Maging Mapagbantay at Maging Masikap!
“Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”—MATEO 25:13.
1. Ano ang inaasahan ni apostol Juan?
SA HULING diyalogo sa Bibliya, nangako si Jesus: “Ako ay dumarating nang madali.” Tumugon ang kaniyang apostol na si Juan: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.” Walang alinlangan ang apostol na darating si Jesus. Kabilang si Juan sa mga apostol na nagtanong kay Jesus: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto [Griego, pa·rou·siʹa] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Oo, buong-pagtitiwalang inaasahan ni Juan ang panghinaharap na pagkanaririto ni Jesus.—Apocalipsis 22:20; Mateo 24:3.
2. Kung tungkol sa pagkanaririto ni Jesus, ano ang situwasyon sa mga simbahan?
2 Bihira na ngayon ang gayong pagtitiwala. Maraming simbahan ang may opisyal na doktrina tungkol sa “pagparito” ni Jesus, ngunit iilan lamang sa mga miyembro nila ang talagang umaasa rito. Nabubuhay sila na parang hindi mangyayari ito. Ganito ang sabi ng aklat na The Parousia in the New Testament: “Walang gaanong positibong epekto sa buhay, kaisipan at gawain ng simbahan ang pag-asang Parousia. . . . Ang matinding pagkaapurahan na dahil dito’y dapat sanang gampanan ng simbahan ang gawain nito sa pagsisisi at pagpapahayag ng mga misyonero ng ebanghelyo, ay humina kung hindi man ganap na naglaho.” Pero hindi sa lahat!
3. (a) Ano ang nadarama ng mga tunay na Kristiyano hinggil sa pa·rou·siʹa? (b) Ano ang partikular na isasaalang-alang natin ngayon?
3 Buong-kasabikang hinihintay ng tunay na mga alagad ni Jesus ang wakas ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Samantalang buong-katapatang ginagawa iyon, kailangan nating mag-ingat ng tamang pangmalas hinggil sa lahat ng nasasangkot sa pagkanaririto ni Jesus at kumilos tayo nang alinsunod dito. Iyan ang magpapangyari sa atin na ‘makapagbata hanggang sa wakas at maligtas.’ (Mateo 24:13) Sa pagbibigay ng hula na masusumpungan natin sa Mateo mga kabanata 24 at 25, naglaan si Jesus ng matalinong payo na maikakapit natin ukol sa ating walang-hanggang kapakinabangan. Nilalaman ng kabanata 25 ang mga talinghagang malamang na alam mo na, pati na ang tungkol sa sampung birhen (ang matatalino at ang mangmang na mga birhen) at ang talinghaga tungkol sa mga talento. (Mateo 25:1-30) Paano tayo makikinabang sa mga ilustrasyong ito?
Maging Mapagbantay, Gaya ng Ginawa ng Limang Birhen!
4. Ano ang diwa ng talinghaga tungkol sa mga birhen?
4 Baka naisin mong muling basahin ang talinghaga tungkol sa mga birhen, na masusumpungan sa Mateo 25:1-13. Ang tagpo ay sa isang engrandeng kasalang Judio na doo’y pumunta ang kasintahang lalaki sa bahay ng ama ng kasintahang babae upang isama ang babae patungo sa tahanan ng kasintahang lalaki (o sa tahanan ng kaniyang ama). Maaaring kasali sa gayong prusisyon ang mga manunugtog at mang-aawit, at hindi tiyak ang oras ng pagdating nito. Sa talinghaga, ang sampung birhen ay naghintay hanggang gabi para sa pagdating ng kasintahang lalaki. Ang lima ay buong-kamangmangang hindi nagdala ng sapat na langis para sa lampara at sa gayo’y kinailangang umalis at bumili nito. Ang natitirang lima naman ay buong-katalinuhang nagdala ng ekstrang langis sa mga lalagyan upang muling punuin ang kanilang lampara kung kailangan habang sila’y naghihintay. Ang limang ito lamang ang naroroon at nakahanda nang dumating ang kasintahang lalaki. Kaya naman, sila lamang ang pinayagang makapasok sa piging. Nang magbalik ang limang mangmang na birhen, huli na para sila makapasok.
