Ang Kristiyanong Kongregasyon—Isang Pinagmumulan ng Tulong na Nagpapalakas
SI Popi, isang babae na hindi pa natatagalang mag-20, ay nasiphayo dahil sa isang masaklap na situwasyon ng pamilya na sanhi ng kawalan ng bukás na pag-uusap sa pagitan ng kaniyang mga magulang.a Matapos ibulalas ang kaniyang niloloob sa isang Kristiyanong matanda at sa asawa nito, sumulat siya sa kanila: “Maraming salamat sa paglalaan ninyo ng panahon para makipag-usap sa akin. Hindi ninyo alam kung gaano kahalaga sa akin ang pagmamalasakit ninyo. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagkakaloob sa akin ng mga tao na mapagkakatiwalaan ko at makakausap ko.”
Nasumpungan ni Toula, isang babaing nabalo kamakailan na may dalawang anak na tin-edyer, ang kaniyang sarili na nasa gipit na kalagayan sa nakalilitong suliranin sa emosyon at pananalapi. Siya at ang kaniyang mga anak ay regular na nakatatanggap ng nakapagpapalakas na pagdalaw ng isang mag-asawang Kristiyano mula sa kanilang kongregasyon. Matapos niyang mapanagumpayan ang kaniyang suliranin, nagpadala siya ng kard sa kanila, na nagsasabi: “Lagi ko kayong ipananalangin. Nagugunita ko pa ang napakaraming pagkakataon na tinulungan ninyo ako at inalalayan ako.”
Kung minsan ba ay nadarama mong ikaw ay “nabibigatan” dahil sa dumaraming panggigipit sa sanlibutang ito? (Mateo 11:28) “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ba ay nag-iwan ng masasaklap na karanasan sa iyong buhay? (Eclesiastes 9:11) Kung gayon ay hindi ka nag-iisa. Subalit gaya ng nasumpungan na ng libu-libong napipighati, ikaw man ay makasusumpong ng makabuluhang tulong sa Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Noong unang siglo C.E., nasumpungan ni apostol Pablo na ang ilang kapananampalataya ay naging pantanging “tulong na nagpapalakas” sa kaniya. (Colosas 4:10, 11) Maaari kang magkaroon ng gayunding karanasan.
Pag-alalay at Tulong
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang “kongregasyon” ay isinalin mula sa Griegong terminong ek·kle·siʹa, na nangangahulugang isang tinipong grupo ng mga tao. Nakapaloob sa salitang iyon ang mga ideya ng pagkakaisa at pagtutulungan.
Itinataguyod ng Kristiyanong kongregasyon ang katotohanan ng Salita ng Diyos at inihahayag ang mabuting balita ng kaniyang Kaharian. (1 Timoteo 3:15; 1 Pedro 2:9) Gayunman, ang kongregasyon ay naglalaan din ng espirituwal na pag-alalay at tulong para sa mga nakaugnay rito. Dito, ang isa ay makasusumpong ng isang grupo ng maibigin, mapagmalasakit, at maalalahaning mga kaibigan, na handa at nagnanais tumulong at umaliw sa iba sa maiigting na mga panahon.—2 Corinto 7:5-7.
Ang mga mananamba ni Jehova ay laging nakasusumpong ng kaligtasan at katiwasayan sa kaniyang kongregasyon. Ipinahiwatig ng salmista na nakaranas siya ng kagalakan at nakadama ng katiwasayan sa gitna ng nakatipong bayan ng Diyos. (Awit 27:4, 5; 55:14; 122:1) Gayundin sa ngayon, ang Kristiyanong kongregasyon ay isang samahan ng magkapananampalataya na nagpapatibayan at nagpapasigla sa isa’t isa.—Kawikaan 13:20; Roma 1:11, 12.
Ang mga miyembro ng kongregasyon ay tinuruang “gumawa . . . ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay [sa kanila] sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Ang salig-Bibliyang edukasyon na natatanggap nila ay nag-uudyok sa kanila na magpamalas ng pag-ibig na pangkapatid at magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. (Roma 12:10; 1 Pedro 3:8) Ang espirituwal na mga kapatid sa kongregasyon ay nauudyukang maging mabait, mapagpayapa, at madamayin sa magiliw na paraan. (Efeso 4:3) Sa halip na maging pormal na mga mananamba lamang, sila’y maibiging nagmamalasakit sa iba.—Santiago 1:27.
