Magpatawad Mula sa Iyong Puso
“Sa katulad na paraan ang aking makalangit na Ama ay makikitungo rin sa inyo kung hindi kayo magpapatawad mula sa inyong mga puso, ang bawat isa sa kaniyang kapatid.”—MATEO 18:35.
1, 2. (a) Paano ipinakita ng isang kilalang-kilalang makasalanan ang kaniyang pasasalamat kay Jesus? (b) Anong punto ang sinabi ni Jesus bilang tugon?
MALAMANG na isa siyang patutot, na hindi mo aasahang naroroon sa tahanan ng isang relihiyosong tao. Kung nagtaka man ang ilan nang makita siya roon, lalong nakapagtataka ang ginawa niya. Lumapit siya sa isang lalaking may pinakamataas na moralidad at nagpamalas ng kaniyang pasasalamat sa mga nagawa nito, anupat hinugasan niya ang mga paa nito sa pamamagitan ng kaniyang mga luha at tinuyo ang mga ito sa pamamagitan ng kaniyang buhok.
2 Ang lalaking iyon, si Jesus, ay hindi nasuklam sa ginawa ng babaing ito, “na kilala sa lunsod na isang makasalanan.” Ngunit ikinabahala ng Pariseong si Simon, may-ari ng bahay, na ito’y isang makasalanan. Bilang tugon ay inilahad ni Jesus ang tungkol sa dalawang lalaking may utang sa isang nagpapahiram. Napakalaki ng utang ng isa—mga dalawang taóng suweldo ng isang manggagawa. Ang utang naman ng isa pa ay ikasampung bahagi niyaon—wala pang tatlong buwang suweldo. Nang parehong hindi makabayad, ‘malayang pinatawad sila kapuwa’ ng nagpapahiram. Maliwanag, ang isa na pinatawad nang higit ang may mas malaking dahilan upang magpakita ng pag-ibig. Matapos iugnay ang kabaitang ginawa ng babae, idinagdag ni Jesus ang simulaing ito: “Siya na pinatatawad nang kaunti, ay umiibig nang kaunti.” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa babae: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na.”—Lucas 7:36-48.
3. Ano ang dapat nating isaalang-alang tungkol sa ating sarili?
3 Tanungin mo ang iyong sarili, ‘Kung ako kaya ang babaing iyon o kung pareho kami ng kalagayan at pinagpakitaan ako ng awa, ako ba’y buong-kalupitang hindi magpapatawad sa iba?’ Baka isagot mo, ‘Aba, hindi!’ Ngunit talaga nga bang ipinalalagay mong ikaw ay mapagpatawad? Iyan ba ang iyong likas na kalooban? Madalas mo na bang nagagawa ito nang maluwag sa iyong kalooban, at masasabi ba ng iba na ikaw ay mapagpatawad? Tingnan natin kung bakit dapat nating bulay-bulayin ito nang prangkahan at masinsinan.
Kailangan ang Pagpapatawad—At Ipinakita sa Atin
4. Anong katotohanan ang dapat nating aminin tungkol sa ating sarili?
4 Alam na alam mong ikaw ay di-sakdal. Kung tatanungin ka, aaminin mo pa nga iyon, anupat marahil ay magugunita mo ang mga salitang masusumpungan sa 1 Juan 1:8: “Kung sasabihin natin: ‘Tayo ay walang kasalanan,’ inililigaw natin ang ating mga sarili at ang katotohanan ay wala sa atin.” (Roma 3:23; 5:12) Para sa ilan, ang pagiging makasalanan ay maaaring makita sa pamamagitan ng malulubha at nakagagalit na mga kasalanan. Ngunit kahit na sa palagay mo’y hindi mo ginagawa iyon, tiyak na sa maraming pagkakataon at sa iba’t ibang paraan ay hindi ka nakaabot sa pamantayan ng Diyos—ikaw ay nagkasala. Hindi ba?
