Kinapopootan Dahil sa Kanilang Pananampalataya
“Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.”—MATEO 10:22.
1, 2. Makapaglalahad ba kayo ng ilang karanasan sa tunay na buhay na binatá ng mga Saksi ni Jehova dahil sa pagsasagawa nila ng kanilang mga relihiyosong paniniwala?
MARAMING beses na inaresto ang isang matapat na may-ari ng tindahan sa isla ng Creta at paulit-ulit na iniharap sa mga hukuman sa Gresya. Lahat-lahat, nabilanggo siya nang mahigit sa anim na taon, na malayo sa kaniyang asawa at limang anak. Sa Hapon, pinatalsik sa paaralan ang isang 17-taong-gulang na estudyante, bagaman siya ay may mabuting asal at nangunguna sa kanilang klase na may 42 estudyante. Sa Pransiya, marami ang basta na lamang pinagtatanggal sa kanilang trabaho, kahit na sila’y kilalang masisipag at masisikap na manggagawa. Sa ano nagkakahawig ang mga karanasang ito sa tunay na buhay?
2 Lahat ng nasasangkot ay mga Saksi ni Jehova. Ang kanilang “krimen”? Pangunahin na, ang pagsasagawa nila ng kanilang relihiyosong mga paniniwala. Bilang pagsunod sa mga turo ni Jesu-Kristo, ibinabahagi sa iba ng may-ari ng tindahan ang kaniyang pananampalataya. (Mateo 28:19, 20) Nahatulan siya dahil lamang sa isang sinaunang batas sa Gresya na nagsasabing isang paglabag sa batas ang pangungumberte. Pinatalsik naman sa paaralan ang estudyante dahil sa tutol ang kaniyang budhing sinanay sa Bibliya na makibahagi sa sapilitang pagsasanay sa kendo (eskrimang Hapones). (Isaias 2:4) At ipinabatid sa mga tinanggal sa kanilang trabaho sa Pransiya na ang tanging dahilan sa pagpapatalsik sa kanila ay ang pagpapakilala nila bilang mga Saksi ni Jehova.
3. Bakit ang matinding pagdurusa sa kamay ng ibang tao ay bihira namang mangyari sa karamihan ng mga Saksi ni Jehova?
3 Ang gayong masaklap na mga karanasan ay karaniwan nang binata kamakailan ng mga Saksi ni Jehova sa ilang bansa. Subalit para sa karamihan ng mga Saksi ni Jehova, medyo bihira namang mangyari ang matinding pagdurusa sa kamay ng ibang tao. Ang bayan ni Jehova ay kilala sa buong daigdig dahil sa kanilang mainam na paggawi—isang reputasyon na hindi nagbibigay sa sinuman ng makatuwirang dahilan para saktan sila. (1 Pedro 2:11, 12) Hindi sila nakikipagsabuwatan o nananakit ng kapuwa. (1 Pedro 4:15) Sa kabaligtaran, sinisikap nilang mamuhay ayon sa payo ng Bibliya na maging mapagpasakop muna sa Diyos, pagkatapos ay sa sekular na mga pamahalaan. Nagbabayad sila ng buwis na kahilingan ng batas at nagsisikap na ‘makipagpayapaan sa lahat ng tao.’ (Roma 12:18; 13:6, 7; 1 Pedro 2:13-17) Sa kanilang gawaing pagtuturo ng Bibliya, itinataguyod nila ang paggalang sa batas, mga simulaing pampamilya, at moralidad. Maraming pamahalaan ang pumupuri sa kanila dahil sila’y mga mamamayang masunurin sa batas. (Roma 13:3) Gayunman, gaya ng ipinakikita sa pambungad na parapo, kung minsan ay nagiging puntirya sila ng pagsalansang—sa ilang lupain, ng mga pagbabawal pa nga mula sa pamahalaan. Dapat ba nating ipagtaka iyan?
