Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 5/15 p. 3-6
  • Gumugugol Ka ba ng Panahon sa Iyong Pamilya?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gumugugol Ka ba ng Panahon sa Iyong Pamilya?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Di-Pag-uusap
  • Kailangan ang Matiyagang Pagsisikap
  • Tulong Mula sa Salita ng Diyos
  • Mga Magulang at Anak—Mag-usap Nang May Pag-ibig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Pagtatalastasan sa Loob ng Pamilya at sa Kongregasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Maiiwasan Mo Ba ang “Generation Gap”?
    Gumising!—1986
  • Sikaping Maingatan ang Iyong Pamilya Hanggang sa Bagong Sanlibutan ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 5/15 p. 3-6

Gumugugol Ka ba ng Panahon sa Iyong Pamilya?

“MINAMAHAL ang mga Amang Hapones​—Bagaman Abala sa Trabaho at Hindi Nakikipaglaro sa Kanilang mga Anak.” Ang ulong-balitang ito ay lumitaw sa Mainichi Shimbun ilang taon na ang nakalilipas. Iniulat ng artikulo na 87.8 porsiyento ng mga batang Hapones na sumali sa surbey ng pamahalaan ang nagpahayag na nais nilang alagaan ang kanilang mga ama sa hinaharap. Gayunman, sa edisyong Ingles ng pahayagan, ang katulad na balita ay lumitaw sa ibang pamagat. Ganito ang mababasa: “Mga Ama at mga Anak: Isang Kaso ng Pagpapabaya.” Di-gaya ng edisyong Hapones, itinampok ng artikulo ang iba namang aspekto ng surbey ring iyon: Bawat araw ng pagtatrabaho, ang mga amang Hapones ay gumugugol ng 36 na minuto lamang sa kanilang mga anak. Kung ihahambing, ang mga ama sa Kanlurang Alemanya ay gumugugol ng 44 na minuto sa kanilang mga anak kapag simpleng araw, at sa Estados Unidos, ang kabuuan ay 56 na minuto.

Hindi lamang mga ama ang gumugugol ng kaunting panahon sa kanilang mga anak. Parami nang paraming ina ang nagtatrabaho na rin sa labas ng tahanan. Halimbawa, maraming nagsosolong ina ang kailangang maghanapbuhay upang suportahan ang pamilya. Bunga nito, ang haba ng panahon na ginugugol ng mga magulang​—ang mga ama at gayundin ang mga ina​—sa kanilang mga anak ay umuunti.

Natuklasan ng isang 1997 pag-aaral sa mahigit na 12,000 tin-edyer na Amerikano na ang mga kabataang may malapit na kaugnayan sa kanilang mga magulang ay mas malamang na hindi magkaroon ng kaigtingan sa emosyon, hindi makaiisip na magpatiwakal, hindi magiging marahas, o hindi gagamit ng mga nakalululong na gamot. At ganito ang sabi ng isa sa mga mananaliksik na kasali sa malawakang pag-aaral: “Hindi ka mapapalapit sa mga bata malibang maglaan ka ng panahon para sa kanila.” Talagang may mabuting nagagawa ang paggugol ng panahon sa iyong mga anak at pakikipag-usap sa kanila.

Di-Pag-uusap

Lalo nang nawawalan ng pagkakataong mag-usap ang mga pamilyang ang magulang ay hindi nakatira sa kanilang bahay kundi nasa malayong lugar dahil sa trabaho nito. Mangyari pa, ang di-pag-uusap ay hindi lamang nangyayari sa mga pamilyang ang magulang ay hindi nakatira sa kanilang bahay. Ang ilang magulang din naman, bagaman nakatira sa kanilang bahay, ay umaalis para magtrabaho habang natutulog pa ang kanilang mga anak at kung umuwi naman ay tulog na rin ang mga ito. Upang mapagtakpan ang di-pagkikitang ito, ang ilang magulang ay gumugugol ng panahon kasama ng pamilya kung dulong sanlinggo at kung bakasyon sa trabaho. Pinag-uusapan nila ang tungkol sa paggugol ng “de-kalidad” na panahon sa kanilang mga anak.

