Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 3/1 p. 13-18
  • “Ang Templo” at “ang Pinuno” Ngayon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ang Templo” at “ang Pinuno” Ngayon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ikaw at ang Templo
  • Isang Tapat na Pagkasaserdote
  • Ang Pinuno​—Sino Siya?
  • Ang Lupain ng Bayan ng Diyos Ngayon
  • “Ilagak Mo ang Iyong Puso” sa Templo ng Diyos!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • “Ito ang Kautusan sa Templo”
    Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova
  • “Ilarawan Mo ang Templo”
    Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ezekiel—II
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 3/1 p. 13-18

“Ang Templo” at “ang Pinuno” Ngayon

“Hinggil sa pinuno na nasa gitna nila, kapag sila ay pumapasok, siya ay dapat na pumasok; at kapag sila’y lumalabas, siya ay dapat na lumabas.”​—EZEKIEL 46:10.

1, 2. Anong susing katotohanan ang tumutulong sa atin upang maunawaan ang kalakhang bahagi ng kahulugan ng pangitain ni Ezekiel hinggil sa templo?

MAY ilang sinaunang rabbing Judio na hindi lubusang nasisiyahan sa aklat ng Ezekiel. Ayon sa Talmud, binalak pa man din ng ilan sa kanila na alisin ang aklat mula sa kanon ng Banal na Kasulatan. Nahirapan sila lalo na sa pangitain tungkol sa templo at sinabi nilang ito’y imposibleng maunawaan ng tao. Nalilito naman ang iba pang mga iskolar ng Bibliya sa pangitain ni Ezekiel hinggil sa templo ni Jehova. Kumusta naman tayo?

2 Mula nang isauli ang dalisay na pagsamba, pinagpala na ni Jehova ang kaniyang bayan ng maraming kislap ng espirituwal na unawa, kalakip na ang pagkaunawa sa kung ano ang espirituwal na templo ng Diyos​—ang tulad-templong kaayusan ni Jehova ukol sa dalisay na pagsamba.a Ang susing katotohanang ito ay tumutulong sa atin na maunawaan ang kalakhang bahagi ng kahulugan ng pangitain ni Ezekiel hinggil sa templo. Higit pa nating isaalang-alang ang apat na bahagi ng pangitaing ito​—ang templo, ang pagkasaserdote, ang pinuno, at ang lupain. Ano ang kahulugan ng mga ito sa ngayon?

Ikaw at ang Templo

3. Ano ang natututuhan natin tungkol sa napakataas na kisame at sa nililok na mga larawan na nasa mga dingding sa mga pasukan ng templo?

3 Ipagpalagay natin na tayo’y lumilibot sa templong ito sa pangitain. Umaakyat tayo ng pitong baytang patungo sa isa sa malalaking pintuang-daan. Habang nakatayo tayo sa loob ng pasukang ito, tayo’y tumitingala nang may panggigilalas. Ang kisame ay mahigit sa 30 metro ang taas sa atin! Sa gayon ay pinapaalalahanan tayo na totoong mataas ang mga pamantayan para makapasok sa kaayusan ni Jehova ukol sa pagsamba. Mga silahis ng liwanag mula sa mga bintana ang nagbibigay-liwanag sa mga nililok na larawan ng mga puno ng palma na nasa mga dingding, na siyang ginagamit ng Kasulatan upang lumarawan sa pagiging matuwid. (Awit 92:12; Ezekiel 40:14, 16, 22) Ang sagradong dakong ito ay ukol sa mga taong matuwid sa moral at sa espirituwal. Kasuwato nito, tayo ay nagnanais na manatiling matuwid upang maging kaayaaya kay Jehova ang ating pagsamba.​—Awit 11:7.

