Buhay Pagkatapos ng Kamatayan—Ano ang Paniniwala ng mga Tao?
“Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?”—JOB 14:14.
1, 2. Paano naghahanap ng kaaliwan ang marami kapag namatayan sila ng isang mahal sa buhay?
SA ISANG punerarya sa New York City, tahimik na nakahanay ang mga kaibigan at pamilya sa tabi ng nakabukas na kabaong ng isang 17-taong-gulang na batang lalaki na namatay dahil sa kanser. Habang lumuluha, paulit-ulit na sinabi ng nagdadalamhating ina: “Si Tommy ay mas maligaya na ngayon. Nais ng Diyos na makasama si Tommy sa langit.” Iyan ang naituro sa kaniya para paniwalaan.
2 Mga 11,000 kilometro ang layo, sa Jamnagar, India, sinisindihan ng pinakamatanda sa tatlong anak na lalaki ang mga kahoy sa sigá na susunog sa bangkay ng kanilang ama. Habang lumalagitik ang apoy, ang Brahman ay paulit-ulit na bumibigkas ng mga mantra ng Sanskrit: “Ang kaluluwa na hindi namamatay ay magpatuloy nawa sa kaniyang pagsisikap na maabot ang sukdulang katotohanan.”
3. Anong mga tanong ang pinag-iisipan ng mga tao sa loob ng mahabang panahon?
3 Kitang-kita natin ang katotohanan ng kamatayan. (Roma 5:12) Likas lamang na isipin natin kung kamatayan na nga kaya ang wakas ng lahat. Habang pinag-iisipan ang likas na siklo ng mga halaman, ganito ang sabi ni Job, isang sinaunang tapat na lingkod ng Diyos na Jehova: “May pag-asa maging para sa isang punungkahoy. Kung ito ay puputulin, sisibol pa itong muli, at ang sariling sanga nito ay hindi mawawala.” Paano naman ang mga tao? “Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?” ang tanong ni Job. (Job 14:7, 14) Sa paglipas ng panahon, pinag-isipan ng mga tao sa lahat ng lipunan ang mga tanong na: Mayroon bang buhay pagkatapos ng kamatayan? Kung mayroon, anong uri ng buhay? Dahil dito, ano ang pinaniniwalaan ng mga tao? At bakit?
Maraming Sagot, Iisang Tema
4. Ano ang paniniwala ng mga tao sa iba’t ibang relihiyon tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan?
4 Maraming tinatawag na mga Kristiyano ang naniniwala na pagkamatay, ang mga tao ay pumupunta sa langit o kaya’y sa impiyerno. Ang mga Hindu naman ay naniniwala sa reinkarnasyon. Ayon sa paniniwala ng Islam, magkakaroon ng isang araw ng paghuhukom pagkamatay, na doo’y aalamin ni Allah ang pamumuhay ng bawat isa at bawat isa ay ipadadala niya sa paraiso o kaya’y sa maapoy na impiyerno. Sa ilang lupain, ang mga paniniwala hinggil sa mga patay ay isang kakatwang paghahalo ng lokal na tradisyon at tinaguriang Kristiyanismo. Halimbawa, sa Sri Lanka, iniiwang nakabukas ng kapuwa mga Budista at mga Katoliko ang mga pintuan at bintana kapag may namatay silang kasambahay, at ipinupuwesto nila ang kabaong na ang paanan ng namatay ay nakaharap sa bukanang pinto. Naniniwala sila na ang ganitong mga hakbang ay magpapabilis sa paglabas ng espiritu, o kaluluwa, ng namatay. Sa mga Katoliko at mga Protestante sa Kanlurang Aprika, kaugalian nang takpan ang mga salamin kapag may namatay upang walang tumingin at makakita sa espiritu ng taong namatay. Pagkatapos, pagkaraan ng 40 araw, ipinagdiriwang ng pamilya at mga kaibigan ang pag-akyat ng kaluluwa sa langit.
