Huwag Hayaang Tisurin ka ng Galit
“HUMINGA ka nang malalim!” “Bumilang ka hanggang sampu!” “Kagatin mo ang iyong dila!” Pamilyar ka ba sa mga kasabihang ito? Marahil ay sinasambit mo ang mga ito sa iyong sarili upang pahinahunin ang pagngingitngit ng kalooban. Ang ilang tao naman ay naglalakad-lakad upang maiwasan ang biglang silakbo ng galit. Ang mga ito’y simpleng paraan lamang upang mapigil ang galit at maingatan ang pakikisama sa iba.
Gayunman, nitong nakaraang mga taon, ang nagkakasalungatang payo ng mga propesyonal hinggil sa kung dapat pigilin o sawatain ang galit ay naging dahilan upang malito ang marami. Halimbawa, ilang sikologo ang nagpasulong ng teoriya na “kung makabubuti ito sa iyong pakiramdam,” ibulalas mo ang iyong galit. Ang iba naman ay nagbababala na ang palagiang pagsilakbo ng galit ay “isang mas matinding senyales ng maagang pagkamatay kaysa sa iba pang dahilan gaya ng paninigarilyo, mataas na presyon ng dugo, at mataas na kolesterol.” Maliwanag na sinasabi ng Salita ng Diyos: “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit; huwag kang mag-init na hahantong lamang sa paggawa ng masama.” (Awit 37:8) Bakit kaya nagbigay ang Bibliya ng ganitong espesipikong payo?
Ang di-mapigil na emosyon ay humahantong sa di-mapigil na gawain. Naging maliwanag ito noong unang panahon sa kasaysayan ng tao. Mababasa natin: “Si Cain ay nag-init sa matinding galit, at nagsimulang mamanglaw ang kaniyang mukha.” Saan siya inakay nito? Sinakmal siya ng galit at pinanaigan nang husto, anupat pinatigas nito ang kaniyang puso sa pagtanggap sa payo ni Jehova na bumaling sa paggawa ng mabuti. Ang di-mapigil na galit ni Cain ay umakay sa kaniya sa malubhang pagkakasala—ang pagpaslang sa kaniyang kapatid.—Genesis 4:3-8.
Si Saul, ang unang hari ng Israel, ay nadaig din nang marinig niya na si David ay tumatanggap ng napakaraming papuri. “Ang mga babae na nagdiriwang ay patuloy na tumutugon at nagsasabi: ‘Si Saul ay nagpabagsak ng kaniyang libu-libo, at si David ay ng kaniyang sampu-sampung libo.’ At si Saul ay lubhang nagalit at ang pananalitang ito ay masama sa kaniyang pangmalas.” Gayon na lamang ang pananaig ng galit sa pag-iisip ni Saul anupat ilang ulit na itinulak siya nito na pagtangkaan ang buhay ni David. Bagaman nagmungkahi si David ng pakikipagkaibigan, ayaw ni Saul na itaguyod ang kapayapaan at pagkakasundo. Sa dakong huli, lubusan niyang naiwala ang pagsang-ayon ni Jehova.—1 Samuel 18:6-11; 19:9, 10; 24:1-21; Kawikaan 6:34, 35.
Tiyak, kapag nagpatalo ang isa sa di-mapigil na galit, magsasalita siya at gagawa ng mga bagay na makasasakit sa bawat isang nasasangkot. (Kawikaan 29:22) Sina Cain at Saul ay nagalit dahil bawat isa sa kanila, sa kaniyang sariling paraan, ay nanibugho at nainggit. Gayunman, maaaring bumangon ang mga reaksiyon ng galit sa iba’t ibang dahilan. Ang walang-katuwirang pagpintas, pag-insulto, di-pagkakaunawaan, o may-kinikilingang pakikitungo ay maaaring maging mitsa ng pagkagalit.
Ang mga halimbawa nina Cain at Saul ay nagpapahiwatig ng isang malubhang pagkukulang na kapuwa nila taglay. Ang paghahandog ni Cain ay lumilitaw na hindi udyok ng pananampalataya. (Hebreo 11:4) Ang hindi pagsunod ni Saul sa ipinahayag na mga utos ni Jehova at sa kasunod na pagtatangka niyang bigyang-matuwid ang sarili ay humantong sa pagkawala ng pagsang-ayon at espiritu ng Diyos. Maliwanag, sinira ng dalawa ang kanilang kaugnayan kay Jehova.
