Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 8/1 p. 22-25
  • Panggigipit ng mga Kasamahan—Makabubuti ba Ito sa Iyo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Panggigipit ng mga Kasamahan—Makabubuti ba Ito sa Iyo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Impluwensiya sa Lahat ng Grupo Anuman ang Edad
  • Gamitin sa Ikabubuti ang Kapaki-pakinabang na Impluwensiya ng mga Kasamahan
  • Iwasan ang Negatibong mga Impluwensiya
  • Ang Ilan na Nakinabang
  • Mga Kabataan​—Labanan ang Panggigipit ng mga Kasama
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Panggigipit ng Kasamahan—Talaga Bang Gayon Ito Kalakas?
    Gumising!—2002
  • Kung Paano Haharapin ang Panggigipit
    Gumising!—2014
  • Paano Ko Haharapin ang Panggigipit ng Kasamahan?
    Gumising!—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 8/1 p. 22-25

Panggigipit ng mga Kasamahan​—Makabubuti ba Ito sa Iyo?

Tayong lahat ay isinilang na may likas na hangaring tanggapin ng ating mga kasamahan. Walang sinuman ang nagnanais na siya’y ayawan o tanggihan. Kaya naman, sa iba’t ibang antas, nakaiimpluwensiya sa atin ang ating mga kasamahan.

ANG isang kasamahan ay binigyang-katuturan bilang “isa na may kapantay na katayuan sa iba; . . . isa na kabilang sa iisang lipunan, na pantanging nakabatay sa edad, ranggo, o katayuan.” Samantala, ang panggigipit naman ng mga kasamahan ay ang puwersa na ginagamit sa atin ng ating mga kasamahan, upang, sa alam man natin o hindi, ay mapasunod tayo sa kanilang paraan ng pag-iisip o paggawi. Ang panggigipit ng mga kasamahan ay karaniwan nang itinuturing na nakasasama. Gayunman, gaya ng makikita natin, mapangyayari natin na makabuti ito.

Impluwensiya sa Lahat ng Grupo Anuman ang Edad

Ang panggigipit ng mga kasamahan ay hindi lamang nangyayari sa mga kabataan; apektado nito ang lahat ng grupo anuman ang edad. Makikita ang impluwensiya nito kapag nasusumpungan natin ang ating sarili na nagtatanong ng ganito: “Ginagawa naman ito ng iba, bakit hindi ko rin gawin?” “Bakit kailangang lagi akong maging iba?” “Ano na lamang ang iisipin o sasabihin ng iba?” “Lahat ng aking mga kaibigan ay nagde-date at nagpapakasal, pero ako, hindi. May kulang ba sa akin?”

Bagaman ang panggigipit na sumunod ay nakaaapekto sa lahat ng grupo anuman ang edad, waring mas matindi ito sa panahon ng pagdadalaga at pagbibinata. Sinasabi ng The World Book Encyclopedia na “karamihan sa mga nagdadalaga at nagbibinata ay lubhang napapasangkot sa grupo ng mga kasamahan nila​—alalaong baga, ang pangkat na kinabibilangan ng kanilang mga kaibigan at mga kakilala. Hangad ng mga tin-edyer na ito ang pagsang-ayon ng grupo ng mga kasamahan nila, sa halip na ang pagsang-ayon ng kanilang mga magulang, at maaaring baguhin nila ang kanilang paggawi upang makamit ang pagsang-ayon na iyon.” Idinagdag pa nito na ang mga tin-edyer ay “nag-aakala na lumalaki sila nang normal kung tinatanggap at nagugustuhan sila ng kanilang mga kasamahan.” Dahil dito, sila’y “labis na nag-uukol ng pansin sa mga bagay na inaakala nilang nakaaapekto sa kanilang popularidad, gaya ng istilo ng damit, kakayahang manguna, at tagumpay sa pakikipag-date.”

Maaaring masumpungan ng maraming mag-asawa na ang kanilang mga pasiya tungkol sa kung anong uri ng bahay ang bibilhin o uupahan, kung anong modelo ng kotse ang gagamitin, kung mag-aanak o hindi, at marami pang ibang bagay ay naiimpluwensiyahan ng panggigipit ng mga kasamahan​—kung ano ang tinatanggap ng kanilang pamayanan, ng kanilang mga kasama o kalahing grupo. Ang ilang pamilya ay nababaon pa nga sa utang para lamang makialinsabay sa kanilang mga kapitbahay at mga kasamahan sa materyal na paraan. Oo, ang ating mga tunguhin, pag-iisip, at mga pasiya ay karaniwan nang nagpapatunay sa tusong kapangyarihan ng panggigipit ng mga kasamahan. Kung isasaalang-alang ang kapangyarihan nito, maaari ba nating harapin ang panggigipit ng mga kasamahan sa kapaki-pakinabang na paraan, upang makatulong sa atin sa direksiyon na gusto nating tahakin? Oo, maaari!

