Patuloy na Lumakad sa Daan ni Jehova
“Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa.”—AWIT 37:34.
1, 2. Ano ang naging kahulugan para kay Haring David ng paglakad sa daan ni Jehova, at ano ang hinihiling nito sa atin ngayon?
“IPAALAM mo sa akin ang daan na dapat kong lakaran, sapagkat sa iyo ay itinaas ko ang aking kaluluwa.” (Awit 143:8) Buong-pusong masasabi ng mga Kristiyano sa ngayon ang mga salitang ito ni Haring David. Sila’y taimtim na nagnanais na makalugod kay Jehova at lumakad sa kaniyang daan. Ano ang nasasangkot dito? Para kay David, nangangahulugan ito ng pagsunod sa kautusan ng Diyos. Kasali rito ang pagtitiwala kay Jehova sa halip na sa mga alyansa ng mga bansa. Oo, at nangangahulugan ito ng buong-katapatang paglilingkod kay Jehova, hindi sa mga diyos ng karatig na mga bayan. Para sa mga Kristiyano, marami pa ang nasasangkot sa paglakad sa daan ni Jehova.
2 Una, ang paglakad sa daan ni Jehova ngayon ay nangangahulugan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, anupat kinikilala siya bilang “ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” (Juan 3:16; 14:6; Hebreo 5:9) Nangangahulugan din ito ng pagtupad sa “batas ng Kristo,” na kalakip dito ang pagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa, lalo na sa mga pinahirang kapatid ni Jesus. (Galacia 6:2; Mateo 25:34-40) Iniibig niyaong mga lumalakad sa daan ni Jehova ang kaniyang mga simulain at utos. (Awit 119:97; Kawikaan 4:5, 6) Iniingatan nila ang kanilang mahalagang pribilehiyo na makibahagi sa ministeryong Kristiyano. (Colosas 4:17; 2 Timoteo 4:5) Regular na bahagi ng kanilang buhay ang pananalangin. (Roma 12:12) At sila’y ‘mahigpit na nagbabantay na ang kanilang paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng mga taong marurunong.’ (Efeso 5:15) Tiyak na hindi nila isinasakripisyo ang espirituwal na mga kayamanan kapalit ng pansamantalang materyal na mga pakinabang o bawal na kaluguran sa laman. (Mateo 6:19, 20; 1 Juan 2:15-17) Bukod dito, kailangan ang katapatan kay Jehova at pagtitiwala sa kaniya. (2 Corinto 1:9; 10:5; Efeso 4:24) Bakit? Sapagkat ang ating situwasyon ay katulad na katulad sa sinaunang Israel.
Ang Pangangailangang Magtiwala at Maging Tapat
3. Bakit tutulong sa atin ang katapatan, pananampalataya, at tiwala upang makapanatiling lumalakad sa daan ni Jehova?
3 Ang Israel ay isang munting bansa na napalilibutan ng palaaway na mga karatig-bayan na nagsasagawa ng mahahalay na seremonya sa pagsamba sa mga idolong diyos. (1 Cronica 16:26) Ang Israel lamang ang naglilingkod sa isang tunay at di-nakikitang Diyos, si Jehova, at hinihiling niya na mag-ingat sila ng matataas na pamantayang moral. (Deuteronomio 6:4) Gayundin naman sa ngayon, ilang milyong tao lamang ang sumasamba kay Jehova, at namumuhay sila sa isang sanlibutan ng halos anim na bilyong tao na ang mga pamantayan at relihiyosong pangmalas ay ibang-iba sa kanilang mga pamantayan. Kung kabilang tayo sa ilang milyon na iyon, kailangang maging mapagbantay tayo laban sa impluwensiya ng isang masamang daan. Paano? Makatutulong ang katapatan sa Diyos na Jehova, ang pananampalataya sa kaniya, at ang matibay na tiwala na tutuparin niya ang kaniyang mga pangako. (Hebreo 11:6) Hahadlangan tayo nito sa paglalagak ng ating tiwala sa mga bagay na inaasahan ng sanlibutan.—Kawikaan 20:22; 1 Timoteo 6:17.