Gayunman, ang kakulangan ba sa kantidad ay napagtatakpan ng kalidad? Ganito ang sagot ng mananaliksik na si Laurence Steinberg: “Sa pangkalahatan, mas mahuhusay ang mga batang mas maraming panahon na kasama ng kanilang mga magulang kaysa sa mga batang may kaunting panahon lamang. Waring napakahirap pagtakpan ang kakulangan ng panahon. Sumobra naman ang pagpapahalaga sa ideya ng de-kalidad na panahon.” Iyang-iyan ang nadarama ng isang babaing taga-Burma. Ang kaniyang asawa​—isang tipikal na lalaking Hapones​—ay umuuwi galing sa trabaho nang ala-una o alas-dos tuwing madaling araw. Bagaman gumugugol siya ng panahon sa kaniyang pamilya tuwing dulong sanlinggo, ganito ang sabi ng kaniyang asawa: “Ang pagiging nasa bahay tuwing Sabado’t Linggo ay hindi nakapagtatakip sa ibang mga araw na hindi siya kasama ng pamilya. . . . Maaari kayang hindi ka kumain mula Lunes hanggang Biyernes at pagkatapos ay kanin mong lahat ang pagkain para sa isang linggo kung Sabado at Linggo?”

Kailangan ang Matiyagang Pagsisikap

Ang pagkakaroon ng mabuting pag-uusap sa pamilya ay madaling sabihin ngunit mahirap gawin. Dahil sa pangangailangang kumita at maglaan sa pamilya, nagiging mahirap para sa isang ama o sa isang naghahanapbuhay na ina ang gumugol ng panahon sa kanilang pamilya. Marami sa mga napipilitang umalis ng tahanan dahil sa pangangailangan ang regular na nakikipag-usap sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono o pagsulat ng liham. Ngunit magkakasama man sa bahay o hindi, kailangan ang matiyagang pagsisikap upang mapanatili ang mabuting pag-uusap ng pamilya.

Pagbabayaran ng mga magulang ang kanilang pagpapabaya na makipag-usap sa kanilang pamilya. Isang ama na halos wala nang panahon sa kaniyang pamilya, anupat ni hindi man lamang niya sila nakakasama sa pagkain, ay napaharap sa malulubhang resulta nito. Ang kaniyang anak na lalaki ay lumaking marahas, at ang kaniyang anak na babae naman ay nahuling nangungupit sa tindahan. Habang naghahanda ang ama para pumunta sa golf course isang Linggo ng umaga, nag-init ang anak na lalaki. “Nanay lamang ba ang magulang sa bahay na ito?” sigaw niya. “Si Mommy na lamang ang nagpapasiya sa lahat ng bagay sa pamilya. Dad, ikaw ni minsan . . . ,” paninisi ng batang lalaki.

Nag-isip-isip ang ama dahil sa mga salitang iyon. Sa wakas ay ipinasiya niya na, bilang pasimula, dapat niyang sabayan ang kaniyang pamilya sa pag-aalmusal. Sa simula, silang mag-asawa lamang, Unti-unti, sumabay rin ang mga anak, at ang hapag sa almusal ay naging isang dako ng pag-uusap. Umakay ito upang ang pamilya ay kumaing sama-sama kung hapunan. Sa gayon, sinisikap ng ama na masagip ang kaniyang pamilya mula sa lubusang pagkawasak.

Tulong Mula sa Salita ng Diyos

Hinihimok ng Bibliya ang mga magulang na maglaan ng panahon sa pakikipag-usap sa kanilang mga anak. Sa pamamagitan ng propetang si Moises, tinagubilinan ang mga Israelita: “Pakinggan mo, O Israel: si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova. At iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo. At ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Deuteronomio 6:4-7) Oo, tayong mga magulang ang dapat gumawa ng unang hakbang sa paggugol ng panahon sa ating pamilya kung nais nating maitimo sa isip at puso ng ating mga anak ang mga salita ng Diyos.