5. Ano ang isang pangunahing paniniwala na doo’y nagkakaisa ang karamihan ng mga relihiyon?
5 Sa kabila ng pagkakaiba-ibang ito, waring ang karamihan ng mga relihiyon ay nagkakasundo sa iisang punto. Naniniwala sila na ang isang bagay na nasa loob ng isang tao—iyon man ay tinatawag na kaluluwa, espiritu, o multo—ay imortal at patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan. Halos lahat ng daan-daang relihiyon at sekta sa Sangkakristiyanuhan ay nagtataguyod ng paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa. Ang paniniwalang ito ay isa ring opisyal na doktrina ng Judaismo. Ito ang pinakapundasyon ng turo ng Hinduismo tungkol sa reinkarnasyon. Naniniwala ang mga Muslim na patuloy na nabubuhay ang kaluluwa pagkamatay ng katawan. Ang mga Katutubo ng Australia, ang animista ng Aprika, ang Shinto, maging ang Budista, ay pawang may iba’t ibang turo hinggil sa paksang ito.
6. Paano minamalas ng ilang iskolar ang ideya na ang kaluluwa ay imortal?
6 Sa kabilang panig, may mga naniniwala na ang buhay na may kamalayan ay nagwawakas sa kamatayan. Sa kanila, hindi makatuwiran ang ideya na ang emosyonal at may talinong buhay ay patuloy na umiiral sa isang di-personal at parang aninong kaluluwa na hiwalay sa katawan. Ganito ang isinulat ng Kastilang iskolar ng ika-20 siglo na si Miguel de Unamuno: “Ang maniwala sa imortalidad ng kaluluwa ay paghahangad na sana’y maging imortal ang kaluluwa, ngunit ang gayon na lamang katinding pananalig ay yuyurak sa katuwiran at babale-wala rito.” Kabilang sa may katulad na paniniwala ay ang mga taong iba’t iba ang kalagayan gaya ng kilalang mga pilosopo noong una na si Aristotle at Epicurus, ang manggagamot na si Hippocrates, ang taga-Scotland na pilosopong si David Hume, ang Arabeng iskolar na si Averroës, at ang unang punong ministro ng India pagkaraang matamo nito ang kalayaan, si Jawaharlal Nehru.
7. Anong mahahalagang tanong tungkol sa paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa ang dapat isaalang-alang ngayon?
7 Palibhasa’y napapaharap sa gayong nagkakasalungatang mga ideya at paniniwala, kailangang itanong natin: Talaga nga bang mayroon tayong imortal na kaluluwa? Kung ang kaluluwa ay talagang hindi imortal, kung gayo’y paano naging isang mahalagang bahagi ng karamihan sa mga relihiyon ngayon ang gayong huwad na turo? Saan nanggaling ang ideyang ito? Mahalaga na masumpungan natin ang makatotohanan at kasiya-siyang kasagutan sa mga tanong na ito sapagkat nakasalalay rito ang ating kinabukasan. (1 Corinto 15:19) Subalit, suriin muna natin kung paano nagsimula ang doktrina ng imortalidad ng kaluluwa.
Ang Pinagmulan ng Doktrina
8. Anong papel ang ginampanan nina Socrates at Plato sa pagpapalaganap ng ideya na ang kaluluwa ay imortal?
8 Ang mga Griegong pilosopo na sina Socrates at Plato noong ikalimang siglo B.C.E. ang siyang pinaniniwalaang mga nauna sa pagpapalaganap ng ideya na ang kaluluwa ay imortal. Subalit, hindi sila ang pinagmulan ng ideyang ito. Sa halip, kanilang pinaganda at binago ito upang maging isang pilosopikong turo, sa gayo’y gawing kaakit-akit ito sa mga uring edukado noong kanilang kapanahunan at sa hinaharap pa. Ang totoo, naniniwala rin sa imortalidad ng kaluluwa ang mga alagad ni Zoroaster ng sinaunang Persia at ang mga Ehipsiyo na nauna sa kanila. Kung gayon, ang tanong ay, Ano ang pinagmulan ng turong ito?