Ang “Halaga” ng Pagiging Alagad
4. Ayon kay Jesus, ano ang maaasahan ng isa sa pagiging isa sa kaniyang mga alagad?
4 Niliwanag ni Jesu-Kristo kung ano ang nasasangkot sa pagiging alagad niya. “Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon,” sabi niya sa kaniyang mga tagasunod. “Kung pinag-usig nila ako, ay pag-uusigin din nila kayo.” Si Jesus ay kinapootan “nang walang dahilan.” (Juan 15:18-20, 25; Awit 69:4; Lucas 23:22) Maaasahan ng kaniyang mga alagad na gayundin ang kanilang daranasin—pagsalansang nang walang makatuwirang saligan. Di-lamang miminsan na binabalaan niya sila: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot.”—Mateo 10:22; 24:9.
5, 6. (a) Sa anong dahilan hinimok ni Jesus ang kaniyang magiging mga tagasunod na “tantiyahin ang halaga”? (b) Bakit, kung gayon, hindi tayo dapat magtaka kapag napapaharap tayo sa pagsalansang?
5 Dahil dito, hinimok ni Jesus ang magiging mga alagad niya na “tantiyahin ang halaga” ng pagiging alagad. (Lucas 14:28, Revised Standard Version) Bakit? Hindi upang magpasiya kung sila baga ay dapat na maging mga alagad niya o hindi, kundi upang makatiyak na magagampanan nila kung ano ang nasasangkot. Dapat tayong maging handa na magbata ng anumang mga pagsubok o kahirapan na kaakibat ng pribilehiyong ito. (Lucas 14:27) Walang pumipilit sa atin na maglingkod kay Jehova bilang isang tagasunod ni Kristo. Ito ay isang kusang-loob na pasiya; ito rin naman ay isang pasiyang ginawa nang may kabatiran. Antimano’y alam na natin na bukod sa mga pagpapala na mararanasan natin sa pagpasok sa isang nakaalay na kaugnayan sa Diyos, tayo ay magiging “mga tudlaan ng pagkapoot.” Kaya hindi tayo nagtataka kapag tayo’y napapaharap sa pagsalansang. Atin nang ‘tinantiya ang halaga,’ at tayo’y lubusang nakahanda na bayaran iyon.—1 Pedro 4:12-14.
6 Bakit ang ilan, pati na ang ilang awtoridad sa pamahalaan, ay magnanais na salansangin ang mga tunay na Kristiyano? Para sa sagot, makatutulong na suriin ang dalawang relihiyosong grupo noong unang siglo C.E. Kapuwa sila kinapootan—ngunit sa lubhang magkaibang dahilan.
Nakapopoot at Kinapopootan
7, 8. Anong mga turo ang nagpapaaninaw ng paghamak sa mga Gentil, at anong saloobin ang tumubo sa mga Judio bunga nito?
7 Pagsapit ng unang siglo C.E., ang Israel ay nasa ilalim ng pamamahala ng Roma, at ang Judaismo naman, na siyang Judiong sistema ng relihiyon, sa pangkalahatan ay mahigpit na hawak ng mga lider na gaya ng mga eskriba at mga Fariseo. (Mateo 23:2-4) Ginamit ng panatikong mga lider na ito ang mga alituntunin sa Batas Mosaiko hinggil sa pagiging hiwalay sa mga bansa at pinilipit ang mga ito upang gawing kahilingan ang paghamak sa mga di-Judio. Sa paggawa nito, bumuo sila ng isang relihiyon na nagtanim ng pagkapoot sa mga Gentil at ito naman ay pumukaw ng pagkapoot ng mga Gentil.
8 Hindi naging mahirap para sa mga lider na Judio na ipamungkahi ang paghamak sa mga Gentil, yamang kasuklam-suklam na mga nilalang ang turing noon ng mga Judio sa mga Gentil. Itinuro ng mga relihiyosong lider na ang isang babaing Judio ay hindi kailanman dapat mapag-isa na kasama ng mga Gentil, sapagkat sila “ay pinaghihinalaang mahahalay.” Ang isang lalaking Judio ay hindi dapat “mapag-isa na kasama nila yamang sila’y pinaghihinalaang nagbububo ng dugo.” Ang gatas na nakuha ng isang Gentil mula sa isang hayop ay hindi maaaring gamitin maliban nang binantayan siya ng isang Judio habang ginagawa niya iyon. Dahil sa impluwensiya ng kanilang mga lider, ang mga Judio ay naging malayo ang loob at mahigpit na nagbukod ng kanilang sarili.—Ihambing ang Juan 4:9.
