Si Jehova ay Isang Diyos ng Maibiging-Kabaitan sa Akin
AYON SA SALAYSAY NI JOHN ANDRONIKOS
Noon ay taóng 1956. Siyam na araw pa lamang akong nakakasal, narito ako at nakatayo sa harapan ng hukuman ng paghahabol sa Komotiní, hilagang Gresya. Ako’y umaasa na ang tinanggap kong sentensiya na 12 buwan dahil sa pangangaral ng mabuting balita ay mapapawalang-bisa. Ang pasiya ng hukuman ng paghahabol—anim na buwang pagkakabilanggo—ay bumigo sa pag-asang iyan at napatunayang pasimula pa lamang ng mahabang sunud-sunod na paglilitis. Gayunman, sa buong panahong iyon, napatunayang si Jehova ay isang Diyos ng maibiging-kabaitan sa akin.
NANG ako ay ipanganak noong Oktubre 1, 1931, ang aking pamilya ay naninirahan noon sa lunsod ng Kaválla, ang Neapolis ng Macedonia na dinalaw ni apostol Pablo noong kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero. Si Mommy ay naging isang Saksi ni Jehova noong ako ay limang taong gulang, at bagaman siya ay halos hindi nakapag-aral, ginawa niya ang kaniyang buong makakaya upang ikintal sa akin ang pag-ibig sa Diyos at pagkatakot sa kaniya. Ang aking ama ay isang napakakonserbatibong tao na buong-katigasang nangungunyapit sa mga kaugaliang Griego Ortodokso. Wala siyang interes sa katotohanan sa Bibliya at sinasalansang ang aking ina, anupat kadalasang gumagamit ng dahas.
Kaya, ako ay lumaki sa isang nababahaging sambahayan, kung saan binubugbog at pinagmamalupitan ng aking Ama ang aking Ina at iniwan pa nga niya kami. Mula sa aking pagkabata, isinasama na ako at ang aking nakababatang kapatid na babae ni Mommy sa Kristiyanong mga pagpupulong. Gayunman, nang ako ay 15 na, ang mga hangarin ng isang kabataan at ang espiritu ng pagsasarili ang naglayo sa akin sa mga Saksi ni Jehova. Sa kabila nito, ang aking tapat na ina ay nagsikap nang gayon na lamang, at siya’y lumuha nang maraming ulit sa kaniyang pagsisikap na matulungan ako.
Dahil sa karukhaan at masamang buhay na aking tinatahak, ako’y nagkasakit nang malubha at naratay sa higaan sa loob ng tatlong buwan. Noon naipaunawa sa akin ng isang napakamapagpakumbabang kapatid na lalaki, na tumulong sa aking ina na matutuhan ang katotohanan, ang taimtim na pag-big sa Diyos. Nadama niya na ako ay matutulungan pa na mapanumbalik sa espirituwal. Ang ilan ay nagsabi sa kaniya: “Sinasayang mo lang ang panahon mo sa pagtulong kay John; hindi na siya makababangon pang muli.” Ngunit ang pagtitiis ng kapatid na ito at ang kaniyang tiyaga sa pagtulong sa akin ay nagbunga. Noong Agosto 15, 1952, sa edad na 21, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Bagong Kasal at Nasa Bilangguan
Pagkalipas ng tatlong taon ay nagkakilala kami ni Martha, isang palaisip-sa-espirituwal na kapatid na babae na may pambihirang mga katangian, at di-nagtagal kami’y naging magkatipan. Talagang nabigla ako isang araw nang sabihin sa akin ni Martha: “Sa araw na ito ay balak kong mangaral sa bawat tahanan. Gusto mo bang sumama sa akin?” Noon lamang ako nakibahagi sa pitak na ito ng gawain sa buong buhay ko, yamang noon ay kadalasang nangangaral lamang ako nang di-pormal. Ang gawaing pangangaral ay ipinagbabawal noon sa Gresya, at kailangang isagawa namin ang aming pangangaral nang patago. Maraming pag-aresto, mga kaso sa hukuman, at mabibigat na hatol ng pagkabilanggo ang naging resulta. Gayunman, hindi ko mapahindian ang aking katipan!
Naging asawa ko si Martha noong 1956. Noon, siyam na araw pagkatapos ng aming kasal, ay natanggap ko mula sa hukuman ng paghahabol sa Komotiní ang hatol na anim-na-buwang pagkabilanggo. Ito ang nagpasagi sa aking isipan ng isang tanong na iniharap ko ilang panahon na ang nakararaan sa isang Kristiyanong kapatid na babae, na kaibigan ng aking ina: “Paano ko ba maaaring ipakita na ako ay isang tunay na Saksi ni Jehova? Hindi pa ako nagkakaroon ng pagkakataon na patunayan ang aking pananampalataya.” Nang dalawin ako ng kapatid na babaing ito sa bilangguan, ipinaalaala niya sa akin ang tanong na iyon at sinabi niya: “Ngayon ay maipakikita mo na kay Jehova kung gaano mo siya kamahal. Ito ang atas mo.”
