Nagsisikap na Maging “Isang Manggagawa na Walang Anumang Ikinahihiya”
GAYA NG INILAHAD NI ANDRÉ SOPPA
Sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II,na nag-iwan ng di-mailarawang lansakang pagpatay at pagkasiphayo. Bilang isang tagahudyat sa Hukbong Pandagat ng Alemanya na nakahimpil malapit sa Narvik, sa Norway, nasaksihan ko mismo ang kalupitan ng tao sa kapuwa tao. Sa gabi, sa ilalim ng mga fjord, ang makalangit na kagandahan ng liwanag sa hilaga ay umakay sa akin na pag-isipang mabuti ang tungkol sa buhay. Natitiyak ko na ang Diyos na lumalang ng mga bagay na ito ay walang pananagutan sa kahibangan ng digmaan.
ISINILANG ako noong 1923 sa isang maliit na nayon ng Lassoth (ngayo’y Poland), malapit sa hangganang Czech, at ako’y lumaki sa isang dukhang pamilya na nakatira sa bukid. Aktibong mga Katoliko ang aking mga magulang, at malaking bahagi ang ginagampanan ng relihiyon sa aming buhay. Gayunman, noong bata pa ako ay may mga pag-aalinlangan ako tungkol sa aking relihiyon. Sa aming nayon, may tatlong pamilyang Protestante, at ang mga ito’y iniiwasan ng pamayanang Katoliko. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang magkagayon. Kami’y tinuruan ng katekismo sa paaralan. Subalit isang araw nang hilingin ko sa pari na ipaliwanag ang Trinidad, sampung hampas ng baston ang tinanggap kong kasagutan. Gayunpaman, ang nangyari noong ako’y 17 taong gulang ang siyang nagpatunay sa pagkasiphayo ko sa simbahan. Ang mga magulang ng aking ina ay namatay nang magkasunod na buwan, at walang sapat na pera ang nanay ko upang ibayad sa simbahan para sa dalawang serbisyo sa libing. Kaya tinanong niya ang pari kung maaaring saka na lang ang bayad. “May mga pag-aari naman ang iyong mga magulang, hindi ba?” ang tugon niya. “Ipagbili mo ang mga ito, at gamitin mo ang pera para sa libing.”
Mga ilang taon bago nito, matapos maluklok sa kapangyarihan si Hitler noong 1933, hindi na kami pinayagang magsalita ng Polako; kailangan naming magsalita ng Aleman. Yaong mga tumanggi, o hindi matuto ng Aleman, ay unti-unting naglaho—ipinadala sa mga kampong piitan, ang sabi sa amin nang maglaon. Kahit na ang pangalan ng aming nayon ay pinalitan ng pangalang Aleman, Grünfliess. Huminto ako sa pag-aaral sa gulang na 14, at dahil sa hindi ako kasali sa organisasyon ng Hitler Youth, nahirapan akong makasumpong ng trabaho. Gayunman, sa wakas, ako’y nakuha bilang isang aprentis na panday. Nang magsimula ang digmaan, nananalangin sa simbahan para kay Hitler at para sa mga hukbong Aleman. Nag-iisip ako kung gayunding mga panalangin para sa tagumpay ang binibigkas sa kabilang panig.
Paglilingkod sa Hukbong Pandagat ng Alemanya
Noong Disyembre 1941, lumagda ako para sa Hukbong Pandagat ng Alemanya, at sa pasimula ng 1942, ako’y ipinadala sa baybayin sa Norway upang maglingkod sa isang barkong pampatrulya. Kami’y naatasang magkomboy sa pagitan ng Trondheim at Oslo, sinasamahan ang mga barkong nagdadala ng mga sundalo, munisyon, o kargamento. Samantalang nasa dagat ay narinig ko ang dalawang sundalo na nag-uusap tungkol sa katapusan ng daigdig gaya ng inihula sa Bibliya. Bagaman natatakot na hayagang makipag-usap, sinabi nila sa akin na ang kanilang mga magulang ay nakikisama sa mga Saksi ni Jehova subalit hindi nila sinunod ang halimbawa ng mga ito. Ito ang unang pagkakataong narinig ko ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova.