4. Bakit ang mga bansa ay “nasa kadiliman sa kaisipan”?
4 Ipinakita ni apostol Pablo kung paano dapat na ibang-iba ang mga Kristiyano sa sanlibutan nang sumulat siya: “Kaya nga, ito ang sinasabi ko at pinatototohanan sa Panginoon, na hindi na kayo patuloy na lumalakad kung paanong ang mga bansa ay lumalakad din sa kawalang-kapakinabangan ng kanilang mga pag-iisip, samantalang sila ay nasa kadiliman sa kaisipan, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos, dahil sa kawalang-alam na nasa kanila, dahil sa pagkamanhid ng kanilang mga puso.” (Efeso 4:17, 18) Si Jesus ang “tunay na liwanag.” (Juan 1:9) Sinumang tumatanggi sa kaniya o nag-aangking naniniwala sa kaniya subalit hindi sumusunod sa “batas ng Kristo” ay “nasa kadiliman sa kaisipan.” Sa hindi paglakad sa daan ni Jehova, sila’y “hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos.” Inaakala man nila na marunong sila sa isang makasanlibutang paraan, may ‘kawalang-alam na nasa kanila’ hinggil sa tanging kaalaman na umaakay sa buhay, yaong tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo.—Juan 17:3; 1 Corinto 3:19.
5. Bagaman sumisikat sa sanlibutan ang liwanag ng katotohanan, bakit maraming puso ang hindi tumutugon?
5 Gayunman, ang liwanag ng katotohanan ay sumisikat sa sanlibutan! (Awit 43:3; Filipos 2:15) “Ang tunay na karunungan mismo ay patuloy na humihiyaw nang malakas sa mismong lansangan.” (Kawikaan 1:20) Noong nakaraang taon, gumugol ang mga Saksi ni Jehova ng mahigit sa isang bilyong oras sa pakikipag-usap sa kanilang kapuwa tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Daan-daang libo ang tumugon. Subalit dapat ba tayong magtaka na maraming iba pa ang hindi tumutugon? Hindi. Bumanggit si Pablo ng tungkol sa “pagkamanhid ng kanilang mga puso.” Ang ilan ay may di-tumutugong puso dahil sa kaimbutan o pag-ibig sa salapi. Ang iba naman ay naimpluwensiyahan ng huwad na relihiyon o ng sekular na pangmalas na lubhang palasak sa ngayon. Ang mapapait na karanasan sa buhay ay umakay sa marami na tumalikod sa Diyos. Tumatanggi naman ang iba na abutin ang matataas na pamantayang moral ni Jehova. (Juan 3:20) Maging manhid kaya sa gayong paraan ang puso ng isa na lumalakad sa daan ni Jehova?
6, 7. Bagaman sila’y mananamba ng Diyos na Jehova, sa anong mga pagkakataon lumihis ang mga Israelita, at bakit?
6 Nangyari ito sa sinaunang Israel, gaya ng ipinakita ni Pablo. Sumulat siya: “Ang mga bagay na ito ay naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong maging mga taong nagnanasa ng mga nakapipinsalang bagay, kung paanong ninasa nila ang mga iyon. Ni maging mga mananamba sa idolo, na gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; gaya ng nasusulat: ‘Ang mga tao ay umupo upang kumain at uminom, at tumindig sila upang magpakasaya.’ Ni huwag tayong mamihasa sa pakikiapid, gaya ng ilan sa kanila na nakiapid, upang mabuwal lamang, dalawampu’t tatlong libo sa kanila sa isang araw.”—1 Corinto 10:6-8.
7 Tinukoy muna ni Pablo ang pagkakataon nang sumamba ang Israel sa gintong guya sa paanan ng Bundok Sinai. (Exodo 32:5, 6) Iyon ay tuwirang pagsuway sa utos ng Diyos na sinang-ayunan nilang sundin mga ilang linggo pa lamang ang nakararaan. (Exodo 20:4-6; 24:3) Pagkatapos, binanggit ni Pablo ang panahon na yumukod ang Israel kay Baal kasama ng mga anak na babae ng Moab. (Bilang 25:1-9) Bahagi ng pagsamba sa guya ang walang-patumanggang pagpapalugod sa sarili, ang ‘pagpapakasaya.’a Kaakibat ng pagsamba kay Baal ang lantarang seksuwal na imoralidad. (Apocalipsis 2:14) Bakit nagawa ng mga Israelita ang mga kasalanang ito? Dahil hinayaan nila ang kanilang puso na ‘magnasa ng mga nakapipinsalang bagay’—ang idolatriya man o ang mahahalay na gawain na kalakip dito.
