Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 9/15 p. 8-11
  • Bakit Dapat Mong Tuparin ang Iyong mga Pangako?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Dapat Mong Tuparin ang Iyong mga Pangako?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tinutupad ni Jehova ang Kaniyang mga Pangako
  • Ang mga Pangako ni Jehova at ang Ating Kinabukasan
  • Pagtupad sa Ating mga Pangako sa Diyos
  • Nagbubunga ng Pagtitiwala ang Pagtupad sa Ating mga Pangako
  • Iba Pang Paraan ng Pagtupad sa Ating mga Pangako
  • Mayamang Pagpapala Mula sa Diyos
  • Kaninong mga Pangako ang Maaari Mong Pagtiwalaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Mga Pangakong Maaari Mong Pagtiwalaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Tinutupad Mo Ba ang Iyong mga Pangako?
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2017
  • Laging Tinutupad ni Jehova ang mga Pangako Niya
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2020
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 9/15 p. 8-11

Bakit Dapat Mong Tuparin ang Iyong mga Pangako?

“IBOTO mo ang isang taong nangangako nang kaunti; kaunti rin ang idudulot niyang pagkabigo,” sabi ng nasirang tagapayo ng presidente na si Bernard Baruch. Sa kasalukuyang daigdig, waring ang mga pangako ay ginagawa para sirain. Maaaring ito’y mga sumpaan sa pag-aasawa, kasunduan sa negosyo, o mga pangako ng paglalaan ng higit na panahon sa mga anak. Palasak na ang pagwawalang-bahala sa ipinahihiwatig ng karaniwang kasabihan na, “Ang isang tao ay kasinghalaga ng kaniyang pangako.”

Sabihin pa, maraming tao ang walang intensiyon kailanman na tuparin ang kanilang mga pangako. Ang iba ay padalus-dalos na nangangako na hindi naman nila kayang pangatawanan o kaya naman ay sinisira nila ang kanilang pangako dahil lamang sa ito ang lumalabas na pinakamadaling gawin.

Aminin natin na talaga namang mahirap tumupad sa pangako kapag bumangon ang mga di-inaasahang pangyayari. Subalit malaki nga bang pinsala ang nagagawa ng hindi pagtupad sa pangako? Dapat mo bang seryosohin ang iyong mga pangako? Matutulungan tayong maunawaan kung bakit natin dapat seryosohin ang bagay na ito kung titingnan natin sandali ang halimbawa ng Diyos na Jehova.

Tinutupad ni Jehova ang Kaniyang mga Pangako

Sinasamba natin ang isang Diyos na ang pangalan mismo ay may malapit na kaugnayan sa pagtupad sa kaniyang mga pangako. Noong panahon ng Bibliya, karaniwan nang inilalarawan ang tao ayon sa kaniyang pangalan. Totoo rin ito sa pangalang Jehova, na nangangahulugang “Pinapangyayari Niyang Maging.” Kaya saklaw sa banal na pangalan ang ideya na tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako at gaganapin ang kaniyang mga layunin.

Kasuwato ng kaniyang pangalan, tinupad ni Jehova ang lahat ng ipinangako niya sa bansang Israel noon. Hinggil sa mga pangakong ito, sinabi ni Haring Solomon: “Pagpalain si Jehova, na siyang nagbigay ng pahingahang-dako sa kaniyang bayang Israel ayon sa lahat ng kaniyang ipinangako. Walang isa mang salita ang nabigo sa lahat ng kaniyang mabuting pangako na kaniyang ipinangako sa pamamagitan ni Moises na kaniyang lingkod.”​—1 Hari 8:56.

Gayon na lamang ang pagiging mapagkakatiwalaan ni Jehova anupat maikakatuwiran ni apostol Pablo: “Nang mangako ang Diyos kay Abraham, yamang hindi niya maipanumpa ang sinumang mas dakila, ay ipinanumpa niya ang kaniyang sarili.” (Hebreo 6:13) Oo, ang mismong pangalan at pagkapersona ni Jehova ay garantiya na hindi niya tatalikuran ang kaniyang mga pangako, gaano man kalaki ang maging kapalit nito. (Roma 8:32) Ang bagay na tinutupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako ay nagbibigay sa atin ng pag-asa na isang angkla para sa ating kaluluwa, o buhay.​—Hebreo 6:19.