9. Ano ang naging epekto ng turo ng mga lider na Judio hinggil sa mga di-Judio?
9 Ang gayong mga turo hinggil sa mga di-Judio ay hindi nagtaguyod ng mabuting ugnayan sa pagitan ng mga Judio at ng mga Gentil. Para sa mga Gentil, ang mga Judio ay napopoot sa buong sangkatauhan. Sinabi ng Romanong istoryador na si Tacitus (isinilang noong mga 56 C.E.) na “kinapootan [ng mga Judio] ang nalalabing bahagi ng sangkatauhan bilang mga kaaway.” Sinabi rin ni Tacitus na ang mga Gentil na naging mga proselitang Judio ay tinuruang itakwil ang kanilang bansa at ipagwalang-halaga ang kanilang pamilya at mga kaibigan. Karaniwan na, nagpaparaya ang mga Romano sa mga Judio, na iniilagan dahil sa marami sila. Ngunit ang paghihimagsik ng mga Judio noong 66 C.E. ay umani ng paghihiganti ng mga Romano, na humantong sa pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E.
10, 11. (a) Anong pagtrato sa mga banyaga ang hinihiling ng Batas Mosaiko? (b) Anong aral ang matututuhan natin sa nangyari sa Judaismo?
10 Paano maihahambing ang ganiyang pangmalas sa mga banyaga sa anyo ng pagsamba na binalangkas sa Batas Mosaiko? Totoo namang itinaguyod ng Batas ang pagiging hiwalay sa mga bansa, ngunit iyon ay upang maipagsanggalang ang mga Israelita, lalo na ang kanilang dalisay na pagsamba. (Josue 23:6-8) Magkagayunman, kahilingan ng Batas na ang mga banyaga ay pakitunguhan nang makatarungan at patas at na sila’y magiliw na tanggapin—hangga’t hindi nila tahasang sinusuway ang mga batas ng Israel. (Levitico 24:22) Sa pamamagitan ng paglihis sa makatuwirang layunin na malinaw na nakasaad sa Batas hinggil sa mga banyaga, ang mga Judiong lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus ay bumuo ng isang anyo ng pagsamba na pumukaw ng pagkapoot at sa gayo’y kinapootan. Sa bandang huli, naiwala ng bansang Judio noong unang siglo ang pabor ni Jehova.—Mateo 23:38.
11 May aral ba rito para sa atin? Oo, mayroon. Ang mapagmatuwid-sa-sarili at mapagmataas na saloobin na humahamak sa mga hindi natin kapananampalataya ay talagang hindi nagpapakita ng dalisay na pagsamba kay Jehova, ni nakalulugod man ito sa kaniya. Tingnan ang mga tapat na Kristiyano noong unang siglo. Hindi sila napoot sa mga di-Kristiyano, ni naghimagsik man sila laban sa Roma. Gayunpaman, sila’y naging “mga tudlaan ng pagkapoot.” Bakit? At nino?
Ang mga Naunang Kristiyano—Kinapootan Nino?
12. Paano maliwanag mula sa Kasulatan na ibig ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay magkaroon ng timbang na pangmalas sa mga di-Kristiyano?
12 Maliwanag mula sa mga turo ni Jesus na ibig niyang magkaroon ang kaniyang mga alagad ng timbang na pangmalas sa mga di-Kristiyano. Sa isang banda, sinabi niya na ang kaniyang mga tagasunod ay dapat na maging hiwalay sa sanlibutan—samakatuwid nga, iiwasan nila ang mga saloobin at paggawi na salungat sa matuwid na mga daan ni Jehova. Mananatili silang neutral sa mga bagay gaya ng digmaan at pulitika. (Juan 17:14, 16) Sa kabilang dako, sa halip na ipamungkahi ang paghamak sa mga di-Kristiyano, sinabihan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ‘ibigin ang kanilang mga kaaway.’ (Mateo 5:44) Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya; kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom.” (Roma 12:20) Sinabihan din niya ang mga Kristiyano na ‘gumawa ng mabuti sa lahat.’—Galacia 6:10.
