Ang Pagpapala ni Jehova sa Ating “Lupain”
“Ang lahat ay mabubuhay kung saan dumarating ang agos.”—EZEKIEL 47:9.
1, 2. (a) Gaano kahalaga ang tubig? (b) Ano ang inilalarawan ng tubig ng ilog sa pangitain ni Ezekiel?
ANG tubig ay isang kagila-gilalas na likido. Ang lahat ng pisikal na buhay ay nakadepende rito. Wala sa atin ang maaaring mabuhay nang matagal kung wala ito. Kailangan din natin ito sa paglilinis, yamang kayang tunawin at hugasan ng tubig ang mga dumi. Kaya ipinanghuhugas natin ito sa ating katawan, mga damit, maging sa ating pagkain. Ang paggawa nito ay maaaring magligtas ng ating buhay.
2 Ginagamit ng Bibliya ang tubig upang ilarawan ang mga espirituwal na paglalaan ni Jehova ukol sa buhay. (Jeremias 2:13; Juan 4:7-15) Kalakip sa mga paglalaang ito ang paglilinis sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo at ang kaalaman ng Diyos na nasusumpungan sa kaniyang Salita. (Efeso 5:25-27) Sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo, ang makahimalang ilog na umaagos mula sa templo ay sumasagisag sa nagbibigay-buhay na mga pagpapalang ito. Ngunit kailan aagos ang ilog na iyon, at ano ang kahulugan nito para sa atin ngayon?
Isang Ilog na Umaagos sa Isinauling Lupain
3. Ano ang naranasan ni Ezekiel, gaya ng nakaulat sa Ezekiel 47:2-12?
3 Bilang mga bihag sa Babilonya, kailangang-kailangan ng bayan ni Ezekiel ang mga paglalaan ni Jehova. Anong laking pampatibay-loob kung gayon para kay Ezekiel na makitang lumalabas ang isang maliit na daloy ng tubig mula sa santuwaryo at umaagos na papalabas sa templo sa pangitain! Sinusukat ng isang anghel ang agos nito sa bawat distansiya na 1,000 siko. Palalim-nang-palalim ito, mula sa bukung-bukong, hanggang sa umabot sa tuhod hanggang sa balakang, hanggang sa maging isang malakas na agos na kailangan nang languyan. Ang ilog ay nagdudulot ng buhay at kasaganaan. (Ezekiel 47:2-11) Sinabihan si Ezekiel: “Sa tabi ng ilog ay tutubo, sa pampang nito sa panig na ito at sa panig na iyon, ang lahat ng uring punungkahoy para sa pagkain.” (Ezekiel 47:12a) Nang humugos ang malaking agos tungo sa Dagat na Patay—isang walang-buhay na katubigan—bigla itong nagkaroon ng buhay! Nagkulumpulan ang mga isda. Lumago ang industriya ng pangingisda.
4, 5. Paanong ang hula ni Joel hinggil sa isang ilog ay katulad niyaong kay Ezekiel, at bakit ito mahalaga?
4 Marahil ang magandang hulang ito ay nagpaalaala sa mga Judiong ipinatapon hinggil sa isa pang hulang nakaulat mahigit na dalawang siglo bago nito: “Mula sa bahay ni Jehova ay lalabas ang isang bukal, at didiligin nito ang hugusang libis ng Mga Puno ng Akasya.”a (Joel 3:18) Ang hula ni Joel, katulad niyaong kay Ezekiel, ay nagsasabi na may ilog na aagos mula sa bahay ng Diyos, ang templo, at magdudulot ito ng buhay sa isang tigang na dako.
5 Matagal nang ipinaliliwanag ng Ang Bantayan na ang hula ni Joel ay natutupad sa ating panahon.b Kung gayon, tiyak na ito’y totoo rin sa kahawig na pangitain ni Ezekiel. Sa isinauling lupain ng bayan ng Diyos ngayon, katulad sa sinaunang Israel noon, tunay na umaagos ang mga pagpapala ni Jehova.
