Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 11/1 p. 9-14
  • Gaano ang Pag-ibig Mo sa Salita ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gaano ang Pag-ibig Mo sa Salita ng Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Magkaroon Kayo ng Pananabik” sa Salita ng Diyos
  • Isang Salmistang Umiibig sa Kautusan ng Diyos
  • Isang Prinsipeng Nagkalakas-Loob na Maging Naiiba
  • Inalalayan si Jesus ng Salita ng Diyos
  • Iba Pang Tagatulad ni Kristo
  • Magtiwala sa Salita ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Hayaang Maging Liwanag sa Iyong Landas ang Salita ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • “Patuloy Siyang Nanatili kay Jehova”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Pagbabasa ng Bibliya—Kapaki-pakinabang at Kalugud-lugod
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 11/1 p. 9-14

Gaano ang Pag-ibig Mo sa Salita ng Diyos?

“Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.”​—AWIT 119:97.

1. Ano ang isang paraan na doo’y maipakikita ng may-takot sa Diyos na mga indibiduwal ang kanilang pag-ibig sa salita ng Diyos?

DAAN-DAANG milyong lalaki at babae ang may kopya ng Bibliya. Subalit may pagkakaiba ang pagkakaroon ng Bibliya at ang pag-ibig sa Salita ng Diyos. Makatuwiran bang masasabi ng isang tao na iniibig niya ang Salita ng Diyos gayong bihira naman niyang basahin ito? Siyempre hindi! Sa kabaligtaran naman, ang ilan na dati’y hindi nagpapahalaga sa Bibliya ay nagbabasa na ngayon nito araw-araw. Natutuhan nilang ibigin ang Salita ng Diyos, at gaya ng salmista, pinag-iisipan na nila ngayon ang Salita ng Diyos “buong araw.”​—Awit 119:97.

2. Paano inalalayan ang pananampalataya ng isa sa mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng mahihirap na kalagayan?

2 Isa sa natutong umibig sa Salita ng Diyos ay si Nasho Dori. Kasama ng mga kapananampalataya, siya’y nagbata sa loob ng maraming dekada, sa paglilingkod kay Jehova sa kaniyang tinubuang Albania. Sa kalakhang bahagi ng panahong iyon, ang mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal, at ang tapat na mga Kristiyanong ito ay tumanggap lamang ng iilang literatura sa Bibliya. Gayunman, ang pananampalataya ni Brother Dori ay nanatiling matatag. Paano nangyari ito? “Ang aking tunguhin,” sabi niya, ay “ang magbasa ng Bibliya sa loob ng di-kukulangin sa isang oras araw-araw, na aking ginawa sa loob ng mga 60 taon bago lumabo ang aking paningin.” Noon ay hindi pa naisasalin sa wikang Albaniano ang buong Bibliya, ngunit si Brother Dori ay marunong na ng wikang Griego noon pa mang bata pa siya, kaya sa wikang iyan niya binasa ang Bibliya. Ang regular na pagbabasa ng Bibliya ang umalalay kay Brother Dori sa panahon ng iba’t ibang pagsubok, at maaari rin namang alalayan tayo nito.

“Magkaroon Kayo ng Pananabik” sa Salita ng Diyos

3. Anong saloobin sa Salita ng Diyos ang dapat linangin ng mga Kristiyano?

3 “Gaya ng mga sanggol na bagong-silang,” isinulat ni apostol Pedro, “magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.” (1 Pedro 2:2) Kung paanong ang isang sanggol ay sabik na sabik sa gatas ng kaniyang ina, ang mga Kristiyanong palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan ay nakasusumpong ng masidhing kaluguran sa pagbabasa ng Salita ng Diyos. Ganiyan ba ang nadarama mo? Kung hindi, huwag kang mawalan ng pag-asa. Malilinang mo rin ang pananabik sa Salita ng Diyos.

