Mahigit na 40 Taóng Ipinagbawal ng Komunista
AYON SA SALAYSAY NI MIKHAIL VASILEVICH SAVITSKII
Iniulat ng The Watchtower ng Abril 1, 1956, na “isang malawakang paglilinis” sa mga Saksi ni Jehova ang isinagawa noong Abril 1, 7, at 8, 1951. “Ito ang mga petsang di-malilimutan ng mga saksi ni Jehova sa Russia,” paliwanag ng The Watchtower. “Sa loob ng tatlong araw na ito ang lahat ng mga saksi ni Jehova na masusumpungan sa Western Ukraine, White Russia [Belarus], Bessarabia, Moldavia, Latvia, Lithuania at Estonia—mahigit na pitong libong lalaki at babae . . . ay isinakay sa mga kariton, dinala sa mga istasyon ng tren at doon ay inilagay sa mga bagon ng baka at ipinadala sa malayo.”
NOONG Abril 8, 1951, ang aking asawa, ang aking walong-buwan na anak na lalaki, ang aking mga magulang, ang aking nakababatang kapatid na lalaki, at ang marami pang ibang Saksi ay kinuha sa kanilang tahanan sa loob at sa palibot ng Ternopol’, Ukraine. Matapos mailulan sa mga bagon ng baka, naglakbay sila ng mga dalawang linggo. Sa wakas, ibinaba sila sa kagubatan ng Siberia (subarctic woodland) sa kanluran ng Lake Baikal.
Bakit hindi ako naisama sa paglilinis na ito? Bago ko ilahad kung nasaan ako nang panahong iyon at kung ano ang nangyari sa aming lahat pagkatapos noon, hayaan ninyong ilahad ko kung paano ako naging isang Saksi ni Jehova.
Nakaabot sa Amin ang Katotohanan sa Bibliya
Noong Setyembre 1947, nang ako’y 15 pa lamang, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa aming tahanan sa maliit na nayon ng Slaviatin, mga 50 kilometro mula sa Ternopol’. Habang nakaupo kami ni Inay na nakikinig sa mga kabataang ito—isa sa kanila ay nagngangalang Maria—batid ko na hindi ito katulad ng ibang relihiyon. Ipinaliwanag nila sa amin ang kanilang pananampalataya at sinagot ang aming mga tanong sa Bibliya sa maliwanag na paraan.
Naniniwala ako na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, ngunit hindi ako nasisiyahan sa mga simbahan. Madalas sabihin ni Lolo: “Tinatakot ng mga pari ang mga tao sa pamamagitan ng pahayag tungkol sa pagpapahirap sa apoy ng impiyerno, ngunit ang mga pari mismo ay walang kinatatakutan. Pinagnanakawan at nililinlang lamang nila ang mahihirap.” Natatandaan ko ang karahasan at panununog na ginawa sa mga Polakong naninirahan sa aming nayon noong pasimula ng Digmaang Pandaigdig II. Ang nakagigitla rito, ang mga pagsalakay na ito ay inorganisa ng mga paring Griego Katoliko. Pagkatapos ay nakita ko ang maraming pinaslang, at talagang gusto kong malaman ang mga dahilan ng kalupitang iyon.
Habang nag-aaral ako ng Bibliya kasama ng mga Saksi, unti-unti ko itong naunawaan. Natutuhan ko ang saligang mga katotohanan sa Bibliya, pati na ang katotohanan na walang nag-aapoy na impiyerno at na ginagamit ni Satanas na Diyablo ang huwad na relihiyon upang itaguyod ang digmaan at pagbububo ng dugo. Paminsan-minsan, humihinto ako sa panahon ng aking personal na pag-aaral at taos-pusong nagpapasalamat kay Jehova sa panalangin dahil sa aking natututuhan. Sinimulan kong ibahagi ang mga katotohanang ito sa Bibliya sa aking nakababatang kapatid na si Stakh, at tuwang-tuwa ako nang tanggapin niya ang mga ito.
