Isang Aklat ng Karunungan na may Mensahe sa Ngayon
“ANG isang supot na punô ng karunungan ay nagkakahalaga ng higit kaysa sa isa na punô ng mga perlas,” ang sabi ng sinaunang patriyarkang si Job, na walang alinlangang isa sa pinakamayamang tao noong kaniyang panahon. (Job 1:3; 28:18; 42:12) Tunay, ang karunungan ay nagkakahalaga ng higit kaysa sa materyal na mga pag-aari pagdating sa pagtulong sa isang tao na magtagumpay sa kaniyang buhay. “Ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang,” sabi ng pantas na si Haring Solomon, “ngunit ang pakinabang sa kaalaman ay na iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.”—Eclesiastes 7:12.
Subalit saan masusumpungan ang gayong karunungan sa ngayon? Ang mga tao’y bumabaling sa mga kolumnista, sikologo, saykayatris, maging sa mga tagaayos ng buhok at mga tsuper ng taksi, para sa kanilang personal na mga problema. At di-mabilang na mga dalubhasa ang handang magpayo sa lahat halos ng paksa—sa naaangkop na halaga. Gayunman, kadalasang humahantong lamang sa kabiguan at sa kapahamakan pa nga ang mga salitang ito ng “karunungan.” Kung gayon, paano natin masusumpungan ang tunay na karunungan?
Ganito ang minsa’y nasabi ni Jesu-Kristo, na may malalim na unawa sa mga problema ng tao: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19) Suriin natin ang ilang karaniwang problema sa buhay ng tao at tingnan natin kung anong salita ng karunungan ang talagang nakatulong sa kanila at napatunayan nilang nagkakahalaga ng higit kaysa sa ‘isang supot na punô ng perlas.’ Maaari mo ring masumpungan ang “supot na punô ng karunungan” na ito at makinabang dito.
Nanlulumo Ka Ba?
“Kung dala ng ika-20 siglo ang Panahon ng Kabalisahan, nasasaksihan sa pagtatapos nito ang pagpasok ng Panahon ng Kalungkutan,” ang sabi ng International Herald Tribune ng London. Sinabi pa nito na “isinisiwalat ng unang internasyonal na pag-aaral hinggil sa matinding panlulumo ang patuloy na pagdami ng karamdamang ito sa buong daigdig. Higit at higit na mas madaling magkaroon ng karamdaman ang sunud-sunod na salinlahi sa mga naiibang bansa na gaya ng Taiwan, Lebanon at New Zealand.” Sinasabing tatlong ulit na mas malamang na dumanas ng matinding panlulumo yaong mga isinilang pagkaraan ng 1955 kaysa sa kanilang mga lolo’t lola.
Ganiyan ang kalagayan ni Tomoe, na dumanas ng matinding panlulumo at gumugol ng malaking bahagi ng kaniyang buhay sa higaan. Yamang hindi niya mapangalagaan ang kaniyang dalawang-taóng-gulang na anak na lalaki, umuwi siya sa tahanan ng kaniyang mga magulang. Di-nagtagal ay kinaibigan si Tomoe ng isang kapitbahay na may anak na babaing kasinggulang ng anak niya. Nang sabihin ni Tomoe sa kapitbahay ang nadarama niyang kawalang-halaga, ipinakita sa kaniya ng kapitbahay ang isang teksto mula sa isang aklat. Ito’y kababasahan ng ganito: “Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay: ‘Hindi kita kailangan’; o, muli, ang ulo ay hindi makapagsasabi sa paa: ‘Hindi kita kailangan.’ Kundi lalo pa ngang kailangan ang mga sangkap ng katawan na sa wari ay mas mahihina.”a Tumulo ang mga luha ni Tomoe nang matanto niya na ang lahat ay may dako sa daigdig at mahalaga.
Iminungkahi ng kapitbahay na suriin niya ang aklat na nagtataglay ng pananalitang ito. Tumango si Tomoe bilang pagsang-ayon, kahit na hanggang noon ay wala pa siyang magawang anumang bagay, kahit na ang paggawa ng isang simpleng pangako. Tinulungan din siya ng kapitbahay na mamili, at naghahanda ito ng pagkain na kasama ni Tomoe araw-araw. Pagkalipas ng isang buwan, si Tomoe ay nakababangon na tuwing umaga, naglalaba, naglilinis ng bahay, namimili, at naghahanda ng hapunan, gaya ng sinumang maybahay. Kailangan niyang mapagtagumpayan ang maraming problema, subalit aniya, “Nagtitiwala ako na kung susundin ko lamang ang salita ng karunungan na nasumpungan ko, magagawa ko ito.”