5. Ano ang dapat nating ipagpasalamat sa Diyos?
5 Kaya nga, baka ang kalagayan mo’y katulad ng paglalarawan ni apostol Pablo: “Bagaman kayo ay patay sa inyong mga pagkakamali at sa di-tuling kalagayan ng inyong laman, binuhay kayo ng Diyos na kasama niya [ni Jesus]. May-kabaitang ipinatawad niya sa atin ang lahat ng ating pagkakamali.” (Colosas 2:13; Efeso 2:1-3) Pansinin ang pariralang “ipinatawad [niya] sa atin ang lahat ng ating pagkakamali.” Napakalawak ng saklaw niyan. Bawat isa sa atin ay may mabuting dahilan na makiusap na gaya ni David: “Alang-alang sa iyong pangalan, O Jehova, patawarin mo ang aking kamalian, sapagkat iyon ay mabigat.”—Awit 25:11.
6. Ano ang matitiyak natin may kinalaman kay Jehova at sa pagpapatawad?
6 Paano ka—o ang sinuman sa atin—makatatanggap ng kapatawaran? Ang isang susi ay na ang Diyos na Jehova ay mapagpatawad. Iyan ang katangian ng kaniyang personalidad. (Exodo 34:6, 7; Awit 86:5) Gaya ng mauunawaan, inaasahan ng Diyos na tayo’y babaling sa kaniya sa panalangin at hihingi sa kaniya ng paumanhin, hihiling na sana’y patawarin niya tayo. (2 Cronica 6:21; Awit 103:3, 10, 14) At nagsaayos siya ng isang legal na saligan para sa pagpapatawad na ito—ang haing pantubos ni Jesus.—Roma 3:24; 1 Pedro 1:18, 19; 1 Juan 4:9, 14.
7. Sa anong paraan nais mong tularan si Jehova?
7 Kailangang makita mo mula sa pagiging handang magpatawad ng Diyos ang isang parisan kung paano ka dapat makitungo sa iba. Nagtuon dito ng pansin si Pablo, na sumulat: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay malayang nagpatawad din sa inyo.” (Efeso 4:32) Walang alinlangan na ang tinutukoy ni Pablo ay ang ating pagkatuto mula sa halimbawa ng Diyos, sapagkat sa ganito nagpatuloy ang sumunod na talata: “Samakatuwid, maging mga tagatulad kayo sa Diyos, gaya ng mga anak na iniibig.” (Efeso 5:1) Nakikita mo ba ang pagkakaugnay? Pinatawad ka ng Diyos na Jehova, kaya naman—buong-diing nangatuwiran si Pablo—kailangang tularan mo Siya at maging ‘madamayin sa magiliw na paraan, anupat malayang nagpapatawad’ sa iba. Subalit itanong sa iyong sarili, ‘Ginagawa ko ba iyon? Kung hindi iyon likas sa akin, nagpupunyagi ba akong maging gayon, anupat talagang nagsisikap na tularan ang Diyos sa pagiging mapagpatawad?’
Kailangan Nating Pagpunyagian na Maging Mapagpatawad
8. Ano ang kailangan nating aminin kung tungkol sa mga bumubuo ng ating kongregasyon?
8 Isang ulirang bagay na isipin na sa loob ng Kristiyanong kongregasyon, madalang lamang ang pagkakataon na magagamit natin ang makadiyos na landasin ng pagpapatawad. Baligtad ito sa katotohanan. Oo nga’t nagsisikap ang mga kapatid na masunod ang parisan ni Jesus ng pag-ibig. (Juan 13:35; 15:12, 13; Galacia 6:2) Matagal na silang nagpupunyagi, at patuloy pa ring nagpupunyagi, upang maalis ang paraan ng pag-iisip, pagsasalita, at pagkilos na palasak sa balakyot na sanlibutang ito. Talagang nais nilang maipamalas ang isang bagong personalidad. (Colosas 3:9, 10) Subalit, hindi natin maikakaila ang katotohanan na ang pangglobong kongregasyon, at ang bawat lokal na kongregasyon, ay binubuo ng mga taong di-sakdal. Sa pangkalahatan, tiyak na sila’y mas mabuti ngayon kaysa noon, subalit sila’y nananatili pa ring di-sakdal.
9, 10. Bakit hindi tayo dapat magtaka kapag may bumangong problema sa pagitan ng magkakapatid?