Kabaligtaran naman nito ang naging disposisyon ni David, na may dahilang magalit sa pakikitungong ginawa ni Saul. Pinigil ni David ang kaniyang sarili. Bakit? Sabi niya: “Malayong mangyari, sa ganang akin, mula sa pananaw ni Jehova, na gawin ko ang bagay na ito sa aking Panginoon, ang pinahiran ni Jehova.” Maliwanag na isinasaisip ni David ang kaniyang kaugnayan kay Jehova, at nakaapekto ito sa kaniyang pakikitungo kay Saul. Buong-kapakumbabaan niyang ipinaubaya ang mga bagay-bagay sa mga kamay ni Jehova. —1 Samuel 24:6, 15.
Oo, maselan ang mga implikasyon ng di-mapigil na galit. Nagbabala si apostol Pablo: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala.” (Efeso 4:26) Bagaman may dako rin naman ang matuwid na pagkagalit, palaging naririyan ang panganib na ang galit ay baka maging batong katitisuran natin. Hindi nga kataka-taka kung gayon na tayo’y mapaharap sa hamon na pigilin ang ating galit. Paano natin ito magagawa?
Ang pangunahing paraan ay ang pagkakaroon ng matibay na kaugnayan kay Jehova. Hinihimok ka niya na buksan mo ang iyong puso at isip sa kaniya. Sabihin mo sa kaniya ang iyong mga ikinababahala at ikinababalisa, at humiling ng pusong mahinahon upang mapigil ang galit. (Kawikaan 14:30) Makaaasa kang “ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay sa kanilang pagsusumamo.” —1 Pedro 3:12.
Maaari kang hubugin at gabayan ng panalangin. Sa paanong paraan? Maaari itong magkaroon ng matinding epekto sa iyong pakikitungo sa iba. Alalahanin kung paano nakikitungo si Jehova sa iyo. Gaya ng sabi ng Kasulatan, ‘Hindi pa ginawa [ni Jehova] sa atin ang ayon sa ating mga kasalanan.’ (Awit 103:10) Mahalaga ang pagiging mapagpatawad upang ikaw ay ‘huwag malamangan ni Satanas.’ (2 Corinto 2:10, 11) Isa pa, binubuksan ng panalangin ang iyong puso para sa patnubay ng banal na espiritu, na makapag-aalis ng napagkasanayang pag-uugali. Si Jehova ay malugod na nagbibigay ng ‘kapayapaan na nakahihigit sa lahat ng kaisipan,’ na makapagpapalaya sa iyo mula sa nanunupil na kapangyarihan ng galit.—Filipos 4:7.
Gayunman, ang panalangin ay dapat lakipan ng isang regular na pagsusuri ng Kasulatan upang ‘patuloy na maunawaan [natin] kung ano ang kalooban ni Jehova.’ (Efeso 5:17; Santiago 3:17) Kung personal kang nahihirapang mapigil ang iyong galit, sikaping kunin ang pag-iisip ni Jehova hinggil sa bagay na ito. Repasuhin ang mga kasulatan na pantanging may kaugnayan sa pagpipigil ng galit.
Inilalaan ni apostol Pablo ang mahalagang paalaalang ito: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Ituon ang iyong pag-iisip at paggawi sa paggawa ng mabuti sa iba. Ang gayong kapaki-pakinabang at positibong gawain ay hihimok ng empatiya at pagtitiwala at magpapahinahon sa mga di-pagkakaunawaan na madaling humantong sa galit.
Ang salmista ay nagsabi: “Itatag mo nang matibay ang aking mga hakbang sa iyong pananalita, at wala nawang anumang bagay na nakasasakit ang manaig sa akin. Ang saganang kapayapaan ay nauukol sa mga umiibig sa iyong kautusan, at sa kanila ay walang katitisuran.” (Awit 119:133, 165) Maaari ring magkatotoo ito sa iyo.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
MGA HAKBANG UPANG MAPIGIL ANG GALIT
□ Manalangin kay Jehova.—Awit 145:18.
□ Suriin ang Kasulatan araw-araw.—Awit 119:133, 165.
□ Maging abala sa kapaki-pakinabang na mga gawain.—Galacia 6:9, 10.