4. Ano ang nasasangkot upang magawang pang-araw-araw na kaugalian ang pagbabasa ng Bibliya?

4 Upang magawa ito, disiplinahin mo muna ang iyong sarili na ugaliin ang pagbabasa ng Bibliya, araw-araw hangga’t maaari. (Gawa 17:11) Maaaring hindi mo kayang gumugol ng isang oras araw-araw sa pagbabasa ng Bibliya na gaya ng ginawa ni Nasho Dori, ngunit malamang na makapaglalaan ka naman ng panahon bawat araw upang maisaalang-alang ang Salita ng Diyos. Marami sa mga Kristiyano ang gumigising nang mas maaga nang ilang minuto upang makapagbulay-bulay sa isang talata ng Bibliya. May mas bubuti pa kayang paraan upang pasimulan ang maghapon? Minamabuti naman ng iba na tapusin ang maghapon sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya bago matulog. Ang iba naman ay nagbabasa ng Bibliya sa panahong maalwan sa kanila. Ang mahalaga ay mabasa ang Bibliya nang regular. Pagkatapos, maglaan ng ilang sandali upang bulay-bulayin ang iyong nabasa. Tingnan natin ang halimbawa ng ilang indibiduwal na nakinabang noon sa pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos.

Isang Salmistang Umiibig sa Kautusan ng Diyos

5, 6. Bagaman hindi natin alam ang pangalan niya, ano ang maaari nating matutuhan hinggil sa sumulat ng ika-119 ng Awit 119 sa pamamagitan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay sa kaniyang isinulat?

5 Tiyak na may matinding pagpapahalaga sa Salita ng Diyos ang sumulat ng ika-119 ng Awit 119. Sino ba ang sumulat ng awit na iyan? Hindi ipinakilala sa Bibliya ang sumulat. Gayunman, mula sa konteksto, nalalaman natin ang ilang detalye tungkol sa kaniya, at batid natin na ang kaniyang buhay ay hindi ligtas sa mga problema. Ilan sa kaniyang mga kakilala na dapat sana’y mga mananamba ni Jehova ay hindi kagaya niya na umiibig sa mga simulain ng Bibliya. Magkagayunman, hindi ipinahintulot ng salmista na ang kanilang saloobin ay humadlang sa kaniya sa paggawa ng tama. (Awit 119:23) Kung ikaw ay may kasamahan sa bahay o sa trabaho na hindi gumagalang sa mga pamantayan ng Bibliya, baka makakita ka ng mga pagkakahawig sa kalagayan ng salmista at sa kalagayan mo.

6 Bagaman isang lalaking makadiyos, ang salmista ay hinding-hindi naging mapagmagaling. Tahasan niyang inamin ang kaniyang sariling mga pagkukulang. (Awit 119:5, 6, 67) Gayunman, hindi niya pinahintulutang kontrolin siya ng kasalanan. “Paano lilinisin ng isang kabataang lalaki ang kaniyang landas?” tanong niya. Ang kaniyang sagot: “Sa pananatiling mapagbantay ayon sa iyong salita.” (Awit 119:9) Pagkatapos, bilang pagdiriin sa makapangyarihang puwersa ng Salita ng Diyos ukol sa ikabubuti, idinagdag ng salmista: “Sa aking puso ay pinakaingatan ko ang iyong pananalita, upang hindi ako magkasala laban sa iyo.” (Awit 119:11) Tunay ngang makapangyarihan ang puwersang makatutulong sa atin upang makaiwas na magkasala sa Diyos!

