Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 2/15 p. 4-8
  • Ano ang Kailangan sa Matagumpay na Pag-aasawa?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Kailangan sa Matagumpay na Pag-aasawa?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pagsisiyasat sa Pag-aasawa
  • Pagsusuri sa Sarili
  • Pagsusuri sa Iyong Magiging Kabiyak
  • Mga Gantimpala at Pananagutan
  • Paghahanda Para sa Matagumpay na Pag-aasawa
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Pag-aasawa—Isang Regalo Galing sa Diyos
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Pag-aasawa—Kaloob ng Isang Maibiging Ama
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Makapagtatagumpay ang Pag-aasawa sa Daigdig sa Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 2/15 p. 4-8

Ano ang Kailangan sa Matagumpay na Pag-aasawa?

Tatalon ka ba sa isang ilog nang hindi muna nag-aaral lumangoy? Maaaring makapinsala ang gayong hangal na pagkilos​—nakamamatay pa nga. Gayunman, isip-isipin kung gaano karaming tao ang nagmamadaling mag-asawa na kakaunti ang nababatid sa kung paano babalikatin ang mga pananagutang nasasangkot.

SINABI ni Jesus: “Sino sa inyo na nagnanais na magtayo ng tore ang hindi muna uupo at kakalkulahin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang makumpleto iyon?” (Lucas 14:28) Ang totoo sa pagtatayo ng isang tore ay totoo rin sa pag-aasawa. Dapat na maingat na tuusin niyaong mga nagnanais mag-asawa ang halaga ng pag-aasawa upang matiyak na matutugunan nila ang mga kahilingan.

Isang Pagsisiyasat sa Pag-aasawa

Isang tunay na pagpapala ang pagkakaroon ng isang kabiyak na makakasama mo sa kagalakan at kalumbayan sa buhay. Maaaring punan ng pag-aasawa ang kahungkagang sanhi ng kalungkutan o pagkasiphayo. Nasasapatan nito ang ating likas na paghahangad ng pag-ibig, makakasama, at matalik na kaugnayan. May mabuting dahilan, ganito ang sinabi ng Diyos pagkatapos lalangin si Adan: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Ako ay gagawa ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.”​—Genesis 2:18; 24:67; 1 Corinto 7:9.

Oo, malulutas ng pagiging may-asawa ang ilang problema. Subalit maaari rin itong magdala ng ilang bagong problema. Bakit? Sapagkat ang pag-aasawa ay pagsasama ng dalawang magkaibang personalidad na marahil ay magkasundo subalit hindi magkapareho. Kaya, makararanas ng paminsan-minsang away kahit ang magkasundung-magkasundong mag-asawa. Sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pablo na yaong mga nag-aasawa ay magkakaroon ng “kapighatian sa kanilang laman”​—o gaya ng pagkakasalin dito ng The New English Bible, “kirot at pighati sa buhay na ito ng katawan.”​—1 Corinto 7:28.

Madali bang masiraan ng loob si Pablo? Hindi naman! Hinihimok lamang niya yaong mga nagbabalak mag-asawa na maging makatotohanan. Ang saya na nadarama kapag ikaw ay nahahalina sa isa ay hindi isang tumpak na panukat sa kung ano ang kalalabasan ng buhay may-asawa pagkalipas ng mga buwan at mga taon pagkatapos ng araw ng kasal. May natatanging mga hamon at problema ang bawat pag-aasawa. Ang tanong ay hindi kung babangon ba ang mga ito kundi kung paano haharapin ito kapag bumangon ang mga ito.

Ang mga problema ay nagbibigay ng pagkakataon sa asawang lalaki at babae na patunayan ang pagiging tunay ng kanilang pag-ibig sa isa’t isa. Upang ilarawan: Ang isang barkong panliwaliw sa dagat ay maaaring magtinging maringal habang ito’y nakadaong at nakapugal sa piyer. Gayunman, ang tunay na pagiging ligtas nito sa biyahe ay napatutunayan sa dagat​—marahil kahit sa gitna ng malalakas na salpok ng alon ng isang bagyo. Sa katulad na paraan, ang tibay ng buklod ng pag-aasawa ay hindi lamang nakikita sa payapang mga romantikong sandali. Kung minsan, nasusubok ito sa ilalim ng mahihirap na kalagayan kung saan napagtatagumpayan ng mag-asawa ang mga unos ng kagipitan.