8. Ano ang matututuhan natin sa mga karanasan ng Israel?
8 Ipinakita ni Pablo na dapat tayong matuto mula sa mga pangyayaring ito. Matuto ng ano? Malayong isipin na yuyukod ang isang Kristiyano sa isang gintong guya o sa isang sinaunang Moabitang diyos. Pero kumusta naman ang imoralidad o walang-habas na pagpapalugod sa sarili? Pangkaraniwan ito sa ngayon, at kung hahayaan nating tumubo sa ating puso ang pagnanasa sa mga ito, papagitna ito sa atin at kay Jehova. Ang resulta ay para na ring nagsagawa tayo ng idolatriya—ang pagiging hiwalay sa Diyos. (Ihambing ang Colosas 3:5; Filipos 3:19.) Sa katunayan, tinapos ni Pablo ang kaniyang pagtalakay sa mga pangyayaring iyon sa pamamagitan ng paghimok sa mga kapananampalataya: “Tumakas kayo mula sa idolatriya.”—1 Corinto 10:14.
Tulong sa Paglakad sa Daan ng Diyos
9. (a) Anong tulong ang natatanggap natin upang makapanatili tayong lumalakad sa daan ni Jehova? (b) Ano ang isang paraan na naririnig natin ang ‘salita sa likuran natin’?
9 Kung determinado tayong patuloy na lumakad sa daan ni Jehova, mayroon tayong tulong. Humula si Isaias: “Ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,’ sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.” (Isaias 30:21) Paano naririnig ng ‘ating mga tainga’ ang ‘salitang iyan sa likuran natin’? Buweno, walang sinuman sa ngayon ang nakaririnig ng literal na tinig o nakatatanggap ng personal na mensahe mula sa Diyos. Ang “salita” na naririnig ay dumarating sa ating lahat sa parehong paraan. Una at pinakamahalaga, dumarating ito sa pamamagitan ng kinasihang Kasulatan, ang Bibliya, na naglalaman ng mga kaisipan ng Diyos at ulat ng kaniyang pakikitungo sa mga tao. Yamang sa araw-araw ay nalalantad tayo sa propagandang galing doon sa “hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos,” kailangan nating basahin ang Bibliya at regular na bulay-bulayin ito para sa mabuting espirituwal na kalusugan. Tutulong ito sa atin na iwasan ang “mga walang-kabuluhang bagay” at maging “lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (Gawa 14:14, 15; 2 Timoteo 3:16, 17) Ito’y magpapalakas sa atin, magpapatibay sa atin, at tutulong sa atin na ‘gawing matagumpay ang ating lakad.’ (Josue 1:7, 8) Kaya naman, ganito ang payo ng Salita ni Jehova: “Ngayon, O mga anak, makinig kayo sa akin; oo, maligaya ang mga nag-iingat ng aking mga daan. Makinig kayo sa disiplina at maging marunong, at huwag kayong magpapakita ng anumang kapabayaan.”—Kawikaan 8:32, 33.
10. Ano ang ikalawang paraan na naririnig natin ang ‘salita sa likuran natin’?
10 Ang ‘salita sa likuran natin’ ay dumarating din sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” na naglalaan ng “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45-47) Ang isang paraan upang mailaan ang pagkaing ito ay sa pamamagitan ng inilimbag na mga publikasyong salig sa Bibliya, at ang suplay ng pagkaing ito ay sagana nitong nakalipas na mga taon. Halimbawa, sa pamamagitan ng magasing Bantayan, sumusulong ang ating pagkaunawa sa mga hula. Sa babasahing ito, napatitibay-loob tayo na magtiyaga sa gawaing pangangaral at paggawa ng alagad sa kabila ng lumalagong kawalang-interes, natutulungan tayong makaiwas sa mga silo, at hinihimok tayo na magkaroon ng maiinam na katangiang Kristiyano. Anong laki ng pagpapahalaga natin sa gayong pagkain sa tamang panahon!
