Hindi Kailanman Nabibigo ang Daan ng Pag-ibig
“Patuloy na hanapin nang may kasigasigan ang mas dakilang mga kaloob. Gayunma’y ipakikita ko sa inyo ang isang nakahihigit na daan.”—1 CORINTO 12:31.
1-3. (a) Paanong ang pagkatutong magpamalas ng pag-ibig ay katulad na katulad ng pagkatuto ng isang bagong wika? (b) Anong mga salik ang nagpapangyaring maging isang hamon ang pagkatutong magpamalas ng pag-ibig?
NASUBUKAN mo na bang mag-aral ng isang bagong wika? Sabihin pa, isa itong hamon! Totoo, sa pagkarinig lamang dito ay matututuhan na ng isang munting bata ang isang wika. Talagang sinisipsip ng kaniyang utak ang tunog at kahulugan ng mga salita, kung kaya hindi nagtatagal at ang paslit ay nakapagsasalita nang may kahusayan, marahil nang walang tigil. Hindi gayon sa mga nasa hustong gulang na. Paulit-ulit tayong naghahanap sa isang diksyunaryo ng ibang wika upang makabisado lamang ang ilang saligang pananalita sa isang banyagang wika. Subalit sa kalaunan at kung may sapat na pagsasanay, nagsisimula tayong mag-isip sa bagong wika at nagiging madali na ang pagsasalita nito.
2 Ang pagkatutong magpamalas ng pag-ibig ay katulad na katulad ng pagkatuto ng isang bagong wika. Totoo, likas na sa mga tao ang isang antas ng ganitong makadiyos na katangian. (Genesis 1:27; ihambing ang 1 Juan 4:8.) Gayunpaman, higit sa karaniwang pagsisikap ang kailangan upang matutong magpamalas ng pag-ibig—lalo na sa ngayon, na may kasalatan sa likas na pagmamahal. (2 Timoteo 3:1-5) Ito kung minsan ang kalagayan sa pamilya mismo. Oo, marami ang lumalaki sa isang malupit na kapaligiran kung saan bihirang marinig ang maibiging pananalita—kung naririnig man ito. (Efeso 4:29-31; 6:4) Paano tayo, kung gayon, matututong magpamalas ng pag-ibig—kahit na bihira lamang nating maranasan ito?
3 Makatutulong ang Bibliya. Sa 1 Corinto 13:4-8, naglaan si Pablo, hindi ng isang walang-buhay na katuturan ng pag-ibig, kundi ng isang malinaw na paglalarawan kung paano kumikilos ang pinakamataas na uring ito ng pag-ibig. Ang pagsasaalang-alang sa ilang talatang ito ay tutulong sa atin na maunawaan ang pinagmulan ng banal na katangiang ito at higit na magsasangkap sa atin upang maipamalas ito. Tingnan natin ang ilang pitak ng pag-ibig ayon sa paglalarawan ni Pablo. Malawakan nating isasaalang-alang ang mga ito ayon sa tatlong kategorya: ang ating paggawi sa pangkalahatan; pagkatapos, higit na espesipiko, ang ating kaugnayan sa iba; at, bilang panghuli, ang ating pagbabata.
Tinutulungan Tayo ng Pag-ibig Upang Daigin ang Pagmamapuri
4. Anong malalim na unawa ang inilalaan ng Bibliya tungkol sa paninibugho?
4 Pagkatapos ng mga unang komento niya tungkol sa pag-ibig, sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto: “Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin.” (1 Corinto 13:4) Maaaring mahayag ang paninibugho sa nadaramang inggit at pagkadi-kontento sa pagsulong o tagumpay ng iba. Nakapipinsala ang gayong paninibugho—sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan.—Kawikaan 14:30; Roma 13:13; Santiago 3:14-16.
5. Paano tayo matutulungan ng pag-ibig na madaig ang paninibugho kapag tayo’y waring nilampasan sa ilang teokratikong pribilehiyo?
5 Dahil dito, tanungin ang iyong sarili, ‘Naiinggit ba ako kapag ako’y waring nilampasan para sa ilang teokratikong pribilehiyo?’ Kung ang sagot ay oo, huwag masiraan ng loob. Ipinaalaala sa atin ng manunulat ng Bibliya na si Santiago na ang lahat ng taong di-sakdal ay “nakahilig sa pagkainggit.” (Santiago 4:5) Ang pag-ibig sa iyong kapatid ay makatutulong sa iyo na maibalik ang iyong pagiging timbang. Uudyukan ka nito na makigalak sa mga nagagalak at huwag ituring na isang personal na paghamak kapag iba ang nakatanggap ng pagpapala o papuri.—Ihambing ang 1 Samuel 18:7-9.