9. Anong iisang pinagmumulan ng impluwensiya ang makikita sa sinaunang mga kultura ng Ehipto, Persia, at Gresya?
9 “Sa sinaunang daigdig,” sabi ng aklat na The Religion of Babylonia and Assyria, “ang Ehipto, Persia, at Gresya ay naimpluwensiyahan ng relihiyon ng Babilonia.” Hinggil sa mga relihiyosong paniniwala ng mga Ehipsiyo, sinabi pa ng aklat: “Dahilan sa maagang ugnayan sa pagitan ng Ehipto at Babilonia, gaya ng isiniwalat ng mga tapyas ng El-Amarna, tiyak na nagkaroon ng maraming pagkakataon para isama ang mga pangmalas at mga kaugaliang Babiloniko sa mga kulto ng Ehipsiyo.”a Halos ganito rin ang masasabi tungkol sa matatandang kulturang Persiano at Griego.
10. Ano ang paniniwala ng mga taga-Babilonya tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan?
10 Subalit naniwala ba ang sinaunang mga taga-Babilonia sa imortalidad ng kaluluwa? Sa puntong ito, sumulat si Propesor Morris Jastrow, Jr., ng University of Pennsylvania, E.U.A.: “Maging ang mga tao o ang mga pinuno ng relihiyosong paniniwala [ng Babilonia] ay hindi kailanman nakaisip sa posibilidad ng ganap na pagkalipol ng buhay. Ang kamatayan [sa kanilang pangmalas] ay isang paglipat sa panibagong uri ng buhay, at ang pagtanggi sa imortalidad [ng kasalukuyang buhay] ay nagdiriin lamang sa pagkaimposible na makatakas sa pagbabago ng pag-iral bunga ng kamatayan.” Oo, ang mga taga-Babilonia ay naniniwala na may uri ng buhay, sa naiibang anyo, na nagpapatuloy pagkatapos ng kamatayan. Ipinahayag nila ito sa pamamagitan ng pagbabaon ng mga kasangkapan kasama ng namatay upang magamit ng mga ito sa Kabilang-Buhay.
11, 12. Pagkatapos ng Baha, ano ang dakong pinagmulan ng turo ng imortalidad ng kaluluwa?
11 Maliwanag, ang turo ng imortalidad ng kaluluwa ay buhat pa sa sinaunang Babilonya. Mahalaga ba iyan? Oo, sapagkat ayon sa Bibliya, ang lunsod ng Babel, o Babilonya, ay itinayo ni Nimrod, ang apo-sa-tuhod ni Noe. Pagkatapos ng pangglobong Baha noong kaarawan ni Noe, may iisang wika at iisang relihiyon lamang ang mga tao. Hindi lamang “salansang kay Jehova” si Nimrod kundi nais niya at ng kaniyang mga tagasunod na ‘gumawa ng bantog na pangalan’ para sa kanilang sarili. Kaya sa pamamagitan ng pagtatatag ng lunsod at pagtatayo ng isang tore roon, pinasimulan ni Nimrod ang isang naiibang relihiyon.—Genesis 10:1, 6, 8-10; 11:1-4.
12 Sinasabi na si Nimrod ay namatay sa marahas na paraan. Pagkamatay niya, walang pagsalang ninais ng mga taga-Babilonya na dakilain siya bilang tagapagtatag, tagapagtayo, at unang hari ng kanilang lunsod. Yamang ang diyos na si Marduk (Merodac) ay kinilala na siyang tagapagtatag ng Babilonya at isinunod pa man din sa kaniyang pangalan ang pangalan ng ilang hari sa Babilonya, sinasabi ng ilang iskolar na si Marduk ay kumakatawan kay Nimrod na ginawang diyos. (2 Hari 25:27; Isaias 39:1; Jeremias 50:2) Kung gayon nga, nangangahulugan ito na ang ideya na ang isang tao ay may kaluluwa na patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan ay tiyak na pinaniniwalaan na maging noong mamatay si Nimrod. Gayunman, isinisiwalat ng mga pahina ng kasaysayan na pagkatapos ng Baha, ang dakong pinagmulan ng turo ng imortalidad ng kaluluwa ay ang Babel, o Babilonya.
