Mula sa Pagsamba sa Emperador Tungo sa Tunay na Pagsamba
GAYA NG PAGLALAHAD NI ISAMU SUGIURA
Bagaman nakikita na noong 1945 na matatalo ang Hapon sa Digmaang Pandaigdig II, nagtitiwala pa rin kami na hihihip ang kamikaze (“hangin mula sa Diyos”) at tatalunin ang kaaway. Ang kamikaze ay tumutukoy sa mga bagyo noong 1274 at 1281 na makalawang ulit na puminsala sa kalakhang bahagi ng mga armada ng Mongol sa laot ng baybayin ng Hapon, kung kaya napilitan ang mga ito na umurong.
KAYA naman, nang ipahayag ni Emperador Hirohito sa bansa, noong Agosto 15, 1945, na sumuko na ang Hapon sa mga Puwersang Alyado, gumuho ang pag-asa ng sandaang milyong mamamayan na deboto sa kaniya. Ako noon ay isa pa lamang batang estudyante, at gumuho rin ang aking mga pag-asa. ‘Kung ang emperador ay hindi ang buháy na Diyos, sino?’ tanong ko. ‘Sino ang dapat kong pagtiwalaan?’
Gayunman, ang totoo, ang pagkatalo ng Hapon sa Digmaang Pandaigdig II ang nagbukas ng daan upang matutuhan ko at ng libu-libo pang ibang mga Hapones ang tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova. Bago ko ikuwento ang mga pagbabagong kinailangan kong gawin, ipauunawa ko muna sa inyo ang aking kinamulatang relihiyon.
Mga Naunang Impluwensiya sa Relihiyon
Ipinanganak ako sa lunsod ng Nagoya noong Hunyo 16, 1932, bunso sa apat na lalaki. Si itay ay nagtatrabaho bilang isang agrimensor ng lunsod. Si inay naman ay isang debotong mananampalataya ng Tenrikyo, isang sektang Shinto, at ang aking panganay na kapatid ay sinanay upang maging isang guro sa Tenrikyo. Kami ni inay ay malapit na malapit sa isa’t isa, kung kaya isinasama niya ako sa pulungan para sumamba.
Tinuruan akong yumukod at manalangin. Itinuturo ng relihiyong Tenrikyo ang paniniwala sa maylalang na tinatawag na Tenri O no Mikoto, at gayundin sa sampung mas nakabababang diyos. Nagpapagaling ang mga miyembro nito sa pamamagitan ng dasal, at binibigyang-diin nila ang paglilingkod sa iba at ang pagpapalaganap ng kanilang mga paniniwala.
Noong ako’y bata pa, napakausisero ko. Namamangha ako sa buwan at sa di-mabilang na mga bituin sa langit kung gabi, at iniisip ko kung hanggang saan kaya umaabot ang kalawakan sa dako pa roon ng kalangitan. Tuwang-tuwa akong pagmasdan ang paglaki ng mga talong at pipino na itinanim ko sa isang maliit na taniman sa likod-bahay. Napatibay ng aking pagmamasid sa kalikasan ang aking paniniwala sa Diyos.
Ang mga Taon ng Digmaan
Ang mga taon ng pag-aaral ko sa elementarya mula 1939 hanggang 1945 ay kasabay ng panahon ng Digmaang Pandaigdig II. Ang pagsamba sa emperador, isang mahalagang bahagi ng Shinto, ay idiniin sa paaralan. Kami’y tinuruan sa shushin, na may kinalaman sa moral na pagsasanay na may bahid ng nasyonalismo at militarismo. Ang mga seremonya sa pagtataas ng bandila, pag-awit ng pambansang awit, pag-aaral ng mga dekreto sa edukasyon ng imperyo, at pagbibigay-pitagan sa larawan ng emperador ay bahaging lahat ng aming rutin sa paaralan.
Pumupunta rin kami noon sa dambana ng Shinto sa aming lugar upang makiusap sa Diyos na sana’y magtagumpay ang hukbo ng imperyo. Dalawa sa aking mga kapatid ang naglilingkod sa militar. Dahil sa mga itinuro sa akin hinggil sa nasyonalismo at relihiyon, natutuwa ako sa mga ibinabalitang tagumpay ng hukbong Hapones.
Ang Nagoya ay sentro ng pagawaan ng mga eroplano sa Hapon, kaya ito ang pangunahing target ng malawakang pagsalakay ng Puwersang Panghimpapawid ng Estados Unidos. Habang may sikat pa ang araw, nakahanay na lumilipad ang mga tagabombang B-29 Superfortress sa papawirin ng lunsod sa taas na mga 9,000 metro, at nagbabagsak ng tone-toneladang mga bomba sa mga distrito ng pagawaan. Kung gabi naman, natatanglawan ng mga lente ang mga tagabomba na lumilipad nang kasimbaba ng hanggang 1,300 metro. Dahil sa paulit-ulit na pagbabagsak ng mga mapanunog na tinupok ng bomba, ang mga kabahayan ay nauwi sa isang nagngangalit na apoy. Nagkaroon ng 54 na pagsalakay sa himpapawid sa Nagoya lamang sa huling siyam na buwan ng digmaan, anupat nagdulot ng labis na paghihirap at mahigit na 7,700 ang namatay.
Sa pagkakataong ito, sinimulang paulanan ng bomba mula sa mga barkong pandigma ang sampung lunsod sa baybayin, at naging usap-usapan na ng mga tao ang posibleng pagdaong ng puwersa ng Estados Unidos malapit sa Tokyo. Ang mga babae at mga kabataang lalaki ay sinanay na makipaglaban sa pamamagitan ng kawayang sibat upang ipagsanggalang ang bansa. Ang aming salawikain ay “Ichioku Sougyokusai,” na ang ibig sabihin ay “Kahit mamatay ang 100 milyon, walang susuko.”
Noong Agosto 7, 1945, ganito ang iniulat sa isang pangunahing balita sa pahayagan: “Bagong Uri ng Bomba Ibinagsak sa Hiroshima.” Makalipas ang dalawang araw, isa pa ang ibinagsak sa Nagasaki. Ito’y mga bomba atomika, at pagkaraan ay sinabihan kami na ang dalawang pagsabog na ito’y kumitil ng mahigit na 300,000 buhay. Pagkatapos, noong Agosto 15, sa pagtatapos ng martsa ng pagsasanay sa baril na kahoy, narinig namin ang talumpati ng emperador na doo’y ipinahayag niya ang pagsuko ng Hapon. Kumbinsido na sana kami sa aming tagumpay, ngunit ngayon ay nanlumo kami!
Sumilay ang Bagong Pag-asa
Nang magsimula na ang pananakop ng mga pangkat ng Amerikano, unti-unti na naming natanggap ang katotohanang nagtagumpay na nga ang Estados Unidos sa digmaan. Pinasimulan ang demokrasya sa Hapon, gayundin ang isang bagong konstitusyon na gumagarantiya sa kalayaan ng pagsamba. Mahirap ang buhay, kapos sa pagkain, at noong 1946 ang aking ama ay namatay dahil sa malnutrisyon.
Samantala, pinasimulang ituro ang Ingles sa paaralang pinapasukan ko, at pinasimulan sa istasyon ng radyo na NHK ang isang programa sa Ingles. Sa loob ng limang taon ay araw-araw akong nakinig sa popular na programang ito habang hawak ang aklat-pampaaralan. Ito ang dahilan kung kaya pinangarap kong makarating sa Estados Unidos balang araw. Dahil sa pagkasiphayo sa mga relihiyon ng Shinto at Budismo, naisip kong marahil ay sa mga relihiyon sa Kanluran ko matatagpuan ang katotohanan tungkol sa Diyos.
Maaga noong Abril, 1951, nakilala ko si Grace Gregory, isang misyonero ng Samahang Watch Tower. Nakatayo siya noon sa harapan ng istasyon ng tren sa Nagoya habang nag-aalok ng isang kopya ng Ang Bantayan sa Ingles at ng isang buklet tungkol sa isang paksa sa Bibliya sa wikang Hapon. Humanga ako sa kapakumbabaan niya sa pagsasagawa ng gayong gawain. Kinuha ko ang dalawang publikasyon at agad kong tinanggap ang kaniyang alok na isang pag-aaral ng Bibliya. Nangako akong pupunta sa kanilang bahay para mag-aral ng Bibliya pagkalipas ng ilang araw.