7. Bakit lalo nang dapat na maging palaisip ang mga kabataan sa pangangailangang magbasa ng Bibliya araw-araw?

7 Makabubuti para sa mga kabataang Kristiyano na isaalang-alang ang mga salita ng salmista. Sinasalakay ngayon ang mga kabataang Kristiyano. Gustung-gusto ng Diyablo na pasamain ang mga bagong sibol na henerasyon ng mga mananamba ni Jehova. Tunguhin ni Satanas na akitin ang mga kabataang Kristiyano na magpatalo sa mga pagnanasa ng laman at labagin ang mga kautusan ng Diyos. Madalas na naaaninag ang pag-iisip ng Diyablo sa mga pelikula at mga programa sa telebisyon. Ang mga artista sa mga programang iyon ay waring kaakit-akit at kaibig-ibig; ang imoral na kaugnayan nila ay isinasalarawan bilang normal lamang. Ang mensahe? ‘Walang masama kung magtalik man ang mga di-mag-asawa basta’t nagmamahalan sila nang tapat.’ Nakalulungkot, marami sa mga kabataang Kristiyano ang nahuhulog taun-taon sa gayong pangangatuwiran. Ang ilan ay dumanas ng pagguho ng kanilang pananampalataya. Kaya nga napakatindi ng panggigipit! Subalit gayong katindi na ba talaga ang panggigipit anupat imposible na para sa mga kabataan na mapaglabanan ito? Hinding-hindi! Naglaan si Jehova ng paraan para sa mga kabataan upang madaig ang di-kanais-nais na mga pagnanasa. Malalabanan nila ang anumang sandatang gagamitin ng Diyablo sa pamamagitan ng ‘pananatiling mapagbantay ayon sa Salita ng Diyos, na pinakaiingatan ang pananalita ng Diyos sa kanilang puso.’ Gaanong oras ang iyong ginugugol sa regular na sarilinang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Bibliya?

8. Paano nakatulong sa iyo ang mga halimbawang binalangkas sa parapong ito upang magpahalaga sa Kautusang Mosaiko?

8 Bumulalas ang sumulat ng ika-119 ng Awit 119: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan!” (Awit 119:97) Aling kautusan ang tinutukoy niya? Iyon ay ang isiniwalat na salita ni Jehova, pati na ang kodigo ng Kautusang Mosaiko. Sa unang tingin ay baka ituring ng ilan na lipas na sa panahon ang kodigo ng Kautusan at pagtakhan kung paano ito maiibig ng sinuman. Gayunman, habang binubulay-bulay natin ang iba’t ibang katangian ng Kautusang Mosaiko, gaya ng ginawa ng salmista, mapahahalagahan natin ang karunungan sa likod ng Kautusang iyan. Bukod sa maraming makahulang aspekto ng Kautusan, naririyan din ang mga kondisyon nito hinggil sa sanitasyon at pagkain, na nagtataguyod ng kalinisan at malusog na pangangatawan. (Levitico 7:23, 24, 26; 11:2-8) Pinasigla ng Kautusan ang katapatan sa pagnenegosyo at hinimok ang mga Israelita na magpakita ng empatiya sa mga nangangailangang kapananampalataya. (Exodo 22:26, 27; 23:6; Levitico 19:35, 36; Deuteronomio 24:17-21) Dapat na walang pagtatangi sa paggawa ng hudisyal na pasiya. (Deuteronomio 16:19; 19:15) Habang nagtatamo ng karanasan sa buhay ang sumulat ng Awit 119, walang-alinlangang nakita niya ang mabubuting kinalabasan niyaong mga nagkapit ng Kautusan ng Diyos, at lalong tumibay ang kaniyang pagkagiliw dito. Gayundin naman sa ngayon, habang nagtatagumpay ang mga Kristiyano sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya, lalo namang tumitindi ang kanilang pag-ibig at pagpapahalaga sa Salita ng Diyos.

Isang Prinsipeng Nagkalakas-Loob na Maging Naiiba

9. Anong saloobin ang nilinang ni Haring Hezekias para sa Salita ng Diyos?

9 Ang nilalaman ng ika-119 ng Awit 119 ay kasuwatung-kasuwato ng nalalaman natin tungkol kay Hezekias nang siya’y isa pang kabataang prinsipe. Ipinahihiwatig ng ilang iskolar ng Bibliya na si Hezekias ang sumulat ng awit. Bagaman hindi ito matiyak, batid natin na si Hezekias ay may malaking paggalang sa Salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng kaniyang landasin ng buhay, ipinakita niyang siya’y may kataimtimang sumasang-ayon sa mga salita sa Awit 119:97. Patungkol kay Hezekias ay sinabi ng Bibliya: “Patuloy siyang nanghahawakan kay Jehova. Hindi siya lumihis mula sa pagsunod sa kaniya, kundi patuloy niyang tinupad ang kaniyang mga utos na iniutos ni Jehova kay Moises.”​—2 Hari 18:6.

