Tunay na Tulong sa Pamilya
“Makatuwirang sabihin na may krisis sa pamilya sa Amerika. Imposibleng magkaroon ng iba pang konklusyon mula sa dami ng diborsiyo, mga estadistika tungkol sa pagsilang ng mga anak sa ligaw, [at] mga kaso ng pag-abuso sa bata at asawa.”
ANG mga pananalitang ito ng komentarista sa telebisyon sa Estados Unidos na si Tom Brokaw ay maikakapit sa karamihan ng mga bansa. Ano ang ibig sabihin ng krisis na ito?
Sa maraming paraan, ang pamilya ay mahalagang bahagi ng lipunan. Kung magulo ang pamilya, magulo rin ang lipunan. Bukod pa riyan, ang pamilya ang pinagmumulan ng emosyonal at pinansiyal na tulong sa mga bata. Dito nila natututuhan ang una at pinakamahalagang mga aral sa buhay. Kung magulo ang pamilya, ano ang natututuhan ng mga bata? Nasaan ang kanilang katiwasayan? Magiging anong uri sila ng mga adulto?
Mayroon bang anumang tulong sa pamilya sa panahong ito ng krisis? Mayroon. Ang pamilya ay isang institusyon na itinatag mismo ng Diyos. (Genesis 1:27, 28) At nagbigay siya ng lubhang kailangan na pampamilyang patnubay sa kaniyang Salita, ang Bibliya. (Colosas 3:18-21) Totoo, hindi natin mababago ang lipunan sa kabuuan, subalit maikakapit natin ang payo ng Bibliya sa atin mismong pamilya. Nais naming isaysay sa iyo ang tungkol sa ilang tao na ganito ang ginawa at ang mabubuting resulta na natamo nila.
Paghadlang sa Diborsiyo
Sa maraming bansa, mga 50 porsiyento ng lahat ng pag-aasawa ang nagwawakas sa diborsiyo. Malaking porsiyento iyan ng kabiguan sa mga ugnayang pantao! Totoo, dahil dito malaking sakripisyo ang ginagawa ng marami na nagiging nagsosolong magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Subalit marami ang tiyak na sasang-ayon na mas mabuti kung malulutas ng mag-asawa ang kanilang mga problema at mananatiling magkasama.
Patungo na sa pagkawasak ang pagsasama ng isang mag-asawa sa Solomon Islands. Ang asawang lalaki, na anak ng isang pinuno, ay marahas at maraming masasamang bisyo. Napakahirap ng buhay para sa kaniyang asawa anupat nagtangka pa nga itong magpakamatay. Pagkatapos, ang asawang lalaki ay sumang-ayon na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Natutuhan niya na dapat alamin ng sinumang nagnanais makalugod sa Diyos hindi lamang kung ano ang masama kundi rin naman “kapootan ang masama.” (Awit 97:10) Kasali riyan ang pagkapoot sa mga bagay na gaya ng pagsisinungaling, pagnanakaw, karahasan, at paglalasing. Isinapuso niya ito at di-nagtagal ay nadaig niya ang kaniyang masasamang bisyo at ang kaniyang marahas na ugali. Namangha ang kaniyang asawa sa pagbabago, at ang kanilang pagsasama ay lubhang bumuti, dahil sa impluwensiya ng Salita ng Diyos.
Narinig ng isang babae na isang Saksi ni Jehova sa Timog Aprika na ang kaniyang amo at ang asawang lalaki ng kaniyang amo ay nagbabalak magdiborsiyo. Ipinakipag-usap ng Saksi sa kaniyang amo ang tungkol sa pangmalas ng Diyos sa pag-aasawa at ipinakita rito ang aklat na pinamagatang Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Itinatampok ng aklat na ito, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ang mga simulain sa Bibliya na kumakapit sa pag-aasawa, na idiniriin kung paanong tumutulong ang Bibliya sa mga mag-asawa upang malutas ang mga problema. Binasa kapuwa ng amo at ng asawa nito ang aklat at taimtim na nagsikap na ikapit ang payo ng Bibliya na iniharap nito. Bunga nito, nagpasiya silang huwag magdiborsiyo—isa pang pagsasamang nasagip sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya.
Magkaibang Relihiyon
Kumusta naman ang tungkol sa pag-aasawa kung saan ang mga mag-asawa ay may magkaibang relihiyon? Ang Bibliya ay makatotohanang nagpapayo sa mga Kristiyano na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Subalit, kung minsan, ang isang kabiyak ay nagbabago ng relihiyon. Dapat ba riyang magwakas ang pag-aasawa? Hindi nga.