Pagkakapit ng Aking Natutuhan
Natanto ko ang pangangailangan ukol sa personal na pagbabago at agad akong huminto sa paninigarilyo. Naunawaan ko rin na kailangang regular na dumalo sa mga pulong kasama ng iba para sa organisadong pag-aaral ng Bibliya. Para magawa ito, naglalakad ako sa kakahuyan nang mga sampung kilometro upang marating ang isang lihim na dako na doo’y ginaganap ang pagpupulong. Kung minsan ay iilang babae lamang ang nakadadalo sa pulong, at kahit na hindi pa ako bautisado, hiniling sa akin na pangasiwaan ko ito.
Mapanganib ang pag-iingat ng literatura sa Bibliya, at maaari kang mabilanggo ng hanggang 25 taon kapag nahuli kang mayroon nito. Gayunman, hinangad ko pa ring magkaroon ng sariling aklatan. Isa sa aming mga kapit-bahay ang nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, subalit dahil sa takot, huminto siya at ibinaon ang kaniyang mga literatura sa kaniyang hardin. Laking pasalamat ko kay Jehova nang hukayin muli ng lalaki ang lahat ng kaniyang aklat at magasin at sumang-ayong ibigay sa akin! Itinago ko ang mga ito sa bahay-pukyutan ni Itay, kung saan hindi mag-iisip na maghalughog ang iba.
Noong Hulyo 1949, inialay ko ang aking buhay kay Jehova at nagpabautismo bilang sagisag ng aking pag-aalay. Ito ang pinakamaligayang araw sa aking buhay. Idiniin ng Saksing nangasiwa sa lihim na pagbabautismo na hindi madaling maging isang tunay na Kristiyano at na maraming pagsubok ang naghihintay. Di-nagtagal ay nalaman ko na talagang totoo ang kaniyang mga salita! Gayunman, masaya ang simula ng buhay ko bilang isang bautisadong Saksi. Dalawang buwan pagkatapos ng aking bautismo, pinakasalan ko si Maria, isa sa dalawa na nagturo ng katotohanan sa amin ni Inay.
Biglang Dumating ang Aking Unang Pagsubok
Noong Abril 16, 1950, pauwi ako mula sa maliit na bayan ng Podgaitsi nang bigla akong sinalubong ng mga sundalo at nasumpungan ang ilang literatura sa Bibliya na dinadala ko sa aming panggrupong pag-aaral. Inaresto ako. Sa unang ilang araw ng pagkakaditini, ako’y pinaghahampas ng pamalo, at hindi ako pinakain at pinatulog. Inutusan din akong tumayo’t tumingkayad nang sandaang beses habang ang aking mga kamay ay nakapatong sa aking ulo, na hindi ko natapos dahil sa labis na pagkahapo. Pagkatapos nito ay ikinulong ako sa loob ng 24 na oras sa isang silong na malamig at mamasa-masa.
Layunin ng masamang pagtrato na pahinain ako at gawing mas madali ang pagkuha ng impormasyon sa akin. “Saan mo kinuha ang literatura, at kanino mo ito dadalhin?” ang tanong nila. Wala akong isiniwalat na anuman. Pagkatapos ay binasa sa akin ang isang bahagi ng batas na dahil doo’y lilitisin ako. Isinasaad nito na ang pagpapalaganap at pag-iingat ng literaturang laban sa Sobyet ay pinarurusahan ng kamatayan o ng 25 taóng pagkabilanggo.
“Aling parusa ang gusto mo?” tanong nila.
“Wala,” ang sagot ko, “ngunit nagtitiwala ako kay Jehova, at sa tulong niya ay tatanggapin ko ang anumang ipahihintulot niya.”
Nagulat ako nang palayain ako pagkalipas ng pitong araw. Tinulungan ako ng karanasang iyon na maunawaan ang katotohanan ng pangako ni Jehova: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”—Hebreo 13:5.