Malakas na Agos ng mga Pagpapala
6. Ano ang dapat sanang ipaalaala sa mga Judio ng pagwiwisik ng dugo sa altar sa pangitain?
6 Saan nagmumula ang mga pagpapala sa isinauling bayan ng Diyos? Buweno, pansinin na ang tubig ay umaagos mula sa templo ng Diyos. Gayundin sa ngayon, ang mga pagpapala ay nagmumula kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang dakilang espirituwal na templo—ang kaayusan ukol sa dalisay na pagsamba. Ang pangitain ni Ezekiel ay nagdaragdag ng isang mahalagang detalye. Sa looban sa dakong loob, dumaraan ang agos sa tabi ng altar, sa bandang timog nito. (Ezekiel 47:1) Ang altar ay nasa mismong sentro ng templo sa pangitain. Detalyado ang paglalarawan dito ni Jehova kay Ezekiel at Kaniyang iniutos na ang ibabaw nito’y wisikan ng dugo ng isang hain. (Ezekiel 43:13-18, 20) Malaki ang kahulugan ng altar na iyon para sa lahat ng mga Israelita. Ang kanilang tipan kay Jehova ay malaon nang binigyang-bisa nang wisikan ni Moises ng dugo ang ibabaw ng isang altar sa paanan ng Bundok Sinai. (Exodo 24:4-8) Ang pagwiwisik ng dugo sa ibabaw ng altar sa pangitain ay dapat sanang magpaalaala sa kanila na kapag sila’y nakabalik na sa kanilang isinauling lupain, ang mga pagpapala ni Jehova ay aagos hangga’t kanilang tinutupad ang kanilang pakikipagtipan sa kaniya.—Deuteronomio 28:1-14.
7. Ano ang kahulugan ng makasagisag na altar para sa mga Kristiyano ngayon?
7 Sa kahawig na paraan, ang bayan ng Diyos sa ngayon ay pinagpapala sa pamamagitan ng isang tipan—isa na lalong mabuti, ang bagong tipan. (Jeremias 31:31-34) Ito rin ay malaon nang binigyang-bisa sa pamamagitan ng dugo, yaong kay Jesu-Kristo. (Hebreo 9:15-20) Sa ngayon, tayo man ay kabilang sa mga pinahiran, na kasali sa tipang iyon, o kabilang sa “ibang mga tupa,” na makikinabang mula roon, malaki ang kahulugan para sa atin ng makasagisag na altar. Ito’y sumasagisag sa kalooban ng Diyos may kaugnayan sa hain ni Kristo. (Juan 10:16; Hebreo 10:10) Kung paanong ang makasagisag na altar ay nasa mismong sentro ng espirituwal na templo, ang haing pantubos ni Kristo ang pinakasentro ng dalisay na pagsamba. Ito ang saligan para sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan at gayundin naman para sa lahat ng ating pag-asa sa hinaharap. (1 Juan 2:2) Dahil dito ay nagsusumikap tayong mamuhay ayon sa kautusang kaugnay sa bagong tipan, “ang kautusan ng Kristo.” (Galacia 6:2) Habang ating patuloy na ginagawa ito, makikinabang tayo mula sa mga paglalaan ni Jehova para sa buhay.
8. (a) Anong bagay ang wala sa looban sa dakong loob ng templo sa pangitain? (b) Ano ang maaaring gamitin ng mga saserdote na panlinis sa kanilang sarili sa templo sa pangitain?
8 Ang isa sa gayong mga paglalaan ay ang malinis na katayuan sa harap ni Jehova. Sa templo sa pangitain, may isang bagay na wala sa looban sa dakong loob na naging prominente naman sa looban ng tabernakulo at sa templo ni Solomon—isang malaking hugasan, na sa dakong huli’y tinawag na isang dagat, na pinaghuhugasan ng mga saserdote. (Exodo 30:18-21; 2 Cronica 4:2-6) Ano ang maaaring gamiting panlinis ng mga saserdote sa pangitain ni Ezekiel hinggil sa templo? Aba, yaong makahimalang agos na nanggagaling sa looban sa dakong loob! Oo, pagpapalain sila ni Jehova ng pamamaraan upang makapagtamasa ng isang malinis, o banal, na katayuan.