Upang magawa ito, kailangang magkaroon ng pananagutan ang mag-asawa sa isa’t isa, sapagkat nilayon ng Diyos na ang lalaki ay “pipisan sa kaniyang asawa” at na ang dalawa ay “magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Ang ideya ng pagkakaroon ng pananagutan ay nakatatakot sa maraming tao ngayon. Gayunman, makatuwiran lamang na nanaisin ng dalawang taong talagang nagmamahalan sa isa’t isa na gumawa ng isang taimtim na pangakong magsasama. Ang pananagutan ay nagbibigay ng dignidad sa pag-aasawa. Ito’y nagiging saligan ng pagtitiwala na, anuman ang mangyari, magtutulungan ang mag-asawa sa isa’t isa.a Kung hindi ka handa sa pananagutang ito, talagang hindi ka pa handang mag-asawa. (Ihambing ang Eclesiastes 5:4, 5.) Baka kailangang pasulungin maging ng mga may-asawa na ang kanilang pagpapahalaga sa pagkakaroon ng pananagutan sa isang nagtatagal na pag-aasawa.

Pagsusuri sa Sarili

Walang alinlangang maililista mo ang mga katangian na nais mo sa isang kabiyak. Subalit, mas mahirap na suriin ang iyong sarili upang matiyak kung ano ang magagawa mo para sa inyong pagsasama. Mahalaga ang pagsusuri-sa-sarili, kapuwa bago at pagkatapos manumpa sa pag-aasawa. Halimbawa, tanungin mo ang iyong sarili ng sumusunod na katanungan.

• Handa ba akong makisama nang habang-buhay sa aking kabiyak?​—Mateo 19:6.

Noong kaarawan ng propeta sa Bibliya na si Malakias, iniwan ng maraming asawang lalaki ang kani-kanilang kabiyak, marahil upang mag-asawa ng mas batang mga babae. Sinabi ni Jehova na ang kaniyang dambana ay punô ng mga luha ng mga asawang babaing iniwan, at hinatulan niya ang mga lalaki na “pinakitunguhan nang may kataksilan” ang kanilang mga kabiyak.​—Malakias 2:13-16.

• Kung ako’y nag-iisip mag-asawa, lampas na ba ako sa kabataan kung kailan matindi ang seksuwal na mga damdamin na maaaring pumilipit sa mabuting pagpapasiya?​—1 Corinto 7:36.

“Lubhang mapanganib na mag-asawa nang napakabata,” ang sabi ni Nikki, na 22 anyos nang siya’y mag-asawa. Siya’y nagbababala: “Ang iyong mga damdamin, tunguhin, at kagustuhan ay patuloy na magbabago mula sa mga huling taon ng pagkatin-edyer hanggang sa ikaw ay tumuntong sa kalagitnaan at mga huling taon ng edad 20.” Mangyari pa, hindi nasusukat sa edad lamang ang pagiging handa sa pag-aasawa. Gayunpaman, ang pag-aasawa kapag hindi pa lampas sa panahon ng kabataan ang isa kung kailan ang seksuwal na mga damdamin ay bago sa isa at lalo nang matindi ay maaaring pumilipit sa pag-iisip ng isa at bumulag sa isa sa potensiyal na mga problema.

• Anu-anong katangian ang taglay ko na tutulong sa akin na gawing matagumpay ang pag-aasawa?​—Galacia 5:22, 23.

Sumulat si apostol Pablo sa mga taga-Colosas: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.” (Colosas 3:12) Angkop ang payong ito sa mga nagbabalak mag-asawa gayundin sa mga may-asawa na.

• Mayroon ba akong pagkamaygulang na kinakailangan upang alalayan ang isang kabiyak sa mahihirap na panahon?​—Galacia 6:2.