Sa pagtatapos ng digmaan, kami’y dinalang bilanggo ng mga Britano at ibinigay sa mga Amerikano upang ibalik sa Alemanya. Ang ilan sa amin na ang mga bahay ay nasa sonang Sobyet ngayon ay ipinadala sa isang kampong bilangguan sa Liévin, gawing hilaga ng Pransiya, upang magtrabaho sa minahan ng karbon. Ito’y noong Agosto 1945. Nagugunita ko na tinanong ko ang isa sa aking Pranses na bantay kung ano ang relihiyon niya. “Katoliko,” ang sagot niya. Yamang ako ay Katoliko rin, tinanong ko siya kung ano ba ang ginawa namin sa isa’t isa? “Hindi na kailangan pang unawain ito. Talagang ganiyan,” ang sagot niya. Para sa akin, kakatwa nga na ang mga tao na mula sa iisang relihiyon ay maglaban at magpatayan sa isa’t isa.
Isang Silahis ng Liwanag sa Isang Minahan ng Karbon
Noong unang araw ko sa minahan kasama ng mga minero roon, hinatian ako ng kaniyang tinapay ng isang nagngangalang Evans Emiot. Dating taga-Ohio, sa Estados Unidos, nanirahan siya sa Pransiya sa loob ng maraming taon. Ipinakipag-usap niya sa akin ang tungkol sa isang daigdig na doo’y wala nang digmaan. Humanga ako sa kaniyang kabaitan. Mabait siya sa akin kahit na ako ay isang Aleman at siya ay isang Amerikano. Hindi na kami nagkabalitaan pa hanggang noong pasimula ng 1948 nang bigyan niya ako ng isang buklet na pinamagatang “The Prince of Peace.” Dito sa wakas ay nalaman ko ang tungkol sa isang Diyos ng kabutihan na napopoot sa digmaan—ang uri ng Diyos na naiisip ko samantalang pinagmamasdan ang mga liwanag sa hilaga. Determinado akong hanapin ang relihiyon na nagtuturo nito. Subalit yamang si Evans ay nagtatrabaho sa ibang bahagi ng minahan, hindi ko siya nakausap. Nagpunta ako sa lahat ng iba’t ibang grupo ng relihiyon sa kampong bilangguan, nagtatanong kung may nalalaman ba sila tungkol sa buklet, subalit walang nangyari.
Sa wakas, noong Abril 1948, napalaya ako mula sa kampong bilangguan at naging malayang manggagawa. Kinalingguhan, nagulat ako na marinig ang munting kuliling na tumutunog sa lansangan. Anong ligaya ko na makita si Evans! Kasama niya ang isang grupo ng mga Saksi ni Jehova na nakasuot na mga plakard na nag-aanunsiyo sa pamagat ng isang pahayag pangmadla. Ang Saksi na nagpapatunog ng kuliling ay si Marceau Leroy, ngayo’y miyembro ng Komite ng Sangay sa Pransiya. Ako’y ipinakilala sa isang Polako na nagsasalita ng Aleman na nagngangalang Joseph Kulczak, na nagdusa sa mga kampong piitan dahil sa kaniyang pananampalataya. Inanyayahan niya akong dumalo sa pulong nang gabing iyon. Wala akong gaanong naunawaan sa mga sinabi, subalit nang ang lahat ng naroroon ay nagtaas ng kanilang kamay, tinanong ko ang taong katabi ko kung bakit nila ginagawa iyon. “Sila ang mga maaaring magtungo sa Dunkerque sa susunod na linggo upang mangaral.” “Maaari ba akong sumama?” ang tanong ko. “Aba, oo!” ang tugon. Kaya nang sumunod na Linggo ay nangangaral na ako sa bahay-bahay. Bagaman hindi lahat ng nakausap namin ay sumasang-ayon, nasiyahan ako at di-nagtagal ay regular na akong nangangaral.
Natutong Pigilin ang Aking Galit
Di-nagtagal, ang mga Saksi’y nagsimulang mangaral sa mga kuwartel kung saan nakatira ang napalayang mga bilanggong Aleman. Hindi ito madali para sa akin, yamang kilala ako roon dahil sa aking pagiging magagalitin. Kapag may tumatangging makinig sa akin, pagbabantaan ko siya, na sinasabi: “Kung hindi ka mag-iingat, may masamang mangyayari sa iyo.” Minsan, samantalang nagtatrabaho sa minahan, sinuntok ko pa nga ang isa na lumilibak kay Jehova.
Gayunman, sa tulong ni Jehova, nabago ko ang aking personalidad. Isang araw, samantalang kami’y nangangaral sa mga kuwartel na ito, isang grupo ng kalalakihan na labis ang nainom na alak ang nanggugulo sa mga Saksi. Palibhasa’y nalalaman na ako’y madaling mag-init, pinigilan ako ng mga kapatid na kasama ko na mamagitan, subalit ang isa sa mga lalaki ay tumayo sa harap ko na nang-iinis at hinubad ang kaniyang diyaket. Bumaba ako sa aking bisikleta, ipinahawak ko ito sa kaniya, at isinuksok ko ang aking mga kamay sa aking bulsa. Ikinagulat niya ito anupat siya’y nakinig sa aking sasabihin. Sinabi ko sa kaniya na umuwi na siya at matulog at pagkatapos ay dumalo sa pahayag pangmadla. Gayon nga ang nangyari, noong ika-3:00 n.h., naroon siya! Sa wakas, mga 20 dating bilanggo ang tumanggap sa mensahe. Ako naman ay nabautismuhan noong Setyembre 1948.
Isang Punô Subalit Kapaki-pakinabang na Iskedyul
Ako’y nabigyan ng pananagutan na mangalaga sa mga teritoryong pangangaralan namin at maghanap ng mga lugar kung saan kami makapagdaraos ng mga pahayag pangmadla. Upang magawa ito, kung minsan ako’y naglalakbay ng mga 50 kilometro sakay ng aking maliit na motorsiklo, bago magtrabaho sa huling turno sa minahan. Pagkatapos, sa mga dulo ng sanlinggo, nagtutungo kami sa teritoryo sakay ng bus at dalawa o apat na mga mamamahayag ang bumababa na kasama ng tagapagsalita. Sa mas malalaking bayan, kapag nakakita kami ng angkop na lugar, pinagpapatung-patong namin ang aming mga maleta upang gamitin bilang plataporma ng tagapagsalita. Kadalasan, nagsusuot kami ng mga plakard upang ianunsiyo ang paksa ng pahayag pangmadla na ipinag-aanyaya namin sa mga tao.
Noong 1951 ay nakilala ko si Jeannette Chauffour, isang Saksi mula sa Reims. Pag-ibig ito sa unang pagkikita, at pagkalipas ng isang taon, noong Mayo 17, 1952, kami’y nagpakasal. Lumipat kami sa Pecquencourt, isang minahang bayan malapit sa Douai. Subalit, di-nagtagal ay nagkasakit ako. Nasuri na ako’y may silicosis, isang karamdaman sa palahingahan dahil sa pagtatrabaho sa minahan, subalit wala akong mapasukang ibang trabaho. Kaya noong 1955, noong panahon ng internasyonal na asamblea sa Nuremberg, Alemanya, nang kami’y hilingin na tumulong sa isang maliit na kongregasyon sa Kehl, isang maliit na industriyal na bayan sa Rhine, kami’y malayang lumipat doon. Nang panahong iyon, may 45 mamamahayag lamang sa kongregasyon. Sa sumunod na pitong taon na paggawa naming kasama ng kongregasyong ito, dumami ang bilang ng mga mamamahayag tungo sa 95.
Higit Pang mga Pribilehiyo sa Paglilingkod
Sa pagkakita na matatag na ang kongregasyon, humiling kami sa Samahan ng isang atas sa Pransiya bilang mga espesyal payunir. Sa laki ng aming pagtataka, kami’y inatasan sa Paris. Ang walong buwan na ginugol namin doon ay punô ng malaking kagalakan. Sa aming dalawa, kami ni Jeannette ay nagkapribilehiyo na magdaos ng 42 pag-aaral sa Bibliya. Lima sa aming mga estudyante ang nabautismuhan noong aming paglagi roon, at 11 pa ang tumanggap sa katotohanan noong dakong huli.
Yamang nakatira kami sa Latin Quarter, madalas naming makausap ang mga propesor sa Sorbonne. Isang nagretirong propesor ng pilosopiya na nagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya ang nakipag-aral ng Bibliya at sa wakas ay naging Saksi ni Jehova. Isang araw ay sinimulan ko ang isang usapan sa Bibliya sa isang inhinyerong sibil na may malapit na pakikitungo sa mga gurong Jesuita. Pumunta siya sa aming apartment noong alas tres ng hapon at umuwi noong alas diyes ng gabi. Sa aming pagtataka, bumalik siya sa aming bahay pagkalipas ng isa at kalahating oras. Nakausap niya ang isang Jesuita na hindi masagot ang mga tanong niya tungkol sa hula ng Bibliya. Noong ala una ng umaga, umuwi siya, at nagbalik noong alas siyete. Nang maglaon, siya man ay naging Saksi ni Jehova. Ang gayong pagkauhaw sa katotohanan ay isang malaking pampatibay-loob sa aming mag-asawa.
