Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 2/1 p. 20-23
  • Paghahandog ng Kaayaayang Hain kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paghahandog ng Kaayaayang Hain kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpili ng Magkaibang Landas
  • Ang Payo ni Jehova at ang Tugon ni Cain
  • Isang Aral Para sa Atin
  • Magkapatid na Nagkaroon ng Magkaibang Saloobin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Pumatay Dahil sa Galit
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Isang Mabuting Anak, at Isang Masama
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 2/1 p. 20-23

Paghahandog ng Kaayaayang Hain kay Jehova

MINSAN sa kasaysayan, nakita ang isang pambihirang kababalaghan sa pasukan sa gawing silangan ng hardin ng Eden.a Doon, nagbabantay ang mga makapangyarihang kerubin, na ang nagbabantang anyo ay maliwanag na nagpapakitang walang sinuman ang dapat mangahas na dumaan. Nakapangingilabot din naman ang nagliliyab na talim ng umiikot na tabak, na malamang ay kakikitaan ng nakatatakot na liwanag kung gabi sa nakapalibot na mga punungkahoy. (Genesis 3:24) Bagaman maaaring nakaiintriga ito, sinumang nanonood ay hindi nangangahas na lumapit.

Maaaring maraming beses nang napuntahan nina Cain at Abel ang lugar na iyon. Palibhasa’y isinilang nina Adan at Eva sa labas ng hardin, iniisip lamang nila kung paano kaya ang buhay sa Paraiso, na dating tahanan ng kanilang mga magulang, na may mayayabong na luntiang mga halaman na natutubigang-mainam at saganang prutas at gulay. Ngayon, ang maliit na lamang na bahaging nakikita sa Eden ay tiyak na mukhang napabayaan at matalahib na.

Tiyak na ipinaliwanag nina Adan at Eva sa kanilang mga anak kung bakit hindi naalagaan ang hardin at kung bakit sila pinalayas mula roon. (Genesis 2:17; 3:6, 23) Tiyak na labis na ikinalungkot iyon nina Cain at Abel! Nakikita nila ang hardin, pero hindi sila makapasok doon. Napakalapit nila sa Paraiso gayunma’y napakalayo rito. Nabahiran na sila ng di-kasakdalan, at walang magawa sina Cain o Abel tungkol dito.

Ang kaugnayan ng kanilang mga magulang ay tiyak na nagpalala lamang sa mga bagay-bagay. Nang hinahatulan si Eva, sinabi ng Diyos: “Ang iyong paghahangad ay magiging ukol sa iyong asawa, at pamumunuan ka niya.” (Genesis 3:16) Bilang katuparan ng hulang iyan, tiyak na pinamunuan ni Adan ang kaniyang asawa, marahil ay hindi na siya pinakitunguhan bilang isang kasama at katulong. At si Eva ay waring labis-labis na umasa sa lalaking ito. Inilarawan pa man din ng isang komentaryo ang kaniyang “paghahangad” bilang “isang pagnanasa na parang isang karamdaman.”

Kung hanggang saan naapektuhan ng ganitong pagsasama ang paggalang ng mga batang lalaki para sa kanilang mga magulang, hindi sinasabi ng Bibliya. Subalit maliwanag na isang di-matatag na halimbawa ang ipinakita nina Adan at Eva sa kanilang mga anak.

Pagpili ng Magkaibang Landas

Nang maglaon, si Abel ay naging isang pastol at si Cain naman ay naging magsasaka. (Genesis 4:2) Habang inaasikaso niya ang kaniyang mga kawan, tiyak na maraming panahon si Abel upang pag-isipan ang natatanging hula na binigkas sa kaniyang mga magulang nang sila’y palayasin sa Eden: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Tiyak na itinanong ni Abel, ‘Paano kaya matutupad ang pangako ng Diyos hinggil sa isang binhi na dudurog sa serpiyente, at paano susugatan sa sakong ang binhing ito?’

