Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 3/15 p. 29-31
  • “Mga Panganib sa Dagat”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Mga Panganib sa Dagat”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pangangailangan ng Roma sa Kalakalan sa Dagat
  • Mga Pasahero sa Barkong Pangkargamento?
  • Paglalakbay sa Dagat​—Gaano Kaligtas?
  • Dinala ang Mabuting Balita sa Ibayong Dagat
  • “Walang Mamamatay sa Inyo”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • Barko
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Napagtagumpayan ni Pablo ang Mahihirap na Kalagayan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 3/15 p. 29-31

“Mga Panganib sa Dagat”

SA KADILIMAN ng gabi, isang naglalayag na barko na may lulang 276 na katao ang papalapit na sa isang isla sa Mediteraneo. Pagod na pagod ang mga tripulante at pasahero dahil sa sila’y ipinapadpad sa magkabi-kabila ng maunos na dagat sa loob ng 14 na araw. Nang matanaw ang isang look sa pagbubukang-liwayway, sinikap nilang isadsad ang sasakyan. Ngunit ang proa ay hindi na makilos, at ang popa ay nagkasira-sira na. Lahat ng nakasakay ay tumalon sa tubig at nagawang makarating sa baybayin ng Malta sa pamamagitan ng paglangoy o kaya’y pagkapit sa mga tabla o iba pang bagay. Palibhasa’y giniginaw at hapung-hapo, halos hilahin na nila ang kanilang sarili mula sa nagngangalit na daluyong. Kabilang sa mga pasahero ang Kristiyanong si apostol Pablo. Ihahatid siya noon sa Roma para litisin.​—Gawa 27:27-​44.

Para kay Pablo, ang pagkawasak ng barko sa isla ng Malta ay hindi ang unang mapanganib na pangyayari sa dagat na naranasan niya. Mga ilang taon bago nito, sumulat siya: “Tatlong ulit na nakaranas ako ng pagkawasak ng barko, isang gabi at isang araw ang ginugol ko sa kalaliman.” Idinagdag niya na naranasan niya ang “mga panganib sa dagat.” (2 Corinto 11:25-27) Ang paglalakbay sa dagat ay nakatulong kay Pablo upang magampanan ang kaniyang bigay-Diyos na papel bilang “isang apostol sa mga bansa.”​—Roma 11:13.

Gaano nga ba kalawak ang paglalakbay sa dagat noong unang siglo? Anong bahagi ang ginampanan nito sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo? Gaano naman kaligtas ito? Anong uri ng mga sasakyan ang ginamit? At paano binigyang-lugar ang mga pasahero?

Pangangailangan ng Roma sa Kalakalan sa Dagat

Tinawag ng mga Romano ang Mediteraneo na Mare Nostrum​—Ang Aming Dagat. Mahalaga sa Roma ang kontrol sa mga ruta sa dagat hindi lamang sa pangmilitar na mga kadahilanan. Maraming lunsod sa Imperyong Romano ang alinman sa daungan o kaya’y pinaglilingkuran ng mga ito. Halimbawa, ang Roma ay may daungan nito sa kalapit na Ostia, samantalang ginamit naman ng Corinto ang Lechaum at Cencrea, at ang Siryanong Antioquia ay pinaglingkuran ng Seleucia. Ang mahusay na paglalayag sa pagitan ng mga daungang ito ay tumiyak sa mabilis na komunikasyon ng mga pangunahing lunsod at nagpangyari sa mabisang pangangasiwa ng mga lalawigang Romano.

Umasa rin ang Roma sa industriya ng pagbabarko para sa suplay nito ng pagkain. Palibhasa’y may populasyon na mga isang milyon, ang kailangang butil ng Roma ay napakarami​—sa pagitan ng 250,000 at 400,000 tonelada sa isang taon. Saan galing ang lahat ng butil na ito? Sinipi ni Flavius Josephus ang sinabi ni Herodes Agripa II na pinakain ng Hilagang Aprika ang Roma sa loob ng walong buwan ng taon, samantalang nagpadala naman ang Ehipto ng sapat na butil upang tustusan ang lunsod sa natitirang apat na buwan. Libu-libong sasakyang pandagat ang kailangan sa pagsusuplay ng butil sa lunsod na iyan.

Palibhasa’y sinasapatan ang hilig ng Roma sa luho, ang umuunlad na kalakalan sa pamamagitan ng dagat ay nagsuplay ng lahat ng uri ng kalakal. Ang mga mineral, bato, at marmol ay isinakay sa barko mula sa Ciprus, Gresya, at Ehipto, at ang kahoy naman ay galing sa Lebanon. Ang alak ay galing sa Smirna, ang mga nuwes ay sa Damasco, at ang datiles ay mula sa Palestina. Ang mga ungguento at goma ay inilulan mula sa Cilicia, ang lana mula sa Miletus at Laodicea, ang mga tela mula sa Sirya at Lebanon, telang purpura mula sa Tiro at Sidon. Ang mga tina ay galing sa Tiatira at ang kristal ay mula sa Alejandria at Sidon. Ang seda, bulak, garing, at mga espesya ay inangkat mula sa Tsina at India.