Ang mga Pangako ni Jehova at ang Ating Kinabukasan

Ang ating pag-asa, ang ating pananampalataya, at ang atin mismong buhay ay pawang nakasalalay sa katuparan ng mga pangako ni Jehova. Anong pag-asa ang ating pinakaaasam-asam? “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang Kasulatan ay nagbibigay rin sa atin ng isang batayan upang manampalataya na “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) At makatitiyak tayo na higit pa ang maaasahan natin kaysa sa kasalukuyang buhay na ito. Sa katunayan, ang tinatawag ni apostol Juan na “ipinangakong bagay” ay “ang walang-hanggang buhay.” (1 Juan 2:25) Subalit ang mga pangako ni Jehova na nasa kaniyang Salita ay hindi lamang para sa kinabukasan. Ngayon pa lamang ay nagbibigay na ang mga ito ng kabuluhan sa ating pang-araw-araw na buhay.

Ang salmista ay umawit: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, . . . at ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin.” (Awit 145:18, 19) Tinitiyak din sa atin ng Diyos na “siya ay nagbibigay ng kapangyarihan sa pagód; at ang walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan.” (Isaias 40:29) At napakalaking kaaliwan na malaman na ‘hindi hahayaan ng Diyos na tayo’y tuksuhin nang higit sa matitiis natin, kundi kasama ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan’! (1 Corinto 10:13) Kung personal na nating naranasan ang katuparan ng alinman sa mga pangakong ito, nababatid natin na ganap ngang mapagkakatiwalaan si Jehova. Dahil sa mga pakinabang na natatamo natin sa maraming pangako na ginagawa at tinutupad ng Diyos, paano naman natin dapat malasin ang ating mga pangako sa kaniya?

Pagtupad sa Ating mga Pangako sa Diyos

Walang-alinlangan na ang ating pag-aalay sa Diyos ang pinakamahalagang pangako na magagawa natin. Sa pagkuha sa hakbanging ito, ipinamamalas natin na hangad nating paglingkuran si Jehova magpakailanman. Bagaman ang mga utos ng Diyos ay hindi mabigat, maaaring hindi naman laging madali ang paggawa ng kaniyang kalooban, yamang namumuhay tayo sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:12; 1 Juan 5:3) Subalit kapag ‘inilagay na natin ang ating kamay sa araro’ at naging nag-alay na mga lingkod ni Jehova at mga alagad ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, hindi na natin dapat pang lingunin ang mga bagay sa sanlibutan na iniwan na natin.​—Lucas 9:62.

Kapag nananalangin tayo kay Jehova, baka maudyukan tayong mangako sa kaniya na makikipaglaban tayo upang madaig ang isang kahinaan, malinang ang isang Kristiyanong katangian, o mapasulong ang isang aspekto ng ating teokratikong gawain. Ano ang tutulong sa atin upang maisakatuparan ang mga pangakong iyon?​—Ihambing ang Eclesiastes 5:2-5.

Ang taimtim na mga pangako ay nagmumula sa puso at isip. Kung gayon, patunayan natin ang ating mga pangako kay Jehova sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating puso sa kaniya sa panalangin, anupat tapatang ipinahahayag ang ating mga pangamba, hangarin, at mga kahinaan. Mapatitibay ang ating kapasiyahan na tuparin ang ating naipangako kung ipananalangin natin ito. Ang ating mga pangako sa Diyos ay maituturing natin na utang. Kapag malaki ang utang, dapat na unti-unting bayaran ito. Sa katulad na paraan, nangangailangan ng panahon bago matupad ang ating maraming naipangako kay Jehova. Subalit sa pamamagitan ng regular na pagbibigay sa kaniya ng ating makakaya, naipakikita nating seryoso tayo sa ating sinasabi, at pagpapalain niya tayo ayon dito.

Maipamamalas natin na tayo’y seryoso sa ating mga pangako sa pamamagitan ng madalas na pananalangin ukol dito, anupat araw-araw marahil. Maipakikita nito sa ating makalangit na Ama na tayo’y taimtim. Magsisilbi rin itong isang regular na paalaala. Nag-iwan sa atin si David ng isang mainam na halimbawa hinggil dito. Sa pamamagitan ng awit, nagsumamo siya kay Jehova: “Dinggin mo, O Diyos, ang aking pagsusumamo. Bigyang-pansin mo ang aking panalangin. . . . Aawit ako sa iyong pangalan magpakailanman, upang matupad ko ang aking mga panata sa araw-araw.”​—Awit 61:1, 8.

Nagbubunga ng Pagtitiwala ang Pagtupad sa Ating mga Pangako

Kung ang mga pangako sa Diyos ay hindi dapat ipagwalang-bahala, gayundin naman ang nararapat sa mga naipangangako natin sa ating mga kapuwa Kristiyano. Hindi dapat magkaiba ang paraan ng ating pakikitungo kay Jehova at sa ating mga kapatid. (Ihambing ang 1 Juan 4:20.) Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.” (Mateo 5:37) Ang pagtiyak na palaging maaasahan ang ating salita ay isang paraan upang ‘makagawa tayo ng mabuti doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.’ (Galacia 6:10) Bawat pangakong natupad natin ay nagbubunga ng pagtitiwala.