Pagkatapos maglingkod sa Paris, ako’y naanyayahang maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa gawing silangan ng Pransiya. Isang tunay na kagalakan para sa amin na dumalaw sa mga kongregasyong nagsasalita ng Pranses at Aleman, na pinalalakas ang mga kapatid. Samantalang dumadalaw sa kongregasyon ng Rombas, sa Lorraine, nakilala ko si Stanislas Ambroszczak. Siya’y isang Polako na naglingkod sa isang submarino ng puwersang Allied noong panahon ng digmaan at nakipagbaka sa karagatan ng Norway. Nasa magkalabang panig kami samantalang naglalayag sa iisang karagatan. Kami ngayon ay magkapatid na magkasamang naglilingkod sa aming Diyos, si Jehova. Noong minsan sa isang asamblea sa Paris, nakita ko ang isang tao na kilala ko. Siya ang kumander ng kampo kung saan ako ay naging isang bilanggo sa hilaga ng Pransiya. Anong ligaya naming gumawang magkasama noong panahon ng kombensiyon! Gayon ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos anupat nababago nito ang dating mga magkaaway na maging magkapatid at matalik na mga magkaibigan!
Nakalulungkot naman, pagkaraan ng 14 na taon sa gawaing paglalakbay, kinailangan kong huminto dahil sa aking humihinang kalusugan. Gayunman, kaming mag-asawa ay determinadong magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova sa abot ng aming makakaya. Kaya nakasumpong kami ng matutuluyan at trabaho sa bayan ng Mulhouse, sa silangan ng Pransiya, at naging mga payunir (buong-panahong mga ebanghelisador).
Isa pang malaking kagalakan sa nakalipas na mga taon ang makasama ako sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Noong 1985, ako’y hinilingan na mag-organisa ng isang pangkat sa pagtatayo para sa silangan ng Pransiya. Sa pamamagitan ng paggamit ng bihasang mga manggagawa at sa pagsasanay sa kusang mga boluntaryo, nakabuo kami ng isang pangkat na nakibahagi sa pagtatayo o pagkukumpuni ng mahigit na 80 bulwagan, anupat ginagawa ang mga ito na angkop para sa pagsamba kay Jehova. At anong ligaya ko, noong 1993, na magtrabaho sa pagtatayo ng isang Assembly Hall at limang Kingdom Hall sa French Guiana, Timog Amerika!
Nagpapatuloy sa Kabila ng mga Pagsubok
Talagang masasabi ko na sa nakalipas na 50 taon ng teokratikong gawain, ang aking buhay ay punô ng malaking kagalakan at mga pribilehiyo sa paglilingkod. Nakalulungkot sabihin, noong Disyembre 1995, namatay ang aking mahal na asawa, na nakasama ko sa loob ng 43 taon. Bagaman ito ay isang panahon ng matinding kalumbayan—at nagdadalamhati pa rin ako hanggang ngayon—pinalalakas ako ni Jehova, at ang aking espirituwal na mga kapatid ay nagpapakita sa akin ng pag-ibig at nagbibigay ng alalay anupat naiibsan ang kirot sa paano man sa paglipas ng panahon.
Naaalaala ko pa ang malinaw na pananalita ng isang pinahirang kapatid sa isang asamblea sa Munich, Alemanya, noong 1963. “André,” aniya, “huwag kang lilingon sa kaliwa o sa kanan. Ang mga kapatid sa mga kampong piitan ay dumanas ng mga pagsubok. Nasa atin ngayon na magpatuloy. Hindi natin dapat kaawaan ang ating sarili. Kaya magpatuloy ka!” Lagi kong isinaisip ito. Ngayon na hindi na ako gaanong makagawa dahil sa mahinang kalusugan at pagtanda, ang mga salitang nasa Hebreo 6:10 ay lagi nang pinagmumulan ng kaaliwan para sa akin: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” Oo, ang paglilingkod kay Jehova ang pinakadakilang pribilehiyo na maaaring taglayin ng sinuman. Sa nakalipas na 50 taon, ang tunguhin ko, at hanggang ngayon ay, maging “isang manggagawa na walang anumang ikinahihiya.”—2 Timoteo 2:15.
[Larawan sa pahina 22]
Ang uri ng bapor na pinaglingkuran ko sa mga fjord ng Norway
[Larawan sa pahina 23]
Nangangaral sakay ng bisikleta sa gawing hilaga ng Pransiya
[Larawan sa pahina 23]
Patung-patong na mga maleta ang nagsilbing plataporma ng tagapagsalita para sa pahayag pangmadla
[Mga larawan sa pahina 24]
Kasama ng aking asawa, si Jeannette, nang ikasal kami noong 1952