13. Paano lumaganap sa balat ng lupa ang turo tungkol sa imortalidad ng kaluluwa, at ano ang naging resulta?
13 Ipinakikita pa ng Bibliya na binigo ng Diyos ang mga pagsisikap ng mga tagapagtayo ng tore ng Babel sa pamamagitan ng paggulo sa kanilang wika. Palibhasa’y hindi na magkaintindihan, iniwanan nila ang kanilang proyekto at sila’y nagsipangalat “mula roon sa ibabaw ng buong lupa.” (Genesis 11:5-9) Dapat nating tandaan na bagaman nabago ang wika ng mga nabigong tagapagtayo ng tore, hindi naman nagbago ang kanilang kaisipan at mga ideya. Dahil dito, saanman sila magpunta, taglay nila ang kanilang relihiyosong mga ideya. Sa ganitong paraan, ang Babilonikong mga turo ng relihiyon—kasali na yaong tungkol sa imortalidad ng kaluluwa—ay lumaganap sa balat ng lupa at naging pundasyon ng mga pangunahing relihiyon sa daigdig. Sa gayon naitatag ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na wastong inilarawan sa Bibliya bilang “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng kasuklam-suklam na mga bagay sa lupa.”—Apocalipsis 17:5.
Ang Pandaigdig na Imperyo ng Huwad na Relihiyon ay Lumaganap Pasilangan
14. Paano lumaganap sa subkontinente ng India ang mga relihiyosong paniniwala ng Babilonya?
14 Sinasabi ng ilang mananalaysay na mahigit sa 3,500 taon na ang nakalilipas, isang malawakang pandarayuhan ang nagdala sa mga Aryano mula sa hilagang-kanluran tungo sa Indus Valley, na ngayo’y pangunahing matatagpuan sa Pakistan at India. Mula roon, nagsipangalat sila hanggang sa mga kapatagan ng Ilog ng Ganges at patawid sa India. Sinasabi ng ilang eksperto na ang relihiyosong mga ideya ng mga nandayuhang ito ay galing sa sinaunang mga turo ng Iran at Babilonya. Kung gayon, ang mga relihiyosong ideyang ito ang siyang naging mga ugat ng Hinduismo.
15. Paano naimpluwensiyahan ng ideya tungkol sa imortal na kaluluwa ang Hinduismo sa kasalukuyan?
15 Sa India, ang ideya ng imortalidad ng kaluluwa ay ipinahahayag sa doktrina ng reinkarnasyon. Ang mga pantas na Hindu, na nakikipagpunyagi sa malaganap na suliranin ng kasamaan at pagdurusa ng mga tao, ay nakaisip ng tinatawag na batas ng Karma, ang batas ng sanhi at epekto. Sa pamamagitan ng paglalahok ng paniniwalang ito sa imortalidad ng kaluluwa, nabuo nila ang turo ng reinkarnasyon, kung saan ang mga kabutihan at kasamaan ng buhay ng isa ay sinasabing ginagantimpalaan o pinarurusahan sa kasunod na buhay. Ang tunguhin ng mga tagasunod ay ang moksha, o paglaya mula sa siklo ng muli’t muling pagsilang at pagiging kaisa ng tinatawag na sukdulang katotohanan, o Nirvana. Sa paglipas ng mga siglo, habang lumalaganap ang Hinduismo, kasabay nito ang turo ng reinkarnasyon. At ang doktrinang ito ay naging pangunahing sandigan ng Hinduismo sa kasalukuyan.
16. Anong paniniwala tungkol sa Kabilang-Buhay ang nangibabaw sa relihiyosong kaisipan at kaugalian ng malaking bahagi ng populasyon ng Silangang Asia?