Pagkaraan ng ilang panahon, malamang nang sila’y nasa hustong gulang na, kapuwa naghandog sina Cain at Abel kay Jehova. Yamang isang pastol si Abel, hindi nakapagtataka na naghain siya ng “mga panganay ng kaniyang kawan, maging ang matatabang bahagi niyaon.” Sa kabaligtaran, si Cain naman ay naghandog ng “mga bunga ng lupa.” Tinanggap ni Jehova ang hain ni Abel, ngunit “siya ay hindi nagpapakita ng anumang paglingap kay Cain at sa kaniyang handog.” (Genesis 4:3-5) Bakit hindi?

Tinutukoy ng ilan ang bagay na ang hain ni Abel ay mula sa “mga panganay ng kaniyang kawan,” samantalang ang kay Cain ay yaon lamang “mga bunga ng lupa.” Ngunit ang suliranin ay hindi ang kalidad ng ani na inihandog ni Cain, sapagkat sinasabi ng ulat na si Jehova ay nagpakita ng lingap “kay Abel at sa kaniyang handog,” at hindi nagpakita ng lingap “kay Cain at sa kaniyang handog.” Kaya ang pangunahing tinitingnan ni Jehova ay ang kalagayan ng puso ng mananamba. Sa paggawa nito, ano ang nakita niya? Sinasabi ng Hebreo 11:4 na “sa pananampalataya” ay naghandog si Abel ng kaniyang hain. Kaya lumilitaw na si Cain ay walang pananampalataya na siyang nagpangyaring maging kaayaaya ang hain ni Abel.

Dahil dito, kapansin-pansin na sa handog ni Abel ay may itinigis na dugo. Maaaring wasto niyang natanto na sa pangako ng Diyos hinggil sa isang binhi na susugatan sa sakong ay magkakaroon ng paghahain ng isang buhay. Kaya ang handog ni Abel ay isang paghiling ng pagbabayad-sala, at nagpahayag ito ng pananampalataya na maglalaan ang Diyos ng isang pampalubag-loob na hain para sa mga kasalanan sa itinakdang panahon.

Sa kabaligtaran, malamang na hindi gaanong pinag-isipan ni Cain ang kaniyang handog. “Ang kaniyang handog ay isa lamang pagkilala sa Diyos bilang tagatangkilik,” mungkahi ng isang komentarista sa Bibliya noong ika-19 na siglo. “Maliwanag na isiniwalat nito na hindi niya kinikilala ang anumang aktuwal na pagkakasira sa pagitan niya at ng kaniyang Maylalang, ni ang anumang pangangailangan na ipagtapat ang kasalanan o umasa sa isang pagbabayad-sala.”

Isa pa, bilang panganay, maaari pa ngang buong-kapangahasang inakala ni Cain na siya ang ipinangakong binhi na pupuksa sa Serpiyente, si Satanas. Baka si Eva ay nagkimkim ng gayong ambisyosong hangarin para sa kaniyang panganay na anak. (Genesis 4:1) Sabihin pa, kung ito ang inasahan nina Cain at Eva, talagang nagkamali sila.

Hindi sinasabi ng Bibliya kung paano ipinakita ni Jehova ang pagsang-ayon niya sa hain ni Abel. Iminumungkahi ng ilan na maaaring nilamon iyon ng apoy mula sa langit. Anuman ang nangyari, nang matanto na tinanggihan ang kaniyang handog, “si Cain ay nag-init sa matinding galit, at nagsimulang mamanglaw ang kaniyang mukha.” (Genesis 4:5) Patungo sa kapahamakan si Cain.

Ang Payo ni Jehova at ang Tugon ni Cain

Nangatuwiran si Jehova kay Cain. “Bakit ka nag-iinit sa galit at bakit namanglaw ang iyong mukha?” ang tanong niya. Nagbigay ito ng sapat na panahon kay Cain upang suriin ang kaniyang damdamin at motibo. “Kung gagawa ka ng mabuti,” patuloy ni Jehova, “hindi ba magkakaroon ng pagkakataas? Ngunit kung hindi ka gagawa ng mabuti, ang kasalanan ay nakaabang sa pasukan, at ikaw ang hinahangad niyaon; at mapananaigan mo naman ba iyon?”​—Genesis 4:6, 7. (Tingnan ang kahon sa pahina 23.)