Sa Botswana, isang babae na bago lamang naging Saksi ni Jehova ang tinanong kung paano siya binago ng kaniyang bagong relihiyon. Hiniling niya ang kaniyang asawang lalaki na siyang sumagot para sa kaniya, at ganito ang sinabi ng lalaki: “Simula nang maging Saksi ni Jehova ang aking asawa, marami akong nakitang positibong pagbabago sa kaniya. Siya ngayon ay mahinahon at may matatag na loob na hindi niya taglay noon. Mayroon siyang lakas at determinasyon na ihinto ang paninigarilyo, isang kahinaan na hindi ko pa rin mapagtagumpayan. Naging mas maibigin at mapagmahal ang aking asawa sa mga bata at sa akin, gayundin sa iba. Mas mapagparaya siya, lalo na sa mga bata. Nakikita ko siyang gumugugol ng panahon sa kaniyang ministeryo, nagsisikap na tumulong sa iba na pagbutihin ang kanilang buhay. Nakita ko rin ang positibong mga pagbabago sa aking sarili. Naniniwala akong ito’y dahil sa kaniyang halimbawa.” Anong inam na epekto ang nagawa ng mga simulain sa Bibliya sa pag-aasawang ito! Maraming di-Saksi ang nagkomento rin ng gayon tungkol sa kani-kanilang mga asawang Saksi.
Kapag Pinababayaan ng Ama ang Kaniyang mga Pananagutan
Ang kaugnayan sa pagitan ng isang ama at ng kaniyang mga anak ay isang susi sa pagtatayo ng matitibay na pamilya. Nagpayo si apostol Pablo: “Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Hindi kataka-taka, kung gayon, na sinisi ng isang artikulo sa The Wilson Quarterly ang maraming suliraning panlipunan sa mga ama na hindi gumaganap ng kanilang tungkulin. Sinabi ng artikulo: “Sa pagitan ng 1960 at 1990, ang porsiyento ng mga bata na namumuhay nang hiwalay sa kanilang mga tunay na ama ay dumami nang higit sa doble . . . Ang pagtanggi sa tungkulin ng pagkaama ay isang malaking dahilan sa likuran ng marami sa lubhang nakababalisang suliranin na sumasalot sa lipunang Amerikano.”
Nangangahulugan ba ito na ang mga anak niyaong mga ama na hindi pumapatnubay sa kanila ay nakatalagang mabigo? Hindi. Ang salmista noong una ay nagsabi: “Sakaling iwan ako ng aking sariling ama at sariling ina, tatanggapin ako ni Jehova.” (Awit 27:10) Napatunayan itong totoo ng isang siyam-na-taong-gulang na batang lalaki sa Thailand. Namatay ang kaniyang ina noong siya’y sanggol pa, at iniwan siya ng kaniyang ama, na ayaw sa kaniya, sa kaniyang lola. Palibhasa’y nadarama niyang siya’y inaayawan at hindi minamahal, ang bata ay naging mapaghimagsik at nakilala bilang isang maton. Pinagbantaan pa nga niya ang kaniyang lola. Dahil sa napansing madalas siyang nakatayo sa labas ng Kingdom Hall doon, isang araw ay inanyayahan siya ng dalawang buong-panahong ebanghelisador na mga Saksi ni Jehova sa kanilang tahanan.
Sinabi nila sa kaniya ang tungkol sa Diyos—na Siya, tulad ng isang ama, ay nagmamahal sa kaniyang mga anak. Binanggit din nila ang tungkol sa Paraiso sa lupa na ipinangako ng Diyos sa mga tapat na tao. (Apocalipsis 21:3, 4) Lahat ng ito’y nakaakit sa batang lalaki, at siya’y bumabalik araw-araw upang matuto pa nang higit. Sinabi sa kaniya ng mga Saksi na kailangan siyang huminto sa pagiging maton kung talagang nais niyang ang Diyos ang kaniyang maging Ama. Kasuwato ito ng pananalita ni Pablo sa mga taga-Roma: “Hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Kailangan din niyang makitungo nang may kabaitan sa kaniyang lola. (1 Timoteo 5:1, 2) Di-nagtagal, ikinapit na niya ang mga simulain ng Bibliya—walang alinlangang lubhang nagpabuti sa kaniyang buhay pampamilya na kasama ng kaniyang lola. (Galacia 5:22, 23) Lubhang humanga ang mga kapitbahay sa mga pagbabagong napansin nila sa kaniya anupat nais nilang makipag-aral din ng Bibliya ang kanilang mga anak sa mga Saksi ni Jehova!
Isang Mapayapang Espiritu
Sumulat si apostol Pablo sa mga taga-Colosas: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa. Gayundin, hayaang ang kapayapaan ng Kristo ang sumupil sa inyong mga puso.” (Colosas 3:14, 15) Ang mapayapang espiritu at taos-pusong pag-ibig ay tiyak na magbubuklod sa pamilya. At maaayos nito ang malaon nang pagkakabaha-bahagi ng pamilya. Si Rukia, na nakatira sa Albania, ay hindi nakikipag-usap sa kaniyang kapatid na lalaki sa loob ng mahigit na 17 taon dahil sa isang di-pagkakaunawaan ng pamilya. Nang siya’y makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, natutuhan niya na lahat ng lingkod ng Diyos ay hinihimok na linangin ang pakikipagpayapaan sa iba. “Hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod ito.”—1 Pedro 3:11.