Nang maupo na ako sa tren at pasimulan ko ang pagbabasa ng Ang Bantayan, napansin ko ang unang salitang nasa pambungad na artikulo na, “Jehova.” Ngayon ko lamang nakita ang pangalang iyan. Hindi ko inaasahang makikita ito sa dala kong maliit na diksyunaryong Ingles-Hapones, pero naroroon nga! “Jehova . . . , ang Diyos ng Bibliya.” Ngayon ay nagsisimula na akong makaalam ng tungkol sa Diyos ng Kristiyanismo!
Sa unang pagdalaw na iyon sa tahanang misyonero, nabalitaan ko ang tungkol sa isang pahayag sa Bibliya na bibigkasin ni Nathan H. Knorr, presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society sa susunod na mga linggo. Dadalaw siya sa Hapon kasama ng kaniyang sekretaryo, si Milton Henschel, at darating sila sa Nagoya. Bagaman limitado ang aking kaalaman sa Bibliya, siyang-siya ako sa pahayag at sa pakikisama sa mga misyonero at sa iba pang naroroon.
Sa loob ng dalawang buwan, natutuhan ko sa aking pakikipag-aral kay Grace ang mga saligang katotohanan tungkol kay Jehova, kay Jesu-Kristo, sa pantubos, kay Satanas na Diyablo, sa Armagedon, at sa lupang Paraiso. Ang mabuting balita ng Kaharian mismo ang uri ng mensahe na hinahanap ko. Kasabay ng pagsisimula ko ng pag-aaral sa Bibliya, dumalo na rin ako sa mga pulong sa kongregasyon. Gustung-gusto ko ang palakaibigang pagsasamahan sa mga pagtitipong ito, kung saan ang mga misyonero ay malayang nakikisalamuha sa mga Hapones at nauupong katabi namin sa tatami (nilalang banig na balanggot).
Noong Oktubre 1951, ang kauna-unahang pansirkitong asamblea sa Hapon ay ginanap sa Nakanoshima Public Hall sa lunsod ng Osaka. Wala pang 300 ang mga Saksi sa buong Hapon; ngunit mga 300 ang dumalo sa asamblea, kasali na ang halos 50 misyonero. Nagkaroon pa nga ako ng isang maikling bahagi sa programa. Hangang-hanga ako sa aking nakita at narinig kung kaya naipasiya ko sa aking sarili na paglingkuran si Jehova habang ako’y nabubuhay. Kinabukasan, nabautismuhan ako sa maligamgam na tubig sa kalapit na paliguang pampubliko.
Kagalakan sa Paglilingkod Bilang Payunir
Gusto ko sanang maging payunir, gaya ng tawag sa pambuong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova, ngunit nadarama ko rin ang pananagutang tumulong sa pagsuporta sa aming pamilya. Nang makapaglakas-loob akong sabihin sa aking hepe ang tungkol sa aking hangarin, nagulat ako sa narinig kong sinabi niya: “Malulugod akong makipagtulungan sa iyo kung iyan ang magpapaligaya sa iyo.” Dalawang araw lamang akong nagtatrabaho sa isang linggo at nakatutulong pa rin ako sa aking ina sa mga gastusin sa bahay. Para talaga akong isang ibong pinakawalan sa hawla.
Habang bumubuti ang mga kalagayan, nagpayunir ako noong Agosto 1, 1954, sa isang teritoryo sa likod ng istasyon ng Nagoya, ilang minutong paglalakad lamang ang layo sa lugar kung saan una kong nakilala si Grace. Makalipas ang ilang buwan, tumanggap ako ng atas na maglingkod bilang isang special pioneer sa Beppu, isang lunsod sa kanlurang isla ng Kyushu. Si Tsutomu Miura ang inatasan bilang aking kapareha.a Noon ay wala pang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong isla, ngunit ngayon ay daan-daan na ang naroroon, na hinati-hati sa 22 sirkito!