11. Ipaliwanag ang ikatlong paraan na naririnig natin ang ‘salita sa likuran natin.’
11 Ang tapat at maingat na alipin ay naglalaan din ng pagkain sa pamamagitan ng ating regular na mga pulong. Kasali sa mga ito ang pulong ng lokal na kongregasyon, dalawang-beses sa isang taon na mga pansirkitong pulong, at mas malalaking taunang kombensiyon. Sinong tapat na Kristiyano ang hindi magpapahalaga sa gayong mga pagtitipon? Mahalagang tulong ang mga ito sa ating paglakad sa daan ni Jehova. Yamang marami ang kailangang gumugol ng malaking panahon sa trabaho o sa paaralan na kasama ang mga hindi nila kapananampalataya, talagang nakapagliligtas-buhay ang regular na Kristiyanong pagsasamahan. Binibigyan tayo ng mga pulong ng mainam na pagkakataong ‘mag-udyukan sa isa’t isa sa pag-ibig at maiinam na gawa.’ (Hebreo 10:24) Iniibig natin ang ating mga kapatid, at gustung-gusto nating makasama sila.—Awit 133:1.
12. Anong determinasyon ang taglay ng mga Saksi ni Jehova, at paano nila ipinahayag ito kamakailan?
12 Palibhasa’y napatitibay ng gayong espirituwal na pagkain, halos anim na milyon katao ngayon ang lumalakad sa daan ni Jehova, at milyun-milyong iba pa ang nag-aaral ng Bibliya upang matuto kung paano gagawin iyon. Sila ba’y nasisiraan ng loob o napahihina ng bagay na sila’y kakaunti kung ihahambing sa bilyun-bilyong tao sa lupa? Hinding-hindi! Sila’y determinadong patuloy na makinig sa ‘salita sa likuran nila,’ anupat buong-katapatang ginagawa ang kalooban ni Jehova. Bilang pangmadlang kapahayagan ng pasiyang ito, noong 1998/99 na “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Pandistrito at Internasyonal na mga Kombensiyon, pinagtibay ng mga delegado ang isang resolusyon na nagpapahayag ng kanilang taos-pusong paninindigan. Ang sumusunod ang siyang mga salita sa resolusyong iyan.
Resolusyon
13, 14. Anong makatotohanang pangmalas sa situwasyon ng daigdig ang taglay ng mga Saksi ni Jehova?
13 “Tayo, bilang mga Saksi ni Jehova na nagtitipon sa ‘Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay’ na Kombensiyon, ay buong-pusong sumasang-ayon na ang daan ng Diyos ang pinakamabuting daan ukol sa buhay. Gayunman, natatalos natin na iba ang nadarama ng karamihan sa sangkatauhan ngayon. Nag-eksperimento ang lipunan ng tao sa maraming mga paniniwala, pilosopiya, at mga relihiyosong ideya hinggil sa kung ano ang pinakamabuting daan ukol sa buhay. Ang isang totohanang pagsusuri sa kasaysayan ng tao at sa mga kalagayan ngayon sa daigdig ay nagpapatunay sa katotohanan ng banal na kapahayagang nakaulat sa Jeremias 10:23: ‘Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.’
14 “Araw-araw ay nakikita natin ang higit pang ebidensiya na nagpapatibay sa katotohanan ng mga salitang iyon. Sa kalakhang bahagi, ipinagwawalang-bahala ng lipunan ng tao ang daan ng Diyos ukol sa buhay. Itinataguyod ng mga tao ang wari’y matuwid sa kanilang sariling mga mata. Kalunus-lunos ang naging mga resulta—ang pagguho ng buhay-pamilya, anupat napapabayaang walang patnubay ang mga anak; ang laganap na pagkagumon sa materyalismo, na nauuwi sa kawalang-pag-asa at pagkasiphayo; ang walang-katuturang krimen at karahasan, na umangkin ng di-mabilang na mga biktima; ang pag-aalitan dahil sa lipi at mga digmaan, na nagbubuwis ng pagkarami-raming buhay ng tao; ang palasak na imoralidad, na siyang nagpapalaganap ng isang salot ng mga sakit na inililipat sa pamamagitan ng pagsisiping. Iilan lamang ito sa napakaraming masalimuot na problema na nagiging hadlang sa pagtataguyod ng kaligayahan, kapayapaan, at katiwasayan.
