Paanong ang Paghahanap Ukol sa Mas Mahabang Buhay ay Magtatagumpay?
INASAM-ASAM ng ilan ang pag-asa na sa bagong milenyo ay magtatagumpay ang pagsisikap ng tao na pahabain ang buhay. Isa sa mga ito si Dr. Ronald Klatz. Siya ang presidente ng American Academy of Anti-Aging Medicine, isang organisasyon ng mga doktor at siyentipiko na nakatalaga sa pagpapalawig sa haba ng buhay ng tao. Siya at ang kaniyang mga kasamahan ay nagpaplano na mabuhay nang napakatagal. “Inaasahan ko na mabubuhay ako nang di-bababa sa 130 taon,” ang sabi ni Dr. Klatz. “Naniniwala kami na maaaring iwasan ang pagtanda. Maaaring pabagalin, pahintuin at marahil ay baligtarin pa nga ng teknolohiyang umiiral ngayon ang pisikal na paghina at pagkakasakit na sa kasalukuyan ay tinatawag na likas na pagtanda.” Si Dr. Klatz mismo ay umiinom ng mga 60 pildoras bawat araw dahil sa kaniyang pagsisikap na mapahaba ang buhay.
Hormone Therapy at Genetics—Mga Dahilan ng Pag-asa?
Ang hormone therapy ay isang larangan na nagbibigay ng pag-asa. Ang pag-eeksperimento sa hormone na kilala bilang DHEA ay waring nagpapabagal sa proseso ng pagtanda ng mga hayop sa laboratoryo.
Hinggil sa hormone ng halaman na kinetin, ang pahayagang Aftonbladet sa Sweden ay sumipi kay Dr. Suresh Rattan, isang propesor sa Aarhus University, Denmark, na nagsabi: “Ipinakikita ng mga pagsusuri sa aming laboratoryo na ang mga selula ng balat ng tao na inalagaan sa kinetin ay hindi nagbago sa normal na paraan na kaugnay ng pagtanda. Ang mga ito ay nanatiling bata sa buong buhay nila.” Ang mga insekto na ginamitan ng hormone na ito ay sinasabing nabuhay nang 30 hanggang 45 porsiyento na mas matagal kaysa sa karaniwan.
Ang paggamit ng melatonin ay sinasabing nagpalawig sa haba ng buhay ng daga nang hanggang sa 25 porsiyento. Bukod dito, ang daga ay nagmukhang mas bata, mas malusog, at mas masigla.
Ang mga tagapagtaguyod ng human growth hormone (hGH) ay nagsasabi na nakatutulong ito sa pagganda ng balat, paglaki ng mga kalamnan, pagsigla ng gana sa sekso, pagkakaroon ng mas masayang pakiramdam, ng mas matalas na pag-iisip, at ng metabolismong tulad sa isang tin-edyer.
Marami rin ang umaasa sa genetics. Sinasabi ng mga siyentipiko na sa pamamagitan ng paggamit sa genes, maaari nilang kontrolin ang haba ng buhay ng isang nematode, o roundworm. Sa katunayan, nagtagumpay sila na panatilihing buháy ang ilan sa mga ito nang anim na beses na mas matagal kaysa sa karaniwang haba ng kanilang buhay. Ito ay nagbigay ng pag-asa na baka makahanap at makagamit ng gayunding genes sa mga tao. Sinipi ng magasing Time si Dr.Siegfried Hekimi ng McGill University, Montreal, na nagsabi: “Kapag natuklasan namin ang lahat ng genes ng tao na may kinalaman sa haba ng buhay, marahil ay mapababagal namin nang kaunti ang proseso ng mga ito, sa gayon ay maaari naming mapahaba ang buhay.”