16 Mula sa Hinduismo ay lumitaw ang iba pang paniniwala, gaya ng Budismo, Jainismo, at Sikhismo. Ang mga ito ay naniniwala rin sa reinkarnasyon. Bukod dito, habang lumalaganap ang Budismo sa malaking bahagi ng Silangang Asia—sa Tsina, Korea, Hapon, at sa iba pang lugar—lubhang naapektuhan nito ang kultura at relihiyon ng buong rehiyon. Ito ang pinagmulan ng mga relihiyon na kakikitaan ng kombinasyon ng mga paniniwala, anupat pinaghalo ang mga bahagi ng Budhismo, espiritismo, at pagsamba sa ninuno. Ang lubhang maimpluwensiya sa mga ito ay ang Taoismo, Confucianismo, at Shinto. Sa ganitong paraan, ang paniniwala na nagpapatuloy ang buhay matapos mamatay ang katawan ay nangibabaw sa relihiyosong mga kaisipan at kaugalian ng malaking bahagi ng sangkatauhan sa bahaging iyan ng daigdig.
Kumusta Naman ang Judaismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam?
17. Ano ang paniniwala ng sinaunang mga Judio tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan?
17 Ano naman ang paniniwala ng mga tagasunod sa mga relihiyon ng Judaismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan? Sa mga relihiyong ito, pinakamatanda ang Judaismo. Matatalunton pabalik ang pinagmulan nito kay Abraham mga 4,000 taon na ang nakaraan—bago pa binuo nina Socrates at Plato ang teoriya ng imortalidad ng kaluluwa. Naniniwala ang mga sinaunang Judio sa pagkabuhay-muli ng mga patay at hindi sa likas na imortalidad ng tao. (Mateo 22:31, 32; Hebreo 11:19) Paano, kung gayon, pumasok sa Judaismo ang doktrina ng imortalidad ng kaluluwa? Sinasagot ito ng kasaysayan.
18, 19. Paano pumasok sa Judaismo ang doktrina ng imortalidad ng kaluluwa?
18 Noong 332 B.C.E., sinakop ni Alejandrong Dakila ang Gitnang Silangan, pati na ang Jerusalem. Habang ipinagpapatuloy ng mga kahalili ni Alejandro ang kaniyang programa ng Hellenisasyon, ang pagsasama ng dalawang kultura—ang Griego at Judio—ay naganap. Nang maglaon, ang mga Judio ay nasanay sa kaisipang Griego, at ang ilan ay naging mga pilosopo pa nga.
19 Si Philo ng Alejandria, noong unang siglo C.E., ay isa sa gayong mga Judiong pilosopo. Lubos ang kaniyang pagpipitagan kay Plato at sinikap niyang ipaliwanag ang Judaismo sa pamamagitan ng pilosopiyang Griego, sa gayo’y naihanda ang daan para sa lilitaw na mga palaisip na Judio sa dakong huli. Ang Talmud—nasusulat na mga komentaryo sa binibigkas na batas ng mga rabbi—ay naimpluwensiyahan din ng kaisipang Griego. “Ang mga rabbi ng Talmud,” sabi ng Encyclopaedia Judaica, “ay naniniwala sa patuloy na pag-iral ng kaluluwa pagkatapos mamatay.” Ang sumunod na mistikong literatura ng mga Judio, gaya ng Cabala, ay humantong pa nga sa pagtuturo ng reinkarnasyon. Kaya ang ideya ng imortalidad ng kaluluwa ay pumasok sa Judaismo sa pamamagitan ng impluwensiya ng Griegong pilosopiya. Ano naman ang masasabi tungkol sa pagpasok ng turong ito sa Sangkakristiyanuhan?
20, 21. (a) Ano ang paninindigan ng mga unang Kristiyano hinggil sa Platoniko, o Griegong pilosopiya? (b) Ano ang umakay sa paglalahok ng mga ideya ni Plato sa mga turong Kristiyano?
20 Ang tunay na Kristiyanismo ay nagsimula kay Jesu-Kristo. Tungkol kay Jesus, ganito ang isinulat ni Miguel de Unamuno, na naunang sinipi: “Siya’y naniwala sa pagkabuhay-muli ng laman, ayon sa Judiong paraan, hindi sa imortalidad ng kaluluwa, alinsunod sa [Griego] Platonikong paraan.” Siya’y nagtapos: “Ang imortalidad ng kaluluwa . . . ay isang paganong pilosopikong doktrina.” Dahil dito, mauunawaan natin kung bakit mariing nagbabala si apostol Pablo sa mga Kristiyano noong unang siglo laban sa “pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao, alinsunod sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi alinsunod kay Kristo.”—Colosas 2:8.