“Kapag nagkaroon ng problema,” ang sabi ng isang doktor, “ugali nang sisihin ang kabiyak. Hindi mahalaga kung sino ang dapat sisihin. Bagkus, ito’y kung paano magtutulungan ang mag-asawa upang mapabuti ang kanilang pagsasama.” Ang mga salita ng matalinong si Haring Solomon ay kapit sa mga mag-asawa. “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa,” sulat niya, “sapagkat kung ang isa sa kanila ay mabuwal, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama. Ngunit paano na lamang ang isang nabuwal kung walang ibang magbabangon sa kaniya?”​—Eclesiastes 4:9, 10.

• Ako ba’y karaniwang masayahin at optimista, o kapansin-pansin ba ang pagiging malulungkutin at pagiging negatibo ko?​—Kawikaan 15:15.

Masama ang bawat araw kung para sa isang negatibong tao. Hindi makahimalang binabago ng pag-aasawa ang saloobing ito! Ang isang taong walang asawa​—lalaki man o babae​—na karaniwang palapuna o madaling masiraan ng loob ay magiging isa lamang palapuna at madaling masiraan ng loob na may-asawang tao. Ang negatibong saloobing ito ay maaaring maging matinding pabigat sa pag-aasawa.​—Ihambing ang Kawikaan 21:9.

• Ako ba’y nananatiling kalmado sa ilalim ng panggigipit, o ako ba’y napadaraig sa silakbo ng galit?​—Galacia 5:19, 20.

Ang mga Kristiyano’y pinag-uutusang maging “mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Bago ang pag-aasawa at sa panahon ng pag-aasawa, dapat linangin ng isang lalaki o isang babae ang kakayahang mamuhay ayon sa payo na ito: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.”​—Efeso 4:26.

Pagsusuri sa Iyong Magiging Kabiyak

“Isinasaalang-alang ng isang matalino ang kaniyang mga hakbang,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 14:15) Tiyak na totoo ito kapag pumipili ng isang mapapangasawa. Ang pagpili ng isang mapapangasawa ay isa sa pinakamahalagang pagpapasiya na kailanma’y maaaring gawin ng isang lalaki o babae. Gayunman, napansin na maraming tao ang gumugugol ng maraming panahon sa pagpapasiya kung aling kotse ang bibilhin o kung saang paaralan papasok kaysa sa kung sino ang mapapangasawa.

Sa kongregasyong Kristiyano, yaong mga pinagkakatiwalaan ng pananagutan ay ‘sinusubok muna may kinalaman sa pagiging nararapat.’ (1 Timoteo 3:10) Kung ikaw ay nag-iisip na mag-asawa, nanaisin mong matiyak ang “pagiging nararapat” ng isang tao. Halimbawa, isaalang-alang ang sumusunod na mga tanong. Bagaman ang mga ito’y iniharap mula sa pangmalas ng isang babae, marami sa mga simulain ay kapit din sa isang lalaki. At kapaki-pakinabang na isaalang-alang kahit niyaong mga may-asawa na ang mga puntong ito.

• Anong uri ng reputasyon mayroon siya?​—Filipos 2:19-22.

Inilalarawan ng Kawikaan 31:23 ang isang asawang lalaki na “kilala sa mga pintuang-bayan, kapag siya’y nauupo na kasama ng matatandang lalaki ng lupain.” Nauupo ang matatandang lalaki sa mga pintuang-bayan upang humatol. Kaya, maliwanag, siya’y may tungkulin na pinagkakatiwalaan ng publiko. Kung paano minamalas ng iba ang isang tao ay nagsasabi tungkol sa kaniyang reputasyon. Kung naaangkop, isaalang-alang din kung paano siya minamalas niyaong nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa. Maaaring ipahiwatig nito sa iyo, bilang kaniyang kabiyak, kung paano mo siya mamalasin balang araw.​—Ihambing ang 1 Samuel 25:3, 23-25.

• Anong uri ng moral mayroon siya?

Ang makadiyos na karunungan ay “una sa lahat malinis.” (Santiago 3:17) Ang iyo bang mapapangasawa ay mas interesado sa pagbibigay-kasiyahan sa kaniyang sariling seksuwal na pangangailangan kaysa sa inyong katayuan sa harap ng Diyos? Kung hindi siya nagsisikap na mamuhay ayon sa mga moral na pamantayan ng Diyos ngayon, anong saligan upang maniwala na gagawin niya ito pagkatapos ng kasal?​—Genesis 39:7-12.

• Paano niya ako pinakikitunguhan?​—Efeso 5:28, 29.

Sinasabi sa atin ng aklat ng Bibliya na Kawikaan ang hinggil sa isang asawang lalaki na “naglalagak ng tiwala” sa kaniyang asawa. Bukod pa riyan, “kaniyang pinupuri siya.” (Kawikaan 31:11, 28) Hindi siya labis-labis na seloso, ni hindi makatuwiran sa kaniyang mga inaasahan. Sumulat si Santiago na ang karunungan mula sa itaas ay “mapayapa, makatuwiran, . . . punô ng awa at mabubuting bunga.”​—Santiago 3:17.

• Paano niya pinakikitunguhan ang mga miyembro ng kaniya mismong pamilya?​—Exodo 20:12.

Ang paggalang sa mga magulang ay hindi lamang isang kahilingan sa mga anak. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Dinggin mo ang iyong ama na nagpangyaring maisilang ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa siya’y matanda na.” (Kawikaan 23:22) Kapansin-pansin, si Dr. W. Hugh Missildine ay sumulat: “Maaari sanang maiwasan ang maraming problema at di-pagkakasundo ng mag-asawa​—o sa paano man ay patiunang nakita​—kung di-pormal na dumalaw ang magiging nobya at nobyo sa tahanan ng isa’t isa at nagmasid sa kaugnayan ng ‘binabalak niyang pakasalan’ sa mga magulang nito. Ang paraan ng pakikitungo niya sa kaniyang mga magulang ay makaiimpluwensiya sa kung paano niya mamalasin ang kaniyang asawa. Dapat itanong ng isa: ‘Gusto ko bang pakitunguhan na gaya ng pakikitungo niya sa kaniyang mga magulang?’ At ang pakikitungo ng kaniyang mga magulang sa kaniya ay magiging mabuting pahiwatig kung paano niya pakikitunguhan ang kaniyang sarili at kung ano ang aasahan niyang pakikitungo mula sa iyo​—pagkatapos ng pulot-gata.”

• Magagalitin ba siya o mahilig sa mapang-abusong pananalita?

Ganito ang payo ng Bibliya: “Ang lahat ng mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.” (Efeso 4:31) Binabalaan ni Pablo si Timoteo hinggil sa ilang Kristiyano na magiging “may-sakit sa isip may kinalaman sa mga pagtatanong at mga debate tungkol sa mga salita” at magpapadala sa “inggit, alitan, mga mapang-abusong pananalita, mga balakyot na paghihinala, mararahas na pagtatalo tungkol sa maliliit na bagay.”​—1 Timoteo 6:4, 5.

Karagdagan pa, sumulat si Pablo na ang isa na magiging kuwalipikado sa pantanging mga pribilehiyo sa kongregasyon ay dapat na “hindi palaaway”​—ayon sa orihinal na Griego, “hindi nambubugbog.” (1 Timoteo 3:3, talababa) Hindi siya maaaring isa na nananakit ng tao o nambubulyaw. Ang isang taong madaling maging marahas sa isang sandali ng galit ay hindi angkop na mapangasawa.

• Ano ang kaniyang mga tunguhin?

Ang ilan ay naghahangad ng kayamanan at nag-aani ng di-maiiwasang mga resulta. (1 Timoteo 6:9, 10) Ang iba ay tinatangay ng kawalang-layunin sa buhay na walang mga tunguhing inaabot. (Kawikaan 6:6-11) Gayunman, ang isang makadiyos na tao ay magpapakita ng katulad na determinasyon na gaya ni Josue, na nagsabi: “Kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.”​—Josue 24:15.

Mga Gantimpala at Pananagutan

Ang pag-aasawa ay isang banal na institusyon. Ipinahintulot at itinatag ito ng Diyos na Jehova. (Genesis 2:22-24) Idinisenyo niya ang kaayusan sa pag-aasawa upang bumuo ng isang permanenteng buklod sa isang lalaki at isang babae upang sila’y magtulungan sa isa’t isa. Kapag ikinakapit ang mga simulain ng Bibliya, maaasahan ng asawang lalaki at babae ang kanilang buhay na maligaya.​—Eclesiastes 9:7-9.

Gayunman, kailangang matanto na tayo’y nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Inihula ng Bibliya na sa yugtong ito ng panahon, ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, . . . mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, . . . mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri.” (2 Timoteo 3:1-4) Ang mga katangiang ito ay maaaring magkaroon ng malakas na impluwensiya sa pag-aasawa ng isa. Kaya, dapat na maingat na tantiyahin niyaong mga nagbabalak mag-asawa ang halaga. At dapat na patuloy na pagsikapang pasulungin niyaong mga may-asawa ang kanilang pagsasama sa pamamagitan ng pag-alam at pagkakapit ng patnubay ng Diyos na masusumpungan sa Bibliya.

Oo, yaong mga nagbabalak mag-asawa ay makabubuting tumingin sa kabila pa ng araw ng kasal. At dapat isaalang-alang ng lahat hindi lamang ang pagpapakasal kundi rin naman ang buhay may-asawa. Umasa kay Jehova para sa patnubay upang maging makatotohanan ang iyong pag-iisip sa halip na basta damdamin lamang ang paiiralin. Sa paggawa nito, mas malamang na magtamasa ka ng isang matagumpay na pag-aasawa.

[Talababa]

a Ipinahihintulot ng Bibliya ang isa lamang saligan para sa diborsiyo na doo’y maaaring mag-asawang muli, at ito ay ang “pakikiapid”​—pakikipagtalik sa hindi asawa.​—Mateo 19:9.

[Kahon sa pahina 5]

“Ang Pinakamainam na Paglalarawan ng Pag-ibig na Kailanma’y Nabasa Ko”

“Paano mo malalaman kung ikaw ay talagang umiibig?” ang sulat ni Dr. Kevin Leman. “May isang sinaunang aklat na naglalaman ng paglalarawan ng pag-ibig. Ang aklat ay halos dalawang libong taóng gulang na, subalit ito pa rin ang may pinakamainam na paglalarawan ng pag-ibig na kailanma’y nabasa ko.”

Tinutukoy ni Dr. Leman ang pananalita ng Kristiyanong apostol na si Pablo na masusumpungan sa Bibliya sa 1 Corinto 13:4-8:

“Ang pag-ibig ay may mahabang-pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”

[Kahon sa pahina 8]

Maaaring Maging Mapanlinlang ang mga Damdamin

Maliwanag na alam na alam ng Shulamita noong panahon ng Bibliya ang mapanlinlang na kapangyarihan ng romantikong damdamin. Nang siya’y nililigawan ng makapangyarihang si Haring Solomon, sinabi niya sa kaniyang mga kasamahang babae na “huwag ninyong tangkaing gisingin o pukawin sa akin ang pag-ibig hanggang sa naisin nito.” (Awit ni Solomon 2:7) Ayaw ng matalinong dalagang ito na gipitin siya ng kaniyang mga kaibigan na pangibabawan siya ng kaniyang mga damdamin. Praktikal din ito sa mga nagbabalak mag-asawa ngayon. Kontrolin ang inyong mga damdamin. Kung ikaw ay mag-aasawa, ito’y dapat na dahil sa iniibig mo ang isang tao, hindi lamang sa ideya ng pagiging may-asawa.

[Larawan sa pahina 6]

Mapatitibay kahit na niyaong matagal nang mag-asawa ang kanilang buklod ng pag-aasawa

[Larawan sa pahina 7]

Paano niya pinakikitunguhan ang kaniyang mga magulang?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share