6. Anong matinding situwasyon ang nangyari sa kongregasyon sa Corinto noong unang siglo?
6 Idinagdag ni Pablo na ang pag-ibig ay ‘hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki.’ (1 Corinto 13:4) Kung tayo ay may talino o kakayahan, hindi kailangang ipangalandakan iyon. Lumilitaw na ito ang suliranin sa ilang ambisyosong tao na nakapuslit sa kongregasyon sa sinaunang Corinto. Maaaring nakahihigit ang kakayahan nila sa pagpapaliwanag ng mga ideya o mas mahusay sila sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ang pagtawag nila ng pansin para sa kanilang sarili ay maaaring naging dahilan ng pagkakabaha-bahagi ng kongregasyon. (1 Corinto 3:3, 4; 2 Corinto 12:20) Naging gayon na lamang katindi ang situwasyon anupat kinailangang sawayin ni Pablo noong dakong huli ang mga taga-Corinto dahil sa ‘pinagtitiisan nila ang mga taong di-makatuwiran,’ na mariing inilarawan ni Pablo bilang “ubod-galing na mga apostol.”—2 Corinto 11:5, 19, 20.
7, 8. Ipakita mula sa Bibliya kung paano natin magagamit ang anumang likas na talinong taglay natin upang itaguyod ang pagkakaisa.
7 Maaaring lumitaw ngayon ang katulad na situwasyon. Halimbawa, baka may hilig ang ilan na ipaghambog ang kanilang mga nagawa sa ministeryo o ang kanilang mga pribilehiyo sa organisasyon ng Diyos. Kahit na mayroon tayong partikular na kasanayan o kakayahan na hindi taglay ng iba sa kongregasyon, magbibigay ba iyan ng dahilan para tayo magmataas? Kung sa bagay, dapat nating gamitin ang anumang likas na talinong taglay natin upang itaguyod ang pagkakaisa—hindi ang ating sarili.—Mateo 23:12; 1 Pedro 5:6.
8 Sumulat si Pablo na bagaman ang isang kongregasyon ay may maraming miyembro, “binuo ng Diyos ang katawan.” (1 Corinto 12:19-26) Ang salitang Griego na isinaling “binuo” ay nagpapahiwatig ng bumabagay na paghahalo, gaya sa pagtitimpla ng mga kulay. Kaya walang sinuman sa kongregasyon ang dapat magmalaki tungkol sa kaniyang mga kakayahan at magsikap na mangibabaw sa iba. Ang pagmamapuri at ambisyon ay walang dako sa organisasyon ng Diyos.—Kawikaan 16:19; 1 Corinto 14:12; 1 Pedro 5:2, 3.
9. Anong babalang mga halimbawa ang inilalaan ng Bibliya tungkol sa mga indibiduwal na naghahanap ng kanilang sariling kapakanan?
9 Ang pag-ibig ay “hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito.” (1 Corinto 13:5) Hindi iimpluwensiyahan ng isang maibiging tao ang iba upang masunod lamang ang gusto niya. May mga babalang halimbawa ang Bibliya hinggil sa bagay na ito. Halimbawa: Nababasa natin ang tungkol kina Delila, Jezebel, at Athalia—mga babaing kumontrol sa ibang tao para sa kanilang mapag-imbot na mga layunin. (Hukom 16:16; 1 Hari 21:25; 2 Cronica 22:10-12) Nariyan din ang anak ni Haring David na si Absalom. Sinasalubong niya yaong mga pumupunta sa Jerusalem na may dalang kaso at buong-katusuhang ipahihiwatig na ang korte ng hari ay walang taimtim na interes sa kanilang mga suliranin. Pagkatapos ay tahasan niyang sasabihin na ang talagang kailangan ng korte ay isang madamaying tao na katulad niya! (2 Samuel 15:2-4) Sabihin pa, si Absalom ay interesado, hindi sa mga naaapi, kundi sa kaniyang sarili lamang. Palibhasa’y kumilos na parang isang haring humirang sa sarili, naantig niya ang puso ng marami. Ngunit dumating ang panahon, napahamak si Absalom. Nang mamatay siya, hindi man lamang siya naging karapat-dapat sa isang disenteng libing.—2 Samuel 18:6-17.