Gamitin sa Ikabubuti ang Kapaki-pakinabang na Impluwensiya ng mga Kasamahan

Alam ng mga doktor at iba pang manggagamot na mahalagang mapaligiran ang kanilang mga pasyente ng positibong mga tao at iba pang nakapagpapalusog na impluwensiya. Ang gayong kapaligiran ay makapagpapabilis sa paggaling. Halimbawa, ang mga tao na naputulan ng binti ay kadalasang natutulungan sa pamamagitan ng mahabang proseso ng rehabilitasyon ng katawan at emosyonal na pagpapagaling sa pamamagitan ng mabuting halimbawa at pampatibay-loob ng iba na dumanas din ng gayon. Maliwanag, ang pagkawili sa isang kaayaayang kapaligiran na kinabibilangan ng optimistiko at positibong mga huwarang tao ay isang paraan ng paggamit sa wastong uri ng panggigipit ng mga kasamahan ukol sa ikabubuti.

Ang simulaing ito ay totoo rin sa Kristiyanong kongregasyon, sapagkat ang positibong impluwensiya ng mga kasamahan ay isa sa mga dahilan kung kaya inutusan ni Jehova ang kaniyang bayan na palagiang magtipong sama-sama. Hinihimok tayo ng Diyos na ‘mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa at magpatibayang-loob sa isa’t isa.’ (Hebreo 10:24, 25) Napakahalaga ng gayong pampatibay-loob dahil sa maraming nakasisiphayo at nakasasakit na mga panggigipit sa sanlibutan ngayon. Dahil sa mga panggigipit na ito, ang mga Kristiyano ay kailangang ‘magsikap nang buong-lakas’ upang manatiling malakas sa espirituwal. (Lucas 13:24) Samakatuwid, kailangan natin at pinahahalagahan ang maibiging pag-alalay ng ating mga kapananampalataya. Bukod dito, ang ilan ay baka kailangang magbata ng ‘mga tinik sa laman,’ marahil ay karamdaman o pagkabalda. (2 Corinto 12:7) Ang iba naman ay maaaring nakikipagpunyagi upang mapanagumpayan ang masasamang bisyo o ang panlulumo, o baka nahihirapan silang tustusan ang mga pangangailangan sa buhay. Kaya naman, magiging matalino tayo kung paliligiran natin ang ating sarili ng mga tao na nanatiling malapit sa Diyos na Jehova at nagagalak na maglingkod sa kaniya. Ang gayong mga kasamahan ay magpapasigla sa atin at tutulong sa atin na ‘makapagbata nang tapat hanggang sa wakas.’​—Mateo 24:13.

Kung gayon, sa pamamagitan ng pagpili sa tamang mga kasamahan, makokontrol natin ang impluwensiya na ginagamit nila sa atin. Bukod dito, ang mainam na pagkaing espirituwal at praktikal na patnubay na ibinibigay sa mga pulong Kristiyano ay magpapatindi sa personal na pampatibay-loob na natatanggap natin mula sa ating mga kasamahan.

Sabihin pa, hindi laging madali ang dumalo sa mga pulong Kristiyano. Ang ilan ay may kaunti o walang suporta mula sa kanilang kabiyak, ang iba naman ay may mga anak na bibihisan, at maaaring problema naman sa iba pa ang transportasyon. Pero isipin ito: Kung hindi mo hahayaang hadlangan ka ng mga ito, kung gayon ay mapasisigla ng iyong halimbawa ang iba na baka nakikipagpunyagi rin sa gayunding mga kalagayan. Sa ibang salita, ikaw at ang iba na katulad mo ay hindi lamang naglalaan ng mainam na halimbawa kundi naglalaan din naman ng kapaki-pakinabang na uri ng impluwensiya ng kasamahan​—at iyon ay walang anumang halong pamimilit.