Sa pagkakapit ng karunungan na kaniyang nasumpungan, napagtagumpayan ni Tomoe ang malulungkot na araw ng kaniyang panlulumo. Ngayon ay buong-panahong tumutulong si Tomoe sa iba na ikapit ang mga salita ring iyon na nakatulong sa kaniya na makayanan ang kaniyang mga problema. Ang mga salitang ito ng karunungan ay nasa isang sinaunang aklat na may mensahe para sa lahat ng tao ngayon.
Nakakaharap Mo ba ang mga Problema sa Pamilya?
Sa buong daigdig, dumarami ang diborsiyo. Dumarami ang mga problema sa pamilya kahit sa mga bansa sa Silangan, kung saan dating ipinagmamalaki ng mga tao ang kanilang malapit na kaugnayan sa mga pamilya. Saan natin masusumpungan ang matalinong payo sa pag-aasawa na mabisa?
Isaalang-alang ang kaso ni Shugo at Mihoko, isang mag-asawa na walang-katapusan ang problema sa pag-aasawa. Nag-aaway sila sa bawat maliit na bagay. Magagalitin si Shugo, at palasagot naman si Mihoko tuwing pinipintasan siya ni Shugo. Naisip pa nga ni Mihoko, ‘Imposibleng magkasundo kami sa anumang bagay.’
Isang araw, isang babae ang dumalaw kay Mihoko at binasa sa kaniya ang mga salitang ito mula sa isang aklat: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”b Bagaman hindi interesado sa relihiyon, sumang-ayon si Mihoko na pag-aralan ang aklat na naglalaman ng mga salitang ito. Interesado siyang pagbutihin ang kaniyang buhay pampamilya. Kaya nang anyayahan siyang dumalo sa isang pulong kung saan tinatalakay ang isang publikasyong pinamagatang Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya, agad na pinaunlakan ito ni Mihoko—at ng kaniyang asawa.c
Sa pulong, napansin ni Shugo na aktuwal na ikinakapit ng mga dumadalo ang kanilang natututuhan at sila’y waring maliligaya. Ipinasiya niyang suriin ang aklat na pinag-aaralan ng kaniyang asawa. Isang pangungusap ang agad na nakatawag ng kaniyang pansin: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay may saganang pagkaunawa, ngunit siyang madaling magalit ay nagbubunyi ng kamangmangan.”d Bagaman natagalan bago niya naikapit ang simulaing ito sa kaniyang buhay, napansin niyaong mga malapit sa kaniya, pati na ng kaniyang asawa, ang unti-unting pagbabago sa kaniya.
Palibhasa’y nakita ang mga pagbabago sa kaniyang asawang lalaki, sinimulan ding ikapit ni Mihoko ang kaniyang natututuhan. Ito ang isang simulain na lalo nang nakatulong sa kaniya: “Tigilan na ninyo ang paghatol upang hindi kayo mahatulan; sapagkat sa hatol na inyong inihahatol, kayo ay hahatulan.”e Kaya naipasiya ni Mihoko at ng kaniyang asawa na pag-usapan nila ang kanilang mabubuting katangian at kung paano sila susulong sa halip na pintasan ang isa’t isa. Ano ang resulta? Ganito ang nagunita ni Mihoko: “Talagang napaligaya ako nito. Ginagawa namin ito sa hapunan gabi-gabi. Kahit na ang aming tatlong-taóng-gulang na anak na lalaki ay sumasali sa usapan. Tunay na nakagiginhawa ito sa amin!”
Nang isagawa ng pamilyang ito ang makabuluhang payo na kanilang natanggap, napagtagumpayan nila ang mga problema na nagpapahirap at sumisira sa kanilang kaugnayan. Hindi ba’t higit na mahalaga ito para sa kanila kaysa sa isang supot na punô ng perlas?
Gusto Mo Bang Magtagumpay sa Iyong Buhay?
