Paghandaan ang Mahalagang Milenyo!
ANG Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo ay magdadala ng napakaraming pagpapala sa sambahayan ng tao. Sa ilalim ng maibiging patnubay ni Jesus, ang sangkatauhan ay mahahango mula sa kasalukuyang kaawa-awang kalagayan tungo sa maluwalhating kasakdalan. Isip-isipin kung ano ang magiging kahulugan niyan sa iyo. Mabuting kalusugan! Isip-isipin ang paggising tuwing umaga na mas mabuti ang pakiramdam kaysa sa nagdaang araw. Milyun-milyong lalaki, babae, at mga bata ang umaasang mabuhay sa maligayang panahong iyon. Inaasam-asam nila ito, ipinananalangin nila ito. Kumbinsido sila mula sa kanilang pag-aaral ng Bibliya na ang mga pagpapalang ito ay maaari nilang tamasahin.
Gayunman, bago niya simulan ang kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, dapat munang alisin ni Jesu-Kristo sa lupa ang lahat ng sumasalansang sa kaniyang pamamahala. Gagawin niya ito sa digmaan na tinatawag sa Bibliya na Armagedon. (Apocalipsis 16:16) Hindi makikipagbaka ang mga tunay na Kristiyano sa lupa sa digmaang ito. Ito’y digmaan ng Diyos. At hindi ito mangyayari sa isang lugar lamang. Sinasabi ng Bibliya na ito’y aabot hanggang sa kadulu-duluhang sulok ng lupa. Mapapatay ang mga kaaway ng pamamahala ni Kristo. Walang isa man sa kanila ang makaliligtas!—Jeremias 25:33.
Pagkatapos ay ibabaling ni Jesus ang kaniyang pansin kay Satanas na Diyablo at sa kaniyang mga demonyo. Ilarawan ang tagpo, gaya ng pagkakita rito ng sumulat ng aklat ng Apocalipsis: “At nakita ko ang isang anghel [si Jesu-Kristo] na bumababa mula sa langit na taglay ang susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:1, 2) Sa dakong huli, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay pupuksain magpakailanman.—Mateo 25:41.
“Isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao,” ang makaliligtas sa Armagedon. (Apocalipsis 7:9) Aakayin ni Kristo ang mga ito upang lubusang makinabang mula sa “mga bukal ng tubig ng buhay,” kung paanong inaakay ng isang pastol ang kaniyang mga tupa sa nagliligtas-buhay na mga tubig. (Apocalipsis 7:17) Dahil sa hindi nahahadlangan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo sa kanilang espirituwal na pagsulong, ang mga makaliligtas na ito sa Armagedon ay unti-unting tutulungan na mapagtagumpayan ang kanilang makasalanang mga hilig hanggang sa wakas ay maabot nila ang kasakdalan!
Sa ilalim ng maibiging pamamahala ni Kristo, patuloy na bubuti ang mga kalagayan sa pamumuhay. Aalisin ng Diyos na Jehova, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang lahat ng sanhi ng kirot at lumbay. Kaniyang “papahirin ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) Tinatapos ni propeta Isaias ang larawan, sa pagsasabing: “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng di-makapagsalita ay hihiyaw sa katuwaan.” (Isaias 35:5, 6) At ang mga patay, “ang malalaki at ang maliliit,” ay bubuhaying muli taglay ang pag-asang hindi na muling mamamatay!—Apocalipsis 20:12.
Ngayon pa lang, tinitipon na ang “malaking pulutong” na makaliligtas sa Armagedon. Pinaghahandaan nila ang Milenyong Paghahari ni Kristo. Bagaman hindi nila alam kung kailan magsisimula ang paghaharing ito, buo ang kanilang pagtitiwala na sa takdang panahon ng Diyos, ito’y darating. Maaari kang makabilang sa kanila, subalit dapat ka ring maghanda—hindi sa pagbebenta ng iyong mga pag-aari at paglalakbay sa ilang lugar, kundi sa pagkuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. May kagalakang ipakikita sa iyo ng mga Saksi ni Jehova nang walang bayad o obligasyon kung paanong ikaw at ang iyong pamilya ay makikinabang sa isang pag-aaral ng Bibliya. Ang mga tagapaglathala ng magasing ito ay maligayang magbibigay sa iyo ng higit pang impormasyon.
[Kahon sa pahina 7]
Ang Isang Libong Taon—Literal o Makasagisag?
Yamang ang kalakhang bahagi ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay isinulat sa makasagisag na wika, isang tanong ang bumabangon. Kumusta naman ang tungkol sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo na binabanggit sa Apocalipsis? Ito ba’y literal o makasagisag na yugto ng panahon?
May lahat ng pahiwatig na ito’y nangangahulugan ng isang literal na isang libong taóng yugto ng panahon. Isaalang-alang: Tinukoy ni apostol Pablo ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, na sa panahong ito ang sangkatauhan ay hahatulan, bilang isang araw. (Gawa 17:31; Apocalipsis 20:4) Si apostol Pedro ay sumulat na ang isang araw (24 na oras) kay Jehova ay katumbas ng isang libong taon. (2 Pedro 3:8) Pinatutunayan niyan na ang “araw” na ito ng paghatol ay literal na isang libong taon ang haba. Karagdagan pa, sa Apocalipsis 20:3, 5-7, mababasa natin ang apat na iba’t ibang ulit, hindi ang tungkol sa “isang libong taon,” kundi tungkol sa “ang libong taon.” Waring ipinahihiwatig nito ang isang yugto ng panahon na may tiyak na haba.