Natanto ni Rukia na kailangan niyang makipagpayapaan sa kaniyang kapatid na lalaki. Magdamag siyang nanalangin, at kinabukasan, may kaba sa kaniyang dibdib, siya’y pumunta sa bahay ng kaniyang kapatid na lalaki. Ang pamangkin ni Rukia ang nagbukas ng pinto at gulát na nagtanong: “Ano po ang ginagawa ninyo rito?” Mahinahong hiniling ni Rukia na makita ang kaniyang kapatid, anupat ipinaliliwanag na nais niyang makipagpayapaan dito. Bakit? Sapagkat natanto niya ngayon na ito ang kalooban ng Diyos. Ang kaniyang kapatid ay tumugon, at ang kanilang muling pagkikita ay nauwi sa mga yapos at mga luha ng kagalakan—isang pamilyang muling pinagkaisa sapagkat sinunod ang mga simulain sa Bibliya.
Masasamang Kasama
“Sa ngayon, ang karaniwang bata ay nanonood ng telebisyon nang pitong oras sa bawat araw. Sa pagtatapos sa elementarya ay nakapanood na siya ng mahigit na walong libong pagpatay at sandaang libong karahasan.” Gayon ang sabi ng aklat na The 7 Habits of Highly Effective Families. Ano ang epekto sa isang bata ng gayong pagkahantad? Hindi nagkakasundo ang “mga eksperto” tungkol diyan, subalit ang Bibliya ay mariing nagbababala laban sa masasamang kasama. Halimbawa, sinasabi nito: “Siya na nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Sinasabi rin nito: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” (1 Corinto 15:33) Ang buhay pampamilya ay bubuti kung maingat nating mamalasin na totoo ang simulaing ito, ang masasamang kasama man ay mga aktuwal na nakakasalamuha o nasa isang programa sa telebisyon.
Isang ina sa Luxembourg ang nakikipag-aral ng Bibliya sa isang Saksi ni Jehova. Isang araw ay sinabi niya sa Saksi na kung gabi ay palaaway at mapusok ang kaniyang dalawang anak na babae na pito at walong taong gulang. Tinanong ng Saksi kung ano ba ang ginagawa ng mga bata sa gabi. Sinabi ng ina na sila’y nanonood ng telebisyon samantalang siya’y naglilinis ng kusina. Anong mga programa? “Ah, mga cartoon,” sagot ng ina. Nang banggitin ng kaniyang bisita na ang mga programang iyon ay kadalasang marahas, nangako ang ina ng mga bata na susubaybayan niya ang mga ito.
Kinabukasan, ibinalita ng ina na nagulat siya sa mga cartoon na pinanonood ng kaniyang mga anak. Ang mga ito’y nagtatampok ng guniguning mga halimaw mula sa malayong kalawakan na walang patumangga sa pagwasak sa lahat ng bagay na kanilang nadaraanan. Ipinaliwanag niya sa kaniyang mga anak na kinapopootan ni Jehova ang karahasan at hindi siya maligaya kapag pinanonood natin ang gayong kalupitan. (Awit 11:5) Dahil sa nais nilang palugdan si Jehova, sumang-ayon ang mga bata na gumuhit o magpinta na lamang sa halip na manood ng telebisyon. Karaka-raka, nagbago ang kanilang mapusok na paggawi, at bumuti ang kapaligiran sa pamilya.
Ilan lamang ito sa mga halimbawa upang ipakita na ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay nagpapabuti sa buhay pampamilya. Saklaw ng payo ng Bibliya ang lahat ng uri ng kalagayan. Ito’y kapani-paniwala at mabisa sa ikabubuti. (Hebreo 4:12) Kapag pinag-aaralan ng mga tao ang Bibliya at taimtim na sinisikap na ikapit ang sinasabi nito, napalalakas ang mga pamilya, napabubuti ang mga personalidad, at naiiwasan ang mga pagkakamali. Kahit na isa lamang miyembro ng pamilya ang sumusunod sa payo ng Diyos, mas bumubuti ang mga bagay-bagay. Tunay, sa lahat ng larangan ng buhay, dapat nating malasin ang Salita ng Diyos na gaya ng salmista na sumulat: “Ang iyong salita ay ilawan sa aking paa, at liwanag sa aking landas.”—Awit 119:105.
[Larawan sa pahina 5]
Nalulutas ang mga problema ng pamilya sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya