Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 2/15 p. 9-12
  • Malalaking Pamilya na Nagkakaisa sa Paglilingkod sa Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malalaking Pamilya na Nagkakaisa sa Paglilingkod sa Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Malalaking Pamilya Ngayon
  • Dapat na Maging Espirituwal na mga Tao ang mga Magulang
  • Pagtutulungan ng Grupo
  • Mabuting Komunikasyon,Magkaparehong mga Tunguhin
  • Pananalig kay Jehova
  • Huwag Kailanman Susuko!
  • Pagtatayo ng Isang Pamilyang May Matibay na Espirituwalidad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Isinasabalikat ang Pananagutan ng Pangangalaga sa Pamilya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Turuan ang Inyong mga Anak na Ibigin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Mga Magulang, Ilaan ang mga Pangangailangan ng Inyong Pamilya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 2/15 p. 9-12

Malalaking Pamilya na Nagkakaisa sa Paglilingkod sa Diyos

“Ang mga anak ay mana mula kay Jehova,” sulat ng Salmista. “Ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala. Tulad ng mga palaso sa kamay ng makapangyarihang lalaki, gayon ang mga anak ng kabataan. Maligaya ang matipunong lalaki na pinunô ang kaniyang talanga ng mga iyon.”​—AWIT 127:3-5.

OO, ANG mga anak ay maaaring maging isang pagpapala mula kay Jehova. At kung paanong nakasusumpong ng kasiyahan ang isang mámamanà sa pagkaalam kung paano itutudla ang mga pana sa kaniyang talanga, nakasusumpong din ng kaligayahan ang mga magulang kapag pinapatnubayan nila ang kanilang mga anak sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan.​—Mateo 7:14.

Noong unang panahon, karaniwan sa bayan ng Diyos ang mga pamilya na ‘pinunô ang kanilang mga talanga’ ng maraming anak. Halimbawa, isipin ang mga taon ng kanilang pagkabihag sa Ehipto: “Ang mga anak ni Israel ay naging palaanakin at nagsimulang kumapal ang bilang; at patuloy silang dumarami at lumalakas nang napakabilis, anupat ang lupain ay napuno nila.” (Exodo 1:7) Kung ihahambing ang bilang ng mga Israelita na pumasok sa Ehipto sa bilang ng mga umalis sa Ehipto ay nagpapahiwatig na katamtaman ang laki ng mga pamilyang may sampung anak!

Nang maglaon, si Jesus ay lumaki sa isang pamilya na maaaring tila malaki sa maraming pamilya ngayon. Panganay si Jesus, ngunit sina Jose at Maria ay nagkaroon ng apat pang anak na lalaki at ilang anak na babae. (Mateo 13:54-56) Ang pagkakaroon nila ng maraming anak ay malamang na siyang dahilan kung bakit hindi namalayan nina Jose at Maria na wala si Jesus sa kanilang grupo nang pabalik na sila mula sa Jerusalem.​—Lucas 2:42-46.

Malalaking Pamilya Ngayon

Sa ngayon, maraming Kristiyano ang nagpapasiyang takdaan ang laki ng kanilang mga pamilya sa espirituwal, pangkabuhayan, sosyal, at iba pang kadahilanan. Gayunpaman, pangkaraniwan pa rin sa maraming lipunan ang malalaking pamilya. Ayon sa The State of the World’s Children 1997, ang rehiyon na may pinakamataas na bilang ng pagkapalaanakin ay ang sub-Saharan sa Aprika. Doon, nagsisilang ang karaniwang babae ng anim na anak.

Para sa mga Kristiyanong magulang ng malalaking pamilya, hindi madali ang pagpapalaki sa kanilang mga anak upang ibigin ng mga ito si Jehova, subalit matagumpay na nagagawa ito ng marami. Ang tagumpay ay depende sa pagkakaisa ng pamilya sa dalisay na pagsamba. Ang mga salita ni apostol Pablo sa kongregasyon sa Corinto ay kapit din sa mga pamilyang Kristiyano sa ngayon. Siya’y sumulat: “Ngayon ay masidhi kong pinapayuhan kayo, mga kapatid, . . . na kayong lahat ay dapat magsalita nang magkakasuwato, at na hindi dapat na magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi na kayo ay lubos na magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Paano makakamit ang gayong pagkakaisa?