21 Subalit kailan at paano nakapasok sa Sangkakristiyanuhan ang ganitong “paganong pilosopikal na doktrina”? Nagpaliwanag ang The New Encyclopædia Britannica: “Mula sa kalagitnaan ng ika-2 siglo AD, ang ilang Kristiyano na tumanggap ng pagsasanay sa Griegong pilosopiya ay nakadama ng pangangailangang ipahayag ang kanilang pananampalataya sa paraang ito, kapuwa upang mabigyang-kasiyahan ang kanilang kaisipan at upang makumberte ang may pinag-aralang mga pagano. Ang pilosopiyang angkop na angkop sa kanila ay ang Platonismo.” Ang dalawa sa gayong naunang mga pilosopo na nagkaroon ng malaking impluwensiya sa mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan ay sina Origen ng Alejandria at Augustine ng Hippo. Kapuwa sila lubhang naimpluwensiyahan ng mga ideya ni Plato at gumanap ng bahagi sa paglalahok ng mga ideyang iyon sa mga turong Kristiyano.
22. Paano nanatiling prominente sa Islam ang turo tungkol sa imortalidad ng kaluluwa?
22 Samantalang ang ideya ng imortalidad ng kaluluwa sa Judaismo at Sangkakristiyanuhan ay bunga ng Platonikong impluwensiya, ang ideyang ito ay bahagi na ng Islam noon pa mang pasimula. Itinuturo ng Koran, ang banal na aklat ng Islam, na ang tao ay may kaluluwang patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan. Binabanggit nito na ang pangwakas na hantungan ng kaluluwa ay alinman sa buhay sa isang makalangit na hardin ng paraiso o kaparusahan sa isang nag-aapoy na impiyerno. Hindi ito nangangahulugan na ang mga Arabeng iskolar ay hindi nagsikap na pagsamahin ang mga turong Islamiko at pilosopiyang Griego. Sa katunayan, ang daigdig ng mga Arabe ay naimpluwensiyahan sa isang banda ng mga isinulat ni Aristotle. Gayunman, naniniwala pa rin ang mga Muslim sa imortalidad ng kaluluwa.
23. Anong mahahalagang tanong hinggil sa buhay pagkatapos ng kamatayan ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
23 Maliwanag, ang mga relihiyon sa buong daigdig ay nakabuo ng pagkarami-raming paniniwala tungkol sa Kabilang-Buhay, batay sa turo na ang kaluluwa ay hindi namamatay. At ang gayong mga paniniwala ay nakaapekto, oo, namayani at umalipin pa nga sa bilyun-bilyong tao. Palibhasa’y nakakaharap ang lahat ng ito, nauudyukan tayong magtanong: Posible bang malaman ang katotohanan tungkol sa nangyayari sa atin kapag tayo’y namatay? Mayroon bang buhay pagkatapos ng kamatayan? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito? Tatalakayin natin ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang El-Amarna ang siyang dako ng mga kagibaan ng lunsod na Akhetaton sa Ehipto, na sinasabing itinayo noong ika-14 na siglo B.C.E.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ang iisang tema na matatagpuan sa paniniwala ng karamihan ng mga relihiyon tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan?
◻ Paano itinuturo ng kasaysayan at ng Bibliya ang sinaunang Babilonya bilang dakong pinagmulan ng doktrina tungkol sa imortal na kaluluwa?
◻ Sa anong paraan naapektuhan ng Babilonikong paniniwala sa isang imortal na kaluluwa ang mga relihiyon sa Silangan?
◻ Paano nakapasok sa Judaismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam ang turo tungkol sa imortalidad ng kaluluwa?
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Ang pananakop ni Alejandrong Dakila ay humantong sa pagsasama ng mga kulturang Griego at Judio
Sinikap ni Augustine na ihalo ang Platonikong pilosopya sa Kristiyanismo
[Credit Lines]
Alejandro: Musei Capitolini, Roma; Augustine: Mula sa aklat na Great Men and Famous Women