Nang malaman ko na tinangkang mangilak ng salapi ang aking abogado upang piyansahan ako sa bilangguan, sinabi ko sa kaniyang mas nanaisin kong tapusin na lang ang aking sentensiya. Anong laki ng kagalakan ko sa pagtatapos ng anim-na-buwang pagkakabilanggo na makitang dalawa sa aking mga kapuwa bilanggo ay tumanggap sa katotohanan! Sa sumunod na mga taon, ako ay nasangkot sa maraming kaso sa hukuman dahil sa mabuting balita.
Mga Pagpapasiyang Hindi Namin Kailanman Pinagsisisihan
Noong 1959, ilang taon matapos akong lumaya, ako’y naging isang lingkod ng kongregasyon, o punong tagapangasiwa, at naanyayahang dumalo sa Kingdom Ministry School, isang kurso ng pagsasanay para sa mga matatanda ng kongregasyon. Gayunman, kasabay nito, ako ay inalok ng isang permanenteng posisyon sa isang pampublikong ospital, isang trabaho na makapagbibigay sa akin at sa aking pamilya ng buong-buhay na pinansiyal na kasiguruhan. Ano kaya ang aking pipiliin? Ako ay tatlong buwan nang nagtatrabahong pansamantala sa ospital, at ang direktor ay lubhang nasisiyahan sa aking trabaho, ngunit nang dumating ang imbitasyon sa paaralan, hindi man lamang niya ako pinahintulutan na lumiban sa trabaho nang kahit na walang sahod. Pagkatapos ng may pananalanging pagsasaalang-alang sa suliranin, nagpasiya akong unahin muna ang kapakanan ng Kaharian at tanggihan ang alok na trabaho.—Mateo 6:33.
Halos kasabay nito, ang tagapangasiwa ng distrito at sirkito ay dumalaw upang maglingkod sa aming kongregasyon. Kailangang idaos namin nang palihim ang aming mga pagpupulong sa pribadong mga tahanan dahilan sa mahigpit na pagsalansang ng mga klerong Griego Ortodokso at mga awtoridad. Pagkatapos ng isa sa mga pagpupulong, nilapitan ako ng tagapangasiwa ng distrito at nagtanong kung napag-isipan ko na ang pumasok sa buong-panahong paglilingkuran. Ang kaniyang mungkahi ay nakaantig sa aking puso sapagkat pangarap ko na ito mula pa nang ako ay mabautismuhan. Sumagot ako: “Gustung-gusto ko.” Gayunman, mayroon na akong karagdagang responsibilidad sa pagpapalaki ng aking anak na babae. Sinabi ng kapatid sa akin: “Magtiwala ka kay Jehova, at tutulungan ka niyang matupad ang iyong mga plano.” Sa gayon, sa paraang hindi naman pinababayaan ang aming responsibilidad sa pamilya, kaming mag-asawa ay nakagawa ng pagbabago sa aming mga kalagayan, kaya noong Disyembre 1960, ako ay nakapagpasimulang maglingkod sa silangang Macedonia bilang isang special pioneer—isa sa lima lamang na special pioneer sa bansa.
Pagkatapos na ako ay makapaglingkod bilang isang special pioneer sa loob ng isang taon, inanyayahan ako ng tanggapang pansangay sa Atenas na maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Pagkauwi ko sa bahay mula sa isang buwang pagsasanay sa larangang ito ng paglilingkod, at samantalang ikinukuwento ko pa lamang kay Martha ang aking mga karanasan, ang direktor ng isang malaking minahan ng manganese ay dumalaw at inanyayahan ako na maging manedyer ng dibisyon ng pagdadalisay (refining division), na nag-aalok sa akin ng isang limang-taong kontrata na malaki ang halaga, isang magandang bahay, at isang awto. Binigyan niya ako ng dalawang araw upang sumagot. Muli, nang walang anumang pag-aatubili, nanalangin ako kay Jehova: “Narito ako, suguin mo ako.” (Isaias 6:8) Lubusang sumang-ayon ang aking asawa. Taglay ang pagtitiwala sa Diyos, nagsimula kami sa gawaing paglalakbay, at si Jehova sa kaniyang maibiging-kabaitan ay hindi kailanman nagpabaya sa amin.