4. Sino ang hindi pinapayagang makapasok sa templo, at ano ang itinuturo nito sa atin?

4 Sa magkabilang panig ng pasilyo, may tatlong silid-bantayan. Pahihintulutan ba tayo ng mga bantay na makapasok sa loob ng templo? Sinabi ni Jehova kay Ezekiel na walang banyaga na “hindi tuli sa puso” ang makapapasok. (Ezekiel 40:10; 44:9) Ano ang kahulugan nito? Ang tinatanggap lamang ng Diyos bilang mga mananamba ay yaong mga umiibig sa kaniyang mga kautusan at namumuhay ayon sa mga ito. (Jeremias 4:4; Roma 2:29) Malugod niyang tinatanggap ang mga ito sa kaniyang espirituwal na tolda, ang kaniyang bahay ng pagsamba. (Awit 15:1-5) Magmula nang isauli ang dalisay na pagsamba noong 1919, ang makalupang organisasyon ni Jehova ay nagtataguyod at pasulong na nagbibigay-linaw sa kaniyang mga kautusang moral. Yaong mga kusang tumatangging sumunod ay hindi na tinatanggap upang makisama sa kaniyang bayan. Sa ngayon, ang salig-sa-Bibliya na gawaing pagtitiwalag sa mga di-nagsisising nagkasala ay nakatulong upang maingatang malinis at dalisay ang ating pagsamba.​—1 Corinto 5:13.

5. (a) Ano ang pagkakahawig sa pangitain ni Ezekiel at sa pangitain ni Juan na nakaulat sa Apocalipsis 7:9-​15? (b) Sa pangitain ni Ezekiel, kanino lumalarawan ang 12 tribo na sumasamba sa looban sa dakong labas?

5 Ang pasilyo ay umaabot hanggang sa looban sa dakong labas, na doo’y sinasamba at pinupuri ng bayan si Jehova. Ito’y nagpapaalaala sa atin ng pangitain ni apostol Juan tungkol sa “malaking pulutong” na sumasamba kay Jehova “araw at gabi sa kaniyang templo.” Ang mga puno ng palma ay lumilitaw sa dalawang pangitaing ito. Sa pangitain ni Ezekiel, naging dekorasyon ang mga ito sa mga dingding ng pasukan. Sa pangitain ni Juan, ang mga mananamba ay may hawak na sanga ng palma sa kanilang mga kamay, na sumasagisag sa kanilang kagalakan sa pagpuri kay Jehova at sa pagtanggap kay Jesus bilang kanilang Hari. (Apocalipsis 7:9-15) Sa konteksto ng pangitain ni Ezekiel, ang 12 tribo ng Israel ay lumalarawan sa “ibang mga tupa.” (Juan 10:16; ihambing ang Lucas 22:28-30.) Kayo ba’y isa sa mga nagagalak sa pagpuri kay Jehova sa pamamagitan ng paghahayag ng kaniyang Kaharian?

6. Bakit may mga silid-kainan sa looban sa dakong labas, at anong pribilehiyo ang maaaring ipaalaala nito sa mga kabilang sa mga ibang tupa?

6 Habang nililibot natin ang looban sa dakong labas, nakikita natin ang 30 silid-kainan na doo’y kinakain ng mga tao ang bahagi ng kanilang kusang-loob na mga handog. (Ezekiel 40:17) Sa ngayon, yaong kabilang sa mga ibang tupa ay hindi naghahandog ng mga haing hayop, subalit hindi sila dumarating na walang dala sa espirituwal na templo. (Ihambing ang Exodo 23:15.) Sumulat si apostol Pablo: “Sa pamamagitan [ni Jesus] ay lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, alalaong baga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan. Bukod diyan, huwag ninyong kalimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay nalulugod na mainam ang Diyos.” (Hebreo 13:15, 16; Oseas 14:2) Isang dakilang pribilehiyo na maghandog kay Jehova ng gayong uri ng mga hain.​—Kawikaan 3:9, 27.