Matagal nang alam ng mga biyologo na ang isang dulong bahagi ng mga chromosome, ang tinatawag na telomere, ay umiikli tuwing nagpaparami ang selula. Kapag 20 porsiyento na ang nabawas sa haba ng telomere, nagwawakas ang kakayahan ng selula na magparami at ito ay namamatay. Isang partikular na enzyme na tinatawag na telomerase ang maaaring magpanauli sa kabuuang haba ng telomere, sa gayon ay nabibigyan ng pagkakataon ang selula na patuloy na magparami. Sa karamihan ng mga selula, ang enzyme na ito ay napipigilan at di-aktibo, ngunit ang aktibong telomerase ay matagumpay na naipasok sa ilang selula, anupat pinangyayari na tumubo at dumami ang mga ito nang higit kaysa sa normal na beses ng pagdami nito.
Ayon sa mga mananaliksik, binubuksan nito ang kagila-gilalas na mga posibilidad sa paglaban sa mga sakit na kaugnay ng pagtanda. Paano naman kaya kung papalitan ang mga stem cell (mga selula na tumutustos sa pagpaparami ng mga himaymay ng katawan) ng katawan ng mga stem cell na ginawang “imortal” dahil ginamitan ng aktibong telomerase? Ganito ang sabi ni Dr. William A. Haseltine: “Ito ay isang maliwanag na kapahayagan ng pananaw hinggil sa imortalidad ng tao na unti-unting ipababatid sa susunod na 50 taon.”—The New York Times.
Ang Nanotechnology at Cryonics ba ang Maglalaan ng Kasagutan?
Ang nanotechnology, ang siyensiya ng inhinyeriya sa antas ng isang nanometer (ikaisang bilyon ng isang metro), ay nagbibigay rin ng pag-asa. Ang mga tagapagtaguyod ng larangang iyan ay nagsasabi na ang de-computer na mga makina, na higit na mas maliit kaysa sa mga selula, ay maaaring buuin sa hinaharap upang magamit sa isang antas na pangmolekula para kumpunihin at papanariwain ang tumatandang mga selula, himaymay, at mga sangkap sa katawan. Sa isang komperensiya laban sa pagtanda, isang mananaliksik ang nagpahiwatig na ang mga mediko sa ika-21 siglo ay baka gumamit ng nanotechnology upang pangyarihing maging imortal sa pisikal ang tao.
Ang cryonics ay ang gawaing pag-iilado (freezing) sa mga katawan ng tao sa pag-asang mapananauli ng siyensiya ang patay na mga selula, sa gayon ay maibalik muli ang buhay ng mga ito. Ang buong katawan, o kahit ang utak lamang, ay maaaring iilado. Pinailado pa nga ng isang lalaki ang isang kubrekama. Bakit isang kubrekama? Ito ay pag-aari ng isang nawawalang kaibigan at nagtataglay ito ng ilang selula ng balat at ilang buhok. Gusto niyang ipailado ang mga ito upang bigyan ng pagkakataon ang kaniyang kaibigan na muling mabuhay sakaling marating ng siyensiya ang panahon na maaari nitong muling buuin ang mga tao sa pamamagitan ng ilan o maging ng isa lamang sa kanilang mga selula.
Saan Natin Dapat Ilagak ang Ating Pagtitiwala?
Ang tao ay may likas na hangaring mabuhay, hindi mamatay. Kaya naman ang pagsulong ng siyensiya sa larangang ito ay kaagad na ipinagbubunyi at iniuugnay sa matatayog na pangarap. Subalit hanggang sa kasalukuyan ay walang makatotohanang ebidensiya na ang DHEA, kinetin, melatonin, hGH, o anupamang bagay ay maaaring aktuwal na makapagpapabagal sa pagtanda ng mga tao. Ang mga nag-aalinlangan ay nangangamba na ang paggamit ng telomerase sa mga selula ay makalilikha lamang ng mga selulang maaaring maging sanhi ng kanser. At ang paggamit ng nanotechnology at cryonics ay nanatili pa ring katha-kathang siyensiya sa halip na totoo.
Ang siyensiya ay nakatulong, at maaari pa ring makatulong, sa ilan sa pagkakaroon ng mas mahaba at mas malusog na buhay, ngunit kailanman ay hindi ito makapagbibigay ng walang-hanggang buhay kaninuman. Bakit hindi? Sa madaling salita, dahil ang pinakaugat ng pagtanda at kamatayan ay hindi naaabot ng siyensiya ng tao.