Kapuna-puna, isiniwalat ng nabanggit kanina na 1997 surbey sa mahigit na 12,000 nagbibinata’t nagdadalagang Amerikano na “sa halos 88% . . . ng populasyon na nagsabing may relihiyon, ang ikinakatuwirang kahalagahan ng relihiyon at panalangin ay naging proteksiyon.” Batid ng mga tunay na Kristiyano na ang tamang relihiyosong pagtuturo sa tahanan ay nagiging sanggalang ng mga kabataan mula sa mga bagay na gaya ng pang-aabuso sa droga, pagkabalisa, pagpapatiwakal, karahasan, at iba pa.

Inaakala ng ilang magulang na mahirap magkaroon ng panahon para sa kanilang pamilya. Lalo na nga sa mga nagsosolong ina, na gustung-gustong gumugol ng panahon sa kanilang mga anak ngunit hindi magawa dahil sa kailangan nilang maghanapbuhay. Paano kaya nila maisisingit ang mahalagang panahon na makasama ng kanilang pamilya? “Ingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip,” paghimok ng Bibliya. (Kawikaan 3:21) Maaaring gamitin ng mga magulang ang “kakayahang mag-isip” upang magkapanahon para sa pamilya. Paano?

Kung ikaw ay isang nagtatrabahong ina na pagod na pagod pagkatapos ng trabaho sa maghapon, bakit hindi mo katulungin ang iyong mga anak sa paghahanda ng hapunan? Ang panahong iyon na kayo’y magkakasama ay maglalaan ng pagkakataon upang kayo’y maging malapit sa isa’t isa. Sa pasimula, maaaring lalong makaabala kapag kasama pa ang iyong mga anak. Ngunit di-magtatagal, masusumpungan mong nakatutuwa ito at nakamemenos pa sa panahon.

Baka isa kang ama na may napakahabang listahan ng mga bagay na gagawin sa dulong sanlinggo. Bakit hindi mo katulungin ang iyong mga anak sa pag-aasikaso sa ilan sa mga gawaing ito? Maaari kayong mag-usap habang magkasama kayong gumagawa at kasabay nito ay nabibigyan mo pa sila ng mahalagang pagsasanay. Ang paalaala ng Bibliya na ikintal sa iyong mga anak ang mga salita ng Diyos ay hihimok sa iyo na makipag-usap sa kanila ‘kapag nakaupo ka sa iyong bahay, kapag naglalakad ka sa daan’​—oo, sa bawat pagkakataon. Pagpapakita ng “praktikal na karunungan” ang makipag-usap sa iyong mga anak habang magkasama kayong gumagawa.

Ang paggugol ng panahon sa iyong pamilya ay may kapalit na pangmatagalang gantimpala. “Sa mga nagsasanggunian ay may karunungan,” sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 13:10) Kung maglalaan ka ng panahon na makipag-usap sa iyong pamilya, mabibigyan mo sila ng matalinong patnubay sa mga pakikihamok sa pang-araw-araw na pamumuhay. Napakalaking panahon at hirap ng kalooban sa hinaharap ang maiiwasan kung ang gayong patnubay ay naibigay na ngayon. Isa pa, makapagdudulot ito ng kaligayahan sa iyo at sa kanila. Upang makapagbigay ng gayong patnubay, kailangan mong sumalok sa mayamang bukal ng karunungan na masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Gamitin mo ito sa pagtuturo sa iyong mga anak at pag-akay sa iyong pamilya.​—Awit 119:105.

[Larawan sa pahina 4]

Ang mga kabataang may malapit na kaugnayan sa kanilang mga magulang ay malamang na hindi daranas ng kaigtingan sa emosyon

[Larawan sa pahina 5]

Ang mabuting pag-uusap ay may kapalit na mayamang gantimpala sa buhay pampamilya

[Larawan sa pahina 6]

Habang magkasama kayong gumagawa ng iyong anak, maaari kang makipag-usap at makapaglaan ng mahalagang pagsasanay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share