13. Bakit gayon na lamang ang pagsalansang ng mga Judiong lider ng relihiyon sa mga alagad ni Kristo?
13 Gayunman, di-nagtagal at nasumpungan ng mga alagad ni Kristo na sila’y “mga tudlaan ng pagkapoot” ng tatlong grupo. Una ay ang mga Judiong lider ng relihiyon. Hindi nakapagtataka na agad nilang napansin ang mga Kristiyano! Ang mga Kristiyano ay may matataas na simulain sa moralidad at integridad, at buong-sigasig silang naghahatid ng isang mensahe na pumupukaw ng pag-asa. Libu-libo ang tumalikod sa Judaismo at yumakap sa Kristiyanismo. (Gawa 2:41; 4:4; 6:7) Para sa mga Judiong lider ng relihiyon, ang mga Judiong alagad ni Jesus ay walang iba kundi mga apostata! (Ihambing ang Gawa 13:45.) Inakala ng galít na mga lider na ito na pinawawalang-saysay ng Kristiyanismo ang kanilang mga tradisyon. Aba, tinanggihan pa man din nito ang kanilang pangmalas sa mga Gentil! Mula 36 C.E. patuloy, ang mga Gentil ay maaari nang maging mga Kristiyano, anupat nagtataglay ng iisang pananampalataya at nagtatamasa ng mga pribilehiyo na kapareho ng sa mga Kristiyanong Judio.—Gawa 10:34, 35.
14, 15. (a) Bakit kinapootan ng mga paganong mananamba ang mga Kristiyano? Magbigay ng halimbawa. (b) Ang mga naunang Kristiyano ay naging “mga tudlaan ng pagkapoot” ng anong pangatlong grupo?
14 Pangalawa, ang mga Kristiyano ay kinapootan ng mga paganong mananamba. Halimbawa, sa sinaunang Efeso, isang maunlad na negosyo ang paggawa ng mga dambanang pilak para sa diyosang si Artemis. Ngunit nang mangaral doon si Pablo, maraming taga-Efeso ang tumugon, anupat iniwan ang pagsamba kay Artemis. Dahil sa nanganganib ang kanilang hanapbuhay, nanggulo ang mga panday-pilak. (Gawa 19:24-41) Katulad din nito ang nangyari matapos lumaganap ang Kristiyanismo sa Bitinia (hilagang-kanlurang Turkey ngayon). Hindi pa natatagalan mula nang matapos ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, iniulat ng gobernador ng Bitinia, si Pliny the Younger, na walang katau-tao sa mga templo at bumaba nang husto ang benta ng kumpay para sa mga hayop na ginagamit sa paghahain. Sinisi ang mga Kristiyano—at pinag-usig—yamang hindi ipinahihintulot ng kanilang pagsamba ang paghahain ng mga hayop at ang mga idolo. (Hebreo 10:1-9; 1 Juan 5:21) Maliwanag, ang paglaganap ng Kristiyanismo ay nakaapekto sa ilang grupo na nakikinabang sa paganong pagsamba, at ikinagalit ito niyaong nawalan kapuwa ng hanapbuhay at ng salapi.
15 Pangatlo, ang mga Kristiyano ay naging “mga tudlaan ng pagkapoot” ng mga makabayang Romano. Sa simula, kilala ng mga Romano ang mga Kristiyano bilang isang munti at marahil panatikong grupo sa relihiyon. Subalit dumating ang panahon na ang pagsasabi lamang na siya’y isang Kristiyano ay isa nang kasalanang pinarurusahan ng kamatayan. Bakit ang tapat na mga mamamayang namumuhay bilang mga Kristiyano ay ituturing na karapat-dapat pag-usigin at patayin?
Ang mga Naunang Kristiyano—Bakit Kinapootan sa Lipunang Romano?
16. Sa anu-anong paraan nanatiling hiwalay ang mga Kristiyano mula sa sanlibutan, at bakit pinangyari nito na sila’y kainisan ng lipunang Romano?
16 Unang-una, kinapootan sa lipunang Romano ang mga Kristiyano dahil sa pagsasagawa nila ng kanilang relihiyosong mga paniniwala. Halimbawa, sila’y nanatiling hindi bahagi ng sanlibutan. (Juan 15:19) Kaya hindi sila humawak ng pulitikal na mga tungkulin, at tumanggi silang maglingkod sa hukbo. Bunga nito, sila’y “itinuring na mga taong tulog na tulog sa sanlibutan, at walang silbi sa lahat ng bagay sa buhay,” sabi ng mananalaysay na si Augustus Neander. Ang pagiging hindi bahagi ng sanlibutan ay nangahulugan din ng pag-iwas sa balakyot na mga daan ng tiwaling lipunan ng mga Romano. “Nakaliligalig sa mahilig-sa-kalayawang paganong sanlibutan ang maliliit na pamayanang Kristiyano dahil sa kanilang pagiging relihiyoso at disente,” paliwanag ng mananalaysay na si Will Durant. (1 Pedro 4:3, 4) Sa pag-usig at pagpatay sa mga Kristiyano, maaaring tinangka ng mga Romano na patahimikin ang umuusig na tinig ng budhi.