15, 16. Hinggil sa daan ng Diyos ukol sa buhay, anong pasiya ang ipinahayag sa resolusyon?
15 “Dahil sa kalunus-lunos na kalagayan ng sangkatauhan at sa napipintong pagdating ng ‘digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat,’ na tinatawag na Armagedon (Apocalipsis 16:14, 16), tayo bilang mga Saksi ni Jehova ay nagpapasiya na:
16 “Una: Itinuturing natin ang ating mga sarili bilang pag-aari ng Diyos na Jehova, palibhasa’y walang-pasubaling inialay natin ang ating mga sarili sa kaniya, at ating pananatilihin ang di-natitinag na pananampalataya sa paglalaan ni Jehova ng pantubos sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Determinado tayong lumakad sa daan ng Diyos ukol sa buhay, na naglilingkod bilang kaniyang mga Saksi at nagpapasakop sa kaniyang soberanya na kinakatawan ng paghahari ni Jesu-Kristo.
17, 18. Anong paninindigan ang patuloy na panghahawakan ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa mga pamantayang moral at Kristiyanong kapatiran?
17 “Ikalawa: Patuloy tayong manghahawakan sa matataas na moral at espirituwal na pamantayan ng Bibliya. Determinado tayong huwag lumakad na katulad ng paglakad ng mga bansa sa kawalang-kapakinabangan ng kanilang mga pag-iisip. (Efeso 4:17-19) Ang ating pasiya ay ang manatiling malinis sa harapan ni Jehova at walang batik mula sa sanlibutang ito.—Santiago 1:27.
18 “Ikatlo: Manghahawakan tayo sa ating maka-Kasulatang paninindigan bilang isang pambuong-daigdig na Kristiyanong kapatiran. Iingatan natin ang Kristiyanong neutralidad sa gitna ng mga bansa, anupat hindi napasisilo sa panlahi, pambansa, o panliping pagkakapootan o pagkakabaha-bahagi.
19, 20. (a) Ano ang gagawin ng Kristiyanong mga magulang? (b) Paano patuloy na ipapakilala ng lahat ng tunay na Kristiyano ang kanilang sarili bilang mga alagad ni Kristo?
19 “Ikaapat: Ikikintal niyaong mga magulang na kabilang sa atin ang daan ng Diyos sa kanilang mga anak. Magiging halimbawa sila sa Kristiyanong pamumuhay, kasali na ang regular na pagbabasa ng Bibliya, pampamilyang pag-aaral, at buong-kaluluwang pakikibahagi sa kongregasyong Kristiyano at sa ministeryo sa larangan.
20 “Ikalima: Sisikapin nating lahat na linangin ang makadiyos na mga katangian na itinatanghal ng ating Maylalang, at sisikapin nating tularan ang kaniyang personalidad at ang kaniyang mga daan, gaya ng ginawa ni Jesus. (Efeso 5:1) Determinado nating ganapin ang lahat ng ating mga gawain nang may pag-ibig, sa gayo’y ipinakikilala ang ating sarili na mga alagad ni Kristo.—Juan 13:35.
21-23. Ano ang patuloy na gagawin ng mga Saksi ni Jehova, at sa ano sila kumbinsido?
21 “Ikaanim: Walang humpay tayong magpapatuloy sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, sa paggawa ng mga alagad, at tuturuan natin sila sa daan ng Diyos ukol sa buhay at pasisiglahin silang kumuha ng higit pang pagsasanay sa mga pulong ng kongregasyon.—Mateo 24:14; 28:19, 20; Hebreo 10:24, 25.
22 “Ikapito: Bilang mga indibiduwal at bilang isang relihiyosong organisasyon, patuloy nating uunahin ang kalooban ng Diyos sa ating mga buhay. Sa paggamit ng kaniyang Salita, ang Bibliya, bilang ating patnubay, hindi tayo lilihis sa kanan o sa kaliwa man, sa gayo’y pinatutunayan na ang daan ng Diyos ay makapupong nakahihigit sa mga daan ng sanlibutan. Determinado tayong itaguyod ang daan ng Diyos ukol sa buhay—nang may katatagan at katapatan, ngayon at magpakailanman!
