Hindi Mabagal ang Diyos May Kinalaman sa Kaniyang Pangako
“JEHOVA, hanggang kailan ako hihingi ng tulong, at hindi mo diringgin?” Ito ang mga salita ng propetang Hebreo na si Habacuc, na nabuhay noong ikapitong siglo B.C.E. Ngunit pamilyar din ito sa ngayon, hindi ba? Likas sa tao na gustuhing magkaroon ng mga bagay na hinahangad nila kaagad o karaka-raka hangga’t maaari. At totoo ito sa ating panahon ng kagyat na pagbibigay-kasiyahan.—Habacuc 1:2.
Noong unang siglo, may ilan na tila nag-aakalang dapat sana’y tuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako nang mas maaga. Lubha silang nainip anupat itinuring pa nga nila na mabagal o huli ang Diyos. Sa bagay na ito, kailangang ipaalaala sa kanila ni apostol Pedro na ang pangmalas ng Diyos sa panahon ay lubhang naiiba sa ating pangmalas. Sumulat si Pedro: “Huwag palampasin sa inyong pansin ang isang katotohanang ito, mga iniibig, na ang isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon at ang isang libong taon ay gaya ng isang araw.”—2 Pedro 3:8.
Ayon sa pagsukat na ito ng panahon, ang isang 80-anyos na tao ay nabuhay lamang ng mga dalawang oras, at ang buong kasaysayan ng sangkatauhan ay tumagal lamang ng mga anim na araw. Kung titingnan natin ang mga bagay sa perspektibong ito, nagiging mas madali para sa atin na maunawaan ang pakikitungo sa atin ng Diyos.
Gayunman, ang Diyos ay hindi nagwawalang-bahala sa panahon. Sa kabaligtaran, lubha siyang palaisip sa panahon. (Gawa 1:7) Kaya naman, patuloy si Pedro sa pagsasabi: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, na gaya ng itinuturing ng ilang mga tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Di-tulad ng mga tao, ang Diyos ay hindi nagigipit na gawin ang mga bagay na para bang paubos na ang panahon niya. Bilang ang “Haring walang hanggan,” mayroon siyang kamangha-manghang pang-unawa at natitiyak niya kung kailan sa agos ng panahon pakikinabangan nang husto ng lahat ng nasasangkot ang kaniyang pagkilos.—1 Timoteo 1:17.
Pagkatapos ipaliwanag ang dahilan ng waring kabagalan ng Diyos, ibinigay ni Pedro ang babalang ito: “Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw.” Ibig sabihin, ang araw ng pagtutuos ay darating kapag hindi ito inaasahan ng mga tao. Pagkatapos, sa sumunod na mga talata, binanggit ni Pedro ang kamangha-manghang pag-asa ng mga nagpapakita ng “banal na mga paggawi at mga gawa ng maka-Diyos na debosyon,” yaon ay, na makaligtas sila tungo sa ipinangakong “mga bagong langit at isang bagong lupa” ng Diyos.—2 Pedro 3:10-13.
Dapat itong magpangyari sa atin na lalo pang magpasalamat na hindi pa dumating ang paghatol ng Diyos. Dahil sa kaniyang pagtitiis ay naging posible para sa atin na malaman ang kaniyang layunin at mabago ang ating mga buhay upang tumanggap ng kaniyang ipinangakong mga pagpapala. Hindi ba natin dapat ituring “ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan,” gaya ng pangangatuwiran ni Pedro? (2 Pedro 3:15) Gayunman, may isa pang salik sa pagtitiis ng Diyos.