10. Paano natin maipakikita na binibigyang-pansin natin ang kapakanan ng iba?
10 Ito ay isang babala sa mga Kristiyano ngayon. Lalaki man o babae, baka tayo ay may likas na kakayahang manghikayat. Baka madali para sa atin na makuha ang gusto natin, wika nga, sa pamamagitan ng pangingibabaw sa isang usapan o sa pamamagitan ng pagdaig sa mga may ibang pangmalas. Subalit kung talagang maibigin tayo, bibigyang-pansin natin ang kapakanan ng iba. (Filipos 2:2-4) Hindi natin aabusuhin ang iba o itataguyod ang kahina-hinalang mga ideya dahil sa ating karanasan o sa ating posisyon sa organisasyon ng Diyos, na para bang ang mga pananaw lamang natin ang dapat isaalang-alang. Sa halip, tatandaan natin ang kawikaan sa Bibliya: “Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang espiritu ng pagmamataas ay nangunguna sa pagkabuwal.”—Kawikaan 16:18.
Ang Pag-ibig ay Nagtataguyod ng Mapayapang Ugnayan
11. (a) Sa anu-anong paraan maipakikita natin na ang pag-ibig ay kapuwa mabait at disente? (b) Paano natin maipakikita na hindi tayo nagagalak sa kalikuan?
11 Isinulat din ni Pablo na ang pag-ibig ay “mabait” at “hindi gumagawi nang hindi disente.” (1 Corinto 13:4, 5) Oo, dahil sa pag-ibig ay hindi tayo gagawi nang magaspang, mahalay, o walang-galang. Sa halip, isasaalang-alang natin ang damdamin ng iba. Halimbawa, iiwasan ng isang taong maibigin na gumawa ng mga bagay na babagabag sa budhi ng iba. (Ihambing ang 1 Corinto 8:13.) Ang pag-ibig ay ‘hindi nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan.’ (1 Corinto 13:6) Kung iniibig natin ang batas ni Jehova, hindi natin ipagkikibit-balikat ang imoralidad o kagigiliwan ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos. (Awit 119:97) Tutulungan tayo ng pag-ibig na masiyahan sa mga bagay na nakapagpapatibay sa halip na nakasisira ng loob.—Roma 15:2; 1 Corinto 10:23, 24; 14:26.
12, 13. (a) Paano tayo dapat tumugon kapag ang isa ay nagkasala sa atin? (b) Bumanggit ng mga halimbawa sa Bibliya upang ipakita na kahit ang makatuwirang galit ay maaaring mag-udyok sa atin na kumilos sa di-matalinong paraan.
12 Isinulat ni Pablo na ang pag-ibig ay “hindi napupukaw sa galit” (“hindi maramdamin,” Phillips). (1 Corinto 13:5) Totoo, normal lamang sa ating mga taong di-sakdal na mainis o magalit kapag may nagkasala sa atin. Gayunman, hindi tama na maghinanakit o magpatuloy sa kalagayang pukaw sa galit. (Awit 4:4; Efeso 4:26) Kung hindi susupilin, kahit ang makatuwirang galit ay maaaring mag-udyok sa atin na kumilos sa di-matalinong paraan, at maaari tayong papanagutin ni Jehova dahil dito.—Genesis 34:1-31; 49:5-7; Bilang 12:3; 20:10-12; Awit 106:32, 33.
13 Pinahintulutan ng ilan ang di-kasakdalan ng iba na makaapekto sa kanilang pasiya na dumalo sa mga pulong Kristiyano o makibahagi sa ministeryo sa larangan. Noon, marami sa mga ito ang nagtiis ng mahirap na pakikipaglaban ukol sa pananampalataya, marahil nagbata ng pagsalansang ng pamilya, pagtuya ng mga kamanggagawa, at ng katulad nito. Nagbata sila ng gayong mga hadlang dahil minamalas nila ang mga ito bilang mga pagsubok sa integridad, at angkop lamang na gayon. Subalit paano kung ang isang kapuwa Kristiyano ay nakapagsalita o nakagawa ng isang bagay na salat sa pag-ibig? Hindi ba isa rin itong pagsubok sa integridad? Tunay na gayon nga, sapagkat kung mananatili tayo sa kalagayang pukaw sa galit, maaari tayong “magbigay ng dako sa Diyablo.”—Efeso 4:27.
14, 15. (a) Ano ang ibig sabihin ng ‘pagbilang ng pinsala’? (b) Paano natin matutularan si Jehova sa pagiging mapagpatawad?