17. Ano ang nagpapakita na naging mabisa ang gawaing pangangaral ng mga Kristiyano noong unang siglo?
17 Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay nangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos taglay ang di-nagmamaliw na sigasig. (Mateo 24:14) Noong mga 60 C.E., nasabi ni Pablo na ang mabuting balita ay “ipinangaral [na] sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” (Colosas 1:23) Sa pagtatapos ng unang siglo, ang mga tagasunod ni Jesus ay nakagawa na ng mga alagad sa buong Imperyong Romano—sa Asia, Europa, at Aprika! Maging ang ilang miyembro ng “sambahayan ni Cesar” ay naging mga Kristiyano.a (Filipos 4:22) Pumukaw ng galit ang ganitong masigasig na pangangaral. Ganito ang sabi ni Neander: “Patuloy na lumago ang Kristiyanismo sa gitna ng lahat ng uri ng mga tao, at nagbantang ibagsak ang relihiyon ng estado.”
18. Paanong ang pag-uukol kay Jehova ng bukod-tanging debosyon ay naging dahilan ng di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Kristiyano at ng pamahalaang Romano?
18 Ang mga tagasunod ni Jesus ay nag-ukol kay Jehova ng bukod-tanging debosyon. (Mateo 4:8-10) Marahil ang pitak na ito ng kanilang pagsamba, higit sa lahat, ang naging dahilan ng pagsalansang sa kanila ng Roma. Naging mapagparaya ang mga Romano sa ibang relihiyon, hangga’t ang mga tagasunod nito ay nakikibahagi rin sa pagsamba sa emperador. Ngunit ang mga naunang Kristiyano ay talagang hindi maaaring makibahagi sa gayong pagsamba. Itinuring nila ang kanilang sarili na may pananagutan sa isang awtoridad na nakatataas sa Estado ng Roma, samakatuwid nga, sa Diyos na Jehova. (Gawa 5:29) Bunga nito, gaano man kauliran bilang mamamayan ang isang Kristiyano sa lahat ng iba pang bagay, siya’y itinuring na kaaway ng Estado.
19, 20. (a) Sino ang pangunahin nang may pananagutan sa ubod-samang paninirang-puri na ikinalat tungkol sa tapat na mga Kristiyano? (b) Anong mga maling paratang ang ibinangon laban sa mga Kristiyano?
19 May isa pang dahilan kung bakit ang tapat na mga Kristiyano ay naging “mga tudlaan ng pagkapoot” sa lipunang Romano: Ang ubod-samang paninirang-puri sa kanila ay madaling pinaniwalaan, mga paratang na ang pangunahing may pananagutan ay mga Judiong lider ng relihiyon. (Gawa 17:5-8) Noong mga 60 o 61 C.E., nang si Pablo ay nasa Roma at naghihintay na litisin ni Emperador Nero, ganito ang sabi ng mga nangungunang Judio tungkol sa mga Kristiyano: “Totoong kung tungkol sa sektang ito nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito nang laban.” (Gawa 28:22) Tiyak na narinig ni Nero ang mapanirang mga kuwento tungkol sa kanila. Noong 64 C.E., nang sisihin siya sa sunog na tumupok sa Roma, iniulat na pinili ni Nero na pagbuntunan ng sisi ang mga Kristiyano na dati nang nililibak. Waring nagbunsod ito ng isang daluyong ng marahas na pag-uusig na nilayong lumipol sa mga Kristiyano.