Ang pinsalang nagagawa ng pagsira sa pangako ay karaniwan nang lumalaki kapag salapi ang nasasangkot. Ito man ay pagbabayad ng utang, pagseserbisyo, o pagtupad sa napagkasunduan sa negosyo, ang isang Kristiyano ay dapat tumupad sa kaniyang salita. Ito’y nakalulugod sa Diyos at nakapagpapatibay sa pagtitiwala sa isa’t isa na kailangang-kailangan upang ang magkakapatid ay “manahanang magkakasama sa pagkakaisa.”​—Awit 133:1.

Gayunman, ang di-pagtupad sa napagkasunduan ay makapipinsala sa kongregasyon at sa indibiduwal na tuwirang kasangkot. Ganito ang sinabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Ang pagtatalo sa negosyo​—na sa tuwina’y dahil sa mga kasunduang hindi natupad ayon sa kabilang panig​—ay madalas na hindi naikakaila sa lahat. Bunga nito, ang mga kapatid ay nagkakampi-kampi, at nagiging tensiyonado tuloy ang pagsasamahan sa Kingdom Hall.” Talagang napakalahaga na pag-aralang mabuti ang anumang kasunduang ginagawa natin at gawan ito ng kasulatan!a

Dapat ding mag-ingat sa pagbebenta ng mga mamahaling produkto o pagrerekomenda ng mga pamumuhunan, lalo na kung tayo ay personal na makikinabang sa transaksiyon. Gayundin, kailangang pakaingatan na huwag magpakalabis sa pagsasabi ng magiging pakinabang sa ilang bagay o mga produktong pangkalusugan o kaya’y mangako ng di-makatotohanang tubò kung mamumuhunan. Dapat na pakilusin ng pag-ibig ang mga Kristiyano upang ipaliwanag na mabuti ang anumang panganib na nasasangkot. (Roma 12:10) Yamang karamihan sa mga kapatid ay may limitadong karanasan lamang sa negosyo, baka magtiwala sila sa ating payo dahil lamang sa tayo’y kapananampalataya nila. Talagang nakalulungkot kapag nasira ang pagtitiwalang iyan!

Bilang mga Kristiyano, hindi tayo dapat masangkot sa mga gawain sa negosyo na hindi tapat o kaya’y nagwawalang-bahala sa legal na karapatan ng iba. (Efeso 2:2, 3; Hebreo 13:18) Upang makamit ang pabor ni Jehova bilang ‘mga panauhin sa kaniyang tolda,’ dapat na tayo’y mapagkakatiwalaan. ‘Kahit na sumumpa tayo sa ating ikasasama, hindi tayo nagbabago.’​—Awit 15:1, 4.

Nangako ang hukom ng Israel na si Jefte na kung papapanalunin siya ng Diyos laban sa mga Amonita, ibibigay niya kay Jehova bilang handog na sinusunog ang unang sasalubong sa kaniya sa pagbabalik niya mula sa digmaan. Ang isang iyan pala ay walang iba kundi ang tanging anak ni Jefte, subalit hindi niya tinalikuran ang kaniyang salita. Taglay ang taimtim na pagsang-ayon ng kaniyang anak na babae, inihandog niya ito para sa permanenteng paglilingkod sa santuwaryo ng Diyos​—isang hain na walang-alinlangang masakit at mahalaga sa maraming paraan.​—Hukom 11:30-​40.

Lalo nang may pananagutan ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon na tumupad sa kanilang napagkasunduan. Ayon sa 1 Timoteo 3:2, ang isang tagapangasiwa ay dapat na “di-mapupulaan.” Ganiyan ang pagkakasalin ng isang terminong Griego na nangangahulugang “walang maipupula, walang maipipintas, di-masisisi.” Ito’y “nagpapahiwatig na ang taong iyon ay hindi lamang nagtataglay ng mabuting reputasyon, kundi na siya’y karapat-dapat talaga.” (A Linguistic Key to the Greek New Testament) Yamang ang isang tagapangasiwa ay dapat na di-mapupulaan, ang kaniyang mga pangako ay dapat na palaging maaasahan.

Iba Pang Paraan ng Pagtupad sa Ating mga Pangako

Paano natin mamalasin ang mga ipinangako natin sa mga hindi kapuwa Kristiyano? “Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao,” sabi ni Jesus, “upang kanilang makita ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.” (Mateo 5:16) Kung mapatutunayan nating tinutupad natin ang ating salita, baka maakit natin ang iba sa ating Kristiyanong mensahe. Sa kabila ng pagbaba ng mga pamantayan sa daigdig hinggil sa katapatan, mahalaga pa rin sa maraming tao ang integridad. Ang pagtupad sa ating mga pangako ay isang paraan ng pagpapamalas ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa at pag-akit sa mga mangingibig ng katuwiran.​—Mateo 22:36-39; Roma 15:2.