23 “Ginagawa natin ang resolusyong ito sapagkat lubos tayong nananalig sa maibiging pangako ni Jehova na yaong gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman. Ginagawa natin ang resolusyong ito sapagkat kumbinsido tayo na ang pamumuhay ayon sa maka-Kasulatang mga simulain, payo, at paalaala ang siyang pinakamabuting daan ng buhay ngayon at naglalagay ng isang mainam na saligan para sa hinaharap, upang makapanghawakan tayong mahigpit sa tunay na buhay. (1 Timoteo 6:19; 2 Timoteo 4:7b, 8) Higit sa lahat, ginagawa natin ang resolusyong ito sapagkat iniibig natin ang Diyos na Jehova nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas!
24, 25. Ano ang naging pagtugon sa iminungkahing resolusyon, at ano ang pasiya niyaong mga lumalakad sa daan ni Jehova?
24 “Ang lahat ng naririto sa kombensiyong ito na sumasang-ayon na pagtibayin ang resolusyong ito, pakisuyong magsabi ng OO!”
25 Dumadagundong ang daan-daang arena at mga istadyum sa buong daigdig habang ang lahat ng dumalo ay sumagot ng malakas na “OO!” Walang alinlangan ang mga Saksi ni Jehova na sila’y patuloy na lalakad sa daan ni Jehova. Lubos ang kanilang tiwala kay Jehova at nananampalataya sila na tutuparin niya ang kaniyang mga pangako. Mananatili silang tapat sa kaniya, anuman ang mangyari. At determinado silang gawin ang kaniyang kalooban.
“Ang Diyos ay Para sa Atin”
26. Ano ang maligayang situwasyon ng mga lumalakad sa daan ni Jehova?
26 Inaalaala ng mga Saksi ni Jehova ang payo ng salmista: “Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa.” (Awit 37:34) Hindi nila kinalilimutan ang nakapagpapatibay na mga salita ni Pablo: “Kung ang Diyos ay para sa atin, sino ang magiging laban sa atin? Siya na hindi nagkait maging ng kaniyang sariling Anak kundi ibinigay siya para sa ating lahat, bakit hindi niya may kabaitang ibibigay din sa atin ang lahat ng iba pang bagay kasama siya?” (Roma 8:31, 32) Oo, kung patuloy tayong lalakad sa daan ni Jehova, paglalaanan niya tayo ng “lahat ng mga bagay nang sagana para sa ating kasiyahan.” (1 Timoteo 6:17) Wala nang mas mainam pa sa dakong kinaroroonan natin—na lumalakad sa daan ni Jehova, kasama ng ating minamahal na mga kapatid. Kasama si Jehova, maging determinado tayo na manatili rito at magbata hanggang sa wakas, anupat lubusang nagtitiwala na sa kaniyang takdang panahon, makikita nating tinutupad niya ang hanggang sa kahuli-hulihan ng kaniyang mga pangako.—Tito 1:2.
[Talababa]
a Bilang pagtukoy sa salitang Griego na isinalin dito na “magpakasaya,” sinabi ng isang komentarista na tumutukoy ito sa mga sayaw na isinasagawa sa mga paganong kapistahan at idinagdag pa: “Marami sa mga sayaw na ito, gaya sa alam na alam na, ang tuwirang dinisenyo upang pumukaw ng napakahahalay na damdamin.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang kailangan upang makalakad ang isang Kristiyano sa daan ni Jehova?
◻ Bakit kailangan tayong maglinang ng tiwala kay Jehova at katapatan sa kaniya?
◻ Anong tulong ang nakalaan habang lumalakad tayo sa daan ni Jehova?
◻ Magbigay ng ilang tampok na bahagi ng resolusyong pinagtibay sa “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Kombensiyon.
[Mga larawan sa pahina 18]
Pinagtibay ang isang mahalagang resolusyon sa “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Pandistrito at Internasyonal na mga Kombensiyon