Patikim sa Bagong Sanlibutan
Nang dumalaw muli si Brother Knorr sa Hapon noong Abril 1956, hinilingan niya akong basahin nang malakas ang ilang parapo mula sa Ingles na magasing Bantayan. Hindi sinabi sa akin kung bakit, ngunit makalipas ang dalawang buwan, tumanggap ako ng isang liham na nag-aanyaya sa akin na sumama sa ika-29 na klase sa pangmisyonerong paaralang Gilead. Kaya noong Nobyembre ng taóng iyon, sabik na sabik akong naglakbay patungong Estados Unidos bilang katuparan ng aking malaon nang pangarap. Ang pagtira at pagtatrabaho sa loob ng ilang buwan kasama ng malaking pamilya sa Brooklyn Bethel ay nagpatibay sa aking pananampalataya sa nakikitang organisasyon ni Jehova.
Noong Pebrero 1957, kaming tatlo sa mga estudyante ay ipinagmaneho ni Brother Knorr patungong kampus ng Paaralang Gilead sa South Lansing, sa hilagang bahagi ng New York. Sa sumunod na limang buwan sa Paaralang Gilead, habang tinuturuan mula sa Salita ni Jehova at nakatira sa magandang kapaligiran kasama ng mga kaeskuwela, natikman ko ang Paraisong lupa. Sampu sa 103 estudyante, kasama ako, ay inatasan sa Hapon.
Nagpapahalaga sa Aking mga Atas
Mayroon nang mga 860 Saksi sa Hapon nang ako’y bumalik noong Oktubre 1957. Inatasan ako sa gawaing paglalakbay bilang tagapangasiwa ng sirkito, ngunit sinanay muna ako ni Adrian Thompson nang ilang araw sa Nagoya para sa gawaing iyan. Sakop ng aking sirkito ang lugar mula Shimizu, malapit sa Mount Fuji, hanggang Shikoku Island at kalakip ang malalaking lunsod na gaya ng Kyoto, Osaka, Kobe, at Hiroshima.
Noong 1961, naatasan ako bilang tagapangasiwa ng distrito. Ito’y nangangahulugan ng paglalakbay mula sa mayelong isla ng Hokkaido sa hilaga hanggang sa subtropikong isla ng Okinawa at sa dako pa roon ng mga isla sa Ishigaki malapit sa Taiwan, na may layong mga 3,000 kilometro.
Noong 1963 naman, naanyayahan ako sa isang sampung-buwang kurso ng Paaralang Gilead sa Brooklyn Bethel. Sa panahon ng kurso, idiniin ni Brother Knorr ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang saloobin tungkol sa mga atas na gawain. Sinabi niya na ang paglilinis ng banyo ay isang atas na kasinghalaga ng pagtatrabaho sa opisina. Kung marurumi ang banyo, sabi niya, maaapektuhan ang buong pamilyang Bethel at ang kanilang trabaho. Pagkaraan, naging bahagi ng aking trabaho sa Bethel sa Hapon ang paglilinis ng mga banyo, at nagunita ko ang payong iyon.
Pagbalik ko sa Hapon, muli akong naatasan sa gawaing paglalakbay. Makalipas ang dalawang taon, noong 1966, pinakasalan ko si Junko Iwasaki, isang special pioneer na naglingkod sa lunsod ng Matsue. Si Lloyd Barry, noo’y tagapangasiwa ng sangay sa Hapon, ang nagbigay ng kasiya-siyang pahayag sa kasal. Pagkatapos ay sumama na sa akin si Junko sa gawaing paglalakbay.
Nabago ang aming atas noong 1968 nang matawag ako sa tanggapang pansangay sa Tokyo para sa gawaing pagsasalin. Dahil sa kakulangan ng mga kuwarto, nagbibiyahe ako mula Sumida Ward, Tokyo, at si Junko naman ay naglilingkod bilang special pioneer sa isang lokal na kongregasyon. Sa panahong ito, kinailangan ang mas malalaking pasilidad sa sangay. Kaya noong 1970 ay binili ang lupa sa Numazu, di-kalayuan sa Mount Fuji. Doon, isang tatlong-palapag na pagawaan at isang tirahan ang itinayo. Bago magsimula ang pagtatayo, ginamit ang ilang bahay sa nabiling ari-arian para sa Kingdom Ministry School, na sumasanay sa mga tagapangasiwa ng kongregasyon. Nagkapribilehiyo akong magturo sa nasabing paaralan, at si Junko naman ang naghahanda ng pagkain ng mga estudyante. Nakatutuwang makita ang daan-daang Kristiyanong kalalakihan na pantanging sinasanay para sa ministeryo.