5. Anong mga kasulatan ang nagbibigay-liwanag sa makasagisag na kahulugan ng talinghaga tungkol sa mga birhen?
5 Maraming bahagi ng talinghagang ito ang maaaring unawain na makasagisag. Halimbawa, binabanggit ng Kasulatan si Jesus bilang isang kasintahang lalaki. (Juan 3:28-30) Inihalintulad ni Jesus ang kaniyang sarili sa anak ng hari na ipinaghanda ng piging sa kasalan. (Mateo 22:1-14) At inihahambing ng Bibliya si Kristo sa isang asawang lalaki. (Efeso 5:23) Kapansin-pansin, samantalang ang mga pinahirang Kristiyano sa ibang pagkakataon ay inilalarawan bilang “kasintahang babae” ni Kristo, ang talinghaga ay hindi bumabanggit ng isang kasintahang babae. (Juan 3:29; Apocalipsis 19:7; 21:2, 9) Gayunman, bumabanggit ito ng sampung birhen, at sa ibang pagkakataon, ang mga pinahiran ay inihahalintulad sa isang birhen na ipinangakong ipakakasal sa Kristo.—2 Corinto 11:2.a
6. Anong payo ang ibinigay ni Jesus nang tinatapos ang talinghaga tungkol sa mga birhen?
6 Bukod sa gayong mga detalye at anumang makahulang pagkakapit, tiyak na may maiinam na simulain na matututuhan natin sa talinghagang ito. Halimbawa, pansinin na tinapos ito ni Jesus sa mga salitang: “Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.” Kaya itinatawid ng talinghaga ang pangangailangang maging mapagbantay ang bawat isa sa atin, anupat maging alisto sa dumarating na wakas ng balakyot na sistemang ito. Tiyak na sasapit ang wakas na ito, bagaman hindi natin matukoy ang petsa. Hinggil dito, pansinin ang mga saloobing ipinakita ng dalawang grupo ng mga birhen.
7. Sa anong diwa napatunayang mangmang ang lima sa mga birhen sa talinghaga?
7 Sinabi ni Jesus: “Ang lima sa kanila ay mga mangmang.” Iyon ba’y dahil sa hindi sila naniwalang darating ang kasintahang lalaki? Sila ba’y nasa malayo at nagpapasarap sa buhay? O sila kaya’y nalinlang? Wala sa mga ito ang sagot. Sinabi ni Jesus na ang limang ito ay “lumabas upang salubungin ang kasintahang lalaki.” Alam nila na darating siya, at ibig nilang makisali, anupat makibahagi pa nga sa “piging ng kasalan.” Gayunpaman, sapat ba ang kanilang naging paghahanda? Matagal din silang naghintay sa kaniya, hanggang sa “kalagitnaan na ng gabi,” ngunit hindi sila handa para sa kaniyang pagdating anumang oras—mapaaga man o mahuli sa kanilang unang inaasahan.
8. Paano napatunayang maingat ang lima sa mga birhen sa talinghaga?
8 Ang natitirang lima—na tinawag ni Jesus na maingat—ay lumabas din taglay ang nakasinding mga lampara, na umaasa sa pagdating ng kasintahang lalaki. Kinailangan din nilang maghintay, ngunit sila’y “maingat.” Ang salitang Griego na isinaling “maingat” ay nagpapahiwatig ng diwa ng pagiging “matalino, matalas ang pakiramdam, at talagang marunong.” Pinatunayan ng limang ito na sila’y maingat sa pamamagitan ng pagdadala ng mga lalagyan na may ekstrang langis upang muling punuin ang kanilang mga lampara kung kakailanganin. Sa katunayan, itinalaga na nila ang kanilang sarili sa pagiging handa para sa kasintahang lalaki anupat hindi nila ipinamigay ang kanilang langis. Angkop naman ang gayong pagiging mapagbantay, gaya ng pinatunayan ng kanilang pagiging naroroon at lubusang handa nang dumating ang kasintahang lalaki. Yaong mga “nakahanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan.”