Kaya naman sa kongregasyon, ang mga naduhagi ay nakasusumpong ng magiliw na espiritu sa isang tulad-pamilyang kapaligiran. (Marcos 10:29, 30) Ang pagkadama na ang isa ay kabilang sa isang nabubuklod at maibiging grupo ay nakapagpapalakas sa kanila. (Awit 133:1-3) Sa pamamagitan ng kongregasyon, “ang tapat at maingat na alipin” ay naglalaan ng nakapagpapalusog na espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.”—Mateo 24:45.
Tulong Mula sa Maibiging mga Tagapangasiwa
Ang mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay makaaasa na makasusumpong dito ng maibigin, maunawain, at kuwalipikadong mga pastol na naglalaan ng espirituwal na pag-alalay at pampatibay-loob. Ang mga pastol na may gayong mga katangian ay katulad ng “taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan.” (Isaias 32:1, 2) Ang matatanda, o mga tagapangasiwa, na hinirang ng espiritu ay nangangalaga sa tulad-tupang bayan ng Diyos, nagpapasigla sa maysakit at nanlulumo, at nagsisikap na maibalik yaong mga nagkasala.—Awit 100:3; 1 Pedro 5:2, 3.
Sabihin pa, ang lupon ng matatanda ng kongregasyon ay hindi isang grupo ng propesyonal na mga therapist o manggagamot, na may kakayahang gumamot sa mga karamdaman sa katawan o isipan na nararanasan ng mga kapananampalataya. Sa sistemang ito ng mga bagay, ang mga maysakit ay “nangangailangan [pa rin] ng manggagamot.” (Lucas 5:31) Gayunman, matutulungan ng gayong mga pastol yaong mga nangangailangan sa espirituwal na paraan. (Santiago 5:14, 15) Kailanma’t maaari, isinasaayos din ng matatanda ang iba pang tulong.—Santiago 2:15, 16.
Sino ang nasa likod ng gayong maibiging kaayusan? Ang Diyos na Jehova mismo! Inilarawan ni propeta Ezekiel si Jehova na nagsasabi: “Hahanapin ko ang aking mga tupa at pangangalagaan ko sila. . . . Ililigtas ko sila mula sa lahat ng mga dako na kanilang pinangalatan . . . Ako mismo ang magpapakain sa aking mga tupa, at ako mismo ang magpapahiga sa kanila.” Nagmamalasakit din ang Diyos sa masasakitin at mahihinang tupa.—Ezekiel 34:11, 12, 15, 16.
Tunay na Tulong sa Tamang Panahon
Talaga bang makakamtan ang tunay na tulong sa Kristiyanong kongregasyon? Oo, at inilalarawan ng sumusunod na mga halimbawa ang iba’t ibang kalagayan na doo’y pinatutunayan na nakatutulong nga ang kongregasyon.
◆ Pagkamatay ng isang minamahal. Ang asawa ni Anna ay namatay matapos dumanas ng malubhang karamdaman. “Mula noon ay natatamasa ko ang magiliw na pagmamahal mula sa Kristiyanong kapatiran,” ang sabi niya. “Ang may-kabaitang kapahayagan ng pag-alalay at pampatibay-loob na patuluyang ibinibigay ng aking mga kapananampalataya, pati na ang kanilang taos-pusong pagyakap, ay nakapagpanatili ng aking kasiglahan sa halip na lubusang manlumo, at nagpapasalamat ako kay Jehova. Ipinadama sa akin ng kanilang pag-ibig na ako’y lubhang inalalayan, lubusang pinatibay, at magiliw na inalagaan.” Ikaw man marahil ay nagkaroon na ng masaklap na karanasan na mamatayan ng isang minamahal. Sa gayong mga panahon, ang mga miyembro ng kongregasyon ay makapagbibigay ng lubhang-kinakailangang kaaliwan at emosyonal na pag-alalay.