Isang hapon, tumanggap ako ng isang apurahang telegrama. Naospital si inay at wala nang pag-asang mabuhay. Sumakay ako ng bullet train patungong Nagoya at sumugod sa ospital. Wala siyang malay, ngunit nanatili ako sa kaniyang tabi nang gabing iyon. Namatay si inay kinaumagahan. Habang nasa sasakyan ako pabalik sa Numazu, hindi ko mapigilan ang aking mga luha habang ginugunita ko ang dinanas niyang paghihirap sa kaniyang buhay at ang pagmamahal na iniukol niya sa akin. Kung loloobin ni Jehova, muli ko siyang makikita sa pagkabuhay-muli.
Di-nagtagal at maliit na para sa amin ang mga pasilidad sa Numazu. Kaya 7 ektarya ng lupa ang binili sa Ebina City, at pinasimulan ang pagtatayo ng isang bagong sangay noong 1978. Ngayon ay tinayuan na ng pagawaan at mga tirahan ang lahat ng lugar sa ari-ariang iyan, gayundin ng isang Assembly Hall na mauupuan ng mahigit na 2,800. Ang pinakahuling idinagdag, na binubuo ng dalawang 13-palapag na mga tirahan at isang 5-palapag na gusali para sa paradahan at pagkukumpuni, ay natapos maaga sa taong ito. Ang aming pamilyang Bethel ngayon ay may bilang na mga 530, ngunit sa pinalaking pasilidad ay mga 900 ang maaaring manuluyan.
Maraming Dahilan Upang Magsaya
Naging kapana-panabik na makitang natutupad ang hula sa Bibliya, oo, na makitang ang ‘munti ay nagiging isang makapangyarihang bansa.’ (Isaias 60:22) Naaalaala ko pa nang tanungin ako ng isa sa aking mga kapatid noong 1951, “Ilan ang Saksi sa Hapon?”
“Mga 260,” sagot ko.
“Lamang?” tanong niya na may himig ng panunuya.
Naisip ko noon, ‘Panahon lamang ang makapagsasabi kung ilang tao pa sa Shinto-Budistang bansang ito ang aakayin ni Jehova na sumamba sa kaniya.’ At sumagot na nga si Jehova! Sa ngayon, wala nang mga di-naiatas na mga teritoryo para sa pangangaral sa Hapon, at ang bilang ng mga tunay na mananamba ay umaabot na sa mahigit na 222,000 sa 3,800 kongregasyon!
Ang nakalipas na 44 na taon ng buhay ko sa pambuong-panahong ministeryo—32 kapiling ng aking asawa—ay naging maliligayang taon. Ang 25 sa mga taóng iyon ay ginugol ko sa Translation Department sa Bethel. Noong Setyembre 1979, inanyayahan din ako na maging miyembro ng komite ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Hapon.
Naging isang pribilehiyo at isang pagpapala na magkaroon ng maliit na bahagi sa pagtulong sa mga tapat at maibigin-sa-kapayapaang mga tao na sumamba kay Jehova. Marami ang gumawa rin ng ganito—nagbago mula sa pag-uukol ng debosyon sa emperador tungo sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova. Marubdob na hangarin ko na tulungan pa ang marami na pumarito sa matagumpay na panig ni Jehova at magtamo ng walang-katapusang buhay sa mapayapang bagong sanlibutan.—Apocalipsis 22:17.
[Talababa]
a Ang kaniyang ama ay isang tapat na Saksi na nakaligtas sa pagsabog ng bomba atomika sa Hiroshima noong 1945 habang nasa isang bilangguan sa Hapon. Tingnan ang Gumising! ng Oktubre 8, 1994, pahina 11-15.
[Larawan sa pahina 29]
Nakasentro sa pagsamba sa emperador ang edukasyon sa paaralan
[Credit Line]
Ang Pahayagang Mainichi
[Larawan sa pahina 29]
Sa New York kasama si Brother Franz
[Larawan sa pahina 29]
Kasama ang aking asawa, si Junko
[Larawan sa pahina 31]
Habang nagtatrabaho sa Translation Department