Nang makauwi na ako, napakalubha ng aking karamdaman, ngunit dinala ako ni Itay sa isang doktor, at di-nagtagal ay gumaling ako. Bagaman ang relihiyosong paninindigan ni Itay ay kaiba sa pamilya, sinuportahan niya kami sa aming pagsamba.
Pagkabilanggo at Pagkatapon
Pagkalipas ng ilang buwan ay kinalap ako para maglingkod sa hukbong Sobyet. Ipinaliwanag ko ang pagtutol ng aking budhi. (Isaias 2:4) Gayunman, noong Pebrero 1951, sinentensiyahan ako ng apat-na-taóng pagkabilanggo at ipinadala sa isang bilangguan sa Ternopol’. Nang maglaon ay inilipat ako sa isa na nasa L’viv, isang mas malaking lunsod na mga 120 kilometro ang layo. Samantalang nasa bilangguang iyon, nalaman ko na maraming Saksi ang itinapon sa Siberia.
Noong tag-araw ng 1951, isang grupo sa amin ang dinala sa lugar na lampas pa sa Siberia, tuluy-tuloy hanggang sa Malayong Silangan. Naglakbay kami ng isang buwan—mga 11,000 kilometro—anupat tumawid sa 11 sona ng panahon! Minsan lamang kami huminto sa isang lugar, pagkatapos ng mahigit na dalawang linggo sa tren, kung saan pinahintulutan kaming maligo. Iyon ay sa malaking pampublikong paliguan sa Novosibirsk, Siberia.
Doon, sa gitna ng isang malaking pulutong ng mga bilanggo, narinig kong sumigaw ang isang lalaki: “Sino rito ang kabilang sa pamilya ni Jonadab?” Ang terminong “Jonadab” ay ginamit nang panahong iyon upang tukuyin yaong mga may pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa lupa. (2 Hari 10:15-17; Awit 37:11, 29) May ilang bilanggo na agad nagpakilala bilang mga Saksi. Galak na galak kaming nagbatian sa isa’t isa!
Espirituwal na Gawain sa Bilangguan
Samantalang nasa Novosibirsk, napagkasunduan namin ang isang lihim na katawagan na sa pamamagitan nito’y makikilala namin ang bawat isa kapag narating namin ang aming destinasyon. Kaming lahat ay dinala sa iisang kampong piitan sa Dagat ng Hapon, hindi kalayuan mula sa Vladivostok. Nag-organisa kami roon ng regular na mga pulong para sa pag-aaral ng Bibliya. Talagang nakapagpatibay sa aking espirituwalidad ang pakikisama sa may-gulang at matatandang mga lalaking ito na sinentensiyahang mabilanggo nang matagal. Sila ay naghalinhinan sa pangangasiwa sa aming mga pulong, na ginagamit ang mga teksto sa Bibliya at ang kaugnay na mga punto na natatandaan nila mula sa mga magasing Bantayan.
May mga nagtatanong, at sinasagot naman ito ng mga kapatid. Marami sa amin ang pumiraso ng papel mula sa walang laman na mga supot ng semento at kumuha ng mga nota ng mga komento nila. Itinabi namin ang mga nota at pinagsama-sama ang mga ito upang magamit bilang aming personal na aklatang panreperensiya. Pagkaraan ng ilang buwan, yaong may mahahabang sentensiya ay ipinadala sa mga kampo sa malayong hilaga ng Siberia. Tatlo sa amin na mga nakababatang kapatid na lalaki ang inilipat sa Nakhodka, isang karatig na lunsod na wala pang 650 kilometro mula sa Hapon. Gumugol ako ng dalawang taon sa bilangguan doon.
Kung minsan ay nakatatanggap kami ng isang kopya ng Ang Bantayan. Ito’y nagsilbing espirituwal na pagkain namin sa loob ng maraming buwan. Nang bandang huli, nakatanggap na rin kami ng mga sulat. Ang unang natanggap ko mula sa aking pamilya (na naging mga tapon noon) ay nagpaluha sa akin. Isinaad nito na, gaya ng inilarawan sa siniping The Watchtower sa pambungad, ang mga tahanan ng mga Saksi ay sinalakay at ang mga pamilya ay binigyan lamang ng dalawang oras upang umalis.
