? Maapektuhan kaya ng utang ang ating kaugnayan, anupat hindi siya mapalagay o mapahiya pa nga kung hindi niya mabayaran iyon?
Kung talagang may pangangailangan, maaari kayang magregalo na lamang tayo sa halip na magpautang, bagaman mas maliit ang halaga? Hinihimok tayo ng Kasulatan na maging madamayin kapag nakikita nating nagdarahop ang ating kapatid. “Ang isa na matuwid ay nagpapakita ng lingap at gumagawa ng mga kaloob,” ang inawit ng salmista. (Awit 37:21) Dapat tayong pakilusin ng pag-ibig na gawin ang makakaya natin upang makapagbigay ng praktikal na tulong sa mga kapatid na nangangailangan.—Santiago 2:15, 16.
Pag-isipang Mabuti ang Iyong mga Hakbang
Yamang posibleng pagmulan ng di-pagkakaunawaan ang mga utang, maaari nating ituring na huling hakbang ang mga ito sa halip na isang madaling pagpipilian. Gaya ng nabanggit na, ang umuutang ay dapat na maging matapat sa nagpapautang, anupat gumagawa ng kasulatan kung paano at kung kailan babayaran ang utang. At sa kaso ng isang talagang kagipitan, baka ang isang kaloob ang siyang pinakamabuting solusyon.
Hindi pinautang ni Michael si Simon ng halagang hinihiling nito. Sa halip, binigyan siya ni Michael ng isang mas maliit na halaga bilang kaloob. Pinasalamatan ni Simon ang gayong tulong para makabayad sa pagpapagamot ng kaniyang anak. At maligaya si Michael na nagawa niyang maipamalas ang kaniyang pag-ibig na pangkapatid sa isang praktikal na paraan. (Kawikaan 14:21; Gawa 20:35) Sina Michael at Simon ay kapuwa naghihintay sa panahon ng pamamahala ng Kaharian na doo’y “ililigtas [ni Kristo] ang dukha na humihingi ng tulong” at wala nang magsasabi, “Ako ay may-sakit.” (Awit 72:12; Isaias 33:24) Samantala, isaalang-alang nating mabuti ang ating mga hakbang kailanma’t madama nating kailangan nating umutang sa ating kapatid.
[Talababa]
a Pinalitan ang mga pangalan dito.
[Larawan sa pahina 25]
Ang paggawa ng kasulatan sa mga kasunduan sa pag-utang ay isang tanda ng pag-ibig, hindi ng kawalang-tiwala