Naglilingkod sa Hirap at Ginhawa
Bagaman may mga suliranin sa kabuhayan, kami ay nagpatuloy at pinaglaanan naman kami ni Jehova ng mga pangangailangan. Noong una, dinadalaw ko ang mga kongregasyon sakay ng isang maliit na motorsiklo, na naglalakbay hanggang sa layong 500 kilometro. Maraming ulit na nakaranas ako ng mga kahirapan, at may ilang mga aksidente. Minsan sa aking pag-uwi mula sa isang kongregasyon noong panahon ng taglamig, tumatawid ako noon sa isang bumabahang batis nang biglang mamatay ang motor, anupat nabasâ ako hanggang sa tuhod. Pagkatapos ay nabutas naman ang gulong ng motorsiklo. Isang nagdaraan na may pambomba ng hangin ang tumulong sa akin, at sa gayo’y nakarating ako sa pinakamalapit na nayon kung saan ipinagawa ko ang gulong. Sa wakas ay nakarating ako sa bahay sa ganap na alas-tres ng madaling araw, naninigas sa ginaw at pagod na pagod.
Minsan naman, habang paalis ako mula sa isang kongregasyon patungo sa isa pa, dumulas ang motorsiklo at bumagsak sa tuhod ko. Bunga nito, napunit ang aking pantalon at basang-basa ito ng dugo. Wala na akong iba pang pantalon, kaya nang gabing iyon ay nagpahayag ako na suot ang pantalon ng ibang kapatid, na talaga namang malaki sa akin. Gayunman, walang kahirapan ang makapagpapabago sa aking pagnanais na paglingkuran si Jehova at ang mahal na mga kapatid.
Sa isa pang aksidente, ako ay malubhang nasaktan, anupat nabali ang aking braso at nabungi ang aking mga ngipin sa harap. Noon ako dinalaw ng aking kapatid na babae, na hindi Saksi, na naninirahan sa Estados Unidos. Anong laking ginhawa nang tulungan niya akong bumili ng isang bagong awto! Nang mabalitaan ng mga kapatid sa sangay sa Atenas ang tungkol sa pagkakaaksidente ko, pinadalhan nila ako ng isang nakapagpapatibay-loob na liham, at bukod sa iba pang mga bagay ay inilakip nila ang mga salita ng Roma 8:28, na nagsasabi sa isang bahagi: “Pinangyayari ng Diyos na magtulungan sa isa’t isa ang lahat ng kaniyang mga gawa ukol sa kabutihan niyaong mga umiibig sa Diyos.” Muli’t muli, ang katiyakang ito ay napatunayang totoong-totoo sa aking buhay!
Isang Magandang Sorpresa
Noong 1963, gumagawa ako kasama ng isang special pioneer sa isang nayon na kung saan ang mga tao ay hindi tumutugon. Napagpasiyahan naming gumawa nang magkahiwalay, anupat bawat isa ay gagawa sa magkabilang panig ng lansangan. Sa isang bahay, halos kasabay ng pagkatok ko sa pinto ang paghaltak sa akin ng isang babae papasok at isinara at ikinandado ang pinto sa aking likuran. Ako ay nagulumihanan, anupat takang-taka sa nangyayari. Di-nagtagal pagkaraan, dali-dali rin niyang pinapasok ang special pioneer sa loob ng bahay. Pagkatapos ay sinabi ng babae: “Tahimik! Huwag kayong gagalaw!” Pagkaraan ng ilang sandali, nakarinig kami ng galít na mga tinig sa labas. Hinahanap kami ng mga tao. Nang pumayapa na ang lahat, sinabi ng babae sa amin: “Ginawa ko ito para sa inyong sariling proteksiyon. Iginagalang ko kayo sapagkat naniniwala ako na kayo ay tunay na mga Kristiyano.” Buong-kataimtimang pinasalamatan namin siya at lumisan, anupat iniwanan namin siya ng maraming literatura.
Pagkalipas ng labing-apat na taon, samantalang dumadalo ako ng isang pandistritong kombensiyon sa Gresya, isang babae ang lumapit sa akin at nagsabi: “Kapatid, naaalaala mo pa ba ako? Ako ang babaing nagkubli sa inyo mula sa mga mang-uusig nang pumaroon kayo sa aming nayon upang magpatotoo.” Siya ay nandayuhan sa Alemanya, nag-aral ng Bibliya, at nakisama sa bayan ni Jehova. Sa ngayon, ang kaniyang buong pamilya ay nasa katotohanan na.
