Rashi—Isang Maimpluwensiyang Komentarista sa Bibliya
ANO ba ang isa sa mga unang aklat na nailimbag sa Hebreo? Isang komentaryo sa Pentateuch (ang limang aklat ni Moises). Inilathala iyon sa Reggio Calabria, Italya, noong 1475. Ang awtor nito? Isang lalaking kilala bilang si Rashi.
Bakit pinagkalooban ng ganitong natatanging karangalan ang isang komentaryo? Sa kaniyang aklat na Rashi—The Man and His World, sinabi ni Esra Shereshevsky na ang komentaryo ni Rashi ay “naging isang saligang teksto sa tahanang Judio at sa bahay ng pag-aaral. Wala nang iba pang akda sa panitikang Judio ang pinag-ukulan kailanman ng gayong pagpapahalaga . . . Mahigit sa 200 karagdagang komentaryo ang nakikilalang tuwirang tumatalakay sa komentaryo ni Rashi sa Pentateuch.”
Mga Judio lamang ba ang naapektuhan ng komentaryo ni Rashi? Bagaman hindi napag-uunawa ng marami, ang komentaryo ni Rashi sa Hebreong Kasulatan ay nakaimpluwensiya sa mga salin ng Bibliya sa loob ng mga dantaon. Ngunit sino ba si Rashi, at paano siya nagkaroon ng gayong kalaking impluwensiya?
Sino si Rashi?
Si Rashi ay isinilang sa Troyes, Pransiya, noong taóng 1040.a Bilang isang kabataan, nagpunta siya sa mga relihiyosong akademya ng mga Judio sa Worms at Mainz sa Rhineland. Nag-aral siya roon sa ilalim ng pinakaprominenteng Judiong mga iskolar sa Europa. Nang mga edad na 25, kinailangan niyang magbalik sa Troyes dahil sa kaniyang personal na kalagayan. Palibhasa’y kinikilala na noon bilang isang natatanging iskolar, si Rashi ay agad na naging relihiyosong lider ng pamayanang Judio sa kanilang lugar at nakapagtatag siya ng sariling relihiyosong akademya. Nang maglaon, ang bagong sentrong ito sa pag-aaral ng mga Judio ay naging higit pang maimpluwensiya kaysa roon sa kinabibilangan ng mga guro ni Rashi sa Alemanya.
Noon, ang mga Judio sa Pransiya ay nagtatamasa ng relatibong kapayapaan at pakikipagkaisa sa kanilang mga kapuwa na nag-aangking Kristiyano, anupat nagbibigay ng higit na kalayaan para sa pagtataguyod ni Rashi ng kaniyang pag-aaral. Gayunman, hindi siya isang iskolar na nagbubukod sa sarili. Sa kabila ng kaniyang katanyagan bilang isang guro at pinuno ng akademya, naghanapbuhay si Rashi bilang isang tagagawa ng alak. Dahil sa kaniyang malaking kaalaman sa pangkaraniwang mga hanapbuhay, naging mas malapit siya sa mga pangkaraniwang Judio, anupat nakatulong ito upang kaniyang maunawaan at madamayan ang kanilang kalagayan. Ang lokasyon ng Troyes ay nakaragdag din sa malalim na unawa ni Rashi. Palibhasa’y nasa ruta ng malalaking kalakalan, ang lunsod ay nagsilbing isang pandaigdig na sentro, at dahil dito ay nakilala nang husto ni Rashi ang mga pamamaraan at kaugalian ng iba’t ibang bansa.
Bakit Kinailangan ang Isang Komentaryo?
Kilala ang mga Judio bilang ang mga tao ng aklat. Ngunit “ang aklat”—ang Bibliya—ay nasa Hebreo, at ang salita ngayon ng “mga tao” ay Arabe, Pranses, Aleman, Kastila, at napakarami pang ibang wika. Bagaman karamihan ng mga Judio ay naturuan pa rin ng Hebreo mula sa pagkabata, hindi nila malinaw na nauunawaan ang maraming salita sa Bibliya. Karagdagan pa, ang nangingibabaw na kalakaran sa loob ng maraming siglo sa rabinikong Judaismo ay humadlang sa mga tao para suriin ang literal na kahulugan ng teksto sa Bibliya. Dumami ang mga alegoriya at alamat tungkol sa mga salita at talata sa Bibliya. Marami sa gayong mga komento at kuwento ang isinulat sa malalaking tomo ng mga kasulatan, na sa kabuuan ay tinawag na Midrash.b
Ang apo ni Rashi, si Rabbi Samuel ben Meir (Rashbam), ay isa ring iskolar sa Bibliya. Sa kaniyang komentaryo sa Genesis 37:2, sinabi niya na “ang naunang mga komentarista [bago si Rashi] . . . ay may hilig na mangaral ng mga sermon (derashot), na itinuring nilang napakahalagang layunin, [ngunit] hindi nahirati na magsaliksik nang lubusan sa literal na kahulugan ng teksto sa Bibliya.” Sa pagkokomento sa kalakarang ito, sumulat si Dr. A. Cohen (punong patnugot ng Soncino Books of the Bible): “Totoo na nagtakda ang mga Rabbi ng isang alituntunin na hindi dapat tanggapin ang anumang pagpapakahulugan na hindi kasuwato ng peshat o maliwanag na kahulugan ng teksto; ngunit sa aktuwal ay hindi nila gaanong binibigyang-pansin ang alituntuning ito.” Sa gayong relihiyosong kapaligiran, nalilito ang pangkaraniwang Judio kapag binabasa ang teksto ng Bibliya at nangangailangan siya ng paliwanag.