Dapat na Maging Espirituwal na mga Tao ang mga Magulang

Ang isang pangunahing salik ay dapat na maging lubusang matapat sa Diyos ang mga magulang. Isaalang-alang ang sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Dinggin mo, O Israel: Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova. At iibigin mo si Jehova na iyong Diyos ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo at ng buong lakas mo. At ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay dapat na mapatunayang nasa iyong puso; at dapat mong itimo sa iyong anak at salitain ang mga ito kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa daan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.”​—Deuteronomio 6:4-7.

Pansinin na binanggit ni Moises na ang mga utos ng Diyos ay kailangang ‘nasa puso’ ng mga magulang. Saka lamang regular na maibabahagi ng mga magulang ang espirituwal na pagtuturo sa kanilang mga anak. Sa katunayan, kung malakas sa espirituwal ang mga magulang, sabik nilang ituro sa kanilang mga anak ang espirituwal na mga bagay.

Upang maging isang espirituwal na tao at ibigin si Jehova ng buong puso, mahalagang basahin, bulay-bulayin, at ikapit ang Salita ng Diyos nang palagian. Sumulat ang salmista na ang isa na nalulugod sa batas ni Jehova at bumabasa nito “araw at gabi” ay “magiging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”​—Awit 1:2, 3.

Kung paanong nagbubunga ng mabuting bunga ang isang punungkahoy kapag ito’y palaging nadidiligan, sa katulad na paraan, nagluluwal din ng makadiyos na bunga ang mga pamilyang malusog sa espirituwal, sa kapurihan ni Jehova. Halimbawang-uri ang pamilya ni Uwadiegwu, na nakatira sa Kanlurang Aprika. Bagaman si Uwadiegwu at ang kaniyang asawa ay may walong anak, sila kapuwa ay naglilingkod bilang mga regular pioneer, o buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Sabi niya: “Pinanatili ng aming pamilya ang isang regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya sa nakalipas na 20 taon. Tinuruan namin ang mga bata ng Salita ng Diyos mula nang sila’y mga sanggol, hindi lamang sa panahon ng aming pampamilyang pag-aaral kundi sa ministeryo at sa iba pang panahon. Lahat ng aming mga anak ay mga tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian, at ang bunso lamang, na anim na taong gulang, ang hindi pa bautisado.”

Pagtutulungan ng Grupo

“Sa pamamagitan ng karunungan ay titibay ang isang sambahayan,” sabi ng Bibliya. (Kawikaan 24:3) Sa loob ng pamilya, ang gayong karunungan ay nagbubunga ng pagtutulungan ng grupo. Ang ama ang “kapitan” sa koponan ng pamilya; siya ang inatasan-ng-Diyos na ulo ng sambahayan. (1 Corinto 11:3) Idiniin ng kinasihang si apostol Pablo ang pagiging seryoso ng pananagutan ng pagkaulo nang isulat niya: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan [kapuwa sa materyal at espirituwal] para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.”​—1 Timoteo 5:8.

Kasuwato ng payong ito mula sa Salita ng Diyos, kailangang pangalagaan ng Kristiyanong mga asawang lalaki ang espirituwalidad ng kani-kanilang asawa. Kung nabibigatan sa mga gawain sa bahay ang mga asawang babae, magdurusa ang kanilang espirituwalidad. Sa isang lupain sa Aprika, nagreklamo ang isang bagong bautisadong Kristiyano sa matatanda sa kaniyang kongregasyon na ang kaniyang asawang babae ay waring mapagwalang-bahala sa espirituwal na mga bagay. Nahiwatigan ng matatanda na ang kaniyang asawang babae ay nangangailangan ng praktikal na tulong. Kaya sinimulan ng asawang lalaki na tulungan ito sa mga gawain sa bahay. Gumugol din siya ng panahon sa pagtulong dito na mapasulong ang pagbabasa nito at kaalaman nito sa Bibliya. Ang asawang babae ay tumugon nang mainam, at ngayon ang buong pamilya ay nagkakaisa sa paglilingkod sa Diyos.

Kailangan ding mabahala ang mga ama sa espirituwalidad ng kanilang mga anak. Ganito ang sulat ni Pablo: “Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Kapag sinusunod ng mga magulang ang payo na huwag inisin ang kanilang mga anak, gayundin ang utos na sanayin ang mga ito, nadarama ng mga bata na sila’y bahagi ng pamilya. Bunga nito, malamang na ang mga bata’y magtulungan at magpatibayan sa isa’t isa upang maabot ang espirituwal na mga tunguhin.