Tunay, sa lahat ng mga taóng ito, kami ay pinagpala ng maraming “liham ng rekomendasyon.” (2 Corinto 3:1) Marami sa nagkapribilehiyo kaming matulungan na magkaroon ng kaalaman sa katotohanan sa Bibliya ay naglilingkuran na ngayon bilang matatanda, ministeryal na mga lingkod, at mga payunir. Tunay ngang kapana-panabik na makitang ang iilang mamamahayag sa mga sirkitong aking pinaglingkuran noong pasimula ng dekada 1960 ay sumulong nang hanggang mahigit na 10,000 mananamba ni Jehova! Ang lahat ng kapurihan ay sa ating Diyos ng maibiging-kabaitan, na gumagamit sa atin sa kaniyang sariling paraan.
“Sa Himlayan ng Karamdaman”
Sa mga taon namin sa gawaing paglalakbay, si Martha ay napatunayang isang pambihirang katuwang, anupat laging may masayang saloobin. Gayunman, noong Oktubre 1976, siya ay nagkasakit nang malubha at sumailalim sa isang makirot na operasyon. Siya ay nalumpo at nanatili sa silyang de-gulong. Paano kaya namin makakayanan ang gastusin at pighati sa emosyon? Sa minsan pang pagtitiwala kay Jehova, nadama namin ang kaniyang maibigin at bukas-palad na kamay. Nang ako ay umalis upang maglingkod sa Macedonia, namalagi si Martha sa tahanan ng isang kapatid sa Atenas para sa physical therapy. Tinatawagan niya ako sa telepono taglay ang mga nakapagpapatibay na mga salitang: “Mabuti naman ako. Magpatuloy ka, at kapag nakagagalaw na akong muli, sasamahan kita habang ako’y nasa aking silyang de-gulong.” At iyan mismo ang ginawa niya. Ang aming mahal na mga kapatid sa Bethel ay nagpadala sa amin ng maraming nakapagpapatibay-loob na liham. Laging ipinaaalaala kay Martha ang mga salita sa Awit 41:3: “Aalalayan siya ni Jehova sa himlayan ng karamdaman; ang buong higaan niya ay papalitan mo nga sa kaniyang pagkakasakit.”
Dahil sa mga suliranin ng malubhang sakit na ito, napagpasiyahan noong 1986 na magiging angkop para sa akin na maglingkuran bilang isang special pioneer sa Kaválla, kung saan nanirahan ako malapit sa pamilya ng aming mahal na anak na babae. Noong nakaraang Marso ay pumanaw na ang aking mahal na si Martha, tapat hanggang sa wakas. Bago siya namatay, kapag tinatanong siya ng mga kapatid ng: “Kumusta ka?” ang kadalasang sagot niya ay: “Yamang malapit ako kay Jehova, ako’y mabuting-mabuti!” Kapag naghanda kami para sa mga pagpupulong o tumanggap ng kaakit-akit na mga paanyaya upang maglingkod sa mga lugar kung saan malaki ang pag-aani, laging sinasabi noon ni Martha: “John, doon tayo maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan.” Hindi niya kailanman naiwala ang kaniyang masigasig na espiritu.
Ilang taon na ang nakalilipas, kinailangan ko ring harapin ang isang malubhang suliranin sa kalusugan. Noong Marso 1994, nasuri na ako ay may nakamamatay na sakit sa puso, at kailangan ng operasyon. Minsan pang nadama ko ang maibiging kamay ni Jehova na umaalalay sa akin sa mapanganib na panahon. Hinding-hindi ko malilimutan ang panalanging binigkas ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa tabi ng aking higaan nang lumabas ako sa intensive care, gayundin ang pagdiriwang ng Memoryal na aking pinangunahan doon mismo sa aking silid sa ospital kasama ang apat na pasyente na nagpakita ng interes sa katotohanan.
Si Jehova ang Aming Naging Katulong
Mabilis na lumilipas ang panahon, at ang aming laman ay humihina, ngunit ang aming espiritu ay napananariwa sa pamamagitan ng pag-aaral at paglilingkod. (2 Corinto 4:16) Tatlumpu’t siyam na taon na ngayon ang nakalilipas mula nang sabihin kong, “Narito ako! Suguin mo ako.” Ito ay isang lubos, maligaya, at kapaki-pakinabang na buhay. Oo, kung minsan ay nadarama kong “ako ay napipighati at dukha,” ngunit masasabi ko nang may pagtitiwala kay Jehova: “Ikaw ang tulong sa akin at ang Tagapagligtas ko.” (Awit 40:17) Tunay na siya ay isang Diyos ng maibiging-kabaitan sa akin.
[Larawan sa pahina 25]
Kasama si Martha noong 1956
[Larawan sa pahina 26]
Ang daungan sa Kaválla
[Larawan sa pahina 26]
Kasama si Martha noong 1997