10. Anong pampatibay-loob ang ibinigay ng halimbawa ni Hezekias sa mga Kristiyanong hindi pinalaki ng makadiyos na mga magulang?

10 Ayon sa ulat, si Hezekias ay hindi lumaki sa isang makadiyos na pamilya. Ang kaniyang ama, si Haring Ahaz, ay isang walang-pananampalatayang mananamba sa idolo, na sa paanuman ay sumunog nang buháy sa isa sa mga anak na lalaki nito​—ang sariling kapatid ni Hezekias​—bilang hain sa isang huwad na diyos! (2 Hari 16:3) Sa kabila ng masamang halimbawang ito, nagawa ni Hezekias na “linisin ang kaniyang daan” mula sa mga paganong impluwensiya sa pamamagitan ng pagiging pamilyar sa Salita ng Diyos.​—2 Cronica 29:2.

11. Habang nagmamasid si Hezekias, ano ang nangyari sa kaniyang taksil na ama?

11 Habang lumalaki si Hezekias, nakita niya mismo kung paano pinangasiwaan ng kaniyang idolatrosong ama ang mga gawain sa Estado. Ang Juda ay napaliligiran ng mga kaaway. Nariyan si Rezin, hari ng Sirya, na umanib kay Haring Peka ng Israel sa pagkubkob sa Jerusalem. (2 Hari 16:5, 6) Nariyan ang mga Edomita at mga Filisteo, na nakagawa ng matagumpay na mga paglusob sa Juda at nakabihag pa nga ng ilang lunsod sa Judea. (2 Cronica 28:16-19) Paano hinarap ni Ahaz ang mga krisis na ito? Sa halip na humingi ng tulong kay Jehova laban sa Sirya, bumaling si Ahaz sa hari ng Asirya, anupat sinuhulan ito ng ginto at pilak, pati na niyaong galing sa kabang-yaman ng templo. Subalit hindi ito nakapagdulot ng namamalaging kapayapaan sa Juda.​—2 Hari 16:6, 8.

12. Naiiwasan ni Hezekias na maulit pa ang mga pagkakamali ng kaniyang ama sa paggawa ng ano?

12 Nang maglaon, namatay si Ahaz at naging hari si Hezekias sa edad na 25. (2 Cronica 29:1) Siya’y nasa kabataan pa, subalit hindi iyan naging hadlang sa kaniyang pagiging matagumpay na hari. Sa halip na tularan ang paggawi ng kaniyang taksil na ama, nanindigan siya sa Kautusan ni Jehova. Kalakip dito ang isang pantanging utos para sa mga hari: “Kapag umupo [ang hari] sa trono ng kaniyang kaharian, isusulat niya sa isang aklat para sa kaniyang sarili ang isang kopya ng kautusang ito mula roon sa nasa pangangasiwa ng mga saserdote, na mga Levita. At mananatili iyon sa kaniya, at babasahin niya iyon sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, upang matuto siyang matakot kay Jehova na kaniyang Diyos nang sa gayon ay maingatan niya ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.” (Deuteronomio 17:18, 19) Sa pagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw, natututuhan ni Hezekias na matakot kay Jehova at umiiwas na maulit pa ang mga pagkakamali ng kaniyang di-makadiyos na ama.

13. Paano makatitiyak ang isang Kristiyano na sa espirituwal na diwa, lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay?

