Nag-iisip Ka Na Bang Mag-asawa?
Kung ihahambing natin sa isang lindol ang di-pangkaraniwang dami ng diborsiyo sa buong daigdig, ang Estados Unidos ang magiging pinakasentro ng lindol. Nito lamang nakalipas na taon, mahigit sa isang milyong pag-aasawa ang nagwakas doon—isang katamtamang bilang na dalawa sa bawat minuto. Subalit maaaring alam na alam mo na hindi lamang ang Estados Unidos ang dumaranas ng matinding kalungkutan sa pag-aasawa.
AYON sa isang pag-aaral, mahigit na dumoble ang dami ng diborsiyo sa Canada, Inglatera at Wales, Pransiya, Gresya, at Netherlands, at mula noong 1970.
Mayroon tayong lahat ng dahilan upang maniwala na ang karamihan ng mag-asawa ay nagpapakasal sapagkat mahal nila ang isa’t isa at nais nilang gugulin ang natitirang buhay nila na magkasama. Subalit, nakalulungkot na ang pangarap na isang maligayang pag-aasawa ay kadalasang ganoon nga lang—isang pangarap. Sa paggising sa katotohanan, marami ang nagsasabi na napakabata nilang nag-asawa at mali ang napangasawa nila o alin man sa dalawa.
Bakit bigo ang napakaraming pag-aasawa? “Ang pangunahing dahilan ay ang kawalan ng paghahanda,” sabi ng awtor ng isang aklat tungkol sa pagliligawan. Ganito pa ang sabi niya: “Kapag nakakaharap ko ang mga mag-asawa na nasa bingit na ng paghihiwalay, dalawang damdamin ang nangingibabaw sa akin—pagkahabag at galit. Nahahabag ako sapagkat hindi nagkatotoo ang kanilang mga pangarap para sa isang kasiya-siyang kaugnayan sa isa’t isa. Nagagalit ako sapagkat wala silang alam kung gaano kasalimuot ang pananagutang ito.”
Tunay, marami ang pumapasok sa pag-aasawa na may kaunti o walang anumang ideya kung paano ito gagawing matagumpay. Gayunman, hindi ito kataka-taka. Isang tagapagturo ang nagsabi: “Ilan sa ating mga kabataan ang nag-aaral sa kolehiyo tungkol sa paggawi ng mga daga at mga butiki, subalit hindi natututuhan ang tungkol sa paggawi ng dalawang tao na tinatawag na mag-asawa?”
Nag-iisip ka ba tungkol sa pag-aasawa—ito man ay hinggil sa posibleng pag-aasawa sa hinaharap o tungkol sa iyong buhay may-asawa ngayon? Kung gayon, dapat mong malaman na ang relasyon sa tunay na buhay ay ibang-iba sa inilalarawan sa mga pelikula, sa mga palabas sa telebisyon, at sa mga nobela ng pag-ibig. Kasabay nito, ang pagpapakasal ng dalawang taong nasa hustong gulang na at talagang nag-iibigan ay maituturing na isang pagpapala mula sa Diyos. (Kawikaan 18:22; 19:14) Kung gayon, paano mo matitiyak na handa mo nang abutin ang mga kahilingan sa pag-aasawa? Anu-anong salik ang dapat mong isaalang-alang sa pagpili ng kabiyak? O kung may asawa ka na, paano mo mapasusulong ang posibilidad na magtamo ng walang-hanggang kaligayahan sa iyong pag-aasawa?