Muling Nakasama ng Aking Pamilya
Pinalaya ako noong Disyembre 1952, matapos gumugol ng dalawang taon sa apat-na-taóng sentensiya sa akin. Nakapiling ko ang aking pamilya sa maliit na nayon ng Gadaley malapit sa Tulun, Siberia, kung saan sila ipinatapon. Sabihin pa, napakasaya na muli silang makasama—ang aking anak na si Ivan at magtatatlong taon na, at ang aking anak na si Anna ay magdadalawa. Gayunman, relatibo lamang ang aking kalayaan. Kinumpiska ng lokal na mga awtoridad ang aking pasaporte, at ako ay mahigpit na minanmanan. Hindi ako makapaglakbay ng mahigit sa tatlong kilometro mula sa tahanan. Nang maglaon, pinahintulutan akong sumakay ng kabayo patungo sa pamilihan ng Tulun. Samantalang nag-iingat, nakipagtagpo ako sa mga kapuwa ko Saksi roon.
Nang panahong iyon, dalawa na ang aming anak na babae, sina Anna at Nadia, at dalawa na rin ang aming anak na lalaki, si Ivan at Kolya. Noong 1958, nagkaanak pa kami ng lalaki, si Volodya. At di-nagtagal, noong 1961, muli kaming nagkaanak ng isang babae, si Galia.
Malimit akong iditini at pagtatanungin ng KGB (dating ahensiya sa seguridad ng estado). Ang kanilang layunin ay hindi lamang upang hikayatin akong magsiwalat ng impormasyon tungkol sa kongregasyon kundi upang lumikha rin ng pagdududa na ako ay nakikipagtulungan sa kanila. Kaya naman dinadala nila ako sa isang napakagandang restawran at sinisikap na kunan ako ng mga larawan na nakangiti at nakikipagsaya sa kanila. Subalit nahalata ko ang kanilang motibo, at kalakip ang pagsisikap ay pinanatili kong nakasimangot ang aking mukha. Sa tuwing ididitini ako, ikinukuwento ko sa mga kapatid ang eksaktong nangyari. Kaya naman, hindi nila pinagdudahan ang aking katapatan.
Pakikipag-ugnayan sa mga Kampo
Sa paglipas ng mga taon, daan-daang Saksi ang dinala sa mga kampong piitan. Sa panahong ito, pinanatili namin ang regular na pakikipag-ugnayan sa aming mga kapatid na nakakulong, anupat pinaglalaanan sila ng literatura. Paano ito ginagawa? Kapag may mga kapatid na pinalaya mula sa kampo, nalalaman namin sa kanila ang mga paraan kung paano maaaring maipuslit ang literatura sa kabila ng mahigpit na pagbabantay. Sa loob ng mga sampung taon, nagawa naming paglaanan ang aming mga kapatid sa mga kampong ito ng mga kopya ng magasin at mga aklat na aming nakukuha sa Poland at sa ibang bansa.
Marami sa ating Kristiyanong kapatid na babae ang gumugol ng mahahabang oras sa nakapapagod na pagkopya ng literatura na may napakaliliit na mga titik anupat ang buong magasin ay maaaring itago sa isang kasinliit ng kahon ng posporo! Noong 1991, nang wala na ang pagbabawal sa amin at natatanggap na namin ang magagandang apat-na-kulay na mga magasin, isa sa aming kapatid na babae ang nagsabi: “Ngayon ay makakalimutan na kami.” Mali siya. Bagaman maaaring makalimot ang mga tao, ang gawa ng gayong matatapat na tao ay hindi kailanman malilimutan ni Jehova!—Hebreo 6:10.