13 Hindi lamang mga hari ng Israel ang hinihimok na maging palaisip sa Salita ng Diyos kundi pati na ang lahat ng may-takot sa Diyos na mga Israelita. Inilalarawan ng unang Awit ang isang napakaligayang tao bilang isa na “ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Patungkol sa gayong tao, sinasabi ng salmista: “Lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.” (Awit 1:3) Sa kabaligtaran naman, patungkol sa isa na walang pananampalataya sa Diyos na Jehova, sinasabi ng Bibliya: “Siya ay isang taong di-makapagpasiya, di-matatag sa lahat ng kaniyang mga daan.” (Santiago 1:8) Hangad nating lahat na maging masaya at matagumpay. Ang regular at makabuluhang pagbabasa ng Bibliya ay makapagdudulot sa atin ng kaligayahan.

Inalalayan si Jesus ng Salita ng Diyos

14. Paano ipinakita ni Jesus na iniibig niya ang Salita ng Diyos?

14 Minsan, natagpuan ng mga magulang ni Jesus na siya’y nakaupo sa gitna ng mga guro sa templo sa Jerusalem. Ang mga ekspertong ito sa Kautusan ng Diyos “ay patuloy na namamangha sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot”! (Lucas 2:46, 47) Iyan ay noong si Jesus ay 12 taóng gulang. Oo, kahit sa kaniyang murang edad, maliwanag na siya’y magiliw na sa Salita ng Diyos. Nang maglaon, ginamit ni Jesus ang Kasulatan upang pagwikaan ang Diyablo, na nagsasabi: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:3-10) Di-nagtagal pagkalipas noon, nangaral si Jesus sa kaniyang mga kababayang taga-Nazaret, na ginagamit ang Kasulatan.​—Lucas 4:16-21.

15. Paano nagpakita si Jesus ng isang halimbawa kapag nangangaral sa iba?

15 Madalas na sinisipi ni Jesus noon ang Salita ng Diyos upang suhayan ang kaniyang mga turo. Ang kaniyang mga tagapakinig ay ‘namangha nang lubha sa kaniyang paraan ng pagtuturo.’ (Mateo 7:28) At hindi nga nakapagtataka​—ang mga turo ni Jesus ay mula sa Diyos na Jehova mismo! Sinabi ni Jesus: “Ang aking itinuturo ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin. Siya na nagsasalita nang mula sa kaniyang sarili ay nagnanasa ng kaniyang sariling kaluwalhatian; subalit siya na nagnanasa ng kaluwalhatian niya na nagsugo sa kaniya, ang isang ito ay totoo, at walang kalikuan sa kaniya.”​—Juan 7:16, 18.

16. Hanggang saan ipinamalas ni Jesus ang kaniyang pag-ibig sa Salita ng Diyos?

16 Di-gaya ng sumulat ng Awit 119, “walang kalikuan” kay Jesus. Siya’y hindi nagkakasala, ang Anak ng Diyos, na ‘nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan.’ (Filipos 2:8; Hebreo 7:26) Gayunman, sakdal man siya, pinag-aralan pa rin at sinunod ni Jesus ang Kautusan ng Diyos. Ito’y isang mahalagang salik sa kakayahan niyang mapanatili ang kaniyang integridad. Nang gumamit si Pedro ng tabak upang hadlangan ang pag-aresto sa kaniyang Panginoon, pinagwikaan ni Jesus ang apostol at tinanong: “Iniisip mo ba na hindi ako makahihiling sa aking Ama na paglaanan ako sa sandaling ito ng mahigit sa labindalawang lehiyon ng mga anghel? Sa kalagayang iyan, paano matutupad ang Kasulatan na dapat itong maganap sa ganitong paraan?” (Mateo 26:53, 54) Oo, mas mahalaga kay Jesus na tuparin ang Kasulatan kaysa takasan ang malupit at nakahihiyang kamatayan. Tunay ngang isang pambihirang pag-ibig sa Salita ng Diyos!