Ang Tunguhin at Pamamaraan ni Rashi
Matagal nang tunguhin ni Rashi na maunawaan ng lahat ng Judio ang teksto ng Hebreong Kasulatan. Upang maisakatuparan ito, nagsimula siyang magtipon ng mga kuwaderno ng mga komento sa espesipikong mga salita at talata na inaakala niyang mahihirapang unawain ng mambabasa. Binabanggit ng mga nota ni Rashi ang mga paliwanag ng kaniyang mga guro at ginamit niya ang sariling malawak na kaalaman sa buong nasasaklaw ng rabinikong panitikan. Sa pananaliksik sa wika, ginamit ni Rashi ang lahat ng posibleng pagkukunan ng impormasyon. Binigyang-pansin niya kung paanong ang pagtutuldok at pagtutuldik ng mga Masorete ay nakaapekto sa pag-unawa sa teksto. Upang maipaliwanag ang kahulugan ng isang salita, ang kaniyang komentaryo sa Pentateuch ay malimit na tumukoy sa Aramaikong salin (Ang Targum ni Onkelos). Nakibagay at naging malikhain si Rashi sa kaniyang pagsusuri sa dating hindi nasiyasat na mga posibilidad sa pagpapaliwanag ng mga pang-ukol, pangatnig, kahulugan ng mga pandiwa, at iba pang anyo ng balarila at palaugnayan. Naging malaking tulong ang gayong mga komento sa pag-unawa sa palaugnayan at balarila ng wikang Hebreo.
Kabaligtaran ng nangingibabaw na kalakaran sa rabbinikong Judaismo, laging sinisikap ni Rashi na idiin ang simple at literal na kahulugan ng isang teksto. Ngunit ang napakalawak na panitikan sa Midrash, na kilalang-kilala ng mga Judio, ay hindi maaaring ipagwalang-bahala. Isang kapansin-pansing katangian ng komentaryo ni Rashi ang kaniyang paraan ng pag-uugnay sa mismong mga kasulatan sa Midrash na malimit magpalabo sa literal na kahulugan ng teksto sa Bibliya.
Sa kaniyang komento sa Genesis 3:8, ganito ang paliwanag ni Rashi: “Napakaraming maka-aggadahc na midrashim na may kaangkupang isinaayos na ng ating mga Paham sa Bereshit Rabbah at iba pang antolohiya sa midrash. Gayunman, ang tangi kong pinagkaabalahan ay ang tuwirang kahulugan (peshat) ng talata, at sa gayong aggadot gaya ng pagpapaliwang ng ulat ng Kasulatan sa konteksto nito.” Sa pamamagitan ng pagpili at pagsasaayos lamang ng mga midrashim na sa palagay niya’y nakatulong upang linawin ang kahulugan o konteksto ng isang talata, inayos, o inalis, ni Rashi ang midrashim na lumikha ng pagkakasalungatan at kalituhan. Bunga ng ganitong pag-aayos, ang sumunod na mga henerasyon ng mga Judio ay naging pamilyar lalo na sa mahuhusay na pagpili ni Rashi sa Midrash.
Bagaman hindi nag-atubiling kilalanin ang kaniyang mga guro, hindi rin naman siya nag-atubiling tumutol kapag ang kanilang mga paliwanag ay inaakala niyang salungat sa maliwanag na pangangatuwiran sa isang teksto. Kapag hindi niya nauunawaan ang isang talata o kaya’y inaakala niyang mali ang pagkapaliwanag niya dito, handa niyang aminin ito, anupat binabanggit pa nga ang mga pagkakataon na siya’y natulungan ng kaniyang mga estudyante na ituwid ang kaniyang pagkaunawa.