9 Sa Bibliya, ang Diyos ay sadyang nagsasabi sa atin na makaaasa tayo ng di-kasakdalan sa kongregasyon, sa gitna ng ating mga kapatid. Halimbawa, tingnan natin ang mga salita ni Pablo sa Colosas 3:13: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”
10 Kapansin-pansin, dito ay ipinagugunita sa atin ng Bibliya ang tungkol sa kaugnayan ng pagpapatawad ng Diyos sa atin at ng ating tungkulin at pangangailangang maging mapagpatawad sa iba. Bakit mahirap ito? Sapagkat inamin ni Pablo na baka ang sinuman ay “may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.” Batid niya na magkakaroon ng gayong mga dahilan. Malamang na nagkaroon din ng ganito noong unang siglo, kahit sa gitna ng Kristiyanong “mga banal,” na may ‘pag-asa na inilalaan para sa kanila sa mga langit.’ (Colosas 1:2, 5) Kaya iisipin ba natin na hindi magkakaganito sa ngayon gayong karamihan sa mga tunay na Kristiyano ay hindi nagtataglay ng patotoo ng espiritu na sila’y “mga pinili ng Diyos, banal at iniibig”? (Colosas 3:12) Samakatuwid, hindi natin dapat ipalagay na isang malaking pagkakamali kapag sa ating kongregasyon ay may mga dahilan para sa pagrereklamo—samaan ng loob dahil sa tunay o ipinalalagay na pagkakamali.
11. Sa ano tayo binababalaan ng alagad na si Santiago?
11 Ipinakikita rin ng mga salita ng kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago na dapat nating asahan na sa paanuman ay baka sumapit sa atin ang mga kalagayan na kailangang magpatawad tayo sa ating mga kapatid. “Sino ang marunong at may-unawa sa inyo? Ipakita niya mula sa kaniyang mainam na paggawi ang kaniyang mga gawa na may kahinahunan na nauukol sa karunungan. Subalit kung kayo ay may mapait na paninibugho at hilig na makipagtalo sa inyong mga puso, huwag kayong magyabang at magsinungaling laban sa katotohanan.” (Santiago 3:13, 14) “Mapait na paninibugho at hilig na makipagtalo” sa puso ng tunay na mga Kristiyano? Oo, maliwanag na ipinahihiwatig ng mga salita ni Santiago na lumitaw ito sa kongregasyon noong unang siglo at magkakaganito rin sa ngayon.
12. Anong problema ang bumangon noon sa sinaunang kongregasyon sa Filipos?
12 Isang tunay na halimbawa ang kinasangkutan ng dalawang pinahirang Kristiyano na may magandang reputasyon sa pagpupunyaging kaagapay ni Pablo. Marahil ay nagugunita mo pa ang nabasa mo hinggil kina Euodias at Sintique, mga miyembro ng kongregasyon sa Filipos. Bagaman hindi dinetalye ang nangyari, ipinakita ng Filipos 4:2, 3 na may namuong problema sa pagitan nila. Nagsimula kaya ito sa isang walang-ingat o masakit na salita, isang ipinalalagay na paghamak sa kamag-anak, o ilang katibayan ng pag-iinggitan? Anuman ang pinagmulan nito, naging napakalubha nito anupat nabalitaan ito ni Pablo hanggang sa Roma. Lumamig marahil ang pakikitungo sa isa’t isa ng dalawang magkapatid sa espirituwal, anupat nag-iiwasan sa pulong o kaya’y may masasakit na salitang sinasabi tungkol sa isa’t isa sa kani-kanilang kaibigan.