Sa panahon ng kanilang 1998 na taunang paglilingkod, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng mahigit sa isang bilyong oras sa pangmadlang pagpapahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Maaaring ang ilan sa pangangaral na ito’y hindi pinansin kung hindi natin tinupad ang ating salita may kinalaman sa negosyo o iba pang bagay. Yamang kumakatawan tayo sa Diyos ng katotohanan, makatuwiran lamang na asahan ng mga tao na tayo’y kikilos nang may katapatan. Sa pamamagitan ng pagiging mapagkakatiwalaan at tapat, ‘ginagayakan natin ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.’​—Tito 2:10.

Sa ating ministeryo, may mga pagkakataon tayo na tuparin ang ating salita kapag binabalikan natin yaong mga nagpakita ng interes sa mensahe ng Kaharian. Kapag sinabi nating tayo’y babalik, dapat nating gawin iyon. Ang pagbabalik natin gaya ng ating ipinangako ay isang paraan upang ‘hindi maipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan.’ (Kawikaan 3:27) Ipinaliwanag ng isang kapatid na babae ang bagay na ito sa ganitong paraan: “Maraming pagkakataon na nakakilala ako ng mga interesado na nagsabing nangako ang isang Saksi na babalikan siya ngunit hindi naman ito nagbalik. Mangyari pa, alam ko na maaaring wala ang maybahay sa kanilang tahanan o maaaring may mga dahilan kung bakit hindi nakabalik ang Saksi. Pero ayaw kong masabi iyan sa akin ng sinuman, kaya ginagawa ko ang lahat upang masumpungang muli ang taong iyon sa kaniyang bahay. Naniniwala ako na kung bibiguin ko ang sinuman, masama ang ibubunga nito kay Jehova at sa aking mga kapatid sa kabuuan.”

Sa ilang kaso, baka mawalan na tayo ng ganang bumalik pa dahil sa inaakala natin na hindi naman talagang interesado ang taong iyon. Nagpaliwanag pa ang kapatid na babaing ito: “Hindi ko tinitingnan ang laki ng interes. Napatunayan ko sa aking sariling karanasan na ang unang impresyon ay kadalasang mali. Kaya sinisikap kong maging positibo, anupat minamalas ko ang bawat tao bilang isang potensiyal na kapatid.”

Sa Kristiyanong ministeryo at sa marami pang larangan, kailangang ipakita natin na maaasahan ang ating salita. Totoo, may ilang bagay na madaling sabihin pero mahirap gawin. Sinabi ng marunong na tao: “Maraming tao ang maghahayag bawat isa ng kaniyang sariling maibiging-kabaitan, ngunit sino ang makasusumpong ng taong tapat?” (Kawikaan 20:6) Taglay ang determinasyon, maaari tayong maging tapat at totoo sa ating salita.

Mayamang Pagpapala Mula sa Diyos

Ang kusang di-pagtupad sa pangako ay kawalan ng katapatan at maihahalintulad sa paggawa ng tseke na wala namang pondo sa bangko para ibayad doon. Subalit anong laking gantimpala at pagpapala ang tatanggapin natin kung tutuparin natin ang ating mga pangako! Ang isang pagpapala sa pagiging mapagkakatiwalaan ay ang pagkakaroon ng mabuting budhi. (Ihambing ang Gawa 24:16.) Sa halip na ukilkilin tayo ng pagsisisi, tayo’y kontento at payapa. Isa pa, kung tutuparin natin ang ating salita, nakatutulong tayo sa ikapagkakaisa ng kongregasyon, na nakasalalay sa pagtitiwala sa isa’t isa. Ang ating “may katotohanang pananalita” ay nagrerekomenda rin sa atin bilang mga ministro ng Diyos ng katotohanan.​—2 Corinto 6:3, 4, 7.

Si Jehova ay tapat sa kaniyang salita, at kinapopootan niya ang “isang bulaang dila.” (Kawikaan 6:16, 17) Kung tutularan natin ang ating makalangit na Ama, tayo’y mas mapapalapit sa kaniya. Kung gayon, tiyak na may mabuting dahilan tayo para tuparin ang ating mga pangako.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Gumawa ng Kasulatan!” sa Gumising! ng Hulyo 8, 1983, pahina 14-18.

[Mga larawan sa pahina 10]

Tinupad ni Jefte ang kaniyang pangako, kahit na masakit sa kaniya na gawin ito

[Mga larawan sa pahina 11]

Kung nangako kang babalik, maghandang mabuti upang tuparin iyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share