9. Paano magkakaroon ng malinis na katayuan sa ngayon yaong kabilang sa mga pinahiran at sa malaking pulutong?
9 Gayundin sa ngayon, ang mga pinahiran ay pinagpala ng isang malinis na katayuan sa harap ni Jehova. Itinuturing sila ni Jehova na banal, na ipinapahayag silang matuwid. (Roma 5:1, 2) Kumusta naman ang “malaking pulutong,” na inilalarawan ng mga di-saserdoteng tribo? Sila’y sumasamba sa looban sa dakong labas, at ang agos ding yaon ay dumadaloy sa bahaging iyon ng templo sa pangitain. Angkop na angkop, kung gayon, na nakita ni apostol Juan ang malaking pulutong na may suot na malinis na mahahabang damit na puti habang sumasamba sila sa looban ng espirituwal na templo! (Apocalipsis 7:9-14) Anuman ang naging pagtrato sa kanila ng masamang sanlibutang ito, makatitiyak sila na habang nagsasagawa sila ng pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo, itinuturing sila ni Jehova na malinis at dalisay. Paano sila nagsasagawa ng pananampalataya? Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga yapak ni Jesus, taglay ang buong pananalig sa haing pantubos.—1 Pedro 2:21.
10, 11. Ano ang isang mahalagang pitak ng makasagisag na tubig, at paano ito nauugnay sa lubhang paglaki ng ilog?
10 Gaya ng nabanggit na, may isa pang mahalagang pitak sa makasagisag na tubig na ito—ang kaalaman. Sa isinauling Israel, pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan ng maka-Kasulatang pagtuturo sa pamamagitan ng mga saserdote. (Ezekiel 44:23) Sa kahawig na paraan, pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan ngayon ng saganang pagtuturo hinggil sa kaniyang Salita ng katotohanan, sa pamamagitan ng “maharlikang pagkasaserdote.” (1 Pedro 2:9) Ang kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova, tungkol sa kaniyang mga layunin para sa sangkatauhan, at lalo na tungkol kay Jesu-Kristo at sa Mesiyanikong Kaharian ay saganang umaagos sa mga huling araw na ito. Lubhang kasiya-siya ang tumanggap ng ganitong palalim-nang-palalim na baha ng espirituwal na kaginhawahan!—Daniel 12:4.
11 Kung paanong ang ilog na sinukat ng anghel ay patuloy na lumalim nang lumalim, sa gayunding paraan ang agos ng nagbibigay-buhay na mga pagpapala mula kay Jehova ay sumulong nang gayon na lamang upang mapaglaanan ang pagdagsa ng mga taong pumapasok sa ating pinagpalang espirituwal na lupain. Patiunang sinabi ng isa pang hula hinggil sa pagsasauli: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sarili nitong panahon.” (Isaias 60:22) Nagkatotoo ang mga salitang ito—milyun-milyon ang dumagsa upang makisama sa atin sa dalisay na pagsamba! Naglaan si Jehova ng saganang “tubig” para sa lahat ng bumabaling sa kaniya. (Apocalipsis 22:17) Tinitiyak niya na ang kaniyang makalupang organisasyon ay namamahagi ng mga Bibliya at literatura tungkol sa Bibliya sa daang-daang wika sa buong daigdig. Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyanong pagpupulong at mga kombensiyon ay isinasaayos sa buong daigdig upang ang lahat ay masapatan ng sinlinaw-kristal na mga tubig ng katotohanan. Paano apektado ang mga tao ng ganitong mga paglalaan?
Nagbibigay-Buhay ang Tubig!
12. (a) Bakit nakapamumunga nang gayon na lamang ang mga punungkahoy sa pangitain ni Ezekiel? (b) Ano ang inilalarawan ng mabubungang punungkahoy na ito sa mga huling araw?