13. Ano ang malamang na napagkasunduan nina Euodias at Sintique, na naglaan ng anong aral para sa atin?
13 Pamilyar ba ang alinman sa mga iyan, gaya ng nangyari sa ilan sa inyong kongregasyon o sa isang bagay na kinasangkutan mo? Baka ang gayong uri ng problema ay umiiral pa rin ngayon bagaman hindi gayong kalubha. Ano ang maaari nating gawin? Sa sinaunang kaso, hinimok ni Pablo ang dalawang nakaalay na kapatid na iyon na “magkaroon ng magkatulad na kaisipan sa Panginoon.” Marahil ay nagkasundo silang pag-usapan ang bagay na iyon, ayusin ang di-pagkakaunawaan, ipakita na sila kapuwa ay handang magpatawad, at pagkatapos ay aktuwal na tularan ang mapagpatawad na saloobin ni Jehova. Wala nang dahilan para mag-isip pa ng iba kaysa sa pagtatagumpay nina Euodias at Sintique, at tayo man ay magtatagumpay rin. Ang gayong mapagpatawad na saloobin ay maaaring matagumpay na ikapit sa ngayon.
Makipagpayapaan—Magpatawad
14. Bakit kadalasan nang posible at pinakamabuti na palampasin na lamang ang di-pagkakaunawaan?
14 Ano ba talaga ang kailangan upang makapagpatawad kapag nagkaproblema ka sa ibang Kristiyano? Ang totoo, walang isang simpleng paraan, subalit ang Bibliya ay nagbibigay ng nakatutulong na mga halimbawa at makatotohanang payo. Ang isang mahalagang rekomendasyon—bagaman hindi madaling tanggapin at ikapit—ay limutin na lamang ang bagay na iyon, palampasin na lamang iyon. Kadalasan na kapag nagkaproblema, gaya ng nangyari kina Euodias at Sintique, ipinalalagay ng bawat isa na ang kabilang panig ang mali o pangunahin nang may kasalanan. Kaya nga sa ganiyang kalagayan, malamang na iisipin mong ang Kristiyano sa kabilang panig ang higit na dapat sisihin o siyang nakasakit nang husto. Gayunpaman, posible kayang kalimutan na lamang ang lahat sa pamamagitan ng pagpapatawad? Dapat mong tantuin na kung, at maaaring ito’y isang mariing kung, ang Kristiyano sa kabilang panig ang higit sa lahat o lubos na may kasalanan, ikaw naman ang nasa pangunahing katayuan na palampasin na lamang ang bagay na iyon bilang napatawad na at natapos na.
15, 16. (a) Paano inilarawan ni Mikas si Jehova? (b) Ano ang kahulugan ng “nagpapalampas ng pagsalansang” ang Diyos?
15 Huwag nating kalilimutan ang Diyos bilang halimbawa natin sa pagpapatawad. (Efeso 4:32–5:1) May kinalaman sa pagiging parisan Niya sa pagpapalampas ng kamalian, sumulat ang propetang si Mikas: “Sino ang Diyos na tulad mo, na nagpapaumanhin ng kamalian at nagpapalampas ng pagsalansang ng nalabi sa kaniyang mana? Hindi nga niya pananatilihin ang kaniyang galit magpakailanman, sapagkat siya ay nalulugod sa maibiging-kabaitan.”—Mikas 7:18.
16 Sa paglalarawan kay Jehova bilang ang isa na “nagpapalampas ng pagsalansang,” hindi ibig sabihin ng Bibliya na wala siyang kakayahang matandaan ang mga kamalian, anupat animo’y may pinipiling uri ng amnesya. Tingnan ang naging kaso nina Samson at David, na kapuwa nakagawa ng malubhang pagkakamali. Natandaan ng Diyos ang mga kasalanang iyon kahit napakatagal na; maging tayo man ay nakaalam pa nga ng ilan sa kanilang kasalanan sapagkat ipinaulat ni Jehova ang mga ito sa Bibliya. Gayunman, ang ating mapagpatawad na Diyos ay nagpakita ng kaawaan sa dalawang iyon, na ginawa silang mga halimbawa ng pananampalatayang dapat nating tularan.—Hebreo 11:32; 12:1.
17. (a) Anong paraan ang tutulong sa atin upang mapalampas na lamang ang mga pagkakamali, o kasalanan, ng iba? (b) Kung sisikapin nating magawa iyan, paano natin matutularan si Jehova? (Tingnan ang talababa.)