9, 10. Ano ang punto ng talinghaga tungkol sa mga birhen, at ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
9 Si Jesus ay hindi nagbibigay ng aral tungkol sa wastong paggawi sa kasalan, ni nagpapayo man siya tungkol sa pamamahagi. Ang punto niya ay: “Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.” Tanungin ang iyong sarili, ‘Talaga bang ako’y mapagbantay may kinalaman sa pagkanaririto ni Jesus?’ Naniniwala tayo na si Jesus ay naghahari na ngayon sa langit, ngunit gaano ba talaga nakatuon ang ating pansin sa katunayan na ‘ang Anak ng tao ay malapit nang dumating na nasa mga ulap ng langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian’? (Mateo 24:30) Pagsapit ng ‘kalagitnaan ng gabi,’ ang pagdating ng kasintahang lalaki ay tiyak na mas malapit na kaysa noong unang lumabas ang mga birhen upang salubungin siya. Sa katulad na paraan, ang pagdating ng Anak ng tao upang puksain ang kasalukuyang balakyot na sistema ay mas malapit na kaysa noong magsimula tayong umasa sa kaniyang pagparito. (Roma 13:11-14) Nananatili ba tayong mapagbantay, anupat nagiging lalo pang mapagbantay habang papalapit na ang oras?
10 Upang masunod ang utos na “manatili kayong mapagbantay,” kailangan ang patuluyang pagbabantay. Hinayaan ng limang birhen na maubos ang kanilang langis at umalis sila upang bumili pa nito. Sa katulad na paraan, ang isang Kristiyano sa ngayon ay baka maging abala anupat hindi siya lubusang nakahanda sa napipintong pagdating ni Jesus. Nangyari ito sa ilang Kristiyano noong unang siglo. Maaari itong mangyari sa ilan ngayon. Kaya tanungin natin ang ating sarili, ‘Nangyayari ba ito sa akin?’—1 Tesalonica 5:6-8; Hebreo 2:1; 3:12; 12:3; Apocalipsis 16:15.
Maging Masikap Habang Papalapit Na ang Wakas
11. Anong talinghaga ang sumunod na ibinigay ni Jesus, at sa ano ito nakakatulad?
11 Sa kaniyang sumunod na talinghaga, higit pa sa pagiging mapagbantay ang ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. Matapos ilahad ang tungkol sa matalino at sa mangmang na mga birhen, inilahad naman niya ang ilustrasyon tungkol sa mga talento. (Basahin ang Mateo 25:14-30.) Sa maraming paraan ay kahawig ito ng kaniyang naunang talinghaga tungkol sa mga mina, na ibinigay ni Jesus dahil “inaakala [ng marami na] kaagad na magpapakita ang kaharian ng Diyos.”—Lucas 19:11-27.
12. Ano ang diwa ng talinghaga tungkol sa mga talento?
12 Sa talinghaga ng mga talento, inilahad ni Jesus ang tungkol sa isang tao na nagpatawag ng tatlong alipin bago siya maglakbay sa ibang lupain. Ipinagkatiwala niya sa isa ang limang talento, sa isa ay dalawa, at sa huli ay isa lamang—“sa bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan.” Malamang, ito ay talentong pilak, isang pamantayang halaga ng salapi na noo’y kinikita ng isang manggagawa sa loob ng 14 na taon—napakalaking halaga ng salapi! Nang magbalik ang lalaki, pinapagsulit niya ang mga alipin sa ginawa nila sa loob ng “mahabang panahon” habang wala siya. Dinoble ng unang dalawang alipin ang halaga ng ipinagkatiwala sa kanila. Nagsabi siya ng “mahusay,” at nangako sa bawat isa ng higit pang pananagutan, at nagtapos: “Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.” Palibhasa’y iginigiit na masyadong mahigpit ang panginoon, ang alipin na may isang talento ay hindi gumamit nito sa kapaki-pakinabang na paraan. Itinago niya ang salapi, anupat hindi man lamang idineposito iyon sa mga bangkero upang kumita ng interes. “Balakyot at makupad” ang itinawag sa kaniya ng panginoon dahil hindi siya nagpagal sa kapakanan ng kaniyang panginoon. Dahil dito, ang talento ay kinuha sa kaniya, at itinapon siya sa labas na kung saan mangyayari “ang kaniyang pagtangis at pagngangalit ng kaniyang mga ngipin.”