Hindi nakinig si Cain. Sa halip, niyakag niya si Abel sa bukid at pinatay ito. Pagkaraan, nang tanungin ni Jehova kung saan naroroon si Abel, dinagdagan pa ni Cain ng kasinungalingan ang kaniyang kasalanan. “Hindi ko alam,” sagot niya. “Ako ba ang tagapag-alaga ng aking kapatid?”​—Genesis 4:8, 9.

Bago at pagkatapos paslangin si Abel, tumanggi si Cain na “gumawa ng mabuti.” Hinayaan niyang manaig sa kaniya ang kasalanan, at dahil dito, si Cain ay pinalayas sa lugar na tinatahanan ng pamilya ng tao. Isang “tanda,” marahil isa lamang seryosong batas, ang itinakda upang walang maghihiganti sa pagkamatay ni Abel sa pamamagitan ng pagpatay kay Cain.​—Genesis 4:15.

Nang maglaon, nagtayo si Cain ng isang lunsod, na pinanganlan ito para sa kaniyang anak. Hindi nakapagtataka, nakilala ang kaniyang mga inapo dahil sa kanilang karahasan. Nang dakong huli, nagwakas ang angkan ni Cain nang palisin ng Delubyo noong panahon ni Noe ang lahat ng taong di-matuwid.​—Genesis 4:17-​24; 7:21-​24.

Ang salaysay ng Bibliya tungkol kina Cain at Abel ay hindi iningatan upang basahin lamang para malibang. Sa halip, iyon ay “isinulat bilang tagubilin sa atin” at “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway.” (Roma 15:4; 2 Timoteo 3:16) Ano ba ang matututuhan natin sa ulat na ito?

Isang Aral Para sa Atin

Tulad nina Cain at Abel, ang mga Kristiyano sa ngayon ay inaanyayahang maghandog sa Diyos ng isang hain​—hindi literal na handog na susunugin, kundi “hain ng papuri, alalaong baga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Kasalukuyan itong isinasagawa sa buong daigdig, habang ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mahigit na 230 lupain. (Mateo 24:14) Nakikibahagi ka ba sa gawaing ito? Kung gayon, makatitiyak ka na “ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.”​—Hebreo 6:10.

Katulad sa mga handog nina Cain at Abel, ang iyong hain ay hindi hinahatulan batay sa panlabas na anyo nito​—halimbawa, batay lamang sa bilang ng mga oras na ginugugol mo sa ministeryo. Higit pa rito ang tinitingnan ni Jehova. Sinasabi ng Jeremias 17:10 na siya ay “sumisiyasat sa puso” at “sumusuri [maging] sa mga bato”​—ang kaibuturan ng isip, damdamin, at mga motibo ng personalidad ng isa. Kaya ang talagang isyu ay ang motibo, hindi ang dami. Ang totoo, malaki man o maliit, ang isang hain ay mahalaga sa Diyos kapag inihandog ng isang pusong inuudyukan ng pag-ibig.​—Ihambing ang Marcos 12:41-​44 sa Mar 14:3-9.

Kasabay nito, dapat nating matanto na hindi tatanggapin ni Jehova ang mababang-uri ng mga hain, kung paanong hindi niya tinanggap ang walang-buhay na handog ni Cain. (Malakias 1:8, 13) Hinihiling ni Jehova na ibigay mo sa kaniya ang pinakamagaling na maibibigay mo, na paglingkuran mo siya nang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Marcos 12:30) Ginagawa mo ba iyan? Kung gayo’y may mabuti kang dahilan upang masiyahan sa iyong hain. Sumulat si Pablo: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magmataas may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”​—Galacia 6:4.

Pareho ang naging pagpapalaki kina Cain at Abel. Ngunit ang panahon at mga kalagayan ay nagbigay sa bawat isa ng pagkakataon upang magkaroon ng kani-kaniyang katangian. Si Cain ay unti-unting naging mapanibughuin, palaaway, at magagalitin.