Kasama sa pagtutulungan ng grupo ang pagbibigay sa mga anak ng espirituwal na mga pananagutan kapag handa na sila para sa mga ito. Isang ama, isang Kristiyanong matanda na may 11 anak, ang nagigising nang maaga at nagdaraos ng mga pag-aaral sa ilan sa kanila bago siya magtungo sa trabaho. Ang mga nakatatanda, pagkatapos ng kanilang bautismo, ay naghahalinhinan sa pagtulong sa kanilang mga nakababatang kapatid na lalaki at babae, na kasali ang pakikibahagi sa pagtuturo sa kanila ng Bibliya. Ang ama ang nangangasiwa, na pinapupurihan ang kanilang mga pagsisikap. Anim sa mga anak ay bautisado na, at ang iba ay patuloy na nagsisikap upang maabot ang tunguhing ito.

Mabuting Komunikasyon,Magkaparehong mga Tunguhin

Mahalaga sa pagkakaisa ng mga pamilya ang maibiging komunikasyon at magkaparehong espirituwal na mga tunguhin. Si Gordon, isang Kristiyanong matanda na nakatira sa Nigeria, ay ama ng pitong anak na ang mga agwat ay mula 11 hanggang 27 taóng gulang. Anim sa kanila ay mga payunir, katulad ng mga magulang. Ang bunso, na bagong bautismo pa lamang, ay regular na nakikibahagi sa paggawa ng alagad na kasama ng iba pa sa pamilya. Ang dalawang anak na lalaki na nasa hustong gulang na ay mga ministeryal na lingkod sa kongregasyon.

Personal na isinasagawa ni Gordon ang mga pag-aaral sa Bibliya sa bawat isa sa kaniyang mga anak. Bukod pa riyan, ang pamilya ay may malawak na programa ng edukasyon sa Bibliya. Tuwing umaga ay nagtitipon sila upang isaalang-alang ang isang teksto sa Bibliya at pagkatapos ay naghahanda para sa mga pulong sa kongregasyon.

Ang isa sa mga tunguhin na itinakda para sa bawat miyembro ng pamilya ay ang basahin ang lahat ng artikulo sa mga magasing Bantayan at Gumising! Kamakailan, idinagdag nila sa kanilang rutin ang pang-araw-araw na pagbabasa ng Bibliya. Sa pamamagitan ng pag-uusap tungkol sa kanilang nabasa, napatitibay ng mga miyembro ng pamilya ang isa’t isa na ipagpatuloy ang kaugaliang ito.

Naitatag nang husto ang lingguhang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya anupat wala nang kailangang paalalahanan​—ang lahat ay nananabik dito. Sa nakalipas na mga taon, ang paksa, kaayusan, at tagal ng pampamilyang pag-aaral ay iba-iba ayon sa mga edad at pangangailangan ng mga bata. Ang pamilya ay naging malapit sa iba pang tapat na mga lingkod ng Diyos, at ito’y nagkaroon ng kapaki-pakinabang na epekto sa mga bata.

Bilang isang pamilya, magkakasama silang gumagawa ng mga bagay-bagay at nagtatakda ng panahon para sa paglilibang. Minsan sa isang linggo ay nagkakasayahan sila sa isang “gabi ng pamilya,” na nagtatampok ng mga maikling pagsusulit, nakatutuwang pagbibiruan, pagtugtog ng piyano, pagkukuwentuhan, at basta pagrerelaks nilang lahat. Paminsan-minsan, nagpupunta sila sa dalampasigan at iba pang kawili-wiling lugar.

Pananalig kay Jehova

Hindi ipinagwawalang-bahala ng mga nabanggit ang hirap ng pagtataguyod sa malalaking pamilya. “Malaking hamon ang maging isang mabuting ama sa walong anak,” sabi ng isang Kristiyano. “Kailangan ang saganang materyal at espirituwal na pagkain upang sila’y lumakas; kailangan kong magtrabaho nang husto upang kumita ng sapat na panustos nila. Mga tin-edyer na ang nakatatandang mga anak, at ang walo ay nag-aaral. Batid kong mahalaga ang espirituwal na pagsasanay, subalit ang ilan sa mga anak ko ay matitigas ang ulo at masuwayin. Pinalulungkot nila ako, subalit alam ko na kung minsan ay gumagawa ako ng mga bagay na nagpapalungkot sa puso ni Jehova, at pinatatawad niya ako. Kaya dapat na patuloy na may pagtitiis kong ituwid ang aking mga anak hanggang sa sila’y tumino.