◆ Pagkakasakit. Si Arthur, isang naglalakbay na tagapangasiwa mula sa Poland, ay regular na dumadalaw sa mga kongregasyon sa Central Asia upang palakasin ang mga ito sa espirituwal. Sa isa sa mga pagdalaw niyang ito, nagkasakit siya nang malubha at nakaranas siya ng grabeng mga komplikasyon nang siya’y nagpapagaling. “Gusto kong ilahad sa inyo kung paano ako inalagaan ng mga kapatid sa [isang lunsod sa Kazakhstan],” ang gunita ni Arthur taglay ang masidhing pagpapahalaga. “Ang mga kapatid, marami sa kanila ay hindi ko kilala—at maging ang mga interesado—ay nagdala ng salapi, pagkain, at gamot. . . . At tuwang-tuwa sila na ginawa ito.
“Gunigunihin ang aking nadama nang makatanggap ako ng isang sobre na may kaunting pera at may ganitong liham: ‘Mahal na Kapatid, Ipinaaabot ko po sa inyo ang mainit na pagbati. Binigyan po ako ng pera ni Inay para ipambili ng sorbetes, pero ipinasiya ko pong ibigay sa inyo para ipambili ninyo ng gamot. Pakisuyong magpagaling kayo kaagad. Matagal pa po tayong kakailanganin ni Jehova. Gumaling sana kayo. At kuwentuhan pa ninyo kami ng magaganda at nakapagtuturong kuwento. Vova.’ ” Oo, gaya ng ipinakita sa pangyayaring ito, ang mga bata’t matanda sa kongregasyon ay makapagbibigay ng tulong na nagpapalakas sa panahon ng pagkakasakit.—Filipos 2:25-29.
◆ Panlulumo. Si Teri ay may taos-pusong hangarin na maglingkod bilang isang payunir, o buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian. Subalit dahil sa kahirapan, kinailangan siyang huminto sa pagpapayunir. “Nakadama ako ng malaking pagkakasala dahil sa pagsubok na maglingkod sa ganitong tungkulin at gayunma’y hindi man lamang nakatagal ng isang taon,” ang sabi niya. May-kamaliang inakala ni Teri na ang pagsang-ayon ni Jehova ay nakasalalay lamang sa dami ng kaniyang paglilingkod sa kaniya. (Ihambing ang Marcos 12:41-44.) Palibhasa’y labis na nanlumo, ibinukod niya ang kaniyang sarili. Subalit dumating ang nakagiginhawang tulong mula sa kongregasyon.
Naalaala ni Teri: “Isang nakatatandang sister na payunir ang agad na tumulong sa akin at nakinig sa akin habang ibinubulalas ko ang aking niloloob. Nang umalis na ako sa tahanan niya, nadama ko na parang naalis ang mabigat na pasanin ko. Mula noon, ang sister na payunir na ito at ang kaniyang asawa, isang matanda sa kongregasyon, ay naglaan na ng mahahalagang tulong. Araw-araw ay tinatawagan nila ako at kinukumusta. . . . Kung minsan ay hinahayaan nila akong makisali sa kanilang pampamilyang pag-aaral, anupat ikinintal nito sa akin ang kahalagahan ng pananatiling malapit ng pamilya sa isa’t isa.”
Karaniwan lamang para sa marami—maging sa nag-alay na mga Kristiyano—na manlumo, masiraan ng loob, at malungkot. Laking pasalamat natin na maaaring matamo ang maibigin at walang-imbot na pagtulong mula sa kongregasyon ng Diyos!—1 Tesalonica 5:14.
◆ Mga sakuna at aksidente. Gunigunihin mo ang iyong sarili na nasa kalagayan ng isang apat-kataong pamilya na nawalan ng lahat ng kanilang pag-aari nang masunog ang kanilang bahay. Di-nagtagal ay naranasan nila ang tinatawag nilang “isang nakapagpapatibay na karanasan na aantig sa amin magpakailanman at nagpahanga sa amin dahil sa tunay na pag-iibigan ng bayan ni Jehova.” Ipinaliwanag nila: “Halos karaka-raka ay nagtawagan sa amin ang napakaraming espirituwal na kapatid na nagpapahayag ng taimtim na pag-alalay at pakikiramay. Laging tumutunog ang telepono. Ang taimtim na pagmamalasakit at pag-ibig ng bawat isa ay totoong nakaaantig anupat napaiyak kami sa pagpapasalamat.”
Di-nagtagal, isang malaking grupo ng mga kapatid ang inorganisa ng matatanda sa kongregasyon, at sa loob ng ilang araw lamang, nakapagtayo sila ng isang bagong bahay para sa pamilyang ito. Isang kapitbahay ang bumulalas: “Dapat mong mapanood ito! Lahat ng uri ng tao ay nagtatrabaho roon—lalaki, babae, itim at lahing Kastila!” Ito ay maliwanag na katunayan ng pag-ibig na pangkapatid.—Juan 13:35.