14 Taglay ang mabuting dahilan, idinagdag ni Pablo na ang pag-ibig ay ‘hindi nagbibilang ng pinsala.’ (1 Corinto 13:5) Dito ay gumamit siya ng terminong pang-accounting, maliwanag na upang ipahiwatig ang akto ng paglilista ng pagkakasala sa isang ledger upang hindi ito makalimutan. Pag-ibig ba ang gumawa ng permanenteng rekord sa isipan ng tungkol sa nakasasakit na salita o gawa, na para bang kakailanganin nating ungkatin iyon sa hinaharap? Natutuwa tayo na hindi tayo sinisiyasat ni Jehova sa gayong walang-awang paraan! (Awit 130:3) Oo, kapag nagsisisi tayo, binubura niya ang ating mga pagkakamali.—Gawa 3:19.
15 Matutularan natin si Jehova sa bagay na ito. Hindi tayo dapat na maging maramdamin kapag sa wari’y minaliit tayo ng iba. Kung madali tayong magalit, baka higit nating masaktan ang ating sarili kaysa sa magagawa ng taong nagkasala sa atin. (Eclesiastes 7:9, 22) Sa halip, kailangan nating tandaan na “pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.” (1 Corinto 13:7) Mangyari pa, walang sinuman sa atin ang nagnanais na malinlang, subalit hindi rin naman tayo dapat na labis na maghinala sa motibo ng ating mga kapatid. Saanma’t posible, isipin natin na ang iba ay wala namang masamang intensiyon.—Colosas 3:13.
Tinutulungan Tayo ng Pag-ibig Upang Magbata
16. Sa anong mga kalagayan matutulungan tayo ng pag-ibig upang magkaroon ng mahabang-pagtitiis?
16 Pagkatapos ay sinabi sa atin ni Pablo na “ang pag-ibig ay may mahabang-pagtitiis.” (1 Corinto 13:4) Pinapangyayari nito na matiis natin ang mahihirap na kalagayan, marahil sa loob ng mahabang yugto ng panahon. Halimbawa, maraming Kristiyano ang ilang taon nang namumuhay sa isang sambahayang nababahagi dahil sa relihiyon. Ang iba ay walang asawa, hindi dahil sa iyon ang pinili nila, kundi dahil sa hindi sila makatagpo ng angkop na mapapangasawa “sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39; 2 Corinto 6:14) Nariyan naman yaong nakikipagpunyagi sa mga suliranin sa kalusugan. (Galacia 4:13, 14; Filipos 2:25-30) Ang totoo, sa ganitong di-sakdal na sistema, walang sinuman ang may kalagayan sa buhay na hindi nangangailangan ng isang uri ng pagbabata.—Mateo 10:22; Santiago 1:12.
17. Ano ang tutulong sa atin na mabata ang lahat ng bagay?
17 Tinitiyak sa atin ni Pablo na “tinitiis [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay, . . . inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay.” (1 Corinto 13:7) Ang pag-ibig kay Jehova ay magpapangyari sa atin na batahin ang anumang situwasyon alang-alang sa katuwiran. (Mateo 16:24; 1 Corinto 10:13) Hindi tayo nagpapakamartir. Sa kabaligtaran, layunin nating mamuhay nang payapa at tahimik. (Roma 12:18; 1 Tesalonica 4:11, 12) Gayunpaman, kapag bumangon ang mga pagsubok sa pananampalataya, malugod nating binabata ang mga ito bilang bahagi ng halaga ng pagiging Kristiyanong alagad. (Lucas 14:28-33) Habang nagbabata tayo, sinisikap nating mapanatili ang isang positibong pananaw, anupat umaasa sa pinakamabuting kalalabasan sa kabila ng napakahirap na mga situwasyon.
18. Paanong kailangan ang pagbabata maging sa kaayaayang panahon?
18 Hindi lamang kapighatian ang tanging pagkakataong nangangailangan ng pagbabata. Kung minsan, ang pagbabata ay nangangahulugan lamang ng pananatili at pagpapatuloy sa isang itinakdang landasin kahit mayroon o walang mahihirap na kalagayan. Kasali sa pagbabata ang pag-iingat ng isang mabuting espirituwal na rutin. Halimbawa, mayroon ka bang makabuluhang pakikibahagi sa ministeryo, ayon sa iyong kalagayan? Nagbabasa at nagbubulay-bulay ka ba ng Salita ng Diyos at nakikipag-usap sa iyong makalangit na Ama sa pamamagitan ng panalangin? Regular ka bang dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon, at nakikinabang ka ba sa pagpapalitan ng pampatibay-loob kasama ng iyong mga kapananampalataya? Kung gayon, kasalukuyan mang dumaranas ng kaayaayang panahon o ng maligalig na panahon, ikaw ay nagbabata. Huwag kang susuko, “sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”—Galacia 6:9.