7. Ano ang tinitiyak sa atin ng pagsukat sa templo?

7 Nagmamasid si Ezekiel habang sinusukat ng isang anghel ang templong ito sa pangitain. (Ezekiel 40:3) Kahawig nito, sinabihan si apostol Juan: “Tumindig ka at sukatin mo ang santuwaryo ng templo ng Diyos at ang altar at yaong mga sumasamba roon.” (Apocalipsis 11:1) Ano ang kahulugan ng pagsukat na ito? Sa dalawang kasong ito, maliwanag na ito’y nagsilbing garantiya, isang tanda na walang makahahadlang kay Jehova sa pagtupad ng kaniyang mga layunin may kaugnayan sa dalisay na pagsamba. Gayundin sa ngayon, matitiyak natin na walang anumang bagay​—kahit ang malupit na pagsalansang mula sa makapangyarihang mga pamahalaan​—ang makahahadlang sa pagsasauli ng dalisay na pagsamba.

8. Sino ang pumapasok sa mga pintuang-daan patungo sa looban sa dakong loob, at ano ang ipinaaalaala sa atin ng mga pintuang-daan na ito?

8 Habang lumalakad tayong patawid sa looban sa dakong labas, mapapansin natin na may tatlong pintuang-daan na patungo sa looban sa dakong loob; ang mga pintuang-daan sa dakong loob ay katapat at kasinlaki ng mga pintuang-daan sa dakong labas. (Ezekiel 40:6, 20, 23, 24, 27) Ang mga saserdote lamang ang makapapasok sa looban sa dakong loob. Ang mga pintuang-daan sa dakong loob ay nagpapaalaala sa atin na kailangang abutin ng mga pinahiran ang mga pamantayan at kautusan ng Diyos, subalit pareho ang mga pamantayan at kautusang gumagabay sa lahat ng tunay na Kristiyano. Subalit ano ang gawain ng mga saserdote, at ano ang kahulugan nito sa ngayon?

Isang Tapat na Pagkasaserdote

9, 10. Paano naglalaan ng espirituwal na pagtuturo ang “maharlikang pagkasaserdote,” na patiunang inilalarawan ng uring saserdote sa pangitain ni Ezekiel?

9 Bago ang panahong Kristiyano, mabigat ang gawain ng mga saserdote sa templo. Ang pagkatay ng mga hayop na ihahain, ang paghahandog ng mga ito sa altar, at ang pagsisilbi sa mga kapuwa saserdote at sa bayan ay nakapapagod na gawain. Ngunit may iba pa silang mahalagang gawain. Ganito ang iniutos ni Jehova hinggil sa mga saserdote: “Kanilang ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal na bagay at ng bagay na di-banal; at ang pagkakaiba ng kung ano ang di-malinis at ng kung ano ang malinis ay ipakikilala nila sa kanila.”​—Ezekiel 44:23; Malakias 2:7.

10 Pinahahalagahan ba ninyo ang pagpapagal at mababang-loob na paglilingkod ng mga pinahiran bilang isang lupon, “isang maharlikang pagkasaserdote,” alang-alang sa dalisay na pagsamba? (1 Pedro 2:9) Katulad ng mga saserdoteng Levita noon, sila’y nangunguna sa pagbibigay ng espirituwal na pagtuturo, anupat ipinauunawa sa mga tao kung ano ang malinis at kaayaaya sa paningin ng Diyos at kung ano ang hindi. (Mateo 24:45) Ang gayong pagtuturo, na dumarating sa pamamagitan ng mga salig-sa-Bibliyang publikasyon at mga Kristiyanong pagpupulong at kombensiyon, ay nakatulong sa milyun-milyon na makipagkasundo sa Diyos.​—2 Corinto 5:20.

11. (a) Paano idiniin ng pangitain ni Ezekiel ang kahalagahan ng kalinisan sa bahagi ng mga saserdote? (b) Sa mga huling araw, paano nilinis sa espirituwal na diwa ang mga pinahiran?