Ang Pinakaugat ng Pagtanda at Kamatayan
Karamihan sa mga siyentipiko ay sasang-ayon na ang pagtanda at kamatayan ay waring nakaprograma sa ating genes. Ang tanong ay: Kailan, paano, at bakit nakapasok ang mga ito sa ating genetic code, wika nga?
Ibinibigay sa atin ng Bibliya ang simpleng sagot—bagaman hindi nito inihaharap ang sagot sa mga termino ng genetics o DNA. Ganito ang mababasa sa Roma 5:12: “Iyan ang dahilan kung bakit, kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”
Ang unang tao, si Adan, ay nagkaroon ng pag-asa na mabuhay nang walang hanggan. Ang kaniyang katawan ay dinisenyo na taglay ang kinakailangang mga pakultad upang mabuhay at matamasa ang walang-hanggang buhay. Gayunman, ang walang-hanggang buhay ay may pasubali. Si Adan ay kailangang makipagtulungan at maging masunurin sa Bukal ng buhay, ang kaniyang Maylalang, upang manatili ang kaniyang buhay nang magpakailanman.—Genesis 1:31; 2:15-17.
Pinili ni Adan na sumuway sa Maylalang. Sa diwa, inangkin ni Adan na mas mabuti pang pamahalaan ng tao ang kaniyang sarili nang hiwalay sa Diyos. Kaya naman siya’y nagkasala. Mula noon, wari bang napalitan ang kaniyang genetic code. Sa halip na mailipat bilang pamana ang walang-hanggang buhay sa kaniyang supling, ang nailipat ni Adan ay kasalanan at kamatayan.—Genesis 3:6, 19; Roma 6:23.
Ang Tunay na Pag-asa
Gayunman, ang kalagayang iyan ay hindi mananatili. Sinasabi ng Roma 8:20: “Ang paglalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop dito, salig sa pag-asa.” Ipinasakop ng Maylalang ng tao, ang Diyos na Jehova, ang mga tao sa kamatayan dahil nagkasala sila sa kaniya, subalit nang ginawa niya ito ay nagtatag din siya ng isang saligan ng pag-asa.
Ang saligang ito ay maliwanag na ipinabatid nang dumating sa lupa si Jesu-Kristo. Sinasabi ng Juan 3:16: “Sapagkat inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Subalit paanong ang pananampalataya kay Jesu-Kristo ay magliligtas sa atin mula sa kamatayan?
Kung ang kasalanan ang siyang sanhi ng kamatayan, kailangang alisin ang kasalanan bago mapawi ang kamatayan. Sa pagsisimula ng ministeryo ni Jesus bilang ang Kristo, sinabi ni Juan na Tagapagbautismo: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Juan 1:29) Si Jesu-Kristo ay lubos na walang kasalanan. Kaya naman hindi siya nasasakop ng kamatayan, na siyang kaparusahan sa kasalanan. Gayunman, hinayaan niyang siya’y patayin ng iba. Bakit? Sapagkat sa paggawa ng gayon, inako niya ang kabayaran ng ating mga kasalanan.—Mateo 20:28; 1 Pedro 3:18.
Palibhasa’y nabayaran na ang halagang iyon, ang posibilidad na mabuhay nang hindi namamatay ay nabuksan sa lahat ng mananampalataya kay Jesus. Ang siyensiya ay maaaring makatulong sa pagpapahaba sa ating buhay hanggang sa isang napakalimitadong panahon, ngunit ang pananampalataya kay Jesus ang siyang tunay na daan tungo sa buhay na walang hanggan. Nagtamo si Jesus ng gayong buhay sa langit, at magtatamo rin ng ganito ang kaniyang tapat na mga apostol at ang ilang iba pa. Subalit para sa karamihan sa atin na nananampalataya kay Jesus, ang buhay na walang hanggan ay matatamasa sa lupa, kapag isinauli na ng Diyos na Jehova ang makalupang Paraiso.—Isaias 25:8; 1 Corinto 15:48, 49; 2 Corinto 5:1.