13. Paano napatunayang si Jesus ay gaya ng panginoon sa talinghaga?
13 Muli, ang mga detalye nito ay maaaring unawain sa makasagisag na diwa. Halimbawa, iiwan ni Jesus, na inilalarawan ng taong naglakbay sa ibang lupain, ang kaniyang mga alagad, pupunta siya sa langit, at maghihintay ng mahabang panahon hanggang sa makamit niya ang makaharing kapangyarihan.b (Awit 110:1-4; Gawa 2:34-36; Roma 8:34; Hebreo 10:12, 13) Subalit, muli na naman nating mauunawaan ang isang mas malawak na aral o simulaing dapat na ikapit nating lahat sa ating buhay. Ano iyon?
14. Anong mahalagang pangangailangan ang idiniriin ng talinghaga tungkol sa mga talento?
14 Ang pag-asa man natin ay imortal na buhay sa langit o walang-hanggang buhay sa paraisong lupa, maliwanag mula sa talinghaga ni Jesus na dapat tayong magsumikap sa mga gawaing Kristiyano. Sa katunayan, maaaring sabihin sa isang salita ang mensahe ng talinghagang ito: pagkamasikap. Nagpakita ng parisan ang mga apostol mula noong Pentecostes 33 C.E. patuloy. Mababasa natin: “Sa maraming iba pang salita ay nagpatotoo [si Pedro] nang lubusan at patuloy sa masidhing pagpapayo sa kanila, na sinasabi: ‘Maligtas kayo mula sa likong salinlahing ito.’ ” (Gawa 2:40-42) At napakahusay ng ibinunga ng kaniyang mga pagsisikap! Habang ang iba ay sumasama sa mga apostol sa Kristiyanong gawaing pangangaral, sila man ay masisikap, anupat ang mabuting balita ay “namumunga at lumalago sa buong sanlibutan.”—Colosas 1:3-6, 23; 1 Corinto 3:5-9.
15. Sa anong pantanging paraan dapat nating ikapit ang pangunahing punto ng talinghaga tungkol sa mga talento?
15 Tandaan ang konteksto ng talinghagang ito—isang hula tungkol sa pagkanaririto ni Jesus. Marami tayong katibayan na ang pa·rou·siʹa ni Jesus ay nagaganap na at malapit nang umabot sa kasukdulan. Alalahanin ang ginawang pag-uugnay ni Jesus sa “wakas” at sa gawaing kailangang gampanan ng mga Kristiyano: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Taglay ito sa isipan, aling uri ng alipin ang nakakatulad natin? Tanungin ang iyong sarili: ‘May dahilan kaya para sabihing katulad ako ng alipin na nagtago ng ipinagkatiwala sa kaniya, marahil habang inaasikaso niya ang kaniyang personal na mga kapakanan? O maliwanag ba na ako’y gaya niyaong mahusay at tapat? Ako ba’y lubusang nakatalaga sa pagpaparami ng kapakanan ng Panginoon sa lahat ng pagkakataon?’
Mapagbantay at Masikap sa Panahon ng Kaniyang Pagkanaririto
16. Anong mensahe ang inilalaan sa iyo ng dalawang talinghagang tinalakay natin?
16 Oo, bukod sa makasagisag at makahulang kahulugan nito, ang dalawang talinghagang ito ay naghaharap sa atin ng maliwanag na pampatibay-loob na galing mismo sa bibig ni Jesus. Ito ang mensahe niya: Maging mapagbantay; maging masikap, lalo na kapag nakikita na ang tanda ng pa·rou·siʹa ni Kristo. Iyan ay ngayon na. Kaya talaga bang mapagbantay at masikap tayo?
17, 18. Ano ang ipinayo ng alagad na si Santiago tungkol sa pagkanaririto ni Jesus?
17 Ang kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago ay wala roon sa Bundok ng mga Olibo upang marinig ang hula ni Jesus; ngunit nang dakong huli ay nalaman niya ang tungkol dito, at maliwanag na naunawaan niya ang kahalagahan nito. Sumulat siya: “Kaya nga, magsagawa kayo ng pagtitiis, mga kapatid, hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon. Narito! Ang magsasaka ay patuloy na naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa, na nagsasagawa ng pagtitiis dito hanggang sa tanggapin niya ang maagang ulan at ang huling ulan. Kayo rin naman ay magsagawa ng pagtitiis; patatagin ang inyong mga puso, sapagkat ang pagkanaririto ng Panginoon ay malapit na.”—Santiago 5:7, 8.