Naimpluwensiyahan ng Kaniyang Panahon
Si Rashi ay isang taong makabago. Ganito ang pagkabuod tungkol dito ng isang awtor: “Ang malaking abuloy [ni Rashi] sa buhay ng mga Judio ay ang kaniyang muling pagpapakahulugan sa lahat ng mahahalagang talata na ginagamit ang wika ng panahong iyon, sa gayong malinaw, nauunawaang pananalita, taglay ang gayong pagkamadamayin at pagiging makatao, natatanging kahusayan at kaalaman, anupat ang kaniyang mga komentaryo ay itinuring na sagrado at minahal bilang isang panitikan. Isinulat ni Rashi ang Hebreo na para bang ito’y Pranses, lakip ang talino at pagiging elegante. Kailanma’t nagkukulang siya ng eksaktong Hebreong salita, gumagamit siya ng isang salitang Pranses, na binabaybay ito sa pamamagitan ng mga Hebreong titik.” Ang mga salitang Pranses na ito na literal na isinalin—gumamit si Rashi ng mahigit sa 3,500 nito—ay naging isang mahalagang reperensiya para sa mga estudyante ng palawikaan at pagbigkas sa Matandang Pranses.
Bagaman nagsimula ang buhay ni Rashi sa isang medyo mapayapang kapaligiran, sa kaniyang katandaan ay nasaksihan niya ang tumitinding igtingan sa pagitan ng mga Judio at nag-aangking mga Kristiyano. Noong 1096, winasak ng Unang Krusada ang mga pamayanang Judio sa Rhineland, kung saan nag-aral si Rashi. Libu-libong Judio ang minasaker. Waring ang mga balita tungkol sa mga masaker na ito ay nakaapekto sa kalusugan ni Rashi (na patuloy na humina hanggang sa mamatay siya noong 1105). Mula noon, nagkaroon ng malaking pagbabago sa kaniyang mga komentaryo sa Kasulatan. Isang kapansin-pansing halimbawa ang Isaias kabanata 53, na bumabanggit tungkol sa nagdurusang lingkod ni Jehova. Nauna rito, ikinapit ni Rashi sa Mesiyas ang mga tekstong ito, gaya ng ginawa sa Talmud. Ngunit lumilitaw na pagkatapos ng mga Krusada, inakala niya na ang mga talatang ito ay kumakapit sa bayang Judio, na walang-katarungang nagdusa. Ito’y napatunayang isang malaking pagbabago sa pagpapakahulugan ng mga Judio sa mga tekstong ito.d Kaya naman, ang di-Kristiyanong paggawi ng Sangkakristiyanuhan ay naglayo sa marami, pati na sa mga Judio, mula sa katotohanan tungkol kay Jesus.—Mateo 7:16-20; 2 Pedro 2:1, 2.
Paano Niya Naimpluwensiyahan ang Pagsasalin sa Bibliya?
Di-nagtagal at nadama ang impluwensiya ni Rashi hindi lamang sa Judaismo. Ang Pranses na Franciscanong komentarista sa Bibliya na si Nicholas ng Lyra (1270-1349) ay napakadalas na bumanggit sa mga pananaw ni “Rabbi Solomon [Rashi]” anupat siya ay binansagang “ang Manggagaya ni Solomon.” Maraming komentarista at tagapagsalin ang naimpluwensiyahan naman ni Lyra, pati na ang mga naunang tagapagsalin ng Ingles na King James Version at ang repormador na si Martin Luther, na bumago sa pagsasalin ng Bibliya sa Alemanya. Umasa nang gayon na lamang si Luther kay Lyra anupat ganito ang sabi sa isang popular na tugma: “Kung hindi tumugtog ng lira si Lyra, hindi sana sumayaw si Luther.”
Lubhang naimpluwensiyahan si Rashi ng rabbinikong kaisipan na hindi kasuwato ng Kristiyanong katotohanan. Gayunman, dahil sa kaniyang malalim na unawa sa Hebreong mga salita, palaugnayan, at balarila sa Bibliya at sa kaniyang naging patuluyang pagsisikap na maunawaan ang maliwanag at literal na kahulugan ng teksto, naglaan si Rashi ng isang makabuluhang reperensiya na mapaghahambingan ng mga mananaliksik at tagapagsalin ng Bibliya.
[Mga talababa]
a Ang “Rashi” ay isang Hebreong akronim, na binuo mula sa mga unang titik ng mga salitang “Rabbi Shlomo Yitzḥaqi [Rabbi Solomon ben Isaac].”
b Ang salitang “Midrash” ay galing sa salitang-ugat na Hebreo na nangangahulugang “magtanong, mag-aral, magsiyasat,” at kung palalawakin pa, “mangaral.”
c Ang aggadah (pangmaramihan aggadot) ay literal na nangangahulugang “salaysay” at tumutukoy sa mga bahagi ng rabbinikong mga kasulatan na walang kinalaman sa batas, na kadalasa’y di-Biblikal na mga kuwento tungkol sa mga tauhan sa Bibliya o mga alamat tungkol sa mga rabbi.
d Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa tekstong ito sa Kasulatan, tingnan ang kahon na “My Servant”—Who Is He?, sa pahina 28 ng brosyur na Will There Ever Be a World Without War?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Teksto: Batay sa Per gentile concessione del Ministero dei Beni Culturali e Ambientali