17 Oo, nagawa ni Jehova na ‘mapalampas’a ang mga pagsalansang, gaya ng paulit-ulit na hiniling sa kaniya ni David. (2 Samuel 12:13; 24:10) Matutularan ba natin ang Diyos sa bagay na ito, ng pagiging handang magpalampas sa mga pananakit ng damdamin at pagdusta ng ating kapuwa mga lingkod bilang mga di-sakdal na tao? Gunigunihin mo ang iyong sarili na nakasakay sa isang eroplanong jet na mabilis na tumatahak sa runway. Nang dumungaw ka, nakita mo malapit sa runway ang isang kakilala na nakaiinis na parang batang nakadila sa iyo. Alam mong galit siya at baka ikaw ang nasa isip niya. O baka hindi naman pala ikaw ang nasa isip niya. Sa anu’t ano man, habang umiikot ang eroplano upang sumahimpapawid na, natanaw mo ang babae mula sa itaas, na ngayo’y para na lamang isang napakaliit na butil. Isang oras pa at daan-daang milya na ang layo mo, at ang kaniyang nakaiinis na muwestra ay malayung-malayo na sa iyo. Sa katulad na paraan, maraming ulit na matutulungan tayo nitong magpatawad kung sisikapin nating tularan si Jehova at may-katalinuhang palampasin na lamang ang pagkakasala. (Kawikaan 19:11) Hindi kaya magiging waring bahagya na lamang ang sama ng loob sampung taon mula ngayon o dalawang daang taon patungo sa Milenyo? Bakit hindi na lamang palampasin iyon?
18. Kung sakaling hindi natin kayang kalimutan na lamang ang pagkakasala, anong payo ang maikakapit natin?
18 Gayunman, sa isang pambihirang pagkakataon, baka ipinanalangin mo ang bagay na iyon, at sinikap na magpatawad, subalit nadarama mong hindi mo kaya. Paano ngayon? Si Jesus ay humimok na puntahan ang kabilang panig at sikaping lutasin ang di-pagkakaunawaan nang kayo lamang upang makamit ang kapayapaan. “Kung gayon, kapag dinadala mo ang iyong kaloob sa altar at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo ang iyong kaloob doon sa harap ng altar, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at pagkatapos, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.”—Mateo 5:23, 24.
19. Anong saloobin ang dapat nating taglayin at anong saloobin ang dapat nating iwasan habang sinisikap nating makipagpayapaan sa ating kapatid?
19 Kapansin-pansin, hindi sinabi ni Jesus na puntahan mo ang iyong kapatid upang kumbinsihin siyang ikaw ang tama at na siya ang mali. Maaaring siya nga. Mas malamang, may pagkakamali ang magkabilang panig. Anuman ang kalagayan, ang tunguhin ay hindi upang pasukuin ang kabilang panig at maging sunud-sunuran, wika nga. Kung ganiyan ang iyong paraan ng pakikipag-usap, malamang na mabigo ka. Ni hindi rin dapat gawing tunguhin na isa-isahin pang muli ang bawat detalye ng tunay o ng inaakalang pagkakasala. Kapag ang mahinahong pag-uusap na may espiritu ng Kristiyanong pag-ibig ay naghayag ng nakalulungkot na di-pagkakaunawaan sa ugat ng problema, kapuwa ninyo malulutas iyan. Subalit kung hindi man humantong sa lubos na pagkakasundo ang pag-uusap, aasahan ba natin na laging magkakagayon? Hindi kaya mas makabubuti kung ikaw sa paanuman ay sumang-ayon na kayong dalawa ay kapuwa taimtim na nagnanais na maglingkod sa ating mapagpatawad na Diyos? Kapag naharap ninyo ang katotohanang iyan, magiging mas madaling sabihin ng bawat isa mula sa puso, “Pasensiya ka na kung hindi man tayo nagkaunawaan dahil sa di-kasakdalan. Kung maaari sana, palampasin na lang natin ito.”
20. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng mga apostol?