Para sa marami ngayon, ang pagkakamal ng kayamanan ang tunguhin sa buhay. Gayunman, isang mayamang negosyante sa Estados Unidos na namigay ng daan-daang milyong dolyar sa kawanggawa ang minsa’y nagsabi: “Kaakit-akit sa ilang tao ang salapi, subalit walang sinuman ang nakapagsusuot ng dalawang pares ng sapatos nang sabay.” Kakaunti ang sumasang-ayon sa bagay na ito at mas kakaunti ang humihinto sa paghahabol sa kayamanan.
Lumaking mahirap si Hitoshi, kaya napakatindi ng pagnanais niyang yumaman. Pagkatapos makita kung paano pinaiikot ng mga nagpapautang ang mga tao sa kanilang daliri, naipasiya niya: “Ang isa na nakasusunggab ng mas maraming salapi ang siyang panalo.” Gayon na lamang ang paniniwala ni Hitoshi sa kapangyarihan ng salapi anupat naisip niyang mabibili nito kahit na ang buhay ng mga tao. Upang magkamal ng kayamanan, nagsumikap siya sa kaniyang negosyong pagkakabit ng mga tubo at nagtrabaho nang buong isang taon, nang hindi kailanman nagbabakasyon. Kahit gayon na lamang ang kayod niya, agad natalos ni Hitoshi na siya, isang pangalawahing kontratista, ay hindi kailanman magiging makapangyarihan na gaya ng mismong mga kontratista na nagbibigay sa kaniya ng trabaho. Nakakaharap niya sa araw-araw ang kabiguan at takot na mabangkarote.
Pagkatapos, isang lalaki ang dumalaw sa bahay ni Hitoshi at nagtanong sa kaniya kung alam niyang si Jesu-Kristo ay namatay alang-alang sa kaniya. Yamang inaakala ni Hitoshi na walang sinuman ang mamamatay para sa isang taong gaya niya, gusto niyang malaman ito at sumang-ayon siyang pag-usapan pa ito. Nang sumunod na linggo, dumalo siya sa isang lektiyur at nagulat siya nang marinig ang payo na ‘panatilihing simple ang inyong mata.’ Ipinaliwanag ng tagapagsalita na ang “simpleng” mata ay isa na nakakakita sa malayo at nakapokus sa espirituwal na mga bagay; sa kabilang panig naman, ang “balakyot,” o “mainggiting,” mata ay nakapokus lamang sa dagliang mga nasa ng laman at hindi nakakakita sa malayo. Ang payo na, “Kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso,” ang nakaantig sa kaniya.f Mayroong mas mahalaga pa kaysa pagkakamit ng mga kayamanan! Ngayon lamang niya narinig ito.
Palibhasa’y humanga, sinimulan niyang ikapit ang kaniyang natututuhan. Sa halip na magpagal para sa salapi, inuna niya ang espirituwal na mga bagay sa kaniyang buhay. Gumugol din siya ng panahon sa pangangalaga sa espirituwal na kapakanan ng kaniyang pamilya. Natural, nangahulugan ito ng pagbabawas ng panahon sa trabaho, gayunma’y lumakas ang kaniyang negosyo. Bakit?
Nagbago ang kaniyang mapusok na personalidad tungo sa isa na mahinahon at mapayapa habang tumutugon siya sa payo na ibinigay sa kaniya. Humanga siya lalo na sa payo na: “Talaga ngang alisin ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita mula sa inyong bibig. Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa. Hubarin ninyo ang lumang personalidad kasama ng mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong mga sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago alinsunod sa larawan ng Isa na lumalang nito.”g Hindi siya pinayaman ng payong ito, ngunit ang kaniyang “bagong personalidad” ay nagbigay ng mabuting impresyon sa kaniyang mga kliyente at nakuha niya ang kanilang tiwala at kumpiyansa. Oo, ang mga salita ng karunungan na nasumpungan niya ay tumulong sa kaniya na gawing matagumpay ang kaniyang buhay. Para sa kaniya, ang mga ito’y literal na nagkakahalaga ng higit pa kaysa sa isang supot na punô ng perlas o pera.
Bubuksan Mo ba ang Supot?