Paglipat at mga Trahedya
Noong bandang katapusan ng 1967, ang bahay ng aking kapatid na lalaki sa Irkutsk ay hinalughog. Nakasumpong doon ng pilm at mga kopya ng literatura sa Bibliya. Siya ay hinatulan at sinentensiyahan ng tatlong-taóng pagkabilanggo. Gayunman, walang nasumpungan sa ginawang paghalughog sa aming bahay. Gayunman, kumbinsido ang mga awtoridad na kasangkot kami, kaya kinailangang umalis ang aking pamilya sa lugar na iyon. Kami ay lumipat mga 5,000 kilometro ang layo sa kanluran sa lunsod ng Nevinnomyssk sa Caucasus. Doon ay nanatili kaming abala sa di-pormal na pagpapatotoo.
Nagkaroon ng trahedya sa unang araw ng bakasyon sa paaralan noong Hunyo 1969. Habang sinisikap na kunin ang isang bola malapit sa isang transpormer ng kuryente na may mataas na boltahe, ang aming 12 anyos na anak na lalaki, si Kolya, ay malubhang nakuryente. Mahigit na 70 porsiyento ng kaniyang katawan ang nasunog. Sa ospital, lumingon siya sa akin at nagtanong: “Makakapunta pa kaya tayong muli sa isla nang magkasama?” (Tinutukoy niya ang isang isla na kinawiwilihan naming pasyalan.) “Oo, Kolya,” ang sabi ko, “pupunta uli tayo sa islang iyon. Kapag binuhay kang muli ni Jesu-Kristo, siguradong pupunta tayo sa islang iyon.” Bagaman halos wala nang malay-tao, patuloy niyang inawit ang isa sa kaniyang paboritong awiting pang-Kaharian, yaong isa na gustung-gusto niyang tugtugin sa kaniyang trumpeta sa orkestra ng kongregasyon. Pagkalipas ng tatlong araw ay namatay siya, na nagtitiwala sa pag-asa ng pagkabuhay-muli.
Nang sumunod na taon, ang aming 20 anyos na anak na lalaki, si Ivan, ay kinalap para maglingkod sa hukbo. Nang tumanggi siyang maglingkod, inaresto siya at ibinilanggo nang tatlong taon. Noong 1971, ako’y kinalap at muling pinagbantaang ibibilanggo dahil sa di-paglilingkod. Ang aking kaso ay nagtagal nang maraming buwan. Samantala, ang aking asawa ay nagkakanser at kinailangang alagaan. Dahil dito, pinawalang-halaga ang aking kaso. Namatay si Maria noong 1972. Siya ay naging tapat na kasama, matapat kay Jehova hanggang kamatayan.
Nangalat ang Aming Pamilya sa Ibang Lupain
Noong 1973, pinakasalan ko si Nina. Pinalayas siya ng kaniyang ama noong 1960 dahil siya ay naging isang Saksi. Siya ay isang masigasig na ministro na kabilang sa mga kapatid na babae na nagpagal sa pagkopya ng mga magasin para sa mga nasa kampo. Napamahal din siya sa aking mga anak.
Ang mga awtoridad ay nabahala sa aming gawain sa Nevinnomyssk at pinilit kaming umalis. Kaya noong 1975, kami ng aking asawa at mga anak na babae ay lumipat sa timugang rehiyon ng Caucasus sa Georgia. Kasabay nito, ang aking mga anak na lalaki na sina Ivan at Volodya ay lumipat sa Dzhambul sa timugang hangganan ng Kazakstan.
Sa Georgia, nagsisimula pa lamang ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nagpatotoo kami nang di-pormal sa loob at sa palibot ng Gagra at Sukhumi sa Black Sea Coast, at pagkaraan ng isang taon, sampung bagong Saksi ang nabautismuhan sa isang ilog sa bundok. Di-nagtagal, iginiit ng mga awtoridad na lisanin namin ang lugar na iyon, at kami’y lumipat sa silangang Georgia. Doon ay pinag-igi namin ang aming pagsisikap na makasumpong ng mga tulad-tupang tao, at pinagpala kami ni Jehova.