Sa kabaligtaran, si Abel ay ginugunita ng Diyos bilang isang taong matuwid. (Mateo 23:35) Dahil sa kaniyang pasiya na palugdan ang Diyos anuman ang mangyari, si Abel ay talagang ibang-iba sa kaniyang mga walang utang-na-loob na kapamilya​—sina Adan, Eva, at Cain. Sinasabi sa atin ng Bibliya na bagaman namatay si Abel, siya ay “nagsasalita pa.” Ang kaniyang tapat na paglilingkuran sa Diyos ay bahagi ng namamalaging ulat ng kasaysayan na nasa Bibliya. Tularan nawa natin ang halimbawa ni Abel sa pamamagitan ng patuluyang paghahandog ng kaayaayang hain sa Diyos.​—Hebreo 11:4.

[Talababa]

a Inaakala ng ilan na ang hardin ng Eden ay nasa isang bulubunduking rehiyon sa silangang bahagi ng modernong-panahong Turkey.

[Kahon/Larawan sa pahina 23]

Isang Huwaran Para sa mga Kristiyanong Tagapayo

“BAKIT ka nag-iinit sa galit at bakit namanglaw ang iyong mukha?” Sa pamamagitan ng tanong na ito, may-kabaitang nakipagkatuwiranan si Jehova kay Cain. Hindi niya pinilit si Cain na magbago, sapagkat si Cain ay may malayang kalooban. (Ihambing ang Deuteronomio 30:19.) Gayunpaman, hindi nag-atubili si Jehova na sabihin ang ibubunga ng suwail na landasin ni Cain. Nagbabala siya kay Cain: “Kung hindi ka gagawa ng mabuti, ang kasalanan ay nakaabang sa pasukan, at ikaw ang hinahangad niyaon.”​—Genesis 4:6, 7.

Kapansin-pansin na kahit sa ganitong mariing pagsaway, hindi pinakitunguhan ni Jehova si Cain na parang ‘wala na itong pag-asa.’ Sa halip, sinabi niya kay Cain ang mga pagpapalang naghihintay sa kaniya kung magbabago siya, at nagpahayag siya ng pagtitiwala na maaaring mapagtagumpayan ni Cain ang kaniyang suliranin kung nanaisin nitong gawin iyon. “Kung gagawa ka ng mabuti,” sabi ni Jehova, “hindi ba magkakaroon ng pagkakataas?” Tinanong din niya si Cain tungkol sa kaniyang nakamamatay na poot: “Mapananaigan mo naman ba iyon?”

Sa ngayon, dapat tularan ng matatanda sa kongregasyong Kristiyano ang halimbawa ni Jehova. Gaya ng binanggit sa 2 Timoteo 4:2, kung minsan ay kailangan silang “sumaway” at “sumawata,” anupat tuwirang binabalangkas ang kahihinatnan ng suwail na landasin ng isa. Kasabay nito, ang matatanda ay dapat “magpayo.” Ang salitang Griego na pa·ra·ka·leʹo ay nangangahulugang “magpatibay-loob.” Ang “paalaala ay hindi nakasasakit, nanunuligsa, o namimintas,” sabi ng Theological Dictionary of the New Testament. “Ipinahihiwatig din ang bagay na ang kaaliwan ay maaaring isa pang kahulugan nito.”

Kapansin-pansin, ang isang kaugnay na salitang Griego, ang pa·raʹkle·tos, ay maaaring tumukoy sa isang katulong o isang tagapagtanggol sa isang legal na usapin. Samakatuwid, kahit na ang matatanda ay mariing sumasaway, dapat nilang tandaan na sila’y mga katulong​—hindi mga kaaway​—ng taong kailangang payuhan. Tulad ni Jehova, ang matatanda ay dapat maging positibo, anupat nagtitiwala na ang suliranin ay maaaring mapagtagumpayan ng isa na pinapayuhan.​—Ihambing ang Galacia 6:1.

Mangyari pa, sa wakas ay depende sa indibiduwal kung ikakapit niya ang paalaala. (Galacia 6:5; Filipos 2:12) Maaaring masumpungan ng mga tagapayo na hindi pinakikinggan ng ilan ang kanilang babala, kung paanong pinili ni Cain na ipagwalang-bahala ang saway ng Maylalang mismo. Gayunman, kapag tinularan ng matatanda si Jehova, ang sakdal na Huwaran para sa mga Kristiyanong tagapayo, makatitiyak sila na kanilang ginawa ang nararapat.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share