18 Palibhasa’y nabigyan ng katiyakan na hahatulan ng Diyos yaong gumagamit ng kanilang kayamanan sa maling paraan, hinimok ni Santiago ang mga Kristiyano na maging matiisin samantalang hinihintay na kumilos si Jehova. Ang isang Kristiyanong hindi makatiis ay maaaring maghiganti, na para bang siya mismo ay may karapatang magtuwid sa mga pagkakamali. Subalit hindi dapat mangyari iyan, sapagkat tiyak na darating ang panahon ng paghatol. Inilalarawan iyan sa halimbawa ng isang magsasaka, gaya ng ipinaliwanag ni Santiago.
19. Anong uri ng pagtitiis ang maaaring isagawa ng isang magsasakang Israelita?
19 Ang isang magsasakang Israelita na nagtanim ng binhi ay kailangang maghintay, una ay sa paglitaw ng dahon, pagkatapos ay sa paggulang ng halaman, at sa wakas ay sa pag-aani. (Lucas 8:5-8; Juan 4:35) Sa loob ng mga buwang iyon, may panahon at marahil dahilan para mabalisa. Darating kaya ang maagang ulan at magiging sapat kaya iyon? Paano naman ang huling ulan? Sisirain kaya ng mga kulisap at bagyo ang mga halaman? (Ihambing ang Joel 1:4; 2:23-25.) Gayunpaman, sa pangkalahatan ay makapagtitiwala ang isang magsasakang Israelita kay Jehova at sa mga siklo ng kalikasan na itinatag niya. (Deuteronomio 11:14; Jeremias 5:24) Ang pagtitiis ng magsasaka ay talagang maaaring mangahulugan ng may-pagtitiwalang pag-asam. Taglay ang pananampalataya, batid niyang darating ang kaniyang hinihintay. Talagang darating iyon!
20. Paano natin maipapakita ang pagtitiis kasuwato ng payo ni Santiago?
20 Bagaman maaaring may kaalaman ang magsasaka kung kailan mag-aani, hindi maaaring tantiyahin ng mga Kristiyano noong unang siglo kung kailan ang pagkanaririto ni Jesus. Ngunit tiyak na darating iyon. Sumulat si Santiago: “Ang pagkanaririto [Griego, pa·rou·siʹa] ng Panginoon ay malapit na.” Nang isulat ni Santiago ang mga salitang ito, hindi pa nakikita ang malawakan, o pangglobong tanda ng pagkanaririto ni Kristo. Pero kitang-kita na ito ngayon! Kaya ano ang dapat nating madama hinggil sa panahong ito? Aktuwal na nakikita na ang tanda. Nasasaksihan natin iyon. Masasabi natin nang may katiyakan, ‘Nakikita kong natutupad ang tanda.’ Buong-pagtitiwalang masasabi natin: ‘Ang pagkanaririto ng Panginoon ay narito na, at ang kasukdulan nito ay napipinto na.’
21. Ano ang ganap na naipasiya nating gawin?
21 Yamang totoo ito, lalo tayong may matibay na dahilan na isapuso at ikapit ang saligang mga aral ng dalawang talinghaga ni Jesus na tinalakay natin. Sinabi niya: “Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.” (Mateo 25:13) Walang alinlangang ngayon na ang panahon upang maging masigasig tayo sa ating Kristiyanong paglilingkuran. Ipakita natin sa araw-araw na nauunawaan natin ang punto ni Jesus. Maging mapagbantay tayo! Maging masikap tayo!
[Mga talababa]
a Hinggil sa makasagisag na mga detalye ng talinghaga, tingnan ang God’s Kingdom of a Thousand Years Has Approached, pahina 169-211, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan ang God’s Kingdom of a Thousand Years Has Approached, pahina 212-56.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong pangunahing mensahe ang nakuha mo sa talinghaga tungkol sa matatalino at sa mangmang na mga birhen?
◻ Sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa mga talento, anong saligang payo ang ibinibigay ni Jesus sa iyo?
◻ Sa anong diwa nauugnay sa pa·rou·siʹa ang iyong pagtitiis kagaya niyaong sa isang magsasakang Israelita?
◻ Bakit lalo nang kapana-panabik at apurahan ang panahong kinabubuhayan natin?
[Mga larawan sa pahina 23]
Anong mga aral ang natutuhan mo sa talinghaga tungkol sa mga birhen at sa mga talento?