20 Tandaan na ang mga apostol ay nagkaroon din ng di-pagkakaunawaan, nang ang ilan sa kanila ay maghangad na maging mas dakila. (Marcos 10:35-39; Lucas 9:46; 22:24-26) Nagdulot ito ng tensiyon, baka samaan ng loob, o matinding pagkakasala pa nga. Subalit napalampas nila ang gayong mga di-pagkakaunawaan at patuloy na gumawang magkakasama. Isa sa kanila ang sumulat pagkaraan: “Siya na iibig sa buhay at makakakita ng mabubuting araw, ay magpigil siya ng kaniyang dila mula sa masama at ng kaniyang mga labi mula sa pagsasalita ng panlilinlang, ngunit talikuran niya ang masama at gawin ang mabuti; hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod ito.”—1 Pedro 3:10, 11.
21. Anong masidhing payo tungkol sa pagpapatawad ang inilaan ni Jesus?
21 Tinukoy natin kanina ang isang bahagi ng isang siklo: Pinatawad ng Diyos ang maraming kasalanang nagawa natin noon, kaya dapat natin siyang tularan at patawarin ang ating mga kapatid. (Awit 103:12; Isaias 43:25) Subalit may isa pang bahagi ang siklong ito. Pagkatapos na ibigay ang modelong panalangin, sinabi ni Jesus: “Kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, ang inyong makalangit na Ama ay magpapatawad din sa inyo.” Makalipas ang mahigit na isang taon, muli niyang sinabi ang pinakadiwa, anupat tinuruan ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan, sapagkat kami rin mismo ay nagpapatawad sa bawat isa na may utang sa amin.” (Mateo 6:12, 14; Lucas 11:4) Pagkatapos, ilang araw na lamang bago siya mamatay, idinagdag ni Jesus: “Kapag tumayo kayong nananalangin, ipagpatawad ninyo ang anumang taglay ninyo laban sa kaninuman; upang patawarin din kayo ng inyong Ama na nasa mga langit sa inyong mga pagkakamali.”—Marcos 11:25.
22, 23. Paano makaaapekto sa ating kinabukasan ang ating pagiging handang magpatawad?
22 Oo, ang ating pag-asang patuloy na tumanggap ng kapatawaran ng Diyos ay nakasalalay nang malaki sa ating pagiging handang magpatawad sa ating mga kapatid. Kapag bumangon ang isang personal na problema sa pagitan ng mga Kristiyano, tanungin ang sarili, ‘Hindi kaya makapupong higit na mahalaga na matamo ang kapatawaran ng Diyos kaysa mapatunayan ko na ang isang kapatid ay nagkamali hinggil sa ilang bahagyang pananakit ng damdamin, ilang maliliit na pagkakasala, o ilang pagpapaaninag ng di-kasakdalan ng tao?’ Alam mo ang sagot.
23 Subalit, paano kaya kung ang pangyayari ay mas malubha at hindi lamang isang maliit na personal na pagkakamali o problema? At kailan kumakapit ang payo ni Jesus na nakaulat sa Mateo 18:15-18? Isaalang-alang natin sa susunod ang mga bagay na ito.
[Talababa]
a Sinasabi ng isang iskolar na ang talinghagang Hebreo na ginamit sa Mikas 7:18 ay “mula sa ugali ng isang manlalakbay na dumaraan nang hindi napapansin ang isang bagay na ayaw niyang pansinin. Hindi ibig sabihin ng ideyang ito na, ang Diyos ay hindi mapunahin sa pagkakasala, o na itinuturing niya itong isang bagay na hindi gaanong mahalaga o walang halaga, kundi sa ilang partikular na kalagayan ay hindi niya ito minamarkahan upang parusahan; na hindi siya nagpaparusa, kundi nagpapatawad.”—Hukom 3:26; 1 Samuel 16:8.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano tayo binibigyan ni Jehova ng matutularang parisan tungkol sa pagpapatawad?
◻ Ano ang dapat nating tandaan hinggil sa mga kaugnay sa kongregasyon?
◻ Kadalasan, ano ang magagawa natin hinggil sa pananakit ng damdamin o mga pagkakasala?
◻ Kung kailangan, ano ang maaari nating gawin upang makipagpayapaan sa ating kapatid?
[Larawan sa pahina 15]
Kapag sumamâ ang loob sa isang Kristiyano, sikaping palampasin na lamang ito; sa paglipas ng panahon, unti-unti ring huhupa ang bagay na iyon