Sa katunayan, si apostol Pablo, na nangailangan din mismong makipagpunyagi sa maraming hirap at hadlang, ay nagpasigla sa mga Kristiyano na tumulad sa kaniyang mainam na halimbawa at niyaong sa iba pang may-gulang na mga Kristiyano. Sinabi niya: “May pagkakaisang maging mga tagatulad ko kayo, mga kapatid, at ituon ang inyong mata doon sa mga lumalakad sa paraan na alinsunod sa halimbawang taglay ninyo sa amin.” (Filipos 3:17; 4:9) Tinularan ng unang mga Kristiyano sa Tesalonica ang mainam na halimbawa ni Pablo. Tungkol sa kanila ay sumulat si Pablo: “Kayo ay naging mga tagatulad namin at ng Panginoon, yamang tinanggap ninyo ang salita sa ilalim ng labis na kapighatian na may kagalakan sa banal na espiritu, anupat kayo ay naging halimbawa sa lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at sa Acaya.” (1 Tesalonica 1:6, 7) Ang ating positibong saloobin at halimbawa ay maaaring magkaroon ng gayunding epekto sa mga pinakikisamahan natin.

Iwasan ang Negatibong mga Impluwensiya

Kung gusto nating iwasan ang di-kapaki-pakinabang na panggigipit ng mga kasamahan, kailangan nating tanggihan ang impluwensiya ‘niyaong mga lumalakad ayon sa laman.’ (Roma 8:4, 5; 1 Juan 2:15-17) Kung hindi, ang nakasasamang panggigipit ng mga kasamahan ay maglalayo sa atin kay Jehova at sa kaniyang matalinong payo. Sinasabi sa Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang may pakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” May maiisip ka bang isang tao na napariwara dahil sa di-kapaki-pakinabang na panggigipit ng mga kasamahan? Halimbawa, ang ilang Kristiyano ay naakay sa materyalismo, imoralidad, o pag-aabuso sa droga at alkohol dahil sa impluwensiya ng kanilang mga kasamahan.

Maging sa loob ng Kristiyanong kongregasyon, mapasasailalim tayo sa impluwensiya ng di-kapaki-pakinabang na panggigipit ng mga kasamahan kung pinipili natin ang mga indibiduwal na mahihina sa espirituwal bilang ating matatalik na kasama. (1 Corinto 15:33; 2 Tesalonica 3:14) Ang mga gayon ay kadalasang hindi mahilig makipag-usap tungkol sa espirituwal na mga bagay; baka pa nga tuyain nila yaong mga nasisiyahan sa gayong usapan. Kung pipiliin natin ang mga ito bilang ating matatalik na kasama, ang panggigipit ng mga kasamahan ay magtutulak sa atin sa gayunding pagkahubog, at di-magtatagal baka masumpungan natin na kagaya na rin ng sa kanila ang ating pag-iisip at saloobin. Baka pa nga magsimula na tayong mag-isip nang negatibo sa mga may tunay na pananampalataya at nagsisikap na sumulong sa espirituwal.​—1 Timoteo 4:15.

Tunay ngang higit na katalinuhan ang makipagkaibigan sa mga nagsisikap na mapalugdan si Jehova, na natutuwa sa espirituwal na mga bagay! Ang gayong mga kasama ay tutulong sa atin na mapabanaag “ang karunungan mula sa itaas.” Ito “ay una sa lahat malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng may-kinikilingang pagtatangi, hindi mapagpaimbabaw.” (Santiago 3:17) Hindi naman ito nangangahulugan na ang mga taong palaisip sa espirituwal ay wala nang kakayahang makipag-usap tungkol sa ibang paksa maliban sa espirituwal na mga bagay lamang. Ito’y kabalintunaan! Isipin na lamang ang iba’t ibang kawili-wiling paksa na tinatalakay sa mga publikasyon ng Watch Tower na gaya ng magasing Gumising! Talagang walang katapusan ang kapaki-pakinabang na mga paksang tinatalakay, at sa pagkakaroon ng interes sa malawak na hanay ng mga paksa, ipinaaaninaw natin ang pag-ibig sa buhay at sa mga gawa ni Jehova.

Kung paanong pinasusulong ng isang mahusay na manlalaro ng tenis ang kaniyang kasanayan sa pamamagitan ng pakikipaglaro sa ibang mahuhusay na manlalaro, pinasusulong din tayo ng wastong mga kasama sa mental, emosyonal, at espirituwal na paraan. Sa kabilang panig, maaari tayong akayin ng maling mga kasama sa isang landasin ng pagpapaimbabaw sa pamamagitan ng pagpapasigla sa atin na magtaguyod ng dalawang uring pamumuhay. Tunay na mas maiging magtamasa ng isang malinis na budhi lakip ang paggalang sa sarili!

Ang Ilan na Nakinabang

Karamihan sa mga tao ay nakasusumpong na hindi naman napakahirap matuto sa mga doktrina ng Bibliya at sa moral at espirituwal na mga kahilingan nito. Gayunman, maaaring maging mahirap ang pagkakapit sa mga bagay na ito. Gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga halimbawa, ang kapaki-pakinabang na impluwensiya ng mga kasamahan ay makatutulong sa atin upang paglingkuran si Jehova nang buong-kaluluwa.