11 Gayunman, higit pa ang dapat gawin ng mga saserdote kaysa basta turuan ang iba na maging malinis; sila mismo ay dapat na maging malilinis. Kaya naman, patiunang nakita ni Ezekiel ang proseso ng pagdadalisay sa mga saserdote ng Israel. (Ezekiel 44:10-​16) Kahawig nito, noong 1918, si Jehova ay umupo “na gaya ng isang tagapagdalisay” sa kaniyang espirituwal na templo, anupat sinisiyasat ang pinahirang uring saserdote. (Malakias 3:1-5) Yaong mga itinuring na malinis sa espirituwal o nagsisi mula sa anumang dating idolatriyang gawain ay pinahintulutang magpatuloy sa pribilehiyong maglingkod sa kaniyang espirituwal na templo. Gayunman, tulad din ng iba, ang indibiduwal na mga pinahiran ay maaaring maging di-malinis​—sa espirituwal at sa moral. (Ezekiel 44:22, 25-​27) Kailangan silang magsumikap upang manatiling “walang batik mula sa sanlibutan.”​—Santiago 1:27; ihambing ang Marcos 7:20-23.

12. Bakit dapat nating pahalagahan ang gawain ng mga pinahiran?

12 Maitatanong ng bawat isa sa atin, ‘Pinahahalagahan ko ba ang halimbawang ipinakita ng mga pinahiran sa kanilang maraming taon ng tapat na paglilingkod? Tinutularan ko ba ang kanilang pananampalataya?’ Makabubuting tandaan ng mga kabilang sa malaking pulutong na hindi nila laging makakapiling dito sa lupa ang mga pinahiran. Tungkol sa mga saserdote sa pangitain ni Ezekiel, sinabi ni Jehova: “Hindi ninyo sila bibigyan ng pag-aari[ng lupa] sa Israel: Ako ang kanilang pag-aari.” (Ezekiel 44:28) Katulad nito, ang mga pinahiran ay hindi mamamalagi magpakailanman sa lupa. Sila’y may makalangit na mana, at itinuturing ng mga kabilang sa malaking pulutong na isang pribilehiyo ang suportahan at patibaying-loob sila habang naririto pa sila sa lupa.​—Mateo 25:34-​40; 1 Pedro 1:3, 4.

Ang Pinuno​—Sino Siya?

13, 14. (a) Bakit ang pinuno ay tiyak na kabilang sa ibang mga tupa? (b) Sino ang inilalarawan ng pinuno?

13 Ngayon, isang nakatatawag-pansing tanong ang bumabangon. Sino, kung gayon, ang kinakatawan ng pinuno? Yamang siya’y tinutukoy kapuwa bilang indibiduwal at bilang isang grupo, maaari nating unawain na siya’y kumakatawan sa isang uri ng mga tao. (Ezekiel 44:3; 45:8, 9) Ngunit sino? Tiyak na hindi ang mga pinahiran. Sa pangitain, siya’y gumagawang kasama ng mga saserdote, ngunit hindi siya isa sa kanila. Di-tulad ng uring makasaserdote, siya’y binibigyan ng mana sa lupain at sa gayon ang kinabukasan niya ay dito sa lupa, hindi sa langit. (Ezekiel 48:21) Karagdagan pa, sinasabi ng Ezekiel 46:10: “Hinggil sa pinuno na nasa gitna nila, kapag sila [ang mga di-saserdoteng tribo] ay pumapasok [sa looban ng templo sa dakong labas], siya ay dapat na pumasok; at kapag sila ay lumalabas, siya ay dapat na lumabas.” Hindi siya pumapasok sa looban sa dakong loob kundi sumasamba siya sa looban sa dakong labas, anupat labas-pasok sa templo na kasama ng bayan. Dahil sa mga salik na ito, ang pinuno ay maliwanag na kabilang sa malaking pulutong ng mga ibang tupa.

14 Maliwanag na ang pinuno ay may ilang pananagutan sa bayan ng Diyos. Sa looban sa dakong labas, siya’y umuupo sa portiko ng Silangang Pintuang-daan. (Ezekiel 44:2, 3) Nagpapahiwatig ito ng tungkulin ng pangangasiwa, katulad niyaong sa matatandang lalaki sa Israel, na nagsisiupo sa pintuang-daan ng lunsod at humahatol. (Ruth 4:1-​12; Kawikaan 22:22) Sinu-sino sa mga ibang tupa ang may mga tungkulin ng pangangasiwa sa ngayon? Ang matatanda na hinirang ng banal na espiritu at may makalupang pag-asa. (Gawa 20:28) Kaya ang uring pinuno ay kasalukuyang sinasanay taglay ang pag-asang makapanungkulan sa kalaunan bilang mga tagapamahala sa bagong sanlibutan.