Nagtitipon kami sa maliliit na grupo. Naging suliranin ang wika, yamang hindi kami marunong ng wikang Georgiano at ang ilang Georgiano ay hindi nakapagsasalitang mabuti ng Ruso. Sa simula, nakipag-aral lamang kami sa mga Ruso. Subalit di-nagtagal, ang pangangaral at pagtuturo sa wikang Georgiano ay sumulong, at ngayon ay may libu-libong tagapaghayag ng Kaharian sa Georgia.
Noong 1979, sa ilalim ng panggigipit ng KGB ay sinabi ng aking amo na hindi na ako tinatanggap sa kaniyang bansa. Noon naman naaksidente sa kotse ang aking anak na babaing si Nadia anupat kapuwa siya at ang kaniyang anak na babae ay namatay. Bago ang taóng ito, ang aking ina ay namatay na tapat kay Jehova sa Nevinnomyssk, anupat naiwan ang aking ama at ang aking kapatid na lalaki. Kaya ipinasiya naming bumalik doon.
Mga Pagpapala Dahil sa Pagbabata
Sa Nevinnomyssk, nagpatuloy kami sa palihim na paggawa ng literatura sa Bibliya. Minsan, nang ako’y ipatawag ng mga awtoridad noong kalagitnaan ng dekada 1980, sinabi ko sa kanila na napanaginipan ko na itinatago ko ang aming mga magasin. Tumawa sila. Nang paalis na ako, isa sa kanila ang nagsabi: “Nawa ay hindi ka na managinip tungkol sa kung paano mo itinatago ang inyong literatura.” Ganito siya nagtapos: “Di-magtatagal at ididispley ang literatura sa inyong mga istante, at kayo ng iyong asawa ay pupunta sa mga pulong na magkahawak-kamay at tangan ang inyong Bibliya.”
Noong 1989, nalungkot kami nang mamatay ang aming anak na babaing si Anna dahil sa aneurismo sa utak. Siya ay 38 lamang. Nang taon ding iyon, noong Agosto, ang mga Saksi sa Nevinnomyssk ay umupa ng isang tren at naglakbay patungong Warsaw, Poland, upang dumalo sa isang internasyonal na kombensiyon. May 60,366 na dumalo, kasali na ang libu-libo mula sa Unyong Sobyet. Talagang inakala naming nananaginip kami! Pagkaraan ng wala pang dalawang taon, noong Marso 27, 1991, nagkapribilehiyo akong maging isa sa limang matatagal nang matanda sa kongregasyon sa Unyong Sobyet na lumagda sa makasaysayang dokumento sa Moscow na naglalaan ng legal na pagkilala para sa relihiyosong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova!
Natutuwa ako na ang aking mga anak na buháy ay tapat na naglilingkod kay Jehova. At inaasam ko ang bagong sanlibutan ng Diyos kung saan makikita kong muli si Anna, si Nadia at ang kaniyang anak, at gayundin si Kolya. Kapag siya ay binuhay-muli, tutuparin ko ang aking pangako na dadalhin ko siya sa islang iyon na labis naming kinawiwilihan maraming taon na ang nakararaan.
Samantala, kay saya na makita ang mabilis na paglago ng katotohanan sa Bibliya sa napakalaking lupaing ito! Ako’y totoong maligaya sa naging buhay ko, at nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagpapahintulot sa akin na maging isa sa kaniyang mga Saksi. Kumbinsido ako sa katotohanan ng Awit 34:8: “Tikman at tingnan ninyo na si Jehova ay mabuti, O kayong mga tao; maligaya ang matipunong lalaki na nanganganlong sa kaniya.”
[Larawan sa pahina 25]
Ang taon nang makapiling ko ang aking pamilya sa Tulun
[Mga larawan sa pahina 26]
Itaas: Ang aking ama at ang aking mga anak sa labas ng bahay namin sa Tulun, Siberia
Kanan sa itaas: Ang aking anak na si Nadia at ang kaniyang anak na babae, na kapuwa namatay sa isang aksidente sa kotse
Kanan: Isang larawan ng pamilya noong 1968