12 Ang ilog sa pangitain ni Ezekiel ay nagdudulot ng buhay at kalusugan. Nang mapag-alaman ni Ezekiel ang tungkol sa mga punungkahoy na tutubo sa tabi ng ilog, sinabihan siya: “Ang dahon niyaon ay hindi malalanta, ni mauubos man ang bunga nito. . . . At ang bunga niyaon ay magiging pagkain at ang dahon niyaon ay pampagaling.” Bakit namumunga ang mga punungkahoy na ito sa ganitong kagila-gilalas na paraan? “Sapagkat ang tubig para sa mga ito—ito ay lumalabas mula sa mismong santuwaryo.” (Ezekiel 47:12b) Ang makasagisag na mga punungkahoy na ito ay lumalarawan sa lahat ng mga paglalaan ng Diyos upang isauli sa kasakdalan ang sangkatauhan salig sa haing pantubos ni Jesus. Sa lupa sa panahong ito, nangunguna ang pinahirang nalabi sa paglalaan ng espirituwal na pagkain at pagpapagaling. Kapag natanggap na ng lahat ng 144,000 ang kanilang makalangit na gantimpala, ang mga pakinabang mula sa kanilang makasaserdoteng paglilingkod bilang kasamang tagapamahala ni Kristo ay aabot pa sa hinaharap, na sa wakas ay hahantong sa lubusang pagdaig sa Adanikong kamatayan.—Apocalipsis 5:9, 10; 21:2-4.
13. Anong pagpapagaling ang naisasagawa sa ating panahon?
13 Ang ilog sa pangitain ay umaagos hanggang sa walang-buhay na Dagat na Patay at nagpapagaling sa lahat ng abutan nito. Ang dagat na ito ay lumalarawan sa isang kapaligirang patay sa espirituwal. Ngunit ang buhay ay nagkukulumpol “saanmang dakong pinaparoonan ng agos na doble ang laki.” (Ezekiel 47:9) Kahawig nito, sa mga huling araw, saanmang dako nakararating ang tubig ng buhay, ang mga tao ay nabubuhay sa espirituwal na paraan. Ang unang mga binuhay nang ganito ay ang pinahirang nalabi noon pang 1919. Sila’y muling binuhay sa espirituwal mula sa isang tulad-patay at di-aktibong kalagayan. (Ezekiel 37:1-14; Apocalipsis 11:3, 7-12) Simula noon, ang mahalagang tubig na iyon ay nakaabot na rin sa iba pang mga patay sa espirituwal, at nabuhay ang mga ito at bumuo ng isang patuloy na lumalagong malaking pulutong ng mga ibang tupa, na umiibig at naglilingkod kay Jehova. Hindi na magtatagal, ang paglalaang ito ay ipaaabot din sa napakaraming mga bubuhaying-muli.
14. Ano ang mainam na inilalarawan sa ngayon ng lumalagong industriya ng pangingisda sa kahabaan ng dalampasigan ng Dagat na Patay?
14 Saganang bunga ang resulta ng espirituwal na kalakasan. Ito’y inilalarawan ng industriya ng pangingisda na lumago sa dalampasigan ng dagat na dati’y patay. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” (Mateo 4:19) Sa mga huling araw, ang gawaing pangingisda ay nagsimula sa pagtitipon ng mga pinahirang nalabi, ngunit hindi ito natapos doon. Ang nagbibigay-buhay na tubig mula sa espirituwal na templo ni Jehova, kalakip na ang pagpapala ng tumpak na kaalaman, ay nakarating na sa mga tao ng lahat ng bansa. Saanmang dako nakarating ang malakas na agos na iyon, espirituwal na buhay ang idinulot nito.
15. Ano ang nagpapakita na hindi lahat ay tatanggap sa mga paglalaan ng Diyos para sa buhay, at ano ang pangwakas na resulta nito sa gayong mga tao?
15 Sabihin pa, hindi lahat ay sumasang-ayon ngayon sa mensahe ng buhay; ni sasang-ayon man ang lahat ng bubuhaying-muli sa Milenyong Paghahari ni Kristo. (Isaias 65:20; Apocalipsis 21:8) Ipinahayag ng anghel na may mga bahagi ng dagat na hindi gumaling. Ito ang mga latian at walang-buhay na mga dakong ‘sa asin ibibigay.’ (Ezekiel 47:11) Tungkol sa mga tao sa ating kaarawan, hindi lahat ng pinaabutan ng nagbibigay-buhay na tubig ni Jehova ay tumatanggap nito. (Isaias 6:10) Sa Armagedon, lahat ng nagpasiyang manatili sa isang patay at maysakit na kalagayan sa espirituwal ay sa asin ibibigay, alalaong baga’y, lilipulin magpakailanman. (Apocalipsis 19:11-21) Ngunit, yaong mga buong-katapatang umiinom ng mga tubig na ito ay makaaasang makaliligtas at makasasaksi sa pangwakas na katuparan ng hulang ito.