15. (a) Paano nililiwanag ng pangitain ni Ezekiel ang kaugnayan ng matatanda na kabilang sa malaking pulutong at ng pinahirang uring saserdote? (b) Anong pangunguna ang isinasagawa ng pinahirang matatanda sa organisasyon ng Diyos sa lupa?

15 Subalit, ano ang kaugnayan ngayon ng pinahirang uring saserdote at niyaong matatandang lalaki na, bilang bahagi ng malaking pulutong, ay naglilingkod ngayon na may mga tungkulin ng pangangasiwa? Ipinahihiwatig ng pangitain ni Ezekiel na ang papel ng matatandang kabilang sa malaking pulutong ay ang sumuporta at magpasakop, samantalang ang mga pinahiran ang nangunguna sa espirituwal. Bakit nagkagayon? Tandaan, ang mga saserdote sa pangitain ay binigyan ng pananagutan na turuan ang bayan sa espirituwal na mga bagay. Sinabihan din silang maging mga hukom sa mga legal na usapin. Karagdagan pa, ang mga Levita ay inatasan sa “mga tungkulin ng pangangasiwa” sa mga pintuang-daan ng templo. (Ezekiel 44:11, 23, 24) Maliwanag, ang pinuno ay kailangang magpasakop sa espirituwal na paglilingkod at pangunguna ng mga saserdote. Angkop, kung gayon, na sa modernong panahon ang mga pinahiran ang siyang nangunguna sa dalisay na pagsamba. Halimbawa, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay pinili mula sa mga ito. Ilang dekada nang sinasanay ng gayong tapat na pinahirang matatanda ang sumusulong na uring pinuno, anupat inihahanda ang magiging mga miyembro ng uring ito para sa panahon na sila’y pagkakatiwalaan ng lubos na awtoridad sa napipintong bagong sanlibutan ng Diyos.

16. Ayon sa Isaias 32:1, 2, paano dapat kumilos ang lahat ng matatanda?

16 Subalit, anong uri ng mga tagapangasiwa ang mga magiging miyembrong ito, na nakahanay sa pinalawak na mga pananagutan bilang uring pinuno? Ang hula sa Isaias 32:1, 2 ay nagsasabi: “Narito! Isang hari ay maghahari ukol sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe, sila ay mamamahala bilang prinsipe ukol sa katarungan. At ang bawat isa ay magiging gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa isang lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa isang lupaypay na lupain.” Ang hulang ito ay natutupad ngayon habang kumikilos ang Kristiyanong matatanda​—mga pinahiran at ibang tupa​—upang ipagsanggalang ang kawan mula sa ‘mga bagyong maulan’ tulad ng pag-uusig at pagkasira ng loob.

17. Paano dapat malasin ng Kristiyanong mga pastol ang kanilang sarili, at paano sila dapat malasin ng kawan?

17 Ang mga salitang “prinsipe” at “pinuno,” na magkahawig ang kahulugan sa Hebreo, ay hindi ginagamit bilang mga titulo upang parangalan ang mga tao. Sa halip, inilalarawan nito ang pananagutang binabalikat ng mga lalaking ito sa pangangalaga sa mga tupa ng Diyos. Mahigpit ang babala ni Jehova: “Sukat na sa inyo, O mga pinuno ng Israel! Alisin ang karahasan at ang pananamsam, at magsagawa kayo ng katarungan at katuwiran.” (Ezekiel 45:9) Makabubuti para sa lahat ng matatanda sa ngayon na isapuso ang gayong payo. (1 Pedro 5:2, 3) Kinikilala naman ng kawan na si Jesus ay naglaan ng mga pastol bilang “kaloob na mga tao.” (Efeso 4:8) Ang kanilang mga kuwalipikasyon ay nakasulat sa kinasihang Salita ng Diyos. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9) Dahil dito ang mga Kristiyano ay sumusunod sa pangunguna ng matatanda.​—Hebreo 13:7.