Isang Sukat ng Pagkakamali na Dapat Malubos
Sa pag-aaral sa nakalipas na mga pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan, mapapansin natin na kadalasang hindi niya iginagawad ang kaniyang hatol hanggang wala na ang lahat ng pag-asa na bumuti pa. Halimbawa, may kaugnayan sa hatol ng Diyos sa mga Canaanita, malaon na niyang binanggit kay Abraham ang kanilang mga kasalanan. Subalit ang panahon sa pagsasagawa ng kaniyang kahatulan ay hindi pa napapanahon. Bakit hindi pa? Sinasabi ng Bibliya: “Sapagkat ang kamalian ng mga Amorita [mga Canaanita] ay hindi pa nalulubos,” o gaya ng pagkakasabi rito ng salin ng Knox: “Ang kabalakyutan ng mga Amorita [ay] hindi pa umabot sa sukdulan nito.”—Genesis 15:16.a
Gayunman, pagkalipas ng mga 400 taon, dumating ang hatol ng Diyos, at ang lupain ay sinakop ng mga inapo ni Abraham, ang mga Israelita. Ilan sa mga Canaanita, gaya ni Rahab at ng mga Gibeonita, ang nakaligtas dahil sa kanilang saloobin at pagkilos, subalit sa kalakhang bahagi, sila’y umabot sa sukdulang antas ng karumihan, gaya ng isinisiwalat ng makabagong mga paghuhukay ng mga arkeologo. Nagsagawa sila ng pagsamba sa sekso, prostitusyon sa templo, at paghahain ng bata. Ganito ang sabi ng Halley’s Bible Handbook: “Ang mga arkeologong humukay sa mga kagibaan ng mga lunsod ng mga Canaanita ay nagtataka na hindi kaagad nilipol ng Diyos ang mga ito.” Sa wakas, ‘naging sukdulan ang kasalanan’ ng mga Canaanita; ang kanilang kabalakyutan ay “umabot na sa sukdulan nito.” Walang sinuman ang makatuwirang makapagpaparatang na naging di-makatarungan ang Diyos nang hayaan niyang linisin ang lupain samantalang inililigtas yaong mga nagpakita ng tamang saloobin.
Katulad din ito noong kaarawan ni Noe. Sa kabila ng bagay na balakyot ang mga tao noong bago ang Baha, maawaing nagpasiya ang Diyos na ang kanilang panahon ay magpapatuloy pa ng 120 taon. Sa isang bahagi ng panahong iyon, naglingkod si Noe bilang “isang mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Sa paglipas ng panahon, maliwanag na nalubos na ang kanilang kabalakyutan. “Nakita ng Diyos ang lupa at, narito! ito ay sira, sapagkat sinira ng lahat ng laman ang kanilang lakad sa lupa.” (Genesis 6:3, 12) “Naging sukdulan ang kasalanan” nila; ang paglipas ng panahon ang nagpangyaring maging sukdulan ang kanilang maling mga hilig. Nang kumilos ang Diyos, siya ay lubos na napatunayang makatarungan. Walong tao lamang ang napatunayang matuwid sa paningin ng Diyos, at iniligtas niya sila.
Gayunding parisan ang nakita sa pakikitungo ng Diyos sa Israel. Sa kabila ng kanilang di-tapat at masamang paggawi, pinagtiisan sila ng Diyos sa loob ng daan-daang taon. Ang rekord ay nagsasabi: “Si Jehova . . . ay patuloy na nagsugo . . . ng kaniyang mga mensahero, na nagsusugo nang paulit-ulit, sapagkat siya ay nahabag sa kaniyang bayan . . . Ngunit patuloy nilang . . . hinahamak ang kaniyang mga salita at nililibak ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang pagngangalit ni Jehova ay sumiklab laban sa kaniyang bayan, hanggang sa wala nang kagalingan.” (2 Cronica 36:15, 16) Naabot na ng bayan ang sukdulan na doo’y hindi na posible pang magbago. Si Jeremias at ilan lamang ang maililigtas. Hindi matatawag na walang-katarungan ang Diyos nang pasapitin niya sa wakas ang kahatulan sa iba pa.
Sumapit Na ang Panahon ng Diyos Upang Kumilos
Makikita natin mula sa mga halimbawang ito na hindi pa pinasasapit ng Diyos ang hatol sa kasalukuyang sistema ng mga bagay hanggang sa dumating na ang angkop na panahon. Ipinahayag ito sa utos na ibinigay sa makasagisag na tagapuksa ng Diyos: “ ‘Ihayo mo ang iyong matalas na karit at tipunin mo ang mga kumpol ng punong-ubas ng lupa, sapagkat ang mga ubas nito ay nahinog na.’ At isinulong ng anghel ang kaniyang karit sa lupa at tinipon ang punong-ubas ng lupa, at inihagis niya iyon sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.” Pansinin na ang kabalakyutan ng sangkatauhan ay “nahinog na,” yaon ay, umabot na ito sa punto na hindi na posibleng magbago pa. Kapag iginawad ng Diyos ang hatol, walang alinlangan na ang kaniyang pakikialam ay matuwid.—Apocalipsis 14:18, 19.