Umaagos ang Ilog sa Paraiso
16. Kailan at paano magkakaroon ng pangwakas na katuparan ang pangitain ni Ezekiel hinggil sa templo?
16 Katulad din ng iba pang mga hula hinggil sa pagsasauli, ang pangwakas na katuparan ng pangitain ni Ezekiel hinggil sa templo ay magaganap sa panahon ng Milenyo. Sa panahong iyon, wala na rito sa lupa ang uring saserdote. “Sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari kasama niya [sa langit] sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:6) Ang makalangit na mga saserdoteng ito ay makakasama ni Kristo sa pagkakaloob ng lubos na kapakinabangan ng haing pantubos ni Kristo. Sa gayon, ang matuwid na sangkatauhan ay maliligtas, anupat ibabalik sa kasakdalan!—Juan 3:17.
17, 18. (a) Paano inilalarawan sa Apocalipsis 22:1, 2 ang nagbibigay-buhay na ilog, at kailan ang pangunahing katuparan ng pangitaing iyan? (b) Sa Paraiso, bakit magkakaroon ng sukdulang paglawak ang ilog ng tubig ng buhay?
17 Sa diwa, ang ilog na nakita ni Ezekiel ay aagos sa panahong iyon taglay ang pinakamabisang tubig ng buhay. Ito ang panahon ng pangunahing katuparan ng hulang nakaulat sa Apocalipsis 22:1, 2: “Ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal, na umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero sa gitna ng malapad na daan nito. At sa panig na ito ng ilog at sa panig na iyon ay may mga punungkahoy ng buhay na nagluluwal ng labindalawang ani ng bunga, nagbibigay ng kanilang mga bunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.”
18 Sa panahon ng Milenyo, ang lahat ng karamdaman—sa pisikal, mental, at emosyonal—ay pagagalingin. Ito’y mainam na inilalarawan ng “pagpapagaling sa mga bansa” sa pamamagitan ng makasagisag na mga punungkahoy. Dahil sa mga paglalaang ipinagkaloob ni Kristo at ng 144,000, “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’ ” (Isaias 33:24) At sasapit ang ilog sa panahon ng sukdulang paglawak nito. Ito’y tiyak na lalawak at lalalim pa upang mapaglaanan ang milyun-milyon, marahil ay bilyun-bilyon, na mga taong bubuhaying-muli na iinom mula sa mga dalisay na tubig na ito ng buhay. Sa pangitain, pinagaling ng ilog ang Dagat na Patay, anupat nagdulot ng buhay saanman umagos ang mga tubig nito. Sa Paraiso, ang mga lalaki at babae ay magkakaroon ng buhay sa lubusang diwa nito, yamang sila’y pagagalingin mula sa minanang Adanikong kamatayan kung sila’y magsasagawa ng pananampalataya sa mga kapakinabangang ipinaaabot sa kanila ng pantubos. Inihuhula ng Apocalipsis 20:12 na may “mga balumbon” na bubuksan sa mga araw na iyon, na maglalaan ng dagdag na liwanag sa kaunawaan na pakikinabangan din ng mga muling bubuhayin. Nakalulungkot sabihin, tatanggihan ng iba ang pagpapagaling, kahit na sa Paraiso. Ang mga rebeldeng ito ang siyang mga ‘ibinigay sa asin’ ng walang-hanggang pagkapuksa.—Apocalipsis 20:15.
19. (a) Paano matutupad sa Paraiso ang pagbabaha-bahagi ng lupain? (b) Anong bahagi ng Paraiso ang inilalarawan ng lunsod? (c) Ano ang kahulugan ng pagiging malayo ng lunsod mula sa templo?