Isang Saksi na nasa buong-panahong ministeryo kasama ng kaniyang asawa ay nagsabi na ang mga halimbawa ng kaniyang mga kasamahan ay nakaapekto sa kaniyang mga tunguhin sa buhay. Samantalang siya ay lumalaki, kinailangan niyang batahin ang di-kapaki-pakinabang na mga impluwensiya. Subalit pinili niya bilang kaniyang mga kaibigan yaong mga nagpasigla sa kaniya na maging regular sa ministeryo at sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Ang pananatiling malapit sa mga kasamang ito ay tumulong sa kaniya sa pagtahak sa landas tungo sa espirituwal na pagkamaygulang.

Isa pang Saksi ang sumulat: “Matapos kaming magpakasal ng aking asawa, lumipat kami sa isang kongregasyon na kung saan naglilingkod bilang regular pioneer ang isang mag-asawa na kaedad namin. Nakatulong ang kanilang halimbawa sa pagpasok namin sa buong-panahong ministeryo. Pagkatapos, kami rin ay nagsikap na mapatibay ang espiritu ng pagpapayunir sa kongregasyon. Bilang resulta, marami ang nagpayunir na kasama namin.”

Ang pakikisama sa mga may teokratikong mga tunguhin ay magpapadali sa ating pagsunod kay Jehova. Ito ay isa pang nakabubuting epekto ng kapaki-pakinabang na impluwensiya ng mga kasamahan. Isang Saksi na nagpasimula sa buong-panahong ministeryo nang nasa kabataan pa at nang maglaon ay naging naglalakbay na tagapangasiwa ay naglilingkod ngayon sa isa sa mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. Sumulat siya: “Ang ilan sa aking kauna-unahan at pinakamasayang alaala sa aking kabataan ay ang pagdalaw sa aming tahanan ng mga buong-panahong lingkod. Laging may espasyo para sa isa pang upuan sa aming hapag-kainan. Isang tagapangasiwa ng sirkito ang nagbigay sa akin ng isang bag para sa pagpapatotoo nang ako ay sampung taóng gulang. Hanggang ngayon ay pinakaiingatan ko ang bag na iyon.”

Sa paggunita sa mga taon ng kaniyang pagkatin-edyer, sinabi pa ng Saksing ito: “Marami sa mga kabataang lalaki sa kongregasyon ay gustong mapasangkot sa mga gawain ng kongregasyon, at ang kanilang halimbawa ay nag-udyok sa ilan sa amin na gawin din ang gayon.” Ang kapaki-pakinabang na mga kasamahan ay nakatulong sa kabataang ito na lumaki, gaya ng isang usbong, tungo sa isang mahusay at tulad-punungkahoy na Kristiyanong lalaki. Mga magulang, inaanyayahan ba ninyo sa inyong tahanan yaong maaaring magdulot ng isang positibo at nakapagpapatibay na impluwensiya sa inyong mga anak?​—Malakias 3:16.

Sabihin pa, hindi lahat sa atin ay makababahagi sa buong-panahong ministeryo gaya ng mga indibiduwal na kababanggit lamang. Subalit tayong lahat ay maaaring matutong umibig kay Jehova nang ‘buong puso, kaluluwa, at pag-iisip.’ (Mateo 22:37) Ang pagpili natin ng mga kasamahan ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagkakaroon natin ng ganoong pag-ibig at, sa gayon, sa pagtatamo ng pag-asa ukol sa buhay na walang hanggan.

Ang salmista ay nagbigay ng isang simple ngunit epektibong pormula para sa tunay na tagumpay sa buhay: “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot, at sa daan ng mga makasalanan ay hindi tumatayo, at sa upuan ng mga manunuya ay hindi umuupo. Kundi ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi. At siya ay tiyak na magiging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”​—Awit 1:1-3.

Tunay na kamangha-manghang garantiya! Bagaman tayo ay di-sakdal at nagkakamali, ang ating buhay ay magiging matagumpay kung hahayaan nating si Jehova ang pumatnubay sa atin at kung gagamitin nating mabuti ang bigay-Diyos na imbakan ng kapaki-pakinabang na impluwensiya ng mga kasamahan​—ang “buong samahan ng [ating] mga kapatid sa sanlibutan.”​—1 Pedro 5:9.

[Larawan sa pahina 24]

Ang kongregasyon ay naglalaan ng kapaki-pakinabang na uri ng impluwensiya ng mga kasamahan

[Larawan sa pahina 25]

Mga magulang, pasiglahin ang inyong mga anak na makisalamuha sa nakapagpapatibay na mga kasamahan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share