Ano naman ang masasabi tungkol sa barkong sinakyan ni Pablo na nawasak sa Malta? Iyon ay isang barkong pambutil, “isang daong mula sa Alejandria na lalayag patungong Italya.” (Gawa 27:6, talababa sa Ingles) Ang mga plota para sa butil ay sariling pag-aari ng mga Griego, taga-Fenicia, at taga-Sirya, na nangangasiwa at nagtutustos sa mga ito. Gayunman, ang mga barko ay inarkila ng Estado. “Katulad sa koleksiyon ng buwis,” sabi ng mananalaysay na si William M. Ramsay, “natuklasan ng pamahalaan na mas madaling ipakontrata ang trabaho sa halip na mag-organisa ng napakalaking sistema ng mga tao at kagamitan na kailangan sa malaking serbisyong iyan.”

Natapos ni Pablo ang kaniyang biyahe patungong Roma sakay ng isang barkong may roda na “Mga Anak ni Zeus.” Ito rin ay isang barko ng Alejandria. Dumaong ito sa Puteoli sa Gulpo ng Naples, ang daungan na karaniwang pinagbababaan ng mga plota ng butil. (Gawa 28:11-​13) Mula Puteoli​—modernong-panahong Pozzuoli​—ang kargamento ay hinihila patawid sa lupa o inihahatid sakay ng mas maliliit na bangka pahilaga sa kahabaan ng baybayin at hanggang sa Ilog Tiber patungo sa pinakasentro ng Roma.

Mga Pasahero sa Barkong Pangkargamento?

Bakit sumakay si Pablo at ang mga sundalong nagbabantay sa kaniya sa isang barkong pangkargamento? Upang masagot ang tanong na iyan, kailangan nating malaman kung ano ang ibig sabihin ng paglalakbay sa dagat para sa isang pasahero noong panahong iyon.

Noong unang siglo C.E., walang barkong pampasahero. Ang mga barkong sinasakyan ng mga naglalakbay ay mga barkong pangkalakal. At lahat ng uri ng mga tao​—kasali na ang mga opisyal ng Estado, mga intelektuwal, mangangaral, manggagaway, dalubsining, atleta, mangangalakal, turista, at mga peregrino​—ay maaaring sumakay sa mga ito.

Sabihin pa, may maliliit na bangka na naghahatid ng mga pasahero at kargamento sa katubigan ng baybayin. Maaaring gumamit si Pablo ng gayong sasakyan upang ‘makatawid patungong Macedonia’ mula sa Troas. Baka ilang beses din siyang inihatid ng maliliit na barkong paroo’t parito sa Atenas. Maaaring sumakay rin si Pablo sa isang maliit na bangka sa kaniyang sumunod na paglalakbay mula Troas patungong Patara na daraan sa mga isla malapit sa baybayin ng Asia Minor. (Gawa 16:8-​11; 17:14, 15; 20:1-6, 13-​15; 21:1) Nakatitipid sa panahon ang paggamit ng gayong maliliit na sasakyan, ngunit hindi ito maaaring maglayag nang napakalayo sa lupa. Kaya tiyak na mas malalaki ang mga barkong nagdala kay Pablo sa Ciprus at pagkatapos ay sa Pamfilia at yaong sinakyan niya mula Efeso hanggang Cesarea at mula Patara hanggang Tiro. (Gawa 13:4, 13; 18:21, 22; 21:1-3) Ang barkong sinakyan ni Pablo na nawasak sa Malta ay maituturing na malaki-laki rin. Gaano kaya kalaki ang gayong mga barko?

Ang mga reperensiyang akda ay umakay sa isang iskolar para sabihin: “Ang pinakamaliit na [barkong] pangkargamento na nasumpungang kapaki-pakinabang ng mga tao noon ay mga 70 hanggang 80 tonelada. Ang isang napakapopular na sukat, sa paano man sa panahong Helenistiko, ay 130 tonelada. Bagaman pangkaraniwang tanawin, ang isa na 250 tonelada ay tiyak na mas malaki sa karaniwan. Noong panahon ng Roma, ang mga barkong sinasakyan sa imperyo ay mas malalaki pa, na ang tamang kapasidad ay 340 tonelada. Ang pinakamalalaking barkong naglalayag ay hanggang 1300 tonelada, malamang na mas malaki rito nang kaunti.” Ayon sa isang paglalarawan na isinulat noong ikalawang siglo C.E., ang barkong Isis na naglululan ng butil mula sa Alejandria ay mahigit sa 55 metro ang haba, mga 14 na metro ang lapad, at may bodega na mga 13 metro ang lalim, at malamang na nakapagdadala ng mahigit sa isang libong tonelada ng butil at marahil ng ilang daang pasahero.