Walang-Hanggang Buhay sa Isang Paraisong Lupa
Isang lalaki ang nagtanong: “Gaano karaming tao ang makasusumpong na kawili-wili ang mabuhay sa sandaling hindi na sila kailangang mamatay?” Magiging nakababagot ba ang buhay na walang kamatayan? Tinitiyak sa atin ng Bibliya na hindi. “Ang lahat ng bagay ay ginawa niyang maganda sa panahon nito. Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso, upang hindi kailanman matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.” (Eclesiastes 3:11) Ang mga nilalang ng Diyos na Jehova ay totoong sagana at napakasalimuot anupat patuloy itong makapupukaw ng ating interes, at magpapasaya sa atin habang tayo’y nabubuhay—kahit magpakailanman.
Isang lalaki na pinag-aralan ang ibon na kilala bilang Siberian Jay ang nagsabi na iyon ay “isang kakaiba at kasiya-siyang pagkakilala” at nagpahayag na ang pagmamasid sa ibon ay isa sa pinakakalugud-lugod na karanasan sa kaniyang buhay. Habang lalo niyang pinag-aaralan ang ibon, lalo namang napupukaw ang kaniyang interes dito. Sinabi niya na kahit pagkaraan ng 18 taon, hindi pa rin natatapos ang kaniyang pag-aaral. Kung ang isang uri ng ibon ay nakapupukaw ng interes, nakapagpapasigla, at palaging nagpapasaya sa isang matalinong lalaki sa loob ng 18-taóng masusing pag-aaral, gunigunihin na lamang ang potensiyal na kagalakan at kasiyahan na mararanasan sa pag-aaral sa lahat ng nilalang sa lupa.
Ilarawan sa isip ang lahat ng interesanteng mga larangan ng siyensiya na mabubuksan sa isa na hindi nalilimitahan ng panahon. Gunigunihin ang lahat ng kahanga-hangang lugar na gagalugarin at ang lahat ng kawili-wiling mga tao na makikilala. Sikaping unawain ang walang katapusang mga posibilidad na maguguniguni, malilikha, at mabubuong mga bagay. Hindi magkakaroon ng hangganan ang mga pagkakataon para sa atin upang malinang at magamit ang ating pagkamalikhain. Kapag minumuni-muni natin ang dami ng mga nilalang, maliwanag na ang kawalang-hanggan lamang ang sasapat na panahon upang maisakatuparan ang lahat ng mga posibilidad sa buhay.
Ipinakikita ng Bibliya na sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, ang buhay na walang hanggan ay ipaaabot din sa mga namatay. (Juan 5:28, 29) Marami sa mga hiwaga ng kasaysayan ay maaaring lumiwanag sa atin kapag yaong mga nakaranas nito ay maaari nang maglahad ng mga detalye at sumagot sa ating mga tanong. Isip-isipin na lamang ang lahat ng malalim na kaunawaan sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan na ipababatid ng mga binuhay-muli.—Gawa 24:15.
Kapag binubulay-bulay ang panahong iyon, maiintindihan mo na ang binuhay-muling si Job ay baka magnais na baguhin ang pananalitang nasa Job 14:1. Baka sa halip ay sasabihin niya: ‘Ang tao, na ipinanganak ng babae, ay nabubuhay na ngayon nang magpakailanman at lipos ng kasiyahan.’
Para sa mga nagtitiwala kay Jehova at nananampalataya kay Jesus, ang pagpapahaba sa buhay nang lampas pa sa mga hangganan ng panahon ay hindi isang mailap na pangarap lamang. Malapit na itong magkatotoo. Magwawakas na ang pagtanda at kamatayan. Kasuwato ito ng Awit 68:20, na nagsasabi: “Ang mga daang malalabasan mula sa kamatayan ay kay Jehova na Soberanong Panginoon.”—Apocalipsis 21:3, 4.
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Ang pagsulong ng siyensiya ay nagbigay ng pag-asa hinggil sa posibilidad na mabuhay nang mas mahaba
[Larawan sa pahina 7]
Ang kawalang-hanggan lamang ang sasapat na panahon upang maisakatuparan ang mga posibilidad na iniaalok ng buhay