Makikilala mo ba ang supot na punô ng karunungan na napatunayang napakahalaga sa mga indibiduwal sa nabanggit na mga halimbawa? Ito’y karunungan na masusumpungan sa Bibliya, ang pinakamalaganap ang sirkulasyon at pinakamadaling makuhang aklat sa lupa. Marahil ay mayroon ka nang kopya nito o madali kang makakuha ng isa nito. Gayunman, kung paanong walang gaanong halaga sa may-ari nito ang basta pagkakaroon ng isang supot na punô ng mahahalagang perlas at hindi naman ginagamit ito, wala ring gaanong halaga ang basta pagkakaroon ng Bibliya. Bakit hindi buksan ang supot, wika nga, at ikapit ang matalino at napapanahong payo ng Bibliya at alamin kung paano ito makatutulong sa iyo na matagumpay na maharap ang mga problema sa buhay.
Kung ikaw ay nabigyan ng isang supot na punô ng perlas, hindi ba’t ikaw ay magpapasalamat at aalamin mo kung sino ang nagbigay sa iyo upang mapasalamatan mo siya? Kilala mo ba kung sino ang Nagbigay ng Bibliya?
Isinisiwalat ng Bibliya ang Bukal ng karunungan na masusumpungan dito nang sabihin nito: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” (2 Timoteo 3:16) Sinasabi rin nito sa atin na “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Iyan ang dahilan kung bakit ang matatalinong salita na masusumpungan sa Bibliya ay napapanahon at mabisa para sa atin ngayon. Ang mga Saksi ni Jehova ay matutuwang tumulong sa iyo na matuto tungkol sa bukas-palad na Tagapagbigay na ito, ang Diyos na Jehova, upang mapabilang ka sa mga tatanggap ng “isang supot na punô ng karunungan” na nasa Bibliya—ang aklat ng karunungan na may mensahe para sa mga tao ngayon.
[Mga talababa]
a Ang sinipi ay mula sa 1 Corinto 12:21,22.
c Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
f Mateo 6:21-23; talababa sa Ingles.
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
Mga Salita ng Karunungan sa Pagpapanatili ng Emosyonal na Pagkakatimbang
“Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo? Sapagkat ang tunay na kapatawaran ay nasa iyo, upang ikaw ay katakutan.”—Awit 130:3, 4.
“Ang masayang puso ay may mabuting epekto sa mukha, ngunit dahil sa kirot sa puso ay may bagbag na espiritu.”—Kawikaan 15:13.
“Huwag kang lubhang magpakamatuwid, ni labis-labis na magpakarunong. Bakit mo dudulutan ng kaabahan ang iyong sarili?”—Eclesiastes 7:16.
“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
“Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.”—Efeso 4:26.
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
Mga Salita ng Karunungan Para sa Isang Maligayang Buhay Pampamilya
“Nabibigo ang mga plano kung saan walang lihim na usapan, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.”—Kawikaan 15:22.
“Ang puso ng may unawa ay nagtatamo ng kaalaman, at ang tainga ng marurunong ay humahanap ng kaalaman.”—Kawikaan 18:15.
“Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salita na sinalita sa tamang panahon para roon.”—Kawikaan 25:11.
“Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Subalit, bukod pa sa lahat ng mga bagay na ito, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:13, 14.
“Alamin ninyo ito, mga kapatid kong iniibig. Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.”—Santiago 1:19.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Mga Salita ng Karunungan Para Gawing Matagumpay ang Buhay
“Ang madayang pares ng timbangan ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang hustong batong-panimbang ay kaluguran sa kaniya.”—Kawikaan 11:1.
“Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.”—Kawikaan 16:18.
“Gaya ng lunsod na pinasok na walang pader, ang taong hindi nagpipigil ng kaniyang espiritu.”—Kawikaan 25:28.
“Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu, sapagkat paghihinanakit ang nagpapahinga sa dibdib ng mga hangal.”—Eclesiastes 7:9.
“Ihagis mo ang iyong tinapay sa ibabaw ng tubig, sapagkat sa paglipas ng maraming araw ay masusumpungan mong muli iyon.”—Eclesiastes 11:1.
“Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibigay nito kung ano ang mabuti sa mga nakikinig.”—Efeso 4:29.
[Larawan sa pahina 7]
Ang pag-aaral ng Bibliya ang unang hakbang upang tumanggap ng isang “supot na punô ng karunungan”