Sa pagsasaalang-alang sa itaas, maliwanag na malapit na ang hatol ng Diyos laban sa sanlibutan sapagkat taglay ng sanlibutan ang mga katangian na nagbigay-katuwiran sa hatol ng Diyos noon. Saanman tayo tumingin, ang daigdig ay punô ng karahasan, gaya noong kaarawan ni Noe bago ang Baha. Ang mga saloobin ng tao ay higit at higit na nagiging katulad niyaong inilarawan sa Genesis 6:5: “Ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso [ng tao] ay masama na lamang sa lahat ng panahon.” Maging ang malulubhang kasalanan na nagbunga ng paghatol ng Diyos laban sa mga Canaanita ay karaniwan na lamang sa ngayon.
Lalo na sapol noong Digmaang Pandaigdig I, naranasan ng sangkatauhan ang nakapanghihilakbot na mga pagbabago. Nakita nito ang lupa na natigmak sa dugo ng angaw-angaw. Ang pagdidigmaan, paglipol sa lahi, terorismo, krimen, at katampalasanan ay sumiklab sa buong daigdig. Lumaganap sa ating globo ang taggutom, sakit, at imoralidad. Ang lahat ng katibayan ay nagpapakitang nabubuhay na tayo ngayon sa balakyot na salinlahi na sinabi ni Jesus: “Ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa mangyari ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mateo 24:34) Nilulubos na ng sanlibutang ito ang “kasalanan” nito. “Ang mga kumpol ng ubas ng lupa” ay nahihinog na para anihin.
Panahon Na Para Kumilos Ka
Si apostol Juan ay sinabihan na habang papalapit ang araw ng paghatol, dalawang uri ng paghinog ang mangyayari. Sa isang panig, “siya na gumagawa ng kalikuan, hayaan siyang gumawa pa ng kalikuan; at hayaang ang marumi ay maparumi pa.” Ngunit sa kabilang panig, “hayaang ang matuwid ay gumawa pa ng katuwiran, at hayaang ang banal ay mapabanal pa.” (Apocalipsis 22:10, 11) Ang huling banggit na pangyayari ay nagaganap may kaugnayan sa pambuong daigdig na gawaing pagtuturo ng Bibliya na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova. Layunin ng gawaing ito na ituro sa mga tao kung ano ang hinihiling sa kanila ng Diyos upang sila’y mapabilang sa karapat-dapat tumanggap ng buhay na walang hanggan. Ang gawaing ito ay umaabot na sa 233 lupain sa mga 87,000 kongregasyon.
Hindi mabagal ang Diyos. May pagtitiis na binibigyan niya ng panahon ang mga indibiduwal na “magbihis ng bagong personalidad” upang mapahanay sa mga magkakamit ng kaniyang mga pangako. (Efeso 4:24) Ngayon, naghihintay pa rin ang Diyos, sa kabila ng lumulubhang mga kalagayan sa daigdig. Ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang lahat ng kanilang magagawa upang ibahagi sa kanilang mga kapuwa ang kaalaman na umaakay sa buhay na walang hanggan. (Juan 17:3, 17) Nakaliligaya, sa bawat taon mahigit na 300,000 tao ang tumutugon at nababautismuhan.
Taglay ang pag-asang buhay na walang hanggan, ngayon na ang panahon, hindi upang maghintay, kundi upang kumilos. Sapagkat sandali na lamang, makikita natin ang katuparan ng pangako ni Jesus: “Bawat isa na nabubuhay at nagsasagawa ng pananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.”—Juan 11:26.
[Talababa]
a Isang talababa sa talatang ito sa The Soncino Chumash ang nagsasabi: “Nararapat paalisin, yamang hindi nagpaparusa ang Diyos sa isang bansa hangga’t hindi nagiging sukdulan ang kasalanan nito.”
[Larawan sa pahina 6]
Ang tagapuksa ng Diyos ay sinabihan na isulong ang kaniyang karit kapagnahinog na ang ubas ng lupa
[Larawan sa pahina 7]
Tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang mga tao upang magkamit ng walang-hanggang mga pagpapala ng Diyos