“Sinikap kong sundin ang halimbawa ni Jehova sa bagay na siya’y matiisin sa atin sapagkat nais niyang ang lahat ay magsisi. Pinagdarausan ko ng pag-aaral ang aking pamilya, at ang ilan sa aking mga anak ay nagsisikap na maabot ang tunguhin ng bautismo. Hindi ako umaasa sa aking sariling lakas upang matamo ang mga resulta; kaunti lamang ang magagawa ng aking lakas. Sinisikap kong maging lalong malapit kay Jehova sa panalangin at ikapit ang kawikaan na nagsasabing: ‘Magtiwala ka kay Jehova ng buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling unawa. Alalahanin mo siya sa lahat ng iyong daan, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.’ Tutulungan ako ni Jehova na matupad ang pagsasanay sa aking mga anak.”​—Kawikaan 3:5, 6.

Huwag Kailanman Susuko!

Kung minsan tila isang atas na hindi pinasasalamatan ang pagsasanay ng mga anak, subalit huwag kailanman susuko! Magtiyaga ka! Kung hindi positibong tumutugon o nagpapahalaga ang iyong mga anak sa iyong mga pagsisikap ngayon, maaaring gawin nila ito sa dakong huli. Nangangailangan ng panahon upang ang isang bata ay lumaki at maging isang Kristiyanong nagpapamalas ng bunga ng espiritu.​—Galacia 5:22, 23.

Si Monica, na nakatira sa Kenya, ay isa sa sampung anak. Aniya: “Tinuruan kami ng aking mga magulang ng katotohanan sa Bibliya mula pa sa aming pagkasanggol. Si Itay ay nakikipag-aral sa amin ng mga Kristiyanong publikasyon linggu-linggo. Dahil sa kaniyang trabaho, ang pag-aaral ay hindi palaging sa parehong araw. Kung minsan, pagdating niya ng bahay mula sa trabaho, nakikita niya kaming naglalaro sa labas at sinasabihan kaming sa loob ng limang minuto ay pumasok na kaming lahat para sa aming pag-aaral ng Bibliya. Pagkatapos ng aming pag-aaral sa Bibliya, kami’y hinihimok na magtanong o ipakipag-usap ang anumang problema.

“Tinitiyak niya na kami’y nakikisama sa makadiyos na mga bata. Regular na dumadalaw si itay sa paaralan upang tanungin ang mga guro tungkol sa aming paggawi. Nang minsan na siya ay dumalaw ay nabalitaan niyang nakipag-away ang tatlo kong nakatatandang kapatid na lalaki sa ibang batang lalaki at kung minsan sila’y walang-galang. Pinarusahan sila ni itay dahil sa masamang asal, subalit gumugol din siya ng panahon upang ipaliwanag buhat sa Kasulatan kung bakit kailangan nilang gumawi sa makadiyos na paraan.

“Ipinakita sa amin ng aming mga magulang ang mga pakinabang ng pagdalo sa mga pulong sa pamamagitan ng paghahanda ng mga bahagi sa pulong na kasama namin. Sinanay kaming maging mga ministro sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga sesyon ng pagsasanay sa bahay. Kasama kami ng aming mga magulang sa paglilingkod sa larangan mula pa sa pagkasanggol.

“Ngayon, ang dalawa kong nakatatandang kapatid na lalaki ay mga special pioneer, regular pioneer naman ang isa kong kapatid na babae, at ang isa ko pang kapatid na babae, na may-asawa at may pamilya, ay isang masigasig na Saksi. Ang dalawa kong nakababatang kapatid na babae, na 18 at 16 na taong gulang, ay mga bautisadong mamamahayag. Sinasanay naman ang dalawang nakababatang kapatid na lalaki. Tatlong taon na akong naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Kenya. Minamahal at pinahahalagahan ko ang aking mga magulang sapagkat sila’y mga espirituwal na tao; nagpakita sila ng mahusay na halimbawa sa amin.”

Gaano man karami ang mga anak mo, huwag kailanman susuko sa pagtulong sa kanila sa landas patungo sa buhay na walang hanggan. Habang pinagpapala ni Jehova ang iyong mga pagsisikap, uulitin mo ang mga salita ni apostol Juan tungkol sa kaniyang espirituwal na mga anak: “Wala na akong mas dakila pang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”​—3 Juan 4.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share