18. Ano ang ilang pananagutan ng magiging kabilang sa uring pinuno sa ngayon, at ano ang magiging pananagutan nito sa hinaharap?

18 Noong panahon ng Bibliya, ang ilan sa mga pinuno ay may malaking awtoridad, ang iba naman ay mas kaunti. Sa ngayon, ang matatanda mula sa malaking pulutong ay may malawak at iba’t ibang mga pananagutan. Ang ilan ay naglilingkod sa isang kongregasyon; ang iba ay naglilingkod sa maraming kongregasyon bilang mga naglalakbay na tagapangasiwa; ang iba ay naglilingkod sa buong mga bansa bilang mga miyembro ng Komite ng Sangay; ang iba ay tuwirang tumutulong sa iba’t ibang komite ng Lupong Tagapamahala. Sa bagong sanlibutan, si Jesus ay hihirang ng “mga prinsipe sa buong lupa” upang manguna sa mga mananamba ni Jehova sa lupa. (Awit 45:16) Walang-alinlangang pipiliin niya ang marami sa mga ito mula sa tapat na matatanda sa ngayon. Dahil ngayon pa lamang ay pinatutunayan na ng mga lalaking ito ang kanilang sarili, loloobin niyang ipagkatiwala sa marami ang higit pang mga pribilehiyo sa hinaharap kapag isiniwalat na niya ang bahaging gagampanan ng uring pinuno sa bagong sanlibutan.

Ang Lupain ng Bayan ng Diyos Ngayon

19. Ano ang kinakatawan ng lupain sa pangitain ni Ezekiel?

19 Inilalarawan din sa pangitain ni Ezekiel ang isinauling lupain ng Israel. Ano ang kinakatawan ng bahaging ito ng pangitain? Sinasabi ng ibang mga hula hinggil sa pagsasauli na ang lupain, ang Israel, ay magiging isang paraisong tulad ng Eden. (Ezekiel 36:34, 35) Sa ngayon ay tinatamasa natin ang isang isinauling “lupain,” at ito rin sa diwa ay Edeniko. Gayundin naman, madalas nating banggitin ang ating espirituwal na paraiso. Binigyang-katuturan ng Ang Bantayan ang ating “lupain” bilang “ang saklaw ng gawain” ng piniling bayan ng Diyos.b Saanman naroroon ang isang lingkod ni Jehova, siya’y nasa isinauling lupaing iyon hangga’t kaniyang sinisikap na itaguyod ang tunay na pagsamba sa pamamagitan ng paglakad sa mga yapak ni Kristo Jesus.​—1 Pedro 2:21.

20. Anong simulain ang maaari nating matutuhan mula sa “banal na abuloy” sa pangitain ni Ezekiel, at paano natin maikakapit ang simulaing ito?

20 Kumusta naman ang bahagi ng lupaing tinatawag na “ang banal na abuloy”? Ito ang abuloy ng bayan bilang pagtangkilik sa mga saserdote at sa lunsod. Kahawig nito, “ang lahat ng mga tao sa lupain” ay dapat mag-abuloy ng isang bahagi ng lupain para sa pinuno. Ano ang kahulugan nito sa ngayon? Sabihin pa, hindi ito nangangahulugan na ang bayan ng Diyos ay pabibigatan ng isang suwelduhang uring klero. (2 Tesalonica 3:8) Sa halip, ang suportang ibinibigay sa matatanda ay pangunahin nang sa espirituwal na paraan. Kalakip dito ang pagtulong sa kasalukuyang mga gawain at pagpapakita ng isang matulungin at mapagpasakop na espiritu. Gayunman, gaya noong kaarawan ni Ezekiel, ang abuloy na ito ay ginagawa “kay Jehova,” hindi sa kaninumang tao.​—Ezekiel 45:1, 7, 16.