20 Ang mga maling paratang sa mga Kristiyano ay kadalasan nang pinaghalong tahasang kasinungalingan at pagpilipit sa kanilang mga paniniwala. Dahil sa isa lamang ang kanilang sinasamba at hindi sila sumasamba sa emperador, sila’y tinaguriang mga ateista. Yamang sinalungat ng ilang di-Kristiyanong kapamilya ang kanilang Kristiyanong mga kamag-anak, ang mga Kristiyano ay pinaratangang nagwawasak ng mga pamilya. (Mateo 10:21) Sila’y binansagang mga kanibal, na ang akusasyong ito, sabi ng ilang pinagmumulan ng impormasyon, ay batay sa pagpilipit sa mga salita ni Jesus na binigkas sa Hapunan ng Panginoon.—Mateo 26:26-28.
21. Sa anong dalawang dahilan naging “mga tudlaan ng pagkapoot” ang mga Kristiyano?
21 Samakatuwid, ang tapat ng mga Kristiyano ay “mga tudlaan ng pagkapoot” ng mga Romano sa dalawang saligang dahilan: (1) ang kanilang salig-sa-Bibliyang mga paniniwala at gawain, at (2) ang mga maling paratang laban sa kanila. Anuman ang dahilan, iisa lamang ang layunin ng mga mananalansang—ang sugpuin ang Kristiyanismo. Sabihin pa, ang tunay na mga pasimuno ng pag-uusig sa mga Kristiyano ay ang mga mananalansang na nakahihigit sa tao, ang di-nakikitang balakyot na mga puwersang espiritu.—Efeso 6:12.
22. (a) Anong halimbawa ang nagpapakita na sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na ‘gumawa ng mabuti sa lahat’? (Tingnan ang kahon sa pahina 11.) (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
22 Tulad ng mga naunang Kristiyano, ang mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon ay “mga tudlaan ng pagkapoot” sa iba’t ibang lupain. Subalit, hindi sila napopoot sa mga di-Saksi; ni sila man ay pinagmumulan ng paghihimagsik laban sa mga pamahalaan. Sa kabaligtaran, kilala sila sa buong daigdig dahil sa pagpapakita ng tunay na pag-ibig na nananagumpay sa lahat ng panlipunan, panlahi, at etnikong mga hadlang. Kung gayon, bakit sila pinag-uusig? At paano sila tumutugon sa pagsalansang? Ang mga tanong na ito ay sasagutin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang pananalitang “sambahayan ni Cesar” ay hindi naman laging tumutukoy sa mga kapamilya ni Nero, na namamahala noon. Sa halip, maaaring kumakapit ito sa mga tagapaglingkod sa sambahayan at mabababang opisyal, na marahil ay naglilingkod sa sambahayan bilang mga tagapagluto at tagapaglinis para sa maharlikang pamilya at mga tauhan nito.
Paano Ninyo Sasagutin?
◻ Bakit hinimok ni Jesus ang kaniyang magiging mga alagad na tantiyahin ang halaga ng pagiging alagad?
◻ Ano ang naging epekto sa Judaismo ng nangingibabaw na pangmalas sa mga di-Judio, at ano ang matututuhan natin mula rito?
◻ Ang tapat na mga naunang Kristiyano ay napaharap sa pagsalansang mula sa anong tatlong grupo?
◻ Sa anong saligang mga dahilan naging “mga tudlaan ng pagkapoot” ng mga Romano ang mga naunang Kristiyano?
[Kahon sa pahina 11]
‘Gumagawa ng Mabuti sa Lahat’
Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na sundin ang payo ng Bibliya na ‘gumawa ng mabuti sa lahat.’ (Galacia 6:10) Sa panahon ng pangangailangan, ang pag-ibig sa kapuwa ay nag-uudyok sa kanila na tulungan yaong mga hindi nila karelihiyon. Halimbawa, sa kapaha-pahamak na situwasyon sa Rwanda noong 1994, ang mga Saksi mula sa Europa ay nagboluntaryong pumunta sa Aprika upang makibahagi sa pagtulong. Kaagad na naitatag ang napakaorganisadong mga kampo at mga pansamantalang ospital upang makapagbigay ng tulong. Napakaraming pagkain, damit, at mga kumot ang inihatid ng eroplano. Ang bilang ng mga nagsilikas na nakinabang sa tulong na ito ay mahigit sa triple ng bilang ng mga Saksi sa lugar na iyon.
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay nangaral ng mabuting balita taglay ang di-nagmamaliw na sigasig