Paano inaasikaso ang mga manlalakbay na sakay ng isang barkong pambutil? Yamang ang mga barko ay pangunahin nang para sa kargamento, pangalawa lamang na isinasaalang-alang ang mga pasahero. Walang pagkain o mga serbisyo para sa kanila maliban sa tubig. Natutulog sila sa kubyerta, marahil sa tulad-toldang silungan na itinatayo sa gabi at inililigpit tuwing umaga. Bagaman pinahihintulutan ang mga pasahero na gamitin ang kusina para sa pagluluto, kailangang dala nila ang lahat ng kailangan nila upang makapagluto, makakain, makapaligo, at makatulog​—mula sa mga kaldero hanggang sa mga sapin.

Paglalakbay sa Dagat​—Gaano Kaligtas?

Palibhasa’y walang mga instrumento​—kahit na isang kompas​—ang mga maglalayag noong unang siglo ay naglalayag na ginagamit ang mga mata lamang. Samakatuwid, pinakaligtas ang paglalakbay kapag maaliwalas ang panahon​—karaniwan nang mula sa pagtatapos ng Mayo hanggang sa kalagitnaan ng Setyembre. Dalawang buwan bago at pagkatapos ng panahong iyan, ang mga mangangalakal ay baka makipagsapalaran lamang sa paglalayag. Ngunit kapag taglamig, kadalasa’y natatakpan ng mga abu-abo at ulap ang mga palatandaan at ang araw sa maghapon at mga bituin sa gabi. Itinuturing na sarado (Latin, mare clausum) ang paglalayag mula Nobyembre 11 hanggang Marso 10, maliban na sa mga pagkakataon na kailangang-kailangan o apurahan. Yaong mga naglalakbay sa pagtatapos ng taglamig ay nanganganib na magpalipas ng taglamig sa isang daungan sa ibang bansa.​—Gawa 27:12; 28:11.

Sa kabila ng pagiging mapanganib at apektado ng panahon, mayroon bang anumang bentaha ang paglalayag kaysa sa paglalakbay sa daan? Aba, oo! Ang paglalakbay sa dagat ay hindi gaanong nakapapagod, mas matipid, at mas mabilis. Kapag maganda ang hangin, ang isang barko marahil ay nakapaglalayag ng 150 kilometro sa isang araw. Ang karaniwang bilis para sa isang mahabang paglalakbay nang naglalakad ay 25 hanggang 30 kilometro isang araw.

Ang bilis ng paglalayag sa kabuuan ay depende halos sa hangin. Ang biyahe mula sa Ehipto patungong Italya ay isang patuluyang pakikipagpunyagi sa kasalubong na hangin, kahit na sa pinakamagandang panahon. Ang pinakamaikling ruta naman ay karaniwan nang dumaraan sa Rodas o Mira o sa iba pang daungan sa baybayin ng Licia sa Asia Minor. Matapos sumagupa sa mga bagyo at maligaw, minsa’y dumaong ang barkong pambutil na Isis sa Piraeus 70 araw matapos na pumalaot ito mula sa Alejandria. Dahil sa nasa likuran nito ang hangin mula sa hilagang-kanluran, ang pagbabalik mula sa Italya ay malamang na umabot ng 20 hanggang 25 araw. Kung daraan sa lupa, ang paglalakbay na iyon sa alinmang direksiyon ay gugugol ng mahigit sa 150 araw kapag maganda ang panahon.

Dinala ang Mabuting Balita sa Ibayong Dagat

Maliwanag na batid ni Pablo ang mga panganib sa paglalakbay sa dagat nang wala sa panahon. Nagbabala pa nga siya laban sa paglalayag sa pagtatapos ng Setyembre o sa pagsisimula ng Oktubre, nang sabihin niya: “Mga lalaki, sa tingin ko ay magkakaroon ng pinsala at malaking kawalan ang paglalayag hindi lamang sa kargamento at sa daong kundi maging sa ating mga kaluluwa.” (Gawa 27:9, 10) Gayunman, hindi pinansin ng opisyal ng hukbo ang mga salitang ito, at humantong ito sa pagkawasak ng barko sa Malta.

Sa pagtatapos ng kaniyang pagmimisyonero, di-kukulangin sa apat na beses na dumanas si Pablo ng pagkawasak ng barko. (Gawa 27:41-​44; 2 Corinto 11:25) Gayunman, ang labis na pagkabahala sa gayong mga pangyayari ay hindi nakahadlang sa mga unang mangangaral ng mabuting balita para maglayag. Lubusan nilang ginamit ang lahat ng paraan ng paglalakbay upang palaganapin ang mensahe ng Kaharian. At bilang pagsunod sa utos ni Jesus, naibigay ang patotoo sa lahat ng dako. (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8) Dahil sa kanilang sigasig, sa pananampalataya niyaong mga sumunod sa kanilang halimbawa, at sa patnubay ng banal na espiritu ni Jehova, ang mabuting balita ay nakarating sa pinakamalalayong sulok ng tinatahanang lupa.

[Picture Credit Line sa pahina 31]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share