21. Ano ang maaari nating matutuhan sa paghahati-hati ng lupain sa pangitain ni Ezekiel?

21 Hindi lamang ang pinuno at ang mga saserdote ang may inatasang dako sa isinauling lupaing ito. Ang paghahati-hati ng lupain ay nagpapakita na ang bawat isa sa 12 tribo ay may tiyak na mana. (Ezekiel 47:13, 22, 23) Kaya yaong mga kabilang sa malaking pulutong ay hindi lamang may dako sa espirituwal na paraiso ngayon kundi tatanggap din ng atas na lupain kapag nagmana sila ng dako sa makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos.

22. (a) Ano ang kinakatawan ng lunsod sa pangitain ni Ezekiel? (b) Ano ang maaari nating matutuhan sa pagkakaroon ng lunsod ng mga pintuang-daan sa bawat panig?

22 Bilang pangwakas, ano ang kinakatawan ng lunsod sa pangitain? Hindi ito isang makalangit na lunsod, sapagkat nakapuwesto ito sa gitna ng “di-banal” (di-sagrado) na lupain. (Ezekiel 48:15-​17) Kaya tiyak na ito’y isang bagay na makalupa. Buweno, ano ba ang isang lunsod? Hindi ba ito nagpapahiwatig ng ideya ng mga taong nagsasama-sama bilang grupo at bumubuo ng isang bagay na may kaayusan at organisado? Oo. Kaya, ang lunsod ay waring lumalarawan sa makalupang administrasyon na nagdudulot ng kapakinabangan sa lahat ng mga bubuo ng matuwid na lipunan sa lupa. Lubusang iiral ito sa dumarating na “bagong lupa.” (2 Pedro 3:13) Ang mga pintuang-daan ng lunsod sa bawat panig, isa para sa bawat tribo, ay mainam na lumalarawan sa pagiging bukás nito. Sa ngayon, ang bayan ng Diyos ay wala sa ilalim ng isang malihim at mapagkubling administrasyon. Ang responsableng mga kapatid na lalaki ay dapat na madaling lapitan; batid ng lahat ang mga simulain na pumapatnubay sa mga lalaking ito. Ang bagay na ang mga tao mula sa lahat ng tribo ang lumilinang ng lupang sumusuporta sa lunsod ay nagpapaalaala sa atin na sinusuportahan ng mga ibang tupa, kahit sa materyal na paraan, ang mga kaayusan sa pangangasiwa na ginagawa para sa bayan ng Diyos sa buong daigdig.​—Ezekiel 48:19, 30-​34.

23. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

23 Ngunit, kumusta naman ang ilog na umaagos mula sa santuwaryo ng templo? Kung ano ang kinakatawan nito ngayon at hanggang sa hinaharap ang magiging paksa ng ikatlo at huling artikulo sa seryeng ito.

[Mga talababa]

a Tingnan ang aklat na Apocalipsis​—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 64, parapo 22, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Tingnan Ang Bantayan, Hulyo 1, 1995, pahina 20.

Mga Punto sa Pagrerepaso

◻ Ano ang inilalarawan ng templo sa pangitain ni Ezekiel?

◻ Kanino lumalarawan ang mga saserdote na naglilingkod sa templo?

◻ Ano ang uring pinuno, at ano ang ilan sa mga pananagutan nito?

◻ Ano ang lupain sa pangitain ni Ezekiel, at sa anong diwa ibinahagi ito sa 12 tribo?

◻ Ano ang inilalarawan ng lunsod?

[Dayagram/Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang pagbabaha-bahagi ng lupain ayon sa pagkalarawan sa pangitain ni Ezekiel

ANG LABINDALAWANG TRIBO

Ang Malaking Dagat

Dagat ng Galilea

Ilog Jordan

Dagat Asin

DAN

ASER

NAFTALI

MANASES

EFRAIM

RUBEN

JUDA

ANG PINUNO

BENJAMIN

SIMEON

ISACAR

ZEBULON

GAD

[Dayagram]

PINALAKING LARAWAN NG BANAL NA ABULOY

A. “Si Jehova Mismo ay Naroroon” (Jehovah-Shammah); B. ang mabungang lupain ng lunsod

Bahagi ng mga Levita

Santuwaryo ni Jehova

Bahagi ng mga Saserdote

B A B

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share