19 Sa panahon ding iyon, ang paghahati-hati ng lupain sa pangitain ni Ezekiel ay magkakaroon ng pangwakas na katuparan. Nakita ni Ezekiel na ang lupain ay wastong ibinaha-bahagi; sa katulad na paraan, matitiyak ng bawat tapat na Kristiyano na siya’y magkakaroon ng dako, ng mana, sa Paraiso. Malamang, ang paghahangad na magkaroon ng sariling bahay na matitirhan at aalagaan ay sasapatan sa maayos na paraan. (Isaias 65:21; 1 Corinto 14:33) Ang lunsod na nakita ni Ezekiel ay angkop na lumalarawan sa kaayusan ng pangangasiwa na nilayon ni Jehova para sa bagong lupa. Ang pinahirang uring saserdote ay hindi na makakapiling ng sangkatauhan sa pisikal. Ito’y ipinahihiwatig sa pangitain yamang ang lunsod ay inilalarawan na naroon sa “di-banal” na lupain na may kalayuan mula sa templo. (Ezekiel 48:15) Samantalang ang 144,000 ay namamahalang kasama ni Kristo sa langit, ang Hari ay magkakaroon din ng mga kinatawan sa lupa. Ang kaniyang mga taong sakop ay lubos na makikinabang mula sa maibiging patnubay at pangunguna ng uring pinuno. Gayunman, ang talagang luklukan ng pamahalaan ay sa langit, hindi sa lupa. Ang lahat sa lupa, pati na ang uring pinuno, ay magpapasakop sa Mesiyanikong Kaharian.—Daniel 2:44; 7:14, 18, 22.
20, 21. (a) Bakit angkop ang pangalan ng lunsod? (b) Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili bunga ng ating pagkaunawa sa pangitain ni Ezekiel?
20 Pansinin ang huling mga salita sa hula ni Ezekiel: “Ang magiging pangalan ng lunsod mula sa araw na iyon ay Si Jehova Mismo ay Naroroon.” (Ezekiel 48:35) Hindi na iiral ang lunsod na ito upang pagkalooban ang mga tao ng kapangyarihan o impluwensiya; ni iiral man ito upang ipatupad ang kalooban ng sinumang tao. Ito ang lunsod ni Jehova, na nagpapaaninag ng kaniyang kaisipan at ng kaniyang maibigin at makatuwirang mga daan. (Santiago 3:17) Ito’y nagbibigay sa atin ng nakagagalak-pusong katiyakan na patuloy na pagpapalain ni Jehova ang kaniyang naitayong “bagong lupa” na lipunan ng sangkatauhan hanggang sa isang kinabukasang mamamalagi nang walang takda.—2 Pedro 3:13.
21 Hindi ba tayo nananabik sa pag-asang nasa unahan natin? Angkop, kung gayon, na itanong ng bawat isa sa atin: ‘Paano ako tumutugon sa mga kamangha-manghang pagpapalang isiniwalat sa pangitain ni Ezekiel? Ako ba’y buong-katapatang tumatangkilik sa gawain ng mga maibiging tagapangasiwa, kapuwa yaong sa pinahirang nalabi at sa magiging mga miyembro ng uring pinuno? Ginagawa ko bang pinakasentro ng aking buhay ang dalisay na pagsamba? Lubusan ko bang sinasamantala ang tubig ng buhay na dumadaloy nang sagana ngayon?’ Harinawang patuloy na gawin ito ng bawat isa sa atin at masiyahan tayo sa mga paglalaan ni Jehova magpakailanman!
[Mga talababa]
a Ang hugusang libis na ito ay maaaring tumutukoy sa Libis ng Kidron, na umaabot hanggang timog-silangan mula sa Jerusalem at nagtatapos sa Dagat na Patay. Ang gawing ibaba nito ay lalo nang walang tubig at tigang sa buong taon.
b Tingnan ang mga isyu ng Watchtower ng Mayo 1, 1881, at Hunyo 1, 1981.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang inilalarawan ng tubig na umaagos mula sa templo?
◻ Anong pagpapagaling ang naisagawa ni Jehova sa pamamagitan ng makasagisag na ilog, at bakit lumalaki ang ilog na ito?
◻ Ano ang inilalarawan ng mga punungkahoy sa mga pampang ng ilog?
◻ Sa ano lumalarawan ang lunsod sa panahon ng Milenyong Paghahari, at bakit angkop ang pangalan ng lunsod?
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang ilog ng buhay ay kumakatawan sa paglalaan ng Diyos ukol sa kaligtasan