Ang mga kapuwa Kristiyano ay nagbigay rin ng damit, pagkain, at salapi sa pamilya. Ganito ang sinabi ng ama: “Nangyari ito noong Kapaskuhan nang ang bawat isa ay nagbibigay ng mga kaloob, ngunit masasabi namin nang may katapatan na walang sinuman ang nakaranas ng tunay at napakasaganang uri ng pagbibigay na gaya ng naranasan namin.” At sinabi pa nila: “Ang mga alaala ng sunog ay unti-unti nang naglalaho at napapalitan ng napakagandang mga alaala ng kabaitan at mabubuting kaibigan. Ipinaaabot namin ang aming pasasalamat sa ating maibiging makalangit na Ama, si Jehova, na kami’y may gayong kahanga-hanga at nagkakaisang pamilya ng mga magkakapatid sa lupa, at kami’y lubusang nagpapasalamat na kabilang kami rito!”
Sabihin pa, ang gayong pamamagitan ay hindi laging posible, ni dapat mang asahan, sa bawat trahedya. Subalit ang halimbawang ito ay tiyak na naglalarawan sa pag-alalay na maaaring ilaan ng kongregasyon.
Karunungan Mula sa Itaas
Marami ang nakasumpong ng isa pang pinagmumulan ng tulong at lakas sa Kristiyanong kongregasyon. Ano iyon? Mga publikasyon na inihanda ng “tapat at maingat na alipin.” Pangunahin na sa mga ito ang mga babasahing Ang Bantayan at Gumising! Upang makapagbigay ng matalinong payo at praktikal na instruksiyon, ang mga publikasyong ito ay umaasa pangunahin na sa karunungan ng Diyos na masusumpungan sa Bibliya. (Awit 119:105) Ang maka-Kasulatang impormasyon ay dinaragdagan ng responsable at mapananaligang pananaliksik sa mga paksang gaya ng panlulumo ng isip, pagkahango sa pang-aabuso, iba’t ibang suliraning panlipunan at pangkabuhayan, mga hamong nakakaharap ng mga kabataan, at mga kahirapan na natatangi sa papaunlad na mga lupain. Higit sa lahat, itinataguyod ng mga publikasyong ito ang daan ng Diyos bilang ang pinakamainam na daan ukol sa buhay.—Isaias 30:20, 21.
Taun-taon, ang Samahang Watch Tower ay nakatatanggap ng libu-libong liham ng pasasalamat. Halimbawa, may kinalaman sa isang artikulo sa Gumising! tungkol sa pagpapatiwakal, isang kabataang lalaki sa Russia ang sumulat: “Dahil sa may tendensiya akong manlumo, . . . maraming beses na akong nagbalak na magpatiwakal. Pinatibay ng artikulong ito ang aking paniniwala na tutulungan ako ng Diyos na makayanan ang aking mga problema. Gusto niya akong mabuhay. Pinasasalamatan ko siya sa pag-alalay na kaniyang ibinigay sa pamamagitan ng artikulong ito.”
Kung ang mga daluyong ng problema sa daigdig na ito ay napakahirap harapin, makatitiyak ka na may ligtas na kanlungan sa Kristiyanong kongregasyon. Oo, kung ang tigang na disyerto ng sistemang ito na salát sa pag-ibig ay umuubos ng iyong lakas, makasusumpong ka ng nakapagpapalakas na bukal sa organisasyon ni Jehova. Matapos maranasan ang gayong pag-alalay, maaaring maibulalas mo rin ang damdamin ng isang Kristiyanong babae na matagumpay na naharap ang malubhang karamdaman ng kaniyang asawa at sumulat: “Dahil sa pag-ibig at pagkalinga na ipinakita sa amin, nadama ko na parang binuhat ako ni Jehova sa palad ng kaniyang kamay habang ako’y nasa krisis na ito. Laking pasalamat ko na ako’y kabilang sa kahanga-hangang organisasyon ni Jehova!”
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan.
[Mga larawan sa pahina 26]
Makapagbibigay tayo ng tulong na nagpapalakas sa maysakit, sa nagdadalamhati, at sa iba