Iba Pang Tagatulad ni Kristo

17. Gaano kahalaga kay apostol Pablo ang Salita ng Diyos?

17 Sumulat si apostol Pablo sa kapuwa niya mga Kristiyano: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.” (1 Corinto 11:1) Gaya ng kaniyang Panginoon, si Pablo ay naging magiliw sa Kasulatan. Ipinagtapat niya: “Pinakaiibig ko ang Batas ng Diyos sa aking kaloob-loobang pagkatao.” (Roma 7:22, The Jerusalem Bible) Madalas sipiin ni Pablo noon ang Salita ng Diyos. (Gawa 13:32-41; 17:2, 3; 28:23) Nang ibigay niya ang kaniyang pangwakas na tagubilin kay Timoteo, isang minamahal na kasamahang ministro, idiniin ni Pablo ang mahalagang papel na dapat gampanan ng Salita ng Diyos sa pang-araw-araw na buhay ng bawat “tao ng Diyos.”​—2 Timoteo 3:15-17.

18. Magbigay ng halimbawa ng isa na, sa modernong panahon, ay nagpakita ng paggalang sa Salita ng Diyos.

18 Tinularan din ng maraming tapat na mga lingkod ni Jehova sa modernong panahon ang pag-ibig ni Jesus sa Salita ng Diyos. Sa unahang bahagi ng siglong ito, isang lalaki ang nakatanggap ng isang Bibliya mula sa isang kaibigan. Inilarawan niya ang naging impluwensiya sa kaniya ng napakahalagang regalong ito: “Naging desidido ako sa aking buhay na dapat akong magbasa ng isang bahagi ng Bibliya sa bawat araw.” Ang kabataang iyan ay si Frederick Franz, at ang kaniyang pag-ibig sa Bibliya ay umakay sa kaniyang pagtatamasa ng isang mahaba at matagumpay na buhay sa paglilingkod kay Jehova. Nakatutuwang gunitain ang kaniyang kakayahang sumipi ng buong kabanata ng Bibliya nang hindi binabasa.

19. Paano iniiskedyul ng ilan ang lingguhang pagbabasa ng Bibliya para sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro?

19 Ang mga Saksi ni Jehova ay nagbigay ng malaking pagpapahalaga sa regular na pagbabasa ng Bibliya. Linggu-linggo, bilang paghahanda sa isa sa kanilang Kristiyanong mga pulong, ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, binabasa nila ang ilang kabanata sa Bibliya. Ang mga tampok sa iniatas na pagbabasa ng Bibliya ay tinatalakay sa panahon ng pulong. Nakita ng ilang Saksi na mas maalwan kung hahatiin sa pitong bahagi ang pagbabasa ng Bibliya sa linggong iyon at babasahin ang bawat bahagi sa bawat araw. Habang nagbabasa sila, binubulay-bulay nila ang materyal. Hangga’t maaari, gumagawa sila ng karagdagang pagsasaliksik sa tulong ng mga publikasyong salig sa Bibliya.

20. Ano ang kailangan upang magkapanahon sa regular na pagbabasa ng Bibliya?

20 Baka kailanganin mong ‘bilhin ang panahon’ mula sa ibang gawain upang regular na mabasa ang Bibliya. (Efeso 5:16) Gayunman, makapupong mahihigitan ng mga pakinabang ang anumang pagsasakripisyo. Habang pinasusulong mo ang kaugalian sa pagbabasa ng Bibliya araw-araw, ang iyong pag-ibig sa Salita ng Diyos ay uunlad. Di-magtatagal, mauudyukan kang magsabi na gaya ng salmista: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.” (Awit 119:97) Ang ganiyang saloobin ay magdudulot ng napakalaking pakinabang ngayon at sa hinaharap, gaya ng ipakikita sa susunod na artikulo.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Paano nagpamalas ng matinding pag-ibig sa Salita ng Diyos ang sumulat ng Awit 119?

◻ Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa mga halimbawa ni Jesus at ni Pablo?

◻ Paano tayo personal na uunlad sa ating pag-ibig sa Salita ng Diyos?

[Mga larawan sa pahina 10]

Kailangang regular na magbasa ng Salita ng Diyos ang tapat na mga hari. Ginagawa mo ba ito?

[Larawan sa pahina 12]

Kahit noon pa mang bata pa, si Jesus ay may pag-ibig na sa Salita ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share