Pag-ibig—“Isang Nakahihigit na Daan”
19. Paano “isang nakahihigit na daan” ang pag-ibig?
19 Idiniin ni Pablo ang kahalagahan ng pagpapahayag ng pag-ibig sa pamamagitan ng pagtukoy sa makadiyos na katangiang ito bilang “isang nakahihigit na daan.” (1 Corinto 12:31) “Nakahihigit” sa anong diwa? Buweno, katatapos lamang na isa-isahin ni Pablo ang mga kaloob ng espiritu, na pangkaraniwan sa mga Kristiyano noong unang siglo. Ang ilan ay nakapanghula, ang iba ay binigyang-kapangyarihan na makapagpagaling ng mga sakit, marami ang binigyan ng kakayahang magsalita ng mga wika. Tunay na kamangha-manghang mga kaloob! Gayunman, sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Kung nagsasalita ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel ngunit walang pag-ibig, ako ay naging isang tumutunog na piraso ng tanso o isang tumataguntong na simbalo. At kung mayroon akong kaloob na panghuhula at may kabatiran sa lahat ng sagradong lihim at sa lahat ng kaalaman, at kung taglay ko ang lahat ng pananampalataya upang maglipat ng mga bundok, ngunit walang pag-ibig, ako ay walang kabuluhan.” (1 Corinto 13:1, 2) Oo, kahit ang mahahalagang gawa ay magiging “patay na mga gawa” kung hindi pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang motibo nito.—Hebreo 6:1.
20. Bakit kailangan ang patuluyang pagsisikap kung nais nating maglinang ng pag-ibig?
20 Nagbigay sa atin si Jesus ng isa pang dahilan kung bakit dapat nating linangin ang makadiyos na katangian ng pag-ibig. “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad,” sabi niya, “kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang salitang “kung” ay nagpapakitang nakasalalay sa bawat Kristiyano kung siya man ay matututong magpamalas ng pag-ibig. Tutal, ang paninirahan lamang sa ibang bansa ay hindi sa ganang sarili nito pumipilit sa atin na mag-aral magsalita ng wika nito. Ni ang basta pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall o pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano ay kusang magtuturo sa atin na magpahayag ng pag-ibig. Nangangailangan ng patuluyang pagsisikap ang pagkatuto ng “wika[ng]” ito.
21, 22. (a) Paano tayo dapat tumugon kung hindi tayo nakaaabot sa isang aspekto ng pag-ibig na tinalakay ni Pablo? (b) Sa anong paraan masasabi na “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo”?
21 Kung minsan, hindi ka makaaabot sa isang aspekto ng pag-ibig na tinalakay ni Pablo. Subalit huwag masiraan ng loob. Magmatiyaga ka. Patuloy kang sumangguni sa Bibliya at ikapit ang mga simulain nito sa iyong pakikitungo sa iba. Huwag kalimutan kailanman ang halimbawang ipinakita ni Jehova mismo sa atin. Nagpayo si Pablo sa mga taga-Efeso: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay malayang nagpatawad din sa inyo.”—Efeso 4:32.
22 Kung paanong nagiging mas madali sa dakong huli ang makapagpahayag ng sarili sa isang bagong wika, sa kalaunan ay malamang na masumpungan mong nagiging mas madali ang magpakita ng pag-ibig. Tinitiyak sa atin ni Pablo na “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:8) Di-tulad ng makahimalang mga kaloob ng espiritu, hindi maglalaho ang pag-ibig. Kaya patuloy na ipamalas ang ganitong makadiyos na katangian. Gaya ng tawag dito ni Pablo, ito ay “isang nakahihigit na daan.”
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Paano tayo matutulungan ng pag-ibig upang madaig ang pagmamapuri?
◻ Sa anu-anong paraan makatutulong sa atin ang pag-ibig upang maitaguyod ang kapayapaan sa kongregasyon?
◻ Paano makatutulong sa atin ang pag-ibig upang makapagbata?
◻ Paano “isang nakahihigit na daan” ang pag-ibig?
[Larawan sa pahina 19]
Tutulungan tayo ng pag-ibig upang palampasin ang mga pagkakamali ng ating mga kapananampalataya
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang pagbabata ay nangangahulugan ng pagpapanatili ng ating teokratikong rutin